Multo sa Pambansang Aklatan

Nabuksan muli ang sugat sa Pambansang Aklatan nang ibaba ang hatol ng hukuman sa mga nasasakdal sa paratang na pagnanakaw ng mga antigong dokumento. Napatunayang nagkasala si Rolando Bayhon y Facinado, ang dating mananaliksik ng National Historical Institute (NHI), sa pagnanakaw ng mahahalagang dokumentong aabot sa 1,859 piraso at pagbibili niyon sa mga kolektor. Samantala’y napawalang-sala naman ni Maria Luisa Moral, na dating hepe ng Filipiniana and Asia Division, dahil walang matibay na ebidensiya na kasangkot siya sa nakawan o kapabayaan. Ibinalik ni Moral noong 12 Mayo 1994 ang 97 dokumentong historikal, na aniya’y nawaglit kung saan sa aklatan noong panahon ng reorganisasyon, ayon na rin sa ulat ng Valliente P. Barroga, ang hepe ng seguridad sa aklatan. Matatapik naman sa balikat si Adoracion Bolos, ang dating tumatayong direktor noon ng aklatan, sapagkat isinulong niya ang proteksiyon sa mga bibihirang dokumento, aklat, at rekwerdo laban sa mga ganid na magnanakaw, at nangampanyang ibalik sa nasabing tanggapan ang mga nawawalang sinaunang dokumento at papeles.

Ayon sa testimonya ni Vincent Padua, ang may-ari ng Manila International Coins and Stamps Center, ipinagbili sa kaniya ni Bayhon ang ilang orihinal at antigong dokumento noong 1992. Sinuhayan ni Bolos ang nasabing testimonya at pinaniwalaan naman ni Hukom Thelma Bunyi Medina ng Manila Regional Trial Court, Sangay 32.

Nalulungkot ako kay Bayhon, na dating katuwang ni Direktor Serafin Quiason ng NHI, dahil hitik sa kaalaman at kadalubhasaan ang kaniyang utak para pahinugin lamang sa loob ng bilibid. Ngunit higit pa rito, nakasisira ng loob ang kaniyang halimbawa dahil sinayang niya ang pagtitiwala na ibinigay sa kaniya ng mga kawani ng Pambansang Aklatan. Ayon sa kolektibong sulat ng mga kawani ng Pambansang Aklatan na may petsang 18 Nobyembre 1993, “binigyan ng buong tiwala para magsaliksik” si Bayhon sa Filipiniana and Asia Division, lalo sa Rare Book and Manuscript Section dahil nagtatrabaho siya sa NHI na halos kalapit-opisina ng aklatan. Ang pagnanakaw ng dokumento at pagbebenta niyon sa kung sinong kolektor ay maituturing namang pagtataksil sa bayan, na puwedeng tumbasan ng parusang bitay kung nagkataong may batas hinggil sa gayong kasalanan.

Makaliligtas lamang marahil si Bayhon, kung isusulat niya ang lahat sa serye ng mga aklat at nang maiwasang maibaon sa limot ang kasaysayan ng Filipinas. Ang pagsusulat ang tanging paraan upang maibalik ni Bayhon ang naglahong tiwala sa kaniya ng madla.

Hindi ordinaryong mananaliksik si Bayhon. Matinik siya sa mga wika, gaya ng Espanyol, Tsino, at Ingles, at alam na alam ang bituka ng aklatan at artsibo. Nang pasadahan ko ang kaniyang mga notbuk at papeles na pawang nasamsam ng pangkat ni Bolos noong 1994, nagulat ako sa masinop niyang pagtatala ng mga pangyayari at pook at petsa at sanggunian, halimbawa ukol sa mga buhay-buhay ng mga maykayang pamilyang Filipino o Tsino o Espanyol, na pawang lingid sa kaalaman ng madla. Napakaliit din ng sulat-kamay ni Bayhon, at tila kahit sa kaniyang pagsulat ay inililihim ang napakahalagang bagay na kaniyang ibig saliksikin. Hindi ko alam kung saan napunta ang mga rekord na ginawa ni Bayhon. Kung pag-aaralan iyon nang maigi ay baka makatuklas ng ilang pahiwatig kung sino ang iba pang sangkot sa nakawan.

Kagila-gilalas ang koleksiyon ng mga bibihirang aklat at dokumento sa Pambansang Aklatan, dahil taglay niyon ang mahabang kasaysayan mulang panahon ng pananakop ng Espanyol hanggang Amerikano at Hapones. Maipagmamalaki rin iyon sa buong mundo, ani ilang eksperto, dahil naging malalim na kamalig ng ugat, kultura, at buhay ng mga Filipino sa iba’t ibang yugto ng panahon. Umugong ang tsismis sa nakawan ng mga dokumento noong 1976, nang minsang mapansin iyon ni Glenn Anthony May, ngunit maaaring matagal nang nagaganap ang pagpupuslit. Kinumpirma ni William Henry Scott ang nasabing nakawan, at sinegundahan pagkaraan ni Ambeth Ocampo.

Nagsimula ang mahabang imbestigasyon sa nakawan sa aklatan noong ikalawang linggo ng Setyembre 1993, nang may mahiwagang impormanteng nagbigay ng tip kay Bolos ukol sa lalaking nagbebenta umano ng mga antigong dokumentong mula sa Pambansang Aklatan. Inilarawan ng impormante ang itsura ng suspek, at nagkataon namang kahawig iyon ni Bayhon na malimit magsaliksik sa Filipiniana Division, ayon na rin sa rekoleksiyon ni Bolos. Noong 27 Setyembre 1993, sumulat si Bolos sa National Bureau of Investigation (NBI) upang tiktikan ang suspek. Batay sa paniniktik ng pinagsamang puwersa ng NBI at tauhan ni Bolos, nakumpirma nilang nagtutungo sa Money Tree Antique Store sa Ermita, Maynila si Bayhon upang doon magbenta ng mga dokumento.

Ang nasabing tindahan ay pag-aari noon ni Rufino Fermin, at sinampahan din ng kaso ng NBI sa bisa ng Anti-Fencing Law (Pampanguluhang Dekreto Blg. 1612).

Hindi nagwawakas kay Bayhon ang pangyayari. Para kay Bolos, si Bayhon ay maaaring maliit na bahagi lamang ng isang network, at ang network na ito ay sindikatong posibleng kinasasangkutan ng mga importanteng tao, gaya ng maykayang pamilya, istoryador, intelektuwal, mananaliksik, at manunulat na pawang malaki ang pagpapahalaga sa kasaysayan, o ang karera ay nakatuon sa kasaysayan o kultura. Mabuti at may ilang nagkusang maging tagapamagitan, kung tagapamagitan mang matatawag, upang maibalik ang mahahalagang dokumentong nangawala, gaya ng Philippine Revolutionary Records (PRR)—na dating tinawag na Philippine Insurgent Records—na ang bawat pahina’y literal na tigmak sa dugo at pinarupok ng panahon, at nakasilid sa plastik na folder. Ayon sa NBI, ang suma-total ng mga dokumentong naisauli sa Pambansang Aklatan noong 1994 ay umabot sa 8,183 dokumento, sa pakikipagtulungan ng gaya nina Milagros C. Guerrero, Emmanuel V. Encarnacion, Edmund Chan, Fernando M. Gaite, Jr., at Vincent Padua.

Isinauli ni Guerrero ang 6,289 dokumento. Ang kolektor ng mga antigo at memorabilya na si Encarnacion ay nagsauli ng 24 dokumento. Isinauli ni Chan ang 1,859 dokumento. At si Gaite ay isinauli ang 11 dokumento. Naging pawang tagapamagitan lamang diumano sina Guerrero, Encarnacion, at Chan, samantalang si Gaite ang tahasang nagtayang sabihin ang pinagmulan ng isinauli niyang dokumentong historikal. Nagsauli naman si Padua ng 700 pirasong dokumentong ipinagbili sa kaniya ni Bayhon, ayon sa ulat ng Inquirer.net. Ang mga nangaglahong PRR noon ay inilathala sa elektronikong paraan ngayon sa Filipiniana.net na pinatatakbo ng Vibal Foundation na hinirang ang gaya ni Moral na maging konsultant sa proyekto.

Makirot magpahangga ngayon ang nakawan sa Pambansang Aklatan. Maraming tao ang nasangkot, ngunit may mga aral na matututuhan sa pangyayari. Una, kailangang gawing modernisado ang pambansang aklatan, bigyan ng sapat na pondo ng pamahalaan, itaas ang suweldo ng mga kawani ng aklatan, at pag-ukulan ng seguridad sa hanay ng mga awtoridad. Ikalawa, dapat gumawa ng batas ang kongreso hinggil sa nakawan sa aklatan at artsibo, itaas ang parusa sa nagkasala o magbigay ng insentibo sa sinumang makapagsasauli ng mga ninakaw na dokumento. May sinimulan si Leticia Ramos-Shahani noon, ngunit hanggang sa pagdinig lamang sa batasan ang naganap at nananatiling pangarap pa lamang ang batas. Ikatlo, kailangang balikan ng taumbayan ang mga dokumentong historikal mula sa pambansang aklatan. Kailangang makilahok ang publiko sa pag-alam ng kasaysayan ng Filipinas, nang sa gayon ay hindi mabulok lamang iyon sa malamig na silid ng artsibo at kaha de yero ng pambansang aklatan. At ikaapat, kailangan ang mga bagong manunulat, mananaliksik, at istoryador na mapagkakatiwalaan at pawang handang magsulat hinggil sa kasaysayan at kultura ng Filipinas, alinsunod sa punto de bista ng mga Filipino at sa wikang Filipinong mauunawaan ng nakararami. Ito lamang ang paraan upang maisalba natin ang ating mga sarili.

Sinumang may hawak ng karunungan hinggil sa kasaysayan, at nagsusulat nang matalim, ang walang pasubaling nag-aangkin ng kapangyarihan sa paghubog ng kamalayan ng madla. Batid kong alam ito ni Bayhon, kaya masigasig siyang magsaliksik at maglunoy sa mga inaagiw na pahina ng kasaysayan. Ang pagbebenta niya ng mga antigong dokumentong pag-aari ng Pambansang Aklatan ay masisipat na sumasampal sa maykapangyarihan, at nililibak ang kamangmangan nito dahil sa kapabayaan. Ano ang ilang libong piso kapalit ng mga dokumentong sinauna? Maaaring maliit iyon para sa mga kurakot sa gobyerno. Ngunit napakalaki kung isasaalang-alang ang napakaliit na suweldo ng mga kawani sa pamahalaan, at ang malalim na malig ng Filipinas na nanganganib maglaho nang ganap.

Magtulungan tayo na papaghilumin nang ganap ang sugat sa Pambansang Aklatan ng Filipinas, ibalik ang dati nitong ringal o kadakilaan, at wakasan ang mga dating iringan sa hanay ng mga istoryador, kolektor, librarian, at manunulat. Tapos na ang panahon ng pagsisisihan. Nagbigay na ng hatol ang hukuman, bagaman maaaring umapela pa rin si Bayhon. Tayo lamang ang makatutulong sa ating sarili. Mangarap tayo na hindi na muling mauulit pa ang ginawa ni Rolando Bayhon, na ang dating mananaliksik na istoryador ay siya ngayong nakatampok bilang multo sa madilim na kasaysayan ng ating panahon.