Kinayayamutan ko itong si Rogelio G. Mangahas, at may mabigat na dahilan. Kinayayamutan ko siya dahil nang sulatin niya ang Mga Duguang Plakard at iba pang Tula (1971), binago niya ang pagtingin sa panulaang Tagalog, kung hindi man panulaang Filipino, noon. Apat na mahabang tula ni RGM ang tinumbasan ng apat na matalas na kritika nina Virgilio S. Almario, Bienvenido Lumbera, E. San Juan Jr., at Pedro L. Ricarte. At ang matindi, nabago rin pagkaraan niyon ang estado ng panunuring pampanulaan sa Filipinas na hitik sa mga sampay-bakod na panunuri noong mga nakalipas na dekada.
Naiinggit ako tuwing binabalik-balikan ko ang masinop na koleksiyon ni Koyang Roger, ang paboritong taguri sa kaniya ng mga kakilala.
Ang kaniyang mga taludtod ay hitik sa musika, at ang musikang iyon ay banayad na umaangkop sa mga imahen, ang mga imaheng may pambihirang pahiwatig dahil sa maingat na kombinasyon ng mga salita, bantas, at diwa. Sabihin nang naanggihan ng impluwensiya si RGM nina Eliot, Lorca, Quasimodo, at iba pa, ngunit ang gayong impluwensiya ay nilampasan ng makata. Ang sumilang sa mga tula ni RGM ay hindi hilaw na panggagagad, bagkus matatalim na tulang magmumula lamang sa marubdob na pagdama’t malalim na pagmumuni.
Naitala rin sa koleksiyon ni RGM ang kulay ng kaniyang panahon. Ang masilakbong protesta laban sa namamayaning bulok na pamumuno ng rehimen ni Pang. Ferdinand E. Marcos; ang bagabag at lungkot ng madlang naghahanap ng lunas sa kahirapan; at ang paghahanap ng sarili ng karaniwang mamamayang nangangapa ng puwang sa lipunan at ng kaugnayan sa kaligiran. Ngunit higit pa rito, bumabalik ang mga tauhang kathang isip ng makata sa lalawigan upang itambis sa lungsod, kaya maiisip din na walang hanggahan ang lalawigan at ang lungsod kundi yaon ay nasa isip lamang ng bawat tauhan.
Pinakapaborito ko sa lahat ang tulang “Mga Duguang Plakard,” na inialay ng makata para sa mga rebolusyonaryong demostrador na namatay noong 30 Enero 1970 sa Mendiola. Bago pa naganap ang Mendiola Masaker noong administrasyon ni Pang. Corazon Aquino, nangyari na sa Mendiola ang madilim na tagpong paulit-ulit nagiging bangungot para sa sinumang awtoridad na ibig solohin ang kapangyarihan. Sino ang makalilimot sa mga taludtod ni RGM? “Bawat plakard ng dugo’y isang kasaysayan./ Isang kasaysayan sa loob ng mga kasaysayan./ Mga kasaysayan sa loob ng isang kasaysayan./ Kangina pa namimigat, kangina pa kumikinig/ ang ating mga palad, wari’y mga/ munting bungong may kutsilyong nakatarak./
Walang pangingimi ang mga taludtod ni RGM. Pinalaya niya ang wikang Tagalog sa lárang ng politika at ideolohiya, at ang nasabing wika ay hindi nanatiling lalawiganin bagkus umakyat sa pambansang antas. Ang kinakalaban kung gayon ng makata ay mahihinuhang hindi lamang sa panlabas na lipunan, kundi maging sa panloob na estado at kumbensiyon ng panulaang Filipinas. Bagaman bihirang magkasabay ang agos ng kasaysayan ng lipunan at ang kasaysayan ng panitikan, nagkataong nagkasalikop ang mga iyon sa panahon ni RGM na higit na lalakas nang makipagkapit-bisig at bumuo ng tungko kina Rio Alma at Lamberto E. Antonio.
Sina Mangahas, Rio Alma, at Antonio ang sa aking palagay ang nagbukas ng masilakbong panahon ng tula ng pagtutol noong panahon ng Batas Militar. Gayunman, hindi magpapakulong ang tatlo sa gayong madilim na kahapon at sa halip ay magsusulong ng isang kilusang may pambihirang uri ng pagsusuri sa kaligiran at panitikan magpahangga ngayon. Ang Gagamba sa Uhay (2006) ni RGM ay testamento na naroroon ang bangis ng isang tarikan. At ang kakatwa’y ang napahigpit na padron at panuntunan ng haiku ay nilampasan ng makata upang lumikha ng tulang Filipino.
Kinayayamutan ko itong si Koyang Roger Mangahas. At marahil, may kaugnayan dito na hindi na kami nag-iinuman sa Timog, umaakbay sa mga anghel, at bumibigkas ng mga talinghagang tanging mga tarikan lamang ang nakaaalam.