Ika-34 Kongreso ng Unyon mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL)

Mga tumanggap ng Gawad Balagtas sa UMPIL
Mga tumanggap ng Gawad Balagtas sa UMPIL

Maringal na idinaos ang ika-34 Kongreso ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) noong Sabado, 30 Agosto 2008, sa GSIS Museum na nilahukan ng mahigit sandaang manunulat, guro, at estudyante. Tampok sa pagtitipon ang talakayan hinggil sa panitikan sa Asya, ang mga problemang kinakaharap ng mga manunulat sa lathalaang palimbag at elektroniko, at ang mga mungkahi kung paano mapasisigla ang hanay ng mga manunulat.

Malugod na tinanggap ni GSIS Museum Curator Ryan Palad ang mga kalahok, at ibinukas ang museo para sa mahalagang pagtitipon kada taon ng mga manunulat anuman ang kanilang paniniwala at grupong kinabibilangan. Ipinakilala ni Palad ang museo bilang lunan ng mga alagad ng sining, at kabilang dito ang mga manunulat.

Bang Hyun-seok, ang nobelista

Bang Hyun-seok, ang nobelista

Panauhing pandangal ng UMPIL si Bang Hyun-Seok, na kilalang nobelista sa Timog Korea at kasalukuyang pabliser ng Asia Magazine. Isinalaysay ni Bang ang dinaanan niyang hirap sa pagbubuo ng antolohiya ng mga akda mula sa Asya, ang pag-igpaw sa limitasyon ng wika para magkaunawaan sa rehiyon, at ang pagsisikap na magtaguyod ng ugnayan ng mga publikasyon sa Asya na handang tumugon sa pangangailangan ng mga Asyano. Sa kasalukuyan, ang promosyon, produksiyon, at distribusyon ng mga aklat sa Asya ay kontrolado ng Estados Unidos at Europa. Ang naturang kalagayan ang dapat umanong lutasin dito ng mga Asyano sa loob ng Asya.

Kabilang sa mga binigyan ng Gawad Balagtas sina Ruperta Concepcion (tula sa Iluko), Edgardo Maranan (tula sa Filipino at Ingles), James Na (tula sa Tsino), Armando “Bing”  Lao, at Delfin Tolentino (sanaysay sa Ingles). Tumanggap ng Gawad Paz Marquez Benitez si Dr. Ligaya Tiamson-Rubin; samantalang binigyan ng Gawad Pedro Bucaneg ang The Arejola Foundation for Social Responsibility, Inc. Ang tropeo para sa Gawad Balagtas ay inukit mula sa matigas na kahoy ni Manuel Baldemor, na tanyag na eskultor, pintor, printmaker, at alagad ng sining sa bansa.

UMPIL Chairman Vim Nadera

UMPIL Chairman Vim Nadera

Ang kongreso ng UMPIL ay pinangunguluhan ngayon ni Vim Nadera, na kilala ring makata, edukador, at tagapagtanghal. Iniulat ni Nadera ang mga hakbangin ng lupon ng mga direktor mulang pagsasaayos ng bisyon ng UMPIL hanggang pagsasakatuparan ng FILCOLS na mangangalaga sa karapatang-ari ng mga manunulat hanggang paglulunsad ng bagong websayt ng UMPIL.

Celina Cristobal

Celina Cristobal

Nagbigay naman ng donasyon ang pamilya Cristobal sa UMPIL para sa alaala ng yumaong Adrian Cristobal, ang UMPIL Chairman Emeritus at nagmahal nang matindi sa mga kabataang manunulat noon at hanggang sa huling yugto ng kaniyang buhay.

Isang Pagdulog sa Rebisyon ng Tula

Pinakamahirap, sa aking palagay, ang yugto ng rebisyon ng tula sa buong proseso ng pagsulat ng tula; gayunman ay hindi yaon nabibigyan ng malalim na pag-aaral, lalo sa mga kursong malikhaing pagsulat. Kung minsan, ang rebisyon ay ipinupukol na lamang ng makata sa editor at tapos na ang lahat. Inaakala naman ng ibang manunulat na basta makatapos lamang ng isang tula o katha ay maaari na iyong isantabi upang lumikha ng bagong akda. Nakalilimot ang ilan sa matalas na pagtitig sa teksto. At kaya nakalulusot ang di-iilang mali sa teksto, mulang bantas at paggamit ng salita hanggang gramatika at sintaks tungong balangkas at nilalaman.

REBISYON, kuha ni Bobby Añonuevo

REBISYON, kuha ni Bobby Añonuevo

Ang isa pang dahilan kung bakit napakahirap na yugto ang rebisyon ay kinakailangang balikan ng makata ang lahat ng kaniyang ginawa mulang umpisa hanggang wakas ng pagsulat ng tula. Maaaring sumapit ang makata sa sandaling dapat niyang timbangin hindi lamang ang panrabáw na aspekto ng tula (i.e., estruktura, disenyo, tugma at sukat, himig, atbp.). Ang malusog na pagsasalikop ng dalawa ang masasabing ídeál na paraan ng pagtula. At ang tula ay sumasapit sa yugtong pinag-isipan nang malalim, binuo nang masinop, bago itanghal o ilathala saka ipalaganap sa madla.

Bukod sa nabanggit, magiging hamon din sa makata ang pagbabalik sa mga dating nasulat na tula o akda, o kaya’y ang pagsubaybay sa kontemporaneong kalakaran ng panitikan, upang sa gayon ay mailugar niya ang kaniyang tula sa agos ng panahon, samantalang umiiwas sa dati nang de-kahon at nakasusuyang pagtula. Kailangang repasuhin din ng makata kahit ang kaniyang mga datos o saliksik na inilahok sa tula, upang matiyak kung tama nga ang mga isinaad niyang pagpapahiwatig. Ngunit ang ganitong pagtatangka ay waring sa iilang tao na lamang makikita, sa mga tao na nangangarap makaukit ng pangalan sa lárang ng panitikang Filipinas o panitikang internasyonal.

Salungat naman dito ang dating romantisistang pagsagap sa tula, na ang tula ay binubuo nang hindi isinasaalang-alang ang nakaraan bagkus ang “tawag ng sandali” at “simbuyo ng damdamin.” Wala umanong pakialam sa politika o ideolohiya o kultura o teoryang pampanitikan ang makata habang sinusulat niya ang tula, at marapat umanong manatiling gayon. May katotohanan ito, lalo kung nasa yugto ng unang borador ang tula. Ngunit habang tumatagal, ang nasabing borador ay maaaring sumailalim sa mahigpit na pagsala at pagpapakinis sa nilalaman nito’t anyo. Masasabing kahit ang pinakamatimyas na pagtula hinggil sa pag-ibig ay hindi makaiiwas mabalaho sa politika o ideolohiya ng nakalipas, sa laro ng masalimuot na makinarya ng may kapangyarihan sa edukasyon at lipunan, at kaya maaaring timbangin sa mga kahinaan o kalakasan nito, halimbawa na sa panig ng mga pananaw hinggil sa kasarian o kabansaan o kultura o kasaysayan.

Paano nga ba magrebisa ng tula?

Napakalawak ng maaaring maging sagot sa tanong na ito. Ang tanong ay maaaring sa punto de bista ng makata o editor o kritiko o mambabasa. Maaaring ang makata ay siya ring editor ng kaniyang tula, at bihirang-bihirang makatagpo ng ganitong uri ng nilalang. O kaya naman ay ang kritiko ang nagsisilbing editor sa akda ng makata, at ang makata ang gumagawa ng pangwakas na pagbabago at pagpapakinis ng tula. Sa ganitong pangyayari, tila nakatataas ang kritiko sa makata kung ituturing na higit na matalas mag-isip ang kritiko kompara sa makata. Ngunit maihahaka ring sadyang may mga bagay na nakakaligtaan ang makata, at malaking tulong ang naibibigay ng kritiko na nagsasaalang-alang ng iba pang aspekto sa pagbuo ng tula. Maaari ding ang mambabasa, bilang konsumidor, ang magtatakda kung paano dapat rebisahin ng makata ang kaniyang tula, upang sa gayon ay lalong makahatak ng iba pang mambabasang ang antas ng diskurso ay kaantas ng diskurso ng makata. Bagaman sa unang malas ay kalugod-lugod ito sa panig ng makata, sa kalaunan ay maaaring malagak na lamang siya sa de-kahong pagtula dahil kinakailangan niyang sumunod sa kumbensiyon, panlasa, at pamantayan ng kaniyang mga mambabasa.

Sa madali’t salita, hindi simple ang magrebisa.

Sa sandaling ito, hayaan ninyo akong magbiggay ng ilang punto hinggil sa paraan ng “pagpapakinis” ng tula. Ang sumusunod ay hinango ko sa aking karanasan bilang makata, at siyang naobserbahan ko rin sa iba pang kaibigang makata habang bumubuo ng “mga pambihirang tula.” Maihahakang hindi nito masasagot ang lahat ng pangangailangan sa pagrerebisa ng tula, ngunit maaari namang maging patnubay sa sinumang ibig sumulat ng tula.

Pamagat at Pagpapamagat
Maraming paraan ng pagbuo ng pamagat, ilan dito ang sumusunod:

1. Ang unang taludtod ang siya ring pamagat.
2. Paggamit ng isang salita na malawak ang pahiwatig, at binabanggit din sa loob ng tula.
3. Paggamit ng isang salita na malawak ang pahiwatig (at nakatuon sa sentral na diwa), ngunit ni hindi babanggitin ito sa loob ng tula.
4. Paggamit ng isang parirala, kung hindi man pangungusap. Sa ibang pagkakataon, sinasadya ng makata na higit na mahaba ang pamagat kaysa sa tula, na bagaman kahanga-hanga sa unang malas ay nakabubuwisit sa kalaunan dahil waring ikinukubli ng makata ang kababawan ng kaniyang tula sa mahabang pamagat.
5. Ang pamagat ay kaugnay ng unang taludtod, at mistulang run-on line ang silbi sa buong disenyo ng tula.
6. Numero o titik lamang magsisilbing pamagat, kung sisipatin ang bawat piyesa sa buong koleksiyon na bahagi ng isang serye ng mga tula.
7. Maaaring titik o numero lamang ang pamagat, kung ituturing ang tula na kaugnay ng susunod na tula; o ang buong koleksiyon ay ituturing na isang tula lamang.
8. Sa ilang pagkakataon, ginagamit ng ibang makata ang bantas bilang pamagat ng tula, halimbawa ang tuldok na ginamit ni Ariel Dim. Borlongan, at sinamang palad na nabura nang ilathala sa magasin; o kaya’y ang tandang pananong o tandang pandamdam upang idiin ang damdaming isinasaad ng tula.
9. Ang pamagat ang kabaligtaran ng lahat ng isinasaad ng tula, at may epekto ng mabisang kabalintunaan.
10. Kaugnay ng numero 9, ang iba’y sinasadya ang korning pamagat, gaya ng ginawa ni Mike L. Bigornia nagpamagat sa kaniyang isang tula na “Only the Lonely.” Gayunman, iba ang bisa ng tula ni Bigornia, dahil nagkaroon ng panibagong dimensiyon ang pamagat (na may alusyon sa isang awiting Ingles at malimit patugtugin sa mga birhaws) kung ibabatay sa nilalaman ng tula hinggil sa magkaibigang nilulunod ang sarili sa “lason” (i.e., alak) dahil sa labis na lungkot.
11. Walang pamagat na gagamitin. Sa ganitong pagkakataon, pinakikialaman na ito ng ilang editor, dahil paano nga ba maitatangi ang isang piyesa sa iba pang piyesa kung walang pamagat? Magkakaroon din ng problema sa pag-indeks ng mga pamagat. Nalulutas ang ganitong problema, kapag ginamit ang binanggit sa numero 1.

Mapapansing maraming paraan ang pagbuo ng pamagat. Ang problema sa ibang manunulat ay hindi nabibigyan yaon ng sapat na pansin upang mapaganda ang sinusulat na tula. Kung sa pamagat pa lamang ay tila nakababagot at korni na, sinong mambabasa ang magkakainteres na ipagpatuloy ang pagbabasa ng tula?

Kaya kinakailangan ang maingat na pagpili ng pamagat. Ang pamagat ay maiuugnay sa buong nilalaman at anyo ng tula, at maaaring makatulong mulang biswal na disenyo hanggang kahali-halinang pag-ulinig sa diwain ng tula.

Kilatisin ang Padron
Mabuting timbangin kung naaangkop ang ginamit na padron sa tula. Kinakailangan ba ang mahigpit na tugma at sukat, o makagagaan kung malayang taludturan ang ginamit upang mapalawig ang diwain ng tula? Kung gagamit ng tanaga, hindi ba masyadong nasisiki ang diwaing ibig isaad ng tula? At kung mala-epiko ang tula, sapat ba ang mga panuhay na saknong upang makatayo nang matatag ang buong tula? Kung gagamit naman ng padrong tulang tuluyan, ano ang ikinaiba ng nasabing uri ng tula sa prosa mismo? Nagtagumpay ba ang makata sa kaniyang paglalarawan o pagsasalaysay ng tagpo? Ang ganitong konsiderasyon ay dapat nasa isip lagi ng makata.

Bagaman tinalakay na ito ni Virgilio S. Almario sa kaniyang aklat na Taludtod at Talinghaga (1984), mabuting balikan pa rin. Ngunit sa yugto ng rebisyon, dapat ay higit na maláy na ang makata hinggil sa buong disenyo at balangkas ng kaniyang tula. Maaaring nangangapa pa ang makata sa unang borador ng kaniyang tula, at kahit nasa isip niya ang magiging daloy ng balangkas ay hindi mangangahulugan yaon na maisasapapel niya ang lahat ng kaniyang iniisip at plano. Pagsapit sa yugto ng pagpapakinis ng tula, kailangang magtiyaga pa rin ang makata na balikan ang mga pangunang hakbang sa pagbubuo ng tula upang matantiya niya kung naging matagumpay ang kaniyang pagtitimpla ng balangkas, disenyo, at nilalaman.

Balikan ang Ubod na Diwain
Ang “ubod na diwain” na aking tinutukoy ay maitutumbas sa “sentral na ídeá” ng tula. Korni ba  palasak ang nasabing diwain? Maaaring dumako rin sa pagtasa kung palasak ang tema, at kung ano mismong pagdulog ng makata sa nasabing tema ng tula. Magagawa ito kung tatasahin ang ubod na diwain ng tula sa pamamagitan, halimbawa, ng pagbabalik sa persona. Mahusay na nahubog ba ang katauhan ng persona, at naiugnay ito sa pagpapalawig ng ubod na diwain ng tula? Anong uri ng persona ang ibig ipamalay ng makata? At paano inangkupan ng tinig at himig ang nasabing persona? Maidaragdag din kung saan nakalugar ang persona, at saang anggulo siya sisipatin sa loob ng tula. Pag dumako na ang makata sa ganitong yugto, mapipilitan na rin siyang uriratin ang panahong iniiralan ng persona.

Maihahalimbawa ang tema ng prostitusyon at sinasagisag halimbawa ni Magdalena. Kung ang ubod na diwain ay dalagang bukid na dukha ngunit maganda at napilitang magputa, nawalan ng puri sa birhaws, at pagkaraan ay isinumpa ng madla, maituturing na gasgas na ito, lalo kung ang alusyon kay Magdalena ay tulad sa awit na likha ni Freddie Aguilar at di-nalalayo sa Biblikong pahiwatig. Ngunit kung ang diwain ng tula, halimbawa, ay ilalapat sa kompiyuter—na waring kinakarát tuwing binubuksan ng tao—ang malikhaing personipikasyon nito sa panahon ng globalisasyon ang maaaring magpanibago sa dating gasgas nang tema at pagdulog hinggil sa prostitusyon.

Sa ibang pagkakataon, ang epektibong paglalarawan ng mga lunan ay makatutulong din sa paghubog ng buong diwain ng tula. (Ang lunan na aking tinutukoy ay hindi lamang ukol sa pook o kaligiran, bagkus maging sa loob ng isip at puso ng persona.) Paano sinimulan, nilinang, at winakasan ang serye ng paglalarawan, samantalang isinasaalang-alang ang ubod na diwain ng tula? Maihahalimbawa ang pambihirang rendisyon ni Mike L. Bigornia sa “Mirador Hill, 1974”:

Oras ng paghuhunos ng balakbak
Na pinangingitlugan ng alitaptap.

Pabugso-bugso ang hanging
Yao’t dito sa panimdim.

Ang imahen sa ibaba’y pakiwal-kiwal
Piliti sinusundan ang dupikal.

Yaong dagat ay kuwento ng hamog
Sa dulo ng hagdang inaantok.

Unti-unting nagiging ako
Ang burol at anino.

Ang senyales ng pagbabago ng oras ay sinimulan sa pagkabakbak ng mga balát ng punongkahoy, at siyang lunan ng mga alitaptap. Ang punongkahoy ay mahihiwatigang nagluluningning sa gabi sanhi ng paglitaw ng mga alitaptap. Idinagdag ang pabago-bagong ihip ng simoy, mula sa kaligiran hanggang sa loob ng isip ng persona. Ang persona ay maiisip na nakapuwesto sa mataas na pook, at maaaring minamasid niya ang mala-bitukang manok na landas sa bundok nang tumunog ang kampanang hudyat ng orasyon. Ang pagdama sa pook ay pinasidhi ng paghalumigmig ng panahon, at ang hamog ay waring taglay ang katangian ng dayaráy [sea breeze] na lumalatag sa payyo [rice terraces] kung hindi man bagnos. Ang sukdulan ng paglalarawan ay nasa pangwakas na saknong, na ang persona at ang buról ay nagsasalikop ang pagbabanyuhay, habang dumidilim o gumagabi. Ang tesis ng metamorposis, kung gayon, ay hindi lamang sa labas ng katauhan ng persona. Nasa kaniyang loob ang metamorposis at ang persona mismo ay nagbabago kahit sa sandali ng pagbubulay.

Kaugnay ng binanggit hinggil sa paglalarawan ay ang masinop na pagkatalogo ng mga pangyayari o pagkilos o bagay, lalo sa mga tulang patanghal. Sa ganitong yugto, kailangan ang maingat na paghahanay at kombinasyon ng mga pandiwa, pang-uri’t pangngalan sa loob ng tula. Maihahalimbawa ang pagkatalogo ni Rio Alma sa tula “Parabulang Sensuwal: Bilang Prologo”:

May limang mata ang umiibig.
Nalalapnos ang una
Sa pusok at usok ng poot.

May limang mata ang umiibig.
Naninilaw ang ikalawa
Sa asido ng panibugho’t imbot.

May limang mata ang umiibig.
Namamanhid ang ikatlo
Sa dilig ng himutok at hirap.

May limang mata ang umiibig.
Nalalasing ang ikapat
Sa halimuyak ng hapag at halakhak.

May limang mata ang umiibig.
Napipinid ang ikalima
Sa ugat ng tamad na panaginip.

Lima lamang ang mata ng umiibig.
Limang ningas na nagtatampisaw
Sa hubad na alindog ng daigdig.

Ang anaphora ay lumalakas dahil sa pambihirang pagkatalogo ng mga yugto sa buhay ng tao. Pansinin ang paggamit ng mga salitang “nalalapnos,” “naninilaw,” “namamanhid,” “nalalasing,” “nagtatampisaw,” na ang aliterasyon kung hindi paroemion ay sumasabay sa antas ng damdamin o niloloob ng tao at nilalagom ng “ningas” ng lastag na kaligiran (i.e., kadalisayan ng lunan). Maiuugnay din dito ang mga pandulong tugma ng ikatlong taludtod sa bawat saknong (“poot” at “imbot”; “hirap” at “halakhak”; “panaginip” at “daigdig” ) na pawang umaagapay sa repetisyon, kaya marahang umiigting ang bawat antas ng damdaming inihahayag.

Bilangin ang mga Salita
Malaki ang naitutulong ng teknolohiya, lalo na ng kompiyuter, upang mapagaan at mapabilis ang trabaho ng makata. Halimbawa, madali nang bilangin ang mga salita sa buong talata o saknong. Mababatid sa pamamagitan ng Simple Concordance kung ilang ulit lumitaw sa teksto ang salita. Nang gamitin ko ang nasabing program upang busisiin ang koridong Ibong Adarna ay saka ko lamang nabatid na wala pang dalawang prosiyento ang Espanyol at banyagang alusyon sa nasabing korido kung ihahambing sa bukal ng talasalitaan sa Tagalog nito. Hindi malalayo rito ang Florante at Laura ni Francisco Balagtas, na .015–.02 porsiyento lamang ang kabuuang hiram na salitang Espanyol kompara sa korpus ng Tagalog.

Ngayon, kung darako naman tayo sa rebisyon ng tula, ang nasabing teknolohiya ay magagamit upang lalong mapasinop ang pagbubuo ng tula. Mababatid ng makata ngayon kung anong salita o alusyon ang paborito niyang ilahok sa tula. Maiiwasan niya na maging maulit o makulit, maliban na lamang kung sinasadya niya ang pagkasangkapan sa mga uri ng repetisyong maaaring ilapat sa tula. Bukod doon ay mapipilitan ang makata na maging pihikan sa paggamit ng salita, at sa pagtimpla ng mga pandiwa at pang-uri, habang tinitimbang ang dami ng lahok na pangngalang pantangi. Matatasa niya kung gaano siya kadaling maglustay ng salita o espasyo, halimbawa sa isa, dalawa, o tatlong taludtod. Mababatid din niya, halimbawa, na kahit sa pinakamasikip na padron ay makalilikha pa rin siya ng mga unibersal na diwaing may testura ng Filipino o Tagalog o Bisaya o Ilokano.

Malaki kung gayon ang maitutulong ng mga programa sa kompiyuter, ngunit dapat pa ring isipin ng makata na ang mga ito’y tulay lamang sa mahabang proseso ng malikhaing pag-akda.

Titigan ang Saknong
Makatutulong sa pagrebisa ang pagtitig sa mga bukana at dulong salita ng bawat taludtod sa loob ng isang saknong. Mulang taas hanggang baba ang maaaring maging ehersisyo sa pagsuyod sa mga panimula o pandulong salita, na animo’y tumitingin ka ng mga lahok sa diksiyonaryo. Sa ganitong paraan, madali nang mababatid kung anong mga salita ang marapat tanggalin o panatilihin. Mababatid din kung may ikinukubling akrostik at panloob na tugmaan ang tula.

Ang pagtitig sa mga bloke ng saknong ay isa pang paraan ng pagtasa kung naging balanse ba ang buong estruktura ng tula. Halimbawa, puwedeng uriratin kung bakit higit na makapal ang mga taludtod sa unang saknong kaysa sa mga sumunod na saknong. Mahihiwatigan din kung may biswal na disenyo ang buong tula, na bukod sa ipinahihiwatig ng mga salita.

Manerismo sa Pagsulat
Maiuugnay sa nabanggit sa itaas ang manerismo sa pagsulat. Kung maláy na ang makata sa mga salitang ginagamit niya sa loob ng tula, madali na niyang matatasa ang angking mga kahinaan sa pagsulat. Halimbawa, kung hihimayin ang mga taludtod sa bawat saknong, maaaring mabatid ng may-akda kung bakit paulit-ulit at walang habas ang pagbaluktot niya sa sintaks o paglabag sa batas ng gramatika kahit hindi naman kailangan. O kaya’y matutuklasan ang hilig niya sa paggamit ng ilang partikular na parirala, kahit sabihin pang nakapagdudulot iyon ng pagkabarok. Sa ibang pagkakataon, masusuri nang maigi ang henyo ng may-akda sa pagbuo ng sari-saring anyo ng pangungungusap, habang isinasaalang-alang ang musika ng buong tula.

Biswal at Awral na Anyo
Sa mga makatang imahista, ang biswal na anyo ay napakahalaga. Ang mga tiyak na paglalarawan, bukod pa ang hugis ng mga saknong o taludtod, ay napagpapatindi ng damdamin o diwaing isinasaad ng tula. May tula si Mayet C. Culibao na pinamagatang “Bakit”. Ang hugis ng buong tula’y maihahambing sa karit. Ang nasabing hugis-karit ay magkakasanga ng mga pahiwatig mulang pagsasaka at tagsalat hanggang politika ng sosyalismo at komersiyalismo, habang makakargahan ng sagisag mulang katayan tungong tandang pananong sa hinaharap ang imahen ng tao na dumaranas ng taggutom. Walang masama sa gayong paglalaro ng mga salita, lalo kung ang biswal na anyo ay umaagapay sa awral na anyo ng tula. Ngunit sa ibang kaso, kung walang habas ang paglalaro ng salita’y nakatatalam din; at tila pagkukubli sa abstraksiyon nang hindi mapansin ng mambabasa ang kababawan ng teksto.

Sa yugto ng rebisyon, kinakailangang timbangin ng makata kung ang biswal na anyo ng mga taludtod ay angkop sa tunog o indayog ng mga salitang pawang nakaugat naman sa ubod na diwain ng tula. Mahirap gawin yaon sa mahahabang tula, at ang karaniwang nagiging matagumpay ay yaong maiikli, patanghal, at mapaglarawang tula.

Magpakadalubhasa sa Salita
Walang ibang kagamitan ang makata kundi ang salita. Gaano man kaganda ang disenyo ng aklat ay malulusaw ang saysay niyon kapag bulagsak gumamit ng salita ang makata. Kaugnay nito, dapat maláy ang makata sa batas ng balarila nang sa gayon ay batid niyang labagin iyon sa ilang pagkakataon.

Marami nang inilista si Almario hinggil sa mga siyokoy na salita, gaya ng “aspeto” (aspekto), “pangkultural” (pangkultura), “pesante” (kampesino), at “kontemporaryo” (kontemporaneo), na patuloy na lumilitaw kahit hangga ngayon. Hindi ko na dapat pang ulitin yaon. Kailangang maging maláy hinggil dito, upang maiwasan na ang paulit-ulit na paglitaw ng nasabing mali. Ngunit higit pa rito, kailangang magbalik kahit sa karaniwang ginagamit na salita, gaya ng “nandoon” (naroon), “nandito” (narito), “na kung saan” (kahit “na” lamang ang dapat gamitin), at ang malimit na pagkalito sa pang-angkop na “na,” “ng,” at “nang.”

Maging maingat kahit sa paggamit ng balbal na salita at ng mga bagong ewfemismo, dahil kung minsan ay napakalimitado ang saklaw ng paghihiwatigan nito sa loob ng subkultura, at ni walang hangad na umangat sa antas ng diskurso ng malawak na lipunan. Labis tuloy na nagiging espesyalisado ang wika, at ang nagkakaintitndihan na lamang ay ang mga tao na kabilang sa naturang subkultura, gaya ng mga bakla sa Malate o ng mga punkista sa Diliman. Ang panlipunang dimensiyon ng panitikan ay nahahanggahan, at ang wika, na dapat sanang maging tulay ng komunikasyon, ay nagiging sagabal pa sa pag-unawa.

Kailangan kung gayon ang mga mapagtitiwalaang diksiyonaryo at tesawro habang sumusulat o nagrerebisa ng tula. Sa pamamagitan nito, mabilis makasasangguni ang manunulat hinggil sa tumpak na gamit ng salita. Magiging kasangkapan din niya ang mga it upang mapalalim ang kaniyang bokabularyo. Maaaring sa simula’y mangapa siya; ngunit paglaon ay magiging gamáy na niya ang kahit malalalim na salita, at dudulas ang paggamit niya rito habang tumutula.  Bukod sa nabanggit, maaaring magsimulang maglista na rin ang manunulat ng iba pang salitang ginagamit sa kaniyang lalawigan o lungsod, at siyang makapagpapayaman sa kaniyang pagtula.

Matutong Kumilala sa Ibang Awtor
Isa pang sakit ng mga kabataang manunulat ngayon ay hindi marunong lumingon sa pinanggalingan. Halimbawa, kahit ang tula ay halatang adaptasyon sa tula ni Lope K. Santos o Jose F. Lacaba, aangkinin ng makata ang kaniyang mahusay na pag-akda. Ano ang masama kung maglagay ng “pasintabi,” “salamat kay,” o “pagkaraan ni” sa ilalim ng tulang halaw sa ibang tula? Kailangan ito, lalo sa panahong ang plahiyo ay usong-uso hindi lamang sa mga teksbuk, bagkus maging sa mga tulang nalalathala sa internet.

Balikan ito sa yugto ng rebisyon ng tula. Sa aking palagay, higit na lulusog ang pagbasa sa tula kung malinaw ang reperensiya at pinag-ugatan ng adaptasyon o panggagagad, at magiging gabay pa yaon sa mga bagitong mambabasa.

Mag-ingat sa Paggamit ng Epigrape
May mga tulang natutukuran ng, at nakatukod sa, epigrape. At may mga tulang kapag walang epigrape ay hindi na kayang tumayo nang mag-isa. Ang tula ay dapat tumindig kahit walang epigrape, at sakali’t lagyan ng epigrape ay dapat lalong tumindi ang bisa nito sa nilalaman, disenyo, at ubod na diwain ng tula, gaya ng ginawa nina Alfrredo Navarro Salanga at Rio Alma.

Ang epigrape ay maaaring maging bintana sa pag-urirat ng tula. Maaaring ang epigrape’y kabaligtaran ang nais ipahiwatig pag natapos basahin ang tula. Maaari ding ang isinasaad na diwa lamang ng epigrape ang mahalaga, at walang kaugnayan ang konteksto ng pinagmulan niyon sa tulang nilikha ng makata.

Ano’t anuman, mag-ingat sa paggamit ng epigrape. Kung sadyang may alusyon at reperensiya ang dulot niyon sa tula’y mabuti at dapat hangaan. Ngunit kung gagamitin lamang yaon sa tula upang ipagmagara ng makata sa kaniyang mga mambabasa at walang kaugnayan sa tula, masasabing kahinaan na yaon na humahangga sa kagila-gilalas na katangahan.

Paggamit ng Bantas
Sa tradisyonal na panulaang Tagalog, mahalaga kahit ang pagsasaad ng bantas sa loob ng pangungusap. Naitatakda nito ang natural na paghinto at paghahati ng mga salita, habang umaagapay sa tugma. Pag-aralan ang paggamit nito, kaugnay ng pagpuputol ng mga parirala.

Kung ayaw namang gumamit ng bantas, pangatawanan ito gaya ng ginagawa ni Ophelia Alcantara Dimalanta. Ang masinop na pagpuputol ng parirala ang maghuhudyat ng bantas, kaya dito dapat magtuon ang makata habang nagrerebisa.  Minsan, hindi gumagamit ng bantas ang isang awtor hindi dahil ibig niyang suwayin ang kumbensiyon kundi sadyang hindi niya alam kung paano gumamit nito. Ito ang masaklap, dahil ang tagumpay ng tula ay ala-tsamba at batay sa oido lamang.

Subukin ang Lohika ng Pahayag
Mabuting ehersisyo ang pagrerebisa ng tula dahil nababanat nito ang paggamit ng lohika. Ang mga pasuhay (deductive), pasuysoy (inductive), at patimbang (comparative) na paraan ng pananaludtod [i.e., balangkas ng tula] ay sumasalok sa paraan ng pangangatwiran sa lohika. Hindi nagkakalayo ang dalawang nabanggit, bagkus ay pinalalakas pa ng lohika ang pagbuo ng taludtod, saknong, at ang buong tula mismo.

Subalit may masasalimuot na tula, na ang paraan ng lohika ay taliwas sa lohika na karaniwang matatagpuan kapag gumagamit ng prosa. Hindi rin tahas at tuwid ang mga pahayag sa tula, bagkus ay maligoy, pasikot-sikot, at nakapanlilinlang, kung hindi man nagsasalimbayan sa ilang pagkakataon, gaya ng sa panaginip. Bukod dito’y naghahalo ang dalawa o higit pang tinig, at kaya mahirap sundan. Ganito ang matutunghayan sa ilang tula nina Rogelio G. Mangahas, Cirilo F. Bautista, Alfrredo Navarro Salanga, at Rio Alma.

Mabuting magrepaso ang sinumang baguhang manunulat hinggil sa lohika, kung ibig niyang mapahusay ang pagtula.

Pag-urirat ng Nilalaman
Ang pag-urirat sa nilalaman ng tula ay dumarako sa ikalawang antas ng rebisyon, na tinagurian kong “panloob na aspekto.” Sumasaklaw ang panloob na aspekto sa panlipunang dimensiyon ng pagtula, kaya ang tula ay masasabing nagkakabisa ng tulay mulang makata hanggang mambabasa, at pabalik. Mapagmalabis ding sabihing ang makata ay sumusulat ng tula para lamang sa kaniyang sarili, at ni walang pakialam sa puna ng iba, dahil yaon ang sukdol ng pangkaisipang pagsasalsal o pagdukit. “Wika” ang ginagamit ng makata, at ang nasabing wika ay kapuwa artsibo at kamalig  ng lipunan, kasaysayan, at kultura, at iba pang kaugnay nito. Sa ganitong kalagayan, ang makata ay hindi makatatakas sa panlipunang dimensiyon ng pagtula at tula. May pinag-ugatan at iniinugan ang tula—at hango sa realidad ng kaniyang lipunan at panahon—subalit may kakayahan pa rin ang makatang lumikha ng bukod na realidad ng guniguni at taliwas sa realidad ng lipunan.

Sa oras na mapagsalikop ng makata ang realidad ng lipunan at ang realidad na likha ng kaniyang guniguning pinanday, hinubog, pinakinis, at pinatalim ng wika—ang wikang batid din ng kaniyang kababayan o ibang tao at may angking diskurso na kaantas ng diskursong taglay ng makata—nagiging matagumpay ang tula. May ilang hawig na sanaysay na sinulat si C.F. Bautista hinggil sa paksang ito, at malaya kayong balikan.

Maraming dapat isaalang-alang ang manunulat kapag inuurirat na ang laman. Halimbawa, kailangang muling sumangguni siya sa mga aklat, teorya, interbiyu, video, komiks, at kung ano-ano pang pteksto upang matiyak na mahusay na nagagamit ang mga dalumat na kahiyang hinugot sa mga ito. Kailangan din niyang magbasa ng kasaysayan at ng kasaysayan ng panitikan, at sa ilang pagkakataon, magbalik sa mga teorya ng pagbasa sa tula, upang malay na makalikha ng mga ganap na tulang lumilihis sa kumunoy ng katangahan.

Kailangang sagapin ng makata ang daigdig, ito ang payo ni Almario; at ito ang makatutulong upang lumago ang karanasan at kamalayan ng makata. Napakahirap iyon para sa bagitong manunulat, ngunit maaaring magsimula sa mga karanasang batid na batid niya, mula man iyon sa tirahan o dormitoryo hanggang sa paaralan at tambayan. Makasusubok din ang makatang maglista ng mga alusyon at reperensiyang gagamitin niya sa tula, at planuhin kung anong anggulo at pagdulog ang tumpak na gamitin ukol doon.

Anumang paksa na piliin ng makata ay mahalaga; at sa yugto ng rebisyon, kailangang salain niya ang mga diwaing makatutulong sa malikhaing pagbuo ng kaniyang bayan. Hindi ito madali, lalo sa mahahabang tula, at kaya kailangan ng makata ang ilang eksperto o tagapayo mula sa iba’t ibang larang, na handang magbigay ng kaalaman at kuro-kuro hinggil sa napiling paksa. Isang magandang halimbawa nito ang paghingi ng payo ni Rio Alma mula sa iba’t ibang eksperto nang gawin niya ang Huling Hudhud (2008) na binubuo ng mga tinig ni Aliguyon, Jose Rizal, at Di-kilalang Kabataan ng kasalukuyang henerasyon.

Pandama at Pagdama sa Tula
Lahat ng materyal na realidad na labas sa katauhan ng makata ay maaaring sagapin ng limang pandama. Ngunit ang isa pang bukod na realidad na maaaring maglaro sa kalooban o isip ng makata ay hindi madaling magagap at hindi kayang saklawin ng naturang pandama dahil nangangailangan yaon ng matalas na haraya [i.e., imahinasyon]. Ang imahinasyon ang tula, wika nga ni C.F. Bautista, upang maunawaan natin ang mga panloob na katotohanan [sa isip ng makata].

Sa yugto ng rebisyon, ang pagtatasa sa haraya sa loob ng tula ay nangangailangan ng malusog na pagtatagpo ng katwiran, damdamin, at guniguni. Ang tatlong elementong ito ay ipinaliwanag noon pa man ni C.F. Bautista. Ang karaniwang pakahulugan sa isang “bahay” na realidad sa labas ng katauhan ng tao ay hindi magiging kapareho sa “nilikhang bahay” ng guniguni, dahil ang paghihiwatigan ay lumalawak at lumalalim sa malikhaing panghihimasok ng makata. Ang “guniguning bahay” ng makata, kung gayon, ay hindi tahasang maitutumbas sa “makatotohanang bahay,” bagaman kayang sumalamin ang “guniguning bahay” sa “makatotohanang bahay” at sa kalagayang kinapapalooban nito.

Hindi madaling matutuhan ang pagdama sa kaisipang patalinghaga, dahil kailangang pag-aralan ng manunulat ang lahat ng sinulat ng mga nangaunang makata sa kaniya. Kailangan ng manunulat na pumaloob sa daigdig ng haraya, at gumamit ng wikang may taglay na haraya, upang ang karaniwang wika ay umangat sa abang lunan nito at makalikha ng sariwang daigdig.

Basahin nang Malakas ang Tula
Ang isa pang pagsubok na magagamit upang mabatid kung epektibo ang tula ay basahin yaon nang malakas.

May dalawang pag-uuri na ginamit si Almario sa tula. Una, ang “tulang palabas” na mahilig gamitin ng mga tinawag niyang “Balagtasista”—at masasabing epektibo sa mga bigkasan o pagtatanghal ng tula. At ikalawa, ang “tulang paloob” na aniya’y pinauso naman ng mga modernista, at sinasabing “tahimik” at “mapagbulay” na pagtula. Bagaman maaaring sang-ayunan ang dalawang pag-uuri, maaari ding uriratin pa kung ang tinaguriang “tulang paloob” ay nagtataglay din ng kapasidad na magluwal ng pambihirang musika, na maaaring ibang-iba ang hagod sa “tulang palabas.” Maaari ding pag-aralan ang mga “tulang palabas” ng mga pangkat na mahilig sa pagtatanghal-tula, upang mabatid ang eksentrisidad ng tula sa eksentrisidad ng pagtatanghal.

Halimbawa, kung ang “tulang palabas” ay ituturing na namamayaning pop ballad o hip-hop at rap, ang “tulang paloob” ay maaaring ituring na heavy metal rock o klasikong opera. Ano’t anuman, may kakayahan ang dalawang uri ng pagtula na makapagluwal ng natatanging himig at indayog, na maaaring ang may batikang pandinig lamang ang nakababatid. Hindi ako naniniwalang ang tulang paloob ay maikukulong o dapat ikulong lamang sa pahina (maliban sa ilang pagkakataon na ang tula’y pulos paglalaro lamang ng mga titik o numero o grafiks, gaya sa ilang tula nina Mary Ellen Solt, Edwin Morgan, at Vim Nadera; o blangko ang pinakalawas ng tula ngunit may pamagat, gaya ng ginawa ni Jose Garcia Villa; o kaya’y ang mga tala o footnote ang magsisilbing teksto ng tula, gaya ng ginawa ni Conchitina Cruz). Ang tulang paloob ay epektibo rin kung handang makinig ang mga tao, sasaliwan ng maindayog na tunog, at kung babasahin, halimbawa na, ni Marlon Brando o Frank Sinatra. Samantala’y ang sinasabing tulang palabas ay mawawalan ng bisa, kung ang uri ng tula ay masisilayan sa gaya ng mga tulang protesta ni Bienvenido Lumbera na tradisyonal ang anyo; at sa mga sumisigaw sa hinagpis o pa-abanggardistang tula ng bagong henerasyon ng performance poet na ang padron at iniidolo ay ang mga tulang palabas ni Domingo Landicho o kaya’y Cesare Syjuco.

Bakit kailangan kong banggitin pa ang mga ito? Sapagkat kailangang subukin ng makata ang musika ng kaniyang tula. Anuman ang piliin niya—palabas man o paloob—ay dapat niyang pangatawanan. Ang masaklap ay maging sintunado pa rin ang tula sa kabila ng pagsisikap ng may-akda na pahusayin ang pagsulat. May mga tulang sadyang salát sa indayog, at isang problema na aking napapansin ay ang pagtawid ng makata sa daigdig ng prosa kahit tumutula, at ang labis na pagtitipid ng mga salita na waring ginagagad ang tulang Ingles. Prosa ang datíng ng tula, ni wala man lang tayutay o sayusay.

Kung tatasahin ang Tagalog bilang wika ng panulaan, masasabi kong ang henyo at elegansiya nito ay nasa kabulaklakan at paghihiwatigan—at nahahawig sa hagod ng Espanyol—dahil ang antas ng paghihiwatigan ng mga Tagalog ay ibang-iba kung ihahambing sa tahas na wika ng Amerikano. Hindi dapat maging kapintasan ang kabulaklakan ng Tagalog (na dati nang pinuna ng mga Inglesero) dahil ito ang magtitiyak kung anong antas na ng kamalayan ang naabot ng mga mamamayang ang isip at kamalayan ay hinutok at pinanday ng kanilang sariling panatikan at kultura. Ibang-iba ang Tagalog sa Ingles, at hindi dapat ipailalim sa batas ng gramatika ng Ingles ang Tagalog.

Makatutulong ang pagbabasa nang malakas sa pagrerebisa ng tula. Maaaring mapansin agad ng makata kung anong salita ang nararapat palitan, at kung paano ibabagay ang himig ng persona sa damdamin o diwaing taglay niya. Sa ganitong yugto, kinakailangang hasain ng makata ang kaniyang tainga, at pakinggan ang tunog at bagsak ng mga salita.

Pangwakas
Ang ating utak ay likas na humahanap ng padron sa ating paligid, ani Diane Ackerman, at idaragdag kong isa na rito ang paghahanap ng padron sa animo’y kalawakan ng mga pahiwatig o hulagway sa isang tula. Madali tayong makauunawa kung mahihilig tayong magbasa, at kung ang mga newron at galamay nito ay masasanay sa testura at lamán ng Filipino. Ngunit higit pa rito, kailangan din matuto tayong salain ang mga binabasa, upang ang ating utak ay higit na makapitlag sa pambihirang lunan ng guniguni.

May iba pang paraan ng pagrebisa ng tula. Matutuklas lamang ito ng makata kung patuloy siyang magsusulat ng tula, at hindi magsasawang balik-balikan ang kaniyang mga akda. Isang pagsubok ang lagi kong ginagamit. Kung ang tulang sinulat mo may lima o sampung taon na ang nakararaan ay maganda pa rin at kaaya-aya sa iyo kapag binasa mo ngayon, marahil ay nagtagumpay nga ang tula. Iyon marahil ang mahalaga. Ang ibigin at maibigan mo muna ang sariling mga tula, bago ibigin at maibigan yaon ng madla sakali’t mailathala.

(Binagong bersiyon at panayam ni Roberto T. Añonuevo sa LIRA noong 31 Agosto 2008 na ginanap sa UP Kolehiyo ng Arte, Diliman, Lungsod Quezon)

Pornograpiya, Kahalayan, at Panitikan

Iginagalang ko si Sen. Manny Villar bilang patron ng sining, ngunit sa pagkakataong ito ay nagdududa ako kung ano talaga ang pagpapahalaga niya sa sining at panitikan. Sa kaniyang Panukalang Batas bilang 2464, ang pornograpiya at kahalayan ay ituturing na kasong kriminal at may katumbas na mabigat na parusa sa sinumang mapapatunayang nagkasala.

Mahaba ang pamagat ng kaniyang panukala: “An Act prohibiting and penalizing the production, printing, publication, importation, sale, distribution and exhibition of obscene and pornographic materials and the exhibition of live sexual acts, amending for the purpose Article 201 of the Revised Penal Code, as amended.”  Sa unang malas ay waring nakabubuti ito sa pagpapanatili ng moralidad sa lipunan. Ngunit kapag inusisa na ang mga salita at pakahulugang isinaad sa panukalang batas, manggagalaiti ang sinumang nagmamahal sa sining dahil binubura ng panukala ang hanggahang nagbubukod sa “pornograpiya” at “sining.”

Maganda ang layon ng panukala: ang “pahalagahan ang dangal ng bawat tao at pangalagaan ang integridad at ang katauhang moral, espiritwal, at panlipunan ng mamamayan, lalo na ang kabataan at kababaihan” laban sa mga epekto ng obsenidad at pornograpiya. Ito ang patakaran ng estado, at upang maisagawa ito ay kinakailangan umanong maghasik ang pamahalaan ng walang humpay na kampanya laban sa kahalayan at pornograpiya, at tiyakin na ang mga institusyong pang-edukasyon ay sumusunod sa atas na ito ng konstitusyon.

Mga pakahulugan
Ang paglinang sa kabutihang asal at pansariling disiplina ay dapat suriin nang maigi sa panukalang batas ni Sen. Villar. At maaaring magsimula sa pag-urirat sa mga pakahulugan. Heto ang sipi sa panukalang batas:

(a) “Obscene” refers to anything that is indecent or offensive or contrary to good customs or religious beliefs, principles or doctrines, or tends to corrupt or deprave the human mind, or is calculated to excite impure thoughts or arouse prurient interest, or violates the proprieties of language and human behavior, regardless of the motive of the producer, printer, publisher, writer, importer, seller, distributor or exhibitor such as, but not limited to:
(1) showing, depicting or describing sexual acts;
(2) showing, depicting or describing human sexual organs or the female breasts;
(3) showing, depicting or describing completely nude human bodies;
(4) describing erotic reactions, feelings or experiences on sexual acts; or
(5) performing live sexual acts of whatever form.

Sa Filipino, ang “obscene” ay maitutumbas sa “mahalay.” Sa pakahulugan ni Villar, ang mahalay ay maaaring malaswa o nakasasakit o salungat sa mabubuting kaugalian o paniniwalang relihiyoso, prinsipyo o doktrina, at siyang bumubulok sa isip ng tao. Ang “mahalay” ay nagpapasiklab ng maruruming pag-iisip, na mahihinuhang ang ibig sabihin ay “kalibugan.” Ngunit kung ano ang hanggahan ng kabutihang-asal ay isang palaisipan. Ang pagpapasulak ng libog ay sasaklaw din sa anumang motibo ng prodyuser hanggang manunulat hanggang tagapagtanghal.

Sa ganitong pakahulugan, kahit ang mga seryosong panitikero at artista ay masasabit. Mangunguna na marahil sa listahan si Pambansang Alagad ng Sining F. Sionil Jose, na ang ilang nobela’y nabubudbudran ng makukulay na kandian, laplapan, at bosohan. Manganganib din ang mga teatro, na dapat ituring ang kanilang mga manonood na parang batang walang sapat na kapasiyahan at dapat pangalagaan ang moralidad. Delikado kahit ang mga independiyenteng pelikula, na nagtatanghal ng mga erotikong obrang lumilihis sa kumbensiyon at nangingibabaw na pananaw. Pinakikitid ng “mahalay” ang dating pakahulugan nito, at inilalatag ang konsepto ng itim at puti na parang nasa panahong midyibal.

Nakatatakot kahit ang mga pakahulugan sa “pornograpiya,” “mass media,” “materials,” “sex,” at “sexual act.” Heto ang sipi:

(b) “Pornographic or pornography” refers to objects or subjects of film, television shows, photography, illustrations, music, games, paintings, drawings, illustrations, advertisements, writings, literature or narratives, contained in any format, whether audio or visual, still or moving pictures, in all forms of film, print, electronic, outdoor or broadcast mass media, or whatever future technologies to be developed, which are calculated to excite, stimulate or arouse impure thoughts and prurient interest, regardless of the motive of the author thereof.

(c) “Mass media” refers to film, print, broadcast, electronic and outdoor media including, but not limited to, internet, newspapers, tabloids, magazines, newsletters, books, comic books, billboards, calendars, posters, optical discs, magnetic media, future technologies, and the like.

(d) “Materials” refers to all movies, films, television shows, photographs, music, games, paintings, drawings, illustrations, advertisements, writings, literature or narratives, whether produced in the Philippines or abroad.

(e) “Sex” refers to the area of human behavior concerning sexual activity, sexual desires and instinct, and their expressions.

(g) “Sexual act” refers to having sex or the act of satisfying one’s sexual instinct.

Sa naturang pakahulugan, kahit ang matataas na uri ng panitikan ay kasama. Gayundin ang matitinong potograpiya, pintura, musika, pelikula, at makabagong teknolohiya. Napakalawak ng “impure thoughts” (maruming isip) at “prurient interests” (kalandian o kalibugan) at kapag inilapat ang mga konseptong ito sa panitikan ay dapat husgahan ang akda batay sa husay ng imahinasyon at hindi sa kung ano-anong taguri. Maiisip tuloy na kinokontrol ng pamahalaan kung paano dapat mag-isip at magpasiya ang mga mamamayang ipinapalagay na pawang  gago at bobo na hindi kayang unawain ang nagbabagong daigdig. Ang pakahulugan ng “mabuti” ay nakasalalay lamang sa kamay ng pamahalaan, o sa galamay nitong relihiyoso. Mapanganib ang nasabing pakahulugan dahil ang pagpapasiya kung ano ang “pornograpiya” ay mahihinuhang nakabatay sa halagahang moral ng mga relihiyon, kahit ang mismong mga relihiyong ito ang nagpapakalat din ng mga dogmatiko, basura’t kolonyal na paniniwalang pikit-matang sinusunod ng kani-kanilang mananampalataya.

Mapanganib ang pagtatanghal ng mga pelikulang may kaugnayan sa sex at paghuhubad. Lalo na ang pagsusulat, pagbubuo, paglilimbag, at pagpapalaganap ng mga ito sa mass media o kaya’y sa tanghalan. Nakikini-kinita kong kahit ang mga blog at websayt ay delikado rito, dahil mapipilitan ang pamahalaan na gumanap bilang Dakilang Kuya na magmamanman sa bawat kilos ng mga mamamayan, at itatakda ang “mabuti” at ang “masama” alinsunod sa nais nitong palaganapin nang mapanatili ang panlipunang kaayusan.

Mga Parusa
Mabigat ang mga parusa, at kabilang dito ang sumusunod:

Una, ang pagkakakulong nang anim hanggang labindalawang taon, at multang mulang 500 milyong piso hanggang 1 milyong piso sa sinumang lumilikha, naglilimbag, nagtatanghal, nagbebenta, at napapakalat ng pornograpikong materyales.

Ikalawa, pagkakakulong nang tatlo hanggang anim na taon at multang mulang 200 libong piso hanggang 500 libong piso sa sinumang magpapalabas ng mga “pornograpikong pelikula” sa loob man o labas ng Filipinas, o sa mga publikong tanghalang, gaya sa restoran  o klub, o kaya’y sa bahay na ang mga nanonood ay hindi lamang ang mga residente roon.

Ikatlo, pagkakakulong nang tatlo hanggang anim na taon at pagmumulta ng 200 hanggang 500 libong piso sa sinumang magsusulat ng mahalay o pornograpikong akda mapa-elektroniko man o mapalimbag sa papel.

Ikapat, pagkakakulong nang isang taon hanggang tatlong taon at pagmumulta ng 100 hanggang 300 libong piso sa sinumang magtatanghal o gaganap nang malaswa o pornograpiko sa anumang anyo ng mass media.

Nagtataka lang ako kung bakit walang umaangal sa panukalang batas na ito ni Sen. Villar. Nananahimik ako dahil iniisip ko noon na may mga tao na mag-iingay hinggil dito. Ngunit dahil wala namang pumipiyok, nais ko nang pumalag. Dapat ibasura na ang Panukalang Batas bilang 2464. Ang nasabing panukala ay mapanlahat, at napakakitid ng pananaw hinggil sa sining at pagtatanghal. Sinumang sumulat o nagpakana nito ay dapat ibitin nang patiwarik, nang umagos at lumabas ang lahat ng kaniyang dugo sa ilong, mata, tainga, at bibig na maituturing na isang uri ng pornograpikong tagpo sa sinumang ang pamantayan ay “Matapat, Mabuti, Maganda.”

Diyamante at ang kaso ng maling panghihiram

Napagpakuan ko minsan ng pansin ang isang teksbuk na pinamagatang Pluma: Wika at Panitikan para sa Mataas na Paaralan I (2004) nina Ailene G. Basa at Alma Dayag at inilathala ng Phoenix Publishing House, Inc. Marami akong napunang kahinaan ng teksbuk ngunit ang aking tatalakayin ngayon ay hinggil sa tulang “dyamante” na pinauuso ng nasabing teksbuk.

Ayon sa Pluma, ang “dyamante [sic, diyamante] ay isang uri ng tulang isinusulat sa hugis na dyamante. Ito ay binubuo ng limang linya kung saan ang pinakamahabang linya ay ang ikatlong linya. Sumusunod na mahaba ang ikalawa at ikaapat na linya at ang pinakamaikli sa lahat ay ang una at huling linya.” Itinuturo din ang limang hakbang sa pagsulat nito, at ibinigay pa na halimbawang tula ang sumusunod:

Negosyo
maunlad, progresibo
pinag-iisipan, pinagsisikapan, pinagpapaguran
para sa masaganang buhay
negosyo.

Sablay sa gramatika ang pakahulugan ng “dyamante.” Ngunit higit pa rito, ang ganitong uri ng akda ay hindi karapat-dapat na tawaging tula. Napakababaw nito, at ni walang talinghaga, at prosang-prosa ang hagod. Ngunit hindi lamang dapat mabahala ang mga magulang sa ganitong uri ng tulang itinuturo sa mataas na paaralan. Kailangan ding makialam ang awtoridad, gaya ng Departamento ng Edukasyon (DepEd), dahil sa mali-maling inilalahok sa teksbuk.

Ang ugat ng Diyamante
Walang maringal na ugat ang “diyamante” (diamante poetry) kung ihahambing sa ating tanaga, ambahan, laji, diyona, dalít, tigsik, talindaw, at iba pang anyo ng katutubong tula sa Filipinas. Ang tulang diyamante ay pinauso ni Iris Tiedt, at kaniyang inilahok sa A New Poetry Form: The Diamante (1969). Bilang guro, si Tiedt ay umimbento ng mumunting berso na magagamit sa elementarya at siyang kaugnay sa pagtuturo ng wikang Ingles.

Ang tinaguriang tulang “diyamante” ay binubuo ng pitong linya na hugis diyamante ang anyo. Pinaglalaruan ng nasabing berso ang pangngalan (noun), pang-uri (adjective), at pandiwang makangalan (gerund). Walang tugma at sukat ang nasabing tula, bagaman ang pormula ay masisipat sa ganito: isang salita sa unang linya; dalawang salita sa ikalawang linya; tatlong salita sa ikatlong linya; apat na salita sa ikapat na linya; tatlong salita sa ikalimang linya; dalawang salita sa ikaanim na linya; at isang salita sa ikapitong linya.

Ang totoo’y walang nabubuong pangungusap sa nasabing berso.

De-kahon ang diyamante sa pagpapamalas ng singkahalugan at kasalungat na kahulugan. Ang unang apat na linya ay nakatuon sa pangngalang binanggit sa unang linya, samantalang ang kasunod na tatlong linya ay nakasuhay sa pangngalan sa ikapitong linya.

Ang diyamante ay humuhugot umano ng impluwensiya sa Amerikanong cinquian (na tiglilimang linya bawat saknong at hugis diyamante, at matatawag sa ating “singkuhan”). Isa sa mga popular na uri nito ang pinauso ni Adelaide Crapsey. Ngunit kung igigiit naman ang tulang de-kuwit ni Jose Garcia Villa, maiisip ng iba na ginaya lamang ng Amerikano kay Villa ang taktika ng pagkukuwit. Kung babalikan ang ginagawa nina Baisa at Dayag, ang halimbawang diyamante nila ay cinquian, at pekeng diyamante, bagaman parehong gumagamit ng hugis-diyamanteng porma. Ang bersong diyamante ay masasabing supling lamang ng tinaguriang shaped verse, ang uri ng tulang inihuhubog sa anyo ng pinagtutularang imahen, gaya ng bituin o parisukat o ahas, at mauugat noong siglo 17 sa tradisyon ng panulaang Ingles, o kaya’y sa kung ilang libong taong nakalipas sa tradisyon ng panulaang Tsino. Sa Filipinas, matagal na itong ginawa ng gaya nina Jose Corazon de Jesus at Manuel Principe Bautista na susundan pagkaraan mulang Rio Alma hanggang Vim Nadera.

Manghiram ay di-biro
Hindi biro ang panghihiram na ginawa nina Baisa at Dayag. Una, mali ang pagpapaliwanag hinggil sa tulang diyamante. Ikalawa, ang ginawa nilang halimbawa ay mahihinuhang Amerikanong cinquain, ngunit kahit ang uri ng anyong ito ay dapat pagdudahan at mahahalatang ginagad lamang sa gaya ng haiku, tanka, tanaga, pantun, at iba pang maiikling tula.

Sina Baisa at Dayag ang halimbawa ng mga awtor ng teksbuk na mahilig manghiram at manggaya sa teksbuk ng Amerikano upang ipasok sa teksbuk sa Filipino. Ang nangyayari tuloy ay hindi lamang nila inaangkat ang kaisipang dayuhan, bagkus nagpapalaganap pa ng sensibilidad ng kolonyal kung hindi man bagong kolonisador. Inililipat lamang ng mga awtor sa Filipinas ang padron ng tula, ngunit nananatili roon ang kababawan ng pinaghiraman. Hindi isinaalang-alang ng mga awtor ang pambihira’t malalim na tradisyon ng panulaan sa Filipinas, na magagamit nilang bukal ng kaalamang-bayan, imbes na manghiram sa ibayong-dagat.

Maraming mapapansin sa tulang diyamante nina Baisa at Dayag at heto ang ilan sa mahahalagang punto:

  1. Hindi ipinaliwanag nang maigi sa teksbuk nila ang ugat o kasaysayan ng diyamante.
  2. Mahinang anyo ng berso ang diyamante, at walang kapasidad na makabuo ng mga dakilang diwain.
  3. Kinasangkapan lamang ang taguring “tula” sa diyamante, ngunit ang ubod niyon ay hindi upang turuang sumulat ng tula ang mga estudyante, bagkus magpakilala ng mga salitang pangngalan, pang-uri, at pandiwang makangalan. Ibig sabihin, nakakiling sa lingguwistika ang diyamante, imbes na sa panitikan.
  4. Hindi ipinaliwanag sa teksbuk kung bakit kailangang pag-aralan ang isang mababaw na uri ng bersong Amerikano at gamitin iyon sa Filipino nang hindi isinasaalang-alang na magkaiba ang polong pinagmumulan ng dalawang wika.
  5. De-kahon ang diyamante, at kahit ang pag-iisip sa pagsulat nito ay nakasalalay lamang sa paglalaro ng pangngalan, pang-uri, o pandiwa at walang pakialam kung barok man (o linsad sa gramatika) ang pagkakasulat ng berso.

Hindi naman sa salungat ako sa panghihiram ng anyo o padron ng tula sa ibang bansa. Maraming hiniram na anyo ng tula ang Filipinas, at kabilang dito ang korido at awit bago pa man sumikat si Francisco Balagtas, o kaya’y ang villanelle, soneto, rondel, haiku, tanka, ghazal, at iba pa noong siglo beynte. Ngunit ang mga anyong ito ay masinop na ginamit ng mga makatang Filipino, at nilapatan ng mga pambihirang eksperimentasyon upang lalong sumigla ang anyo ng hiniram at maangkin ng mga Filipino.

Sa aking palagay ay makatutulong pa nga ang panghihiram kung malay sa tradisyon ang nanghihiram na manunulat o makata. Ang panghihiram ay makapagpapasok ng pambihirang kabaguhan sa dati nang de-kahong pagtula, at hinahatak ang mga makata na lalong pag-igihin ang pagtula.

Ngunit bago tayo manghiram ay dapat alam natin ang hinihiram. At kung hihiram din lang tayo ay mabuting manghiram na ng pinakamaganda’t pinakamalalim na padrong makatutulong sa ating panulaan imbes na pipitsuging padrong gaya ng “diyamante.” Ang ginawa nina Baisa at Dayag ay kasalanang mortal dahil maaakusahan sila ng plahiyo (i.e., plagiarism) mula sa mga Amerikanong awtor—dahil aakalain ng ibang sila (Dayag at Baisa) ang nagpauso ng “tulang diyamante” sa Filipinas—at siyang mababasa rin sa internet, gaya sa mga sumusunod na websayt:

  1. http://teams.lacoe.edu/documentation/classrooms/amy/algebra/5-6/activities/poetry/diamante.html
  2. http://www.readwritethink.org/materials/diamante/
  3.  http://www.poemhunter.com/poem/diamante-poem-war/
  4. http://www.instruction.greenriver.edu/haulman/History200DE/SummerH200DL_W3diamante.htm
  5. http://teachers.emints.org/riosy/Poetry%20Time.html

Higit pa rito, nagiging kaawa-awa ang pagtanaw sa tula. Ang ginawang tulang diyamante sa Pluma ay kasumpa-sumpa, at kung gagayahin iyon ng mga estudyante ay maaaring isumpa rin nila balang araw ang pagsusulat ng tula dahil ginagago sila ng kanilang sangguniang aklat.

Pagharap sa hinaharap
Ang problema sa mga sumusulat ng teksbuk, gaya nina Baisa at Dayag, ay malimit silang nakatingin sa labas ng bansa. Maraming anyo ng tula sa Filipinas ang maaari nilang mailahok sa kanilang teksbuk. Ang kinakailangan lamang ay masinop na pagsasaliksik, at paghingi ng mga payo sa mga kritiko at makata mismo na pawang nakababatid ng malalim na ugat ng panulaang Filipinas.

Kailangan nating magtiwala sa ating sarili. Kailangang magtiwala ang mga awtor na gaya nina Baisa at Dayag sa panulaang Filipinas, at dapat hikayatin nila ang kanilang pabliser na maglaan ng sapat na pondo para sa pagsasaliksik at pagbubuo ng matitinong teksbuk. Hindi kinakailangang tipirin ang pagbubuo ng teksbuk sa panitikan. Ang pondo sa aklat ng panitikan ay dapat kapantay kung hindi man higit sa pondo na laan sa iba pang larang, gaya ng agham, matematika, at Ingles.

Nais ko ring susugan ang unang binanggit ng kritiko at edukador na si Isagani Cruz. Ang pagtuturo ng panitikan ay dapat ibukod sa pagtuturo ng wika. Nagkakaroon ng malaking problema sa pagtuturo ng Filipino, dahil hindi malaman ng guro kung ang ituturo nila ay hilaw na lingguwistika o kaya’y seryosong panitikan. Ang mungkahi ko’y dapat magtuon sa pagtuturo ng panitikang Filipino sa mataas na paaralan, at ibukod ang pagtuturo ng wika na siyang tungkulin naman ng mga lingguwista sa kursong lingguwistika.

Ang pagtuturo ng tulang diyamante ay dapat nang ibasura, at pilasin sa mga teksbuk sa Filipino. Dapat isaisip ng mga awtor na ginawa iyon para sa pagtuturo ng wikang Ingles sa mga Amerikano at hindi para sa wikang Filipino na laan sa mga estudyanteng Filipino. Iba rin ang tradisyon ng Amerikano ukol sa panulaan, at isang kalabisan kung manggagagad lamang ang Filipino sa mga katarantaduhang ginagawa ng mga Amerikano. Hindi dapat ipaloob sa Filipino ang diskurso ng Amerikano. Hayaan nating lumaya ang panitikang Filipino, at ituro ang panulaang Filipino alinsunod sa pananaw ng mga Filipino.

Ang Paglalakbay

Magkabilang pader ng mga nitso ang nagpapaunawa sa kaniya ng sariwang hininga. Mga sisidlan ng mga pangalan, petsa, at lugar ang tila nagsasabing, “Heto ang direktoryo. Naliligaw ka ba?” Unti-unti niyang mararamdaman ang kilabot sa kung anong simoy, sa kung anong sinag, ngunit gaya ng nakagawian ay mapapailing lamang siya sa gumagapang na lamig sa kaniyang katauhan. Kabesado ng kaniyang mga paa ang landas pakanan, saka didiretso, at kakaliwa bago umabot sa sukdulan ng hanggahan ng matatangkad na pader. San Marcos, numero nuwebe.

SEMENTERYO, kuhang retrato ni Bobby Añonuevo

SEMENTERYO, kuhang retrato ni Bobby Añonuevo

Ano ang dapat katakutan sa kamatayan, bulong niya, kung may puntod ka sa alaala na dadalawin mo nang may pananabik? 

Mapapaupo siya sa lilim ng kisameng may mga nitso ring nakapaibabaw. Maririnig niya ang mga kaluskos ng paslit na naglalaro, ang matandang sumasaway sa huntahan, at isang nanggagalaiting tahol ng aso ang sisingit para ipagunita ang oras. May dalawang munting pasô na tinirikan ng mga rosas ang mapapansin niya sa isang nitsong nakalagda ang mga pangalang pamilyar sa kaniya. Ilalabas niya sa balutan ang apat na puting bilugang kandila, at sa isang panalangin ay iimbulog siya sa bagong daigdig.

Matagal nang huminto ang kaniyang daigdig. Ngunit hindi na ngayon, at hindi niya maipaliwanag kung bakit. Ang kakatwa’y marahang sumilay sa kaniyang noo ang lola na nagbibigay ng sapin-sapin o turumpo sa isang paslit, at ang lolo na mahilig magpabunot ng puting buhok na katumbas ng isang kusing. Magbabalik sa kaniya ang halakhakan, ang pagkatuwa na parang peregrinasyon sa Antipolo at pamimili ng pares ng mayang de-kolor o kaya’y ng pasalubong na suman o kasoy. Kakargahin ang bata sakali’t mapagod, at sa matimyas na sulyap ay maglalakad sila nang di-alintana ang pagod.

Nagbabalik siya sa mga kalansay ng loob, at ang mga alabok sa kaniyang mga paa ay anu’t kumikislot, tumitibok-tibok. “Kumusta na, iho?” Natatandaan niya ang gayong pagbati. “Kumain ka na ba?” Tutugon siya hindi na bilang paslit, bagkus bilang tigulang na humaharap sa tadhana. Uusalin niya ang panalanging waring ambon sa panginorin, at kumulimlim man ngayong araw ay makikita niya ang hantungan sa kabila ng mga pader. Masikip na ang sementeryo, aniya, at napakaluwag ng Pasig para sa sinumang naghahanap ng bagong bangka, nakagawiang tawiran, at sinaunang tagasagwan.

Liham ni Pinay: Kritika sa tula ni Ruth Elynia S. Mabanglo

Liham ni Pinay mula sa Singapore
ni Ruth Elynia S. Mabanglo

1 Sugatan ang ngiti ko nang lisanin kayo
2 Malagim ang kahapon at malabo ang bukas
3 Ngunit kailangang ipakipagsapalaran
4 Kahit ang mga payak ninyong halik at yakap.
5 Malinaw na malinaw sa pananda

6 Ang paglalim ng pileges sa noo ni Ama,
7 Ang namintanang luha sa mata ni Ina,
8 Ikinubli lamang ng mga pisil sa palad
9 At niligis na wala-nang-bangong bulaklak.
10 Bumubuntot ang mga bilin at tawag
11 Sa papalayong hakbang ng panganay na anak.

12 Umalis akong may dawag ng takot
13 Hatid ng dalita’t walang pangalang pagod.
14 Lumulusot ang kirot sa nakabihis na tapang
15 Ngunit kailangang makawala sa gapos ng utang.
16 Umalis akong may udyok ng pangarap
17 Makauwi sa galak, maahon sa hirap,
18 Bugnot na palibhasa sa galunggong at kanin
19 At palad na meryendang kamote’t saging.

20 Pangarap ko ring maging maybahay
21 Ng isang ginoong guwapo’t ginagalang
22 Maligo sa pabango kung Sabado’t Linggo
23 At mamasyal sa parke nang walang agam-agam.

24 Lumipad nga ako’t dito nasadlak
25 Nagsusulsi ngayon ng sunog na pakpak.
26 Sa among banyaga pagkatao’y itinakwil
27 Ipinahamig na ganap sa madlang hilahil.
28 Nakaniig ko rin ang tunay na hirap
29 Sa isang gusaling may dalawampung palapag.
30 Utusan, yaya, kusinera’t labandera
31 Sakop kong trabaho’y lahat-lahat na.
32 Labing-anim na oras na walang tawad
33 Ang kayod ko rito sa maghapong singkad.
34 Kaninong mata ang di mababasag?
35 Kaninong dila ang di magliliyab?
36 Mabuti nga’t may nalabing panahon sa pagtulog
37 Sa altar ng pangarap, may maidudulog.

38 Mabuti na ito, kayo rin ang may sabi,
39 Magpaalila man ako’y may maisusubi.
40 Inilalakip ko rito ang kaunting halaga,
41 Pag-initin agad sa pagas na bulsa.
42 Kalimutan muna ang nasang sinimpan
43 Pag-asuhing madali ang palayok at kalan.
44 Samantala’y ipagdasal nang taos at taimtim,
45 Matagalan ko ang hirap at saklot ng panimdim;
46 Tumibay akong kasabay ng siyudad
47 Bago mamanhid ang isip at puso’y tumigas.

Desdichado el que llora, porque ya tiene el hábito miserable del llanto.
          —mula sa “Fragmentos de un evangelio apócrifo” ni Jorge Luis Borges

 

Sa hanay ng mga makatang babae sa kasalukuyan, si Elynia S. Mabanglo marahil ang maituturing na pinakamabungang nagsusulat ng tula sa Filipino. Kahanga-hanga ang pagkakamit niya ng Hall of Fame sa Palanca; ang pagsungkit ng titulong Makata ng Taon sa Talaang Ginto; ang paghamig ng mga gawad mula sa mga institusyong gaya ng Cultural Center of the Philippines, Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas, Komisyon sa Wikang Filipino, National Commision for Culture and the Arts, Samahang Balagtas, UP Creative Writing Center, at Liwayway. Sa mga aklat ng mga tula ni Mabanglo, masasabing ang kapwa kalipunang Mga Liham ni Pinay (1990)  at Anyaya ng Imperyalista  (1998)  ang dalawang panulukang bato—na may iisa ang hubog—ng kaniyang pagkamakata; at kapwa pumaling nang bahagya sa matining na tinig ng Supling  (1970)  at ng mairuging Kung Di Man  (1993).

Kabilang sa unang dalawang nasabing kalipunan ang tulang “Liham ni Pinay mula sa Singapore.” Animo’y alusyon yaon sa malagim na sinapit ng gaya nina Flor Contemplacion at Delia Maga sa Singapore. Ngunit dapat idiing naunang nalathala ang tula ni Mabanglo noong 1987 bago pumutok ang alingasngas sa Singapore. Ang naturang tula ay masasabing bahagi ng salamin na ibig ipamalas ng makata, ang salaming nagbubunyag sa katauhan ng babae bilang Anak-Ina-at-Inang Bayan, habang inihihimaton ang mahalagang “papel niya sa mapagpalayang pakikibakang pampolitika.”[1] Basahin ang tula at halos mababatid na ang hagod ng buong kalipunan ng dalawang aklat na pinaglathalaan nito. Ang sarisaring sipat sa babae ay masasabing nasa lawas ng isang uniberso; at ang personang si Pinay-bilang Filipina, migranteng manggagawa, at mapagpalaya-ay lastag na sagisag na nangangailangang pagpakuan ng pansin.

Ang mga dekada 1970 hanggang 1990 ang maituturing na panahon ng mga migranteng Filipino. Noong 1999 lamang, umabot sa $6.7 bilyon ang naipasok ng OFW (Overseas Filipino Worker) sa kabang-yaman ng Filipinas. Bilang pagkilala sa ambag ng nasabing manggagawa, ipinahayag ni Pangulong Joseph Ejercito Estrada ang 2000 bilang taon ng mga OFW “upang kilalanin ang kanilang kabayanihan at sariling pagsasakripisyo sa pagsusulong at pagpapalakas ng ekonomikong pag-unlad sa loob at labas ng bansa.”[2] Mahaba ang kasaysayan ng mga OFW, laksa-laksa ang bilang at mukha, at mababakas ang kanilang ambag mulang plantasyon sa Hawaii hanggang minahan sa Africa; mulang niyebe ng Alaska hanggang buhangin ng Saudi Arabia, mulang aparato sa Japan hanggang damit sa Italy. Ang OFW din ang nagpakilala sa Filipinas sa buong mundo: mulang impormasyong teknolohiya hanggang pagkakawanggawa; mulang bayani hanggang salarin o biktima ng sarisaring krimen at gulo.

Ginamit sa nabangggit na tula ni Mabanglo ang pamamaraang tila pagkatha ng isang mahabang liham. Ang ganitong taktika ang ginamit din at pinatanyag ni Ariel Dim. Borlongan sa tulang “From Saudi With Love” na nagpamalas ng kaniyang husay sa paggamit ng parikala habang pigil na pigil ang paglalantad ng lagim sa isang OFW-persona na nakatakdang pugutan ng ulo doon sa Saudi Arabia.[3] Hindi na rin naiiba ang paliham na pamamaraan kung babalikan ang mahabang tradisyon sa panulaang Tagalog. Kinasangkapan na iyon ng mga makatang may regular na pitak sa mga diyaryo at magasin noong bago at makaraang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at maihahalimbawa ang mga tula nina Julian Cruz Balmaseda, Jose Corazon de Jesus, Benigno Ramos, Lope K. Santos, Iñigo Ed. Regalado, Amado V. Hernandez, Emilio A. Bunag, Florentino T. Collantes, Ildefonso S. Santos, Alejandro G. Abadilla, Manuel Principe Bautista, at Alberto Segismundo Cruz. Ang pinakatanyag marahil sa paliham na pamamaraan ng pagtula ay ang “Ultimo Adios” na sinulat ni Jose Rizal. Maaari namang ituring na magkakatanikalang bukás na liham ang “Hibik ng Filipinas sa Inang España” ni Hermenegildo Flores; ang “Sagot ng España sa Hibik ng Filipinas” ni Marcelo H. Del Pilar; at ang “Katapusang Hibik ng Filipinas” ni Andres Bonifacio.

Hindi na rin lingid sa lawas ng panitikang pambansa ang pagtalakay sa usapin ng mga Filipinong migranteng manggagawa (o Filipinong turista) doon sa ibang bansa. Bago pa tumanyag ang mga akda sa Ingles ng gaya nina Carlos Bulosan, Bienvenido N. Santos, at N.V.M. Gonzalez, nauna nang tinalakay yaon ng mga kuwentistang Tagalog na gaya nina Deogracias A. Rosario, Carmen A. Batacan, Lazaro Francisco, at Domingo Raymundo; at isinatula ng mga makatang gaya nina Balmaseda, De Jesus, Collantes, at Delfin Colada Baylen. Pagpasok pa lamang ng dekada 1980, ginagamit na muli nina Rio Alma, Mike L. Bigornia, at Teo T. Antonio ang alusyon ng OFW na binihisan ng bagong anyo sa kani-kaniyang mga tula. Pagkaraan ng Pag-aalsang Pebrero 1986, umigting ang pagsulat ng mga tula hinggil sa OFW na naging matagumpay o dili kaya’y nasangkot sa sarisaring krimen at hinatulan ng kamatayan; at patutunayan ng mga magasing gaya ng Liwayway, Bannawag, Bisaya, Philippine Free Press, Philippine Graphic, at Filmag ang sigla ng paglalantad ng nasabing mga karanasan. Maging ang mga kuwentong popular na lumalabas sa mga tabloyd—gaya ng Tempo, People’s Tonite, Abante, Bulgar, at Remate—ay nagbunyag ng samotsaring nakakikiliting salaysay hinggil sa pakikipagsapalaran ng mga OFW sa ibang bansa hanggang nitong dekada 1990. Mababanggit din ang maiinit na komentaryo at ulat na nalathala sa mga diyaryo, gaya sa Manila Bulletin, Philippine Star, Malaya, Philippine Daily Inquirer, Manila Times, at Diyaryo Filipino. Pinagpistahan sa mga pangunahing estasyon ng radyo at telebisyon ang pakikipagsapalaran ng OFW, habang nagpupumilit na linawin ng mga di-gobyernong organisasyon ang kalagayan ng mga migranteng manggagawa sa buong daigdig. Hindi naman nagpahuli ang mga prodyuser ng pelikula na tumabo nang malaki sa takilya sa pagpapalabas ng gaya ng “Flor Contemplacion Story” at “Sarah Balabagan Story.” Ang penomenon ng OFW ay puwedeng maihanay sa iba pang malalaking pangyayari sa Filipinas: ang Pananakop ng Japan sa Filipinas at ang paglago ng Hukbalahap; ang pagpapataw ng Batas Militar at ang diktadura ni Ferdinand E. Marcos; ang Pag-aalsang Pebrero 1986; ang pagsasabatas ng pagpapatalsik sa Base Militar ng US sa buong arkipelago; ang pagsabog ng Bulkang Pinatubo noong 1993; at ang paglakas ng insurhensiya na isinusulong ng mga mandirigmang Bangsamoro at rebolusyonaryong komunista.

Sa “Liham ni Pinay mula sa Singapore,” ang pagkasangkapan ni Mabanglo sa “liham” at “Babaeng OFW”—bilang kapwa talinghaga at daluyan nito—ay maaaring maipaliwanag kung uuriin ang paraan, at ang saray, ng pananagisag na ginamit sa buong lawas ng pagtula. Susubukin sa panunuring ito na baklasin at titigan nang isa-isa ang mga sagisag at pananagisag na taglay ng buong balangkas ng tula upang higit na maunawaan ang sapot ng mga pahiwatig nito. Pagkaraan ng lahat, tatangkaing buuing muli ang mga binaklas na bahagi upang itampok ang panibagong pagtingin sa tula. Isasaalang-alang din sa pag-aaral na ito ang paglalapat o pagtatagis ng mga konsepto ng Katipunan—na binuo ng gaya nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto—sa balangkas ng tula ni Mabanglo. Iyon ay sa layuning ilugar ang diwain ng kabansaan, at ang lahat ng matalik na diwain nito, sa tula. Bakit? Nang maiwasan kahit paano ang lantarang panghihiram ng mga banyagang konseptong nabuo sa sarisaring larang, lalo doon sa Estados Unidos, Rusya, at Europa; at ang paggamit niyon bilang sanggunian sa pagsusuri.

Maihahaka na ang mga salitang ginamit sa naturang tula ay nakapaloob sa isang taal na bukal ng wika, na sa pagkakataong ito ay tatawaging “Filipino.” Kung higit pang uuriin ang “Filipino” ay hindi maiiwasang balikan ang “Tagalog” bilang dakilang saligan at pangunahing wika na bumubuo rito sa Filipinas ngayon. Ang Tagalog, na ayon sa batikang mananaliksik na si E. Arsenio Manuel, ay matanda pa umano sa Ingles, Espanyol, Latin, at Griyego. Ang naturang bukal ng wika ang walang pasubaling pinagdukalan ng makatang Mabanglo. Sa pagdukal ng makata sa nasabing bukal, ang mga salita na masasabing may dati nang kani-kaniyang natatanging pakahulugan ay napaninibago ang ibinubungang sapot ng mga pahiwatig alinsunod sa paglalangkap ng mga salita, pagbubuo ng mga parirala, at pagbabalangkas ng mga pangungusap bilang isang saknong, o bilang magkakatuhog na saknong ng tula. Gayunman ay masasabing walang kapangyarihan ang makata na bumuo ng sarili’t nakabukod-sa-daigdig na talahulugan o diksiyonaryo. Hindi basta mahiwagang bulang lumitaw kung saan ang kaniyang mga ginamit na salita na siyang tinatanggap ngayon ng mga tao. Mayroon siyang pinagkunan niyon at pinagsanggunian. Kinakailangan niyang sumandig sa bukal ng wikang nabuo sa paglipas ng panahon, na humubog sa kaniyang kaisipan bilang mamamayan ng kaniyang tinubuang bayan.

Sa nasabing kalagayan, halimbawa, ang salitang “Pinay” (pambabae) ay masisipat na hindi lamang basta balbal na salitang maitutumbas sa “Pinoy” (panlalaki). Nakakarga sa “Pinay” ang mga pakahulugang nabuo may 80-pataas na taon na ang nakalilipas mula nang dumagsa at magtrabaho ang mga Filipino sa Estados Unidos. Sa paglipas ng panahon, masasabing nagbabanyuhay ang salitang “Pinay” at maikakabit doon ang matatayog na katangiang pantao o kahit ang mga mapang-alipustang katawagan na pinalaganap ng mga dayo: Inang Bayan, katulong, puta, propesyonal, bayani, santa, at kung ano-ano pa. Maihahalimbawa rin na ang mga konseptong gaya ng “ginhawa,” “kalayaan,” “puri,” “katwiran,” “liwanag,” “dilim,” “loob,” “katotohanan,” “Inang Bayan/Haring Katagalugan,” “pag-ibig,” “layaw,” at “paggawa” ay may pinagbatayan at pangunahin na marahil dito ang lawas ng ideolohiya ng Katipunan. Gayunman, maihahaka na hindi sa Katipunan unang nagsimula ang lahat. Posibleng bago pa nabuo ng Katipunan ang nasabing mga kaisipan ay taal na yaong lumalaganap sa kapuluan, na patutunayan halimbawa ng paggamit ni Balagtas ng gayon ding mga konsepto sa kaniyang klasikong Florante at Laura, bukod pa sa matatagpuang kahawig na konsepto sa libo-libong awit, korido, tanaga, mito, salawikain, at epikong-bayang nabuo sa Filipinas o sa iba pang panig ng Asya. Ano’t anuman, susubukin sa pag-aaral na ito na gawing batayan ang sa Katipunan yamang yaon ang maituturing na kauna-unahang nagtangkang lumagom ng diwain ng isang bansa.

Sagisag bilang Salabid sa Lohika

Umiinog ang “Liham ni Pinay mula sa Singapore” hinggil sa mga kinatalogong karanasan ng masasabing OFW na nagtungo sa Singapore upang makapagtrabaho at kumita ng salapi, habang nangangarap na makapag-asawa ng isang banyagang makahahango sa kaniya sa hirap. Ngunit sa kasamaang-palad ay naging alila ang persona at dumanas ng mabibigat na trabaho mula sa kaniyang amo. Bagaman nakapagpapadala siya ng salapi sa kaniyang iniwang mga kamag-anak sa Filipinas, mahihinuha ang panghihina ng kaniyang loob (taludtod 44-47) at kaya humihiling siya sa mga iniwan na ipagdasal siya upang magkaroon ng sapat na lakas para maipagpatuloy ang trabaho.

Nilisan ng persona ang sariling bansa dahil sa sumusunod. Una, kahirapan. Mahihinuha ito sa taludtod 3 (“Malagim ang kahapon at malabo ang bukas“); taludtod 13 (“Hatid ng dalita’t walang pangalang takot”); at taludtod 18 (“Bugnot na palibhasa sa galunggong at kanin”). At ikalawa, na kaugnay ng una, guminhawa ang buhay at nang makatikim ng kaunting luho. Mababatid ito sa taludtod 16 (“Makauwi sa galak, maahon sa hirap”); taludtod 20-21 (“Pangarap ko ring maging maybahay/ Ng isang ginoong guwapo’t ginagalang”); at taludtod 22-23 (“Maligo sa pabango kung Sabado’t Linggo/ At mamasyal sa parke nang walang agam-agam”). Maaaring sipating mapanlagom ang lunggati ng persona kung isasaaalang-alang ang pangkalahatang lunggati ng mga Filipinong nangingibang-bayan upang magtrabaho, at may bahid ng katotohanan, bagaman maihahaka ring limitado, kung pagbabatayan ang mga karanasan ng OFW. Mabuway na susuhayan ng iba pang katangian ang lunggati, gaya ng walang binanggit hinggil sa ilang detalye sa propesyong naabot ng persona o sa kasanayang natamo niya dito sa Filipinas.

Nang matupad ng persona ang pangarap na makapangibang-bansa, hindi naman malinaw kung saan niya kakamtin ang lunggati. Mahihiwatigan ito sa taludtod 24-25 (“Lumipad nga ako’t dito nasadlak,/ Nagsusulsi ngayon ng sunog na pakpak. //) Ang salitang “sadlak” ay maaaring tumayong hulagway ng “pagbulusok sa kamalasan, kahihiyan, o kasawian” ng persona. “Sadlak” din ang maaaring ikabit sa halos singkahulugan nitong “pagbagsak,” “pagkabulid,” o “pagkaparool” kung pagbabatayan ang pakahulugan ni Jose Villa Panganiban o nina Vito C. Santos at Leo English. Sa unang malas, ang kombinasyon o ang salungatang pahiwatig ng “paglipad” at “sadlak” sa taludtod 24 ay parikala ng mabilis na pagpaling mulang tagumpay tungong kabiguan. Ngunit kung uuriing mabuti, ang dalawang binanggit na salita ay magbubukas ng pahiwatig na walang kontrol ang persona kung saan siya magagawi, at tila tinangay lamang siya ng kung anong puwersa ng tadhana. Na sa katotohanan ay kabaligtaran, dahil bago umalis ng bansa ang isang OFW ay malinaw sa kaniya kung saang bansa siya hihimpil, kung anong uri ng trabaho ang naghihintay sa kaniya, kung anong kultura ang papasukan niya, at kung ano-ano pa. Sa madaling sabi, daraan siya sa mahabang seminar at sermon dito pa lamang sa Filipinas. (Salamat sa ahensiya ng gobyerno o sa di-gobyernong organisasyon!) Maraming mapagpipilian ang isang OFW, at pinakasukdulan ang pagtanggi niya sa inihahaing trabaho sa ibang bansa. Kahit paano’y nakahanda siya kahit pa ilegal na rekruter ang kumuha ng kaniyang serbisyo. Maliban na lamang sa ilang pagkakataon, halimbawa kung magpapasiya ang OFW na mag-TNT (basahin: Tago-nang-tago sa opisyales ng inmigrasyon sa ibang bansa). Sa gayong pagkakataon, walang katiyakan ang OFW kung saang panig ng daigdig siya magagawi.

Subalit sa naturang tula ay ni walang pahiwatig kung TNT ang persona. Wala ring binanggit hinggil sa sinumang ilegal na rekruter. Kaya maihahakang ang kalabuan ng pagpapasiya—o ang kawalan ng kapangyarihang makapamili—ng persona kung saang bansa siya “magagawi” ay pawang bungang isip lamang. Bungang isip yaon na isinakatawan ng persona, at iginiit sa tula. Ang paranoia ng persona bilang talinghaga ay lumikha ng kulob na daigdig sa tula para magmistulang kalunos-lunos ang kalagayan ng OFW. Sa ganitong pagkakataon, maihahaka na ang makata ang “nagsadlak” sa OFW-persona hinggil sa pook na marapat nitong marating sa tula. Na kahanga-hangang pangyayari! Ang Singapore ay isa sa mga bansang may napakahigpit na batas at patakaran hinggil sa inmigrasyon at pagtanggap ng mga manggagawang dayo.

Nag-iiwan din ng tanong ang taludtod 25. Ang alusyong “pagsusulsi” at “sunog na pakpak” ay malikhaing paraan ng paggewang ng mga hulagway. Ang “pagsusulsi” ay nagpapahiwatig ng pagtatangkang maisaayos ang natastas o nabutas na anyo, nang mapanatili ang dating pag-iral ng isang bagay o pangyayari—halimbawa ang isang damit o kalagayan—nang walang matinding pagbabagong ginagawa. Kakabit niyon ang pagtitipid, pagtitiis, at pagnanais na maging kapaki-pakinabang ang anumang bagay na maaaring magamit pa, o ang sitwasyong kaya pang mapangibabawan. Samantala, ang “sunog na pakpak” [4] ay nagpapahiwatig ng ganap na kabiguang makamit ang isang mataas na lunggati. Ang kombinasyon ng “pagsusulsi” at “sunog na pakpak” ay mahihinuhang marupok na paglalapat ng tayutay. Ano pa ang dapat lutasin nang maagap kung ganap na ang kabiguan sa ibang bansa? Wala na marahil kundi ang makauwi nang buo ang pangangatawan at pag-iisip. Gayunman ay walang nakasaad hinggil doon sa tula. Ang tanging hiling ng persona’y “Tumibay akong kasabay ng siyudad/ Bago mamanhid ang isip at puso’y tumigas.“//

Sa tula ni Mabanglo, nakamit ng persona ang kaniyang pangarap na makapangibang-bansa. Mahihinuhang ang “sunog na pakpak” ay tayutay, hindi ng “pangarap” bagkus, ng “pagkaalila” ng persona: ang pagkabusabos ng kaniyang pagkatao dahil sa pagiging “katulong” at yaon ang hindi niya matanggap. Ang gayong kalunos-lunos na kalagayan ay masasabi pang pinatindi ng pagkakataong “itinakwil” ng persona ang “pagkatao” (taludtod 26). Ang “pagtakwil” ay mabigat na salita. Tinataglay niyon ang pagtangging kumilala at magsaalang-alang, na kung minsan ay may bahid ng pagkapoot at paglimot; at sa yugto ng tula, ang pagtanggi sa katotohanan ng pag-iral, at ang poot at paglimot ay kataka-takang nakasentro sa persona. Hindi “isinuko” ng persona ang kaniyang sarili sa “among banyaga,” gayong ang “pagsuko” ay mahihinuhang higit na matalik sa mga salitang “ipinahamig” (taludtod 26) at sa “nakaniig…ang tunay na hirap” (taludtod 28).

Kung tunay ngang “itinakwil” ng persona ang sarili para sa among banyaga, bakit kinakailangan pa niyang maghinagpis sa pangyayaring siya’y “utusan, yaya, kusinera’t labandera”? Kung ilalapat ang konsepto ng “bait” mula sa Katipunan, ang yugto ng “pagtatakwil sa sarili” ang sukdulan ng kawalan ng maingat na pagpapasiya, ng matinong katwiran, ng malalim na pag-iisip, ng tiyak na pagkilos. Maaari ding sipatin na hindi sanay sa mabibigat na trabaho ang persona, kahit pa nakasaad sa taludtod 13 ang kaniyang pinagmulan: dukha. Ang “karukhaan” ni Pinay ay maiuugnay sa natamo niyang propesyon sa lipunan; yamang ang propesyon ang maaaring makapagtakda kung paano lulutasin ni Pinay ang kaniyang suliraning pananalapi. Ano ang propesyon ng persona? Hindi nakasaad. Umaangal ang persona na labing-anim na oras siyang magtrabaho kada araw sa pagiging katulong. O kakaunti ang nalalabing oras ng kaniyang pagtulog at pamamahinga. Gayong isinaad naman niyang “itinakwil” niya ang sarili at wala siyang naabot na mataas na edukasyon? Isang kabalintunaan ito na dapat tuklasin, at kinakailangan marahil ng panibagong bahagdan ng pananagisag upang masapol yaon ng mambabasa.

Ang gayong daloy ng lohika ay isa pang dapat mapagtuunan ng pansin. Ang pagiging “katulong” (domestic help) ang hindi matanggap ng persona. Bakit naman? Hindi ba marangal ang maging DH kung ihahambing sa pagiging politiko na kurakot sa gobyerno? Ang pagtatrabaho sa malinis na paraan ay isang katangiang kahanga-hanga, kung babalikan ang winika ni Jacinto. Ang “paggawa” ay kabaligtaran ng “layaw.” Tumutukoy din ang una sa pagkakamit ng kadakilaan dahil nakapagpapalakas ito ng isip, loob at katawan. Bukod pa rito’y nailalayo ang tao sa “buhalhal na kasalanan, maruruming gawi, at kayamuan.” Samantala, ang pahiwatig ng “malayaw” na pamumuhay ng among Singaporean ang masasabing paglagay sa katayuang “mababa” at di-nalalayo sa asal-hayop. Gayunman ay higit na dapat pagpakuan ng pansin kung bakit hindi matanggap ng persona ang nasabing trabaho. Maitatatanong tuloy: Hindi ba bago magtungo sa Singapore ang naturang persona ay batid na niya na gayon ang kaniyang kahihinatnan? Maiisip na hindi dumaan sa isang matinong ahensiya ng rekruter ang persona at kaya hindi niya alam kung ano ang kaniyang papasuking trabaho. Niloko ba si Pinay, halimbawa, na “pagkaguro” ang ipinangako sa kaniyang trabaho ng ahensiya ngunit “katulong” ang kaniyang kinauwian? Walang pahiwatig sa tula. Maiisip tuloy na ang melo-dramatikong pagngunguyngoy ng persona ay pilit na inilahok ng makata sa tula upang lumitaw ang isang kaawa-awang tagpo.

Kaya mahihinuha ang karupukan ng isip ng persona-OFW. Tatanggapin ng persona ang kaniyang abang kalagayan: Mabuti na ito, kayo rin ang may sabi/ Magpaalila man ako’y may maisusubi// (taludtod 38-39). Ngunit walang ipinahiwatig sa tula na katanggap-tanggap nga sa mga kamag-anak ng OFW ang magpaalila basta kumita lamang ng salapi ang kanilang kaanak. Ipinaaako ng persona sa kaniyang mga kamag-anak ang kakitiran ng kaniyang isip. Kung babalikan ang unang saknong ng tula, mahihinuhang may pagbabantulot pa nga sa panig ng mga kamag-anak kung hahayaan nilang mangibang bansa si Pinay (taludtod 4-11). Pahiwatig yaon na may nalalabing pagmamahal sa persona ang mga naiwang kamag-anak nito sa Filipinas, na maaaring nakaligtaan lamang banggitin ng naturang OFW dulot ng panandaliang amnesia. Maihahakang maluwang ang puwang sa pagitan ng mga salita sa tula; at ang mambabasa, o ang pamilya na pinatutungkulan, ang hinahayaang magkarga ng mga pakahulugan sa mga sagisag na nagbubuhat kay Pinay. Kaya posibleng sipatin din ang mga taludtod 38-39 bilang masakit na “pahaging” sa mga kamag-anak ni Pinay na umaasa sa kaniyang dolyar na ipadadala sa Filipinas. Ang ganitong pananalita ay susuhayan ng mga katwirang: una, may takot at pagbabantulot sa panig ni Pinay na umalis sa Filipinas; ikalawa, walang malinaw na propesyon si Pinay; ikatlo, itinakwil ng persona ang sarili at nagpaalipin sa among Singaporean; at ikapat, paranoid si Pinay sa kaniyang propesyong OFW o pagiging katulong.

Samantala’y kung uuriin nang mabuti kung sino ang kausap ng persona ay malabo. Ang “kayo” na binanggit sa taludtod 1 at tumukoy din sa “inyo” na matatagpuan sa taludtod 4—na nasa ikalawang panauhan—ay biglang lumihis sa ikatlong panauhan (tingnan ang mga taludtod 5-37). Animo’y mahabang monologo yaon ng persona, at ang sinimulang tonong kumbersasyonal sa bukanang saknong ay hindi napanatili o dili kaya’y nasundan. Bagkus ang tinig ay nagmistulang pabulalas5, o nagtatalumpati sa entablado, na para bang walang kaalam-alam ang mga tao na bábasa ng kaniyang sulat. Maaaring ikatwirang sinadya ang gayong taktika. Kung sinadya, lilitaw na lumalaylay ang pananagisag sapagkat hindi yata batid ng persona kung sino ang dapat niyang kausapin. Marahil ay magulo ang isip ng persona. O kaya’y mahina siyang magsulat gaya ng nakararaming di-nakapag-aral. Ano man ang dahilan, itatatwa lahat iyon ng malalalim na salitang inilahok sa tula at maihahakang marunong ng Tagalog ang persona.

Ang kabihasaan—kung kabihasaan mang maituturing—ng persona sa paggamit ng malalalim ng Tagalog ay maihahakang pag-angkin niya ng kapangyarihan na makapagpahayag sa sariling wika; at ang kapangyarihan ding iyon ang magbubukod sa kaniya sa wikang ginagamit ng kaniyang amo at siyang namamayani sa Singapore. Ngunit itatatwa yaon ng isang sagabal. Iyon ay walang iba kundi ang pila-pilantod na pananaludtod sa pananagalog, ang kawalan ng matinong pangungusap sa ilang saknong dahil sa ginamit na taktikang pagtatanggal ng mga pangatnig, pang-ukol, at iba pang salita. Maaaring mapalusot pa iyon kung animo’y tila nabuburyong ang inog ng isip ng persona. Ngunit hindi. Wala rin sagka sana sa maayos na pagsunod sa balarila yamang hindi naman gumamit ng sukat at tugma ang makata. Hindi rin ipinadron ng makata ang tula sa daloy ng Ingles, o kaya sa mga salitaan sa dula o kuwento, o kaya’y sa pabalbal na taktika, na pawang malimit tinatantiya ang makatotohanang usapan upang magmukhang madulas ang pananaludtod. Kaya masisilip na ang bigat ng paggamit ng malalalim na salita ay katumbalik ng bigat ng kapangyarihan ng maayos at malinaw na daloy ng diwa at pahayag. Ang pingas sa mga pangungusap ay nakapagdulot ng kalabuan (i.e. pagkabarok) o ng salungatang pagpapahiwatig sa balangkas ng liham. [6] Malinaw na halimbawa ang mga taludtod 16-19 na maibabalangkas sa tatlong pangungusap ngunit ikinulob lamang sa isang pangungusap ni Mabanglo. Ang resulta: nakapagpalabo ng pananagisag ang pagkawala ng mga pangatnig, bantas, at panghalip sa pangungusap. Sa kabilang dako’y mapagdududahan din ang tinig ng persona. Si Pinay ay masisipat na nagsasalitang waring taga-akademya imbes na probinsiyana. Na kahit sabihin pang dukha’y mahihiwatigang nasa gitnang uring kung mag-isip ay pseudo-intelektuwal. Taliwas na taliwas ang tinig ng persona sa karaniwang OFW na naging katulong, at mahihinuhang mapagbalatkayo.Ang tinig at himig ni Pinay sa tula ay kawangis din sa halos lahat ng tula sa nabanggit na dalawang koleksiyon ni Mabanglo: iisa ang taginting na kung hindi man nanggagalaiti ay mapaghinagpis.

Sa paningin ng taga-Singapore, nakamit ni Pinay ang kapangyarihang makapagpahayag sa sariling wika; subalit sa paningin ng mga kamag-anak o kaibigan o bayang Filipino, ang kapangyarihang makapagpahayag ni Pinay ay maituturing na kapos, paltos, o malabo. Hindi sapat ang basta makapagpahayag. Kailangan yaong malinaw, tiyak, at tapat.

Pansinin din ang sumusunod. Sugatan ang ngiti ko nang lisanin kayo[.] /Malagim ang kahapon at malabo ang bukas[,]/ Ngunit kailangan [kong] ipakipagsapalaran/ Kahit ang mga payak ninyong halik at yakap./ Ang mga bantas at salitang nakapaloob sa panaklong ay masasabing ang nawawalang mahahalagang sangkap sa pangungusap. Ang katagang “ngunit” sa ikatlong taludtod ay mas angkop na palitan ng “kaya” upang itampok ang pangyayaring makikipagsapalaran ang persona dahil “malagim” ang dati niyang karanasan at walang katiyakan ang kaniyang kinabukasan. Ang pasalungat na paraan ng pagpapahayag na ginawa ni Mabanglo ay lilitaw pang may pagbabantulot (napilitan?) sa panig ng persona-OFW; dahil gayong batid ng persona ang dusta nitong kalagayan ay waring ayaw pang umahon sa abang kalagayan. Maiisip tuloy na ang balangkas na pangungusap ay “Ingles na Tinagalog” na siyang pinasimulan nina E. San Juan Jr. at Cirilo F. Bautista. At kung kaliligtaan naman ang nakapanaklong na “kong” (taludtod 2) ay mahirap mabatid kung sino ang tinutukoy ng “ipakipagsapalaran.” Maipagkakamaling “ipakikipagsapalaran” ng mga kaanak ang persona, halimbawa kung sisipating parang bugaw ang una sa huli. Bukod pa rito, ang mga taludtod 3-4 ay mauuring kahina-hinala. Ang persona ay walang pasubaling “ipakikipagsalaparan” ang kaniyang buhay sa Singapore upang kumita ng salapi. Subalit ang “ipakipagsapalaran” ang “mga halik at yakap” ng kaanak ay nag-iiwan ng tanong yamang hindi naitaguyod nang ganap sa tula kung sadyang kaugnay ng naturang pananagisag ang lantay na pag-ibig; o ang pagtataksil nang palihim ng OFW sa kaniyang kamag-anak o vice-versa.

Ang mga taludtod 5-11-na malinaw na pagpasok sa ikatlong panauhan-ay nagbibigay ng malikaw na pananagisag hinggil sa kausap ng persona. Hindi ba ang sulat ay nakatuon sa pamilya ng OFW? Bakit nakabukod ang gayong paglalarawan? Sino ang tinutukoy na pinagmumulan ng bilin at tawag? Posibleng ikabit ang gayong pahiwatig sa OFW na paalis, o kaya’y sa mga magulang nitong maiiwan sa Filipinas. At sino ang tinutukoy na “panganay na anak”? Maaaring ikabit ang pahiwatig sa anak ng OFW; o kung hindi’y sa OFW na isang anak na nagpaalam sa kaniyang mga magulang. Ano’t anuman, nagiging masalimuot ang alamís dahil ang saray ng mga pahiwatig ay nakapaloob sa kung ano ang tunay na ibig ipakahulugan ng persona. Na nagkataong isinalalay sa sablay na pananaludtod.

At bakit nagkagayon? Malulutas ang kahinaan ng saknong kung muling babasahin nang ganito ang daloy ng pangungusap: Malinaw na malinaw sa [aking alaala]/ Ang paglalim ng pileges sa noo ni Ama,/ Ang namintanang luha sa mata ni Ina, [Na pawang] ikinubli ng mga pisil sa palad/…Bumubuntot ang [kanilang] mga bilin at tawag/ Sa papalayong hakbang ng panganay na anak. // Ang naturang paglalatag ng mga hulagway ay lilitaw na nasa tonong kumbersasyonal pa rin ang tinig ng persona. Ginamit lamang ang paggunita upang ipakita ang naglalaro sa isip ng persona at hindi ang kung anong pagsingit ng imahen sa teksto. Mapapansing ang “pananda” ay pinalitan ng “alaala” upang hindi maipagkamaling karaniwang marker, gaya ng lapis o kapirasong papel, lamang ang “pananda.” [7]

Sa mga taludtod 16-23, higit na lilinaw ang talusaling na pag-iisip ng persona. Inudyukan ng pangarap na umunlad ang persona at nang guminhawa sa hinaharap ang pamumuhay. Ngunit ang “pangarap”8 na tinutukoy ay malabo sa tula. Ano ang nais o lunggati ng persona? Maging dakilang titser, inhinyero, abogado, kaminero, o puta? Hindi tiyak. Basta naghahangad lamang ang persona na magtagumpay. Higit pang mabubunyag ang pagkatalusaling ng gawi ng persona dahil pangarap din niyang makapag-asawa ng guwapo, mayaman, at iginagalang na lalaki. At tumikim ng luho, gaya ng paliligo sa pabango at paglalakwatsa sa parke, nang walang iniisip na problema. Kaya paano maaasahang magtatagumpay ang isang OFW-o kaya’y ang sinumang tao-kung hindi malinaw sa kaniyang sarili kung ano ang ibig niya sa buhay? Lalo pa kung hindi niya batid kung paano makakamit ang lunggati? Ang kahinaan ni Pinay bilang talinghaga sa tula ay pinatindi ng kalagayang higit na detalyado ang paglalarawan ng mga bagay na sekondaryo lamang sa buhay ng persona kompara sa abstraktong pagsasahulagway at pagsasaanino ng mahahalagang punto, gaya ng pangarap at propesyon ni Pinay bilang OFW. Dapat lamang asahan na lasapin ng persona ang kaawa-awang kalagayan niya, na nakasaad sa mga taludtod 26-37. Kung hindi alam ng persona kung ano ang mga hakbang na dapat niyang isakatuparan, ang tadhana ang magpapamukha sa kaniya kung ano ang dapat gawin.

Dalawang ulit lumitaw ang salitang “pangarap” sa tula: una, sa taludtod 16; samantalang ang ikalawa’y sa taludtod 37. Ang una’y nag-udyok sa persona upang kumilos at magtrabaho sa ibang bansa. At ang ikalawa naman ay dinudulugan ng persona, na maaaring pinagdarasalan, pinagsasanggunian, o itinuturing na sagrado (“altar ng pangarap”). Mahihinuhang kapani-paniwala ang una dahil ang pangarap ay nagmistulang makapangyarihang “tinig” (o “daimon” sa wikang Romano) na naging gabay ng persona hinggil sa dapat niyang gawin. Ngunit ang ikalawa’y kataka-taka yamang ang reaksiyon ng persona sa nagsakatawang “pangarap” (panaginip?) ay pagdulugan yaon. Ano ang idudulog? At bakit magdudulog ng anumang problema o hinaing ang OFW sa kaniyang pangarap kung ang pangarap ay basta umunlad ang buhay nang walang pagsasaalang-alang kung ano ang marapat o tumpak gawin? Bukod pa’y hindi naman matutugunan ng “pangarap” ang lahat ng hiling ng persona. Bagkus, ang persona ang dapat aktibong kumilos upang matupad ang kimkim na lunggati. Kaya ang ikalawang pahiwatig ng “pangarap” ay maaaring makapagsaad ng higit na kahinaan ni Pinay, dahil pumapaloob siya sa realidad na siya lamang ang nakababatid at nagkataong nakabukod sa realidad ng kaligirang iniinugan niya. Lalantad na palsipikadong tayutay ang “altar ng pangarap.” At maisisingit na mahina ang kalooban, ang katauhan, at ang kabuuan ni Pinay bilang OFW. O kung hindi’y nababaliw ang persona dahil kahit banggitin niya ang kaniyang “pangarap,” ang pangarap ay nananatiling hungkag, malabo, at walang direksiyon kaya mahirap abutin.

Sa kabila ng lahat, kahanga-hanga ang intensiyon ng persona na magpadala ng salapi para sa kaniyang mga kamag-anak. Ipapayo niyang gamitin ang salapi upang may mailuto at makakain nang sapat ang kaniyang kamag-anak (taludtod 43); at ipangungunang “kalimutan muna ang nasang sinimpan” (taludtod 42). Maaaring tumukoy ang “nasang sinimpan” sa mga sumusunod. Una, sa kabiguang madanas ang materyal na luho. Ikalawa, sa mahigpit na pag-iingat ng salapi. At ikatlo, sa mga kinimkim at inilihim na hangarin. Nagsasaad ng pagtitipid ang “simpan.” [9] Subalit imposible, sa isang banda, na tipirin o ipunin ang “nasa.” Ang “nasa”-bagaman hindi malimit natutupad at hindi laging nagsasaad na isasagawa-ay nagtataglay ng kalayaan sa loob ng isip at kalooban ng tao. Lilitaw samakatwid na marupok ang taludtod 42 kung idurugtong sa taludtod 43.

Matatagpuan ang pinakasukdulan ng tula sa mga taludtod 44-47. Hiniling ng persona na ipagdasal siya ng mga kamag-anak upang manaig sa gitna ng hirap. Nais ng persona na “tumibay…kasabay ng siyudad/ Bago mamanhid ang isip at puso’y tumigas.”// Kataka-taka ang ganitong gawi, lalo kung babalikan ang sinambit ng persona sa taludtod 26: ang pagtakwil sa sariling pagkatao. Kung itinakwil ng persona ang sarili, hindi pa ba nangangahulugan ito na hindi pa manhid ang isip at tumigas ang puso niya? Bukod pa rito, ang pagtatangkang ihambing ng persona ang sarili sa siyudad ay makapag-iiwan din ng puwang para makagimbal. Kasabay ng pag-unlad ng lungsod ang pagsibol ng iba pang problemang panlipunan: labis na populasyon, polusyon, krimen, alyenasyon, sakit, at kung ano-ano pa. Hindi man ekspertong sosyologo o antropologo ang sinumang mapagmasid na tao’y mahihinuha niya sa kaniyang kaligiran ang isang katotohanan: ang sukdol na kaunlaran ng lungsod ang simula din ng paghina ito. Kung ilalapat sa tula, ang pagnanasang sumabay ng persona sa tibay ng lungsod ay kagila-gilalas. Mahihinuhang si Pinay na umalis ng Filipinas ay hindi na ang dating Pinay na kakilala ng kaniyang kaanak. Nabubura ang kaakuhan ni Pinay at ang natitira’y ang lungsod ng Singapore na kaniyang pinagtatrabahuhan. Dagdag pa, maglalaho tiyak ang OFW, ngunit mananatili ang lungsod-maunlad man o hindi-habang naririyan ang pangangailangang magtipon sa isang lunan ang mga mamamayan.

Ang paglalahok ng “sugatan ang ngiti” (taludtod 1), “dawag ng takot” (taludtod 12), at “udyok ng pangarap” (taludtod 16) nang lisanin ng persona ang sariling bansa ay tatlong tayutay na mahihinuhang pahiwatig din ng simula ng pagkabiyak ng katauhan ng persona: ang isa’y ibig manatili sa kinalakhang lupaing malapit sa puso niya ngunit salat naman yaon sa materyal na kaginhawahan; samantalang ang ikalawa’y umaasa sa ipinangangakong materyal na kaginhawahan ng banyagang lupain ngunit nagsasaad naman ng pagdanas ng persona ng mabigat na tungkulin o pasanin. Kung mayroon mang maganda sa tula, yaon ay walang pasubaling ang paglalahok ng kirot, takot, at pag-asa na pawang mga talinghagang iiwan ni Pinay sa alaala ng mga tao na pinatutungkulan ng liham.

Sagi at Sagsag sa Sagisag na Inang Bayan

Mapapansing ang persona, na kinakatawan ni Pinay, ay nagtatangkang dalhin ang isang napakapersonal na salaysay tungo sa malawak na lipunan. Ang mismong pangalang “Pinay”10 ay masasabing alusyon sa balbal na salitang “Filipino” o ang babaeng Filipino ang pagkamamamayan (citizenship). Maaaring gumanap din ng sarisaring papel si Pinay bilang “artista, ina(ng bayan), at subersibo” kung isasaalang-alang ang pagsusuri ni Roderick Niro Labrador sa mahabang tulang “Anyaya ng Imperyalista” ni Mabanglo. Kung gayon nga, kinakailangang sipatin si “Pinay” bilang sagisag sa higit na mataas na saray ng pagpapahiwatig, alinsunod sa ibig ipaabot ng nananagisag at sa maaaring mabatid ng sumasagap ng pananagisag.

Si Pinay ay maaaring sumagisag hindi lamang sa isang Filipina bagkus sa napakaraming babaeng OFW sa iba’t ibang panig ng daigdig. Gayunman, masasabi ring si Pinay bilang persona ay hindi kayang sumaklaw—at karaniwang limitado ang kintal—sa pangkalahatang hulagway ng babaeng OFW. Si Pinay bilang OFW, sa mga tula ni Mabanglo, ay mahihiwatigang kapilas lamang na mukha ng iba’t ibang uri ng katulong (i.e. domestic help) o ng mga propesyonal na naghahangad ng dolyar, mansanas, tsokolate, niyebe, buhangin, banyagang asawa, inmigranteng visa, sex, at kung ano-ano pa. Ang OFW na palaging api at kawawa ngunit malakas ang loob at pangangatawan; ang mapaghanap ng ginhawa at tagumpay sa buhay; ang dakilang mapagsapalaran sa ibayong dagat; ang ipinagmamagarang bagong imahen ng bayani ng bansa; at ang mapanggulat na Inang Bayan na dumurukit sa sarili upang mabuntis nang mag-isa at magluwal ng kalayaang pangkasarian, pampolitika, at pangkasaysayan. Pinakamatingkad sa lahat ang pagtatampok sa panlahatang Pinay bilang sagisag na “Inang Bayan.” Datapwat taliwas sa ibig ipabatid ni Mabanglo, si Pinay bilang Inang Bayan sa “Liham ni Pinay sa Singapore” ay isang sagisag na nagtataglay ng katangiang babasagin at umaasa ng kaligtasan sa pamamagitan ng dasal (taludtod 47).

Taliwas si Pinay sa sinaunang pagtingin hinggil sa alusyong “Inang Bayan” na kinasangkapan ng mga makatang Tagalog bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ayon sa tulang “Kasarinlan”11 ni Filomena T. Alcanar, ang personang Filipinas-bagaman maliit kung ihahambing sa ibang bansa-ay maihahalintulad sa “…tubig kung makahirin/Pumapatay ng mayama’t malakas ma’y sinusupil.” Sa dalawang pangwakas na taludtod ng naturang tula, napakahalaga ang pagpapanumbalik ng isinakatawang “kasarinlan” at kaya “Ang mamatay ay dakila’t kamatayan ay matamis/ Kung bisig kang nagpaguho sa gusali ng limatik.” Sa isa pang tula ni Alcanar, ang “Ina ang babaeng nagpapakamatay/ Lumikha ng isang payapang tahanan,/ Ina ang babae na nanghihinayang/ Magtapon ng binhing pakikinabangan.” [12] //

Sa tulang “Ang Ina Ko’y Lumuluha…” [13] ni Julian Cruz Balmaseda ay inilarawan ang talinghaga ng “Ina” bilang Filipinas sa ganitong pamamaraan. Lumuluha ang Ina (Filipinas) hindi dahil sa kahirapan, bagkus dahil sa pang-aalipin ng dayo: “Bukod tangi ang Ina ko sa lahat ng mga ina:/ may sariling kayamanan, may lupai’t may pasaka/ ay kung bakit habang buhay ay palagi nang kasama…/ May puhuna’y nangungutang, may gusali’y tumitira/ sa gusaling hiram lamang ng nanghiram sa kaniya…/ Kung ang tao’y nilikhang parapara,/ ang ina ko’y nalimutang pamanahan ng ligaya.”// Batid ng persona kung bakit nalulungkot ang kaniyang ina. Mahihiwatigan din sa taludtod na maláy ang persona na ang kaniyang Inang Bayan ay may likás na yaman (o dating maginhawa) dangan lamang at ang nakikinabang ay ang mga mananakop na bansa. Kung babalikan ang tula ni Mabanglo, nalulungkot si Pinay dahil sa pagiging “alila” sa Singapore ngunit tinatanggap o tinitiis ang pasakit na yaon kapalit ng salapi. Ang naturang gawi ay masasabing kakikitaan ng kasalatan sa “katwiran,” alinsunod sa ibig ipakahulugan ng Katipunan.

Ang paglalarawan ni Balmaseda ay maaaring maugat sa “Inang Bayan” o “Haring Katagalugan” na konseptong binuo ng gaya nina Bonifacio at Jacinto sa kanilang Katipunan. Mahihiwatigang ang tulang binuo ni Balmaseda ay alingawngaw ng “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog” ni Bonifacio. Ang pagkakamit ng “ginhawa,” para kay Bonifacio, ay nangangailangan ng pagpapanumbalik ng “katwiran” at “liwanag” sa tao upang mabatid ang tumpak na landas na dapat tahakin:

“…Itinuturo ng katwiran na huwag nating sayangin ang panahon sa pag-asa sa ipinangakong kaginhawahan na hindi darating at hindi mangyayari. Itinuturo ng katwiran na tayo’y umasa sa ating sarili at huwag antayin sa iba ang ating kabuhayan. Itinuturo ng katwiran na tayo’y magkaisang-loob, magkaisang-isip at akala, at nang tayo’y magkalakas na maihanap ang naghaharing kasamaan sa ating bayan.” [14]

Iginiginiit ni Bonifacio na ang “kaginhawahan” ay higit sa pagtataglay ng materyal na bagay. “Panahon na,” aniya, “na makilala ng mga Tagalog ang pinagbuhatan ng kanilang mga kahirapan. Araw na itong dapat kilalanin na sa bawat isang hakbang natin ay tumutungtong tayo at nabibingit sa malalim na hukay ng kamatayan na sa ati’y inuumang ng mga kaaway.” [15] Sa tula ni Mabanglo, si Pinay bilang Inang Bayan ay handang magtiis ng mga pasakit na dulot ng makapangyarihang bansa (Singapore). At ang kalabuan ng pangarap ni Pinay, na mahihinuhang nakasalig sa materyal na kaginhawahan, ay pagkabalaho sa “karimlan” at “kawalan ng bait.” Iniaatang niya ang kaniyang “pagginhawa” hindi sa paglutas ng mga tinamong pang-aapi sa dayong amo kundi sa pag-asa sa idudulot na lakas ng pinaniniwalaang diyos na abstrakto; o dili kaya’y sa pagsalalay sa “panaginip” na animo’y walang katuparan. Sa Katipunismo [16], ang “kaginhawahan” ay maaaring makamit dito sa mundo at hindi sa kung saang kalangitan. Bukod pa rito, ang katwiran na mailap sa pagkatao ni Pinay ay nasasagkaan ng kawalan ng kalayaan. Para kay Jacinto, ang “katwiran” at “kalayaan” ay magkasanga; at nakasalig ang una sa ikalawa:

“Madalas namang mangyari na ang Kalayaan ay sinasakal ng mali at bulag na pagsampalataya, ng mga laón at masasamang ugali, at ng mga kautusang udyok ng mga akalang palamara.

Kung kaya may katwiran ay dahil may kalayaan.

Ang Kalayaan nga ay siyang pinakahaligi, at sinumang mangapos na sumira at pumuwing ng haligi at upang maigiba ang kabahayan ay dapat na pugnawin at kinakailangang lipulin.” [17]

Sentral sa ideolohiya ng Katipunan ang konsepto ng “liwanag” at “dilim.” Bukod sa dalawa, higit pa umanong mag-ingat sa “ningning” na nakasisira ng paningin at nagdudulot ng maling pagsampalataya. Sa tula ni Mabanglo, ang Singaporeang dolyar ang maaaring sumagisag sa “nakabubulag na ningning” at hindi sa katotohanan ng paglaya ni Pinay bilang personang OFW. Ang inaasahang materyal na luho, gaya ng “paliligo sa pabango,” “masasarap na pagkain,” at “paglalakwatsa sa parke” ay maaaring pumuno rin sa pananagisag na “ningning.” Maselan ang mga makatang Tagalog na maituturing na Katipunista, gaya nina Ramos, Pedro Gatmaitan, Balmaseda, Regalado, L.K. Santos, De Jesus, Hernandez, at Collantes sa paghawak ng gayong diwain. Parang pinagtiyap ng tadhana ang pagkasangkapan nila ng mga konsepto’t salitang pang-Katipunan sa kani-kaniyang mga tula. Halimbawa, papabor sina Ramos, Santos, Collantes, at Hernandez sa panig ng mga manggagawang nagwewelga at itataguyod ang konsepto ng esensiya ng “paggawa” na pinalawig nina Bonifacio at Jacinto; samantalang tinutuligsa rin ang negatibong “layaw” na ipinangangalandakan ng mayayaman at hindi naman pinakapangunahing kailangan sa pag-iral ng isang tao. O kaya’y maihahalimbawa ang tulang “Lider Obrero” ni De Jesus na masisteng tinutuligsa ang mapagbalatkayo’t mapanggamit na organisador ng mga manggagawa na may layong kalakalin ang hanay ng mga ito upang maging popular ang sarili sa politika, puhunan, at paggawa.

Samantala’y ang Singapore ay maaaring sumagisag sa anumang bansang maunlad: ang sentro ng kaginhawahan at pagmamalabis, ang bukal ng diskriminasyon at pambubusabos, ang hanggahan ng maningning na tagumpay o ng balighong pangarap. O kaya’y ang maliit ngunit maunlad o mapagmataas na bansang naging sangay ng dambuhalang network ng mauunlad na bansa na pilit pinangingibabawan ang mga dukhang bansa. Ang Singapore bilang talinghaga ay lumalantad na “aktibong” tagapagdala ng sitwasyon, ang “tagapagdikta” hinggil sa maaaring tamuhing ginhawa ng persona sa tula. Ang Singapore, sa tula ni Mabanglo, ay masasabing pinagsasanga lamang sa tauhang among mapang-api kay Pinay. Singapore din ang bulag na pagsisilbihan ni Pinay bilang Inang Bayan kapalit ng kinakailangang salapi. Ang pagpailalim kung gayon ni Pinay sa Singapore ay simula ng pagsusuko niya ng taglay na laya; at ang kawalan ng laya ay magdudulot naman ng pighati. Maaaring tingnan din sa anggulong ang pighati ni Pinay ay naiibsan, kahit bahagya, habang tumatanggap siya ng karampatang salapi. Tanggalin ang salapi, at makaaasa marahil ng pagbalikwas ni Pinay laban sa kaniyang amo; o ng Inang Bayan (Filipinas) laban sa Singapore.

Ang Filipinas, sa kabilang dako, ay inilarawang lunan ng karukhaan, halimbawa mulang trabaho hanggang edukasyon. Si Pinay ang maglalantad nito, at nagsakatawan ng kawalang kapangyarihan, ng babasaging bait, ng mabababaw na pangarap. At si Pinay bilang Inang Bayan-na maituturing o itinuturing ang sarili na “mababa”-ay nakapagtatakang nagnanais na pumantay sa kalagayang “mataas” ng mayamang bansang gaya ng Singapore. Sa tula, si Pinay ay lumalantad na “pasibo” sa kaniyang sitwasyon. Hindi gagawa ng sariling pamantayan si Pinay at hindi sisipating iba ang kaniyang daigdig sa daigdig ng mga dayo. Mahihiwatigang ang pamantayan niya sa sarili, sa kaanak, at sa Filipinas, ay ang pamantayang “panlabas”—ang pagtinging materyalistiko at mekanikal na iginigiit ng lumang paniniwala at pinagtitibay ng mga mapanakop na bansa. Pangaral nga ng makatang Ismael C. Almazar: “Huwag kang malungkot kung ikaw ma’y dukha,/at nabubuhay kang api’t kulang pala;/ dukha man ang tao’t may pusong dakila,/higit sa mayamang sakim at masiba!”  [18]

Sa unang malas, ang pagpasok ni Pinay sa banyagang lupain ay pagtatangkang takasan ang karukhaan na kaniyang nararanasan sa sariling bansa. Kaugnay nito, puwede ring sipatin na ang kolektibong hulagway ni Pinay bilang OFW ang sumasalakay at nagtatangkang agawin ang pook ng kapangyarihang isinakatawan ng Singapore at ng Singaporeang employer. Subalit ang banyagang lupain ang makapagdidikta ng mga patakarang dapat pagsumundan ng persona upang masabing nagtagumpay nga siya. Sa tula, ang pagpaloob ni Pinay sa Singapore ay pagkagat sa pain at pagkabitag sa pang-aalipin. Ito ang magbabadya ng pagkabiyak ng katauhan ni Pinay: ang isa’y malayang aninong naiwan sa loob ng Filipinas, at ang ikalawa’y hulagway na umiiral at humihingi ng paglaya doon sa loob ng Singapore. Kung hihigitin pa ang mga pahiwatig, si Pinay din ang magiging ekstensiyon ng kawad ng pambubusabos at diskriminasyon ng among Singaporean. Samantala’y masisipat naman ang amo na humihigop ng kapangyarihan sa kabuuang bukal ng yamang ekonomiko-panlipunan-pampolitika ng Singapore. Ang pagpalag ni Pinay sa abang sitwasyon ay lalantad na abstrakto, suntok-sa-hangin, at ipinaloob pa sa mga retorikang tanong (taludtod 34-35) upang pangatwiranan ang pag-angal. Tinupad lamang ni Pinay ang pasaring ng sinaunang kawikaan:

Nakahiga na sa papag
ay lumipat pa sa lapag.

Gayunman, mahihiwatigang ang pagkabusabos ni Pinay ay dulot din ng kaniyang kamangmangan at pagsandig sa ilalaan ng tadhana. Ipinamalas sa tula ang pagnanais na makamit ng persona ang isang pangarap. Ang pangarap na malabo, hungkag, at walang patutunguhan. Hihilingin niya sa mga kamag-anak na ipagdasal siya upang maipagpatuloy ang gawain. Ang naturang katangian ang karupukan din ni Pinay bilang sagisag. Handang itakwil ni Pinay ang sarili kapalit ng maalwang kabuhayan ng pamilya. (Sa tulang “Ang Paghihintay Ko” [19] ni Alcanar, nawari ng hardinera-persona na “Ang pananagana ay sa gumagawa’t di sa naghihintay.”) Ang kamangmangan din ni Pinay ang maglalantad ng balighong pag-ibig niya sa pamilya na naiwan sa Filipinas. At sa naturang kalagayan, si Pinay bilang Inang Bayan ay masisipat na napasasakop sa dayuhang bansa dahil sa mga sumusunod. Una, pagkabulag sa yugtong ni hindi niya batid ang taglay na yaman, talino, at lakas na nasa kaniyang kaakuhan. Ikalawa, masaklaw na kamangmangan sa bisa ng kolonisasyon at diskriminasyon ng lahi lalo sa ibang lupain. Ikatlo, paghahangad ng mabilisang pagyaman kahit ang kapalit ay pagkawasak ng puri at paglasap ng kaapihan. Ikaapat, paglalaho ng sariling pambansang “kaluluwa” o “diwa” na pawang sumapi sa katawan ng ibang mapanakop o maunlad na bansa. Ikalima, ang karukhaan sa pambansang lunggati, bukod pa sa materyal na bagay. Ito ang mga baluktot na katangiang matagal nang ibig ituwid ng Katipunan nina Bonifacio at Jacinto. Sa kasamaang-palad, napananatili pa rin yaon sa nasabing tula ni Mabanglo.

Sakali’t napakarahas ng gayong pagsipat, marapat pa ring tingnan si Pinay bilang sinapupunan na “nagluluwal ng masa” at “nagpapalawig at kumakatha ng pakikibaka ng masa” kung ilalapat ang kritika ni Labrador. Na bagaman kinakailangang danasin ni Pinay ang kasalukuyang pang-aapi at pagpapahirap, “susupling sa kaniyang mga palad ang mga sandata laban sa pang-aapi; at sa kaniyang mga palad din makatatagpo ang masa ng inaasam nitong kalayaan.” Sa ganitong pagkakataon, si Pinay bilang sinapupunan ay baog at hungkag. Paanong susupling ang “sandatang mapagpalaya” sa palad ni Pinay kung mismong si Pinay bilang persona sa tula ay handang magpaalila para lamang sa materyal na kaginhawahan ng buhay? Kung wala siyang pakialam kung “itakwil” ang pagkatao-pagkamamamayan-pagkabansa basta lamang makamit ang inaasam na salapi o luho? Kung malabo ang kaniyang pinagtutuunang pangarap at palaasa sa diyos na magpapatibay sa kaniya? Napakarupok na hulagway at sagisag si Pinay; at ang kaniyang kalayaan at ang kalayaan ng kaniyang mga kaanak at ng Filipinas ay marapat lamang umabot sa antas ng kaniyang naunsiyaming karunungan. Hindi gumanap ng pangunahing papel si Pinay bilang mapagpalaya sa tula; bagkus ibang kaakuhan ang mahihinuhang gaganap niyon para sa kaniya. Matagal nang inuyam ni Benigno Ramos ang gayong asal na palabalak: “Sa makuha at sa hindi ang mahal mong kasarinlan/ hindi iyan ang sa amin ay lubos na kailangan,/ kami’y walang dapat gawin kundi pawang balak lamang/ at pagkatapos magbalak, magbalak ng iba naman…/ Filipinas, aming bayan/ sa balak ka mamamatay!  [20] //

Sa kabila ng lahat, maaaring titigan ang sagisag na Pinay bilang tagakatawan ng kapangyarihang ibig manaig sa pook mismo ng kolonisasyon. Ang pananatili ng persona sa kaniyang employer at sa Singapore ay pagpapalawig sa dati nang paniniwalang “mapagtiiis,” “matibay,” at “di madaling igupo” ang OFW o ang Filipino. Na tinitingnan lamang ni Pinay ang Singapore bilang kasangkapan upang maabot niya ang mithi. Kung susundin ang gayong pangangatwiran, higit na lilitaw na materyalistiko nga si Pinay (o ang Filipinas); walang pakundangan ang kaniyang pagkasubersibo hangga’t kikita ng salapi kahit pa malagay sa panganib ang buhay. Bukod pa, mahihiwatigang negatibo ang sipat sa mga halagahang Filipino na “pagtitiis”o “pagkamatiisin” at “pagkamatibay.” May hanggahan lahat yaon, ayon sa Katipunan, at dapat nakasalig sa katwiran o dili kaya’y sa tunay at dalisay na pag-ibig: hindi lamang para sa kadugo o sa bayan, kundi maging sa kaakuhan mismo ni Pinay.

Mahalagang balikan ang masusing teorya [21] ng pagsipat na ginawa ng batikang historyador Zeus A. Salazar hinggil sa “Kabansaan,” “Katipunan,” “Kabayanihan,” at “Himagsikan.” Maihahanay sa isang panig ang mga konseptong gaya ng “Nasyon” (Nación), “Filipinas” “Rebolusyon” (Revolución), “Hero” (Heroe) na pawang itinaguyod ng mga ilustrado, creole, at mestisong kastila na siyang mga elite. Sa kabilang dako’y maipaglalangkap naman ang mga konseptong gaya ng “Inang Bayan,” “Haring Bayang Katagalugan,” “Himagsikan,” “Katipunan,” at “Bayani” na pawang itinaguyod ng mga anakpawis na gaya nina Bonifacio at Jacinto. Malaki ang kaibhan ng dalawang pangkat ng mga salita, kung pagbabatayan ang kasaysayan ani Salazar, na marapat lamang isaalang-alang upang mabatid ang kasalukuyang kalagayan ng pagtingin sa kabansaan.

Kung ilalapat ang teoryang pangkasaysayan ni Salazar sa tula ni Mabanglo ay walang pasubaling guguho ang anumang paimbabaw na linyang pampolitikang ibig ipahiwatig ng personang si Pinay. Si Pinay ay mahihinuhang supling ng mga diwaing iisa ang pinaroroonan: na nasa banyagang gahum na pampolitika’t pang-ekonomiya ang kaligtasan ng bansa o OFW; na nasa pagpailalim na iilang maykaya ang kaligtasan ng mga dukha; na sinisipat ang Singapore gaya ng dating pagsipat sa Espanya, Amerika, at Japan na pawang pinaniwalaang makapagsasalba sa Filipinas; na ang kalinangang inaangkin ni Pinay ay kalinangan ng tagalabas imbes na Inang Bayan (Filipinas); na maiisipan lamang marahil ni Pinay ang kung anong rebolusyon kung nagsimula na’t lumaganap ang himagsikang itinaguyod ng mga kapwa niya anakpawis doon sa sariling bayan.

Salungat ang diwaing “kabayanihan” ni Pinay kung sisipatin sa punto de bista ng mga anakpawis ng Katipunan. Taglay ng isang “bayani” halimbawa ang malinaw na lunggati para sa kaniyang kapwa, bayan, at pangkat. Ang kaniyang pagkilos ay hindi sumasalungat sa sariling lipunan ni sa kalikasan. Sadyang taglay din niya ang “mataas na kalooban” at laging nauunawaan ang sariling lipunan at ang taal na kultura. Kapiling siya ng iba pang anakpawis na naglalayong itaguyod ang kabansaan. Hindi siya magpapakitang gilas na kinakaya niya ang hirap ng pagiging alipin sa Singapore. Higit sa lahat, hindi siya papayag na apihin ng banyaga. Kung hindi’y karapat-dapat lamang siyang ituring na “taong labas.” Si Pinay, samakatwid, sa tula ni Mabanglo, ay salungat sa itinakdang pamantayan ng Katipunan nina Bonifacio at Jacinto. Siya ang hulagway na ibig itampok ng mga banyagang mananakop na laging tinatangkilik ng mga maykayang iilan sa kontemporanyong Filipinas. Ang masaklap, ang iyaking si Pinay ay lilitaw na “héro” kung ang mambabasa ay matitigatig ng kaniyang pabulalas, madamdaming pagngawa para sa sarili. Datapwat paano kung hindi?

Liham bilang Sagisag na Lukót

Maraming maging silbi ang “liham” ni Pinay. Ang liham-kung ito ay iniuukol lamang sa isang tao o kamag-anak-ay magbubunyag ng mga personal na pagdidili-dili ng sumusulat. Maglalantad din ito ng kaniyang masasayang karanasan, o kung hindi man, ng ilang mapapait na karanasang kaniyang sinapit sa ibang pook na hinimpilan. Bukod pa rito, mababanggit na habang naglalantad ng katotohanan ang isang sulat ay nag-iiwan din ito ng maluwang na puwang na marapat punuan ng sinumang babasa na matalik sa lumiham. Ang naturang puwang ay marahil madaling maiintindihan ng sinumang malapit sa puso ng lumiham kung ang mga ginamit na pananagisag ay kapwa matalik sa nagtatalastasan. O kaya’y higit na magpapalabo ng kanilang pagkakakilala sa kaibigan o kaanak na sumulat kung ang paraan ng pagliham ay taliwas sa mga bagay na nakasanayan nila hinggil sa pagkakabatid at pagpapabatid. Makapagpapalabo rin sa liham kung pagbabatayan ang kasalukuyang nadarama o iniisip ng bumabasa; ang antas ng kaniyang kaalaman hinggil sa mga nakaraang pagbabasa ng sulat; at ang tumpak na paghagip sa mga sagisag na ibig na ipaabot ng lumiham. Kaya ang “bukás na liham” ay hindi kailanman magiging aninag (basahin: transparent) o lantad hangga’t ang paraan ng pananagisag ay malabo, maligoy, walang tiyak na direksiyon, at peke ang dating sa kalooban ng bumabasa.

Ang “Liham ni Pinay mula sa Singapore” ay naglulugar sa mambabasa doon sa isang madilim na sulok upang mabulabog ang kaniyang pandama. Ang “liham” ay masisipat na malabo, palsipikado, at napakalawak kung itatampok sa personal na antas ng mga kaanak ni Pinay. Halimbawa, pinakakaraniwan na sa mga Filipino ang pangungumusta ng lumiliham ngunit ni hindi man lamang ito binanggit sa tula. Ni hindi rin binanggit ang unang impresyon ni Pinay sa Singapore nang lumapag halimbawa ang eroplano sa paliparan. O kung ano na ang kaniyang kinakain, suot na damit, at tiyak na tirahan sa kasalukuyan. Higit na nakasentro ang sulat hinggil sa “malulupit” na dinanas ng persona mula sa isang dukhang nayon sa Filipinas hanggang sa maringal na lungsod ng Singapore. Na bagaman posibleng totoo ay lilitaw pa ring melo-dramatiko (basahin: overacting) kung isasaalang-alang ang kabuuang talakay sa tula. Pansinin: kung totoong labag sa loob ni Pinay ang maging katulong sa Singapore, bakit naman siya pumayag at nagtungo pa roon? Disin sana’y pumasok na lamang siyang entertainer sa Japan at nang maaliw pa siya kahit paano. Kabaliwan ang gawi ni Pinay, lalo sa pagkakataong ngumangawa pa siya’t kinaaawaan ang sarili upang kaawaan lalo ng kaniyang mga kamag-anak sa Filipinas. Huwag sabihing wala siyang mapagpipilian. Mayroon. Dangan lamang at hindi niya alam kung ano ang dapat gawin sa buhay. O sadyang malayo sa realidad ang kaniyang isip at pandama.

Sa kabilang panig, masisipat din ang “liham” na makitid at salat sa panlahatang detalye kung ibabatay naman sa panlipunang antas na ginagalawan ni Pinay bilang Inang Bayan, o bilang OFW, o bilang karaniwang mamamayan. Ang tula ni Mabanglo ay lilitaw na nagtatangkang paghaluin ang mga aspektong “panlahat” at “pang-isahan.” Nagbunga yaon ng kahinaan sa tula; at sa dalawang aspektong binanggit, nabubunyag ang sapilitang paglalatag ng mga sagisag upang kagyat na malagom ang samotsaring karanasan. Halimbawa, binanggit ni Pinay ang “pangarap” (panlahat); ngunit hindi naman isinaad ang pinagmulang “propesyon” (pang-isahan) niya. O ang “pangarap” (panlahat) bilang propesyonal na manggagawa (malabo/panlahat) katapat ng “pangarap na materyal na luho” (malinaw/pang-isahan). Maihahaka na sadyang may panlahatang lunggati ang mga OFW, gaya ng makapagtrabaho at kumita nang malaki-laking salapi kung ihahambing sa batayang pasahod sa Filipinas at nang sa gayon ay mairaos sa hirap ang pamilya. Subalit alinsunod din yaon sa abot ng kanilang panlahatang kasanayan, kaalaman, at karanasan: bilang katulong, inhinyero, siyentista, o sex worker. Ang mapanlagom na katauhang “Pinay” kung gayon ang isang balakid na nabigong igpawan sa tula.

Sa isa pang pagsipat, ang liham ni Pinay—kung susuriin bilang “bukás na liham”—ay agad ding mapupunit. Kung ang ibig ng persona ay ihayag sa kaniyang kaanak o bayan ang malupit niyang karanasang sinapit sa Singapore, hindi na siya magpapaligoy-ligoy pa. Bagkus, isasaad niya ang mga detalye mulang ahensiyang kaniyang pinag-aplayan hanggang inmigrasyon ng Singapore at sangay ng Kagawaran ng Ugyanang Panlabas (DFA) ng Filipinas; ang panloloko sa kaniya ng among Singaporean mulang pasuweldo hanggang paglabag sa kasunduang nilagdaan sa oras ng sapat na pamamahinga ng empleado matapos magampanan nito ang trabaho; ang mga nakasama sa bahay ni Pinay, na ipagpalagay nang iba pang Filipinong naroroon sa tinukoy na gusali; ang pagtatago sa pasaporte ni Pinay ng kaniyang amo, halimbawa, at iba pa. Ang liham ni Pinay ay lilitaw na hinalaw mula sa mga pahayagan at kulang sa saliksik o interbiyu; inihaka nang sablay ng makata sa kaniyang pagtula; at kapos sa pagsasaad ng mga impormasyong kinakailangan sa matagumpay na pagpapagitaw ng damdamin at iniisip ng mambabasa. Higit sa lahat, kulang sa sining ang pagkatha ng liham at hindi nalalayo sa ipinadadalang “Liham sa Editor” doon sa mga pahayagan o tabloyd.

“Liham” ang magbubunyag kay Pinay hinggil sa kaniyang pagkatao, o sa anumang kaniyang kinasapitan. Ito ang lunan na papalooban ng persona upang ang “pabatid” at si “Pinay” ay maging isa. Ang kapwa talinghaga, bagaman may posibilidad ng pagsasalikop, ay kinakailangan ding maghayag ng ilang katangian na bagay at matatagpuan lamang sa bawat isa. Ang “liham” na naging “Pinay” ay malabo ang anyo mulang pahiwatig ng pagkakasulat; at si “Pinay” na pumasok sa “liham” ay kinapos sa kaakuhan upang mailantad ang tunay niyang pagkatao’t lunggati. Maidaragdag na ang personang bihag ng mapapait na tadhana sa Singapore ay pansamantalang nakalaya sa pamamagitan ng pagpapadala ng liham. Ang liham kumbaga ang nalalabing instrumento ng kapangyarihan ni Pinay. At ang inaasahang pagdating ng liham-tugon ng mga kaanak mula sa Filipinas para kay Pinay-kung mayroon man at kung matutupad-ang maihahakang pagtatangkang maibalik sa katauhan ni Pinay ang “katwiran” at “liwanag.” Ang naturang liham-tugon ang maaaring pumuno rin sa sagisag na “kaginhawahan” na mailap sa kalooban ng persona. Dapat idiin ditong walang masama sa pagkasangkapan sa “liham” bilang paraan ng pananalinghaga sa tula. Nasa kamay pa rin ng makata kung paano niya gagamitin ang gayong midyum. Sa panig ni Mabanglo, hindi na kalabisan marahil kung sabihing pagsisinungaling ang pag-aming nagtagumpay nga siya sa gayong pamamaraan.

Walang sariwang pananalinghagang naiambag ang “Liham ni Pinay mula sa Singapore” sa kabuuang daloy ng Panulaang Filipino. Ang nasabing tula ay kapwa halimbawa at salamin sa panahon ni Mabanglo kung paano nabalaho nang matagal sa isang yugto ang mga linyadong makatang inunsiyami ng Dekada Sitentang aktibismo-na umalingawngaw hanggang sa feminismo, kabaklaan(ismo) at iba pang “ismo” sa Filipinas nang ipinid ang nakaraang milenyo. Kaya napakahalagang balikan ang sinambit ni Mabanglo sa kaniyang panayam sa UP Diliman noong 11 Agosto 1989.

May prerogatibo ang bawat makata sa paghabi ng pamamariralang magluluwal ng kanyang talinghaga. Gayunma’y marapat na natatanto niya ang lahat ng implikasyong kaakibat ng pamimili niya ng salita. Ang pagtula ay hindi basta pagsasalpak ng mga salitang bubuo ng taludtod na kapagkuwa’y magiging saknong. Babae at [sic] lalaki, may pananagutan ang makata sa kanyang talinghaga. [22]

Totoong may pananagutan ang makata sa kaniyang sining—o sa talinghagang kinasangkapan niya—sa pagbubunyag ng diwain at pagtula. Napakahalaga rin ang pagsasaalang-alang sa maingat na paggamit ng mga salita, anumang wika ang pinagbatayan nito. Kung susundin ang naturang poetika ni Mabanglo, walang pasubali’t malinaw na halimbawa ang “Liham ni Pinay mula sa Singapore” kung paano pumipiglas, humuhulagpos palayo sa mga palad ng makata ang mga salita’t talinghaga. Isang parikala na marahil ang gaya lamang ni Elynia S. Mabanglo ang makapaglilinaw nang tapat.  

MGA TALA

[1] Basahin ang introduksiyong sinulat ni Roderick Niro Labrador sa aklat na Anyaya ng Imperyalista ni Elynia S. Mabanglo.

[2] Basahin ang pinakabagong ulat hinggil sa Overseas Filipino Worker sa Manila Times, 7 Hunyo 2000.

[3] Kabilang ang tulang “From Saudi with Love” sa kalipunang Pasintabi ng Kayumanggi ni Ariel Dim. Borlongan. Si Borlongan marahil ang isa sa mga unang matapat na nagsatula ng buhay-OFW sa ibang bansa nitong kontemporanyong panahon. Maituturing nang klasiko ang kaniyang tula na nagwagi ng unang gantimpala sa timpalak Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 1988.

[4] Mauugat ito mula sa Griyegong mito ni Icarus na tumakas sa Crete sa pamamagitan ng mga pakpak na nilikha ng kaniyang amang si Daedalus, ngunit namatay nang lumipad malapit sa araw at natunaw ang pagkit ng mga pakpak. Posible ring tumukoy ito sa alamat ng gamugamo, o ng alitaptap; o sa alamat kung paano nagkaroon ng pakpak ang gaya ng paniki at uwak.

[5] Salitang unang ginamit ni Virgilio S. Almario sa panunuring pampanitikan, na maituturing ding “patalastas” na kasalungat ng “panambitan.” Basahin ang kaniyang aklat na Taludtod at Talinghaga (1984).

[6] Tiyak na pupuwingin ng dakilang makatang Tagalog at kritiko Iñigo Ed. Regalado ang pabarók na pamamaraan ng pananaludtod ni Mabanglo. Para kay Regalado, “mapipilay ang tula at mahihilahod ang dila ng bábasa o bibigkas” kung basta na lamang magtatanggal ng mga pantukoy o pangatnig sa taludtod o sa saknong. Mas pinagtuunan ni Regalado ang may sukat na tula, lalo sa tulang Tagalog. Samantala’y malayang taludturan naman ang ginamit ni Mabanglo, kaya ano pa ang dahilan para magtanggal ng mga pangatnig o pantukoy sa tula? Para maging maaliw-iw ang bigkas? May tumpak na pamamaraan para sa pagpapaikli ng mga taludtod. At ang pahintulot na maaaring gamitin ng makata, ayon kay Regalado, ay ang tinatawag na (1) pagkakaltas, ang pag-aalis ng isang titik o isang pantig sa isang salita, halimbawa “kabiyak” na magiging “kabyak”; (2) pagpupungos, ang pagbabawas ng isa o ilang titik sa unahan o sa loob ng isang salita, gaya ng “nuha” na mula sa “kinuha”; (3) pagsusugpong, ang pagkakabit ng dalawang salita na kung minsa’y kinakaltas ang huling pantig ng una at ang unang pantig naman ng ikalawa, ng dalawang salitang pinag-isa, nang hindi nababago ang katutubong tunog at kahulugan ng pinag-isang dalawang salita, gaya ng “ayoko” na mula sa “ayaw ako” o “hamo” na mula sa “hayaan mo.” May iba pang mungkahi si Regalado hinggil sa pagpapaikli ng mga taludtod, subalit ang tatlong nabanggit ang pinakapangunahin na sa panulaang Tagalog. Para sa karagdagang impormasyon, basahin ang kaniyang sanaysay na may pamagat na “Ang Pahintulot.”

[7] Mauugat ang “pananda” sa “pang + tandâ.” Ang “pang” na unlapi ay nagsasaad ng pagkilos, at kaya lilitaw na ang “pananda” ay isang bagay na ginagamit upang makita, mabatid, matiyak, o maibalik sa alaala ang nawawala, ang hinahanap, o ang malayo sa tao na nagsasalita. Sa Diksyunaryo-Tesauro (1972) ni Jose Villa Panganiban, ang “pananda” ay singkahulugan ng “marker” o “memory teaser.” Ang “pananda” samakatwid ay lalantad na mali ang gamit sa tula kung pagbabatayan ang salin nina Mabanglo at Roderick Niro Labrador. Ang “pananda” ay tinumbasang “memory” sa Ingles. Para sa karagdagang impormasyon, basahin ang saling Ingles na “Pinay’s letter from Singapore,” mp 54-55 sa Anyaya sa Imperyalista.

[8] Maaaring tumukoy ang “pangarap” sa dalawang bagay. Una, sa panaginip. At ikalawa, sa ambisyon o anumang ninanasang makamit ng isang tao. Malinaw ang ganitong kaibhan sa mga naunang tulang Tagalog. Maihahalimbawa ang tulang “Pangarap” (1924) na sinulat ni Juan C. Bugarin at tumutukoy sa unang pakahulugan. Sa tulang “Panghihinayang” (1918)  ni Florentino T. Collantes, ang gamit ng “pangarap” ay tumutukoy sa ikalawang pakahulugan: “Kung ngayon ma’y tag-ulan di’y di tag-ulan ng pangarap/ Kundi ngayon ang panahong libingan ng kulang palad”/…

[9] Ayon sa Diksyunaryo-Tesauro (1972) ni Jose Villa Panganiban, ang “simpan”-na isang pangngalan-ay buhat sa salitang “sinupan” na mahihinuhang mauugat sa “sinop + an.” Bilang pang-uri, ang “sinimpan” ay mangangahulugang “tinipid” o “inipon.”

[10] Ang “Pinay” ay mauugat sa balbal na salitang “Pinoy” at tumutukoy sa babaeng Filipino. Tinatayang unang ginamit ang salitang “Pinoy” ng mga Filipinong manggagawa sa United States noong mga dekada 1920-1930; at katunayan, isang kuwentong Tagalog ni Carmen A. Batacan, na pinamagatang “Isang Dayuhan,” ang bumanggit sa “Pinoy’s Inn” na mahilig puntahan umano ng mga Filipino roon at matatagpuan sa Daan Washington, Stockton, California, USA. Tubong Tundo, Maynila si Batacan, ilang ulit nagwagi sa timpalak sa kuwento ng Liwayway at Taliba; dating patnugot at pabliser ng Sine Natin, isang uri ng magasin na buwanan ang labas.

[11] Tulang binigkas ng may-akda sa Teatro Zorilla noong 1924, at isinama ni Teodoro A. Agoncillo sa kaniyang hindi pa nalalathalang antolohiya ng mga makatang Tagalog.

[12] Basahin ang tulang “Ina” ni Filomena T. Alcanar, na nalathala sa Taliba noong 1 Disyembre 1928. Kasapi si Alcanar sa Kapisanang Ilaw at Panitik, at itinuring siya ni Teodoro A. Agoncillo “na di lamang makata, kundi isa rin namang mapang-akit na mambibigkas, matalinong kuwentista, at may kaunti pang pagkamandudula.”

[13] Sinulat ni Balmaseda ang tula para kay Epifania Alvarez na lumaban sa bigkasan ng tula; at nalathala sa Liwayway noong 1924.

[14] Para sa karagdagang paliwanag, basahin ang pagsusuri na ginawa ni Virgilio S. Almario sa Panitikan ng Rebolusyon(g) 1896.

[15] Mula sa “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog,” ni Andres Bonifacio.

[16] Tumutukoy ang “Katipunanismo” sa lawas ng mga kaisipang binuo ng gaya nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, at batay sa pinagsanib nilang mga akda sa Tagalog. Kinasangkapan ko sa panunuring ito ang teorya ng himagsikan ng Katipunang unang binuo ni Zeus A. Salazar. Basahin ang unang talakay ko rito sa Hulagway, Isyu I, Bilang 3, 1999.

[17] Mula sa “Liwanag at Dilim” ni Emilio Jacinto.

[18] Mula sa tulang “Ilang Huwag Lamang” ni Ismael C. Almazar, na nalathala sa Taliba noong 1922. Tubong Baliwag, Bulakan ang makata at may pitak patula sa nasabing diyaryo noon.

[19] Sinulat ni Filomena T. Alcanar at nalathala sa Liwayway noong 1 Setyembre 1923.

[20] Huling saknong ng tulang “Independence Congress” ni Benigno Ramos, nalathala sa Pagkakaisa, sirka 1929-1930.

[21] Basahin ang talakay dito ni Zeus A. Salazar, na malalim niyang naipaliwanag sa “Wika ng Himagsikan, Lengguwahe ng Rebolusyon” (Bakas, 1999); at “Si Andres Bonifacio at ang Kabayanihang Pilipino” (Bakas, 1997). Maaari ding sumangguni sa kaniyang akdang “Ang Babaylan sa Kasaysayan ng Pilipinas” (Bakas, 1999) at “Ang ‘Real’ ni Bonifacio bilang Teknikang Militar sa Kasaysayan ng Pilipinas” (Bakas, 1997). Maraming binubuwag na moog sa larangan ng kasaysayan si Salazar, at walang pasubaling nasa pinakaunang hanay siya ng matitinik na historyador at mananaliksik na maipagmamalaki ng bansa sa kasalukuyang panahon. Tiyak na iismiran si Salazar ng mga kaliweteng Marxista, sosyalista, at marahil ng ilang feminista, dahil sa progresibong pananaw niya hinggil sa bayan at kabansaan. Ngunit ngayon pa lamang ay tiyak nang mahihirapan ang kaniyang mga katunggali na ibagsak siya sa mataas na luklukang kahanga-hangang nakaugat nang malalim sa katutubong dalumatan.

[22] Basahin ang sanaysay ni Elynia S. Mabanglo sa Ani, tomo 3, bilang 3, Setyembre 1989. Mabalasik ang kritika ng makata sa mga lalaking kamakata, na kung tititigan nang maigi ay nag-iiwan ng maraming tanong kaysa sagot. 

Ang Wika ng Kasunduan, Ang Wika ng Kapayapaan

Higit na makatutulong sa buong bansa kung ang naging wika ng kasunduan ng kapuwa Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) ay isinulat sa Filipino at hindi sa Ingles. Ang pagkakabalangkas ng “Memorandum of Agreement on the Ancestral Domain Aspect of the GRP-MILF Tripoli Agreement on Peace of 2001” ay tila nagmumula sa ipinapalagay na dalawang estado, at ito ang hindi nalilinaw nang maigi sa taumbayan. May mga konseptong inilahok sa kasunduan ang ikahihilo ng karaniwang mamamayan, kaya imbes na ilihim ay dapat ihayag ng gobyerno ang papeles, at tumbasan sa Filipino,  upang maunawaan nang ganap ng mga tao.

Kabilang sa pinagbatayan ng memorandum ang  “Kasunduan para sa Pagkalahatang Tigil-Putukan sa panig ng GRP at MILF, at kaugnay na Panuto” (18 Hulyo 1997); ang Pangkalahatang Balangkas ng Kasunduan ng Layon ng GRP at MILF (27 Agosto 1998); ang pangkalahatang balangkas para sa pagpapatuloy ng tigil-putukan ng GRP at MILF (24 Marso 2001); ang mga Kasunduan sa Tripoli sa panig ng MILF at GRP (22 Hunyo 2001) at sa panig ng GRP at MNLF (Moro National Liberation Front) noong 2 Setyembre 1996; ang Batas Republika Bilang 6734 na batas na magpapalakas at magpapalawak sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM); ang ILO Convention Bilang 169, na kaugnay ng UN Declaration on the Rights of the Indigenous Peoples at ng Batas Republika Bilang 8371; ang UN Pandaigdigang Pahayag sa Karapatang Pantao, International Humanitarian Law, at iba pang kasunduan; at ang mga karapatang nagmumula sa rehimen ng dar-ul-mua’hada (mga teritoryong pagkakasunduan) at dar-ul-sulh (mga teritoryo sa ilalim ng kasunduang pangkapayapaan).

Ang Memorandum sa Kasunduan ukol sa “Pamanang Lupain” ay hindi karaniwang kasunduan. Ang kasunduang ito ay umiiral bilang “tratado,” na ang pagkakasulat ay masining na ikinukubli ang panig ng GRP at ng MILF bilang magkakabukod na estado. Ang ganitong obserbasyon ang tinututulan ng ilang politiko, dahil hindi maaaring pumasok sa isang tratado ang gobyerno nang walang basbas mula sa batasan. Ang kasunduan ng GRP at MILF, kung gayon, ay maituturing na labag sa konstitusyon, at sapat na upang sampahan ng kasong pagpapatalsik sa poder si Pang. Gloria Macapagal-Arroyo.

Mga Konsepto at Prinsipyo
Isa sa mga konseptong hindi tinitingki ay ang salitang “Bangsamoro.” Ginawang mapanlagom ang pakahulugan nito, at sumasaklaw sa lahat ng tao “na katutubo o orihinal na naninirahan sa Mindanao at sa mga karatig-pulo nito, na kinabibilangan ng Palawan at Arkipelago ng Sulu noong panahon ng kolonisasyon, at ang kanilang mga salinlahi na may halo o purong dugo ng katutubo. Ang kanilang mga asawa at kanilang mga anak ay ituturing na Bangsamoro.”

Ngunit ang “Bangsamoro” ay kargado ng ideolohiya; at kung ikakabit ito sa mga katutubo ay aakalain ng iba na ang mga tribung minorya sa Mindanao, Palawan, at Arkipelago ng Sulu ay pawang nabahiran ng relihiyong Islam at pumapayag na pumailalim sa MILF na kumakatawan sa kanilang mga tinig. Bagaman isinaad na “The freedom of choice of the Indigenous people shall be respected” (Igagalang ang kalayaang makapagpasiya ng Katutubo),  ang ganitong pahayag ay maipapalagay na nauukol sa kalayaang pumili kung ano ang relihiyong nais ng katutubo at nagmumula ang makapangyarihang tinig sa hanay ng Moro o Muslim.

Kaugnay ang binanggit sa itaas sa isa pang konseptong inilahok sa kasunduan, at may kaugnay sa “sultanato”:

Both Parties acknowledge that the right to self-governance of the Bangsamoro people is rooted on ancestral territoriality exercised originally under the suzerain authority of their sultanates and the Pat a Pangampong ku Ranaw. The Moro sultanates were states or karajaan/kadatuan resembling a body politic endowed with all the elements of nation-state in the modern sense. As a domestic community distinct from the rest of the national communities, they have a definite historic homeland. They are the “First Nation” with defined territory and with a system of government having entered into treaties of amity and commerce with foreign nations. The Parties concede that the ultimate objective of entrenching the Bangsamoro homeland as a territorial space is to secure their identity and posterity, to protect their property rights and resources as well as to establish a system of governance suitable and acceptable to them as a distinct dominant people.

Ang karapatang mamuno nang mag-isa ng Bangsamoro ay kaugnay umano ng pamanang lupaing saklaw ng kanilang mga ninuno sa ilalim ng kapangyarihan ng mga sultanato. Iginigiit dito na ang Bangsamoro ang “Unang Nasyon” bago pa nabuo ang Filipinas, at may tiyak na lupaing saklaw at sistema ng pamahalaang malayang makipagkasundo sa ibang bansa. Wala akong tutol sa ganito, ngunit kung igigiit na ang Bangsamoro ngayon ay bukod na estado sa estado ng Filipinas dahil may pinagbatayan sa kasaysayan ay ibang usapan na ito. Ang pagtitiyak ng saklaw na lupain ay hindi kagyat na magbubunga ng pagtitiyak sa kaakuhan at posteridad, o kaya’y makapagsasanggalang sa mga karapatan sa ari-arian at likas-yaman. Mabuti ito kung ang Bangsamoro ay may sapat na kakayahan, yaman, at tauhan upang maisagawa iyon, ngunit wala pa sa ngayon.

Kaugnay ng paninindigan ng MILF ang konsepto ng dar-ul-mua’hada at dar-ul-sulh. Ang mga teritoryong pagkakasunduan ay maaaring nagmumula sa mga pook na may armadong bakbakan ng mga sundalo ng pamahalaan at kawal ng MILF. Samantala, ang mga dati nang teritoryo batay sa kasunduang pangkapayapaan ay mahihinuhang nasa kamay na ng MILF. Hindi kataka-taka kung bakit nagbabakbakan ngayon sa Mindanao. Ang armadong tunggalian ay maaaring may kaugnayan sa bubuuin pa lamang na kasunduan para sa sasaklawing teritoryo ng MILF, alinsunod sa pananaw ng Bangsamoro. Higit na makikinabang ang MILF kung magkakaroon ng armadong tunggalian dahil ipaiilalim ang pinagtatalunang pook sa bubuuing kasunduan.

Ang Bangsamoro—kung uuriratin sa tratado—ay mahihinuhang umiiral dito bilang nagsasariling bansa, ngunit umaasa naman ng proteksiyon mula sa pambansang pamahalaan ng Filipinas para maisulong nito ang sariling sistema ng pamamahala. Higit na mauunawaan ang naturang konsepto ng kabansaan kapag tinitigan ang lahok hinggil sa pagbubuo ng Bangsamoro Juridical Entity (BJE):

Both Parties agree that the Bangsamoro Juridical Entity (BJE) shall have the authority and jurisdiction over the Ancestral Domain and Ancestral lands, including both alienable and non-alienable lands encompassed within their homeland and ancestral territory, as well as the delineation of ancestral domain/lands of the Bangsamoro people located therein.

Mabigat ito dahil ang BJE ay bubuuin ng kasalukuyang lupaing saklaw ng ARMM (Autonomous Region of Muslim Mindanao), kabilang ang mga munisipalidad ng Baloi, Munai, Nunungan, Pantar, Tagoloan, at Tangkai sa Lanao del Norte na bumoto para mapabilang sa ARMM noong plebesito noong 2001. Ang BJE ay mahihinuhang pulos Muslim ang nais mapabilang, at kung babalikan ang usapin hinggil sa mga tribung minorya ay maiisip na kagyat silang ipinailalim sa BJE kahit sabihin pang walang malaganap na konsultasyon sa hanay ng mga pangkat etniko sa Mindanao, Arkipelago ng Sulu, at Palawan. Kung nais ng BJE na bumuo ng isang estadong Muslim ay ibang usapan na naman, dahil maaaring ang ibang pangkat etniko na nagkataong nasa loob ng lupaing inaangkin ng Bangsamoro ay hindi sumasang-ayon sa balak na BJE. Muli, magkakatalo na naman sa pagpapangalan, dahil ibig saklawin ng “Bangsamoro” ang mga pakahulugang higit sa teritoryo, bagkus maging sa kaakuhan ng mga tribung minoryang humaharap ngayon sa matinding Islamisasyon kung hindi man modernisasyon.

Ang kapangyarihan ng BJE ay nagtatangkang pumantay sa kapangyarihan ng pamahalaan ng Filipinas, at masisilayan ito sa iba pang lahok ng kasunduan, gaya nito:

4. The BJE is free to enter into any economic cooperation and trade relations with foreign countries: provided, however, that such relationships and understandings do not include aggression against the Government of the Republic of the Philippines; provided, further that it shall remain the duty and obligation of the Central Government to take charge of external defense. Without prejudice to the right of the Bangsamoro juridical entity to enter into agreement and environmental cooperation with any friendly country affecting its jurisdiction, it shall include:

a. The option to establish and open Bangsamoro trade missions in foreign countries with which it has economic cooperation agreements; and

b. The elements bearing in mind the mutual benefits derived from Philippine archipelagic status and security. And, in furtherance thereto, the Central Government shall take necessary steps to ensure the BJE’s participation in international meetings and events, e.g. ASEAN meetings and other specialized agencies of the United Nations. This shall entitle the BJE’s participation in Philippine official missions and delegations that are engaged in the negotiation of border agreements or protocols for environmental protection, equitable sharing of incomes and revenues, in the areas of sea, seabed and inland seas or bodies of water adjacent to or between islands forming part of the ancestral domain, in addition to those of fishing rights.

Ang ganitong uri ng tindig ay pagsapaw na sa kapangyarihan ng pamahalaang pambansa, dahil hinahayaan ng pamahalaang pambansa ang BJE na gumawa ng sariling hakbang hinggil sa pakikipagkasundo sa ibang bansa. Dapat munang linawin sa kasunduan na pumapailalim ang BJE sa Pamahalaan ng Filipinas, at kung hindi ito maitititik nang maigi ay parang hinayaan na lamang ng pamahalaan na mabiyak ang arkipelago ng Filipinas. Maipapalagay na naman na tuso ang pagsasama sa BJE sa mga pandaigdigang pagpupulong, gaya sa ASEAN at United Nations, dahil mahihinuha rito na walang tiwala ang BJE na kayang katawanin ng Filipinas ang mga lunggati nito sa pandaigdigang antas.

Wala akong tutol hinggil sa kasunduang pangkapayapaan sa Mindanao, at dapat na itong maisakatuparan. Ngunit ang kasunduang ito ay hindi dapat nagmumula sa asta na ang magkabilang panig ay magkabukod na estado. Ang kasunduan ay dapat magmula sa ekwasyon ng pamahalaang pambansa na humaharap sa pamahalaang panrehiyon, dahil kung hindi’y iisipin ng MILF na karapat-dapat nga ang estadong Muslim sa Mindanao, Sulu, at Palawan alinsunod sa nais nito. Mawawalan lamang ng saysay ang usapan kung ipipilit ng MILF na bumukod sa Filipinas, kaligtaan ang pagka-Filipino, at sumapi sa Islamikong lunggati ng Malaysia, o ang mga bansang Malay na binubuo ng Indonesia, Malaysia, Brunei, at iba pang bansang higit na pinangingibabaw ang relihiyong Islam. Ang relihiyon ay hindi dapat manguna kaysa pagkamamamayan (citizenship), bagkus dapat ituring na isang bahagi lamang ng pagkatao ng sinumang Filipino.

Higit sa lahat, kailangang maunawaan ng mga taga-Mindanao, Sulu Arkipelago, at Palawan kung ano ang kasunduang niluluto ng GRP at MILF. May responsabilidad ang mga pamahalaang lokal at lalo na ang pambansang pamahalaan na ipalaganap ang tumpak na impormasyon imbes na ilihim kung ano ang nilalaman ng tratado. Kailangang litisin na ang pinakadiwa ng “Bangsamoro” nang hindi gagamit ng dahas at nang malayo sa prehuwisyo. At magagawa ito sa makatwirang usapan at makatarungang pagsasagawang ang makikinabang ay hindi lamang ang armadong hukbo ng MILF o kaya’y ang kagalang-galang na pangulo, bagkus ang minamahal nating Filipinas.

Ang Pormula ng Tanaga at Dalit

Nagsimulang mabuhay muli ang paggamit ng tanaga at dalít nang pausuhin ang mga ito ng gaya nina Ildefonso I. Santos, Alejandro G. Abadilla, at Teodoro A. Agoncillo bago at pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang nasabing mga tula—na katutubo sa Filipinas—ay matagal nang binanggit nina Iñigo Ed. Regalado, Lope K. Santos, at Julian Cruz Balmaseda sa kanilang mga pag-aaral hinggil sa mga panahon ng paglago ng panulaang Tagalog. Ang paghahanap ng katutubong anyo ng pagtula, na maaaring nakaligtaan nang mauso ang awit at korido, ay magiging malakas noong siglo beynte sa ilalim ng pananakop ng Amerikano sa Filipinas. Pangunahing sanggunian sa pag-aaral ng tanaga at dalit ang Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar. Ang aklat na ito ang gagamitin din sa mga pag-aaral nina Bienvenido Lumbera at Virgilio S. Almario hinggil sa katutubong pagtula. Mahalaga ang naturang bokabularyo dahil matatagpuan ang mahigit sandaang ispesimen ng mga katutubong tula, bukod sa pakahulugan nito, sa mga lahok.

Sisigla ang pagsulat ng tanaga at dalit noong dekada 1960 at magkakaroon ng bagong hugis noong dekada 1990 hanggang kasalukuyan. Ang tanaga at dalit ay lalabas sa nakagawiang estetikang silbi nito na pang-aliw o pangangaral at iwawasiwas gaya ng sandata bilang protesta sa namamayaning baluktot na kairalan sa lipunan. Pag-eeksperimentuhan ang tanaga at dalit kahit sa mga palihan ng pagsulat na gaya ng sa GAT (Galian sa Arte at Tula) at LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo). Gagamitin din ang tanaga at dalit, sa gaya ng timpalak Dalitext at Textanaga, nang mauso ang selfon at pagpapadala ng text jokes.

Bagaman maiikli ang tanaga at dalit, nagtataglay ang mga ito ng mga kubling panuto na sinusunod ng mga makata noon. Wala namang pagkakaiba sa dalawang anyo ng tula, maliban sa bilang ng pantig bawat taludtod. Kung ang tanaga ay pipituhin ang pantig bawat taludtod at may apat na taludtod ang isang saknong, wawaluhin naman ang pantig bawat taludtod ng dalít at bawat saknong ay apatan ang taludtod na isahan ang tugma.

Maitatanong: May pormula ba ng pagsulat ng tanaga o dalit? Kung pagbabatayan ang dami ng nasulat sa mga anyo ng mga tulang ito, masasabing may pormula nga. At ang pormulang ito ay mababatid hindi lamang sa paggamit ng tugma at sukat, bagkus sa paraan ng pananalinghaga, at pagsisiwalat ng lohika. Heto ang 50 panuto sa pagsulat ng tanaga at dalit, at ibinatay ko sa mga nalalathalang tanaga o dalit, bukod sa naging karanasan ko sa pagsusulat ng tula:

Mga Panuto sa Pagsulat ng Tanaga at Dalit
1. May apat na taludtod bawat saknong ang tanaga at dalit.
2. Sa tanaga, pipituhin ang bilang ng pantig ng taludtod bawat saknong.
3. Sa dalit, wawaluhin ang bilang ng pantig ng taludtod bawat saknong.
4. Ang tradisyonal na dulong tugma ng kapuwa tanaga at dalit ay isahan (aaaa), at maihahalimbawa ang sumusunod:

Tanaga
Ang akala ng langaw                (a)
Nang madapo sa sungay          (a)
Mataas pa sa anwang                (a)
Na kanyang dinapuan.              (a)

Dalit
Di matawag na demonyo           (a)
At di marunong manukso          (a)
Di naman masabing santo’t       (a)
Di maalam magmilagro.             (a)

5. Napasukan ng kabaguhan ang tugma ng kapuwa tanaga at dalit nang ilahok ng mga tinaguriang modernistang makata ang iba’t iba pang paraan ng pandulong tugma, gaya ng salitan (abab), inipitan (abba), at sunuran (aabb). Maihahalimbawa ang sumusunod:

Salitan
Napaiyak ang ulap            (a)
Sa bigat ng pighati           (b)
Ang akasya’t bayabas       (a)
Ay nagpayong ng lunti.    (b)
            —”Unang Ulan,” Rio Alma

Inipitan
Lugod mo ang pagbuntot    (a)
sa akin oras-oras:               (b)
Tila nga mas panatag          (b)
Kaysa laging pagyukod.      (a)
            —”Masunurin,” Lamberto E. Antonio

Sunuran
Nagdurugo ang buwan   (a)
Sa pangil ng karimlan;   (a)
Nilalaslas ng katig         (b)
Ang pagtahip ng tubig.  (b)
            —”Pagtawid sa Lake Caliraya,” Rio Alma

6. Sa mga tradisyonal na anyo ng tanaga at dalit, iniiwasan ang walang dulong tugma, gaya ng abcd. Mahihinuha na ginagawa iyon upang makatulong sa pagbigkas, at maisaulo nang mabilis ang mga salita. Ngunit sa kasalukuyan, ang mga tanaga at dalit na may higit sa isang saknong ay ginagamitan ng tugmang abcd, abcd, efgh, efgh, etc, upang lumihis sa nakagawiang uri ng anyo ng tugma.

7. Sa ibang pagkakataon, ang tradisyonal na pandulong tugma ay tinatanggal at inihahali ang panloob na tugmaan, gaya ng mala-tanaga ni Alejandro G. Abadilla:

Ang aking tugmâ ay      (a)
Aking kinusà, sa           (b)
Loob ng tulâ. Ay,          (a)
sino’ng timawà, ga?       (b)

8. Ang antas ng tugma ng kapuwa tanaga at dalit ay maaaring karaniwan (na magkahalo ang mga salitang mabilis at malumay ang bigkas; o kaya’y maragsa at malumi ang bigkas). May kakayahan ding itong gumamit ng tugmang tudlikan (na magkakapareho ang bantas o diin ng mga salita); pantigan (na magkapareho na ang bantas o diin ng mga salita’y magkapareho rin ang mga titik na katinig at patinig ng dulong pantig ng salita; at dalisay (na ang patinig bago ang huling pantig ay magkakapareho, bukod sa magkapareho ang katinig o patinig ng dulong pantig ng salita at iisa ang tuldik). Maaaring gumamit din ng tumbalik-tugmaan, na ang dulong salita ng bawat taludtod ay pinagbabaligtad ang ayos ng katinig at patinig upang lumikha ng bagong salita.

9. Maaaring makapagsilid ng 14 pataas na bilang ng salita sa isang saknong ng tanaga o dalit kung gagamitin ang Filipino, o kaya’y ang mga lalawiganing wikang gaya ng Tagalog, Ilokano, at Sebwano. Sa mga tanaga o dalit na may 14 salita, balanse kahit ang paghahati ng mga salita. Karaniwang ang unang dalawang taludtod ay may pitong salita, at ang sumunod na dalawang taludtod ay may pito ring salita.

10. Ang taludtod ng tanaga o dalit ay karaniwang may tatlo pataas na bilang ng salita. Mahaba na ang limang salita sa isang taludtod, at pinakakaraniwan ang tatlong salita sa isang taludtod. Nangyayari ito dahil karaniwang mahaba ang mga salita sa Filipino o sabihin nang Tagalog, at nalulutas lamang ito sa pamamagitan ng pagtitipil (tingnan ang Panuto 14).

11. Maaaring makalikha ng apat na pangungusap sa kapuwa tanaga o dalit. Ang paglampas sa apat na pangungusap ay magagawa rin kung ituturing na ang isang salitang padamdam ay isa nang pangungusap na kumakatawan ng isang diwain.

12. Maituturing na mahina ang tanaga o dalit kung isang pangungusap lamang ang ipinaloob sa isang saknong, bagaman kung minsan ay may ilang matagumpay na tula, gaya ng sinulat ni V.E. Carmelo D. Nadera Jr. Kung makasusulat ng higit sa isang pangungusap sa loob ng isang saknong ay higit na maganda, at makikita rito ang disiplina ng makata sa pagsisilid ng mga salita sa isang masikip na kahon.

13. Ang apatang taludtod ng tanaga o dalit ay maaaring biyakin sa dalawang bahagi. Ang unang dalawang taludtod ay maaaring katimbang ng susunod na dalawang taludtod. O kaya’y maaaring ang unang dalawang taludtod ang nagsasaad ng pangunahing diwa na susuhayan ng susunod na dalawang taludtod. Maaari rin namang ang unang dalawang taludtod ay magsasaad ng detalye at ang susunod na dalawang taludtod ang magsisilbing sukdulan ng paglalarawan o pagsasalaysay.

14. Maaaring kasangkapanin ang mga paraan ng pagtitipil ng salita, gaya ng pagpungos ng salita o pagdirikit ng dalawang kataga, upang maisilid sa padron ang nais ihayag. Halimbawa, magagamit ang “meron” imbes na “mayroon,” “hamo” imbes na “hayaan mo,” at “nuha” imbes na “kinuha.”

15. Maging konsistent sa lohika. Gamitin ang pasuhay (deductive), pasuysoy (inductive), at patimbang (comparative) na paraan ng pangangatwiran nang angkop sa paksa. Halimbawa, karaniwang ginagamit sa paglalarawan ang pasuhay na paraan ng pananalinghaga, samantalang ginagamit sa pagsasalaysay ang pasuysoy. Ang ganitong obserbasyon ay ipinaliwanag nang maigi ni V.S. Almario sa kaniyang aklat na Taludtod at Talinghaga (1984).

16. Bagaman ginagamit sa pangangaral noon ang tanaga o dalit, hindi lamang sa layong moralistiko iyon magagamit sa kasalukuyan. Magagamit din ang mga ito sa pagpapatawa, pang-uuyam, panunuligsa, panunuos, pananambitan, pagbubulay, at iba pang paraan.

17. Karaniwang may apat na salita ang matingkad sa tanaga o dalit. Ang apat na salitang ito ay maaaring gamitin bilang pandulong tugma, at siyang paglulunduan ng diwain ng tula.

18. Kung sisipatin bilang krokis na ekis o parisukat ang tanaga o dalit, ang apat na salitang mahalaga ay matatagpuan sa unang salita at dulong salita na pawang nasa unang taludtod at ikaapat na taludtod. (Ipinapalagay dito na hindi kasama ang “nang,” “at,” “sa” at iba pang kataga o pangatnig.)  Ang mga salita sa ikalawa at ikatlong taludtod ang magsisilbi namang panuhay sa nabanggit.

19. Mahalaga sa tanaga o dalit ang pagpili ng mga pandiwa (verb), o kaya’y pangngalang (noun) ginagawang pandiwa, upang ang mga salitang pinaghahambing at pinagtatambis ay lumutang; o kaya’y maitanghal nang marikit ang paglalarawan o pagsasalaysay ng isang tagpo. Posibleng magkaroon ng apat na pandiwa na kaugnay ng apat na pangngalan sa isang saknong.

20. Gumamit ng mga pandiwang aktibo at umaangkop sa mga pangngalan. Ang mga pandiwa ang naghahatid ng pagkilos sa loob ng tula, kaya dapat ding isaisip ang antas ng pandiwa (mulang mahina hanggang pasukdol o pabaligtad) sa pagkakatalogo ng mga pangyayari.

21. Kaugnay ng binanggit sa Panuto 20, ang paghahanay ng mga pangngalan o pandiwa o pang-uri (adjective) ay dapat may kaayusan. At ang kaayusang ito ay maaaring may antas, gaya lamang ng iba’t ibang sinonimong may partikular na pahiwatig sa isang wika, gaya ng Tagalog, Bisaya, at Ilokano.

22. Sa tradisyonal na paraan, walang hati (caesura) ang tanaga. Ngunit nang lumaon, ang tanaga ay napasukan na rin ng kabaguhan, at ginagamitan minsan ng hating 4/3 o kaya’y 3/4 sa bawat taludtod.

23. Gayundin, ang dalit ay karaniwang walang hati. Ngunit ngayon, kahit ang dalit ay ginagamitan ng estriktong hati na 4/4, at nilalapatan ng panloob ng tugma.

24. Magagamit sa tanaga o dalit ang iba’t ibang uri ng pag-uulit ng mga salita o diwain Ang naturang repetisyon ay maaaring nasa una, gitna, o dulong salita ng bawat taludtod. Maaaring ulitin ang mga salita, gaya sa anapora, ngunit dapat isaalang-alang ang antas ng pandiwa o pangngalan o pang-uri sa bawat taludtod.

25. Malimit gamitin sa tanaga o dalit ang pag-aambil, na ang katangian ng tao ay tinutumbasan ng katangian ng hayop, isda, ibon, halaman, o bagay. Mag-ingat sa paggamit ng ambil, at sikaping umaangkop ang katangian o asal ng tao sa anumang nais ipares dito.

26. Ang dalumat na ginagamit sa tanaga o dalit ay karaniwang hinuhugot sa dalumatang-bayan, at hindi lamang sa isang tiyak na sub-kultura ng lipunan. Kung gagamit man ng mga dalumat mula sa isang sub-kultura, gaya sa mga bakla at blogista, kailangang maisaalang-alang kung kaya ng salitang umangat sa pangmalawakan o pambansang antas o pandaigdigang larang.

27. Makabubuting piliin ang maiikling salita sa pagsulat ng tanaga o dalit. Ang “maiikling salita” ay dapat may dalawang pantig lamang, at mahaba na ang tatlong pantig sa bawat salita. Maiiba ang testura ng tanaga o dalit kung Ingles ang gagamiting midyum, dahil higit na maiikli ang mga salita sa Ingles kompara sa Filipino, at siyang angkop sa makikitid na saknong. Sa kasalukuyan, may iisahing pantig na salita, gaya ng “bus,” “dyip,” at “geyt” na pawang hiniram sa Ingles ang magagamit na makatutulong sa pagsusulat sa masikip na padron.

28. Sa pagpili ng mga salita, gamitin hangga’t maaari ang mga mapaglarawang salita o yaong salitang tinatawag na may kongkretong imahen. Huwag sabihing “galaw” kung magagamit ang “hipo,” “kislot,” “pintig,” “kaway,” “kaluskos,” at iba pang salitang may natatanging pakahulugan at pahiwatig.

29. Maaaring gamitin sa tanaga o dalit ang mga salitang sinauna o ngangayunin. Puwedeng pormal ang pagkakasulat, ngunit malaya ring gamitin ang pabalbal. Nagkakatalo lamang sa husay ng kombinasyon ng mga salita, na ang pagtatambal ng dalawang salita ay lumilikha ng pambihirang kabatiran at pahiwatig na lalampas sa de-kahong pananaw.

30. Kaugnay ng binanggit sa itaas, dapat isaalang-alang ang pagpapami-pamilya ng mga salita nang maiwasang maging kakatwa ang kombinasyon ng mga salita o imahen. Halimbawa, kung nais maging lalawiganin ang himig, pumili ng mga salitang lalawiganin; at kung nais namang maging kosmopolitano ang himig ay gumamit ng mga salitang hango mula sa banyagang wika.

31. Kailangang may isang diwain lamang ang dapat itampok sa tanaga o dalit. Gumamit man ng paghahambing o pagtatambis ng mga katangian, kinakailangang nakatuon pa rin sa pangunahing diwain.

32. Mahalaga sa tanaga o dalit ang paggamit ng talinghaga. Kung walang talinghaga ay maituturing iyong mahina, bagaman makakikiliti kung minsan ng guniguni.

33. Ang talinghaga ng tanaga o dalit ay dapat ikinukubli o inililihis ang nais sabihin sa tula o ang ibig ipahayag ng makata sa pamamagitan ng pahiwatig. Habang lumalawak ang pahiwatig, lalong rumirikit ang tanaga o dalit.

34. Iwasan ang mga de-kahong tayutay o bulaklak ng dila. Kung gagamitin iyon ay dapat lumitaw ang pambihirang kabatiran nang higit sa nakagawiang pagsagap sa gayong tayutay o idyoma.

35. Maaaring lapatan ng musika ang tanaga o dalit. Ang tanaga o dalit ay dapat magtaglay ng mga salitang maiindayog ang tunog, at makatutulong dito ang masinop na kombinasyon ng haba at ikli ng mga salitang maragsa, malumi, malumay, at mabilis.

36. Maaaring palamutian ng akrostik ang mga una’t dulong salita ng tanaga o dalit.

37. Maaaring magsimula sa retorikang tanong o kaya’y magwakas sa tanong.

38. Gamitin hangga’t maaari ang tandang pandamdam sa dulong salita ng pangwakas na taludtod; at sakali’t gamitin iyon saanmang bahagi ng saknong ay dapat mapangatwiranan. Mahalaga ito upang maiwasan ang walang taros na pagbulalas o pasigaw na paraan ng pagtula.

39. Sa tradisyonal na tula, ang unang titik lamang ng unang salita sa pangungusap ang malaki (capitalize). Nang lumaon, ang unang titik ng bawat taludtod ay ginagawa nang pawang malalaki.

40. Ang ibang eksperimentasyon sa tanaga o dalit ay ginagamitan ng maliliit na titik kahit sa unang titik ng unang salita ng unang taludtod, ala-e.e. cummings o kaya’y ala-Ophelia Alcantara Dimalanta. Malayang gawin ito, ngunit dapat alam ng gumagamit kung bakit hindi siya gumagamit ng maliliit o malalaking titik.

41. Mahalaga sa tanaga at dalit ang paggamit ng mga katutubong dalumat (konsepto) na pawang matatagpuan sa kaligiran, at kinikilala sa isang pamayanan. Ang konseptong ito ay hindi lamang pansarili ng makata, bagkus dapat angkinin din ng buong pamayanan.

42. Maaaring walang pamagat ang tanaga o dalit.

43. Kung may pamagat, ang nasabing pamagat ay hindi na dapat pang ulitin sa loob ng tula.

44. Ang pamagat ay maaaring isang salita, parirala, o ang unang taludtod ng tanaga o dalit.

45. Ang pamagat ay dapat kargado ng mayamang pahiwatig, upang matagumpay nitong katawanin ang isinasaad ng tula.

46. Sa tradisyonal na paraan ng pagtula, gumagamit ng mga bantas. Ginagamit ang tuldok o tuldok-kuwit tuwing magwawakas ang ikalawang taludtod.

47. Sa makabagong paraan ng pagtula, hindi na minsan ginagamitan ng bantas ngunit nagbubunga naman ito ng pagkabarok dahil ikalilito ang tumpak na paghinto o pagputol ng mga salita.

48. Kung nais mag-eksperimento, gumamit ng pulos mabibilis o mararagsang salita sa buong saknong, maliban sa mga katagang gaya ng “ang,” “ng,” “nang,” “sa,” at “at.” Sa ganitong paraan, lapatan man ng musika ang tula’y madaling makakanta.

49. Dapat umayon ang pandulong tugma sa nais ihayag ng tula. Halimbawa, kung ang tanaga o tula’y nananambitan o tila nanghihimok ng isang tao, maaaring gamitin ang mabibilis o malulumay na salita, o ang mahihinang tugmang katinig na nagwawakas sa l, m, n, ng, r, w, at y . Kung napopoot naman ang himig ng persona, maiaangkop ang mararagsa o malulumi, at kaya’y malalakas na tugmang nagwawakas sa katinig na b, c, k, d, g, k, p, s, t, v, x, at z.

50. Nagbabago ang estetikang silbi ng tanaga at dalit, ngunit mahalaga pa ring gamitin ang mga ito upang makiugnay sa pamayanan, dahil ang naturang mga anyo ng tula ay nakaayon para sa kaluguran, kabatiran, at kung minsan, sa kapakinabangan ng madla, at hindi pansarili lamang.

Isang malaking pagkakamali kung sabihing “Pinoy Haiku” ang “tanaga” o “dalit”. May sariling diskurso ang tanaga at dalit na pawang angkop lamang sa Filipino, gaya lamang na may sariling diskurso ang haiku ng Hapones. Ang paggamit ng “Pinoy haiku” na taguri sa “tanaga” o “dalit” ay tila pagsasabing walang kaakuhan ang tanaga o dalit, at nakapailalim sa banyagang pagtula, at nanggagagad lamang sa banyagang anyo ng tula. Na hindi naman totoo, at isang kabulaanan. Ang pagkakahawig sa bilang ng pantig ng haiku at tanaga ay maaaring nagkataon lamang, alinsunod sa paglago ng kani-kaniyang wika at diskurso, at walang matibay na patunay na nanggaya lamang ang mga Filipino sa Hapones.

Hindi ito ang pangwakas na panuto hinggil sa pagsulat ng tanaga at dalit, bagaman maisasaalang-alang ng sinumang nagsisimulang sumulat ng tula. Maaari ninyong bawasan, dagdagan, susugan, o ituwid ang ilang punto para sa ikalilinaw ng lahat. Ipinakikita lamang dito na malayo na ang narating ng nasabing mga anyo ng katutubong tula, na kinakailangan lamang nating lingunin, at ipagmalaki na sadyang sariling atin.

Sagutang talinghaga hinggil sa lupa

Ang Sabi ng Matatanda

Mag-aaway, gaya ng mga ilahás na hayop, ang magkakapatid dahil sa pamanang lupain ng kanilang mga ninuno. Itatakda ng batas, agham, at wika ang katwiran ng matatangkad na pader, at ang halaga ng lunggating teritoryal. Lingid sa mga sakim at hangal, ang lupang kanilang pinag-aawayan ay ang lupa ring tatabon sa kanila sa oras ng kamatayan.

(2 Agosto 2005)

♦ ♦ ♦

Ang Sabi ng mga Bata

Panginorin sa takipsilim.

Panginorin sa takipsilim.

Bahagi ng pag-iral ang pag-aaway. Kung walang galos, paanong mauunawaan ang bighani ng kirot o luwalhati? Kung walang dadanak na dugo, paano maitatala ng utak ang pag-iwas sa nanà o paggamot sa sugat? Pinapaslang kahit ang sariling ama, at ipinatatapon sa malayong lupain kahit ang sariling ina. Iisa ang lupain. Nagkakaiba lamang kung paano natin ito lalandasin o lalayagin o liliparin.

(8 Abril 2007)

Hiwaga

SIMBAHAN, kuhang larawan ni Bobby Añonuevo.

SIMBAHAN, kuhang larawan ni Bobby Añonuevo.

Sasapit ka bilang sumisikip na lalamunan, at mauunawaan mo ang Maykapal.

Makalilimot ang Maykapal sa Kaniyang kaakuhan, at matatagpuan ang sarili sa kaloob-looban mo. Maaaring Siya’y naaawà sa iyo, dahil sino’ng kumakatok ang hindi pagbubuksan? Sino’ng tumatawag ang hindi pakikinggan?

Wiwikain ng Maykapal ang lahat ng iyong panalangin.

Masisiyahan ka sa pananahimik.

At ang iyong pananahimik ay lolobo nang lolobo, gaya ng iyong leeg, panga, ilong, pisngi.

Ipagdarasal ka ng Maykapal. Manginginig ang Maykapal sa Kaniyang pagdarasal sa kung anong kawalan upang matupad ang Kaniyang hiling na maghilom ang iyong sugat na maaaring katagang di-mabigkas o kung nabigkas man ay inusal nang may pagtampalasan at paglibak sa matatanda noong mga gabing nalasing ka sa alak, dilag, sugal.

Tutuparin mo ang panalangin ng Maykapal.

Tutuparin mo ang panalangin ng Maykapal na kahanga-hangang kapilas mo.

Maghihilom kahit ang talamak mong loob. Maglalaho ang iyong kanser.

Matutuwa ang iyong Panginoon.

Magtitika Siya, tulad ng milyon-milyong deboto na nagtika sa kasalanan ng daigdig, at ibabandila ang kagila-gilalas na himala.

At sa oras na hinarap mo ang iyong Panginoon, Siya at ikaw ay muling magpapalit ng tungkulin at pangalan.

Siya ang Lalang. Ikaw ang kaniyang Maykapal.

Maghihiwalay kayo ng landas. Hindi ka na muling lilingon pa. At maririnig ng iyong laláng ang malulutong mong sigaw, ang dumaragundong mong halakhak, ang lumalagapak mong palakpak, habang lumalakad kang papalayô—papalayô nang papalayô—mula sa kaniyang kinatatayuan.