Ang Mito ng Prinsesa Urduha

Nakalulugod na unti-unti nang nagsisimula ang pagbubuo ng mito ng mga Filipino, gaya ng animasyong Prinsesa Urduha sa larang ng pelikula. Inaakala tuloy ng nakararami na may katotohanan ang tala ni Ibn Batuta, nang maligaw siya sa Tawalisi (Pangasinan) mula sa paglalakbay sa Kakula, Java, Indonesia bago tumungo sa Tsina. Mahirap nang patunayan ang salaysay ni Batuta, maliban kung susuhayan nga ito ng ilang antigong tala mula sa mga Tsino, tulad ng winika ni Jaime Veneracion; o kaya’y may bagong arkeolohiko’t antropolohikong tuklas sa kaugnayan ni Urduha sa tribung Ibaloy.

Ang salaysay ni Batuta hinggil kay Prinsesa Urduha ay mula sa paningin ng manlalakbay na tagaibayong dagat, kaya maaaring nalulukuban ng pananaw, prehuwisyo, paniniwala, at guniguni ng dayuhan. Ang salaysay ni Batuta, gaya ng pagdududa nina Jaime C. de Veyra, Julian Cruz Balmaseda, at Iñigo Ed. Regalado, ay hindi basta tala sa kasaysayan, bagkus malikhaing kasaysayan o alamat na kinatha ni Batuta habang nilulustay niya ang panahon sa laot at pinipiga ng lungkot ang loob.

Halimbawa, ang sistema ng pamamalakad ng kaharian ay mauugat sa sistema ng herarkiya o pamamahala ng mga bansang may imperyo, kaharian, at estadong sakop. Kung ganito nga, kahit ang pag-ugat kay Urduha—na mula sa napakapatriyarkal na lipunan—sa tribung Ibaloy ay mapagdududahan maliban kung napakaabanse nga ng pamamalakad ng naturang tribu para umabot hanggang Pangasinan at lampasan ang paniniwalang pangkasarian. Ang mapandigmang kaisipan ni Urduha ay dapat ugatin, halimbawa sa pagdakip ng mga gagawing alipin, kung may kaugnayan nga ito sa mga tribung nananahan sa kabundukan, upang mapatunayan ang mga bakas ng lipi ni Urduha sa mga pook na posibleng nasakop niya. Sabi nga ni William Henry Scott, ang pagtataglay noon ng maraming alipin ay higit pa sa malalawak na lupain o ginto, dahil magagamit ng datu ang mga alipin sa iba’t ibang gawain, gaya ng pagsasaka at pagpapanatili ng tahanan.

Mababanggit din na kahit may nahukay na mga labî ng gadyâ (i.e., dambuhalang elepante) sa Filipinas, ang pagkasangkapan sa hayop na iyon sa larangan ng pakikidigma at pagpaparangal sa mga maharlika ay tila inangkat sa gaya ng Thailand, Nepal, Myanmar, Cambodia, at Indonesia, kaya kinakailangan ng malalim na saliksik upang patunayan ang obserbasyon ni Batuta. Bukod pa rito ang organisadong pamamalakad ng mga mandirigma, na dapat ding alamin, dahil lumilitaw na hindi karaniwang prinsesang mandirigma si Urduha, bagkus nakaaalam din siya ng mga taktikang militar sa paglusob at pananakop ng ibang bayan para sa ikalalago ng kaniyang pamayanan.

Paghalaw sa Prinsesa Urduha
Noong 1942 ay isinapelikula ang Prinsesa Urduja na pinangunahan nina Mona Lisa at Fernando Poe Sr. Sumulat naman si Regalado noong dekada 1970 ng libretto para sa operang Prinsesa Urduha na nilapatan ng musika ni Alfredo S. Buenaventura at itinanghal sa Centro Escolar University bago itinanghal sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas. Walang ibang pinagbatayan si Regalado kundi ang tala ni Batuta, aniya, bagaman maaaring naanggihan din siya ng ilang palabok nina Zoilo M. Galang, Henry Yule, Jaime de Veyra, Austin Craig, Paz P. Mendez, Pedrito Reyes, at Jose D. Karasig. Ang opera ay binubuo ng prologo at tatlong yugto, at ang unang yugto ay may dalawang tanghal. Ginampanan ni Ruby Jose Salazar ang papel na Urduha; si Robert Natividad ang pumapel na Salim; si Josefina Dychitan si Dayama; si Emmanuel Gregorio si Gat Payo; at si Gamaliel Viray si Prinsipe Vladimir.

Símple lamang ang istoryang ginawa ni Regalado. Itinampok ang unang tagpo na nagkakasayahan ang mga lakan, gat, at lakambini, dahil isinilang na ng reyna ang tagapagmana ng korona o kaharian. Ngunit nang lumabas ang hari sa silid, ibinalita niyang hindi lalaki, bagkus babae ang kanilang anak ng reyna. At yamang babae ang kaniyang anak, ang hari ay naipit sa pagpapasiya kung ililigaw sa gubat o itatapon sa dagat ang sanggol, alinsunod sa bulong ng kaniyang mga tagapayo, dahil “walang karapatang mamuno” ang babae sa kanilang lipi at “lalaki lamang ang kikilalaning tagapagmana.”

Nabagabag ang hari, na hindi matanggap ang kapalaran, at kaya ipinatawag niya kinabukasan ang isang pitho upang hulaan ang magiging kapalaran ng kaniyang anak na si Urduha. Ayon sa hula ng matanda, si Urduha ay “magiging kilabot na mandirigma” na magpapalawak at maghahatid ng kasaganaan sa buong kaharian, at magpapasagana ng ani sa mga bukirin.

Dalawampung taon ang lilipas at magkakatotoo ang hula. Si Urduha ang humaliling pinuno ng kaharian, at nag-uwi ng maraming tagumpay sa pakikidigma. Nagdiwang ang kaharian sa bagong tagumpay ng prinsesa, at dumalaw pa sa kaniyang kaharian ang iba’t ibang sugo mula sa ibang bansa. Ngunit sa kalagitnaan ng pagsasaya’y nabulabog ang palasyo. Nahuli ang isang tiktik (i.e., espiya), ani Gat Payo, at iniutos ng prinsesa na iharap sa kaniya ang maysala.

Ngunit bago naganap iyon, binagabag ng isang panaginip si Urduha. Napanaginipan niya ang isang binatang makisig at matikas ang tindig, at may kung bato-balani itong nagpatibok ng kaniyang dibdib. Nabulabog ang pandama ng dalaga, at sa unang pagkakataon ay napaibig sa lalaking naghari sa kaniyang guniguni. Ikinuwento niya sa kaniyang mga abay na sina Dayama at Abdulia ang panaginip ngunit wala silang naisagot sa kaniyang pagkabahala. Nasabi lamang ng mga binibini kay Urduha na siya ay nagsisimula nang umibig, tulad ng ibang babae. Nang iharap ng mga kawal ang nabihag na tiktik, lalong nagulantang si Urduha dahil kamukha ng lalaki ang lalaki ng kaniyang panaginip.

Ginawang alipin ang bihag, na nagngangalang “Salim,” alinsunod sa utos ni Urduha. Isang umaga, habang namimintana at umaawit sa balkon ang prinsesa ay napukaw ang pansin ni Salim. Iniwan ni Salim ang kaniyang ginagawa sa halamanan, at sa himig ng aria ay isinalaysay ang kaniyang tunay na layon sa kaharian ng prinsesa. Nais umanong ipaghiganti ng lalaki ang pagkamatay ng kaniyang kapatid na tinudla ng palaso. Matamang nakinig ang prinsesa at natuklasan pa niyang si Salim ay mula sa liping maharlika.

Bumaba sa hardin ang prinsesa. At doon, inalayan siya ng bulaklak ni Salim. Napakislot si Urduha. Nang sandaling iyon, nakita sila ni Vladimir, na isang binatang maharlikang nais mapangasawa si Urduha. Kinausap pagkaraan ni Vladimir si Urduha, at sinabing sa pag-aasawa nauuwi ang lahat. Ngunit matigas ang wika ng dalaga, at tumugong ang pakakasalan lamang niya ay “ang lalaking tatalo sa kaniya sa pananandata.” Walang makapangahas makapanligaw kay Urduha, dahil ang babae’y mahusay makipaglaban, at may hukbong binubuo ng mga piling mandirigmang kapuwa lalaki at babae.

Nahati ang isip ni Urduha kung ano ang gagawin kay Salim. Napapaibig siya sa lalaki, at ang lalaking ito’y espiyang dapat hatulan ng kamatayan, alinsunod sa kaugalian ng kaharian. Dumating ang sandaling pinalalagda kay Urduha ang kautusang magpapataw ng parusang kamatayan kay Salim. Ngunit tumanggi si Urduha at winikang “lihis ang hatol” at dapat baguhin. Hindi pinatay si Salim, at sa halip ay hinayaan itong makauwi sa pinagmulang kaharian. Inihatid ni Urduha si Salim hanggang pantalan, at pagkaraan ay nalugmok sa pagdadalamhati. Sa kabila ng lahat, napukaw ang loob ng prinsesa sa matapat na paninindigan para sa sariling bayan.

Melodramatiko na ang ganitong opera, at humahangga sa sentimentalismo, na tila gasgas na tagpo sa telenobelang Marimar. Sa naturang paghalaw, ang istorya’y waring hinugot mula sa ibang bansa, isinalin sa wikang Filipino, at ang Filipinas ay nagkaroon ng masalimuot na kahariang kaiinggitan ng mga bansang may gayunding tradisyon. Pinananaig sa dula ang damdamin, at kahit si Urduha ang nagpasiya sa pagpapalaya ng binatang si Salim, ang nasabing dalaga ay naging bihag naman ng kaniyang damdaming nagbubukas ng personal na pagmamahal. Ngunit ang masaklap sa dula, hindi nga nagapi si Urduha sa mga digmaan ay magagapi naman siya ng tunggalian ng isip at damdamin para sa bayan, sa isang panig, at para sa sarili, sa kabilang panig.

Ano ang mapupulot natin sa maalamat na Prinsesa Urduha? Na may kakahayan tayong mga Filipino na lumikha ng sarili nating mito. Gayunman, ang nasabing mito ay hindi dapat mabilanggo sa panahong midyibal at pagpapalaganap ng mga paniniwalang hindi na angkop sa ating panahon, kalagayan, at kaligiran. Ang mito natin ay maaaring ngangayunin at dinamiko, at dapat umuurirat sa mga baligho nating pananaw, paniniwala, at kaugalian imbes na umangkat lamang tayo sa ibang bansa ng mga pananaw, paniniwala, at kaugalian nito. Ang bagong mito ng Filipino ay dapat makapagpalago ng ating pagkatao at kabansaan, at bumigkis sa ating sari-saring pangarap para tayo’y umangat, sumulong, umunlad.

9 thoughts on “Ang Mito ng Prinsesa Urduha

Mag-iwan ng puna

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.