Krimen at kaligtasan sa koridong Prinsesa Florentina

May kaibahan ba ang awit at korido? Wala, ani Damiana L. Eugenio, maliban sa wawaluhing pantig bawat taludtod at apatang taludtod bawat saknong ang korido, samantalang lalabindalawahing pantig bawat taludtod at apatang taludtod bawat saknong ang awit. Nasabi ito ni Eugenio matapos niyang suyurin ang mga pag-aaral sa dalawang anyo ng tula, at alamin ang pinakaatay ng bawat isa. Magkahawig ang mga paksa ng awit at korido, at tatlong elementong nangingibabaw ang napansin ng kritiko: una, ang romantiko (o pag-ibig); ikalawa, ang relihiyoso at pangangaral; at ikatlo, ang kahima-himala at kagila-gilalas.

Ngunit nakaligtaan ni Eugenio na banggitin ang anyo ng dalít na isang katutubong tulang hawig na hawig sa anyo ng pananaludtod ng korido. Wawaluhin din ang sukat ng bawat taludtod nito at bawat saknong ay binubuo ng apat na taludtod. Maaaring pinalitan lamang ng Espanyol ang pangalan ng tulang Tagalog noon, at ang nasabing pagpapalit ay ituturing ngayong panahon ng pag-angkin, kung hindi man pagbura sa tulang katutubo, upang panaigin ang dayuhang anyo. Ang ganitong obserbasyon ay mahuhugot sa ilang palagay ni Virgilio S. Almario. Hindi rin hinipo ni Eugenio ang kaugnayan ng korido sa dula, na mahihinuhang malaki ang impluwensiya sa pagbubuo ng banghay, at siyang itinatanghal sa korales (i.e., parisukat na bakurang bahayan) noong panahong midyibal sa Espanya.

Magandang ihalimbawa ang koridong Prinsesa Florentina na sinulat ng di-kilalang awtor at walang tiyak na petsa kung kailan ang unang pagkakalathala. Muling inilathala ito noong 1950 ng Aklatang Lunas, at pagkaraan ay inilahok ni Eugenio sa kaniyang antolohiya. Ang nasabing korido, na ang buong pamagat ay Buhay ng kawawa at mapalad na Prinsesa Florentina sa kahariang Alemanya, ay maaaring nakasagap ng alimuom sa tinaguriang Ginintuang Panahon ng Teatro sa Espanya (1492-1700), na ang isa sa mga pangunahing manunulat ay si Lope de Vega. Taliwas sa paniniwala ng iba, ang korido ay hindi lamang nakalaan para awitin nang mabilis na siyang napansin ni Gabriel Bernardo at pinalaganap ng mga awtor ng teksbuk sa hay-iskul at kolehiyo. Kung gagawing batayan ang banghay, ang korido ay masasabing angkop na isadula, at matatawag na “matulaing dula” o “madulaing tula” alinsunod sa ibig itampok na uri ng panitikan.

Malagim ang Prinsesa Florentina dahil tinatalakay nito ang usaping may kaugnayan sa insesto, kidnaping, pagpapatapon, gahasa, panlilinlang, himala, diskriminasyon, pagtataksil, pagpatay, gantimpala, kaharian, digmaan, at iba pang ikayayanig ng makaririnig o makababasa ng kuwento. Si Florentina ay pinagnasahan at ibig mapangasawa ng kaniyang ama. Ngunit dahil tutol ang dalaga’y pinutol niya ang kamay at iyon ang patuyang ibinigay sa kaniyang ama. Ipinatapon ng emperador si Florentina sa dagat, ngunit ililigtas siya ng anghel na sugo ni Birheng Maria, at ibabalik ang putol na kamay. Mapapadpad si Florentina sa isang pook, at aalagaan ng isang mangingisdang papapel na parang tunay na ama. Ngunit hindi magtatagal ay makikilala siya ni Don Pavio, na isang pribado ng hari, at marahas na itatanan palayo sa mangingisdang nilasing ng mga kasama niya.

Makikilala ni Haring Enrico si Florentina sa isang pagdiriwang sa palasyo, at mapapaibig, saka yayaing pakasalan ang dalaga. Walang makababali sa utos ng hari. Gayunman, gagawa ng mga paraan ang ina ni Enrico upang magkahiwalay ang mag-asawa. Nang magtungo sa ibang bayan si Enrico para makidigma sa hukbong Moro, kung ano-anong kabulaanan ang ginawa ng ina ni Enrico at binago ang sulat na ipinadadala ng hari kay Florentina. Nang lumaon, nanganak ang buntis na si Florentina, at kasama ang kaniyang sanggol, ay ipinatapon sa dagat sa utos ng balakyot na biyenan. Matutuklasan pagkaraan ni Enrico ang lahat, at parurusahan ng pagkakabilanggo ang sariling ina.

Makaliligtas sa ikalawang pagkakataon si Florentina, na kasama ang anak, dahil sa himala mula sa kalangitan. Hindi rin sila pinatay ni Don Pascacio na inutusan ng ina ni Enrico. Samantala, ipapasa ni Haring Enrico ang kaniyang trono kay Don Pascacio at hahanapin ang kaniyang asawa’t anak. Tutulungan ng isang Kastelyano si Florentina, hanggang magbinata ang kaniyang anak na si Federico. Ilang taon ang lilipas, maghahanap ng mapapangasawa si Enrico, at nang mabalitaan ni Florentina na ibang prinsesa ang pakakasalan nito, isinugo niya ang kaniyang anak na si Federico na magpakilala sa ama. Magugulat si Enrico at hahanapin ang asawa. Matutuklasan din na si Haring Fernando ang ama ni Florentina at humingi ito ng tawad sa anak.

Ganap na gagantipalaan ni Enrico si Don Pascasio at ipapasa rito ang korona. Sa kabilang dako’y magiging hari naman si Federico, ayon sa utos ng ama ni Florentina. Magwawakas ang korido sa pangangaral: “Pag masama ang pananim/ masama ang aanihin,/ kung mabuti ay gayundin/ aanihin ay magaling.”//

Ang Prinsesa Florentina ay hindi tandisang salin ng metriko romanse mulang Europa, bagkus maituturing na malikhaing halaw. Ang nasabing halaw ay hitik sa panghihimasok ng makatang Tagalog, na humihipo sa damdamin ng mga kapuwa niya Tagalog. Paano babasahin ang naturang korido? Mahirap itong gawin, ngunit maipapanukala ang sumusunod na paraan.

Maaaring isaalang-alang na ang pagkakabuo ng Prinsesa Florentina ay mula sa kamay ng makatang Tagalog. Ang diskurso ay maaaring M (Makata) + T (Tagalog) o pabalik. Ngunit hindi magiging gayon kapayak dahil ang tula ay nilahukan ng mga alusyon, kaisipan, at hulagway na pawang hinugot sa ibang bansa, kaya ang ekwasyon ay maaaring maging M + T + IB (Ibang Bansa, i.e., Alemanya, Italya, Etopia, at iba pa).

Ang Makata ay humuhugot ng alusyon sa kapuwa kaligirang Tagalog at Ibang Bansa. Ngunit sa korido, ang kaligiran ng Ibang Bansa ay napakalabo (i.e., vague), at kaya maiisip na ang Ibang Bansa ay hinango lamang sa pangalan at ang higit pinahalagahan sa salaysay ay ang relasyong namamagitan sa mga pangunahing tauhan. Maiisip na sinadya ito ng Makata dahil kung basta siya magpapasok ng mga detalyeng may kaugnayan sa mga kaharian ay maaaring mahirapan sa pag-arok ang madlang Tagalog dahil ang diskurso ng ibang bansa ay iba sa diskursong Tagalog. Malayo rin ang wikang Tagalog sa wikang banyaga, at ang paglalahok ng mga banyagang salita o konsepto sa loob ng korido ay magiging balakid upang maunawaan nang mabilis ng madla ang ibig ipahiwatig ng Makata. Yamang ang korido ay angkop sa pagtatanghal, ang nasabing pagtatanghal ay dapat popular at magaan sa paraang gaya ng pagpapalaganap noon ng mga sagradong akda at pista ng mga santo.

Nabuo ang saligang sistema ng komunikasyon dahil sa malikhaing paggamit ng Tagalog. Tumaas din ang diskurso ng Tagalog dahil sa matalinong pag-akda ng Makata. Nagsisilbing kritiko rin ng Makata ang mga mambabasa bilang konsumidor, kaya nakikinabang din ang Makata sa anumang puna at mungkahing magmumula sa madla. Ang wikang Tagalog na ginamit ng makatang Tagalog na posibleng nakaaalam din ng wika at konseptong Espanyol ay yumaman sa pagbubuo ng tula; at ang nasabing tula ay masasabing hindi basta hiram sa banyaga, bagkus malikhaing pag-angkin sa panig ng Tagalog na mataas ang pagpapahalaga sa mga konseptong gaya ng “puri,” “dangal,” “pag-ibig,” “utang na loob,” “pag-aanito,” at iba pa na pawang matatagpuan sa mga sinaunang salawikain, bugtong, tanaga, diona, dalit, alim, hudhud, at iba pa.

Lalawak pa ang diskurso kung iuugnay ang Prinsesa Florentina sa pagbubuo ng kabansaan ng Espanya at ng kabansaan ng Katagalugan. Ang nasabing Katagalugan, ayon sa Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar, ay hindi lamang tumutukoy sa mga lalawigang sakop ng Tagalog, bagkus sa buong bansa. Kung isasaalang-alang ang ganitong hatag, ang nabanggit na korido ay dapat ding sipatin sa kasaysayan ng panitikang Tagalog at sa kasaysayan ng pagbubuo ng Katagalugan. Bagaman magkahiwalay ang agos ng Kasaysayan sa agos ng Kasaysayang Pampanitikan, maaari pa ring magkasabay o magsalikop ang dalawa sa iisang agusan dahil sa pambihirang pangyayari sa Katagalugan, gaya ng pagpapalaganap ng Kristiyanismo, paglaganap ng edukasyong maka-Tagalog o maka-Europeo, at pag-iral ng kolonisasyon, kontra-kolonisasyon, at deskolonisasyon sa loob ng Katagalugan.

Ang Prinsesa Florentina ay maipapanukalang basahin hindi lamang bilang akdang hinalaw sa tekstong Europeo bagkus bilang tekstong inangkin ng Tagalog. Sa ganitong kalagayan, masisipat ang diyalohikong agos sa akda. Halimbawa, nagtagumpay ang banyaga na maipasok sa korido ang mga salitang may kaugnayan sa kaharian, relihiyon, pananalig, at pananaw. Ngunit nagtagumpay pa rin ang Tagalog dahil ginamit ang Tagalog sa malikhaing paraan, at ang karaniwang diskurso ng Tagalog ay umangat sa dating kalagayan, at sinipat ang kaligirang metriko romanse sa pananaw ng Tagalog, gaya ng pakikipagsapalaran ng mga Tagalog na ang anumang lihim ay nabubunyag, naparurusahan ang maysala, at nagagantimpalaan ng mabuting kapalaran ang nakikibaka. Sa ganitong kalagayan, ang bahid ng impluwensiyang Espanyol ay masisipat na salimpusa lamang sa konstelasyon ng panulaang Tagalog.

Kung ihahambing naman ang Prinsesa Florentina sa gaya ng Florante at Laura ni Francisco Balagtas, mapapansin ang paglago ng pagtula ni Balagtas hindi lamang sa paggamit ng wika kundi maging sa pagbuo ng mga saknungan, tugma at sukat, pananalinghaga, balangkas, at iba pang panloob na katangian ng tula. Halimbawa, kung sa Prinsesa Florentina ay walong ulit lumitaw ang dalawang magkasunod na saknong na may isahang tugma (na kasumpa-sumpa sa kapuwa Balagtasista at modernistang makata), walang ganitong makikita sa obra ni Balagtas na napakapulido ang gawa. Mahihinuhang nakinabang nang malaki si Balagtas sa naunang mga akda, at ito ang kaniyang hinigtan sa malikhaing pagsasatula.

Hindi rin simpleng tula hinggil sa krusada ng Kristiyanismo laban sa Islam ang Prinsesa Florentina. Ang pakikidigma ni Haring Enrico laban sa mga Moro ay sanhi ng pagkakataong pagsalakay ng Moro sa pook na saklaw ng hari, at kailangang ipagtanggol ng hari ang pook nito. Mahihinuhang pahapyaw na kinasangkapan lamang ang digmaan, bagaman ang tunay na digmaan ay nasa katauhan ni Florentina—na pinagtangkaang gahasain, ipinatapon sa ibang pook, at ibig ipapatay ng kaniyang biyenan. Ang pagiging tagamapagitan ng puwersang sobrenatural (i.e., anghel, Birheng Maria, at Kristo) ay mula sa pananalig ng tauhan, at ginawang tulay lamang upang makatawid ang tauhan sa mga pambihirang balakid na lampas sa kayang igpawan ng mortal. Walang bagahe noon ang mga Tagalog hinggil sa bakbakan ng mga relihiyon, at kung mayroon man, ito ay upang ipagtanggol lamang ang kinamulatang pananalig sa bathala, anito, diwata, at iba pang kaugnay na puwersang sobrenatural na gaya sa Tagalog.

Mahihinuhang ang sinaunang pananaw sa Prinsesa Florentina bilang maharlika, deboto, anak, asawa, at ina ay hindi lamang unibersal na pagtanaw sa Constance Saga hango sa akdang Europeo bagkus masisipat ding bahagi ng pagbubuo ng konsepto ng “Ina, Anak, Kapatid, at Inang Bayan” sa buong Katagalugan. Bagaman hindi maitatatwang nakalagos sa malig ng Tagalog ang ilang kaisipang Europeo, naitampok din ng awtor ng korido ang kaisipan at wikang Tagalog alinsunod sa diskurso ng Tagalog. Ang hamon sa mambabasa ay alamin ang pag-akda ng makata na nabahiran ng kaisipan o ideolohiya ng banyaga, sa isang panig; at sa kabilang panig naman ay kung paano pinalalakas ang kaisipang Tagalog kahit pa gumamit ng mga palamuting banyaga. Sa ganitong paraan, hindi lamang basta napag-aaralan ang konteksto ng akda, o nalilingon ang kasaysayan at ang kasaysayan ng panitikan. Nasisipat ang Prinsesa Florentina hindi lamang bilang relikya ng nakalipas, bagkus bilang buháy na patunay ng ebolusyon ng wika at panitikang Tagalog na malaki ang ambag sa panitikan at wikang Filipino na ginagamit ngayon ng bagong henerasyon.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.