Liham ni Pinay: Kritika sa tula ni Ruth Elynia S. Mabanglo

Liham ni Pinay mula sa Singapore
ni Ruth Elynia S. Mabanglo

1 Sugatan ang ngiti ko nang lisanin kayo
2 Malagim ang kahapon at malabo ang bukas
3 Ngunit kailangang ipakipagsapalaran
4 Kahit ang mga payak ninyong halik at yakap.
5 Malinaw na malinaw sa pananda

6 Ang paglalim ng pileges sa noo ni Ama,
7 Ang namintanang luha sa mata ni Ina,
8 Ikinubli lamang ng mga pisil sa palad
9 At niligis na wala-nang-bangong bulaklak.
10 Bumubuntot ang mga bilin at tawag
11 Sa papalayong hakbang ng panganay na anak.

12 Umalis akong may dawag ng takot
13 Hatid ng dalita’t walang pangalang pagod.
14 Lumulusot ang kirot sa nakabihis na tapang
15 Ngunit kailangang makawala sa gapos ng utang.
16 Umalis akong may udyok ng pangarap
17 Makauwi sa galak, maahon sa hirap,
18 Bugnot na palibhasa sa galunggong at kanin
19 At palad na meryendang kamote’t saging.

20 Pangarap ko ring maging maybahay
21 Ng isang ginoong guwapo’t ginagalang
22 Maligo sa pabango kung Sabado’t Linggo
23 At mamasyal sa parke nang walang agam-agam.

24 Lumipad nga ako’t dito nasadlak
25 Nagsusulsi ngayon ng sunog na pakpak.
26 Sa among banyaga pagkatao’y itinakwil
27 Ipinahamig na ganap sa madlang hilahil.
28 Nakaniig ko rin ang tunay na hirap
29 Sa isang gusaling may dalawampung palapag.
30 Utusan, yaya, kusinera’t labandera
31 Sakop kong trabaho’y lahat-lahat na.
32 Labing-anim na oras na walang tawad
33 Ang kayod ko rito sa maghapong singkad.
34 Kaninong mata ang di mababasag?
35 Kaninong dila ang di magliliyab?
36 Mabuti nga’t may nalabing panahon sa pagtulog
37 Sa altar ng pangarap, may maidudulog.

38 Mabuti na ito, kayo rin ang may sabi,
39 Magpaalila man ako’y may maisusubi.
40 Inilalakip ko rito ang kaunting halaga,
41 Pag-initin agad sa pagas na bulsa.
42 Kalimutan muna ang nasang sinimpan
43 Pag-asuhing madali ang palayok at kalan.
44 Samantala’y ipagdasal nang taos at taimtim,
45 Matagalan ko ang hirap at saklot ng panimdim;
46 Tumibay akong kasabay ng siyudad
47 Bago mamanhid ang isip at puso’y tumigas.

Desdichado el que llora, porque ya tiene el hábito miserable del llanto.
          —mula sa “Fragmentos de un evangelio apócrifo” ni Jorge Luis Borges

 

Sa hanay ng mga makatang babae sa kasalukuyan, si Elynia S. Mabanglo marahil ang maituturing na pinakamabungang nagsusulat ng tula sa Filipino. Kahanga-hanga ang pagkakamit niya ng Hall of Fame sa Palanca; ang pagsungkit ng titulong Makata ng Taon sa Talaang Ginto; ang paghamig ng mga gawad mula sa mga institusyong gaya ng Cultural Center of the Philippines, Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas, Komisyon sa Wikang Filipino, National Commision for Culture and the Arts, Samahang Balagtas, UP Creative Writing Center, at Liwayway. Sa mga aklat ng mga tula ni Mabanglo, masasabing ang kapwa kalipunang Mga Liham ni Pinay (1990)  at Anyaya ng Imperyalista  (1998)  ang dalawang panulukang bato—na may iisa ang hubog—ng kaniyang pagkamakata; at kapwa pumaling nang bahagya sa matining na tinig ng Supling  (1970)  at ng mairuging Kung Di Man  (1993).

Kabilang sa unang dalawang nasabing kalipunan ang tulang “Liham ni Pinay mula sa Singapore.” Animo’y alusyon yaon sa malagim na sinapit ng gaya nina Flor Contemplacion at Delia Maga sa Singapore. Ngunit dapat idiing naunang nalathala ang tula ni Mabanglo noong 1987 bago pumutok ang alingasngas sa Singapore. Ang naturang tula ay masasabing bahagi ng salamin na ibig ipamalas ng makata, ang salaming nagbubunyag sa katauhan ng babae bilang Anak-Ina-at-Inang Bayan, habang inihihimaton ang mahalagang “papel niya sa mapagpalayang pakikibakang pampolitika.”[1] Basahin ang tula at halos mababatid na ang hagod ng buong kalipunan ng dalawang aklat na pinaglathalaan nito. Ang sarisaring sipat sa babae ay masasabing nasa lawas ng isang uniberso; at ang personang si Pinay-bilang Filipina, migranteng manggagawa, at mapagpalaya-ay lastag na sagisag na nangangailangang pagpakuan ng pansin.

Ang mga dekada 1970 hanggang 1990 ang maituturing na panahon ng mga migranteng Filipino. Noong 1999 lamang, umabot sa $6.7 bilyon ang naipasok ng OFW (Overseas Filipino Worker) sa kabang-yaman ng Filipinas. Bilang pagkilala sa ambag ng nasabing manggagawa, ipinahayag ni Pangulong Joseph Ejercito Estrada ang 2000 bilang taon ng mga OFW “upang kilalanin ang kanilang kabayanihan at sariling pagsasakripisyo sa pagsusulong at pagpapalakas ng ekonomikong pag-unlad sa loob at labas ng bansa.”[2] Mahaba ang kasaysayan ng mga OFW, laksa-laksa ang bilang at mukha, at mababakas ang kanilang ambag mulang plantasyon sa Hawaii hanggang minahan sa Africa; mulang niyebe ng Alaska hanggang buhangin ng Saudi Arabia, mulang aparato sa Japan hanggang damit sa Italy. Ang OFW din ang nagpakilala sa Filipinas sa buong mundo: mulang impormasyong teknolohiya hanggang pagkakawanggawa; mulang bayani hanggang salarin o biktima ng sarisaring krimen at gulo.

Ginamit sa nabangggit na tula ni Mabanglo ang pamamaraang tila pagkatha ng isang mahabang liham. Ang ganitong taktika ang ginamit din at pinatanyag ni Ariel Dim. Borlongan sa tulang “From Saudi With Love” na nagpamalas ng kaniyang husay sa paggamit ng parikala habang pigil na pigil ang paglalantad ng lagim sa isang OFW-persona na nakatakdang pugutan ng ulo doon sa Saudi Arabia.[3] Hindi na rin naiiba ang paliham na pamamaraan kung babalikan ang mahabang tradisyon sa panulaang Tagalog. Kinasangkapan na iyon ng mga makatang may regular na pitak sa mga diyaryo at magasin noong bago at makaraang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at maihahalimbawa ang mga tula nina Julian Cruz Balmaseda, Jose Corazon de Jesus, Benigno Ramos, Lope K. Santos, Iñigo Ed. Regalado, Amado V. Hernandez, Emilio A. Bunag, Florentino T. Collantes, Ildefonso S. Santos, Alejandro G. Abadilla, Manuel Principe Bautista, at Alberto Segismundo Cruz. Ang pinakatanyag marahil sa paliham na pamamaraan ng pagtula ay ang “Ultimo Adios” na sinulat ni Jose Rizal. Maaari namang ituring na magkakatanikalang bukás na liham ang “Hibik ng Filipinas sa Inang España” ni Hermenegildo Flores; ang “Sagot ng España sa Hibik ng Filipinas” ni Marcelo H. Del Pilar; at ang “Katapusang Hibik ng Filipinas” ni Andres Bonifacio.

Hindi na rin lingid sa lawas ng panitikang pambansa ang pagtalakay sa usapin ng mga Filipinong migranteng manggagawa (o Filipinong turista) doon sa ibang bansa. Bago pa tumanyag ang mga akda sa Ingles ng gaya nina Carlos Bulosan, Bienvenido N. Santos, at N.V.M. Gonzalez, nauna nang tinalakay yaon ng mga kuwentistang Tagalog na gaya nina Deogracias A. Rosario, Carmen A. Batacan, Lazaro Francisco, at Domingo Raymundo; at isinatula ng mga makatang gaya nina Balmaseda, De Jesus, Collantes, at Delfin Colada Baylen. Pagpasok pa lamang ng dekada 1980, ginagamit na muli nina Rio Alma, Mike L. Bigornia, at Teo T. Antonio ang alusyon ng OFW na binihisan ng bagong anyo sa kani-kaniyang mga tula. Pagkaraan ng Pag-aalsang Pebrero 1986, umigting ang pagsulat ng mga tula hinggil sa OFW na naging matagumpay o dili kaya’y nasangkot sa sarisaring krimen at hinatulan ng kamatayan; at patutunayan ng mga magasing gaya ng Liwayway, Bannawag, Bisaya, Philippine Free Press, Philippine Graphic, at Filmag ang sigla ng paglalantad ng nasabing mga karanasan. Maging ang mga kuwentong popular na lumalabas sa mga tabloyd—gaya ng Tempo, People’s Tonite, Abante, Bulgar, at Remate—ay nagbunyag ng samotsaring nakakikiliting salaysay hinggil sa pakikipagsapalaran ng mga OFW sa ibang bansa hanggang nitong dekada 1990. Mababanggit din ang maiinit na komentaryo at ulat na nalathala sa mga diyaryo, gaya sa Manila Bulletin, Philippine Star, Malaya, Philippine Daily Inquirer, Manila Times, at Diyaryo Filipino. Pinagpistahan sa mga pangunahing estasyon ng radyo at telebisyon ang pakikipagsapalaran ng OFW, habang nagpupumilit na linawin ng mga di-gobyernong organisasyon ang kalagayan ng mga migranteng manggagawa sa buong daigdig. Hindi naman nagpahuli ang mga prodyuser ng pelikula na tumabo nang malaki sa takilya sa pagpapalabas ng gaya ng “Flor Contemplacion Story” at “Sarah Balabagan Story.” Ang penomenon ng OFW ay puwedeng maihanay sa iba pang malalaking pangyayari sa Filipinas: ang Pananakop ng Japan sa Filipinas at ang paglago ng Hukbalahap; ang pagpapataw ng Batas Militar at ang diktadura ni Ferdinand E. Marcos; ang Pag-aalsang Pebrero 1986; ang pagsasabatas ng pagpapatalsik sa Base Militar ng US sa buong arkipelago; ang pagsabog ng Bulkang Pinatubo noong 1993; at ang paglakas ng insurhensiya na isinusulong ng mga mandirigmang Bangsamoro at rebolusyonaryong komunista.

Sa “Liham ni Pinay mula sa Singapore,” ang pagkasangkapan ni Mabanglo sa “liham” at “Babaeng OFW”—bilang kapwa talinghaga at daluyan nito—ay maaaring maipaliwanag kung uuriin ang paraan, at ang saray, ng pananagisag na ginamit sa buong lawas ng pagtula. Susubukin sa panunuring ito na baklasin at titigan nang isa-isa ang mga sagisag at pananagisag na taglay ng buong balangkas ng tula upang higit na maunawaan ang sapot ng mga pahiwatig nito. Pagkaraan ng lahat, tatangkaing buuing muli ang mga binaklas na bahagi upang itampok ang panibagong pagtingin sa tula. Isasaalang-alang din sa pag-aaral na ito ang paglalapat o pagtatagis ng mga konsepto ng Katipunan—na binuo ng gaya nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto—sa balangkas ng tula ni Mabanglo. Iyon ay sa layuning ilugar ang diwain ng kabansaan, at ang lahat ng matalik na diwain nito, sa tula. Bakit? Nang maiwasan kahit paano ang lantarang panghihiram ng mga banyagang konseptong nabuo sa sarisaring larang, lalo doon sa Estados Unidos, Rusya, at Europa; at ang paggamit niyon bilang sanggunian sa pagsusuri.

Maihahaka na ang mga salitang ginamit sa naturang tula ay nakapaloob sa isang taal na bukal ng wika, na sa pagkakataong ito ay tatawaging “Filipino.” Kung higit pang uuriin ang “Filipino” ay hindi maiiwasang balikan ang “Tagalog” bilang dakilang saligan at pangunahing wika na bumubuo rito sa Filipinas ngayon. Ang Tagalog, na ayon sa batikang mananaliksik na si E. Arsenio Manuel, ay matanda pa umano sa Ingles, Espanyol, Latin, at Griyego. Ang naturang bukal ng wika ang walang pasubaling pinagdukalan ng makatang Mabanglo. Sa pagdukal ng makata sa nasabing bukal, ang mga salita na masasabing may dati nang kani-kaniyang natatanging pakahulugan ay napaninibago ang ibinubungang sapot ng mga pahiwatig alinsunod sa paglalangkap ng mga salita, pagbubuo ng mga parirala, at pagbabalangkas ng mga pangungusap bilang isang saknong, o bilang magkakatuhog na saknong ng tula. Gayunman ay masasabing walang kapangyarihan ang makata na bumuo ng sarili’t nakabukod-sa-daigdig na talahulugan o diksiyonaryo. Hindi basta mahiwagang bulang lumitaw kung saan ang kaniyang mga ginamit na salita na siyang tinatanggap ngayon ng mga tao. Mayroon siyang pinagkunan niyon at pinagsanggunian. Kinakailangan niyang sumandig sa bukal ng wikang nabuo sa paglipas ng panahon, na humubog sa kaniyang kaisipan bilang mamamayan ng kaniyang tinubuang bayan.

Sa nasabing kalagayan, halimbawa, ang salitang “Pinay” (pambabae) ay masisipat na hindi lamang basta balbal na salitang maitutumbas sa “Pinoy” (panlalaki). Nakakarga sa “Pinay” ang mga pakahulugang nabuo may 80-pataas na taon na ang nakalilipas mula nang dumagsa at magtrabaho ang mga Filipino sa Estados Unidos. Sa paglipas ng panahon, masasabing nagbabanyuhay ang salitang “Pinay” at maikakabit doon ang matatayog na katangiang pantao o kahit ang mga mapang-alipustang katawagan na pinalaganap ng mga dayo: Inang Bayan, katulong, puta, propesyonal, bayani, santa, at kung ano-ano pa. Maihahalimbawa rin na ang mga konseptong gaya ng “ginhawa,” “kalayaan,” “puri,” “katwiran,” “liwanag,” “dilim,” “loob,” “katotohanan,” “Inang Bayan/Haring Katagalugan,” “pag-ibig,” “layaw,” at “paggawa” ay may pinagbatayan at pangunahin na marahil dito ang lawas ng ideolohiya ng Katipunan. Gayunman, maihahaka na hindi sa Katipunan unang nagsimula ang lahat. Posibleng bago pa nabuo ng Katipunan ang nasabing mga kaisipan ay taal na yaong lumalaganap sa kapuluan, na patutunayan halimbawa ng paggamit ni Balagtas ng gayon ding mga konsepto sa kaniyang klasikong Florante at Laura, bukod pa sa matatagpuang kahawig na konsepto sa libo-libong awit, korido, tanaga, mito, salawikain, at epikong-bayang nabuo sa Filipinas o sa iba pang panig ng Asya. Ano’t anuman, susubukin sa pag-aaral na ito na gawing batayan ang sa Katipunan yamang yaon ang maituturing na kauna-unahang nagtangkang lumagom ng diwain ng isang bansa.

Sagisag bilang Salabid sa Lohika

Umiinog ang “Liham ni Pinay mula sa Singapore” hinggil sa mga kinatalogong karanasan ng masasabing OFW na nagtungo sa Singapore upang makapagtrabaho at kumita ng salapi, habang nangangarap na makapag-asawa ng isang banyagang makahahango sa kaniya sa hirap. Ngunit sa kasamaang-palad ay naging alila ang persona at dumanas ng mabibigat na trabaho mula sa kaniyang amo. Bagaman nakapagpapadala siya ng salapi sa kaniyang iniwang mga kamag-anak sa Filipinas, mahihinuha ang panghihina ng kaniyang loob (taludtod 44-47) at kaya humihiling siya sa mga iniwan na ipagdasal siya upang magkaroon ng sapat na lakas para maipagpatuloy ang trabaho.

Nilisan ng persona ang sariling bansa dahil sa sumusunod. Una, kahirapan. Mahihinuha ito sa taludtod 3 (“Malagim ang kahapon at malabo ang bukas“); taludtod 13 (“Hatid ng dalita’t walang pangalang takot”); at taludtod 18 (“Bugnot na palibhasa sa galunggong at kanin”). At ikalawa, na kaugnay ng una, guminhawa ang buhay at nang makatikim ng kaunting luho. Mababatid ito sa taludtod 16 (“Makauwi sa galak, maahon sa hirap”); taludtod 20-21 (“Pangarap ko ring maging maybahay/ Ng isang ginoong guwapo’t ginagalang”); at taludtod 22-23 (“Maligo sa pabango kung Sabado’t Linggo/ At mamasyal sa parke nang walang agam-agam”). Maaaring sipating mapanlagom ang lunggati ng persona kung isasaaalang-alang ang pangkalahatang lunggati ng mga Filipinong nangingibang-bayan upang magtrabaho, at may bahid ng katotohanan, bagaman maihahaka ring limitado, kung pagbabatayan ang mga karanasan ng OFW. Mabuway na susuhayan ng iba pang katangian ang lunggati, gaya ng walang binanggit hinggil sa ilang detalye sa propesyong naabot ng persona o sa kasanayang natamo niya dito sa Filipinas.

Nang matupad ng persona ang pangarap na makapangibang-bansa, hindi naman malinaw kung saan niya kakamtin ang lunggati. Mahihiwatigan ito sa taludtod 24-25 (“Lumipad nga ako’t dito nasadlak,/ Nagsusulsi ngayon ng sunog na pakpak. //) Ang salitang “sadlak” ay maaaring tumayong hulagway ng “pagbulusok sa kamalasan, kahihiyan, o kasawian” ng persona. “Sadlak” din ang maaaring ikabit sa halos singkahulugan nitong “pagbagsak,” “pagkabulid,” o “pagkaparool” kung pagbabatayan ang pakahulugan ni Jose Villa Panganiban o nina Vito C. Santos at Leo English. Sa unang malas, ang kombinasyon o ang salungatang pahiwatig ng “paglipad” at “sadlak” sa taludtod 24 ay parikala ng mabilis na pagpaling mulang tagumpay tungong kabiguan. Ngunit kung uuriing mabuti, ang dalawang binanggit na salita ay magbubukas ng pahiwatig na walang kontrol ang persona kung saan siya magagawi, at tila tinangay lamang siya ng kung anong puwersa ng tadhana. Na sa katotohanan ay kabaligtaran, dahil bago umalis ng bansa ang isang OFW ay malinaw sa kaniya kung saang bansa siya hihimpil, kung anong uri ng trabaho ang naghihintay sa kaniya, kung anong kultura ang papasukan niya, at kung ano-ano pa. Sa madaling sabi, daraan siya sa mahabang seminar at sermon dito pa lamang sa Filipinas. (Salamat sa ahensiya ng gobyerno o sa di-gobyernong organisasyon!) Maraming mapagpipilian ang isang OFW, at pinakasukdulan ang pagtanggi niya sa inihahaing trabaho sa ibang bansa. Kahit paano’y nakahanda siya kahit pa ilegal na rekruter ang kumuha ng kaniyang serbisyo. Maliban na lamang sa ilang pagkakataon, halimbawa kung magpapasiya ang OFW na mag-TNT (basahin: Tago-nang-tago sa opisyales ng inmigrasyon sa ibang bansa). Sa gayong pagkakataon, walang katiyakan ang OFW kung saang panig ng daigdig siya magagawi.

Subalit sa naturang tula ay ni walang pahiwatig kung TNT ang persona. Wala ring binanggit hinggil sa sinumang ilegal na rekruter. Kaya maihahakang ang kalabuan ng pagpapasiya—o ang kawalan ng kapangyarihang makapamili—ng persona kung saang bansa siya “magagawi” ay pawang bungang isip lamang. Bungang isip yaon na isinakatawan ng persona, at iginiit sa tula. Ang paranoia ng persona bilang talinghaga ay lumikha ng kulob na daigdig sa tula para magmistulang kalunos-lunos ang kalagayan ng OFW. Sa ganitong pagkakataon, maihahaka na ang makata ang “nagsadlak” sa OFW-persona hinggil sa pook na marapat nitong marating sa tula. Na kahanga-hangang pangyayari! Ang Singapore ay isa sa mga bansang may napakahigpit na batas at patakaran hinggil sa inmigrasyon at pagtanggap ng mga manggagawang dayo.

Nag-iiwan din ng tanong ang taludtod 25. Ang alusyong “pagsusulsi” at “sunog na pakpak” ay malikhaing paraan ng paggewang ng mga hulagway. Ang “pagsusulsi” ay nagpapahiwatig ng pagtatangkang maisaayos ang natastas o nabutas na anyo, nang mapanatili ang dating pag-iral ng isang bagay o pangyayari—halimbawa ang isang damit o kalagayan—nang walang matinding pagbabagong ginagawa. Kakabit niyon ang pagtitipid, pagtitiis, at pagnanais na maging kapaki-pakinabang ang anumang bagay na maaaring magamit pa, o ang sitwasyong kaya pang mapangibabawan. Samantala, ang “sunog na pakpak” [4] ay nagpapahiwatig ng ganap na kabiguang makamit ang isang mataas na lunggati. Ang kombinasyon ng “pagsusulsi” at “sunog na pakpak” ay mahihinuhang marupok na paglalapat ng tayutay. Ano pa ang dapat lutasin nang maagap kung ganap na ang kabiguan sa ibang bansa? Wala na marahil kundi ang makauwi nang buo ang pangangatawan at pag-iisip. Gayunman ay walang nakasaad hinggil doon sa tula. Ang tanging hiling ng persona’y “Tumibay akong kasabay ng siyudad/ Bago mamanhid ang isip at puso’y tumigas.“//

Sa tula ni Mabanglo, nakamit ng persona ang kaniyang pangarap na makapangibang-bansa. Mahihinuhang ang “sunog na pakpak” ay tayutay, hindi ng “pangarap” bagkus, ng “pagkaalila” ng persona: ang pagkabusabos ng kaniyang pagkatao dahil sa pagiging “katulong” at yaon ang hindi niya matanggap. Ang gayong kalunos-lunos na kalagayan ay masasabi pang pinatindi ng pagkakataong “itinakwil” ng persona ang “pagkatao” (taludtod 26). Ang “pagtakwil” ay mabigat na salita. Tinataglay niyon ang pagtangging kumilala at magsaalang-alang, na kung minsan ay may bahid ng pagkapoot at paglimot; at sa yugto ng tula, ang pagtanggi sa katotohanan ng pag-iral, at ang poot at paglimot ay kataka-takang nakasentro sa persona. Hindi “isinuko” ng persona ang kaniyang sarili sa “among banyaga,” gayong ang “pagsuko” ay mahihinuhang higit na matalik sa mga salitang “ipinahamig” (taludtod 26) at sa “nakaniig…ang tunay na hirap” (taludtod 28).

Kung tunay ngang “itinakwil” ng persona ang sarili para sa among banyaga, bakit kinakailangan pa niyang maghinagpis sa pangyayaring siya’y “utusan, yaya, kusinera’t labandera”? Kung ilalapat ang konsepto ng “bait” mula sa Katipunan, ang yugto ng “pagtatakwil sa sarili” ang sukdulan ng kawalan ng maingat na pagpapasiya, ng matinong katwiran, ng malalim na pag-iisip, ng tiyak na pagkilos. Maaari ding sipatin na hindi sanay sa mabibigat na trabaho ang persona, kahit pa nakasaad sa taludtod 13 ang kaniyang pinagmulan: dukha. Ang “karukhaan” ni Pinay ay maiuugnay sa natamo niyang propesyon sa lipunan; yamang ang propesyon ang maaaring makapagtakda kung paano lulutasin ni Pinay ang kaniyang suliraning pananalapi. Ano ang propesyon ng persona? Hindi nakasaad. Umaangal ang persona na labing-anim na oras siyang magtrabaho kada araw sa pagiging katulong. O kakaunti ang nalalabing oras ng kaniyang pagtulog at pamamahinga. Gayong isinaad naman niyang “itinakwil” niya ang sarili at wala siyang naabot na mataas na edukasyon? Isang kabalintunaan ito na dapat tuklasin, at kinakailangan marahil ng panibagong bahagdan ng pananagisag upang masapol yaon ng mambabasa.

Ang gayong daloy ng lohika ay isa pang dapat mapagtuunan ng pansin. Ang pagiging “katulong” (domestic help) ang hindi matanggap ng persona. Bakit naman? Hindi ba marangal ang maging DH kung ihahambing sa pagiging politiko na kurakot sa gobyerno? Ang pagtatrabaho sa malinis na paraan ay isang katangiang kahanga-hanga, kung babalikan ang winika ni Jacinto. Ang “paggawa” ay kabaligtaran ng “layaw.” Tumutukoy din ang una sa pagkakamit ng kadakilaan dahil nakapagpapalakas ito ng isip, loob at katawan. Bukod pa rito’y nailalayo ang tao sa “buhalhal na kasalanan, maruruming gawi, at kayamuan.” Samantala, ang pahiwatig ng “malayaw” na pamumuhay ng among Singaporean ang masasabing paglagay sa katayuang “mababa” at di-nalalayo sa asal-hayop. Gayunman ay higit na dapat pagpakuan ng pansin kung bakit hindi matanggap ng persona ang nasabing trabaho. Maitatatanong tuloy: Hindi ba bago magtungo sa Singapore ang naturang persona ay batid na niya na gayon ang kaniyang kahihinatnan? Maiisip na hindi dumaan sa isang matinong ahensiya ng rekruter ang persona at kaya hindi niya alam kung ano ang kaniyang papasuking trabaho. Niloko ba si Pinay, halimbawa, na “pagkaguro” ang ipinangako sa kaniyang trabaho ng ahensiya ngunit “katulong” ang kaniyang kinauwian? Walang pahiwatig sa tula. Maiisip tuloy na ang melo-dramatikong pagngunguyngoy ng persona ay pilit na inilahok ng makata sa tula upang lumitaw ang isang kaawa-awang tagpo.

Kaya mahihinuha ang karupukan ng isip ng persona-OFW. Tatanggapin ng persona ang kaniyang abang kalagayan: Mabuti na ito, kayo rin ang may sabi/ Magpaalila man ako’y may maisusubi// (taludtod 38-39). Ngunit walang ipinahiwatig sa tula na katanggap-tanggap nga sa mga kamag-anak ng OFW ang magpaalila basta kumita lamang ng salapi ang kanilang kaanak. Ipinaaako ng persona sa kaniyang mga kamag-anak ang kakitiran ng kaniyang isip. Kung babalikan ang unang saknong ng tula, mahihinuhang may pagbabantulot pa nga sa panig ng mga kamag-anak kung hahayaan nilang mangibang bansa si Pinay (taludtod 4-11). Pahiwatig yaon na may nalalabing pagmamahal sa persona ang mga naiwang kamag-anak nito sa Filipinas, na maaaring nakaligtaan lamang banggitin ng naturang OFW dulot ng panandaliang amnesia. Maihahakang maluwang ang puwang sa pagitan ng mga salita sa tula; at ang mambabasa, o ang pamilya na pinatutungkulan, ang hinahayaang magkarga ng mga pakahulugan sa mga sagisag na nagbubuhat kay Pinay. Kaya posibleng sipatin din ang mga taludtod 38-39 bilang masakit na “pahaging” sa mga kamag-anak ni Pinay na umaasa sa kaniyang dolyar na ipadadala sa Filipinas. Ang ganitong pananalita ay susuhayan ng mga katwirang: una, may takot at pagbabantulot sa panig ni Pinay na umalis sa Filipinas; ikalawa, walang malinaw na propesyon si Pinay; ikatlo, itinakwil ng persona ang sarili at nagpaalipin sa among Singaporean; at ikapat, paranoid si Pinay sa kaniyang propesyong OFW o pagiging katulong.

Samantala’y kung uuriin nang mabuti kung sino ang kausap ng persona ay malabo. Ang “kayo” na binanggit sa taludtod 1 at tumukoy din sa “inyo” na matatagpuan sa taludtod 4—na nasa ikalawang panauhan—ay biglang lumihis sa ikatlong panauhan (tingnan ang mga taludtod 5-37). Animo’y mahabang monologo yaon ng persona, at ang sinimulang tonong kumbersasyonal sa bukanang saknong ay hindi napanatili o dili kaya’y nasundan. Bagkus ang tinig ay nagmistulang pabulalas5, o nagtatalumpati sa entablado, na para bang walang kaalam-alam ang mga tao na bábasa ng kaniyang sulat. Maaaring ikatwirang sinadya ang gayong taktika. Kung sinadya, lilitaw na lumalaylay ang pananagisag sapagkat hindi yata batid ng persona kung sino ang dapat niyang kausapin. Marahil ay magulo ang isip ng persona. O kaya’y mahina siyang magsulat gaya ng nakararaming di-nakapag-aral. Ano man ang dahilan, itatatwa lahat iyon ng malalalim na salitang inilahok sa tula at maihahakang marunong ng Tagalog ang persona.

Ang kabihasaan—kung kabihasaan mang maituturing—ng persona sa paggamit ng malalalim ng Tagalog ay maihahakang pag-angkin niya ng kapangyarihan na makapagpahayag sa sariling wika; at ang kapangyarihan ding iyon ang magbubukod sa kaniya sa wikang ginagamit ng kaniyang amo at siyang namamayani sa Singapore. Ngunit itatatwa yaon ng isang sagabal. Iyon ay walang iba kundi ang pila-pilantod na pananaludtod sa pananagalog, ang kawalan ng matinong pangungusap sa ilang saknong dahil sa ginamit na taktikang pagtatanggal ng mga pangatnig, pang-ukol, at iba pang salita. Maaaring mapalusot pa iyon kung animo’y tila nabuburyong ang inog ng isip ng persona. Ngunit hindi. Wala rin sagka sana sa maayos na pagsunod sa balarila yamang hindi naman gumamit ng sukat at tugma ang makata. Hindi rin ipinadron ng makata ang tula sa daloy ng Ingles, o kaya sa mga salitaan sa dula o kuwento, o kaya’y sa pabalbal na taktika, na pawang malimit tinatantiya ang makatotohanang usapan upang magmukhang madulas ang pananaludtod. Kaya masisilip na ang bigat ng paggamit ng malalalim na salita ay katumbalik ng bigat ng kapangyarihan ng maayos at malinaw na daloy ng diwa at pahayag. Ang pingas sa mga pangungusap ay nakapagdulot ng kalabuan (i.e. pagkabarok) o ng salungatang pagpapahiwatig sa balangkas ng liham. [6] Malinaw na halimbawa ang mga taludtod 16-19 na maibabalangkas sa tatlong pangungusap ngunit ikinulob lamang sa isang pangungusap ni Mabanglo. Ang resulta: nakapagpalabo ng pananagisag ang pagkawala ng mga pangatnig, bantas, at panghalip sa pangungusap. Sa kabilang dako’y mapagdududahan din ang tinig ng persona. Si Pinay ay masisipat na nagsasalitang waring taga-akademya imbes na probinsiyana. Na kahit sabihin pang dukha’y mahihiwatigang nasa gitnang uring kung mag-isip ay pseudo-intelektuwal. Taliwas na taliwas ang tinig ng persona sa karaniwang OFW na naging katulong, at mahihinuhang mapagbalatkayo.Ang tinig at himig ni Pinay sa tula ay kawangis din sa halos lahat ng tula sa nabanggit na dalawang koleksiyon ni Mabanglo: iisa ang taginting na kung hindi man nanggagalaiti ay mapaghinagpis.

Sa paningin ng taga-Singapore, nakamit ni Pinay ang kapangyarihang makapagpahayag sa sariling wika; subalit sa paningin ng mga kamag-anak o kaibigan o bayang Filipino, ang kapangyarihang makapagpahayag ni Pinay ay maituturing na kapos, paltos, o malabo. Hindi sapat ang basta makapagpahayag. Kailangan yaong malinaw, tiyak, at tapat.

Pansinin din ang sumusunod. Sugatan ang ngiti ko nang lisanin kayo[.] /Malagim ang kahapon at malabo ang bukas[,]/ Ngunit kailangan [kong] ipakipagsapalaran/ Kahit ang mga payak ninyong halik at yakap./ Ang mga bantas at salitang nakapaloob sa panaklong ay masasabing ang nawawalang mahahalagang sangkap sa pangungusap. Ang katagang “ngunit” sa ikatlong taludtod ay mas angkop na palitan ng “kaya” upang itampok ang pangyayaring makikipagsapalaran ang persona dahil “malagim” ang dati niyang karanasan at walang katiyakan ang kaniyang kinabukasan. Ang pasalungat na paraan ng pagpapahayag na ginawa ni Mabanglo ay lilitaw pang may pagbabantulot (napilitan?) sa panig ng persona-OFW; dahil gayong batid ng persona ang dusta nitong kalagayan ay waring ayaw pang umahon sa abang kalagayan. Maiisip tuloy na ang balangkas na pangungusap ay “Ingles na Tinagalog” na siyang pinasimulan nina E. San Juan Jr. at Cirilo F. Bautista. At kung kaliligtaan naman ang nakapanaklong na “kong” (taludtod 2) ay mahirap mabatid kung sino ang tinutukoy ng “ipakipagsapalaran.” Maipagkakamaling “ipakikipagsapalaran” ng mga kaanak ang persona, halimbawa kung sisipating parang bugaw ang una sa huli. Bukod pa rito, ang mga taludtod 3-4 ay mauuring kahina-hinala. Ang persona ay walang pasubaling “ipakikipagsalaparan” ang kaniyang buhay sa Singapore upang kumita ng salapi. Subalit ang “ipakipagsapalaran” ang “mga halik at yakap” ng kaanak ay nag-iiwan ng tanong yamang hindi naitaguyod nang ganap sa tula kung sadyang kaugnay ng naturang pananagisag ang lantay na pag-ibig; o ang pagtataksil nang palihim ng OFW sa kaniyang kamag-anak o vice-versa.

Ang mga taludtod 5-11-na malinaw na pagpasok sa ikatlong panauhan-ay nagbibigay ng malikaw na pananagisag hinggil sa kausap ng persona. Hindi ba ang sulat ay nakatuon sa pamilya ng OFW? Bakit nakabukod ang gayong paglalarawan? Sino ang tinutukoy na pinagmumulan ng bilin at tawag? Posibleng ikabit ang gayong pahiwatig sa OFW na paalis, o kaya’y sa mga magulang nitong maiiwan sa Filipinas. At sino ang tinutukoy na “panganay na anak”? Maaaring ikabit ang pahiwatig sa anak ng OFW; o kung hindi’y sa OFW na isang anak na nagpaalam sa kaniyang mga magulang. Ano’t anuman, nagiging masalimuot ang alamís dahil ang saray ng mga pahiwatig ay nakapaloob sa kung ano ang tunay na ibig ipakahulugan ng persona. Na nagkataong isinalalay sa sablay na pananaludtod.

At bakit nagkagayon? Malulutas ang kahinaan ng saknong kung muling babasahin nang ganito ang daloy ng pangungusap: Malinaw na malinaw sa [aking alaala]/ Ang paglalim ng pileges sa noo ni Ama,/ Ang namintanang luha sa mata ni Ina, [Na pawang] ikinubli ng mga pisil sa palad/…Bumubuntot ang [kanilang] mga bilin at tawag/ Sa papalayong hakbang ng panganay na anak. // Ang naturang paglalatag ng mga hulagway ay lilitaw na nasa tonong kumbersasyonal pa rin ang tinig ng persona. Ginamit lamang ang paggunita upang ipakita ang naglalaro sa isip ng persona at hindi ang kung anong pagsingit ng imahen sa teksto. Mapapansing ang “pananda” ay pinalitan ng “alaala” upang hindi maipagkamaling karaniwang marker, gaya ng lapis o kapirasong papel, lamang ang “pananda.” [7]

Sa mga taludtod 16-23, higit na lilinaw ang talusaling na pag-iisip ng persona. Inudyukan ng pangarap na umunlad ang persona at nang guminhawa sa hinaharap ang pamumuhay. Ngunit ang “pangarap”8 na tinutukoy ay malabo sa tula. Ano ang nais o lunggati ng persona? Maging dakilang titser, inhinyero, abogado, kaminero, o puta? Hindi tiyak. Basta naghahangad lamang ang persona na magtagumpay. Higit pang mabubunyag ang pagkatalusaling ng gawi ng persona dahil pangarap din niyang makapag-asawa ng guwapo, mayaman, at iginagalang na lalaki. At tumikim ng luho, gaya ng paliligo sa pabango at paglalakwatsa sa parke, nang walang iniisip na problema. Kaya paano maaasahang magtatagumpay ang isang OFW-o kaya’y ang sinumang tao-kung hindi malinaw sa kaniyang sarili kung ano ang ibig niya sa buhay? Lalo pa kung hindi niya batid kung paano makakamit ang lunggati? Ang kahinaan ni Pinay bilang talinghaga sa tula ay pinatindi ng kalagayang higit na detalyado ang paglalarawan ng mga bagay na sekondaryo lamang sa buhay ng persona kompara sa abstraktong pagsasahulagway at pagsasaanino ng mahahalagang punto, gaya ng pangarap at propesyon ni Pinay bilang OFW. Dapat lamang asahan na lasapin ng persona ang kaawa-awang kalagayan niya, na nakasaad sa mga taludtod 26-37. Kung hindi alam ng persona kung ano ang mga hakbang na dapat niyang isakatuparan, ang tadhana ang magpapamukha sa kaniya kung ano ang dapat gawin.

Dalawang ulit lumitaw ang salitang “pangarap” sa tula: una, sa taludtod 16; samantalang ang ikalawa’y sa taludtod 37. Ang una’y nag-udyok sa persona upang kumilos at magtrabaho sa ibang bansa. At ang ikalawa naman ay dinudulugan ng persona, na maaaring pinagdarasalan, pinagsasanggunian, o itinuturing na sagrado (“altar ng pangarap”). Mahihinuhang kapani-paniwala ang una dahil ang pangarap ay nagmistulang makapangyarihang “tinig” (o “daimon” sa wikang Romano) na naging gabay ng persona hinggil sa dapat niyang gawin. Ngunit ang ikalawa’y kataka-taka yamang ang reaksiyon ng persona sa nagsakatawang “pangarap” (panaginip?) ay pagdulugan yaon. Ano ang idudulog? At bakit magdudulog ng anumang problema o hinaing ang OFW sa kaniyang pangarap kung ang pangarap ay basta umunlad ang buhay nang walang pagsasaalang-alang kung ano ang marapat o tumpak gawin? Bukod pa’y hindi naman matutugunan ng “pangarap” ang lahat ng hiling ng persona. Bagkus, ang persona ang dapat aktibong kumilos upang matupad ang kimkim na lunggati. Kaya ang ikalawang pahiwatig ng “pangarap” ay maaaring makapagsaad ng higit na kahinaan ni Pinay, dahil pumapaloob siya sa realidad na siya lamang ang nakababatid at nagkataong nakabukod sa realidad ng kaligirang iniinugan niya. Lalantad na palsipikadong tayutay ang “altar ng pangarap.” At maisisingit na mahina ang kalooban, ang katauhan, at ang kabuuan ni Pinay bilang OFW. O kung hindi’y nababaliw ang persona dahil kahit banggitin niya ang kaniyang “pangarap,” ang pangarap ay nananatiling hungkag, malabo, at walang direksiyon kaya mahirap abutin.

Sa kabila ng lahat, kahanga-hanga ang intensiyon ng persona na magpadala ng salapi para sa kaniyang mga kamag-anak. Ipapayo niyang gamitin ang salapi upang may mailuto at makakain nang sapat ang kaniyang kamag-anak (taludtod 43); at ipangungunang “kalimutan muna ang nasang sinimpan” (taludtod 42). Maaaring tumukoy ang “nasang sinimpan” sa mga sumusunod. Una, sa kabiguang madanas ang materyal na luho. Ikalawa, sa mahigpit na pag-iingat ng salapi. At ikatlo, sa mga kinimkim at inilihim na hangarin. Nagsasaad ng pagtitipid ang “simpan.” [9] Subalit imposible, sa isang banda, na tipirin o ipunin ang “nasa.” Ang “nasa”-bagaman hindi malimit natutupad at hindi laging nagsasaad na isasagawa-ay nagtataglay ng kalayaan sa loob ng isip at kalooban ng tao. Lilitaw samakatwid na marupok ang taludtod 42 kung idurugtong sa taludtod 43.

Matatagpuan ang pinakasukdulan ng tula sa mga taludtod 44-47. Hiniling ng persona na ipagdasal siya ng mga kamag-anak upang manaig sa gitna ng hirap. Nais ng persona na “tumibay…kasabay ng siyudad/ Bago mamanhid ang isip at puso’y tumigas.”// Kataka-taka ang ganitong gawi, lalo kung babalikan ang sinambit ng persona sa taludtod 26: ang pagtakwil sa sariling pagkatao. Kung itinakwil ng persona ang sarili, hindi pa ba nangangahulugan ito na hindi pa manhid ang isip at tumigas ang puso niya? Bukod pa rito, ang pagtatangkang ihambing ng persona ang sarili sa siyudad ay makapag-iiwan din ng puwang para makagimbal. Kasabay ng pag-unlad ng lungsod ang pagsibol ng iba pang problemang panlipunan: labis na populasyon, polusyon, krimen, alyenasyon, sakit, at kung ano-ano pa. Hindi man ekspertong sosyologo o antropologo ang sinumang mapagmasid na tao’y mahihinuha niya sa kaniyang kaligiran ang isang katotohanan: ang sukdol na kaunlaran ng lungsod ang simula din ng paghina ito. Kung ilalapat sa tula, ang pagnanasang sumabay ng persona sa tibay ng lungsod ay kagila-gilalas. Mahihinuhang si Pinay na umalis ng Filipinas ay hindi na ang dating Pinay na kakilala ng kaniyang kaanak. Nabubura ang kaakuhan ni Pinay at ang natitira’y ang lungsod ng Singapore na kaniyang pinagtatrabahuhan. Dagdag pa, maglalaho tiyak ang OFW, ngunit mananatili ang lungsod-maunlad man o hindi-habang naririyan ang pangangailangang magtipon sa isang lunan ang mga mamamayan.

Ang paglalahok ng “sugatan ang ngiti” (taludtod 1), “dawag ng takot” (taludtod 12), at “udyok ng pangarap” (taludtod 16) nang lisanin ng persona ang sariling bansa ay tatlong tayutay na mahihinuhang pahiwatig din ng simula ng pagkabiyak ng katauhan ng persona: ang isa’y ibig manatili sa kinalakhang lupaing malapit sa puso niya ngunit salat naman yaon sa materyal na kaginhawahan; samantalang ang ikalawa’y umaasa sa ipinangangakong materyal na kaginhawahan ng banyagang lupain ngunit nagsasaad naman ng pagdanas ng persona ng mabigat na tungkulin o pasanin. Kung mayroon mang maganda sa tula, yaon ay walang pasubaling ang paglalahok ng kirot, takot, at pag-asa na pawang mga talinghagang iiwan ni Pinay sa alaala ng mga tao na pinatutungkulan ng liham.

Sagi at Sagsag sa Sagisag na Inang Bayan

Mapapansing ang persona, na kinakatawan ni Pinay, ay nagtatangkang dalhin ang isang napakapersonal na salaysay tungo sa malawak na lipunan. Ang mismong pangalang “Pinay”10 ay masasabing alusyon sa balbal na salitang “Filipino” o ang babaeng Filipino ang pagkamamamayan (citizenship). Maaaring gumanap din ng sarisaring papel si Pinay bilang “artista, ina(ng bayan), at subersibo” kung isasaalang-alang ang pagsusuri ni Roderick Niro Labrador sa mahabang tulang “Anyaya ng Imperyalista” ni Mabanglo. Kung gayon nga, kinakailangang sipatin si “Pinay” bilang sagisag sa higit na mataas na saray ng pagpapahiwatig, alinsunod sa ibig ipaabot ng nananagisag at sa maaaring mabatid ng sumasagap ng pananagisag.

Si Pinay ay maaaring sumagisag hindi lamang sa isang Filipina bagkus sa napakaraming babaeng OFW sa iba’t ibang panig ng daigdig. Gayunman, masasabi ring si Pinay bilang persona ay hindi kayang sumaklaw—at karaniwang limitado ang kintal—sa pangkalahatang hulagway ng babaeng OFW. Si Pinay bilang OFW, sa mga tula ni Mabanglo, ay mahihiwatigang kapilas lamang na mukha ng iba’t ibang uri ng katulong (i.e. domestic help) o ng mga propesyonal na naghahangad ng dolyar, mansanas, tsokolate, niyebe, buhangin, banyagang asawa, inmigranteng visa, sex, at kung ano-ano pa. Ang OFW na palaging api at kawawa ngunit malakas ang loob at pangangatawan; ang mapaghanap ng ginhawa at tagumpay sa buhay; ang dakilang mapagsapalaran sa ibayong dagat; ang ipinagmamagarang bagong imahen ng bayani ng bansa; at ang mapanggulat na Inang Bayan na dumurukit sa sarili upang mabuntis nang mag-isa at magluwal ng kalayaang pangkasarian, pampolitika, at pangkasaysayan. Pinakamatingkad sa lahat ang pagtatampok sa panlahatang Pinay bilang sagisag na “Inang Bayan.” Datapwat taliwas sa ibig ipabatid ni Mabanglo, si Pinay bilang Inang Bayan sa “Liham ni Pinay sa Singapore” ay isang sagisag na nagtataglay ng katangiang babasagin at umaasa ng kaligtasan sa pamamagitan ng dasal (taludtod 47).

Taliwas si Pinay sa sinaunang pagtingin hinggil sa alusyong “Inang Bayan” na kinasangkapan ng mga makatang Tagalog bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ayon sa tulang “Kasarinlan”11 ni Filomena T. Alcanar, ang personang Filipinas-bagaman maliit kung ihahambing sa ibang bansa-ay maihahalintulad sa “…tubig kung makahirin/Pumapatay ng mayama’t malakas ma’y sinusupil.” Sa dalawang pangwakas na taludtod ng naturang tula, napakahalaga ang pagpapanumbalik ng isinakatawang “kasarinlan” at kaya “Ang mamatay ay dakila’t kamatayan ay matamis/ Kung bisig kang nagpaguho sa gusali ng limatik.” Sa isa pang tula ni Alcanar, ang “Ina ang babaeng nagpapakamatay/ Lumikha ng isang payapang tahanan,/ Ina ang babae na nanghihinayang/ Magtapon ng binhing pakikinabangan.” [12] //

Sa tulang “Ang Ina Ko’y Lumuluha…” [13] ni Julian Cruz Balmaseda ay inilarawan ang talinghaga ng “Ina” bilang Filipinas sa ganitong pamamaraan. Lumuluha ang Ina (Filipinas) hindi dahil sa kahirapan, bagkus dahil sa pang-aalipin ng dayo: “Bukod tangi ang Ina ko sa lahat ng mga ina:/ may sariling kayamanan, may lupai’t may pasaka/ ay kung bakit habang buhay ay palagi nang kasama…/ May puhuna’y nangungutang, may gusali’y tumitira/ sa gusaling hiram lamang ng nanghiram sa kaniya…/ Kung ang tao’y nilikhang parapara,/ ang ina ko’y nalimutang pamanahan ng ligaya.”// Batid ng persona kung bakit nalulungkot ang kaniyang ina. Mahihiwatigan din sa taludtod na maláy ang persona na ang kaniyang Inang Bayan ay may likás na yaman (o dating maginhawa) dangan lamang at ang nakikinabang ay ang mga mananakop na bansa. Kung babalikan ang tula ni Mabanglo, nalulungkot si Pinay dahil sa pagiging “alila” sa Singapore ngunit tinatanggap o tinitiis ang pasakit na yaon kapalit ng salapi. Ang naturang gawi ay masasabing kakikitaan ng kasalatan sa “katwiran,” alinsunod sa ibig ipakahulugan ng Katipunan.

Ang paglalarawan ni Balmaseda ay maaaring maugat sa “Inang Bayan” o “Haring Katagalugan” na konseptong binuo ng gaya nina Bonifacio at Jacinto sa kanilang Katipunan. Mahihiwatigang ang tulang binuo ni Balmaseda ay alingawngaw ng “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog” ni Bonifacio. Ang pagkakamit ng “ginhawa,” para kay Bonifacio, ay nangangailangan ng pagpapanumbalik ng “katwiran” at “liwanag” sa tao upang mabatid ang tumpak na landas na dapat tahakin:

“…Itinuturo ng katwiran na huwag nating sayangin ang panahon sa pag-asa sa ipinangakong kaginhawahan na hindi darating at hindi mangyayari. Itinuturo ng katwiran na tayo’y umasa sa ating sarili at huwag antayin sa iba ang ating kabuhayan. Itinuturo ng katwiran na tayo’y magkaisang-loob, magkaisang-isip at akala, at nang tayo’y magkalakas na maihanap ang naghaharing kasamaan sa ating bayan.” [14]

Iginiginiit ni Bonifacio na ang “kaginhawahan” ay higit sa pagtataglay ng materyal na bagay. “Panahon na,” aniya, “na makilala ng mga Tagalog ang pinagbuhatan ng kanilang mga kahirapan. Araw na itong dapat kilalanin na sa bawat isang hakbang natin ay tumutungtong tayo at nabibingit sa malalim na hukay ng kamatayan na sa ati’y inuumang ng mga kaaway.” [15] Sa tula ni Mabanglo, si Pinay bilang Inang Bayan ay handang magtiis ng mga pasakit na dulot ng makapangyarihang bansa (Singapore). At ang kalabuan ng pangarap ni Pinay, na mahihinuhang nakasalig sa materyal na kaginhawahan, ay pagkabalaho sa “karimlan” at “kawalan ng bait.” Iniaatang niya ang kaniyang “pagginhawa” hindi sa paglutas ng mga tinamong pang-aapi sa dayong amo kundi sa pag-asa sa idudulot na lakas ng pinaniniwalaang diyos na abstrakto; o dili kaya’y sa pagsalalay sa “panaginip” na animo’y walang katuparan. Sa Katipunismo [16], ang “kaginhawahan” ay maaaring makamit dito sa mundo at hindi sa kung saang kalangitan. Bukod pa rito, ang katwiran na mailap sa pagkatao ni Pinay ay nasasagkaan ng kawalan ng kalayaan. Para kay Jacinto, ang “katwiran” at “kalayaan” ay magkasanga; at nakasalig ang una sa ikalawa:

“Madalas namang mangyari na ang Kalayaan ay sinasakal ng mali at bulag na pagsampalataya, ng mga laón at masasamang ugali, at ng mga kautusang udyok ng mga akalang palamara.

Kung kaya may katwiran ay dahil may kalayaan.

Ang Kalayaan nga ay siyang pinakahaligi, at sinumang mangapos na sumira at pumuwing ng haligi at upang maigiba ang kabahayan ay dapat na pugnawin at kinakailangang lipulin.” [17]

Sentral sa ideolohiya ng Katipunan ang konsepto ng “liwanag” at “dilim.” Bukod sa dalawa, higit pa umanong mag-ingat sa “ningning” na nakasisira ng paningin at nagdudulot ng maling pagsampalataya. Sa tula ni Mabanglo, ang Singaporeang dolyar ang maaaring sumagisag sa “nakabubulag na ningning” at hindi sa katotohanan ng paglaya ni Pinay bilang personang OFW. Ang inaasahang materyal na luho, gaya ng “paliligo sa pabango,” “masasarap na pagkain,” at “paglalakwatsa sa parke” ay maaaring pumuno rin sa pananagisag na “ningning.” Maselan ang mga makatang Tagalog na maituturing na Katipunista, gaya nina Ramos, Pedro Gatmaitan, Balmaseda, Regalado, L.K. Santos, De Jesus, Hernandez, at Collantes sa paghawak ng gayong diwain. Parang pinagtiyap ng tadhana ang pagkasangkapan nila ng mga konsepto’t salitang pang-Katipunan sa kani-kaniyang mga tula. Halimbawa, papabor sina Ramos, Santos, Collantes, at Hernandez sa panig ng mga manggagawang nagwewelga at itataguyod ang konsepto ng esensiya ng “paggawa” na pinalawig nina Bonifacio at Jacinto; samantalang tinutuligsa rin ang negatibong “layaw” na ipinangangalandakan ng mayayaman at hindi naman pinakapangunahing kailangan sa pag-iral ng isang tao. O kaya’y maihahalimbawa ang tulang “Lider Obrero” ni De Jesus na masisteng tinutuligsa ang mapagbalatkayo’t mapanggamit na organisador ng mga manggagawa na may layong kalakalin ang hanay ng mga ito upang maging popular ang sarili sa politika, puhunan, at paggawa.

Samantala’y ang Singapore ay maaaring sumagisag sa anumang bansang maunlad: ang sentro ng kaginhawahan at pagmamalabis, ang bukal ng diskriminasyon at pambubusabos, ang hanggahan ng maningning na tagumpay o ng balighong pangarap. O kaya’y ang maliit ngunit maunlad o mapagmataas na bansang naging sangay ng dambuhalang network ng mauunlad na bansa na pilit pinangingibabawan ang mga dukhang bansa. Ang Singapore bilang talinghaga ay lumalantad na “aktibong” tagapagdala ng sitwasyon, ang “tagapagdikta” hinggil sa maaaring tamuhing ginhawa ng persona sa tula. Ang Singapore, sa tula ni Mabanglo, ay masasabing pinagsasanga lamang sa tauhang among mapang-api kay Pinay. Singapore din ang bulag na pagsisilbihan ni Pinay bilang Inang Bayan kapalit ng kinakailangang salapi. Ang pagpailalim kung gayon ni Pinay sa Singapore ay simula ng pagsusuko niya ng taglay na laya; at ang kawalan ng laya ay magdudulot naman ng pighati. Maaaring tingnan din sa anggulong ang pighati ni Pinay ay naiibsan, kahit bahagya, habang tumatanggap siya ng karampatang salapi. Tanggalin ang salapi, at makaaasa marahil ng pagbalikwas ni Pinay laban sa kaniyang amo; o ng Inang Bayan (Filipinas) laban sa Singapore.

Ang Filipinas, sa kabilang dako, ay inilarawang lunan ng karukhaan, halimbawa mulang trabaho hanggang edukasyon. Si Pinay ang maglalantad nito, at nagsakatawan ng kawalang kapangyarihan, ng babasaging bait, ng mabababaw na pangarap. At si Pinay bilang Inang Bayan-na maituturing o itinuturing ang sarili na “mababa”-ay nakapagtatakang nagnanais na pumantay sa kalagayang “mataas” ng mayamang bansang gaya ng Singapore. Sa tula, si Pinay ay lumalantad na “pasibo” sa kaniyang sitwasyon. Hindi gagawa ng sariling pamantayan si Pinay at hindi sisipating iba ang kaniyang daigdig sa daigdig ng mga dayo. Mahihiwatigang ang pamantayan niya sa sarili, sa kaanak, at sa Filipinas, ay ang pamantayang “panlabas”—ang pagtinging materyalistiko at mekanikal na iginigiit ng lumang paniniwala at pinagtitibay ng mga mapanakop na bansa. Pangaral nga ng makatang Ismael C. Almazar: “Huwag kang malungkot kung ikaw ma’y dukha,/at nabubuhay kang api’t kulang pala;/ dukha man ang tao’t may pusong dakila,/higit sa mayamang sakim at masiba!”  [18]

Sa unang malas, ang pagpasok ni Pinay sa banyagang lupain ay pagtatangkang takasan ang karukhaan na kaniyang nararanasan sa sariling bansa. Kaugnay nito, puwede ring sipatin na ang kolektibong hulagway ni Pinay bilang OFW ang sumasalakay at nagtatangkang agawin ang pook ng kapangyarihang isinakatawan ng Singapore at ng Singaporeang employer. Subalit ang banyagang lupain ang makapagdidikta ng mga patakarang dapat pagsumundan ng persona upang masabing nagtagumpay nga siya. Sa tula, ang pagpaloob ni Pinay sa Singapore ay pagkagat sa pain at pagkabitag sa pang-aalipin. Ito ang magbabadya ng pagkabiyak ng katauhan ni Pinay: ang isa’y malayang aninong naiwan sa loob ng Filipinas, at ang ikalawa’y hulagway na umiiral at humihingi ng paglaya doon sa loob ng Singapore. Kung hihigitin pa ang mga pahiwatig, si Pinay din ang magiging ekstensiyon ng kawad ng pambubusabos at diskriminasyon ng among Singaporean. Samantala’y masisipat naman ang amo na humihigop ng kapangyarihan sa kabuuang bukal ng yamang ekonomiko-panlipunan-pampolitika ng Singapore. Ang pagpalag ni Pinay sa abang sitwasyon ay lalantad na abstrakto, suntok-sa-hangin, at ipinaloob pa sa mga retorikang tanong (taludtod 34-35) upang pangatwiranan ang pag-angal. Tinupad lamang ni Pinay ang pasaring ng sinaunang kawikaan:

Nakahiga na sa papag
ay lumipat pa sa lapag.

Gayunman, mahihiwatigang ang pagkabusabos ni Pinay ay dulot din ng kaniyang kamangmangan at pagsandig sa ilalaan ng tadhana. Ipinamalas sa tula ang pagnanais na makamit ng persona ang isang pangarap. Ang pangarap na malabo, hungkag, at walang patutunguhan. Hihilingin niya sa mga kamag-anak na ipagdasal siya upang maipagpatuloy ang gawain. Ang naturang katangian ang karupukan din ni Pinay bilang sagisag. Handang itakwil ni Pinay ang sarili kapalit ng maalwang kabuhayan ng pamilya. (Sa tulang “Ang Paghihintay Ko” [19] ni Alcanar, nawari ng hardinera-persona na “Ang pananagana ay sa gumagawa’t di sa naghihintay.”) Ang kamangmangan din ni Pinay ang maglalantad ng balighong pag-ibig niya sa pamilya na naiwan sa Filipinas. At sa naturang kalagayan, si Pinay bilang Inang Bayan ay masisipat na napasasakop sa dayuhang bansa dahil sa mga sumusunod. Una, pagkabulag sa yugtong ni hindi niya batid ang taglay na yaman, talino, at lakas na nasa kaniyang kaakuhan. Ikalawa, masaklaw na kamangmangan sa bisa ng kolonisasyon at diskriminasyon ng lahi lalo sa ibang lupain. Ikatlo, paghahangad ng mabilisang pagyaman kahit ang kapalit ay pagkawasak ng puri at paglasap ng kaapihan. Ikaapat, paglalaho ng sariling pambansang “kaluluwa” o “diwa” na pawang sumapi sa katawan ng ibang mapanakop o maunlad na bansa. Ikalima, ang karukhaan sa pambansang lunggati, bukod pa sa materyal na bagay. Ito ang mga baluktot na katangiang matagal nang ibig ituwid ng Katipunan nina Bonifacio at Jacinto. Sa kasamaang-palad, napananatili pa rin yaon sa nasabing tula ni Mabanglo.

Sakali’t napakarahas ng gayong pagsipat, marapat pa ring tingnan si Pinay bilang sinapupunan na “nagluluwal ng masa” at “nagpapalawig at kumakatha ng pakikibaka ng masa” kung ilalapat ang kritika ni Labrador. Na bagaman kinakailangang danasin ni Pinay ang kasalukuyang pang-aapi at pagpapahirap, “susupling sa kaniyang mga palad ang mga sandata laban sa pang-aapi; at sa kaniyang mga palad din makatatagpo ang masa ng inaasam nitong kalayaan.” Sa ganitong pagkakataon, si Pinay bilang sinapupunan ay baog at hungkag. Paanong susupling ang “sandatang mapagpalaya” sa palad ni Pinay kung mismong si Pinay bilang persona sa tula ay handang magpaalila para lamang sa materyal na kaginhawahan ng buhay? Kung wala siyang pakialam kung “itakwil” ang pagkatao-pagkamamamayan-pagkabansa basta lamang makamit ang inaasam na salapi o luho? Kung malabo ang kaniyang pinagtutuunang pangarap at palaasa sa diyos na magpapatibay sa kaniya? Napakarupok na hulagway at sagisag si Pinay; at ang kaniyang kalayaan at ang kalayaan ng kaniyang mga kaanak at ng Filipinas ay marapat lamang umabot sa antas ng kaniyang naunsiyaming karunungan. Hindi gumanap ng pangunahing papel si Pinay bilang mapagpalaya sa tula; bagkus ibang kaakuhan ang mahihinuhang gaganap niyon para sa kaniya. Matagal nang inuyam ni Benigno Ramos ang gayong asal na palabalak: “Sa makuha at sa hindi ang mahal mong kasarinlan/ hindi iyan ang sa amin ay lubos na kailangan,/ kami’y walang dapat gawin kundi pawang balak lamang/ at pagkatapos magbalak, magbalak ng iba naman…/ Filipinas, aming bayan/ sa balak ka mamamatay!  [20] //

Sa kabila ng lahat, maaaring titigan ang sagisag na Pinay bilang tagakatawan ng kapangyarihang ibig manaig sa pook mismo ng kolonisasyon. Ang pananatili ng persona sa kaniyang employer at sa Singapore ay pagpapalawig sa dati nang paniniwalang “mapagtiiis,” “matibay,” at “di madaling igupo” ang OFW o ang Filipino. Na tinitingnan lamang ni Pinay ang Singapore bilang kasangkapan upang maabot niya ang mithi. Kung susundin ang gayong pangangatwiran, higit na lilitaw na materyalistiko nga si Pinay (o ang Filipinas); walang pakundangan ang kaniyang pagkasubersibo hangga’t kikita ng salapi kahit pa malagay sa panganib ang buhay. Bukod pa, mahihiwatigang negatibo ang sipat sa mga halagahang Filipino na “pagtitiis”o “pagkamatiisin” at “pagkamatibay.” May hanggahan lahat yaon, ayon sa Katipunan, at dapat nakasalig sa katwiran o dili kaya’y sa tunay at dalisay na pag-ibig: hindi lamang para sa kadugo o sa bayan, kundi maging sa kaakuhan mismo ni Pinay.

Mahalagang balikan ang masusing teorya [21] ng pagsipat na ginawa ng batikang historyador Zeus A. Salazar hinggil sa “Kabansaan,” “Katipunan,” “Kabayanihan,” at “Himagsikan.” Maihahanay sa isang panig ang mga konseptong gaya ng “Nasyon” (Nación), “Filipinas” “Rebolusyon” (Revolución), “Hero” (Heroe) na pawang itinaguyod ng mga ilustrado, creole, at mestisong kastila na siyang mga elite. Sa kabilang dako’y maipaglalangkap naman ang mga konseptong gaya ng “Inang Bayan,” “Haring Bayang Katagalugan,” “Himagsikan,” “Katipunan,” at “Bayani” na pawang itinaguyod ng mga anakpawis na gaya nina Bonifacio at Jacinto. Malaki ang kaibhan ng dalawang pangkat ng mga salita, kung pagbabatayan ang kasaysayan ani Salazar, na marapat lamang isaalang-alang upang mabatid ang kasalukuyang kalagayan ng pagtingin sa kabansaan.

Kung ilalapat ang teoryang pangkasaysayan ni Salazar sa tula ni Mabanglo ay walang pasubaling guguho ang anumang paimbabaw na linyang pampolitikang ibig ipahiwatig ng personang si Pinay. Si Pinay ay mahihinuhang supling ng mga diwaing iisa ang pinaroroonan: na nasa banyagang gahum na pampolitika’t pang-ekonomiya ang kaligtasan ng bansa o OFW; na nasa pagpailalim na iilang maykaya ang kaligtasan ng mga dukha; na sinisipat ang Singapore gaya ng dating pagsipat sa Espanya, Amerika, at Japan na pawang pinaniwalaang makapagsasalba sa Filipinas; na ang kalinangang inaangkin ni Pinay ay kalinangan ng tagalabas imbes na Inang Bayan (Filipinas); na maiisipan lamang marahil ni Pinay ang kung anong rebolusyon kung nagsimula na’t lumaganap ang himagsikang itinaguyod ng mga kapwa niya anakpawis doon sa sariling bayan.

Salungat ang diwaing “kabayanihan” ni Pinay kung sisipatin sa punto de bista ng mga anakpawis ng Katipunan. Taglay ng isang “bayani” halimbawa ang malinaw na lunggati para sa kaniyang kapwa, bayan, at pangkat. Ang kaniyang pagkilos ay hindi sumasalungat sa sariling lipunan ni sa kalikasan. Sadyang taglay din niya ang “mataas na kalooban” at laging nauunawaan ang sariling lipunan at ang taal na kultura. Kapiling siya ng iba pang anakpawis na naglalayong itaguyod ang kabansaan. Hindi siya magpapakitang gilas na kinakaya niya ang hirap ng pagiging alipin sa Singapore. Higit sa lahat, hindi siya papayag na apihin ng banyaga. Kung hindi’y karapat-dapat lamang siyang ituring na “taong labas.” Si Pinay, samakatwid, sa tula ni Mabanglo, ay salungat sa itinakdang pamantayan ng Katipunan nina Bonifacio at Jacinto. Siya ang hulagway na ibig itampok ng mga banyagang mananakop na laging tinatangkilik ng mga maykayang iilan sa kontemporanyong Filipinas. Ang masaklap, ang iyaking si Pinay ay lilitaw na “héro” kung ang mambabasa ay matitigatig ng kaniyang pabulalas, madamdaming pagngawa para sa sarili. Datapwat paano kung hindi?

Liham bilang Sagisag na Lukót

Maraming maging silbi ang “liham” ni Pinay. Ang liham-kung ito ay iniuukol lamang sa isang tao o kamag-anak-ay magbubunyag ng mga personal na pagdidili-dili ng sumusulat. Maglalantad din ito ng kaniyang masasayang karanasan, o kung hindi man, ng ilang mapapait na karanasang kaniyang sinapit sa ibang pook na hinimpilan. Bukod pa rito, mababanggit na habang naglalantad ng katotohanan ang isang sulat ay nag-iiwan din ito ng maluwang na puwang na marapat punuan ng sinumang babasa na matalik sa lumiham. Ang naturang puwang ay marahil madaling maiintindihan ng sinumang malapit sa puso ng lumiham kung ang mga ginamit na pananagisag ay kapwa matalik sa nagtatalastasan. O kaya’y higit na magpapalabo ng kanilang pagkakakilala sa kaibigan o kaanak na sumulat kung ang paraan ng pagliham ay taliwas sa mga bagay na nakasanayan nila hinggil sa pagkakabatid at pagpapabatid. Makapagpapalabo rin sa liham kung pagbabatayan ang kasalukuyang nadarama o iniisip ng bumabasa; ang antas ng kaniyang kaalaman hinggil sa mga nakaraang pagbabasa ng sulat; at ang tumpak na paghagip sa mga sagisag na ibig na ipaabot ng lumiham. Kaya ang “bukás na liham” ay hindi kailanman magiging aninag (basahin: transparent) o lantad hangga’t ang paraan ng pananagisag ay malabo, maligoy, walang tiyak na direksiyon, at peke ang dating sa kalooban ng bumabasa.

Ang “Liham ni Pinay mula sa Singapore” ay naglulugar sa mambabasa doon sa isang madilim na sulok upang mabulabog ang kaniyang pandama. Ang “liham” ay masisipat na malabo, palsipikado, at napakalawak kung itatampok sa personal na antas ng mga kaanak ni Pinay. Halimbawa, pinakakaraniwan na sa mga Filipino ang pangungumusta ng lumiliham ngunit ni hindi man lamang ito binanggit sa tula. Ni hindi rin binanggit ang unang impresyon ni Pinay sa Singapore nang lumapag halimbawa ang eroplano sa paliparan. O kung ano na ang kaniyang kinakain, suot na damit, at tiyak na tirahan sa kasalukuyan. Higit na nakasentro ang sulat hinggil sa “malulupit” na dinanas ng persona mula sa isang dukhang nayon sa Filipinas hanggang sa maringal na lungsod ng Singapore. Na bagaman posibleng totoo ay lilitaw pa ring melo-dramatiko (basahin: overacting) kung isasaalang-alang ang kabuuang talakay sa tula. Pansinin: kung totoong labag sa loob ni Pinay ang maging katulong sa Singapore, bakit naman siya pumayag at nagtungo pa roon? Disin sana’y pumasok na lamang siyang entertainer sa Japan at nang maaliw pa siya kahit paano. Kabaliwan ang gawi ni Pinay, lalo sa pagkakataong ngumangawa pa siya’t kinaaawaan ang sarili upang kaawaan lalo ng kaniyang mga kamag-anak sa Filipinas. Huwag sabihing wala siyang mapagpipilian. Mayroon. Dangan lamang at hindi niya alam kung ano ang dapat gawin sa buhay. O sadyang malayo sa realidad ang kaniyang isip at pandama.

Sa kabilang panig, masisipat din ang “liham” na makitid at salat sa panlahatang detalye kung ibabatay naman sa panlipunang antas na ginagalawan ni Pinay bilang Inang Bayan, o bilang OFW, o bilang karaniwang mamamayan. Ang tula ni Mabanglo ay lilitaw na nagtatangkang paghaluin ang mga aspektong “panlahat” at “pang-isahan.” Nagbunga yaon ng kahinaan sa tula; at sa dalawang aspektong binanggit, nabubunyag ang sapilitang paglalatag ng mga sagisag upang kagyat na malagom ang samotsaring karanasan. Halimbawa, binanggit ni Pinay ang “pangarap” (panlahat); ngunit hindi naman isinaad ang pinagmulang “propesyon” (pang-isahan) niya. O ang “pangarap” (panlahat) bilang propesyonal na manggagawa (malabo/panlahat) katapat ng “pangarap na materyal na luho” (malinaw/pang-isahan). Maihahaka na sadyang may panlahatang lunggati ang mga OFW, gaya ng makapagtrabaho at kumita nang malaki-laking salapi kung ihahambing sa batayang pasahod sa Filipinas at nang sa gayon ay mairaos sa hirap ang pamilya. Subalit alinsunod din yaon sa abot ng kanilang panlahatang kasanayan, kaalaman, at karanasan: bilang katulong, inhinyero, siyentista, o sex worker. Ang mapanlagom na katauhang “Pinay” kung gayon ang isang balakid na nabigong igpawan sa tula.

Sa isa pang pagsipat, ang liham ni Pinay—kung susuriin bilang “bukás na liham”—ay agad ding mapupunit. Kung ang ibig ng persona ay ihayag sa kaniyang kaanak o bayan ang malupit niyang karanasang sinapit sa Singapore, hindi na siya magpapaligoy-ligoy pa. Bagkus, isasaad niya ang mga detalye mulang ahensiyang kaniyang pinag-aplayan hanggang inmigrasyon ng Singapore at sangay ng Kagawaran ng Ugyanang Panlabas (DFA) ng Filipinas; ang panloloko sa kaniya ng among Singaporean mulang pasuweldo hanggang paglabag sa kasunduang nilagdaan sa oras ng sapat na pamamahinga ng empleado matapos magampanan nito ang trabaho; ang mga nakasama sa bahay ni Pinay, na ipagpalagay nang iba pang Filipinong naroroon sa tinukoy na gusali; ang pagtatago sa pasaporte ni Pinay ng kaniyang amo, halimbawa, at iba pa. Ang liham ni Pinay ay lilitaw na hinalaw mula sa mga pahayagan at kulang sa saliksik o interbiyu; inihaka nang sablay ng makata sa kaniyang pagtula; at kapos sa pagsasaad ng mga impormasyong kinakailangan sa matagumpay na pagpapagitaw ng damdamin at iniisip ng mambabasa. Higit sa lahat, kulang sa sining ang pagkatha ng liham at hindi nalalayo sa ipinadadalang “Liham sa Editor” doon sa mga pahayagan o tabloyd.

“Liham” ang magbubunyag kay Pinay hinggil sa kaniyang pagkatao, o sa anumang kaniyang kinasapitan. Ito ang lunan na papalooban ng persona upang ang “pabatid” at si “Pinay” ay maging isa. Ang kapwa talinghaga, bagaman may posibilidad ng pagsasalikop, ay kinakailangan ding maghayag ng ilang katangian na bagay at matatagpuan lamang sa bawat isa. Ang “liham” na naging “Pinay” ay malabo ang anyo mulang pahiwatig ng pagkakasulat; at si “Pinay” na pumasok sa “liham” ay kinapos sa kaakuhan upang mailantad ang tunay niyang pagkatao’t lunggati. Maidaragdag na ang personang bihag ng mapapait na tadhana sa Singapore ay pansamantalang nakalaya sa pamamagitan ng pagpapadala ng liham. Ang liham kumbaga ang nalalabing instrumento ng kapangyarihan ni Pinay. At ang inaasahang pagdating ng liham-tugon ng mga kaanak mula sa Filipinas para kay Pinay-kung mayroon man at kung matutupad-ang maihahakang pagtatangkang maibalik sa katauhan ni Pinay ang “katwiran” at “liwanag.” Ang naturang liham-tugon ang maaaring pumuno rin sa sagisag na “kaginhawahan” na mailap sa kalooban ng persona. Dapat idiin ditong walang masama sa pagkasangkapan sa “liham” bilang paraan ng pananalinghaga sa tula. Nasa kamay pa rin ng makata kung paano niya gagamitin ang gayong midyum. Sa panig ni Mabanglo, hindi na kalabisan marahil kung sabihing pagsisinungaling ang pag-aming nagtagumpay nga siya sa gayong pamamaraan.

Walang sariwang pananalinghagang naiambag ang “Liham ni Pinay mula sa Singapore” sa kabuuang daloy ng Panulaang Filipino. Ang nasabing tula ay kapwa halimbawa at salamin sa panahon ni Mabanglo kung paano nabalaho nang matagal sa isang yugto ang mga linyadong makatang inunsiyami ng Dekada Sitentang aktibismo-na umalingawngaw hanggang sa feminismo, kabaklaan(ismo) at iba pang “ismo” sa Filipinas nang ipinid ang nakaraang milenyo. Kaya napakahalagang balikan ang sinambit ni Mabanglo sa kaniyang panayam sa UP Diliman noong 11 Agosto 1989.

May prerogatibo ang bawat makata sa paghabi ng pamamariralang magluluwal ng kanyang talinghaga. Gayunma’y marapat na natatanto niya ang lahat ng implikasyong kaakibat ng pamimili niya ng salita. Ang pagtula ay hindi basta pagsasalpak ng mga salitang bubuo ng taludtod na kapagkuwa’y magiging saknong. Babae at [sic] lalaki, may pananagutan ang makata sa kanyang talinghaga. [22]

Totoong may pananagutan ang makata sa kaniyang sining—o sa talinghagang kinasangkapan niya—sa pagbubunyag ng diwain at pagtula. Napakahalaga rin ang pagsasaalang-alang sa maingat na paggamit ng mga salita, anumang wika ang pinagbatayan nito. Kung susundin ang naturang poetika ni Mabanglo, walang pasubali’t malinaw na halimbawa ang “Liham ni Pinay mula sa Singapore” kung paano pumipiglas, humuhulagpos palayo sa mga palad ng makata ang mga salita’t talinghaga. Isang parikala na marahil ang gaya lamang ni Elynia S. Mabanglo ang makapaglilinaw nang tapat.  

MGA TALA

[1] Basahin ang introduksiyong sinulat ni Roderick Niro Labrador sa aklat na Anyaya ng Imperyalista ni Elynia S. Mabanglo.

[2] Basahin ang pinakabagong ulat hinggil sa Overseas Filipino Worker sa Manila Times, 7 Hunyo 2000.

[3] Kabilang ang tulang “From Saudi with Love” sa kalipunang Pasintabi ng Kayumanggi ni Ariel Dim. Borlongan. Si Borlongan marahil ang isa sa mga unang matapat na nagsatula ng buhay-OFW sa ibang bansa nitong kontemporanyong panahon. Maituturing nang klasiko ang kaniyang tula na nagwagi ng unang gantimpala sa timpalak Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 1988.

[4] Mauugat ito mula sa Griyegong mito ni Icarus na tumakas sa Crete sa pamamagitan ng mga pakpak na nilikha ng kaniyang amang si Daedalus, ngunit namatay nang lumipad malapit sa araw at natunaw ang pagkit ng mga pakpak. Posible ring tumukoy ito sa alamat ng gamugamo, o ng alitaptap; o sa alamat kung paano nagkaroon ng pakpak ang gaya ng paniki at uwak.

[5] Salitang unang ginamit ni Virgilio S. Almario sa panunuring pampanitikan, na maituturing ding “patalastas” na kasalungat ng “panambitan.” Basahin ang kaniyang aklat na Taludtod at Talinghaga (1984).

[6] Tiyak na pupuwingin ng dakilang makatang Tagalog at kritiko Iñigo Ed. Regalado ang pabarók na pamamaraan ng pananaludtod ni Mabanglo. Para kay Regalado, “mapipilay ang tula at mahihilahod ang dila ng bábasa o bibigkas” kung basta na lamang magtatanggal ng mga pantukoy o pangatnig sa taludtod o sa saknong. Mas pinagtuunan ni Regalado ang may sukat na tula, lalo sa tulang Tagalog. Samantala’y malayang taludturan naman ang ginamit ni Mabanglo, kaya ano pa ang dahilan para magtanggal ng mga pangatnig o pantukoy sa tula? Para maging maaliw-iw ang bigkas? May tumpak na pamamaraan para sa pagpapaikli ng mga taludtod. At ang pahintulot na maaaring gamitin ng makata, ayon kay Regalado, ay ang tinatawag na (1) pagkakaltas, ang pag-aalis ng isang titik o isang pantig sa isang salita, halimbawa “kabiyak” na magiging “kabyak”; (2) pagpupungos, ang pagbabawas ng isa o ilang titik sa unahan o sa loob ng isang salita, gaya ng “nuha” na mula sa “kinuha”; (3) pagsusugpong, ang pagkakabit ng dalawang salita na kung minsa’y kinakaltas ang huling pantig ng una at ang unang pantig naman ng ikalawa, ng dalawang salitang pinag-isa, nang hindi nababago ang katutubong tunog at kahulugan ng pinag-isang dalawang salita, gaya ng “ayoko” na mula sa “ayaw ako” o “hamo” na mula sa “hayaan mo.” May iba pang mungkahi si Regalado hinggil sa pagpapaikli ng mga taludtod, subalit ang tatlong nabanggit ang pinakapangunahin na sa panulaang Tagalog. Para sa karagdagang impormasyon, basahin ang kaniyang sanaysay na may pamagat na “Ang Pahintulot.”

[7] Mauugat ang “pananda” sa “pang + tandâ.” Ang “pang” na unlapi ay nagsasaad ng pagkilos, at kaya lilitaw na ang “pananda” ay isang bagay na ginagamit upang makita, mabatid, matiyak, o maibalik sa alaala ang nawawala, ang hinahanap, o ang malayo sa tao na nagsasalita. Sa Diksyunaryo-Tesauro (1972) ni Jose Villa Panganiban, ang “pananda” ay singkahulugan ng “marker” o “memory teaser.” Ang “pananda” samakatwid ay lalantad na mali ang gamit sa tula kung pagbabatayan ang salin nina Mabanglo at Roderick Niro Labrador. Ang “pananda” ay tinumbasang “memory” sa Ingles. Para sa karagdagang impormasyon, basahin ang saling Ingles na “Pinay’s letter from Singapore,” mp 54-55 sa Anyaya sa Imperyalista.

[8] Maaaring tumukoy ang “pangarap” sa dalawang bagay. Una, sa panaginip. At ikalawa, sa ambisyon o anumang ninanasang makamit ng isang tao. Malinaw ang ganitong kaibhan sa mga naunang tulang Tagalog. Maihahalimbawa ang tulang “Pangarap” (1924) na sinulat ni Juan C. Bugarin at tumutukoy sa unang pakahulugan. Sa tulang “Panghihinayang” (1918)  ni Florentino T. Collantes, ang gamit ng “pangarap” ay tumutukoy sa ikalawang pakahulugan: “Kung ngayon ma’y tag-ulan di’y di tag-ulan ng pangarap/ Kundi ngayon ang panahong libingan ng kulang palad”/…

[9] Ayon sa Diksyunaryo-Tesauro (1972) ni Jose Villa Panganiban, ang “simpan”-na isang pangngalan-ay buhat sa salitang “sinupan” na mahihinuhang mauugat sa “sinop + an.” Bilang pang-uri, ang “sinimpan” ay mangangahulugang “tinipid” o “inipon.”

[10] Ang “Pinay” ay mauugat sa balbal na salitang “Pinoy” at tumutukoy sa babaeng Filipino. Tinatayang unang ginamit ang salitang “Pinoy” ng mga Filipinong manggagawa sa United States noong mga dekada 1920-1930; at katunayan, isang kuwentong Tagalog ni Carmen A. Batacan, na pinamagatang “Isang Dayuhan,” ang bumanggit sa “Pinoy’s Inn” na mahilig puntahan umano ng mga Filipino roon at matatagpuan sa Daan Washington, Stockton, California, USA. Tubong Tundo, Maynila si Batacan, ilang ulit nagwagi sa timpalak sa kuwento ng Liwayway at Taliba; dating patnugot at pabliser ng Sine Natin, isang uri ng magasin na buwanan ang labas.

[11] Tulang binigkas ng may-akda sa Teatro Zorilla noong 1924, at isinama ni Teodoro A. Agoncillo sa kaniyang hindi pa nalalathalang antolohiya ng mga makatang Tagalog.

[12] Basahin ang tulang “Ina” ni Filomena T. Alcanar, na nalathala sa Taliba noong 1 Disyembre 1928. Kasapi si Alcanar sa Kapisanang Ilaw at Panitik, at itinuring siya ni Teodoro A. Agoncillo “na di lamang makata, kundi isa rin namang mapang-akit na mambibigkas, matalinong kuwentista, at may kaunti pang pagkamandudula.”

[13] Sinulat ni Balmaseda ang tula para kay Epifania Alvarez na lumaban sa bigkasan ng tula; at nalathala sa Liwayway noong 1924.

[14] Para sa karagdagang paliwanag, basahin ang pagsusuri na ginawa ni Virgilio S. Almario sa Panitikan ng Rebolusyon(g) 1896.

[15] Mula sa “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog,” ni Andres Bonifacio.

[16] Tumutukoy ang “Katipunanismo” sa lawas ng mga kaisipang binuo ng gaya nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, at batay sa pinagsanib nilang mga akda sa Tagalog. Kinasangkapan ko sa panunuring ito ang teorya ng himagsikan ng Katipunang unang binuo ni Zeus A. Salazar. Basahin ang unang talakay ko rito sa Hulagway, Isyu I, Bilang 3, 1999.

[17] Mula sa “Liwanag at Dilim” ni Emilio Jacinto.

[18] Mula sa tulang “Ilang Huwag Lamang” ni Ismael C. Almazar, na nalathala sa Taliba noong 1922. Tubong Baliwag, Bulakan ang makata at may pitak patula sa nasabing diyaryo noon.

[19] Sinulat ni Filomena T. Alcanar at nalathala sa Liwayway noong 1 Setyembre 1923.

[20] Huling saknong ng tulang “Independence Congress” ni Benigno Ramos, nalathala sa Pagkakaisa, sirka 1929-1930.

[21] Basahin ang talakay dito ni Zeus A. Salazar, na malalim niyang naipaliwanag sa “Wika ng Himagsikan, Lengguwahe ng Rebolusyon” (Bakas, 1999); at “Si Andres Bonifacio at ang Kabayanihang Pilipino” (Bakas, 1997). Maaari ding sumangguni sa kaniyang akdang “Ang Babaylan sa Kasaysayan ng Pilipinas” (Bakas, 1999) at “Ang ‘Real’ ni Bonifacio bilang Teknikang Militar sa Kasaysayan ng Pilipinas” (Bakas, 1997). Maraming binubuwag na moog sa larangan ng kasaysayan si Salazar, at walang pasubaling nasa pinakaunang hanay siya ng matitinik na historyador at mananaliksik na maipagmamalaki ng bansa sa kasalukuyang panahon. Tiyak na iismiran si Salazar ng mga kaliweteng Marxista, sosyalista, at marahil ng ilang feminista, dahil sa progresibong pananaw niya hinggil sa bayan at kabansaan. Ngunit ngayon pa lamang ay tiyak nang mahihirapan ang kaniyang mga katunggali na ibagsak siya sa mataas na luklukang kahanga-hangang nakaugat nang malalim sa katutubong dalumatan.

[22] Basahin ang sanaysay ni Elynia S. Mabanglo sa Ani, tomo 3, bilang 3, Setyembre 1989. Mabalasik ang kritika ng makata sa mga lalaking kamakata, na kung tititigan nang maigi ay nag-iiwan ng maraming tanong kaysa sagot. 

10 thoughts on “Liham ni Pinay: Kritika sa tula ni Ruth Elynia S. Mabanglo

  1. sobrang nakakahanga!!!
    idol ko po kau!
    sobrang gulat ko kasi po noong nakaraan pinag-aralan namin ang inyong ginawang tulan “liham ni Pinay” sana’y po’y marami pa po kaung magawang journal! godbless poh!!!sana po ay magawaan nyo rin po ako, salamat po!

    Like

  2. nauunawaan ko po at maraming salamat po sa pagpapaunlak.at pasensiya na rin po kung medyo huli. mangayari po’y sa anong paraan ko po ba pwedeng maipadala ang aking tula para mabasa makilatis na po ninyo?

    Like

Mag-iwan ng puna

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.