Higit na makatutulong sa buong bansa kung ang naging wika ng kasunduan ng kapuwa Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) ay isinulat sa Filipino at hindi sa Ingles. Ang pagkakabalangkas ng “Memorandum of Agreement on the Ancestral Domain Aspect of the GRP-MILF Tripoli Agreement on Peace of 2001” ay tila nagmumula sa ipinapalagay na dalawang estado, at ito ang hindi nalilinaw nang maigi sa taumbayan. May mga konseptong inilahok sa kasunduan ang ikahihilo ng karaniwang mamamayan, kaya imbes na ilihim ay dapat ihayag ng gobyerno ang papeles, at tumbasan sa Filipino, upang maunawaan nang ganap ng mga tao.
Kabilang sa pinagbatayan ng memorandum ang “Kasunduan para sa Pagkalahatang Tigil-Putukan sa panig ng GRP at MILF, at kaugnay na Panuto” (18 Hulyo 1997); ang Pangkalahatang Balangkas ng Kasunduan ng Layon ng GRP at MILF (27 Agosto 1998); ang pangkalahatang balangkas para sa pagpapatuloy ng tigil-putukan ng GRP at MILF (24 Marso 2001); ang mga Kasunduan sa Tripoli sa panig ng MILF at GRP (22 Hunyo 2001) at sa panig ng GRP at MNLF (Moro National Liberation Front) noong 2 Setyembre 1996; ang Batas Republika Bilang 6734 na batas na magpapalakas at magpapalawak sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM); ang ILO Convention Bilang 169, na kaugnay ng UN Declaration on the Rights of the Indigenous Peoples at ng Batas Republika Bilang 8371; ang UN Pandaigdigang Pahayag sa Karapatang Pantao, International Humanitarian Law, at iba pang kasunduan; at ang mga karapatang nagmumula sa rehimen ng dar-ul-mua’hada (mga teritoryong pagkakasunduan) at dar-ul-sulh (mga teritoryo sa ilalim ng kasunduang pangkapayapaan).
Ang Memorandum sa Kasunduan ukol sa “Pamanang Lupain” ay hindi karaniwang kasunduan. Ang kasunduang ito ay umiiral bilang “tratado,” na ang pagkakasulat ay masining na ikinukubli ang panig ng GRP at ng MILF bilang magkakabukod na estado. Ang ganitong obserbasyon ang tinututulan ng ilang politiko, dahil hindi maaaring pumasok sa isang tratado ang gobyerno nang walang basbas mula sa batasan. Ang kasunduan ng GRP at MILF, kung gayon, ay maituturing na labag sa konstitusyon, at sapat na upang sampahan ng kasong pagpapatalsik sa poder si Pang. Gloria Macapagal-Arroyo.
Mga Konsepto at Prinsipyo
Isa sa mga konseptong hindi tinitingki ay ang salitang “Bangsamoro.” Ginawang mapanlagom ang pakahulugan nito, at sumasaklaw sa lahat ng tao “na katutubo o orihinal na naninirahan sa Mindanao at sa mga karatig-pulo nito, na kinabibilangan ng Palawan at Arkipelago ng Sulu noong panahon ng kolonisasyon, at ang kanilang mga salinlahi na may halo o purong dugo ng katutubo. Ang kanilang mga asawa at kanilang mga anak ay ituturing na Bangsamoro.”
Ngunit ang “Bangsamoro” ay kargado ng ideolohiya; at kung ikakabit ito sa mga katutubo ay aakalain ng iba na ang mga tribung minorya sa Mindanao, Palawan, at Arkipelago ng Sulu ay pawang nabahiran ng relihiyong Islam at pumapayag na pumailalim sa MILF na kumakatawan sa kanilang mga tinig. Bagaman isinaad na “The freedom of choice of the Indigenous people shall be respected” (Igagalang ang kalayaang makapagpasiya ng Katutubo), ang ganitong pahayag ay maipapalagay na nauukol sa kalayaang pumili kung ano ang relihiyong nais ng katutubo at nagmumula ang makapangyarihang tinig sa hanay ng Moro o Muslim.
Kaugnay ang binanggit sa itaas sa isa pang konseptong inilahok sa kasunduan, at may kaugnay sa “sultanato”:
Both Parties acknowledge that the right to self-governance of the Bangsamoro people is rooted on ancestral territoriality exercised originally under the suzerain authority of their sultanates and the Pat a Pangampong ku Ranaw. The Moro sultanates were states or karajaan/kadatuan resembling a body politic endowed with all the elements of nation-state in the modern sense. As a domestic community distinct from the rest of the national communities, they have a definite historic homeland. They are the “First Nation” with defined territory and with a system of government having entered into treaties of amity and commerce with foreign nations. The Parties concede that the ultimate objective of entrenching the Bangsamoro homeland as a territorial space is to secure their identity and posterity, to protect their property rights and resources as well as to establish a system of governance suitable and acceptable to them as a distinct dominant people.
Ang karapatang mamuno nang mag-isa ng Bangsamoro ay kaugnay umano ng pamanang lupaing saklaw ng kanilang mga ninuno sa ilalim ng kapangyarihan ng mga sultanato. Iginigiit dito na ang Bangsamoro ang “Unang Nasyon” bago pa nabuo ang Filipinas, at may tiyak na lupaing saklaw at sistema ng pamahalaang malayang makipagkasundo sa ibang bansa. Wala akong tutol sa ganito, ngunit kung igigiit na ang Bangsamoro ngayon ay bukod na estado sa estado ng Filipinas dahil may pinagbatayan sa kasaysayan ay ibang usapan na ito. Ang pagtitiyak ng saklaw na lupain ay hindi kagyat na magbubunga ng pagtitiyak sa kaakuhan at posteridad, o kaya’y makapagsasanggalang sa mga karapatan sa ari-arian at likas-yaman. Mabuti ito kung ang Bangsamoro ay may sapat na kakayahan, yaman, at tauhan upang maisagawa iyon, ngunit wala pa sa ngayon.
Kaugnay ng paninindigan ng MILF ang konsepto ng dar-ul-mua’hada at dar-ul-sulh. Ang mga teritoryong pagkakasunduan ay maaaring nagmumula sa mga pook na may armadong bakbakan ng mga sundalo ng pamahalaan at kawal ng MILF. Samantala, ang mga dati nang teritoryo batay sa kasunduang pangkapayapaan ay mahihinuhang nasa kamay na ng MILF. Hindi kataka-taka kung bakit nagbabakbakan ngayon sa Mindanao. Ang armadong tunggalian ay maaaring may kaugnayan sa bubuuin pa lamang na kasunduan para sa sasaklawing teritoryo ng MILF, alinsunod sa pananaw ng Bangsamoro. Higit na makikinabang ang MILF kung magkakaroon ng armadong tunggalian dahil ipaiilalim ang pinagtatalunang pook sa bubuuing kasunduan.
Ang Bangsamoro—kung uuriratin sa tratado—ay mahihinuhang umiiral dito bilang nagsasariling bansa, ngunit umaasa naman ng proteksiyon mula sa pambansang pamahalaan ng Filipinas para maisulong nito ang sariling sistema ng pamamahala. Higit na mauunawaan ang naturang konsepto ng kabansaan kapag tinitigan ang lahok hinggil sa pagbubuo ng Bangsamoro Juridical Entity (BJE):
Both Parties agree that the Bangsamoro Juridical Entity (BJE) shall have the authority and jurisdiction over the Ancestral Domain and Ancestral lands, including both alienable and non-alienable lands encompassed within their homeland and ancestral territory, as well as the delineation of ancestral domain/lands of the Bangsamoro people located therein.
Mabigat ito dahil ang BJE ay bubuuin ng kasalukuyang lupaing saklaw ng ARMM (Autonomous Region of Muslim Mindanao), kabilang ang mga munisipalidad ng Baloi, Munai, Nunungan, Pantar, Tagoloan, at Tangkai sa Lanao del Norte na bumoto para mapabilang sa ARMM noong plebesito noong 2001. Ang BJE ay mahihinuhang pulos Muslim ang nais mapabilang, at kung babalikan ang usapin hinggil sa mga tribung minorya ay maiisip na kagyat silang ipinailalim sa BJE kahit sabihin pang walang malaganap na konsultasyon sa hanay ng mga pangkat etniko sa Mindanao, Arkipelago ng Sulu, at Palawan. Kung nais ng BJE na bumuo ng isang estadong Muslim ay ibang usapan na naman, dahil maaaring ang ibang pangkat etniko na nagkataong nasa loob ng lupaing inaangkin ng Bangsamoro ay hindi sumasang-ayon sa balak na BJE. Muli, magkakatalo na naman sa pagpapangalan, dahil ibig saklawin ng “Bangsamoro” ang mga pakahulugang higit sa teritoryo, bagkus maging sa kaakuhan ng mga tribung minoryang humaharap ngayon sa matinding Islamisasyon kung hindi man modernisasyon.
Ang kapangyarihan ng BJE ay nagtatangkang pumantay sa kapangyarihan ng pamahalaan ng Filipinas, at masisilayan ito sa iba pang lahok ng kasunduan, gaya nito:
4. The BJE is free to enter into any economic cooperation and trade relations with foreign countries: provided, however, that such relationships and understandings do not include aggression against the Government of the Republic of the Philippines; provided, further that it shall remain the duty and obligation of the Central Government to take charge of external defense. Without prejudice to the right of the Bangsamoro juridical entity to enter into agreement and environmental cooperation with any friendly country affecting its jurisdiction, it shall include:
a. The option to establish and open Bangsamoro trade missions in foreign countries with which it has economic cooperation agreements; and
b. The elements bearing in mind the mutual benefits derived from Philippine archipelagic status and security. And, in furtherance thereto, the Central Government shall take necessary steps to ensure the BJE’s participation in international meetings and events, e.g. ASEAN meetings and other specialized agencies of the United Nations. This shall entitle the BJE’s participation in Philippine official missions and delegations that are engaged in the negotiation of border agreements or protocols for environmental protection, equitable sharing of incomes and revenues, in the areas of sea, seabed and inland seas or bodies of water adjacent to or between islands forming part of the ancestral domain, in addition to those of fishing rights.
Ang ganitong uri ng tindig ay pagsapaw na sa kapangyarihan ng pamahalaang pambansa, dahil hinahayaan ng pamahalaang pambansa ang BJE na gumawa ng sariling hakbang hinggil sa pakikipagkasundo sa ibang bansa. Dapat munang linawin sa kasunduan na pumapailalim ang BJE sa Pamahalaan ng Filipinas, at kung hindi ito maitititik nang maigi ay parang hinayaan na lamang ng pamahalaan na mabiyak ang arkipelago ng Filipinas. Maipapalagay na naman na tuso ang pagsasama sa BJE sa mga pandaigdigang pagpupulong, gaya sa ASEAN at United Nations, dahil mahihinuha rito na walang tiwala ang BJE na kayang katawanin ng Filipinas ang mga lunggati nito sa pandaigdigang antas.
Wala akong tutol hinggil sa kasunduang pangkapayapaan sa Mindanao, at dapat na itong maisakatuparan. Ngunit ang kasunduang ito ay hindi dapat nagmumula sa asta na ang magkabilang panig ay magkabukod na estado. Ang kasunduan ay dapat magmula sa ekwasyon ng pamahalaang pambansa na humaharap sa pamahalaang panrehiyon, dahil kung hindi’y iisipin ng MILF na karapat-dapat nga ang estadong Muslim sa Mindanao, Sulu, at Palawan alinsunod sa nais nito. Mawawalan lamang ng saysay ang usapan kung ipipilit ng MILF na bumukod sa Filipinas, kaligtaan ang pagka-Filipino, at sumapi sa Islamikong lunggati ng Malaysia, o ang mga bansang Malay na binubuo ng Indonesia, Malaysia, Brunei, at iba pang bansang higit na pinangingibabaw ang relihiyong Islam. Ang relihiyon ay hindi dapat manguna kaysa pagkamamamayan (citizenship), bagkus dapat ituring na isang bahagi lamang ng pagkatao ng sinumang Filipino.
Higit sa lahat, kailangang maunawaan ng mga taga-Mindanao, Sulu Arkipelago, at Palawan kung ano ang kasunduang niluluto ng GRP at MILF. May responsabilidad ang mga pamahalaang lokal at lalo na ang pambansang pamahalaan na ipalaganap ang tumpak na impormasyon imbes na ilihim kung ano ang nilalaman ng tratado. Kailangang litisin na ang pinakadiwa ng “Bangsamoro” nang hindi gagamit ng dahas at nang malayo sa prehuwisyo. At magagawa ito sa makatwirang usapan at makatarungang pagsasagawang ang makikinabang ay hindi lamang ang armadong hukbo ng MILF o kaya’y ang kagalang-galang na pangulo, bagkus ang minamahal nating Filipinas.