I.
Sa unang malas ay alanganin sa panahon ang iniíwang bakás ng pananalinghaga ni Raúl Funilas. Mabilis siyang mababansagan, kung hindi man mapaparatangan, na alagad ni Francisco Balagtas sa sukdulang pakahulugan, sakali’t pagtuonan ang lalim o lawak ng kaniyang bokabularyong hango sa Tagalog-Binangonan, at wala ni sa hinagap ng mga akdemiko’t kritikong nahirati sa wika o lente ng banyaga. Kayayamutan din ang mga dalumat-pantubigan ni Funilas, lalo na ng mga tagalungsod, dahil hindi maaarok yaon sa pamamagitan ng kisapmata’t linear na pagbasang de-kahon, gaya ng matatagpuan sa mga blog sa internet at karaniwang rebyu ng aklat sa mga diyaryo. Dagdag pa’y malikot ang pananaludtod at pamamarirala ng makata, at tiyak kong ikagugulat yaon ng sinumang magbabasa ng tula sa unang pagkakataon; o kaya’y nasisiyahan lamang sa mga tula ng ilang makatang ang tinutumbok ng tula’y kalungsuran, kalibugan, at kahungkagan ng pag-iral.
Ngunit sadyang naiiba ang laláng ni Funilas.
Masasálat ang kaniyang lakas ng loob bilang makata sa paggamit ng mga salitang unti-unti nang nabubura sa gunita ng bansa, at siyang nakapaloob sa lawás ng wikang pumipintig hangga ngayon sa Talim, Binangonan, Rizal. Ang paggamit ni Funilas sa wika ng kaniyang sinilangang bayan ay tila pagsisikap na ring makipag-usap ng makata sa sariling kababayan, sa wikang kanilang kapuwa nauunawaan at kinalulugdan. Sa gayong pagkakataon, ang diskurso ay maaaring sipatin sa M (Makata) + B (Binangonan) o pabalik. Kumukuha ng lakas at konsepto ang M doon sa B, habang ang B naman ay iniaangat ng M sa sariwang kabatiran sa sandaling matuklasan ng B ang mga dinamikong nagaganap sa loob ng tulang likha ng M. Nabubuo ang diskurso sa panig ng M at B, mula sa saligang sistema ng komunikasyong magkakaunawaan ang bawat isa. At tumataas ang kabatiran ng B mula sa pambihirang pag-akda ng M, o kaya’y tumatalas ang M dahil nagmimistulang kritiko at konsumidor ang B mula sa mga tulang nililikha ng M.
Lalawak pa ang diskurso kung ang mga konsepto’t tekstong dáting nakapaloob lámang sa ugnayang M + B = MB ay iugnay sa malawak na bansa, at ang nasabing bansa naman ay tumugon nang may pag-unawa, sakâ pumaloob sa naturang ugnayan. Sa nasabing yugto, ang M (Makata) + B (Binangonan) o vice versa ay magiging M (Makata) + B (Binangonan) + F (Filipinas) = MBF. Ang wika o dalumat na huhugutin ng “Makata” doon sa “Binangonan” ay hindi lamang aalingawngaw o kaya’y magbabalik sa nasabing pook, bagkus ay huhulagpos palayo roon, tungo sa malawak na kamalayan ng “Filipinas.” Matagal na proseso ito, ngunit hindi imposible. Ang kahandaan ng Filipinas ay maaaring magsimula sa mga tulang lilikhain ng Makata, at kung gaano kabukás ang Makata na papasukin ang Filipinas sa láwas ng diskurso’t ugnayan ng M + B. Ang B ay maaaring maging metonimiya-kung hindi man mikrokosmo-ng F, alinsunod sa alkimistang pag-akda ng M. Ang B ay hindi lamang mananatiling B, at ang F ay hindi lamang mananatiling F, ayon sa sinaunang pagkakilala nito sa kani-kaniyang sarili. Ang pagsasalikop ng B at F ang pinakamahalagang yugto ng diskursong panghihimasukan ng M. Na bagaman nababawasan nang bahagya ang B sa pagpapaubaya nito sa malawak na F, at kumikitid o lumiliit ang F dahil sa pagpaloob nito sa B, tumatatag pa rin ang B dahil sa kodipikasyon nito sa loob ng F. Lumalalim din ang F dahil sa bukod-tanging ambag na pampanitikan ng B, at may kaugnayan dito ang masining na pagsasatula ng M, na tulad ni Funilas.
Sa kabilang panig, ang ekwasyong M + B + F = MBF ay maaaring madagdagan pa ng mga salik. Una, ang panahon na kinapapalooban ng M, at kapuwa pinagdaraanan ng kabuuang B at F. At ikalawa, ang kasaysayan ng panitikang pinagdaanan ng B at F, at ang pag-akda ng M. Kung isasaalang-alang ang gayon, masisipat ang ekwasyon bilang M (P+KP+A) + B (P+KP) + F (P+KP). Na ang “M” ay tumatayong “Makata,” ang “P” ay “Panahon,” ang “KP” ay “Kasaysayan ng Panitikan,” ang “A” ay ang “Akda o ang Pag-akda,” ang “B” ay “Binangonan,” at ang “F” ay “Filipinas.” Ibinukod ang P bilang kasaysayan sa KP na Kasaysayan ng Panitikan, dahil ang panitikan-pampook man o pambansa-ay may bukod na agos, at maaaring hindi tuwirang sumabay sa agos ng Kasaysayan. Kung babalikan ang mga tula ni Funilas, ang “Binangonan” ng makata ay maituturing na “Binangonan” sa realistikong pagtanaw, sa isang panig. At sa kabilang panig naman ay maaari ding iba sa “Binangonan” na kilala ng nakararami, bagaman posibleng matalik sa puso at isip ng mga taga-Binangonan mismo. Lumilikha ng sariwang pook at panahon ang makata mula sa pinagbatayang pook at kasaysayan. Nagluluwal din siya ng mga tauhang hinugot sa guniguni, ngunit hiningahan ng sining upang makairal sa bagong realidad. Ang bukod na realidad ng “Binangonan” ng makata ay maipapanukalang hindi dapat itumbas lamang nang tuwiran sa realidad ng “Binangonan” ayon sa daloy ng kasaysayan. May panghihimasok na ginagawa ang makata sa kaniyang pinapaksa, at ito ang dapat titigan nang maigi.
Kayâ hindi mananatili at hindi dapat manatiling lihim o sarado ang diskurso sa panig ng Makata at ng Binangonan lamang. Naiuugnay ng makata ang kaniyang tula-hindi lamang sa kaniyang lalawigan bagkus maging sa bansa-kung magkakapuwang ang bansa na alamín, suriin, at timbangin ang anumang inihahatag ng makata sa pamamagitan ng pintungan ng salita o dalumat na kusang-loob na ipahihiwatig o isinasaad niya sa masining na paraan. Makatutulong din sa mambabasa ang mapagkakatiwalaang diksiyonaryo o talasalitaan, ang mga saliksik sa kasaysayang pampook ng Lalawigan Rizal, at iba pang tala mula sa tradisyong pabigkas. Hamon din ng makata sa mambabasa ang pagbabalik sa poetikang tradisyon ng Tagalog, at mula rito’y mababatid kung saan nagmumula at tumutumbok ang makata sa kaniyang pagsunod, paggagad, paglihis, o pagsuway sa mga nakalipas na makata. Para kay Funilas, hindi mahirap unawain ang kaniyang tula. Kinakailangan lamang na handang magtaya ang mambabasa sa teksto, bago mabuo sakâ maunawaan ang diskurso, sa panig ng makata at pook, o sa panig ng tula at mambabasa.
Ang panitikan at wikang nagmumula sa Binangonan ay maituturing na “panrehiyon”-at malayo sa sentro ng kapangyarihan-dahil alanganin yaong Tagalog at Filipino na batid ng nakararami, at hindi nakapailalim sa taguring “Imperyalistang Tagalog-Maynila” na mahilig isakdal ng mga politiko at akademiko, kung hindi man panitikerong politiko, mulang Visayas at Mindanao. Naiiba ang tabas at puntó ng Tagalog-Binangonan na malayo sa Tagalog ng Batangas, Bulakan, at Maynila ngunit may pagkakahawig nang kaunti sa Tagalog-Laguna. Masasabi rin na pawang “lalawiganin”-kung sisilipin sa anggulo ng metropolis-ang wika at dalumat ng Binangonan. Ang nasabing taguri ang bagaheng maituturing upang mabansagang sinauna ang mga tula ni Funilas at siyang malayo sa tunog rap, rock, at pop ng lungsod. Maraming salita’t dalumat mulang Binangonan ang binanggit ni Funilas at hindi pa nailalahok sa diksiyonaryo, bagaman malimit gamitin pa rin sa Binangonan. Walang pasubaling dumaan sa pagbabago, panghihiram, at pagtanggap ang wika ng Binangonan; at huwag asahan ang purong Tagalog nito. Subalit higit pa rito, ang panitikan lalo sa laráng ng tula ay hindi pa natitipon at naitatala nang ganap. Mababanggit ang mga bigkasan ng tula sa plasa doon sa Binangonan noong dekada 1950-1970, at malimit maganap tuwing may pista, halalan, o koronasyon. Bukod doon, wala nang maririnig o mababasa pang tula hinggil at mula sa Binangonan, na sinulat ng taga-Binangonan.
II.
Ang Halugaygáy sa Dalampasigan ang masasabing kauna-unahang solidong koleksiyon ng tulang umiinog sa tubigan, partikular sa Lawa Laguna, at sa kaligiran ng Talim, Binangonan. Ang mga hulagway at dalumat na ginamit ni Funilas ay katatakutan ng mga hindi nagbabasa ng panitikang Filipino. Mababanggit si Ildefonso Santos at si Alejandro G. Abadilla na pawang lumikha rin ng mga tula noon hinggil sa dagat, o ang mga tulang may bahid ng politika’t ideolohiya na gaya ng kina Rio Alma, Teo T. Antonio, at Edgardo B. Maranan. Mababanggit din ang mga ambag na tula ni Tomas F. Agulto hinggil sa kaniyang mga karanasan bilang mangingisda sa Bulakan man o Batanes. Ngunit ang kay Funilas ay naiiba dahil sa taglay nitong dupil at konsentrasyon sa paghuli ng hulagway sa estatikong yugto kundi man sa sinematograpikong pagdulog-ayon sa punto de bista ng karaniwang mangingisda-samantalang gamit ang wika ng Binangonan. Ibang-iba ang hagod ng wika ni Funilas; at bagaman mapaglaro, magaspang at nagmumurang kamatis kung minsan ay kakikitaan ng kinang na maitatambis sa Tagalog-Bulakan-Maynila nina Alma, Antonio, at Agulto. Pansinin ang “Bumbón” ni Funilas:
Mga dulong yangkáw ng puno sa gubat,
May putok-putukan, dalingdinga’t kilap;
Sa dalampasigan ito’y ibibilad
Layong pahulasin ang sariwang katas.
Bibilang ng linggo’t dahon ay babagsak,
Iisa-isahing sa lupa’y ihampas;
Tuloy sa garoteng may aserong kawad
Molete’t baketeng hahapit ay lakas.
Katulad ng paldang pansayaw ng dilag,
Adorno ay yunot. Kung ito’y ibagsak
Sa rabaw ng lawa’y dito namumugad
Ang tagunto’t ulang na humuli’y salap.
Isang palakayang maraming humamak,
Mula nang mauso ang surong panuwag.
Sa unang malas ay napakahirap ng tula. “Mabibigat,” wika nga, ang mga salitang ginamit ng makata, at walang maiintindihan ang tagalungsod dito lalo’t hindi basta matatagpuan sa diksiyonaryo ang ilang salitang binanggit. Ngunit kung uuriin, maaaring pagpangkat-pangkatin ang mga salita, upang madaling maunawaan. Halimbawa, uri ng mga punongkahoy ang “putok-putukan,” “dalingdingan,” at “kilap.” Tumutukoy naman ang “yangkáw” sa dulong bahagi-kung hindi man duklay-ng punongkahoy o kawayan na babád sa ilalim ng tubig. Mahihinuha naman ang “pahulasin” na katumbas ng “tanggalin” o “paagusin” ang katas, at maiuugnay sa “pagbibilád” o “pagpapatuyo sa init ng araw.” Magkaanak naman ang mga salitang “taguntón” at “ulang.” Uri ng hipon ang “taguntón” na naninirahan sa tubig-tabang; samantalang kauri ng “sugpô” ang “uláng” ngunit sa tubig-tabang imbes na sa tubig-alat nabubuhay. Magkakaugnay ang “garote”(garrote), “molete” (muleta), at “bakete” (baqueta) na pawang hango sa Espanyol, at ginagamit na pampiga sa punongkahoy. Tagalog ang “yúnot” na tumutukoy sa magagaspang na himaymay o bunót, ngunit sa pakahulugan ng makata’y katumbas ng “itim na lubid na pantubig.” Namumukod ang salitang “rabáw,” dahil hindi ito Tagalog bagkus Ilokano, at tumutukoy sa pinakaibabaw ng anumang bagay. At maitutumbas naman ang “suròng panuwag” sa hugis-kutsarang panalok ng mga isda at hipon. Kung babalikan ang diksiyonaryo ni Jose Villa Panganiban, ang “surò” ay mula sa sinaunang Tagalog, at katumbas ng “kutsara.” Kaugnay ng nasabing palakaya ang “sálap” na isang uri ng panghuli ng hipon at dulóng.
Matapos balikan ang mga pakahulugan ng nasabing salita’y madaling mauunawaan ang pahiwatig ng tula. Inilarawan sa tula ang proseso kung paano gumagawa ng “bumbón,” mulang pagpili ng punongkahoy at pagpapatuyo nito sa sikat ng araw, hanggang pagpiga rito at pagdidisenyo ng lubid o bunót. Iniiwan ang nasabing bitag sa laot, upang pagpugaran ng hipon o uláng. Babalikan yaon ng mangingisda sa tamang sandali, upang mahango ang huli. Hinahamak umano ang bumbón bilang panghuli ng hipon o ulang, at nalaos nang mauso ang higit na mapanalasang “suròng panuwag.” Kung titingnan ang anyo ng tula, ang paghahanay ng mga taludtod na lalabindalawahin ang pantig at isahan ang tugma ay tila paggagad sa anyo ng bumbón. Maitatanong: May mahirap ba sa tula? Ang sagot: Wala. Maaaring mahirap sa unang basa ang tula dahil sa malalalim na salitang ginamit. Ngunit kung taal na taga-Talim, Binangonan ka’y karaniwan lamang ang mga salita, at mauunawaan ang diskursong isinasaad ng tula.
Mahihinuhang ang personang nagsasalita sa tula (at bukod sa makata) ay isang mangingisda, at alam kung paano manghuli ng hipon at uláng. Ang paglalahad ng paggawa ng bumbón ay tila pagtatangka na ring ilantad ang dáting gawi ng mga mangingisda. Na nalilimutan na sa ngayon, at kakaunti na lamang ang nakagagawa nang mahusay. Ngunit higit pa rito, ang pagpapagunita sa mga taga-Binangonan hinggil sa bumbón ay pagpapataas na rin ng diskurso hinggil sa sinauna ngunit mabisa at tapát sa likas-kayang pangingisda kompara sa mapangwasak at mapanghamig na uri ng pangingisda. Binubuksan din ng tula ang landas upang ipaalam sa Filipinas na may paraan ng paghuli ng hipon o uláng na hindi kailangang wasakin ang paligid. Sa naturang paraan, umaangat ang salitang “bumbón” mula sa abang kalagayan nito sa Binangonan tungo sa malawak na laráng ng Filipinas, at maaaring makargahan pa ng panibagong pahiwatig o pakahulugang maiuugnay sa bitag o palakayang ginagawa ng makapangyarihang puwersa sa pamahalaan o negosyo at bumibigkis sa isip o loob ng mga tao upang patuloy na madusta ang mga ito. Hindi kailanman nakamamatay ang paggunita, maliban na lamang kung ang gunita mismo ay dati nang bilibid ng malabo at makapangyarihang puwersa, gaya ng kolonyalismo sa ngalan ng globalisasyon, at siyang mapagdududahan kung pilit sasandigan.
Hindi lahat ng tulang may timpla ng tubigan ay nakatuon lamang sa Lawa Laguna. Sa tulang “Pag-uwi sa Pulô,” matatagpuan ang masinop ang pagkakapili ng mga hulagway sa kaligiran at ng katumbas nitong pahiwatig sa kalooban ng tao. Ang gayong taktika ay tila mula sa sinematograpo, at kapupulutan ng aral sa pagtula:
May kulimlim ang banaag
Ng pag-asang kumakalat
Sa kapusuran ng dagat.
Kahit anong pagsisikap,Ang kutitap nito’y walang
Aranya ng mga talang
Tatanglaw sa pagpapalang
Isasaboy ng tadhana.
Ang dalít na saknungang ginamit sa tula’y nagpapatingkad sa pahiwatig ng unti-unting pagkaupos ng pag-asa sa paligid at ilalim ng dagat. Ang kombinasyon ng “kulimlim,” “banaag,” at “pag-asa” ay pumapaloob sa mataas na dimensiyon kapag idinugtong sa “kapusuran” (ka+pusod+an) at “dagat.” Ang “kapusuran” na tinutukoy ay mahihinuhang hindi lamang tumutukoy sa ilalim ng dagat, bagkus maging sa kaugnay na búhay (kapusod) sa loob ng dagat o sa kaligiran ng nito (pulô). Kung babalikan ang personang nagsasalita sa tula, maaaring siya mismo ang “kapusod” ng dagat, at ang tahimik na saksi sa pagbabanyuhay ng dagat. Mahiwaga ang “isasaboy ng tadhana” at kung idurugtong iyon sa “dagat” at “kapusod” ang positibo sanang resulta ng “pagpapalà”-na maaaring masaganang biyaya ng dagat o karatig-pook nito-ay mauuwi sa wala. Ang pag-uwi ng persona doon sa pulô ay nakargahan ng iba pang pahiwatig, at ang dating elegansiya ng tanawing pangnayon (“aranya ng mga tala”) ay napawing bigla sa kung anong dahilan. Ang gayong pangyayari’y maaaring pahiwatig ng di-pagkilala sa personang umuuwi sa pulô. Ang persona ay mahihiwatigang hindi na kilala ng pulô o ng dagat. At ang kalungkutan ng kaligiran ay masisipat na ekstensiyon lamang ng kalungkutan sa loob ng persona. Ang nasabing tula’y nagpapagunita ng isang matandang kawikaan: “Ang tubig ma’y malalim/ Malilirip kung lipdin,/ Itong budhing magaling,/ Ang maliwag paghanapin.”//
Mapagtatakhan din kahit ang pagpili ng hulagway ni Funilas, at lihis sa inaasahan ng mambabasa. Maihahalimbawa ang “Habilin ng Ama sa Kaniyang Anak na Mangingisda”:
Huwag kang iiyak, anak,
Kung ang luha’y walang dahil,
At mata’y nagbabalatkayo.
Hayaan mo na lamang
Na lumuha ang mga alon.
Napakapayak na pangaral iyon, sa unang tingin. Kung uuriin nang mabuti’y malalim ang pinag-uugatan ng sinasabing “luha” at mahihinuhang hindi dapat iyon itumbas sa gaya ng “luha ng buwaya” na may bahid ng pagtataksil at panloloko. Mahalaga kahit ang “luha” at hindi dapat inaaksaya iyon sa gaya ng paiyak-iyak na pag-arte mula sa isang tao na laki sa layaw. Kagulat-gulat din ang “pagluha” ng mga alon, at sa iba’y higit na pipiliin ang pagluha ng “lawa” o “dagat.” Gayunman sa tula ni Funilas ay ibinubukod ang mga alon bilang may sariling pag-iral, at maihihiwalay sa pag-iral ng “lawa” o “dagat.” Ang “lawa” o “dagat” ay mahihinuhang ang kabuuan ng mga alon; at ang alon ay maiisip na ekstensiyong metonimiya ng tubigan. Ang gayong pananaw, ayon na rin kay Funilas, ay itinuturing ang tubigan bilang uniberso, at ang mga alon ay bahagi lamang ng nasabing uniberso. Kung gayon nga, ituring mang “Maykapal” ang tubigan, ang mga alon naman ang magsisilbing mga nilalang ng nasabing “Maykapal.” Magbabago ang mga alon at mawawala, ngunit magbabalik nang paulit-ulit sa dalampasigan, ayon sa simoy ng panahon. Ang pamagat ng tula ni Funilas ay isa pang susi sa pag-arok ng talinghaga. Ang ama ay isa lamang alon sa malawak na uniberso ng tubigan. At ang kaniyang pangangaral sa anak ay pagpapagunita ng mga halagahan hinggil sa “katapatan,” “pag-ibig,” at “sakripisyo,” tulad ng pag-akò ng ama sa kalungkutan o responsabilidad.
III.
Sabihin nang sinauna si Funilas bilang makata, ngunit pasusubalian yaon ng kaniyang mga eksperimentasyon sa pananaludtod. Batid ng makata hindi lamang ang tradisyonal na awit, gaya ng kay Balagtas, bagkus maging ang sari-saring pagdulog sa ambahan, blues, dalít, ghazal, rondel, sestina, soneto, tanaga, villanelle, at iba pang anyo. Idinidisenyo rin ni Funilas kung minsan ang kaniyang mga tula na magtaglay ng panloob na tugmaan-bukod sa tugmaang wagás, pantigan, tudlikan, at karaniwan-at ipagmamagara ang kaniyang bersiyon ng tumbalik tugmaang pinauso ng kaniyang kaibigang makata. Sa tumbalik tugmaan, ang mga katinig at patinig ng isang salita ay binabaligtad, gaya ng “lakás” na maitutugma sa “kalás” o “sakál.” Ngunit sa panig ng “kalás” at ng “sakál,” higit na mataas na antas ang “sakál” dahil sa katangian nitong ganap na mabaligtad ang “lakás” mula man sa katinig o sa biswal na anyo ng salita. Ang agimat ng tumbalik tugmaan ay nasa pagpili ng salitang kapag pinagpalit ang mga katinig at patinig ay nagluluwal ng kakaibang hulagway at pahiwatig. Halimbawa, ang “ilog” ay maipapares sa “golì” na balbal na salita, at sa “ligô” na mula sa Tagalog. Paghambingin ang dalawang rendisyon ng tumbalik tugmaan sa “Aldabis Balantok Takloban” at “Tumbalik” ni Funilas. Kung maluwag ang taludtod ng una’y napakasikip naman ng ikalawa, ngunit kapuwa nagtataglay ng indayog sa pandinig at paningin (kung isasaalang-alang ang tekstong pasulat). Marunong ding gumamit si Funilas ng pinakamasikip na tatluhang pantig na taludtudran, at mababanggit ang “Pana sa Lawa.” Ang kakatwa’y ipinapares pa ni Funilas ang mga banyagang padron ng tula doon sa dalumat ng pangisdaan at kaligiran ng Binangonan, at nagbunga yaon ng espiritung makalalasing sa makikinig o magbabasa. Mahilig din sa akrostik ang makata, at isa sa mga paborito ko ang “Panganay sa Panginay,” na ginamit ang salitang “Balagtas” na akrostik sa simula at dulo ng taludtod. Maikokompra iyon sa pasiklab na “Sigaw,” na ginamitan ng karaniwang akrostik ang mga unang titik ng mga taludtod, samantalang tumbalik akrostik naman ang nasa dulo ng bawat taludtod. Ang totoo’y karaniwan lamang noon ang paggamit ng akrostik sa mga tulang pambigkasan sa Binangonan. Sa paglipas ng panahon ay tila nakaligtaan na ito, at kahanga-hangang ibinabalik ni Funilas sa higit na masiklab na eksperimentasyon.
Uyamin si Funilas na pangnayon ang kaniyang sensibilidad, at tiyak kong ngingitian lamang niya iyon. Hula ko’y lulusog pa ang pagbasa sa kaniyang mga tula dahil sa gayong pang-aasar. Bakit? Madulas ang karamihan sa mga tula ni Funilas, at mahirap ikahon iyon sa mga pagbabansag-na gaya ng “tradisyonal,” “moderno,” “postmoderno,” at “postkolonyal” na pawang matatagpuan sa mga teksbuk sa kolehiyo-nang walang matibay na sandigan. Lalansihin ng makata ang kaniyang mga mambabasa sa mabini ngunit payak na paraan ng paglalahad, upang gulatin pagkaraan sa wakas. Maihahalimbawa ang “Kitáng”:
Binagting ang liténg na dinampulayan,
bawat isang dipa’y may lawit na sima-
isang palakayang ginaya ni Ambasa mga dumayo na taga-Batangan.
Lumaganap ito’t nauso sa lawa
ng Laguna. Ayon sa mga matanda,ito ay marangal, munting hanapbuhay
na makapupundar ng kahit na dampa
(kung magtitiyaga yaong mangingisda).Noon iyon. Nitong nagdaang tag-araw,
huntahan sa pukás na daan “na walang
pag-asang bumalik” ang kitáng na luma;lalo pa’t bantad na pinag-aangkahan
ang lawak ng lawa’t hindi masawata.
Ginamit sa “Kitáng” ni Funilas ang mala-sonetong balangkas na may lalabing-apating taludtod. Bawat taludtod ay lalabindalawahin ang sukat, at sunuran ang tugmaang may antas na karaniwan (abb, abb, abb, abb, ab). Wala sa tugma’t sukat ang halina ng tula, bagaman maiisip na ang tatluhang taludtod bawat saknong ay paggagad sa anyo ng serye ng kitáng na ginagamit ng mga mangingisda, samantalang ang pares ng taludtod sa pangwakas na saknong ang animo’y bangka, at lumalagom sa agos ng tugmaan. Ang gayong disenyo ay isa nang uri ng panlalasi, kayâ hindi basta mapaparatangang gumagamit lamang ng padron ng soneto si Funilas.
Sa unang malas ay nakagigitla ang mga salitang ginamit ng makata, gaya ng “liténg,” “kitáng,” “pukás,” “angka,” at “bantad.” Kahit ang “Batangan” na sinasabing pinag-ugatan ng “Batangas” ngayon, o kaya’y ang “ambâ” na tumutukoy sa “amain” o kung minsan ay sa “ama ng lolo” ay ni hindi na marahil maaarok ng moderno’t kosmopolitanong kabataang aliw na aliw sa Ragnarok at Naruto. Ngunit kung babalikan ang naturang mga salita’y karaniwan lamang iyon sa mga mangingisda at taal na residente mula sa lalawigan ng Rizal at Laguna. Tumutukoy ang “kitáng” sa uri ng pangingisdang gumagamit ng mahahabang tansî at bawat linya (liténg) ay may mga kawil na de-páin at sukát na sukát ang agwat sa bawat isa (o isang dipa, gaya ng isinasaad sa tula). Karaniwang iniiwan sa laot ang kitang, at binabalikan na lamang iyon ng mangingisda sa tumpak na oras na inaasahan niyang may huli nang mga isda. Alinsunod sa likas-kayang pangingisda ang kitáng, dahil ang mga huli nitong isda ay ayon sa laki ng páin at kawil na pinili ng mangingisda, at umiiwas hamigin ang lahat ng lamandagat na mabibitag. Kailangan ng tiyaga at pasensiya sa paggamit ng kitáng, na taliwas sa makabagong aparatong laan para sa mabilisang pangingisda.
Sa tula ni Funilas, ang personang naglalahad sa tula ay mahihinuhang may kaugnayan sa mga mangingisda. Magiging susing salita ang “amba” sa ikatlong taludtod; at kaya ang persona na masisipat na kaanak ng “amba” ang magiging saksi rin sa pagtatangkang muling gamitin ang “kitáng” sa Lawa ng Laguna. Sa himig na mapaglarawan, ang persona’y humahatak sa mambabasa na pumasok sa diskurso ng persona at ng kausap nitong mahihinuhang taga-Rizal din. Mataas ang ekonomikong silbi ng kitang noong araw, ayon sa tula. Kaya nitong bumuhay ng pamilya’t makapagpapatayo pa ng bahay ang mangingisda sa dami ng huli. Ngunit nagbago ang panahon. Ang pares ng taludtod sa pangwakas na saknong ang magpapahiwatig na “labis na kinakamkam” [ng maykaya o ng kung sinong awtoridad] ang lawa. Hindi na nagpalawig pa ang tauhang nagsasalita sa tula. Kung magagawi sa Lawa Laguna, mahihinuhang ang tinutukoy ng persona ay ang malaganap na pitak-pitak na palaisdaan; at ang walang taros na pangingisdang gumagamit ng mapanalasang uri ng kagamitang ikawawasak ng likás na kaligiran.
Ang “kitáng” sa tula ay masisipat hindi lamang sa laráng ng pangingisda; pumapaloob din iyon sa kasaysayan, kultura, at pananaw sa daigdig. Nabubunyag ang naaagnas na mukha ng lawa sa pamamagitan ng pagkawala ng kitáng. Kitáng din ang hihimok sa mga tao upang mag-usap, maglimi, at marahil kumilos nang sama-sama. Ang lunggating ibalik ang kitáng ay masasabing lunggati rin ng pagpapanibagong-anyo ng lawa. Na imposibleng mangyari, lalo’t nananaig ang puwersang pampolitika’t pang-ekonomiya sa mga lalawigang gaya ng Rizal, Laguna, Batangas, at Quezon. Kung magiging ganito ang pagbasa, tiyak kong lalagumin ng kitáng kahit ang sangang pahiwatig hinggil sa mabilis na pagbabago ng klima; sa pagkawasak ng balabal ng kalawakan; sa lumalaganap na polusyon at paglaki ng populasyon; sa labis na pag-ubos ng tubig-tabang; at sa pagbabago ng topograpiya ng buong Rizal, Laguna, Batangas, Quezon, at karatig na Metro Manila. Serye ng mga tuldok na bumubuo ng mahabang linya ang kitáng sa lawa, kung sisipatin mula sa itaas pababa. Gayunman, nakapagluluwal iyon ng kakaibang kabatiran at lumalawak na palaisipan pagsapit sa tula.
IV.
Laro, musika, at tradisyon ang tatlong inuukilkil ng Halugaygay sa Dalampasigan. Isang uri ng larong pambata ang “halugaygáy” na ginagamitan ng mutyang nakukuha mula sa malaking kanduli. May tatlong bata ang magkukutsaba upang itago ang isang mutya. Sa harap ng iba pang bata’y pahuhulaan nilang tatlo kung sino ang may hawak ng mutya, habang inaawit ang halugaygáy. Ang sinumang makahula ay siyang magwawagi. Unti-unting nalilimutan na ang larong halugaygay. Ito ay dahil na rin sa bibihira nang makahuli ng malalaking kanduli na pagkukuhaan ng mutya. Nagbago na rin ang uri ng laro ng mga bata, saka nagbago na ang panahon. Dito lamang sa Kamaynilaan, kung hindi man nasa harap ng computer ang mga bata ay tiyak na nagbababad sa telebisyon.
May laro na inihahain ang makata sa kaniyang mambabasa. At ito ang pagpapahula, kung hindi man pagdurugtong, sa inilalagdang talinghaga ng kaniyang mga tula. Ngunit kung ang orihinal na larong halugaygáy ay nakasalalay sa tsamba at pag-alam sa pahiwatig ng mukha o kilos ng nagpapahulang bata, ang koleksiyon ni Funilas ay taliwas sa karaniwang laro. Laro sa ruweda ng talino at bait ang inihahain ng aklat niya, at mahirap mahulaan yaon basta-basta nang umaasa lamang sa hula at tsamba at tadhana. Kaugnay ng nasabing ehersisyo ng isip ang birtud ng musika, at gaya ng matatagpuan sa tulang “Halugaygáy,” ang dating awit pambata o awiting-bayan ay nabihisan ng sariwang anyo pagsapit sa mga tula:
Halugaygáy, halugaygáy puwit ng Da Inggay,
Halugaygáy, halugaygáy nilusob ng bangaw.
Maiuugnay sa nasabing tula ang “Tigalpo” na bulong ng matanda upang mapagaling ang mga maysakit. Sa “Tigalpo,” ang sinaunang agimat hinggil sa panggagamot ay nabubudburan ng siste. Ang mismong manggagamot ay hindi nakagagamot ng sarili; at idinahilan pang ang plema o ubo niya’y pampadagdag ng bisa ng agimat. Ang kakatwa’y inilahad ang mga pangyayari alinsunod sa punto de bista ng isang bata. At ang mahika o himala, kung mayroon man, ay naganap sa isip ng bata hanggang sa siya’y tumanda.
Ang isa pang eksperimento hinggil sa paglikha ng musika ay matatagpuan sa “Kumukumkum.” Wala naman talagang ibig sabihin ang “kumukumkum” kung hindi ang paglalaro ng mga salita. Ang pampolitika’t pang-ideolohiyang pahiwatig ng tula ay tila ipinaskel sa serye ng mga hulagway na pawang inihuhudyat ng unang salita ng bawat taludtod. Ang nasabing mga salita’y nagsisimula sa titik K, at maaaring ipakahulugan din sa gaya ng “Katipunan” o “Komunismo” o “Kalayaan.” Ang laro ng salita at laro ng diwa sa tula ang nagpapaangat sa dáting simpleng awit:
Kumakanta ang pingkiang sibat at armas,
Kumakantang duweto ang riple at tabak;
Kumakawala’y tingga at dugong bumulwak
Kumakaway ang saksing dahong nalalagas.Kumislot ang puso ng bawat naghimagsik,
Kumilos sa pagsulong ang paang nagputik;
Kumulapol ang dugong sa lupa’y nahasik
Kumislap ang may silaw na abuhing langit.
Mula sa payak na awiting-bayan ay naililihis iyon ni Funilas tungo sa higit na matining na politika ng pakikibaka. Na bibihirang makita ngayon sa mga kabataan, na hindi na yata marunong kahit ng karaniwang tugma at sukat.
Pinakamabigat sa lahat ang tradisyon, at siyang ipinasok ni Funilas sa kaniyang mga tula. Sinikap ni Funilas na ipakita ang nauupos na tradisyon ng Binangonan, lalo na sa panig ng mga mangingisda, sa paggamit ng sari-saring hulagway na karamihan ay taal sa nasabing lugar. Prominente rito ang hinggil sa bangka, isda, halaman, punongkahoy, ibon, insekto, kagamitan, pangisdaan, at iba pang may kaugnayan dito gaya ng tindera ng isda. Kailangan ng tiyaga sa gayong proyekto, at bibihira nang matagpuan iyon ngayon sa mga kabataang nawiwili sa “modernong” pagtula, na halos paggagad lamang sa mga segunda klaseng makata ng ibang bansa. Waring bagong diksiyonaryo ang inihahandog ni Funilas, at tila hinihimok niya ang mga mambabasa na tuklasin ang bawat salita, magsimula sa tunog hanggang sa pinakaubod nito. Maniwala man tayo o hindi kay Funilas ay hindi mahalaga. Higit na mahalaga ang halimbawang iiwan niya sa atin bilang mambabasa. At nasa atin na kung hihigtan iyon sa anumang paraan.
Hindi alanganin sa panahon ang Halugaygáy sa Dalampasigan ni Funilas. Kailangan natin ang ganitong uri ng aklat na handang magtaya, at umiba ng daan, lalo sa panahong pilit pinagpapare-pareho ang lahat-mulang wika hanggang damit tungong pananaw-at tila mga palito na nakapaloob sa isang kaha ng posporo ang lahat. Ito ang pagkakataon na matuklas ang dati nang naririyan, bagaman matagal na nating nililimot kung hindi man tinatakasan. At magaganap lamang iyon, kung sisimulan nating makipagbuno sa mga laláng at salamangka niya. Halina, at salubungin natin ng tagay ang makata ng Talim, ang makatang matalim sa lubos na pakahulugan ng sining.
Lungsod Pasig
25 Marso 2006