Nasambit minsan ni Lamberto E. Antonio na sa kaniyang mga nasulat na libro, ang Pingkian, “ang sumasagisag sa mahigit apat na dekada ng aking pakikipagtuksuhan at pakikipag-iringan sa buhay at panitikan.” Sa mga di-pamilyar sa panulaang Filipino, ang Pingkian ang bersiyon ng epiko ni Lamberto hinggil sa buhay ni Emilio Jacinto, at binubuo ng 1,412 taludtod na ikinalat sa labing-anim na bahagi. Nakalahok ang nasabing tula sa Pingkian at Apat pang Aklat ng Tunggalian (1997) na inilathala ng Ateneo de Manila University Press.
Ginamit ni Lamberto ang tanyag na anyo ng awit na ang rurok ay nasa akda ni Francisco Balagtas na Florante at Laura, na ang bawat saknong ay binubuo ng lalabindalawahing pantig, na may hati (caesura) sa bawat ikaanim na pantig. Ngunit ang dulong tugmaan ng mga taludtod ni Lamberto ay hindi ang karaniwang isahan (aaaa, bbbb, cccc, atbp) ni Balagtas, bagkus salitan (abab, cdcd, efef, atbp). Iba rin ang timpla ng mga salita ni Lamberto, na masasabing magaan sa unang malas ngunit sumasapol sa puso pagsapit sa mambabasa dahil sa pambihirang pagtatambal ng mga salita, hulagway, pahiwatig, at pakahulugan.
Ang buong tula ay inipit sa prologo at epilogo, na ang tinig ay mula sa bukod na tagapagsalaysay upang lapatan ng paglulugar ang buong daloy ng salaysay. Pagsapit sa unang bahagi ng salaysay, ang tinig ng tagapagsalaysay ay maisasalin sa bibig ni Jacinto, at si Jacinto bilang anak, estudyante, mamamayan, maghihimagsik, at utak ng Katipunan ang magsisiwalat ng mga pangyayari ukol sa Katipunan, at sa buhay nina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Aguinaldo, bukod sa mga kontrobersiyal na yugto ng iringan ng Magdalo at Magdiwang.
Bagaman nakabatay sa kasaysayan, ang nasabing tula ay nalalahukan ng mga kathang-isip na waring pagtantiya sa maaaring maganap sa buhay o kaligiran ni Jacinto. Sa ganitong pangyayari, ang Pingkian ni Lamberto ay maiisip na hindi tapat na salamin ng realidad, bagkus humulagpos doon upang isadula ang makulay na daigdig ni Jacinto. Lumilikha kung gayon ng sariling realidad ang tula ni Lamberto, at ang nasabing realidad na bagaman may kislap ng pangyayari sa kasaysayan ay iba nang kasaysayan na maituturing na “kinathang kasaysayan.”
Makapangyarihan ang personang si Pingkian, kapag ang isinasalaysay ay hinggil sa pamilya ni Jacinto o kaya’y sa pambubusabos ng mga frayle at guwardiya sibil. Samantala, magkakaroon ng ilang pagdududa sa ilang yugto, lalo sa yugto ng Katipunan, dahil sa banggit sa ilang salitang gaya ng “rebolusyon,” “Pilipino,” “Pugad Lawin,” at iba pa. Maingat sina Jacinto at Bonifacio hinggil sa mga terminong kanilang ginagamit sa kanilang kilusan, at hindi nila ituturing ang sariling “Filipino” bagkus “Tagalog” upang itangi sa mga Espanyol na ipinanganak sa kapuluan ng Filipinas o kaya’y sa mga ilustrado na naniniwala sa kalinga ng Madre Espanya.
Mananalig sina Jacinto at Bonifacio sa Katagalugan, at ang nasabing salita ay simula ng pagdalumat sa kabansaan na malayo sa nasyon ng Espanyol at ilustradong gaya ni Rizal. At isasakatuparan nila iyon sa pamamagitan ng “himagsikan” imbes na “rebolusyon” na inangkat sa ibayong-dagat. Ano’t anuman, hindi na masyadong mahalaga ito, dahil ang tula ay isang hiwalay na salaysay mula sa kasaysayan ng himagsikan.
Nakapanghihinayang na waring iniwasan kung hindi man kinaligtaan sa tula na isiwalat ni Jacinto sa kaniyang punto de bista kung ano ang ideolohiya ng Katipunan, at kung paano naiiba iyon sa mga isinusulong ng mga ilustrado-prinsipal. Ito ang malaking puwang na maaaring paglaruan ni Lamberto bilang makata ngunit nabigo niyang linangin, at kung ano man ang kaniyang dahil ay maaaring may kaugnayan sa kasalatan ng teksto hinggil sa Katipunan o sa buhay mismo ni Jacinto bilang maghihimagsik.
Ang Pingkian ni Lamberto ay maaaring basahin na parang pira-pirasong madulaing tagpo sa buhay ni Jacinto at ng himagsikang Katipunan. At dahil pira-piraso ay maaaring magkapuwang, at kumawala ang ilang detalyeng magbubunyag sa kabuuang anyo ng pangyayari sa Filipinas ng ilustrado at Katagalugan ng anakpawis. Ngunit ang maganda sa akda ni Lamberto ay ang pagtatangkang buuin, sa pamamagitan ng malikhaing paglingon sa nakaraan, kung ano ang mga maaaring naganap hinggil sa pagtatagpo ng mahahalagang tauhan, pagsasalimbayan ng mga di-masasagkaang pangyayari, at pagbabanggaan ng mga puwersang higit sa kayang isaisip ng isang mortal.
Malaki ang matututuhan ng bagong henerasyon ng mga estudyante sa pag-aaral sa epikong Pingkian ni Lamberto. At mapipilitan silang tingnan ang kasaysayan hindi lamang bilang karaniwang kronika na nakabilanggo nang lubos ang mga tauhan, bagkus isang yugtong lumulutang ang mga posibilidad. At doon, hindi lamang lilitisin ang mga importanteng tauhan sa kasaysayan, gaya nina Rizal, Bonifacio, at Jacinto, bagkus maging ang modernong mambabasa na naghahanap ng kanilang pagkamamamayan at matinong pagkilala sa kanilang kabansaan.
Nais ko lamang po iparating ang paghanga ko po kay G. Lamberto E. Antonio. sa ngayon po ay tinatalakay namin ang ilang mga tula niya po at ang isang akda na naataasan kami na suriin ay ” ang Gabi ng Isang Piyon”. nagkaroon po kami ng mahabang talakayan hinngil dito lalo na sa bahagi ng diskurso. bawat isa sa amin sa klase ay may kanya-kanyang pananaw sa tula. bagaman may kalayaan kaming ibigay ang aming kuru-kuro ay nais ko po sana na mabatid kung ano po ba talaga ang diskurso doon sa pananaw po ng may-akda. maraming salamat po!
LikeLike
Hindi mo dapat tinatanong ang panig ng may-akda, bagaman makatutulong iyan kung minsan. Kung susuriin ang tulang “Gabi ng Isang Piyon” ni Lamberto E. Antonio, mahihiwatigan ang pagkatiwalag ng piyon sa kaniyang sarili sa gitna ng pook ng konstruksiyon. Siya at ang paligid ay nagiging iisa; hindi siya makatakas sa kalunos-lunos na karanasan kahit ibig itakwil iyon ng kaniyang kalooban. Kinakain ang kaniyang pagkatao ng modernisasyon, at ang kaniyang buhay ay alinsunod sa dikta ng mga mayhawak ng kapangyarihan at produksiyon sa lipunan. Balikan ang Marxistang teorya ng pagbasa at lalong lilinaw ang inyong diskusyon.
Sa pananaw na Filipino, maaaring usisain ang katauhan ng piyon alinsunod sa konsepto ng “loob” at “labas” na unang ipinaliwanag ni Zeus Salazar; o kaya’y alinsunod sa pagdulog na ginawa ni Dr. Melba Maggay. Maraming paraan ng pagbasa at walang isang teorya o pagdulog ang masasabing tama lamang para sa tula ng iginagalang kong Lamberto E. Antonio.
LikeLike
lahat ng mga akdang pampanitikan ay maaaring lapatan ng kahit anong teorya depende ito kun ano ang nararapat na ilapat
LikeLike
maraming salamat sa pagtugon, bagama’t noong nakaraang taon pa ito. sa di- tuwirang paraan ay naging isa ito sa mga salik kung paano ako namulat sa kalagayan ng lipunan. sa ngayon, ako ay bahagi ng isang pangmasang organisasyon at mas lalo kung higit na naunawaan ang mga tula ni G. Lamberto E. Antonio. sa ngayon, muli kung binalikan ang kanyang tulang “PRUWEBA” na tumatak sa isipan ko, para gawan ng pagsusuri. ang tangi ko lang problema sa ngayon, dahil sa kakulangan ng panahon, wala akong mahanap sa internet na detalye ukol sa taon ng pagkakalimbag ng tulang ito sapagka’t ang kopya na nasa akin ay isa lamang sa koleksiyon ng mga babasahin na ibinigay ng Propesor ko noon sa PanPil 40. sana ay matulungan niyo ako. mraming salamat.
LikeLike
Hindi ko matandaan kung saan nalathala ang sinasabi mong tula ni Lamberto E. Antonio. Kung wala iyan sa Hagkis ng Talahib ay maaaring nasa Pagsalubong sa Habagat, o kaya’y sa pinakabagong koleksiyon niyang ilalathala ng Ateneo de Manila University Press.
LikeLike
Ano ang ibig sabihin ng salitang “Pingkian”?
LikeLike
Ang “pingkian” ay maaaring mangahulugan ng “kiskis” at sa matalinghagang pakahulugan ay maitutumbas sa “tunggalian,” “labanan,” at “sagupaan” ayon sa Tesawro-Diksiyonaryo ni Jose Villa Panganiban.
LikeLike
ano po ba nag kahukugan ng tula ni Lamberto Antonio na Sa pagkamatay ng isang newsboy kase hindi ko po mabigyan ng pagsusuri kase napakalalim ang mga salita..Hindi ko po alam kung literel ba eto o metapora..Patulong naman po..salamat ng marami
LikeLike
Hindi ako gumagawa ng asignatura, pero kung patatagayin mo ako ay matutulungan kita.
LikeLike