Ipagdiriwang sa 8 Mayo 2008 ang ika-65 taon ng pagkakalathala ng maikling kathang “Uhaw ang Tigang na Lupa” (1943) ni Liwayway A. Arceo. Mahalaga sa aking palagay ang nasabing araw dahil iyon ang magbubukas ng pinto kay Liwayway sa daigdig ng panitikang Tagalog, at pagkaraan, sa panitikang Filipino sa kabuuan. Pambihira ang hagod ng mga salita sa kathang “Uhaw ang Tigang na Lupa,” at hindi kataka-taka kung umani iyon ng mga papuri mula sa mahihigpit na kritiko.
Inilahad ang “Uhaw ang Tigang na Lupa” sa punto de bista ng isang anak na dalagita, at sa kaniyang mala-muslak na mata’y masisilayan ang matimpi, kung hindi man sikil na ugnayan, ng magkabiyak na ang lalaki’y manunulat at ang babae’y tapat na maybahay. Magkakalamat ang kanilang pagsasama, nang di-sinasadyang matuklasan ng babae na may ibang sinisinta ang kaniyang bana. Ngunit lilihis sa kakaibang wakas ang kuwento nang magkasakit, magdeliryo, at pagdaka’y mag-agaw-buhay ang lalaki. At bago ito malagutan ng hininga’y hiniling nito ang pagsang-ayon ng kaniyang kalaguyo sa bagong pagsasama. Sumagot ang kabiyak at nagkunwang kalaguyo—at pinagbigyan kahit napakasakit pakinggan ang gayong pagtataksil ng kaniyang bana.
Tapat at dalisay ang himig ng persona, at bawat kataga nito’y tila ibinubulong sa kaniyang saksing talaarawan. Kung naganap marahil ang tagpong iyon sa ngayon ay hindi na talaarawan ang anyo bagkus isa nang lahok sa blog. Ang paglalarawan sa mga tauhan, ang paghuhunos ng panahon, ang unti-unting pagbubunyag ng lihim, at ang maingat na pagkatalogo ng diwa’t damdamin ay pawang itatakda ng numero sa simula ng talata o pangkat ng mga talata.
Walang pasubaling naiiba ang hagod ng wika ni Liwayway sa iba pang manunulat na nauna sa kaniya, gaya nina Fausto Galauran, Valeriano Hernandez Peña, at Antonio Sempio, at kahit sa kaniyang kapanahong si Genoveva Edroza-Matute. Maindayog gaya sa musika ng tulang tuluyan ang pukol ng salita ni Liwayway. Ngunit hindi mahahaba ang pangungusap, at kung pinahaba man ay halatang sinadya upang patagintingin ang bagsak ng mga salita o diwa; hindi rin mapalamuti ang pandiwa o pang-uri; at lalong hindi makapagpapaantok ang monologo gaya ng sa mga tauhang nauuso noon. Heto ang ikalimang bahagi ng “Uhaw ang Tigang na Lupa” na maitatangi sa iba pang bahagi dahil waring sinadya rito ang repetisyon ng mga salita at paglalarga ng diwa:
Kung gabi ay hinahanap ko ang kaaliwang idinudulot ng isang amang nagsasalaysay ukol sa mga kapre at nuno at ukol sa magagandang ada at prinsesa, ng isang nagmamasid at nakangiting ina, ng isang pulutong ng nakikinig na magaganda at masasayang bata.
Nguni, sa halip niyon ay minamalas ko si Ama sa kaniyang pagsusulat, sa kaniyang pagmamanikilya, sa kaniyang pagbabasa. Minamasdan ko kung paano niya pinapangungunot ang kaniyang noo, kung paano niya ibinubuga ang asóng nagbubuhat sa kaniyang tabako, kung paano siya titingin sa akin na tila may hinahanap, kung paano niya ipipikit ang kaniyang mga mata, kung paano siya magpapatuloy sa pagsulat . . . .
Si Ina ay isang magandang tanawin kung nanunulsi ng mga punít na damit, kung nag-aayos ng mga uhales at nagkakabit ng mga butones sa mga damit ni Ama. Sa kaniyang pagbuburda ng aking mga kamison at panyolito-sa galaw ng kaniyang mga daliri-ay natutunghan ko ang isang kapana-panabik na kuwento. Nguni, ang pananabik na ito’y mapapawi.
Kabagut-bagot ang aking pag-iisa at ako ay naghahanap ng kasama sa bahay-isang batang marahil ay nasa kaniyang kasinungalingang gulang o isang sanggol na kalugud-lugod, may ngiti ng kawalang-malay, mabango ang hininga, may maliliit na na paa at kamay na nakatutuwang pisilin, may mga pisngi at labìng walang-bahid kasalanan at kasiya-siyang hagkan, o isang kapatid na kahulihan ng gulang, isang maaaring maging katapatan . . . .
Magaan ang ganitong uri ng pananagalog, at masasabing kauri ng wikang ginagamit kahit sa pagsusulatan ng mga karaniwang tao noon. Ngunit siyempre, hindi na uso ngayon ang ganitong uri ng wika. Ano’t anuman, kapupulutan pa rin iyon ng aral ng bagong henerasyon ng mga manunulat, gaya sa hanay ng mga manunulat sa Tagalog Online Pocketbook at iba pang literaturang pangkabataan. Mabuti nang mag-aral hinggil sa ating wika at panitikan, kaysa ipagpatuloy ang pangangapa at walang habas na katangahan.
Inaanyayahan ko kayong basahin muli si Liwayway A. Arceo. Basahin natin ang kaniyang mga nobela, kuwento, dula, sanaysay, at iba pang akda nang bukas ang isip at malayo sa prehuwisyo at haka ng ibang kritikong mababaw ang pagsusuri sa panitikang Filipino. Basahin at pahalagahan natin ang mga manunulat na Filipino alinsunod sa likas na agos ng kasaysayan ng panitikang pambansa habang gamit ang lente ng pagbasang magmumula lamang sa pananaw ng Filipino. Mabigat ito, subalit nakatitiyak akong kayo rin ang ganap na makatitighaw ng uhaw ng malawak, mayamang lupain ng ating pambansang panitikan.
astig!!!!!!!!!
salamat sa plugging!
tama ka, kung masyadong matigas ang pananagalog, baka hindi na maintindihan ng karamihan sa mga kabataan. (pero di naman masama kung gagawin ito sa isang pagtatanghal.)
ikanga, depende pa rin sa panahon ng paggamit. 😀
LikeLike
ang pangit ng nailimbag nyo wala bang iba???
LikeLike
Matuto kang magsaliksik sa silid-aklatan. Hindi ko kayang lutasin ang iyong katamaran.
LikeLike
thumbs up!!!!
tama ang inyong tinuran!!!!
salamat sa butil ng kaalaman!!!:)
LikeLike
penge po ng kasaysayan ng uhaw ang tigang na lupa
LikeLike
Magsaliksik ka sa mga aklatan, at mababasa mo roon ang kasaysayang hinahanap mo.
LikeLike
its so amazing ya know! 🙂 The short story is very interesting and fantastic. The expression was well depicted. It shows an impossible ending but it is very good.
LikeLike
ano po ba ang paksa ng kwento?
LikeLike
Nagbigay na ako ng munting kritika, at basahin mo muli ang aking akda.
LikeLike
Ano po ang ibig sabihin ng ‘lumigkit’? Ang salita po na ito ay nasa kuwento. Maraming salamat.
LikeLike
Basahin mo uli at baka ang ibig sabihin niyan ay “lumigpit.”
LikeLike