Resureksiyon at Larawan ng Bayan, ayon kay Aurelio Tolentino

Binasa kong muli ang Kahapon, Ngayon, at Bukas (Larawan ng Bayan) na mahabang tulang pasalaysay ni Aurelio Tolentino noong nakaraang linggo. Nalathala ang munting aklat noong Setyembre 1913, at mula sa Limbagang Tolentino na may tanggapang nasa San Nicolas, Maynila.

Ang totoo’y nakasaad sa dahong pambungad na “novelang Tagalog” ang akda, ngunit nakasaad naman sa ilalim na “Tula ni Aurelio Tolentino.” Mahihinuha rito na wala pang malinaw na pagtatangi kung ano ang “nobela” at ang “tula” sa panitikang Tagalog, dahil ang mismong “nobela” o “maikling kuwento” ay maituturing na bagong uri ng panitikang nagsisimula pa lamang mamukadkad sa panig ng Tagalog noong bungad ng siglo 20.

May 84 pahina ang akda ni Tolentino, at malayo sa bersiyon ng dulang naging sanhi upang ibilanggo siya ng rehimeng Amerikanong takot sa paghihimagsik ng mga Filipino. Pito ang kabanata ng tula, at kabilang dito ang “Talimhagang Paalam,” “Ang Libingan ni Lakhang Bayan,” “Watawat ng Kalayaan,” “Ang Mag-inang Bihag,” “Pangakong Mahigpit,” “Maligayang Kababalaghan,” at “Natupad ang Tipan.” May pambungad namang “Patungkol” na alay ng awtor sa kaniyang “bayang pinakaiibig.”

Apat lamang ang pangunahing tauhan sa tula: una, si Raha Lakhang Bayan; ikalawa, si Samuel, ang banyagang kaibigang naging kaaway ni Lakhang Bayan; ikatlo, si Kalayaan, na esposa ni Lakhang Bayan; at si Mithi, na anak nina Lakhang Bayan at Kalayaan.

Payak lamang ang daloy ng kuwento. Bago pa man dumating ang mga banyagang mananakop ay pinaghaharian ang kapuluan ni Raha Lakhang Bayan. Ang nasabing raha ay inilarawang “matapang,” “matalino,” “bantog,” “mayaman,” “dakila,” at “tagalog na wagas.” Payapa niyang napamahalaan ang bayan, at naging katuwang sina Kalayaan at Mithi.

Samantala, ang kaniyang kaibigang si Samuel (na sagisag sa “Estados Unidos”) na mula pa sa ibayong dagat ay inilarawang “pantas at mayaman,” “lahing puti,” at napadako umano sa kapuluan upang tulungan si Raha Lakhang Bayan na patumbahin ang “kaaway na walang kasing-lupit” (na mahihiwatigang sumasagisag sa Espanya).

Matapos daluhan si Raha Lakhang Bayan ay lalabis ang pagnanasa ni Samuel na palawakin ang lupaing sakop o tirahan nito. Sasalakayin ni Samuel ang kuta ni Lakhang Bayan, at pataksil na papatayin ito bago itapon sa bangin. Susunugin ng hukbo ni Samuel ang saklaw ng Lakhang Bayan, at mapipilitang lumikas tungo sa gubat at parang ang mag-inang Kalayaan at Mithi. Ngunit hindi magtatagal ay mabibihag ni Samuel ang mag-ina. Bibihisan ng banyagang damit ang mag-ina, at pipilitin silang mamuhay gaya ng nakagisnan ni Samuel. Magpapasok din ng pagbabago si Samuel mulang impraestruktura hanggang edukasyon hanggang ekonomiya, ngunit ang lahat ng iyon ay mula pa rin sa yaman ng Lakhang Bayan at hindi mula sa bulsa ni Samuel. Magpapataw ng malaking buwis si Samuel sa kaniyang sakop, na lalong magpapahirap sa mga mamamayan.

Isang gabi, nanalangin si Samuel sa Maykapal kung tapos na ang kaniyang tungkulin para sa bayang sinasakop niya. Sinagot siya ng kalikasan, at makaraang kumulog at kumidlat, bumangon sa libingan si Raha Lakhang Bayan. Magkakabati ang dalawa, at ibibigay naman ni Samuel ang kalayaan sa bayan ng naturang raha.

Hitik sa alusyon ang naturang tula, ngunit kung may pagkakahawig man ang mga iyon sa kasaysayan ay lubhang napabawa na ng awtor. Ang mapagkandiling asimilasyon na isinulong ng Estados Unidos sa Filipinas ay halatang pinatatamaan sa tula, ngunit ang pagwawakas ng Amerikanisasyon matapos “igawad” ang kalayaan sa Filipinas ay hindi ganap na matutuldukan. Manapa’y lalong lalakas ang puwersa ng Estados Unidos sa Filipinas, mulang edukasyon hanggang sandatahang lakas, at mulang kultura hanggang negosyo at moda. Iigting din ang kutsabahan ng mga maykayang pamilya at ng rehimeng Amerikano, at ito ang lilitaw mulang agrikultura at industriya hanggang politika at kalakarang ipinakilala ng Amerika sa Filipinas.

Marahil may kaugnayan dito ang panggigipit ng estado sa gaya ni Tolentino na ipinakulong saka binugbog at pinahirapan ng mga Amerikano sa loob ng bilibid noong 1903. Pinaratangan si Tolentino na naghahasik ng sedisyon dahil sa pagtatanghal ng dulang Kahapon, Ngayon, at Bukas sa Teatro Libertad, Santa Cruz, Maynila. Itinampok sa dula ang pananakop ng mga banyaga sa Filipinas, at nagbabanta na armadong pag-aaklas ang taumbayan nang makamit ang kalayaan. Nakalaya lamang si Tolentino nang patawarin siya ni William Cameron Forbes matapos ang siyam na taon sa bilangguan.

Napakapayak ang tumbasan ng mga sagisag sa tula ni Tolentino, at ang resureksiyon ni Raha Lakhang Bayan ay itinadhana ng Maykapal—imbes na mula sa lakas ng taumbayan—at nabahiran ng biblikong pahiwatig. Pambihira rin ang resureksiyon, dahil ihuhudyat iyon ng pagdating ng ibon at hayop na pawang ilahás, habang yumayanig ang lupa at animo’y sasabog ang bulkan. Kung bakit nagkaisa ang naturang mga ibon at hayop at salubungin ang resureksiyon ni Raha Lakhang Bayan ay dapat pag-aralan pang maigi. Kung ang nasabing tagpo ay alusyon sa panibagong himagsikan, nakahihindik ang tagpo dahil nagbabalikwas ang likas na kaligiran sa rehimen ni Samuel at si Samuel sampu ng kaniyang hukbo ay nanganganib na lurayin ng naturang mga ibon at hayop.

Sa kabila ng lahat, ang anumang kahinaan ng Kahapon, Ngayon, at Bukas ay wala sa nilalaman, bagkus sa mga salik na hindi naipaloob dito. Ang nasabing akda ay tila munting introduksiyon lamang sa “kasaysayan,” ngunit kaululan kung iisipin ang gayon dahil may sariling lunan ang nasabing tula na bukod sa kasaysayan. Dumudukal nang malalim ang tula sa tradisyon ng awit at korido, gayunman ay lumalampas pa rin doon dahil ang paksa ng tula ay malayo sa mga pakikipagsapalaran ng hari o prinsipe, bagkus ng isang bayang naghahanap ng kalayaan matapos sakupin ng dayo.

Ang unang kabanata ng tula, na pinamagatang “Talimhagang Paalam,” ang pinakamagandang seksiyon kompara sa iba. Pambihira ang palitan ng opinyon nina Raha Lakhang Bayan at Samuel, at sinematiko ang pagwawakas nang ihagis ni Samuel sa bangin si Raha Lakhang Bayan. Maalam din si Tolentino sa mga alusyong buhat kina Flavius Vegetius Renatus, Aristotle, Sun Tzu, Herbert Spencer, Sigmund Freud, Robert Burton, at iba pa na pawang isinalin niya sa bibig ni Samuel na kausap noon si Raha Lakhang Bayan. Halimbawa na rito ang sumusunod:

Ang ibig mamuhay sa katahimikan
ay dapat gumayak sa mga labanán,
ang nagkailangan ng saganang buhay
ay dapat humarap sa mga patayan.

Na tila hango sa winika ni Vegetius na “Qui desiderat pacem, praeparet bellum” (He who desires peace must prepare for war) o kaya’y ni Aristotle na “Nakikidigma tayo upang makapamuhay sa kapayapaan” (We make war that we may live in peace).

Taliwas naman iyon sa mga konsepto ng Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, at lilitaw sa mga terminong gaya ng “katwiran,” “bait,” “dangal,” at “pag-ibig” na pawang mamumutawi sa mga labi nina Raha Lakhang Bayan, Kalayaan, at Mithi. Ang maganda sa tula’y waring sinadyang gawing simple ang taludturan, gaya ng sa awit ni Francisco Balagtas, at iniayon sa madlang mambabasang naghahanap ng bagong panitikang makapagbubukas ng kani-kanilang isip.

Hindi pa tapos ang larawan ng bayang iginuhit ni Tolentino sa pamamagitan ng tula. Ang “Búkas” sa tula ni Tolentino ay patuloy na nagaganap ngayon, at ito ay hindi lamang sasaklaw sa kalayaan at kasarinlan, bagkus maging sa katarungan at kaunlaran. Kinakailangang suriin din muli ang “Kahapon” dahil masalimuot ang pag-aaral ng kasaysayang alinsunod sa pananaw ng mga Filipino. Marahil, nasa kamay na ng bagong henerasyon ng mga Filipino kung ano ang naaangkop na larawan ng bayan na kanilang iguguhit sa pag-iral sa kasalukuyan, alinsunod sa kanilang karanasan, at sa nabubuong agos ng kasaysayan. (Roberto T. Añonuevo)

17 thoughts on “Resureksiyon at Larawan ng Bayan, ayon kay Aurelio Tolentino

  1. …ang galing…malaking tulong sa akin at sa mga mag-aaral ko ang isinagawa mong pagsusuri… subali’t sadya nga bang ang akda ay tula? sa mga aklat pampanitikan sa highschool, inuuri ito bilang isang dula…salamat ulit…God bless

    Like

    • Sikapin kong halungkatin ang aking baul at maghanap ng tula ni Aurelio Tolentino. Samantala, makabubuting magtungo ka sa mga silid-aklatan at doon magsaliksik. Kung tinatamad ka ay subukin mong puntahan ang mga silid-aklatan sa ibayong-dagat, at maaaring nagpapaskil sa internet ng ilang tula ni Tolentino.

      Like

    • Nais ko sanang basahin ang Kabuuan ng Kahapon, Ngayon at Bukas bilang bahagi ng aming Proyekto sa Pananaliksik. Ngunit sa kasamaang palad wala po akong mahanap sa aming silid-aklatan. Saan po kaya ako makakakita ng kopya nito.

      Like

  2. Kaugnay ng tanong ni Romnelle DeLos Reyes:
    Ang Kahapon, Ngayon, at Bukas ba ay batay rin sa tatlong katanungan ng Katipunan sa kanyang nagnanais sumapi: Kalagayan ng lipunan bago dumating ang mga mananakop (kahapon), kalagayan nito sa kasalukuyan (sa ilalim ng mananakop), at magiging kalagayan nito batay sa pagkilos ng taumbayan (bukas) ?

    Like

Mag-iwan ng puna

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.