Maraming kuwentong naisulat si Genoveva Edroza-Matute, at sabihin nang marami rin ang sablay o mabuwáy, ngunit ang ilan sa matatagumpay niyang kuwento ay nalathala noong 1948-1949, may 60 taon na ang nakalilipas, ang panahon ng kaniyang kasibulan. Ang panahon ng pagsibol ni Matute ay kaugnay ng nagbabagong anyo ng lipunang Filipino, na dumanas ng digma at nagbihis ng liberal na pananaw na hatid ng Amerikanisasyon, samantalang nagsisikap ang mga manunulat na Filipino noon na maitakda ang wikang pambansa at ang mataas na pamantayan sa pagsulat ng katha.
Sa “Ang Kuwento ni ‘Mabuti'” (1948), inilarawan sa punto de bista ng isang mag-aaral ang katauhan ng kaniyang gurong kung tawagin ay si “Mabuti” dahil sa nakagawian nitong simulan ang bawat pangungusap sa katagang “mabuti” tuwing magtuturo sa klase sa elementarya. Ngunit taliwas sa dapat asahan, ang tagapagsalaysay ay hindi muslak na bata, bagkus batang naghunos ang kamalayan upang maunawaan ang inililihim ng kaniyang gurong ang bana’y may ibang pamilya. Ang nasabing lalaki’y ibinurol sa ibang bahay nang mamatay, at mahihinuhang ang guro ay kabit ng naturang lalaki. Ang parikala ng kuwento’y ang taguring “mabuti” ay lumalampas na sa dating pagtanaw na “mabuting babae,” dahil ang babae na bagaman ulirang guro ay nagkakamali rin, at nalilinlang, at nadudungisan.
Maiisip na ang tagapagsalaysay sa kuwento ni Matute ay isang tao na nagbabalik sa kaniyang kabataan, at ang kaniyang paggunita ay walang bahid ng panunumbat, paghuhusga, at prehuwisyo. Ngunit ang nasabing tao rin ay masasabing hindi karaniwan, at posibleng babae rin, dahil tanggap niya ang katauhan ni Mabuti, at bukás ang isip sa komplikasyon ng mga relasyong pampamilya. Ang maganda sa kuwento’y iniiwan sa mambabasa kung ano ang magiging epekto ng pagkakatuklas sa buhay ng guro, at ang parikala’y ang guro na nagtuturo ay naging tulay mismo upang maituro sa mambabasa ang lihim at dilim na kaniyang nadarama.
Ngunit may isa pang kuwento si Aling Bebang, ang palayaw ni Matute, na dapat pag-ukulan ng pansin ng iba pang mahilig sa panitikan. Iyon ay walang iba kundi ang “Isang Araw sa Kawalang-Hanggan” (1949). Sa nasabing kuwento, si Gilda na hinubog sa tradisyonal na paraan ng kaniyang magulang ay ibig kumawala sa maka-lalaking pagkakahon ni Joven, na kaniyang kasintahang sumáma at nakipagtanan kay Rita. Nais ni Joven ang rikit at landi ng isang babaeng liberal ang pag-iisip, at bukás sa pakikipagtalik, gaya ni Rita at siyang ayaw ni Gilda. Ngunit si Gilda noon ay may pangarap na makatapos ng pag-aaral at umangat ang kabuhayan, at ipinagpaliban muna ang tawag ng laman. Dumating ang sandaling nagkaroon ng malubhang sakit si Joven, at nagdalawang-isip si Gilda kung dapat pa niyang dalawin ang dating kasintahan. Nagwakas ang kuwento na lumabas si Gilda sa silid ng ospital, luhaan, subalit nagpapahiwatig ng paghuhunos ng sarili tungo sa bagong katauhang kumakawala sa makitid na pagtanaw ng mahinang si Joven.
Payak lamang ang kuwentong ito ngunit higit na matagumpay kaysa sa kuwento hinggil sa guro. Pulido ang taktika ng paglalarawan sa tagpo sa ospital; sa pagkabiyak ng kalooban ni Gilda hinggil sa kaniyang propesyon; sa pananaw sa sinaunang kaugalian; at sa pagtanaw sa konsepto ng pagiging liberal sa pakikipagkarát sa lalaking minamahal. Ang higit na maganda’y ang pambungad na talata ng kuwento hinggil sa “kalamigan” ni Gilda sa pakikipagrelasyon ay winakasan ng isa pang naiibang “kalamigan” ng loob sa dulo ng kuwento, subalit nasa higit na mataas na antas na ang talinghaga o pahiwatig. Ang “kalamigan” ay hindi nangangahulugan ng pagkakait sa sarili ng ligaya o kaya’y pakikipagbalikan sa dating kasintahan. Bagkus ang nasabing “kalamigan” ay pagwawakas sa baluktot at sinaunang pananaw na sentimental na pagpapakamatay sa lalaking minamahal, kahit ang lalaking iyon ay tarantado sa sukdulang pakahulugan. Ang paglayo ni Gilda kung gayon kay Joven ay simula ng pagkakatuklas niya ng kapangyarihan bilang babae. Ang babaeng hindi magpapailalim sa kapangyarihan ng lalaki, ang babaeng may kakayahang humanap ng bagong kaligayahang hindi impotente o marupok na gaya ni Joven. Ang babaeng handang magmahal ng kaniyang sarili sa matuwid na paraan nang hindi isinasakpisyo ang dangal o pangalan. Ang gayong tiwala sa sarili ay lihis sa nakamihasnang iyaking babae na dating pinaniniwalaan sa lipunan.
Balita ko’y mahina na ang katawan ni Aling Bebang dulot ng katandaan o sakit, at siguro’y makabubuti kung madalaw siya sa kaniyang tahanan. Panahon na upang muli siyang parangalan bago tuluyang mamaalam sa mundong ito, dahil ano man ang bigat ng kaniyang pagkukulang ay tiyak kong hihigtan ng kaniyang matapat na pag-ibig sa ating sariling wika at panitikan.