Matulaing Katha ni Manuel Principe Bautista

Mahigit animnapung taon na ang nakalilipas nang unang malathala sa mga magasin at pahayagan ang karamihan sa mga kuwento ni Manuel Principe Bautista, ngunit ang kataka-taka’y tila bulaklak iyong nananariwa tuwing babalik-balikan ng sinumang mahilig sa panitikang Tagalog. Ang tinutukoy kong mga kuwento ay nakapaloob sa Ang Bahay sa Kabila ng Daan (Mga Katha) na hindi ko alam kung kailan ilalathala ng Ateneo de Manila University Press.

Binubuo ng labingwalong kuwento ang kalipunan ni Bautista. Labingwalong kuwento na matipid sa mga salita ngunit hitik sa mga pahiwatig; na masinop ang pagkakahabi’t halos tawirin ang hanggahan ng tulang-tuluyan (prose poem); na mayaman sa paglalarawang maisasalin sa kambas ng pintor o sa maiikling pelikulang eksperimental. Walang inaksayang mga salita si Bautista, na mahihinuhang ginamit ang disiplina ng tula upang humugis ng pambihirang paraan ng pagsasalaysay.

Magkakasanga ng magkaibang pahiwatig ang lunan ng Usling-Bato sa “Sa Ibang Daigdig” at “Alaala.” Hinggil sa patpating manunulat na sumasariwa ng mga akda ang una, samantalang ang ikalawa’y kay Marcia na nagbubulay sa nakalipas. Kung paano pinihit ni Bautista ang daloy ng dalawang kuwento ay matutuklasan sa pahiwatig na mga larawan doon sa Usling-Bato.

Ang paglalarawan ng mga tagpo ay magpapahiwatig sa maaaring maganap sa mga tauhan. Halimbawa, sa “Ang Bahay sa Kabila ng Daan,” ang pagpapagawa ng malaking bahay sa kabilang kalye ang maghuhudyat ng inggit sa mga dukhang nakatira sa magkakatanikalang barong-barong. Ngunit sa dulo ng kuwento’y isa pa lang hinihinalang kriminal ang nakatira sa malaking bahay. Ang “inggit” ng mga dukha ay hindi tuwirang buburahin upang wakasan ang kuwento, bagkus sa paglalarawan ng tagpong hitik sa mga pahiwatig:

Naging walang patlang ang anasan. Ang bulungan ay lalo lamang naging magulo sa kanyang pandinig. Lumayo siya sa karamihan ng tao. Bumagtas. At muling tumayo sa tabi ng sunog na haligi ng kanilang barong-barong at buong pagkaunawang hinagod ng tingin ang magandang bahay sa kabila ng daan….

Ang ingay ng bumulabog sa mga dukha sa unang bahagi ng kuwento’y maparikalang binaligtad sa wakas. Binulabog naman ang mayaman ng mga anasan ng taumbayan, at iyon ay parang pagganti na rin sa ginawang pambubulahaw ng mayaman sa mga dukha. Walang tahas na pangangaral na matatagpuan sa mga kuwento ni Bautista. Sapat na ang paglalarawan ng mga tagpo upang madama ng mga mambabasa ang ibig ipahiwatig ng malulungkot o masasayang pangyayari.

Ang nasabing taktika ng paglalahad ay mababanaagan din sa “Krus na Patpat” na ang libingan ay naging lunsaran ng mga babaeng nagbibili ng aliw. Mababatid ang hiwatig ng mga usapan ng mga belyas kung babalikan ang makasaysayang Santa Ana Cabaret, na galante ang mayayamang kostumer; at ang sementeryo na dinadalaw ng mga naulila. Maiuugnay ang mapaglarawang paglalahad sa paggamit ng kapana-panabik na mga tagpo, gaya sa isa pang kuwento, ang “Fighting Dodo,” na hinggil sa boksingero na pinipigilang magboksing ng kaniyang esposa. Kung gaano kabangis si Dodo sa loob ng ring, ay gayon din kalambot ang kaniyang puso basta misis ang pinag-uusapan. Ang kapana-panabik na tagpo ay nakatimo rin sa “Nakatunghay ang Diyos sa Lupa,” na ang pagbubuno ng dalawang lalaki ay wawakasan ng tanglaw ng plaslayt ng mga pulis.

Marunong ding magpatawa si Bautista, ngunit daraanin niya iyon sa maparikalang paraan. Maihahalimbawa ang “Ang Lihim ng Liham” na ang istorya hinggil sa pag-iibigan ay ibinibitin upang ipasok ang katawa-tawang tagpo hinggil sa lalaking manunulat. Taliwas iyon sa seryosong “Ang Artista” na ang kabaliwan at katanyagan ay nabubura ang hanggahan.

Saludo ako kay Manuel Principe Bautista magpahangga ngayon, at hayaan ninyong tagayan ko siya sa modernong panahon.