Nagsimulang mabuhay muli ang paggamit ng tanaga at dalít nang pausuhin ang mga ito ng gaya nina Ildefonso I. Santos, Alejandro G. Abadilla, at Teodoro A. Agoncillo bago at pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang nasabing mga tula—na katutubo sa Filipinas—ay matagal nang binanggit nina Iñigo Ed. Regalado, Lope K. Santos, at Julian Cruz Balmaseda sa kanilang mga pag-aaral hinggil sa mga panahon ng paglago ng panulaang Tagalog. Ang paghahanap ng katutubong anyo ng pagtula, na maaaring nakaligtaan nang mauso ang awit at korido, ay magiging malakas noong siglo beynte sa ilalim ng pananakop ng Amerikano sa Filipinas. Pangunahing sanggunian sa pag-aaral ng tanaga at dalit ang Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar. Ang aklat na ito ang gagamitin din sa mga pag-aaral nina Bienvenido Lumbera at Virgilio S. Almario hinggil sa katutubong pagtula. Mahalaga ang naturang bokabularyo dahil matatagpuan ang mahigit sandaang ispesimen ng mga katutubong tula, bukod sa pakahulugan nito, sa mga lahok.
Sisigla ang pagsulat ng tanaga at dalit noong dekada 1960 at magkakaroon ng bagong hugis noong dekada 1990 hanggang kasalukuyan. Ang tanaga at dalit ay lalabas sa nakagawiang estetikang silbi nito na pang-aliw o pangangaral at iwawasiwas gaya ng sandata bilang protesta sa namamayaning baluktot na kairalan sa lipunan. Pag-eeksperimentuhan ang tanaga at dalit kahit sa mga palihan ng pagsulat na gaya ng sa GAT (Galian sa Arte at Tula) at LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo). Gagamitin din ang tanaga at dalit, sa gaya ng timpalak Dalitext at Textanaga, nang mauso ang selfon at pagpapadala ng text jokes.
Bagaman maiikli ang tanaga at dalit, nagtataglay ang mga ito ng mga kubling panuto na sinusunod ng mga makata noon. Wala namang pagkakaiba sa dalawang anyo ng tula, maliban sa bilang ng pantig bawat taludtod. Kung ang tanaga ay pipituhin ang pantig bawat taludtod at may apat na taludtod ang isang saknong, wawaluhin naman ang pantig bawat taludtod ng dalít at bawat saknong ay apatan ang taludtod na isahan ang tugma.
Maitatanong: May pormula ba ng pagsulat ng tanaga o dalit? Kung pagbabatayan ang dami ng nasulat sa mga anyo ng mga tulang ito, masasabing may pormula nga. At ang pormulang ito ay mababatid hindi lamang sa paggamit ng tugma at sukat, bagkus sa paraan ng pananalinghaga, at pagsisiwalat ng lohika. Heto ang 50 panuto sa pagsulat ng tanaga at dalit, at ibinatay ko sa mga nalalathalang tanaga o dalit, bukod sa naging karanasan ko sa pagsusulat ng tula:
Mga Panuto sa Pagsulat ng Tanaga at Dalit
1. May apat na taludtod bawat saknong ang tanaga at dalit.
2. Sa tanaga, pipituhin ang bilang ng pantig ng taludtod bawat saknong.
3. Sa dalit, wawaluhin ang bilang ng pantig ng taludtod bawat saknong.
4. Ang tradisyonal na dulong tugma ng kapuwa tanaga at dalit ay isahan (aaaa), at maihahalimbawa ang sumusunod:
Tanaga
Ang akala ng langaw (a)
Nang madapo sa sungay (a)
Mataas pa sa anwang (a)
Na kanyang dinapuan. (a)
Dalit
Di matawag na demonyo (a)
At di marunong manukso (a)
Di naman masabing santo’t (a)
Di maalam magmilagro. (a)
5. Napasukan ng kabaguhan ang tugma ng kapuwa tanaga at dalit nang ilahok ng mga tinaguriang modernistang makata ang iba’t iba pang paraan ng pandulong tugma, gaya ng salitan (abab), inipitan (abba), at sunuran (aabb). Maihahalimbawa ang sumusunod:
Salitan
Napaiyak ang ulap (a)
Sa bigat ng pighati (b)
Ang akasya’t bayabas (a)
Ay nagpayong ng lunti. (b)
—”Unang Ulan,” Rio Alma
Inipitan
Lugod mo ang pagbuntot (a)
sa akin oras-oras: (b)
Tila nga mas panatag (b)
Kaysa laging pagyukod. (a)
—”Masunurin,” Lamberto E. Antonio
Sunuran
Nagdurugo ang buwan (a)
Sa pangil ng karimlan; (a)
Nilalaslas ng katig (b)
Ang pagtahip ng tubig. (b)
—”Pagtawid sa Lake Caliraya,” Rio Alma
6. Sa mga tradisyonal na anyo ng tanaga at dalit, iniiwasan ang walang dulong tugma, gaya ng abcd. Mahihinuha na ginagawa iyon upang makatulong sa pagbigkas, at maisaulo nang mabilis ang mga salita. Ngunit sa kasalukuyan, ang mga tanaga at dalit na may higit sa isang saknong ay ginagamitan ng tugmang abcd, abcd, efgh, efgh, etc, upang lumihis sa nakagawiang uri ng anyo ng tugma.
7. Sa ibang pagkakataon, ang tradisyonal na pandulong tugma ay tinatanggal at inihahali ang panloob na tugmaan, gaya ng mala-tanaga ni Alejandro G. Abadilla:
Ang aking tugmâ ay (a)
Aking kinusà, sa (b)
Loob ng tulâ. Ay, (a)
sino’ng timawà, ga? (b)
8. Ang antas ng tugma ng kapuwa tanaga at dalit ay maaaring karaniwan (na magkahalo ang mga salitang mabilis at malumay ang bigkas; o kaya’y maragsa at malumi ang bigkas). May kakayahan ding itong gumamit ng tugmang tudlikan (na magkakapareho ang bantas o diin ng mga salita); pantigan (na magkapareho na ang bantas o diin ng mga salita’y magkapareho rin ang mga titik na katinig at patinig ng dulong pantig ng salita; at dalisay (na ang patinig bago ang huling pantig ay magkakapareho, bukod sa magkapareho ang katinig o patinig ng dulong pantig ng salita at iisa ang tuldik). Maaaring gumamit din ng tumbalik-tugmaan, na ang dulong salita ng bawat taludtod ay pinagbabaligtad ang ayos ng katinig at patinig upang lumikha ng bagong salita.
9. Maaaring makapagsilid ng 14 pataas na bilang ng salita sa isang saknong ng tanaga o dalit kung gagamitin ang Filipino, o kaya’y ang mga lalawiganing wikang gaya ng Tagalog, Ilokano, at Sebwano. Sa mga tanaga o dalit na may 14 salita, balanse kahit ang paghahati ng mga salita. Karaniwang ang unang dalawang taludtod ay may pitong salita, at ang sumunod na dalawang taludtod ay may pito ring salita.
10. Ang taludtod ng tanaga o dalit ay karaniwang may tatlo pataas na bilang ng salita. Mahaba na ang limang salita sa isang taludtod, at pinakakaraniwan ang tatlong salita sa isang taludtod. Nangyayari ito dahil karaniwang mahaba ang mga salita sa Filipino o sabihin nang Tagalog, at nalulutas lamang ito sa pamamagitan ng pagtitipil (tingnan ang Panuto 14).
11. Maaaring makalikha ng apat na pangungusap sa kapuwa tanaga o dalit. Ang paglampas sa apat na pangungusap ay magagawa rin kung ituturing na ang isang salitang padamdam ay isa nang pangungusap na kumakatawan ng isang diwain.
12. Maituturing na mahina ang tanaga o dalit kung isang pangungusap lamang ang ipinaloob sa isang saknong, bagaman kung minsan ay may ilang matagumpay na tula, gaya ng sinulat ni V.E. Carmelo D. Nadera Jr. Kung makasusulat ng higit sa isang pangungusap sa loob ng isang saknong ay higit na maganda, at makikita rito ang disiplina ng makata sa pagsisilid ng mga salita sa isang masikip na kahon.
13. Ang apatang taludtod ng tanaga o dalit ay maaaring biyakin sa dalawang bahagi. Ang unang dalawang taludtod ay maaaring katimbang ng susunod na dalawang taludtod. O kaya’y maaaring ang unang dalawang taludtod ang nagsasaad ng pangunahing diwa na susuhayan ng susunod na dalawang taludtod. Maaari rin namang ang unang dalawang taludtod ay magsasaad ng detalye at ang susunod na dalawang taludtod ang magsisilbing sukdulan ng paglalarawan o pagsasalaysay.
14. Maaaring kasangkapanin ang mga paraan ng pagtitipil ng salita, gaya ng pagpungos ng salita o pagdirikit ng dalawang kataga, upang maisilid sa padron ang nais ihayag. Halimbawa, magagamit ang “meron” imbes na “mayroon,” “hamo” imbes na “hayaan mo,” at “nuha” imbes na “kinuha.”
15. Maging konsistent sa lohika. Gamitin ang pasuhay (deductive), pasuysoy (inductive), at patimbang (comparative) na paraan ng pangangatwiran nang angkop sa paksa. Halimbawa, karaniwang ginagamit sa paglalarawan ang pasuhay na paraan ng pananalinghaga, samantalang ginagamit sa pagsasalaysay ang pasuysoy. Ang ganitong obserbasyon ay ipinaliwanag nang maigi ni V.S. Almario sa kaniyang aklat na Taludtod at Talinghaga (1984).
16. Bagaman ginagamit sa pangangaral noon ang tanaga o dalit, hindi lamang sa layong moralistiko iyon magagamit sa kasalukuyan. Magagamit din ang mga ito sa pagpapatawa, pang-uuyam, panunuligsa, panunuos, pananambitan, pagbubulay, at iba pang paraan.
17. Karaniwang may apat na salita ang matingkad sa tanaga o dalit. Ang apat na salitang ito ay maaaring gamitin bilang pandulong tugma, at siyang paglulunduan ng diwain ng tula.
18. Kung sisipatin bilang krokis na ekis o parisukat ang tanaga o dalit, ang apat na salitang mahalaga ay matatagpuan sa unang salita at dulong salita na pawang nasa unang taludtod at ikaapat na taludtod. (Ipinapalagay dito na hindi kasama ang “nang,” “at,” “sa” at iba pang kataga o pangatnig.) Ang mga salita sa ikalawa at ikatlong taludtod ang magsisilbi namang panuhay sa nabanggit.
19. Mahalaga sa tanaga o dalit ang pagpili ng mga pandiwa (verb), o kaya’y pangngalang (noun) ginagawang pandiwa, upang ang mga salitang pinaghahambing at pinagtatambis ay lumutang; o kaya’y maitanghal nang marikit ang paglalarawan o pagsasalaysay ng isang tagpo. Posibleng magkaroon ng apat na pandiwa na kaugnay ng apat na pangngalan sa isang saknong.
20. Gumamit ng mga pandiwang aktibo at umaangkop sa mga pangngalan. Ang mga pandiwa ang naghahatid ng pagkilos sa loob ng tula, kaya dapat ding isaisip ang antas ng pandiwa (mulang mahina hanggang pasukdol o pabaligtad) sa pagkakatalogo ng mga pangyayari.
21. Kaugnay ng binanggit sa Panuto 20, ang paghahanay ng mga pangngalan o pandiwa o pang-uri (adjective) ay dapat may kaayusan. At ang kaayusang ito ay maaaring may antas, gaya lamang ng iba’t ibang sinonimong may partikular na pahiwatig sa isang wika, gaya ng Tagalog, Bisaya, at Ilokano.
22. Sa tradisyonal na paraan, walang hati (caesura) ang tanaga. Ngunit nang lumaon, ang tanaga ay napasukan na rin ng kabaguhan, at ginagamitan minsan ng hating 4/3 o kaya’y 3/4 sa bawat taludtod.
23. Gayundin, ang dalit ay karaniwang walang hati. Ngunit ngayon, kahit ang dalit ay ginagamitan ng estriktong hati na 4/4, at nilalapatan ng panloob ng tugma.
24. Magagamit sa tanaga o dalit ang iba’t ibang uri ng pag-uulit ng mga salita o diwain Ang naturang repetisyon ay maaaring nasa una, gitna, o dulong salita ng bawat taludtod. Maaaring ulitin ang mga salita, gaya sa anapora, ngunit dapat isaalang-alang ang antas ng pandiwa o pangngalan o pang-uri sa bawat taludtod.
25. Malimit gamitin sa tanaga o dalit ang pag-aambil, na ang katangian ng tao ay tinutumbasan ng katangian ng hayop, isda, ibon, halaman, o bagay. Mag-ingat sa paggamit ng ambil, at sikaping umaangkop ang katangian o asal ng tao sa anumang nais ipares dito.
26. Ang dalumat na ginagamit sa tanaga o dalit ay karaniwang hinuhugot sa dalumatang-bayan, at hindi lamang sa isang tiyak na sub-kultura ng lipunan. Kung gagamit man ng mga dalumat mula sa isang sub-kultura, gaya sa mga bakla at blogista, kailangang maisaalang-alang kung kaya ng salitang umangat sa pangmalawakan o pambansang antas o pandaigdigang larang.
27. Makabubuting piliin ang maiikling salita sa pagsulat ng tanaga o dalit. Ang “maiikling salita” ay dapat may dalawang pantig lamang, at mahaba na ang tatlong pantig sa bawat salita. Maiiba ang testura ng tanaga o dalit kung Ingles ang gagamiting midyum, dahil higit na maiikli ang mga salita sa Ingles kompara sa Filipino, at siyang angkop sa makikitid na saknong. Sa kasalukuyan, may iisahing pantig na salita, gaya ng “bus,” “dyip,” at “geyt” na pawang hiniram sa Ingles ang magagamit na makatutulong sa pagsusulat sa masikip na padron.
28. Sa pagpili ng mga salita, gamitin hangga’t maaari ang mga mapaglarawang salita o yaong salitang tinatawag na may kongkretong imahen. Huwag sabihing “galaw” kung magagamit ang “hipo,” “kislot,” “pintig,” “kaway,” “kaluskos,” at iba pang salitang may natatanging pakahulugan at pahiwatig.
29. Maaaring gamitin sa tanaga o dalit ang mga salitang sinauna o ngangayunin. Puwedeng pormal ang pagkakasulat, ngunit malaya ring gamitin ang pabalbal. Nagkakatalo lamang sa husay ng kombinasyon ng mga salita, na ang pagtatambal ng dalawang salita ay lumilikha ng pambihirang kabatiran at pahiwatig na lalampas sa de-kahong pananaw.
30. Kaugnay ng binanggit sa itaas, dapat isaalang-alang ang pagpapami-pamilya ng mga salita nang maiwasang maging kakatwa ang kombinasyon ng mga salita o imahen. Halimbawa, kung nais maging lalawiganin ang himig, pumili ng mga salitang lalawiganin; at kung nais namang maging kosmopolitano ang himig ay gumamit ng mga salitang hango mula sa banyagang wika.
31. Kailangang may isang diwain lamang ang dapat itampok sa tanaga o dalit. Gumamit man ng paghahambing o pagtatambis ng mga katangian, kinakailangang nakatuon pa rin sa pangunahing diwain.
32. Mahalaga sa tanaga o dalit ang paggamit ng talinghaga. Kung walang talinghaga ay maituturing iyong mahina, bagaman makakikiliti kung minsan ng guniguni.
33. Ang talinghaga ng tanaga o dalit ay dapat ikinukubli o inililihis ang nais sabihin sa tula o ang ibig ipahayag ng makata sa pamamagitan ng pahiwatig. Habang lumalawak ang pahiwatig, lalong rumirikit ang tanaga o dalit.
34. Iwasan ang mga de-kahong tayutay o bulaklak ng dila. Kung gagamitin iyon ay dapat lumitaw ang pambihirang kabatiran nang higit sa nakagawiang pagsagap sa gayong tayutay o idyoma.
35. Maaaring lapatan ng musika ang tanaga o dalit. Ang tanaga o dalit ay dapat magtaglay ng mga salitang maiindayog ang tunog, at makatutulong dito ang masinop na kombinasyon ng haba at ikli ng mga salitang maragsa, malumi, malumay, at mabilis.
36. Maaaring palamutian ng akrostik ang mga una’t dulong salita ng tanaga o dalit.
37. Maaaring magsimula sa retorikang tanong o kaya’y magwakas sa tanong.
38. Gamitin hangga’t maaari ang tandang pandamdam sa dulong salita ng pangwakas na taludtod; at sakali’t gamitin iyon saanmang bahagi ng saknong ay dapat mapangatwiranan. Mahalaga ito upang maiwasan ang walang taros na pagbulalas o pasigaw na paraan ng pagtula.
39. Sa tradisyonal na tula, ang unang titik lamang ng unang salita sa pangungusap ang malaki (capitalize). Nang lumaon, ang unang titik ng bawat taludtod ay ginagawa nang pawang malalaki.
40. Ang ibang eksperimentasyon sa tanaga o dalit ay ginagamitan ng maliliit na titik kahit sa unang titik ng unang salita ng unang taludtod, ala-e.e. cummings o kaya’y ala-Ophelia Alcantara Dimalanta. Malayang gawin ito, ngunit dapat alam ng gumagamit kung bakit hindi siya gumagamit ng maliliit o malalaking titik.
41. Mahalaga sa tanaga at dalit ang paggamit ng mga katutubong dalumat (konsepto) na pawang matatagpuan sa kaligiran, at kinikilala sa isang pamayanan. Ang konseptong ito ay hindi lamang pansarili ng makata, bagkus dapat angkinin din ng buong pamayanan.
42. Maaaring walang pamagat ang tanaga o dalit.
43. Kung may pamagat, ang nasabing pamagat ay hindi na dapat pang ulitin sa loob ng tula.
44. Ang pamagat ay maaaring isang salita, parirala, o ang unang taludtod ng tanaga o dalit.
45. Ang pamagat ay dapat kargado ng mayamang pahiwatig, upang matagumpay nitong katawanin ang isinasaad ng tula.
46. Sa tradisyonal na paraan ng pagtula, gumagamit ng mga bantas. Ginagamit ang tuldok o tuldok-kuwit tuwing magwawakas ang ikalawang taludtod.
47. Sa makabagong paraan ng pagtula, hindi na minsan ginagamitan ng bantas ngunit nagbubunga naman ito ng pagkabarok dahil ikalilito ang tumpak na paghinto o pagputol ng mga salita.
48. Kung nais mag-eksperimento, gumamit ng pulos mabibilis o mararagsang salita sa buong saknong, maliban sa mga katagang gaya ng “ang,” “ng,” “nang,” “sa,” at “at.” Sa ganitong paraan, lapatan man ng musika ang tula’y madaling makakanta.
49. Dapat umayon ang pandulong tugma sa nais ihayag ng tula. Halimbawa, kung ang tanaga o tula’y nananambitan o tila nanghihimok ng isang tao, maaaring gamitin ang mabibilis o malulumay na salita, o ang mahihinang tugmang katinig na nagwawakas sa l, m, n, ng, r, w, at y . Kung napopoot naman ang himig ng persona, maiaangkop ang mararagsa o malulumi, at kaya’y malalakas na tugmang nagwawakas sa katinig na b, c, k, d, g, k, p, s, t, v, x, at z.
50. Nagbabago ang estetikang silbi ng tanaga at dalit, ngunit mahalaga pa ring gamitin ang mga ito upang makiugnay sa pamayanan, dahil ang naturang mga anyo ng tula ay nakaayon para sa kaluguran, kabatiran, at kung minsan, sa kapakinabangan ng madla, at hindi pansarili lamang.
Isang malaking pagkakamali kung sabihing “Pinoy Haiku” ang “tanaga” o “dalit”. May sariling diskurso ang tanaga at dalit na pawang angkop lamang sa Filipino, gaya lamang na may sariling diskurso ang haiku ng Hapones. Ang paggamit ng “Pinoy haiku” na taguri sa “tanaga” o “dalit” ay tila pagsasabing walang kaakuhan ang tanaga o dalit, at nakapailalim sa banyagang pagtula, at nanggagagad lamang sa banyagang anyo ng tula. Na hindi naman totoo, at isang kabulaanan. Ang pagkakahawig sa bilang ng pantig ng haiku at tanaga ay maaaring nagkataon lamang, alinsunod sa paglago ng kani-kaniyang wika at diskurso, at walang matibay na patunay na nanggaya lamang ang mga Filipino sa Hapones.
Hindi ito ang pangwakas na panuto hinggil sa pagsulat ng tanaga at dalit, bagaman maisasaalang-alang ng sinumang nagsisimulang sumulat ng tula. Maaari ninyong bawasan, dagdagan, susugan, o ituwid ang ilang punto para sa ikalilinaw ng lahat. Ipinakikita lamang dito na malayo na ang narating ng nasabing mga anyo ng katutubong tula, na kinakailangan lamang nating lingunin, at ipagmalaki na sadyang sariling atin.
Ang gulo po! pwede po bng pakidagdagan pa ng mga tanaga! PLZSSSSS! kailangan lang po at ang gulo po di me po mmaintindihan! hehe:)
LikeLike
Kung hindi mo maintindihan ay bakit ka pa magpapadagdag sa akin ng iba pang tanaga? Marami kang mababasang tanaga sa silid-aklatan, at kailangan mo lamang magsaliksik.
LikeLike