Muli na naman tayong ginigitla ni Fr. Arnel S. Vitor sa pamamagitan ng kaniyang pinakabagong aklat na Dilang-anghel (2007) na karugtong ng Bulong Pari (2005). Kung babalikan ang Bibliya, ang “dilang-anghel” ay may pinakamalapit na alusyon sa 1 Corinto 13:1, ngunit maihahakang literal na salin lamang o malikhaing halaw ang taguring “dilang-anghel” na mula sa “tongue of angels.” Ayon sa The Proverbs ni Damiana L. Eugenio, may apatnapu’t dalawang salawikain mula sa iba’t ibang wika sa Filipinas ang hinggil sa “dilà,” samantalang iisa lamang ang tungkol sa “anghel,” gaya ng “Anghel sa paningin,/ demonyo sa turing.” Ni isa’y walang bumanggit hinggil sa “dilang-anghel.” Hindi katutubo ang “dilang-anghel” o “anghel” sa atin, at maihahakang hatid iyon ng mga Kastilang fraile’t kolonisador.
Ngunit ang kasabihang “Magdilang-anghel ka nawa!” ay pagpapamalas din ng pag-angkin ng mga Filipino sa isang banyagang termino at ang paggamit nito sa konteksto ng mga Filipino. Pumasok sa bokabularyo ng karanasan ng karaniwang Filipino ang “dilang-anghel” na maitatambis sa gaya ng “dilang makamandag,” “dilang matamis,” “dilang matalas” o kaya’y sa “tainga ng lupa” at “taingang kawali.” Iba ang “dilang-anghel” ng Tagalog, halimbawa, kung ihahambing sa “tongue of angels” ng Ingles o Latin. Ang “dilang-anghel” na pangngalan ay may pahiwatig ng “kabanalan, katapatan, at katotohanan.” Samantalang ang “pagdidilang-anghel” sa Tagalog ay ang kaganapan ng isang katotohanan, ang katuparan ng isang hiling o pangarap, at ang pagtatagpo ng dibino at makalupang tadhana o hula.
Naiiba ang aklat ni Fr. Arnel sa karamihan ng mga babasahing relihiyoso. Ang kaniyang mga payo at sermon ay nabibihisan ng matalas ngunit katawa-tawang kuwento at daglî, ng matimyas na pag-unawa sa kapuwa Kristiyanismo at pagka-Filipino, at napalalamutian ng tula, halaw, at kritika upang maitulay ang espiritwalidad sa pamamagitan ng panitikan. Ang himig niyang patalastas ay kisapmatang napaghuhunos na himig kumbersasyonal, at nagsisikap na kausapin tayo sa wikang maaaring magtugma ang diskurso niya at ang diskurso ng madla. Magaspang, kolokyal, at kung minsan ay tila kolehiyalang pa-wers-wers ang kaniyang wika. Subalit naroon ang katapatan, at ang kakayahang kumambiyo sa matalim na pagmumuning magmumula lamang sa tao na nagtataglay ng malawak na karunungan at karanasan.
Mahilig magpatawa si Fr. Arnel, gayunman ay hindi nakaaasiwa ang kaniyang mga banat, dahil nakatuon ang kaniyang mga patawa sa sarili, at hindi gaya ng mga patawang napapanood natin sa telebisyon, ang mga patawang malimit libakin, linlangin, at pagkakitaan ang karaniwang mamamayan. Ngunit higit pa rito, pinangatawanan ni Fr. Arnel ang disiplina ng tula, at sa limitadong espasyo ay nailahok niya ang lahat ng ibig niyang ilahok sa pamamagitan ng talinghaga para makabuo ng isang bagong akda. Ang paggamit ng talinghaga ay isang mahalagang instrumentong matagumpay na naipamalas niya, at humahamon sa mga Filipino na balikan ang kanilang mahabang tradisyon ng ligoy at paghihiwatigan.
May isa pang iginigiit ang akda ni Fr. Arnel. At iyon ay ang kapangyarihan ng ating isip at guniguni na humanap ng mga padron sa ating paligid. Ang paghahanap ng mga padron ay maaaring matagpuan sa dasal at Bibliya, sa himala at parusa, sa kamatayan at katubusan, at maraming iba pa. Ang likás na paghahanap ng padron ng ating utak ay simula rin ng pagbubuo ng ating kolektibong gunita, na maaaring palaganapin ng midya at ideolohiya, ng relihiyon at paaralan, ng lahi at kasapiang mula sa iba’t ibang lárang. Naiiba ang akda ni Fr. Arnel dahil sinisikap nitong itampok ang pansariling gunita, na malimit natatabunan ng kolektibong gunita. Kailangan ang pansariling gunita, dahil ito ang magpapatingkad ng indibiwalidad sa karagatan ng kumbensiyonal at nakababatong pag-iral.
Magandang halimbawa rin ang akda ni Fr. Arnel para sa kaniyang mga kapuwa pari at relihiyoso. Ang akda niya ay nagbabalik sa panitikan, at humihilig sa panitikan, at nagtatangkang umukit ng pangalan sa lárang ng panitikang popular. Ang bisa ng gaan ng talakay ni Fr. Arnel ay mapapansing isang taktika lamang upang maihatid sa mga mananampalataya ang igting at bigat ng nilalaman ng pilosopiya at ugat ng simbahang kaniyang pinagsisilbihan. Ang nasabing pamamaraan ay malimit nakakaligtaan ng di-iilang pari at katekista, kaya dumarami rin ang inaantok sa mga de-kahong paliwanag hinggil sa kasaysayan ng kaligtasan ng sangkatauhan. Kailangan natin ang mga bagong pari at layko na mahilig sa panitikan, na mahilig magbasa at maglunoy sa tula, kuwento, nobela, dula, at iba pang uri ng panitikan, upang lalong lumawak ang ating kamalayan sa ating pananampalatayang pinanghahawakan.
Maituturing na isang uniberso ang Kristiyanismo, at ang nasabing uniberso ay hindi isang retrato, bagkus rolyo-rolyo ng pelikulang patuloy na umaandar at lumalago; at doon, tayo ang pangunahing aktor at kalahok. Ito ang tadhanang hindi natin matatakasan. Hindi estatiko ang Kristiyanismo, kung pagbabatayan ang halimbawa na ginawa ni Fr. Arnel, dahil kung gayon nga, matagal nang ekskomulgado siya o ipinako nang patiwarik sa krus dahil sa pagtataglay ng kaisipang may rebeldeng sungay ng isang makata o panitikero. Nahuhutok ng Kristiyanismo ang lipunan at pakikipagkapuwa; gayundin, nahuhutok ng lipunan at ugnayan ng mga tao ang Kristiyanismo sa iba’t ibang paraan. Ang mabisang pagpapasalikop ng dalawang panig ang ídeal na pangyayari; at maaaring mapalawig ng mga manunulat na pari, o paring manunulat, na gaya ni Fr. Arnel.
Maganda ang posibilidad na binubuksan ni Fr. Arnel, gayunman ay kailangang mag-ingat pa rin ang ibang ibig sumunod sa kaniyang yapak. Ang landas ng panitikan ay hitik sa mga patibong at laláng, wika nga ng Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio S. Almario. At idaragdag kong ang sinumang kumasangkapan sa panitikan ay maaaring malunod din sa sariling kumunoy, lalo’t ang panitikan ay gagamitin lamang upang ipaunawa ang isang kumbensiyonal na kabatiran, at hindi ganap na masusuri ang panitikan bilang panitikan. Ano ang ibig sabihin nito? Kailangan nating maging palasuri, kailangan nating buksan ang isip, kailangan nating palayain sa pagkalumpo ang bait at kalooban mula sa baluktot na paniniwala, gaya lamang ng isinaad ng Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto. Ngunit mahabang usapan ito, kaya magkasiya muna tayong pagbulayan ang sagradong Salita mula sa dilang anghel ni Fr. Arnel S. Vitor.
saan po kaya maaaring makabili ng kopya ng Dilang Anghel?
LikeLike
Nagdadala si Fr. Arnel ng kaniyang mga aklat tuwing nagmimisa. At sa aking pagkakaalam ay nakadestino siya ngayon sa Angono, Rizal.
LikeLike