Konsepto ng Puri at Paglikha ng Mito

Kung may isang konsepto mang paulit-ulit nagbabalik sa gunita ng taumbayan, iyon ay walang iba kundi ang “puri.” Ang “puri” ay maaaring sintayog ng pagdakila sa diyos, gaya ng masisilayan sa mga awit at korido. Ang “puri” ay maaaring ang “dangal” (i.e., honor) mismo ng tao, na minamahalaga ang paggalang at ang pagsang-ayon ng ibang tao. Ang “puri” ay maaaring kaugnay ng panlabas na katangian ng tao na ipinakakahulugan o ipinapataw ng isang pangkat o lipunan, batay sa itinuturing na katanggap-tanggap, malinis, maringal, at mataas. Ngunit habang lumalaon, ang “puri” ay nahanggahan ang pakahulugan, at kinasangkapan ng relihiyon at awtoridad upang itumbas sa manipis na lamad o kalamnang matatagpuan sa pagitan ng mga hita ng kababaihan.

Minamahalaga ni Florante—na mula sa akda ni Francisco Balagtas—ang “puri” habang nagpapalahaw at lungayngay sa kagubatan (“Dusa sa puri cong cúsang siniphayo,/ palasong may lasong natiric sa puso;/ habág sa Ama co,i, tunod na tumimo;/ aco,i, sinusunog niring panibugho.”//) , at ginugunita ang pag-agaw ni Adolfo sa poder doon sa kahariang Albanya. Samantala, si Laura, na ibig gahasain o ilugso ni Adolfo ang “puri” o “kabirhinan” (“Capagdating dito aco,i, dinadahas/ at ibig ilugso ang puri cong ingat,/. . .)  ay ipinagtanggol ni Flerida, tumakas patungo sa kagubatan, huwag lamang madungisan ang loob para sa kaniyang minamahal. Kay Florante, ang “puri” ay nasa antas ng paghawak ng kapangyarihan; samantalang ang kay Laura ay nasa antas ng personal na nagsisikap umabot sa antas ng malawak na lipunan, yamang isa siyang prinsesa at bahagi ng buhay ni Floranteng magiging hari balang araw. Ang ganitong mga konsepto ng puri ay gagawing makapangyarihang mito ni Iñigo Ed. Regalado sa kaniyang mga kuwento, lalagyan ng gulugod, at ipaaalingawngaw na tila alagad ng Katipunang pinalago ng kaisipan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto.  

Sa kuwentong “Ang Dalaginding” (1922), ang puri ay magsisimula sa ina na nagpapása ng gayong katimyas na halagahan sa kaniyang anak na nagdadalaga. Si Irene, ang anak, ay ilalarawang simbusilak ng mga sampagitang bibilhin ni Eduardo. Mangangamba ang ina ni Irene, dahil hindi nakatitiyak kung sino ang lalaking manliligaw, lalo na’t sumusulak ang di-maipaliwanag na hormone ni Irene. May ugat ang pangangamba ng ina, at sa wakas ng kuwento ay ibubunyag nito ang naging karanasan nang ligawan sa unang pagkakataon, at mapaibig sa isang binata, at pagbawalan ng sariling ina. Ngunit hindi napigil ang babae at nagpakasal, na ang supling ay magiging si Irene.  

Maiiba naman ang konsepto ng “puri” sa kuwentong “Pusong Uhaw sa Pag-ibig” (1917) ni Regalado. Sa naturang kuwento, ang puri ay matatagpuan hindi sa panlabas na katauhan bagkus sa kalooban ng tao. Si Milagros Manalang, na anak-mayaman at sumusunod sa makabagong panahon, ay mapapaibig sa binatang si Arturo na  dating nagpaparamdam ng pagmamahal sa kaniya.  Ngunit habang rumirikit si Milagros, napapalayo naman ang loob ni Arturo. Iyon ay dahil nanaisin ng binata ang pagpapahalaga sa sariling kagandahan imbes na manghiram ng pamantayan ng kagandahang mula sa ibang bansa. Nakapaloob ang hangad ni Arturo sa liham para kay Milagros: “. . . alalahanin mong may sarili kang katangian na lalo kang napapatangi kung ang kadakilaan ng iyong damdamin ay hindi mo ipaloloob sa isan kasuutang hindi iyo at sa mga kagandahang hinihiram mo sa kagandahan ng iba, at sa iyo’y hindi nababagay.”

Ang konsepto ng puri na ipinamalay ni Arturo kay Milagros ay isasapuso ng dalaga, at magkukulong sa silid, upang sa muling paglabas at pagkikita nila ni Arturo ay makikita ng binata ang pambihirang gandang walang halong artipisyalidad. Alinsunod na rin sa pagtatasa nina Clodualdo del Mundo at Alejandro G. Abadilla, ang “Pusong Uhaw sa Pag-ibig” ni Regalado ay “makulay ang paglalarawan ngunit hindi maligoy.” Totoo ito, bagaman ituturing na ngayon na mapagpahiwatig ang testura ng prosa ni Regalado na parang tumutula sa paraang maindayog at nakatutulala.

Mataas ang pagpapahalaga ni Regalado sa mga babae, lalo kung babalikan ang kaniyang mga kuwento. Dukha man o mayaman, matalino o mangmang, ang babae ay laging kaugnay ng “puri” na naging mito para sa susunod na henerasyon ng mga manunulat.

Sa kuwentong “Ang Makasalanan” (1917), ang pagiging sentimental ni Anisia ay magiging hadlang sa paglago ng kaniyang pagmamahal sa kaniyang asawa at anak. Nang una’y maayos ang pagsasama nina Anisia at Amando, hanggang magkaanak sila’t ang anak ang maging sanhi upang managhili ang babae. Mababato si Anisia sa napakatahimik na buhay, at magliliwaliw sa piling ng mga kaibigan, hanggang isang araw ay halos matukso sa panliligaw ng ibang lalaki. Ngunit tatanggi si Anisia, lalo nang mabasa ang isang aklat hinggil sa pagtataksil ng babae sa asawa nito, at ipinangako sa sariling hindi magaganap sa kaniya ang malagim na sinapit ng babaeng makasalanan sa nobela. Iyon pala’y sinadya talaga ni Amando na bilhin ang aklat upang mabasa ng kabiyak, at nang mapanatili nito ang puri.

Naghunos ang “puri” sa nasabing kuwento dahil ang puri ay hindi lamang para kay Anisia bagkus maging para sa kabiyak nitong si Amando at sa kanilang anak. Bagaman nabasa ni Anisia ang aklat, ang pagpapasiya ay nagmula sa loob ng babae at hindi basta inudyukan lamang siya ni Amando. Ang pagsubok kay Anisia ay pagsubok din sa taglay niyang puri, at sa bandang huli’y ang puring ito ay tataas lalo nang mabatid ni Amando. Sabihin nang dramatiko ang wakas ng kuwentong ito, ngunit ang gayong wakas ay hindi pagsandig sa isang yugtong marupok ang batayan bagkus sa halagahang magpapatibay sa pagsasama ng buong pamilya.

Maiiba ang rendisyon ni Regalado sa puri pagsapit sa kuwentong “Nagbago ang Landas” (1916). Isang magandang dalagang nagngangalang Alisya ay napadpad sa nayon ng Malinay. Kumalat sa buong nayon ang kariktan ng babae, at ito ang nagbunsod upang manligaw ang maraming lalaki sa kaniya. Isa si Pirmin sa mapapaibig kay Alisya, at ito ang ipagyayabang niya sa kaibigang si Sidro. Ngunit nang makita ni Sidro si Alisya, nagbalik sa gunita niya ang “madilim” na nakaraan ng babae, na dati niyang kasintahan, at ito ang isinalaysay ng binata kay Pirmin. Ipinaalaala ni Sidro sa kaibigan na hindi dapat tumingin sa panlabas na anyo lamang ng tao, dahil ang gayong katangian, ay gaya lamang ng “ningning” na makabubulag ng paningin.  Nagwakas ang kuwento sa hitik sa pagpapahiwatig ng pag-asa, at sa pagbabagong-buhay ni Alisya, na nakatingin sa lumiliwayway na araw mula sa likod ng kabundukan. Sa kuwentong ito, ang konsepto ng “ningning” at “liwanag” nina Bonifacio at Jacinto ay hiniram ni Regalado at siyang ikinuwadro sa ugnayang Pirmin, Sidro, at Alisya doon sa nayon ng Malinay.

Kung babalikan ang akda ni Jacinto, ang “puri” ay kaugnay ng konsepto ng “kalayaan” (“Kung ang tao’y wala ang Kalayaan ay dili mangyayaring makatalastas ng puri, ng katwiran, ng kagalingan, at ang pangalang tao’y di rin mababagay sa kaniya.”)  Bukod dito, ipinaalaala ni Jacinto ang pagtatangi sa “ningning” na nakasisilaw at nasisira ng paningin, at sa “liwanag” na naglalantad ng mga tunay na bagay. Magdaraya ang “ningning,” at ito ang dapat pag-ingatan ninuman.

Titingkad ang konsepto ng puri, na kaugnay ng “ningning” at “liwanag,” kapag binalikan ang kuwentong “Ang Babae sa Katapat na Bahay (1954). Si Leonarda ay asawa ng isang abogadong si Lutgardo Sendres, at maituturing na kabilang sa uring maykaya sa lipunan. Bagaman na kay Leonarda na ang lahat ng katangian, tulad ng maganda, mayaman, at mabuti ang pamilya, ay nakadama pa rin siya ng panibugho o inggit nang may isang magandang babaeng tumira sa tapat ng kanilang bahay. Ang babaeng ito’y maganda rin, at laging dinadalaw ng kung sino-sinong lalaki. Aabot sa sukdulan ang selos ni Leonarda nang ibig nitong gayahin ang marangyang pamumuhay ng babae at yayaing lumipat ng tirahan silang mag-asawa. Ngunit ipababatid ni Lutgardo na ang babaeng kinaiinggitan ni Leonarda ay isang babaeng nagbibili ng aliw upang mabuhay. Magbabago ang loob ni Leonarda, at hindi na muli siyang magpapaalipin sa mga baluktot na damdaming sisira ng kaniyang katauhan at pagmamahal sa asawa’t anak.

Sa nasabing kuwento, ang puri ay tinitimbang sa dalawang panig, at muli sangkot ang dalawang babae. Gayunman, lumalampas sa ordinaryong hambingan ang lahat, dahil walang dapat ihambing yamang magkaiba ang polong pinagmumulan ng dalawang babae. Ipinamamalas lamang sa kuwento na hindi kayang palamutian ng ginto ang puri, at ang puring ito ay hindi nabibili bagkus pinagsisikapan, at nasa sa tao na kung paano titingnan ang kaniyang pagkatao.

Marami pang dapat tuklasin sa mga kuwento, nobela, tula, dula, at sanaysay ni Regalado. Isa si Regalado sa mga dakilang manunulat na kinaliligtaan sa mga teksbuk o antolohiya, at ito ay isang mabigat na pagkakamali na dapat ituwid ng kasalukuyang henerasyon.  Si Regalado ay hindi karaniwang mangangatha o makata, at ito ang tadhanang dapat nating harapin, ngayon at sa susunod na pagbasa ng kaniyang mga akda. Kailangang mapag-aralan si Regalado, upang makalikha tayo ng sariwang mga mito ng ating henerasyon—na maaaring lihis sa mga mito at konseptong binuo ng henerasyon ni Iñigo Ed. Regalado— at mapalago natin nang lubos ang ating panitikan at pagkabansa.

1 thoughts on “Konsepto ng Puri at Paglikha ng Mito

  1. Pingback: Sugal, Babae, Sugal « Alimbúkad

Mag-iwan ng puna

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.