Prosang itim at tulang tuluyan sa Filipino

Mauugat sa aking palagay ang tulang tuluyan sa Filipinas sa pagsilang ng “daglî” noong huling mga taon ng siglo 19 at unang dekada ng siglo 20. Tumutukoy noon ang “dagli” sa mga prosang alanganing kuwento at alanganing sanaysay, na binubuo ng ilang talata, at nagtataglay ng larawan o salaysay na nababalutan ng pananalinghaga. Malalathala ang mga dagli na mapagpatawa, mapagmuni, mapanuos, mapang-uyam, at mapaglahad sa pinakamatipid na paraan, gaya ng matatagpuan sa mga pahayagang El Renacimiento at Muling Pagsilang. Sisilang ang dagli sa panahong hindi malaman ng mga manunulat na Tagalog noong bungad ng siglo kung ano ang itatawag sa “maikling-maikling kuwento” o “tulang tuluyan” o “nobela” o “sanaysay” ngunit ayaw magpakahon sa gayong tatak.

Prosang Itim at ibang aklat ni Mike L. Bigornia,

Mga aklat ni Mike L. Bigornia

Ang salitang “tulang tuluyan” na panumbas sa “poeme en prose” ng Pranses o “prose poem” ng Ingles ay hindi kagyat na kinilala nang ganap sa Filipinas. Nagwagi ng unang gantimpala si Amado V. Hernandez sa timpalak pampanitikang itinaguyod ng kapisanang Ilaw at Panitik at pinondohan ni Don Manuel Tambunting noong 1931. Ang kaniyang “maikling kuwento sa tuluyang tula” ay halimbawa ng kalituhan kung paano tatawagin ang bagong uri ng panitikang naglalaro sa hanggahan ng “tula” at “kuwento.” Alanganing kuwento at alanganing tula ang ginawa ni Hernandez. Heto ang halimbawa ng unang tatlong talata na bumubuo sa tatlong yugtong akda na pinamagatang “Wala nang Lunas” ni Hernandez:

Bulaklak ng kasalanan. Maganda at mabango, sariwa pa at makulay.

Siya’y napulot ko sa maalikabok na lansangan ng paglimot; isang bulaklak na maganda nga ay waring pinagsawaan na ng kamay ng kasalanan, isang maputing ibong nabalian ng pakpak at lumagpak sa putik, isang pusong bata nga ay lipus naman ng sugat.

May iba siyang pangalan, nguni’t tinawag ko siya ng Tina. Tina! Mga matang maiitim at mabibilog, mga labing ang saklap ng hapis ay hindi maitago ng tila pahid na dugo ng kalapati, mga pisnging mandi’y mabulong hinog na nakabitin sa sanga. Iyan si Tina. Matamis mangusap, magiliw kumilos; walang kasintamis at kasinggiliw kung maglambing at umibig.

Hindi pa nauuso ang kanta ng Hot Babes hinggil sa “bulaklak” (i.e., puke o kiki) ay nauna na ang kay Hernandez. Umiinog ang sabihin nang “tulang tuluyan” ni Hernandez sa karanasan ng personang magsasaka na nakatagpo ng “kalapating mababa ang lipad” (i.e., puta o baylarina). Inalagaan ng persona ang babae na tinawag niyang “Tina,” at sila’y nagkaibigan. Ngunit dumating ang sandali na kailangang maghiwalay sila, dahil kailangang kumayod sa bukid ang lalaki. Nainip si Tina, nag-alsa-balutan, at nagbalik sa dating gawi nito makaraang makaipon ng lakas. Namighati naman ang lalaki, at hinanap ang dilag hanggang makaabot siya sa isang kabaret doon sa Maynila. Nagpakalasing at nag-eskandalo ang lalaki. At sa di-inaasahang sandali’y nakita si Tina sa madilim na kabaret, kayakap ang ibang lalaki, at nawaring may sakit si Tina. Hindi sa katawan, kundi sa kaluluwa.

Ang kalituhan sa pag-uuri sa akda o tula ni Hernandez ay sasapit din sa akda ni Alejandro G. Abadilla. Noong 9 Setyembre 1932, nalathala sa Liwayway ang tatlong tula ni Abadilla. Ang ikatlong akda ni Abadilla na may pamagat na “Ang Panahon” ay tinawag niyang “kaunting tula at kaunting tuluyan.” Alam ni Abadilla na mahirap tatakan ang kaniyang bagong likha. Alanganin yaong tula at alanganing prosa, at lalong naiiba sa tinatawag na “dagli” na pawang nalalathala at inaabangan sa mga diyaryo o magasin, gaya sa Muling Pagsilang, Renacimiento Filipino, at Taliba. (Tandaan ding mahirap ituring noon na “tula” ang isang akda hangga’t wala itong tugma at sukat, at kahit ang “malayang taludturan” ay hindi pa ganap na tanggap sa loob man o labas ng pangkat ng mga makatang Tagalog. Ang mga makatang nangauna kay Abadilla  ay nagsisikap na mapanatili ang anumang matatawag na katangian ng katutubong tulang Tagalog; samantalang si Abadilla at ang kaniyang mga kapanalig ay nagsisikap namang magpasok ng kabaguhan sa panulaang Tagalog, na magsisimula sa paggamit ng malayang taludturan hanggang pagkasangkapan sa himig o tinig ng tula o iba pang taktikang panretorika.) Narito ang masasabing kauna-unahang tinawag na “tulang tuluyan,” na pinamagatang “Ang Panahon,” ni Abadilla:

—Kung ang mga taong nangakalipas na’y muling magbalik at minsan pa’y magbibigay ng pagkakataon!…—Iyan ang sigaw at kahilingan ng yutayutang nagsisipagsisi ngayon. Sila, na mga sawi! Katulad ng mamamaril na nagpabaya!

Ang kamay ng Panahon ay sumusulat at patuloy sa kanyang paggawa. Ang sino mang di sumama sa kanyang paglakad ay maiiwan sa buhanginan ng naaksayang mga araw. At ang mga ito, kung tunay mang mga buhay pa at humihinga, ay mga patay nang matatawag, sapagka’t sila’y hindi nangatutong magsamantala ng pagkakataong sa kanila’y iniukol ni Bathala.

Napakaikli ng kay Abadilla, at tila paningit lamang sa espasyo ng Liwayway. Lilinaw lamang ang pagbabalikwas ni Abadilla pagsapit ng dekada 40, nang makipagtalo siya sa gaya ni Iñigo Ed. Regalado hinggil sa paggamit ng “malayang taludturan.” Ang “tulang tuluyan” ni Abadilla ay halos kaalinsabay ng paglitaw ng “malayang taludturan” na sinasalungat ng mga nakatatandang makata mula sa kapisanang Aklatang Bayan, ngunit isinusulong naman ng pangkat na Ilaw at Panitik at pagkaraan ng Panitikan.

Kung ihahambing ang nabanggit na tulang tuluyan ni Abadilla sa dagli ay malaki ang pagkakaiba. Maski ang “dagli”—na mauugat sa pahiwatig na agaran ang pagkakasulat—ay sasaklaw sa maituturing na “anekdota,” “pasingaw,” “salaysayin,” “vignette,” “munting kasaysayan,” “sanaysay,” “maikling-maikling kuwento,” “pangulong-tudling,” “tulang tuluyan,” at iba pang kauri. Ipinanunumbas naman ng ibang manunulat o kritiko ang “dagli” sa “sketch” sa Ingles; samantalang ang “pasingaw” ay itinuturing na katimbang ng “protofiction” o “microfiction” na ang malimit na layon ay dumiga’t magpalipad-hangin sa babaeng nililigawan o dili kaya’y mang-inis o mang-uyam sa tao na kinayayamutan.

Halos walang hanggahan ang nasabing mga taguri, at kahit ang mga tulang pasalaysay gaya ng Kahapon, Ngayon, at Bukas (1910) ni Aurelio Tolentino ay ituturing na “novelang Tagalog.” Noong bungad ng siglo 20, karamihan ng sumusulat ng dagli ay nakatago sa talipanpan o sagisag-panulat. Ito ay upang mapangalagaan ang sumulat, at makaiwas siya, sa maaaring libelo, pananakit, o balikwas na magmumula sa pinatatamaan o pinahahagingang mambabasa. Maihahalimbawa ang dagli—pinamagatang “Karamelo”—na halaw ni Antonio K. Abad sa aklat na Impressiones ni Antonio Luna, at nalathala sa Diwang Ginto. Narito ang sipi sa apat na talata na hinalaw ni Abad:

Isang dukhang angkan ang aking dadalawin. Siya’y isang balo na may pito o walong anak. Ang asawa’y isang marangal at matapang na kawal na namatay sa Jolo sa harap ng kuta ng mga Moro noong mga sandali pa namang wari’y kakamtan na niya ang tagumpay. Walang naiwan sa kanyang mga anak kundi katapangang balot ng limot, maraming luha, pangungulilang puspos ng paghihikahos.

Dahil sa pagluluksa, ang balo’y nanirahan sa isang sulok na malayo sa masayang Madrid. Dahil sa lungkot at sa kagipitan ay napilitan siyang tumira sa isang silid ng ikaapat na antas at tila baga ang kasaliwaan ay maaglahing nagsasabi na ang sulok na iyon ay laang maging daingan ng mga sakit.

Hindi ako tumigil sa tapat ng pinto, gaya ng mga nakaraan na pinakikinggan ko ang mga tugtugin sa piyano ni Lucy, isa sa mga anak. Noon ay ibang tugtugin ang pumipintig sa aking kaluluwa buhat sa loob, isang tinig ng batang lalaki na inuulit ang:

“Tinapay, mamá, bigyan mo ako ng tinapay! Pan, mamá…dame pan.”

Wari bang maikling “maikling kuwento” o “munting kasaysayan” kundi man “sketch” ang hagod ni Abad, at halos patula ang ilang pangungusap bagaman hindi kasimbulaklak ng kay Hernandez.  Ano’t anuman, maikakatwirang gayon talaga sumulat ang mga Tagalog, lalo noong bungad ng siglo 20 na ang mga talata ay mabubulaklak, at malimit matalinghaga ang paglalarawan ng mga tagpo.

Kung pagbabatayan ang mga pangunang pag-aaral ni Iñigo Ed. Regalado, maibubukod sa dagli ang “sanaysay” (essay) at “salaysayin” (thesis). Aniya:

5. Ang sanaysay ay lathalang nagpapahayag ng isang palagay o kuro hinggil sa alinmang bagay, suliranin, o paniniwala. Ito’y hindi sinusulat nang mahaba; habang maikli ang isang sanaysay ay lalong tumutugon sa layon ng lathalang ito.

6. Ang salaysayin ay isang lathalang tumutukoy sa isang paksang nangangailangan ng malawak na pagpapaliwanag. Masasabing sa pagsulat ng isang salaysayin ay nagagamit ang kaalaman ng pagsulat ng sanaysay. Bawa’t bahagi ng isang mahabang salaysayin ay isang sanaysay.

May pagtatangka na si Regalado noon na pagbuklod-buklurin ang mga katagang ginagamit sa pagsusuri ng panitikang Tagalog. Sa retorikang kaniyang binuo, halimbawa, ang “paglalahad” ay ipinakahulugang “isang ayos ng pagsulat na ang layon ay gumawa ng isang malinaw, sapat, at walang kiling na pagpapaliwanag sa lahat ng bagay na saklaw ng kaalaman ng tao.” Itinangi niya ang “paglalahad” sa “paglalarawan” (i.e., sketch). Ang “paglalarawan,” aniya, ay “isang ayos ng pagsulat na ang layon ay ipamalas sa nagsisibasa ang anyo at kalagayan ng anumang nais paabutin sa kaalaman ng sino man.” Idinagdag pa niyang ang layon nito’y “maipakilala ang kaibahan ng inilalarawan sa lahat ng kanyang kauri.” Mahaba ang paliwanag ni Regalado sa kaniyang mga termino, at marahil ay nangangailangan ng bukod na pagtalakay hinggil doon upang masuri nang ganap ang lahat ng isinaad niya sa nasabing aklat.

Ang “tulang tuluyan” bilang katapat ng “poeme en prose” ay unti-unti lamang magkakahugis noong mga dekada 1960-1970 at magsisilbing tulay ng protesta kahit noong dekada 1980 at ganap na magkakasanga noong dekada 1990. Kabilang sa mga gagamit nito ang gaya ni Manuel Principe Bautista (na ang mga tulang tuluyan ay tinatatakan ng “maikling kuwento” sa Liwayway) at nina Pedro L. Ricarte, Epifanio G. San Juan Jr., Virgilio S. Almario, at Gemino H. Abad sa hanay naman ng kabataan. Dapat banggitin ang isang napakagandang halimbawa ng tulang tuluyan ni Ricarte, na pinamagatang “Tao sa Hapag Tistisan” na ibang-iba ang hagod kaysa nakagawiang pagsulat noon ng prosa sa Tagalog. Gagamitin ni Rio Alma bilang hinpamagat sa kaniyang koleksiyong Muli, Sa Kandungan ng Lupa, (1994) ang “mala-kuwento” na tila pagsasabing “hindi pa ganap na kuwento” ang kaniyang akda, isang uri ng hybrid at ni ayaw waring magpatawag na dagli, subalit nakaugat pa rin sa tula. Magbabago ang tindig ni Rio Alma nang ilabas niya ang Memo mulang Gimokudan (2005) at pangangatawanan ang taguring “tulang tuluyan.” Ipinamalas ng makata sa naturang koleksiyon ang sari-saring posibilidad ng pagdulog sa tulang nasa anyong prosa, at animo’y humaharap sa daigdig upang magpakilala.

Sa hanay ng mga Filipinong makata, lumikha ng daluyong noong dekada 1980 ang Prosang Itim (1996) ni Mike L. Bigornia. Ibang-iba ang tulang tuluyan ni Bigornia, at malinaw na lumilihis sa malapot na pagsasakataga ng “mala-kuwento” ni Rio Alma, o sa kahig-manok na Marxistang tulang tuluyan ni E.San Juan Jr., o sa mala-propetang parabulang pampolitika ni G.H. Abad. Isang buong koleksiyon ng mga tulang tuluyan ang kay Bigornia, at nagtatalaglay ng makabagong himig ng pagsasakataga ng mga pangyayari, diwa, lunan, o tauhan na pawang taliwas sa nakagawian noong pagsulat ng mga makatang Tagalog mulang Aklatang Bayan hanggang Panitikan at kahit hanggang sa mga Makatang Bagay at nakararaming kasapi ng GAT (Galian sa Arte at Tula).

Malikot si Bigornia. Ang kaniyang tulang “Bestiyaryo,” halimbawa, ay maituturing na hybrid at karugtong ng “Ondine” ni Aloysius Bertrand (sagisag panulat ni Louis Bertrand); bukod pa sa sumasagap din ng sustansiya sa  “Laquelle est la vrai” ni Charles Baudelaire. Malayo rin ang hagod ng “Bestiyaryo” sa maiitim na pangitain ni Arthur Rimbaud, at isang pagkakamali na ihambing, itambis, o itagni ang anumang tuluyang tula ni Rimbaud sa “Bestiyaryo” ni Bigornia. Ang “Bestiyaryo” bilang pambungad na tula sa Prosang Itim ay tila pagkilala na rin ni Bigornia sa halina ng iniiwang panulat ni Bertrand, gaya lamang sa kumpisal ni Baudelaire hinggil sa paghanga sa Gaspard de la nuit ni Bertrand, ang sinasabing ama ng tulang tuluyan sa Pransiya. Ano’t anuman ay namumukod-tangi pa rin ang kay Bigornia sa paggamit nito ng alusyon hinggil sa diwata at sa sinaunang paglikha, na pawang nakalugar sa matagal na panahon at sa pagtuklas ng kaakuhan, buhay, at bait. Itambis si Ondine, ang diwata ng tubigan doon sa ilog na humiling maging dilag sa “Bestiyaryo,” at pagkaraan ay itagni sa ideal na Benedicta na nilulunggati ng persona sa “Laquelle est la vrai?” ay mababanaagan ang salungatan-sagutan-saputan ng mga diwa ng mga tauhan, katauhan, at pangyayari sa tatlong dimensiyon—alinsunod sa mahika blangka ni Bigornia bilang makata.

Ang paglalaro ni Bigornia sa kaniyang prosang itim ay patikim sa maaaring maganap sa panulaang Filipino. Ang aghamistikang isinasaad sa “Ang Matanda sa Tabing-dagat” ay waring paglalahok sa bisa ng puwersang sobrenatural na tila UFO papaloob sa katutubong alamat kay Lam-ang. Mababanggit din ang pambungad na tagpo sa pelikulang Superman bilang eksena sa kimera ng bawat makata sa “Uniberso” ni Bigornia. Pambihira ang lalang ni Bigornia at humuhula ng resureksiyon, na di-malalayo sa resureksiyon ni Kristo at iba pang diwaing magbabalik sa tumpak na pagkakataon. Maiuugnay ang ganitong pagtatangka sa mala-Star Wars na tagpo na “Kuwento ni Handiong” ni Rio Alma, na kompleto sa bakbakan at pakikipagsapalaran, at halos ganap na baguhin ang Handiong ng Bikol. Isa pang tula ni Rio Alma, ang “Kuwento ng Gagamba” ay pagpapasalikop ng selestiyal at galaktikong lunan sa nagbabagong hulagway ng gagamba alinsunod sa personang tumitingala rito.

Samantala, ang kagulat-gulat kay Bigornia’y binubura niya ang mga hanggahan ng tula at prosa; o ng tula-sanaysay-kuwento-dagli-anekdota-pasingaw at kung ano-ano pa nang makaiwas magmukhang puro bilang tula. Halimbawa’y nakikipag-argumento ang “Eman at Rimbaud” hinggil sa sablay na hambingang ipinataw sa dalawang makata; at ang “Luha ng Supremo” na nagsasaad ng ilang haka o panig sa maaaring isinaloob ni Bonifacio bago paslangin ng mga kapanalig ni Aguinaldo. Maipagkakamaling sanaysay ang kay Bigornia ngunit hindi. May katangian ng sanaysay ang tula ni Bigornia, at may katangian din ng tula, gayunman ay hindi maglulunoy si Bigornia sa pagkasanaysay kundi sa kasiningan ng paglalatag ng tagpo o pangyayari bilang sangkap sa tula. Waring magaan ang kabuuang disenyo ng prosang itim dahil sa pambihirang paggamit nito ng wikang Filipinong maituturing ngayong kosmopolitano. Na ang totoo’y mahirap pa ring intindihin hangga’t hindi nauusisa nang maigi ang mga kanto, singit, at sulok ng mga talinghaga’t dalumat na sariwang inilatag ng makata. Hamak na mas mabigat intindihin ang kay Rio Alma. Baklasin man ang mga mala-kuwento ni Rio Alma, at isaayos ang mga taludtod bilang tulang malaya ang taludturan ay hindi maipagkakailang tula. Maglaro man ng mga salita si Rio Alma’y nananatili roon ang iisang puso: tula, na higit sa anumang genre.

Pag-aninag sa tulang tuluyan

Tawagin mang “tulang tuluyan,” “prosang itim,” “mala-kuwento,” o “dagli” ang malimit ipanumbas sa “prose poem,” “microfiction,” at “short-short stories” ay walang pasubaling lumilikha ito ng pailalim na agos sa laot ng panitikan simula nang ilabas ni Baudelaire ang kaniyang Petites Poemes en Prose. Ito ang haka ni Rachel Barenblat, at masasabing may katotohanan, hindi lamang sa Filipinas kundi maging sa ibang bansa.

Kung babalikan ang kaso ng Prosang Itim ni Bigornia, ang estruktura at halina ng tulang tuluyan ay nakakubli o nagkukubli ng tunay nitong anyo. Mabuting balikan sa yugtong ito ang “Nang mauso ang magmakata” ni Bigornia. Sa nasabing tula, ipinakita ni Bigornia kahit sa pinamasagwang paraan ang pinakamarikit at pinakamahusay na makata. Lahat ng tao’y ibig maging makata, ngunit ang tunay na makata’y sumusuway sa kumbensiyon, at ayaw magpakahon sa taguri. Higit pa rito’y lumilikha ng salamangka si Bigornia sa pagkasangkapan sa paningin ng isang bagitong manunulat, at sa marahan, tila muslak na pagsasalaysay ay niyayanig ang mambabasa.

Maparikala at nakapagpapahagikgik ang mga unang tulang tuluyan, kung gagawing modelo si Bertrand. Magiging sindumi ng daigdig naman ng bagamundo at nakahihindik kung pagsusumundan ang mga modelo nina Baudelaire, Rimbaud, Jules Laforgue, at iba pang makatang simbolista o surrealista. Hahaba pa ang usapan kung babalikan sina Frank O’Hara, Oscar Wilde, Amy Lowell, T.S.Eliot, Pablo Neruda, Jorge Luis Borges, J.B. Jacobsen, Walt Whitman, Robert Bly, W. S. Merwin, Russell Edson, Charles Bernstein, Peter Redgrove, Heathcote Williams, at maging si Michael Benedikt. Sa Filipinas, may masasabing bagnos nang hinawan sina Bigornia at Rio Alma na pawang kaibang-kaiba sa mabulaklak na pananagalog ni Hernandez o sa alanganing-tula ni Abadilla. Dapat ding idiin na iba ang “tulang tuluyan” sa Filipino, dahil nagmumula ito sa pambihirang malig, pananaw, pagdanas, at panitikang natatangi lamang sa Filipinas ngunit kayang-kayang makipagsabayan kahit sa tulang tuluyang nasusulat sa Pranses, Ingles, Espanyol, Aleman, Tsino, at iba pang wika ng daigdig.

Mga Tala


Basahin ang nasabing akda ni Amado V. Hernandez sa Amado V. Hernandez: Tudla at Tudling na pinamatnugutan ni Rosario Torres-Yu.
Ang tatlong tula ay “Ang Umang,” “Ang Kuneho,” at “Ang Panahon.” Ang “Ang Umang” at ang “Ang Kuneho” ay kapuwa nagtataglay ng tiglalabindalawahing pantig bawat taludtod, at bawat saknong ay binubuo ng apat na taludtod. Mapipintasan ang tugmaan ni Abadilla, gaya sa “Ang Umang” na maihahanay ganitong paraan: abca/ dead/ efee// o kung hindi man ay axxa/bxxb/cxxc//.  Samantalang ang “Ang Kuneho” ay may ganitong tugmaan: abcd, acea/ cfgc//. Masasabing bungi ang tugmaan ng makata, ni hindi maingat sa paggamit ng pandulong tugma, at malayong-malayo sa mga makatang tarikan na kaniyang pinagrerebeldehan. Kung nagtatangka na si Abadilla noon sa malayang taludturan ay mapipintasan pa rin siya na tersera klase ang kaniyang tula. Ang mga ispesimen ng nabanggit na mga tula ay hango sa Mga Tulang Tagalog, Unang Bahagi, na nasa koleksiyon ni Teodoro A. Agoncillo.
Hango sa makinilyadong manuskrito ni Iñigo Ed. Regalado, at nakalaan wari bilang teksbuk ng mga estudyante sa kolehiyo. Walang petsa. Matatagpuan ang kopya sa espesyal na koleksiyon ng Filipiniana sa Ateneo de Manila University. Si Roberto T. Añonuevo ang nagsikap at naging tulay sa pamilya ng mga Regalado at ng Ateneo de Manila University upang maisalin sa aklatan ng Ateneo ang mga antigong manuskrito ni I.E. Regalado.
Hinpamagat [png.]: mula sa ugat na salitang hin+pamagat, at inimbento kong salita bilang panumbas sa “subtitle” sa Ingles.
UFO [daglat]: tumutukoy sa “Unidentified Flying Object” na popular sa mga science fiction sa kanluran.

6 thoughts on “Prosang itim at tulang tuluyan sa Filipino

  1. nahirapan akong maghanap at unawain ang prosa. Maraming salamat sa detalyadong paksa at halimbawa dahil alam kong maipapasa ko ang subject ko sa Pilipino at makakakuha ng mataas na marka dahil po iyon sa isang dakilang manunulat na katulad ninyo

    Like

  2. mahilig akong magsulat at gusto kong genre ay ang dagli. kaso ang hirap maghanap ng guidelines at references kung ano ba talaga ang tunay na anyo ng isang ‘dagli’.
    maraming salamat po sa inyong artikulo. sana po muli niyong talakayin ang tungkol sa pagsusulat ng dagli.

    Like

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.