Mainit ang panahon ngayon, gaya lamang ng deliberasyon sa mga timpalak pampanitikang Palanca at UP Sentenyal, na sa aking palagay ay makatutulong nang malaki upang maitala ang mahuhusay na ani sa mga lárang na gaya ng tula, kuwento, nobela, sanaysay, at dula. Ang ganitong kainit na panahon ay bagay na bagay para sa pagbubukas ng pinto sa mga “bagong dugo” ng panitikan, kung hihiramin ang dila ni Liwayway A. Arceo, at sa pagpapahalaga sa mga timpalak na laan sa mga manunulat.
Mahalaga ang timpalak pampanitikan, dahil nagiging barometro ito ng mga manunulat, gusto man nila o hindi. Matatagpuan sa timpalak ang mga kabaguhan sa gaya ng tula at katha, o kaya’y ang pagkabalaho ng isang panahon sa isang yugto ng kumbensiyong dapat itakwil at iwasan ng susunod na henerasyon. Timpalak ang nagbubukas ng pinto upang makilala ng madla ang kabataang makata o ang ubaning kuwentistang muling nagbabalik sa panitikan, at ang naturang pagkilala ang magiging simbolikong kapangyarihan ng nasabing makata o kuwentista tungo sa pagtanggap ng pabliser, pamantasan, at kapuwa manunulat.
Hindi lahat ng timpalak pampanitikan ay makapagpapayaman sa isang manunulat, maliban sa ilang pagkakataon na gaya ng timpalak sentenyal ng Pambansang Komisyon sa Kultura at Mga Sining (NCCA) na nagbigay ng tig-iisang milyon sa bawat kategorya mulang sanaysay hanggang epiko. Ang totoo’y maliliit ang premyo sa mga timpalak, at masuwerte na kung makasungkit ng 200 libong piso na minsanan kung dumating gaya ng natatanging patimpalak ng UP Institute of Creative Writing. Ang karaniwang timpalak, gaya ng Palanca, ay malaki na ang 12 libong piso bilang unang gantimpala, na susundan ng gaya ng Talaang Ginto ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Ngunit wala sa halaga ng gantimpala ang susi ng lahat. Ang pagkilala ng mga manunulat at kritikong hurado ay sapat na upang mabasbasan ang isang manunulat at maiangat mula sa abang hanay ng mga mortal.
May mga timpalak na makapagbibigay ng pambihirang paghanga mula sa publiko, lalo kung ang mga hurado ay batikan sa kani-kaniyang larang at itinuturing nang institusyon ang nagpapatimpalak, gaya ng Palanca Foundation. Ngunit may mga timpalak na makasisira din ng pangalan ng tanyag na manunulat, lalo kung ang timpalak ay hindi mo malaman ang pamantayan ng pamimili ng magwawagi, at laging nalulukuban ng kontrobersiya ang mga pili ng hurado. Sa ganitong yugto, marapat nang mag-isip-isip ang isang isponsor kung ang timpalak ay nakapagsisilbi pa ba sa panitikan o kung ito ay nagsisilbing raket na lamang ng sinumang nagpapatakbo ng timpalak.
Hindi lahat ng nagwawagi sa timpalak ay magaling. May ilang natatalo sa timpalak ang higit na mahusay kaysa sa mga nagwagi ng unang gantimpala, at ang ganitong pangyayari ay maaaring kakulangan na ng mga hurado na nakaligtaan ang isang lahok o hindi napansin iyon sa kung anong dahilan. Ngunit para sa akin, mabuti pa ring sumali at matalo, kaysa matalo nang hindi sumasali sa anumang timpalak. Isang uri ng tunggalian ang timpalak, at ang sinumang lalahok sa gayong tunggalian ay dapat batid ang mga batas ng bakbakan upang maging katanggap-tanggap ang pagwawagi o pagkabigo.
Sa oras na pumaloob ang sinumang manunulat sa timpalak, ipinauubaya niya ang kaniyang akda sa pagtatasa at pagbasa ng mga hurado, at ipinapalagay na sinasang-ayunan din niya ang mga patakaran ng organisador ng timpalak. Ang naturang pagtitiwala ay dapat tumbasan ng pagpapahalaga ng institusyong nagpatimpalak, upang tumingkad ang ugnayan ng dalawang panig. Naghahangad ang manunulat na lumahok na makakuha ng pagkilala mula sa institusyon at kapuwa manunulat, samantalang ang institusyong nagpatimpalak ay nangangarap na madagdagan ang taglay na simbolikong kapangyarihan dahil sa mga manunulat na tanyag o tumanyag dahil sa timpalak.
Kaya hindi iisang agos lamang ang resulta ng timpalak. May nakukuha ang mga nagwaging kalahok sa timpalak, at may naaani rin ang institusyong nagpatimpalak (bukod pa ang insentibo sa buwis).
Ang anumang timpalak pampanitikan ay dumaraan sa yugto ng pagtuklas, ng pagpapalaganap ng kumbensiyon, at sa ilang pagkakataon, ng pagpapakilala ng mga pambihirang akdang hahangaan sa paglipas ng mga taon. Ihalimbawa na ang aklat na Talaang Ginto, Gawad Surian sa Tula, Gantimpalang Collantes 1980-1991 (1991). Testamento ang nasabing aklat sa pagpapakilala sa 64 makata, bagaman sa ilang pagkakataon ay pagdududahan ang nasabing taguri. Ilan sa namumukod na makata ng naturang dekada ay sina Rio Alma, Romulo A. Sandoval, Mike L. Bigornia, Fidel Rillo, Ariel Dim. Borlongan, Lamberto E. Antonio, Victor Emmanuel D. Nadera Jr., Dong A. de los Reyes, at Ronaldo L. Carcamo. Sa aking palagay, ang siyam na ito lamang ang maitatangi sa nasabing dekada, bagaman ang ilan sa kanila’y hindi sumungkit ng unang gantimpala.
At kung pipiliin sa siyam na ito ang sumulat ng pinakamahusay na tula, iyon ay walang iba kundi si Rio Alma. Ang kaniyang piyesang “Sa Iba’t ibang Panahon” ang maituturing na tula ng dekada 1980, dahil sa pambihirang disenyo, nilalaman, at diwaing magmumula lamang sa tarikan. Tatlong makata lamang, sa aking palagay, ang maibibilang sa hanay ni Rio Alma at kasama rito sina Bigornia (“Pinto”), Sandoval (“Tumatayog, Lumalawak ang Gusali, Resort, Plantasyon”), at Rillo (“Bag-iw”). Ang mga tulang ito ang dapat inilalahok sa mga teksbuk upang mapag-aralan ng mga estudyante. Magtataka kayo bakit wala rito ang iba pang makata. Wala sila dahil nagkataong ang inilahok nilang tula sa timpalak ng Talaang Ginto ay hindi makayayanig ng daigdig.
Ang karanasan ng Talaang Ginto ay karanasang dapat mabatid ng sinumang kabataang ibig pumaloob sa panulaan, o sa panitikang Filipinas sa kabuuan. Bagaman masasabing mas maraming ipa kaysa palay ang ani ng Talaang Ginto, naging mabuting halimbawa naman ito kung paano dapat tumula ang susunod na henerasyon ng mga makata. Lumago ang panulaan, lumago ang panitikan, at iyon ay dahil may mga pagsisikap na itaguyod ang mga timpalak pampanitikan.
Walang masama kung magwagi o matalo sa timpalak (malalagasan ka nga lamang ng ilang daang piso at magagasgas ang ego). Ang higit na mahalaga’y nasusubaybayan mula sa hanay ng mga lahok ang magiging landas ng panitikan, natutuklas ang mga sungayang talento, at nahihimok tayo kung paano pag-iibayuhin ang paglilinang. Habang lumalaon, ang tagumpay ay hindi na lamang angkin ng makata o mangangatha, bagkus angkin ng buong bansa.
napaka lalim naman ng tagalog mo… wala lang napadaan lang hehehe
LikeLike
musta sir Bob. Sang-ayon ako na mabuti na ang lumahok at natalo sa mga ganitong patimpalak sa pagsulat kaysa sa lagi na lamang mangarap ng napakaraming “sana” na wala namang ginagawa. Bagamat napakahirap lumusot, maganda na iyong may aksyon tayo para sa ating mga likha kaysa amagin sa baul at taguan 🙂
LikeLike
thanks dito sa meaning na to ha…….
mei answer n aq sa assignments ko….
🙂
thanks uet……………………
LikeLike