Panitikan at Pagsilang

Parola ang panitikan.Unti-unting naglalaho sa akademikong kurikulum mulang elementarya hanggang hay-iskul ang panitikan, ngunit waring hindi nababahala ang mga awtoridad. Marahil, naiisip din nilang wala naman talagang halaga ang panitikan sa ating buhay, at isa lamang iyong paraan ng pang-aliw sa sinumang nababato’t walang magawang tao. Ngunit ibig kong maghain ng ilang argumento—kaugnay ng unang binanggit ni Mario Vargas Llosa sa Thailand noong 2002—hinggil sa bisa ng panitikan upang mabuhay.

Panitikan ang magbubukas sa atin ng paningin. Kung ang mga lárang, gaya ng medisina, inhinyeriya, batas, ekonomiya, at estadistika ay sumasapit sa yugto na labis na espesyalisado ang mga kodigo, wika, at panuto tungo sa pinakamaliliit na bagay—at nagdudulot upang pagpangkat-pangkatin ang mga tao—ang panitikan sa kabilang dako ay humahatak sa mga tao na tingnan ang daigdig sa kabuuan, ani Llosa. Sa panitikan, matututo tayong makibahagi sa damdamin, iniisip, o nilulunggati ng ibang tao saanmang bansa’t anumang panahon ang kaniyang kinalalagyan.

Basahin si Francisco Balagtas at mauunawaan natin ang bait at katwiran sa gitna ng panlulupig at kaapihan. Basahin si Jose Rizal at mauunawaan natin ang lipunang batbat ng lagim at rebelyon. Basahin si Aurelio Tolentino, at mauunawaan natin ang mga pagtutol sa mga relihiyong bumubulag sa isip at lumulumpo sa loob ng mga deboto. Basahin si Lope K. Santos, at mauunawaan natin ang makamandag na halina ng sugal. Basahin si Rio Alma, at mababatid natin ang kapangyarihan ng pagbabalik sa minulan at pagbubuo ng bagong Filipinas.

Mabisa ang panitikan sa pag-arok ng sukdulan ng pag-ibig, sex, at erotika, kung hihiramin ang dila ni Llosa. Ang mga tao na pulos basurang nobeleta ang binabasa o nahirati sa telenobela ay mauuwi sa makitid na pagtanaw sa sex at pagmamahal, at hindi malalayo sa hayop.  Ngunit makapagdudulot naman ng pambihirang libog at guniguni ang mga klasikong akda, halimbawa na ang mga tula o akda nina Lamberto E. Antonio, Pablo Neruda, Luis de Gongora, at Charles Baudelaire; at mahihigop tayo papaloob sa makukulay na daigdig at langit o impiyerno nina Marquis de Sade, Leopold von Sacher-Masoch, Dante Alighieri, at Edgardo M. Reyes. Sabi nga ni Llosa, ang mag-asawang mahilig sa literatura ay malalim kung umibig at makipagtalik kaysa karaniwang mamamayan.

Taliba ang panitikan, at mauunawaan natin ang propaganda na ipinalalaganap ng mga tiwaling institusyon o administrasyon. Mapaghuhunos tayo ng panitikan upang maging maingat sa prehuwisyo, at umiwas sa baluktot na pagtingin hinggil sa lahi, kasarian, paniniwala, at pandurusta. Higit nating mauunawaan ang nilalaman ng Saligang Batas at ng Batas Militar kapag hinalungkat ang mga nobela, tula, at dula na pawang nalathala noong dekada 1970-1990, at pinag-aralan ang satirikong sanaysay ng gaya nina Adrian Cristobal, Carmen Guerrero Nakpil, at Nick Joaquin,  o kaya’y ang mga tula nina Amado V. Hernandez, Rio Alma, Bienvenido Lumbera, Jose F. Lacaba, at Alfrredo Navarro Salanga.

Hahatakin tayo ng panitikan tungo sa madilim ngunit kapana-panabik na nakaraan, at ipagugunita sa atin na kahit may sariling lunan ang panitikan at ang kasaysayan, maaari ding magsalikop ang dalawa tungo sa kagila-gilalas na kabatiran. At ang mga tao, na nakibahagi sa gayong karanasan sa pamamagitan ng pagbabasa, ay magkakaroon ng panibago’t sariwang pag-unawa hinggil sa kaniyang sarili, sa kaniyang kapuwa, sa kaniyang bansa, at sa kaniyang diyos.

Pinadadakila ng panitikan ang isang bansa, at higit na nagiging kapaki-pakinabang ang wika. Sa pamamagitan ng mga tula, awit, nobela, kuwento, at dula ay umangat sa mataas na antas ang Tagalog, at naging saligan ng Filipino bilang wikang pambansa, bukod sa nagbabantang maging pangunahing wikang internasyonal. Mula sa panitikan, ang Filipino ay pinakinabangan na rin ng iba pang lárang, gaya sa Batas, Matematika, Pilosopiya, Agham, at Teklonolohiya, at higit na ngayong epektibong panturo sa mga mag-aaral kaysa Ingles. At kinikilala na rin ngayon ang mga manunulat na Filipino na nagsusulat sa Filipino doon sa ibang bansa, bagaman hindi sila kasintanyag nina Manny Paquiao at Precious Lara Quigaman.

Ang maalam sa panitikan ay hindi lamang lumalawak ang bokabularyo, wika nga ng batikang mangangathang Llosa, bagkus lumalawak din ang imahinasyon. Nakapagsasalita tayo nang maayos at malinaw dahil sa panitikan, dahil ang mga konsepto natin ay hindi maibubukod sa mga salita. Maibubulalas natin ang ating loob sa maririkit na pananalita, na mabibigong hulihin sa retrato, sayaw, pelikula, at pintura. Higit na epektibong mambabatas noon sina Francisco Tatad at Blas F. Ople dahil hindi lamang maalam sila sa batas, kundi malalim din ang pagkaunawa nila sa Filipino at panitikan ng daigdig.

Higit sa lahat, pinatatalas ng panitikan ang isip ng tao. Malimit naaapi ang mga dukha’t kulang-palad dahil hindi sila nakalalasap ng matitinong panitikan mula sa mga paaralan, aklatan, at tindahan. Samantala’y ang tao naman na bukás sa sari-saring panitikan ay mauunawaan ang kultura ng korupsiyon, ang diktadura ng makabagong balatkayo, at ang neo-kolonyalismo sa antas ng United Nations—sa panahong ang itim at ang puti ay malabo ang hanggahan ng pagkakakilanlan.

Oo, may malinaw na kakayahan ang panitikan na itaas ang ating pagkatao. Ngunit may isa pa itong kakayahan na dapat tuklasin ng madla. Na puwedeng pagkakitaan ng mga lalawigan ang panitikan, at magamit sa promosyon ng turismo at paglalakbay, gaya ng nagaganap sa Alemanya, Espanya, Italya, Japan, Pransiya, at Tsina. Magagamit ng Batangas, Bulakan, Laguna, Quezon, at Rizal ang mga panitikan nito habang nang-aakit ng mga turista. Gayundin sa Hilaga at Timog Ilokos, na ang mga klasiko’t modernong akda ng mga Ilokanong manunulat ay maitatampok habang ipinakikilala sa mga turista ang mga makasaysayang bayan, bahay, at bantayog. Sa Cordillera, Mindanao, Palawan, at Panay, ang mga panitikang bayan, gaya ng epiko, awit, at kuwento ay maaaring iugnay sa promosyon ng turismo.

Kung babalikan ang datos at kinikita ng National Bookstore sa buong bansa, ang 60 porsiyento ng mga nabibiling aklat at babasahin nito ay pawang isinulat ng mga Filipino at nasusulat sa Filipino, at kaugnay ng panitikang Filipino, ayon sa aking panloob na impormante. Kaya hindi totoo na pulos na Ingles at imported na babasahin ang kumikita sa naturang higanteng tindahan. Kung makapagpapakalat lamang ng mga aklat, gaya ng nobela, tula, at sanaysay sa buong bansa, ang kapuwa pabliser at awtor, kasama na ang mga ahente,  ay malaki ang kikitain. Makasasabay din sa mga tradisyonal na awtor ng teksbuk ang mga malikhaing manunulat, at mababawasan kahit paano ang mga naghihikahos na manunulat.

Isang kaululan kung gayon kung paniniwalaan ang mga kongresista at senador na gawing Ingles ang midyum ng pagtuturo sa Filipinas. Higit na makatutulong sa bansa kung aatupagin ng nasabing mga mambabatas ang pag-usisa sa kurikulum ng Kagawaran ng Edukasyon, at ang pagpapalaganap ng panitikan at wikang Filipino, kaysa tila maging bayarang tinig lamang ng mga international call center.

Pahabol
Kahit ang mga lokal na call center ay dapat maghanda na sa pagtanggap ng mga kawaning mahusay magsalita at umunawa sa Filipino at nakaaalam kahit paano sa panitikang Filipino. Ito ay sa dahilang malapit nang umabot ang populasyon ng Filipinas sa 100 milyon, na magtatampok sa Filipinas upang mapabilang ito sa mga higanteng bansa, alinsunod sa populasyon. Sa ganitong pagkakataon, maraming kliyenteng Filipino ang tatawag sa telepono at gagamit ng internet sa pamamagitan ng wikang Filipino. Kaya ang mga call center ay hindi na lamang tutugon sa mga pangangailangan ng mga tradisyonal na kliyenteng Amerikano o Briton, bagkus sa milyon-milyong Filipinong maaaring nandarayuhan o mamimili o negosyanteng ibig makipag-usap sa Filipino. Kaya kapag hindi nakinig ngayon ang batasan, ang industriya, at ang pamumuhunan sa alimpuyo ng Filipino, inaasahan ang napipinto nitong pagbagsak dahil sa pagtalikod sa dapat sanang pag-alimbukad.

3 thoughts on “Panitikan at Pagsilang

  1. Hindi ko man mabasa ng buo ito… panig ako sa iyo na mahalaga ang panitikang pinoy…kahit marami na akong nabasang libro… paborito ko pa rin “Ang Mga Ibong Mandaragit” ni Amando Hernandez… saka san paba magmumula ang mga nobela natin kahit pa yang mga pocketbook at script sa pelikula…

    Like

  2. Sang-ayon ako sa tesis ng sinulat nyo Ginoong Anonuevo. Nakakalungkot isipin na nawawala ang pagpapahalaga at empasis sa panitikan ng mga nagpapatakbo at nagbibigay tustos sa mga paaralan natin. Mas pinahahalagahan nila ang siyensya at matematika sa paniniwalang magkakaroon ng kalamangan (advantage) sa merkado ng paggawa ang mga estudyante kung ito ang higit nilang pag-aaralan. Pero ang edukasyon ng isang tao ay dapat well-rounded at dapat ang binibigyang empasis ay kritikal na pag-iisip at hindi lang pagmememorya ng mga pormula o ng datos (na sa tingin ko ay syang nangyayari sa mga estudyante ngayon). Ang kritikal na pag-iisip ay mahirap hubugin, hindi ito biglang nababasa lang at pagkatapos ay alam mo na. Hindi sya subject sa eskwela katulad ng Statistics o Zoology. Hindi sya memorisasyon. Isa syang value na nangangailangan ng inspirasyon. Ang inspirasyong ito ang maaaring ibigay ng panitikan sa mag-aaral.

    Like

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.