Batutian: Diyalogo sa Tula

Malaki ang naging impluwensiya ng balagtasan sa buhay ng mga Filipino noon, dahil sa unang pagkakataon ay nasilayan sa entablado ang paligsahan sa pagtula at pangangatwiran ng dalawang makata. Ang balagtasan, na hango sa pangalan ni Francisco Balagtas, ay lumitaw noong 1924, at lumunsad sa dating popular na duplo. Pinakatanyag sa lahat ang pares na Jose Corazon de Jesus at Florentino T. Collantes, na walang makahihigit hangga ngayon. Ngunit hindi magtatagal ang balagtasan, dahil na rin sa pagsulpot ng radyo at telebisyon, na pawang pumatay sa halina ng entablado.

Ang mahika ng balagtasan ay malilipat sa mga magasin o pahayagan, at ilalathala noong 1940 sa magasing Mabuhay Extra ang balagtasan nina De Jesus at Amado V. Hernandez, kahit may walong taon na ang nakalilipas nang yumao si Batute. Samantala, lilitaw ang isa pang uri ng balagtasan, na tatawagin noong “batutian” na hinango naman sa pangalan ni “Huseng Batute,” ang alyas ni De Jesus.

Kabilang sa mga katangian ng Batutian na lumabas sa mga magasin noon ang pagtataglay ng siste, ang pagtalakay sa kasalukuyang isyung pampolitika o pangkultura, ang pag-antig sa damdamin ng mambabasa, ang pagpapalitan ng katwirang maaaring taglayin ng magkatunggaling sektor. Ang daloy ng pangangatwiran ay maluwag ang lohika, at hindi tulad sa mga tekstong prosa. Heto ang halimbawa ng Batutian na nalathala sa Sinag-Tala noong 1946, at isinulat ng di-nagpakilalang awtor, na makikilala pagkaraan na si Manuel Principe Bautista na noon ay katuwang na editor sa naturang magasin.

Bambu Inglis vs. Wikang Pambansa (Batutian)

Lakambini (kay Huwan):

Namamanaag na sa dakong silangan
Ang kulay ng iyong magandang liwayway;
Bukas, sa pagsikat ng palalong araw,
Isa kang watawat na mamamagayway!

Mula sa Kanluran: dinala ng alon
Sa iyong pasigan ang tapat na layon;
Sa buton ng abo: ikaw ay babangon
Na malayang bayan sa habang panahon.

Paulo:
Huwan,tanggapin mo ang pakikilugod
Ng isang kasama sa tuwa at lungkot,
Binabati kita: ang tapat na loob
Ay madarama mong laging naglilingkod.

Huwan:
Tapat na dibdib ay iyong damahin
At pasasalamat ang tibok na angkin
Ako’y sasaiyong gunita’t panimdim
Habang ang silangan ay silangan pa rin.

Paulo:
Kaya, nang malubos ang pagkabanas mo,
Ako ay may isang mungkahi sa iyo:
Tagolog na ingles ang panukala ko
Na wikang gamitin-du yu get mi ako?

Huwan:
Ano, mister Paul, nalalaman mo ba
Kung ano ang iyong tinuran kanina?

Paulo:
Wat is rong may pren Wan, sa nasyonal langweds
Kung ito’y gagawing Pilipinais Ingles?

Huwan:
Sa iyong sarili’y manainga ka nga,
Kung ano ang iyong dinalit na wika;
Kung ganyan, katoto, ang wikang pambansa:
Anong wika iyan-mestisong baluga?

Paulo:
Huwag kang magtawa-do yu nat anderstan
Ang ingles na wika ay pangyunibersal;
Bilang isang nesyon: kinakailangan
Na maanderstan ka ng iba pang bayan.

Ang Tagalog langweds ay pang Pi Ay lamang,
Di maikukumper sa Ingles, mister Wan;
At sa diplomatik na mga usapan,
Magagamit mo ba ang langweds mong iyan?

Huwan:
Dapat mong mabatid na ang pagkabansa
Ay makikilala sa sariling wika,
Bakit pipiliting ako’y magsalita
Ng wikang di akin-hiram at banyaga?

Paulo:
Tingnan mo nga kami-bakit ang inadap
Ay wikang mula pa sa ibayong dagat?
Tulad ng Bretanya: kami ay umunlad
Gayong wikang hiram ang aming binigkas!

Huwan:
Kung iyan ang iyong wikang sinasabi,
Wikang pinagmula’y higit na mabuti.

Paulo:
Tingnan ang Hapon sa klos dor palisi
Ang ginamit lamang ay wikang sarili;
En wat is di risolt op dat pangyayari,
Natutong sulatin ay magulong kandyi.

Huwan:
Nakakatawa ka, hindi naging hadlang
Sa bayan ng Hapon ang wikang minahal;
Ang simula”t dulo ng ganyang dahilan
Ay dala ng kanyang mga kaimbutan.

Paulo:
Kaya tingnan natin kung saan hahantong
Ang nasyonal langweds na onli por pinoy.

Huwan:
Ang nakakatulad nitong pagtatalo:
Pork tsap at hambardyer ang wikang Ingles mo;
Ang wikang Tagalog naman ay adobong
Masarap sa akin nguni’t di mo gusto.

Dapat mong malamang ang wikang pambansa
Ay kinamulatan mulang pagkabata;
Ito ay ang buhay, kaluluwa at diwa. . .
Ng pagkalahi ko sa balat ng lupa!

(Wakas)

Mula sa Sinag-Tala, Hunyo 20, 1946, pahina 8, at orihinal na akda ni Manuel Principe Bautista. Malalathala muli ito sa aklat na 2: Tula: Manuel Principe Bautista, Sanaysay: Liwayway A. Arceo (UP Press, 1998, mp. 68–72).

32 thoughts on “Batutian: Diyalogo sa Tula

  1. So helpful, ito yung e-re-report ko bukas sa Filipino subject namin. ( Actually apat na tulang patnigan: Duplo, Karagatan, Balagtasan at Batutian ) Nakaka enjoy-magbasa sa halimbawang tula ng Batutian. May halong Tagalog at English ang sinasabi ni Paulo o Paul. Haha, pareho din kami ng pangalan, Fil-Am din ako eh. Haha, thank you. =)

    Like

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.