Binatilyo

(para kay Aman)

Haharap ka sa salamin isang umaga, at ang hulagway sa loob ng salamin ay magwiwika ng bumubukad na bagwis. Lalabas sa iyong bibig ang kakaibang tilaok, kaya hihimasin mo nang may pagtataka ang maumbok na lalagukán. Maiisip mong naghunos ang iyong kayumangging balát, at ikaw ngayon ay waring tigulang na pumapaibabaw sa alon at nagpapaamo ng simoy. Tatalas ang iyong paningin, na babagayan ng malalantik na pilik at makakapal, maiitim na kilay. Lumalapad na ang iyong balikat, bumubulas ang lawas, humahaba ang mga binti at bisig. Kakausapin mo ang sariling hulagway na may bigoteng pusa, at tatanungin kung anong ano ang ngalan. Sasagutin ka niya nang walang kurap, at ikaw ay mapapailing kung hindi man mapapakindat. Mapuputol ang inyong usapan, at tutunog nang di-inaasahan ang iyong selfon. Kakausapin mo ang nasa kabilang linya habang sinusuklay-suklay ng mga daliri ang malalambot na buhok. Ilang sandali pa’y may kakatok sa pinto, at pagbukas mo’y masisilayan ang dalagitang nakangiti at humahalimuyak na ilang-ilang ang kariktan. Babatiin ka niya, saka mo mababatid na ibang klase ang umibig, at ibigin ang araw ng pagkakasilang mo, at pahalagahan nang lubos ang paglipad sa kung saang paraiso.

(2 Mayo 2008)

Advertisements