Lapnos na mukha, durog na kalooban, at magkatunggaling angkan ang pinaghihilom ng bagong tuklas sa medisinang nakasaad sa nobelang Pusong May Sugat (1949) ni Iñigo Ed. Regalado. Maibibilang ang nobela sa mga kathang-agham (science fiction), ngunit ang pinakapuso ay paglilitis sa pagmamahalan ng magkasintahang pinaghiwalay ng kani-kaniyang propesyon at tadhana.
Umiinog ang istorya kina Bienvenida Medrano at Tirso San Luis na pawang nagbuhat sa mayayamang angkang may malalawak na lupain sa bayan ng Pinaghiluman. Bago pa man nagkakilala ang dalawa’y namuo na ang poot sa hanay ng kani-kaniyang mga magulang. Napatay si Kabisang Gustin na pinagmulan ng mga Medrano, at ang nakapatay ay si Kapitang Ramon na siyang namang nuno ng mga San Luis. Hanggahan ng lupain ang pinagtalunan ng dalawang angkan, at ang gayong pagtatalo ay mauuwi sa poot na abot-langit.
Nagkakilala sina Nida (palayaw ni Bienvenida) at Tirso nang kapuwa sila mag-aral sa isang esklusibong paaralan sa Maynila. Nahulog ang loob nila sa bawat isa, ngunit hindi magtatagal ay paglalayuin sila ng tadhana. Ipadadala si Tirso sa Amerika upang doon mag-aral at pagkaraan ay magpakadalubhasa sa medisina sa Alemanya at maglilibot sa Europa. Samantala’y ipinagpatuloy naman ni Nida ang kurso hinggil sa kimika. Isang araw, maaaksidente si Nida habang gumagawa ng eksperimento sa laboratoryo. Sumabog ang kimika sa di-inaasahang pagkakataon, namatay ang dalawa niyang kasama, at nalapnos ang kaniyang mukha at katawan. Makaliligtas si Nida, ngunit mag-iiwan ng masagwang pilat sa kaniyang katauhan ang karanasan
Bagaman binigyan ng maluluhong pista at aliwan si Nida ng kaniyang mga magulang, lalo lamang nanlumo ang dalaga. Pumangit ang kaniyang pananaw at kalooban, at isang iniisip niya ang mga pintas ng kaniyang mga kakilala at kaibigan. Namuo sa puso ni Nida na hindi na siya karapat-dapat kay Tirso. Samantala, si Tirso ay naging bihasang mediko, at umimbento ng gamot mula sa katas ng katutubong halamang makapagpapahilom kahit sa malalalim na pilat sa balát. Naputol ang ugnayan ng dalawa, dahil ayaw nang ipabatid ni Nida kay Tirso ang nangyaring sakuna. Inakala naman ng lalaking pinagtaksilan siya ng dalaga, at gaya sa telenobela’y mamumuo ang pananaghili ng bawat isa.
Magbabalik sa Filipinas si Tirso, at mababalitaan ni Nida. Magkukunwa si Nida na maralita, magtutungo sa klinika at pilit magpapagamot kay Tirso, upang subukin ang bagong imbentong pormula ng doktor. Binago ni Nida ang pangalan at nagkunwang si Ana Beltran. Magpapaalila si Ana kay Tirso magamot lamang ang kaniyang sakit—na naging palaisipan sa doktor. May sandaling ibig nang patayin ni Nida si Tirso dahil sa paninibugho, ngunit napigil niya ang sarili. Hanggang sumapit ang sandaling gagamutin ni Tirso ang dalaga, at ipaiinom dito ang bagong pormulang gamot. Gagaling si Nida at lalayo sa tahanan ni Tirso. Sa bandang huli’y matutuklasan ni Tirso na si Ana ay ang nagbabalatkayong si Nida. Gagawa ng paraan si Tirso na mapalapit sa dalaga, at magkukunwang naaksidente habang kasapakat si Salud na matalik na kaibigan ni Nida. Mabubunyag sa wakas na walang pagtataksil na naganap sa magkasintahan. Magkakabati ang kanilang mga magulang, at ipipinid ang nobela sa pagpapakasal ng dalawa.
Ang pagtingki sa usapin ng siyensiya sa nobelang Tagalog ay lalaganap pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Maraming sugat ang digmaan, at lumingon noon ang mga manunulat sa talinghaga ng “gamot” “sugat,” “paghihilom,” at “paggaling” na pawang mauugat sa mga epikong bayan. Sa nobela ni Regalado, ang bagong tuklas sa medisina ay hindi lamang napaghilom ang pisikal na sakit ng dalaga. Napaghilom din ang sugat ng panibugho sa magkasintahan. At napaglaho ang dating malalim na sugat ng dalawang angkang nag-away hinggil sa saklaw nilang mga lupain.
Hindi seryosong nobela ang Pusong May Sugat. Ipinasok ni Regalado rito ang katatawanan, ang mga tagpong kapana-panabik, ang paglalaro sa romanse, at kinasangkapan ang mga elemento ng komunikasyon ng mga Filipino. May pihit ng mga tagpo ang di-inaasahan, at ito ang hahatak sa mambabasa upang ipagpatuloy ang pagbabasa.
Bagaman sa unang malas ay mahina ang paglalarawan kay Nida, ang Nida na nagbalatkayong si Ana ay maghuhunos sa pagiging mapagsapalaran, at itataya ang buhay upang makamit ang pagbabago sa sarili at kalooban. Samantala, si Tirso na sa unang malas ay matatag, ay masusugatan din at hahabulin ang kaniyang minamahal na kasintahan. Animo’y istorya ito mula sa Hudhud ng mga Ifugaw o sa Romeo and Juliet ni William Shakespeare, at ang paghihiwalay at muling pagbabalikan ng magkasintahan ay hindi na iaatas sa kapalaran bagkus sa pagsisikap na malutas ang sigalot sa kakatwang paraan. Ang pagkakatuklas na hindi “nagtaksil” sa isa’t isa ang isinusulong ng nobela, at mauugat ang ganitong konsepto na kaugnay sa “puri” at “dalisay na pagmamahal.”
Nakapagtatakang hangga ngayon ay ginagaya ang ganitong pormula ng kuwentong pinauso ni Regalado kahit sa mga telenobela, at walang kasalanan dito si Regalado bagkus ang mga iskriprayter na nagkakasiya na lamang sa mga banghay na inaakala nilang papatok sa mga manonood. Nang sulatin ni Regalado ang Pusong May Sugat ay iba ang kondisyon sa Filipinas, ang bansang naghahanap noon ng lunas sa samot-saring sakit na dulot ng digmaan, tagsalat, at kahirapan. Naiiba ang kay Regalado dahil ipinapasok nito ang usapin sa agham, kahit pa taguriang “aghamistika” iyon, na pinaghahalo ang “agham” at ang “mistika” sa malikhaing paraan. Ang dekada nang ilathala ang nasabing nobela’y hitik din sa sari-saring imbensiyon, gaya ng antibiyotiko, nuklear pisika, kompiyuter, misil, at transistor. Ang ganitong mga pagbabago ang maaaring nasagap ni Regalado, at nakaimpluwensiya sa pagsulat niya ng nobela.
Payak ang nais ipaabot ni Regalado. Ang tunay na pag-ibig ay hindi lamang makikita sa pisikal na antas, bagkus umaabot hanggang espiritwal na antas. At may magagawa ang tao upang gamutin nang ganap ang sugat sa pusong naghihintay.