Pagtuklas sa sarili ang buod ng nobelang Ang Mundong Ito ay Lupa (2005, C&E Publishing) ni Edgardo M. Reyes. Si Ned, ang probinsiyanang muslak ngunit mapagsapalaran, ang pangunahing tauhang susuong sa daigdig na hitik sa sex, libog, balatkayo’t lagim ng paligid. Makikilala si Ned sa mga tauhang lalaking gaya nina Dick Almeda, Reggie Yumang, Bebot, Ben Bernalez, Mr. Vergara, Rod, Aris, Edmund, Jonas, at Gerry Sanciangco. At sa mga naturang lalaki rin mabubunyag ang mga kubling lunan ng prostitusyon mulang gay bar hanggang massage parlor tungong lansangang ginagalawan ng mga batang nagbibili ng aliw; o ang prostitusyon sa malawak na larangan ng kultura, sining, negosyo, at politika.
Ang “prostitusyon” na tinalakay sa nobela ay hindi nakaaaliw ni nakalilibog man lamang para sa mambabasa. Mabibigong makatagpo ng erotikong tagpo sa nobela, kahit sabihin pang ang mga usapan ng tauhan ay nalalahukan ng makukulay na kalaswaan. Sa halip, magigitla ang mambabasa sa walang direksiyong pagnanasa na malabo ang inaaasahang wakas. Halimbawa, kahit na pumasok si Ned kasama si Dick sa gay bar at nakapanayam ang mga sex worker, walang sasapol sa puso kundi ang maiitim na buhay ng mga kaluluwang napariwara. Sa iba pang tagpo, pagtatangkaang gahasain ni Bebot si Ned sanhi marahil ng labis na produksiyon ng hormone at pagkahaling sa babae. Ngunit hindi ito nailugar nang maigi, at ipinabatid na lamang sa mga mambabasa na gumamit ng droga si Bebot sa dakong huli ng nobela. Ang “prostitusyon” ay magkakaroon ng hugis at anyo kahit sa mga publikasyong gaya ng Kontak, sa mga obra ng mga manunulat at mandudula, sa mga paupahang-bahay at sinehan, at sa piling uri ng lipunan. At ang ruweda ng tunggalian ay sex, upang igiit ang kapangyarihan ng magkakaibang uri, kasarian, at paniniwala.
Napakahaba ng nobela ni Reyes ngunit nakababato; at puwedeng gamitin sa ehersisyo ng kisapmatang pagbabasa. Parang nagbasa ka ng ilang tomo ng Liwayway sa loob ng kubeta dahil hindi mo mailabas ang sama ng loob. Mahihinang bahagi ang talakay sa pasulatan ng Kontak, na tila ba ang dapat lamanin ng nasabing babasahin ay pulos sex at dahas lamang. Walang alternatibong solusyon ang inihahain ng nasabing babasahin, kahit kunwang ibinubulgar nito ang mga nagaganap sa buhay ng puta, masahista, mananayaw, bugaw, politiko, artista, at iba pa. Mahina rin ang paglilinang sa katauhan ni Dick, ang baklang editor o editor na nagkataong bakla, at siyang nagnasa kay Reggie. Mapagdududahan din si Reggie, dahil mahirap mabatid kung nagsasabi nga siya ng totoo hinggil sa relasyon nila ni Dick, at iyon ang ibig niyang ipaabot kay Ned.
Walang bayani o bida, sa tradisyonal na pakahulugan ng bayani o bida, ang matutuklasan sa nobela. Lahat ng tauhan ay may kahinaan; at ang bawat kahinaan, kapag pinag-ugnay-ugnay, ang magiging tagapagligtas ng nobela upang hindi lubos na maitapon iyon kung saan.
Nakasalalay sa katauhan ni Ned ang magiging daloy ng nobela. Nangarap si Ned na maging sikat na mandudula, ngunit ang buhay pala niya’y maituturing na isa nang dula, at siya ang pangunahing tauhang lalansihin, liligawan, lalapitan, at lalayuan ng iba pang tauhan sa nobela. Kahanga-hanga rin ang mabilis na paghanga sa kaniya ni Dick. Isang artikulo pa lamang ang nasusulat ng dilag ay tinawag na agad siyang “writer” ng kaniyang editor! Nasayang naman ang mga tauhang gaya nina Fe, Mrs. Coromina, Marita, Estela. Makaraang dumaan sila sa buhay ni Ned ay walang kapahe-pahesus na naglaho sila.
Ano’t anuman, binabasag ng nobela ang ilang lihis na paniniwala hinggil sa sex, kasal, at pagmamahal. Una, hindi kailangang birhen muna ang babae para pakasalan at ibigin. Ikalawa, ang kasarian ay hindi mahalaga sa mga tao na tunay na nagmamahal. Kaya ang “girl, boy, bakla, at tomboy” ay mabubura ang hanggahan, at ang lantay na pagkatao ang mananatili. Ikatlo, ang prostitusyon ng sex ay hindi lamang pinagkakakitaan ng mga bugaw, puta, at negosyante; pinagkakakitaan din iyon kahit ng mga institusyong dapat mangalaga sa mga sex worker, gaya ng gobyerno, pulisya, at mass media. Ikaapat, ang sex ay magiging mekanikal na paraan lamang at wala nang iba pang silbi kung salat sa pag-ibig ang tao. Isusumpa ang sex kapag nabasa ang interbiyu halimbawa ni Ned sa mga sexy at macho dancer, o kaya’y sa mga batang pinagkakakitaan ang sex.
“Lupa” ang talinghaga na ginamit ni Reyes sa kaniyang nobela. Kaunting hirit pa’t magiging gasgas na ang kaniyang pamagat, na mahahawig sa awit ni Pilita Corrales at ni Rico J. Puno. At hindi lamang sa pamagat. Nakapadron wari ang akda ni Reyes para sa gaya ng Liwayway na dating binabatikos niya—at ng mga kasama niyang manunulat ng Agos sa Disyerto—noong editor pa ng Bagong Dugo si Liwayway A. Arceo. Ngunit higit na matino ang kay Aling Lily, kaysa sa panahon ni Rodolfo Salandanan. Walang latoy at komersiyal ang prosa ni Reyes ngunit mapanggulat, lalo sa paggamit ng mga salitang balbal at bulgar. Madaling hulaan ang susunod na pangyayari.
Ano’t anuman, nagbabago ang lahat sa paglipas ng panahon, gaya ng panlasa ng mga mambabasa at ang pagbabanyuhay (metamorposis) ni Ned sa nobela. At malaki pa rin ang magagawa ng bait para mapili nang tumpak ang landas na tatahakin, at ang landas ng pagtuklas ng sarili.
Malayang isiping nakapanghihinayang ang tema at paksang tinalakay ni Reyes. Nauyot ang nobela sa pagtatampok ng pag-iibigan at kalaswaang ni walang bahid ng erotika, ni walang halina, ni walang “datíng,” kung hihiramin ang dila ni Bienvenido Lumbera. Litanya wari sa kolum ni Xerex ang mga tagpong binanggit sa nobela, at halos hindi nalalayo ang talakay sa mga tampok na lathalaing delikadong langawin. At ang pinatututsadahan ni Reyes na “prostitusyon” hinggil sa komersiyalismo ng pagsusulat ay waring kinasadlakan din niya.
Wari nga’y ganyan ang nobela ni Reyes sa ipinahihiwatig ng iyong pagbasa sa kanya. Subalit di kaya na ang nobelang Ang Mundong ito ay Lupa ni Reyes ay gayun dahil ang paksa ay ang kamunduhan na halos walang kawawaan? Ewan ko po kong napagbabasa niyo ang ibang akda ni Reyes gaya ng Sa Mga Kuko ng Liwanag o ang kanyang katipunan ng mga maiikling kuwento sa Sa Aking Panahon. Di kaya masyado naman yatang naging negatibo ang inyong basa sa Ang Mundong Ito ay Lupa? Ako’y panaka-nakang nagbabasa ng mga akda sa sariling wika at buhat nang matukyan ko ang inyong Alimbukad ay naging palagian na ninyo akong bisita at anong dami ang natututunan ko sa inyong pamumuna. Salamat sa iyo at ako’y namulat na ang ating mga akda sa sariling wika ay may binatbat din naman pala at di dapat ismolin ng kahit sinong nagbabasa. Ituring niyo akong isang tagahanga. – Tumbas ‘JB’ Manipis
Bgy. Cotta
Lungsod ng Lucena
LikeLike
Walang pasubaling mahusay si Edgardo Reyes bilang mangangatha, at marami siyang higit na mahusay na nobela at katha kompara sa Ang Mundong Ito ay Lupa. Ngunit gaya ng aking nasabi na’y marupok ang nobela, at pagsisinungaling kung sasabihin kong maganda ang nobela at di-kumbensiyonal.
LikeLike
Simpleng prosa ang nobelang “Ang mundong ito ay lupa”. Ang kanyang mga metapora ay simple at madaling maintindihan. Wala nang mga chechebureche.
Mahalaga ito dahil sa konteksto ng akda, panahong katatapos lang ng EDSA Revolution. Maari itong magsilbing inter-text ng iba pang mga akdang naisulat tungkol sa panahong iyon (na iilan din lamang).
Hindi naman kasinungalingan kung sabihing ang nobela’y maganda. Hindi rin ito marupok sa halip ay buong buo pa nga. Ang kagandahan nga ng nobelang ito’y iniiwan na lamang sa imahinasyon ng mambabasa ang ilang mga bagay na tila nakaligtaan o kaya’y binitiwan. Ano na lang ang mangyayari kung ikukuwento isa-isa ang nangyari kay Bobet bago siya bumalik kay Ned o ang tungkol kay Fe. Mapupuno lang ang nobela ng mga bagay na hindi naman natin kailangan pang mabasa. Nakatuon si Reyes sa pagkukuwento ng mga bagay na kailangan nating malaman.
Maganda ito dahil madali itong intindihin. Diretso at simple, walang pagkukunwari. Nagmumukhang napakadaling intindihin ng sulatin dahil madali talaga ito. Ngunit hindi ibig sabihing napakadali nitong sulatin. Ang estetika ni Reyes ay nakikita through and through sa kanyang naratibo at sa mga tauhang kanyang nililikha.
Wala itong ambisyong maging di-kumbensyunal, kung ‘yun ang hinahanap. Bakit pa? Tapos na si Edgardo Reyes sa mga maasim at mabibigat na nobela tulad ng Sa mga kuko ng Liwanag at Laro sa Baga. Ang turing niya ay pagturing ng isang kamay na bihasa nang magsulat tungkol sa mga bagay na madalas na niyang paksain: ang siyudad. Bold move itong pagrerelax ni Reyes. isang bagay na hindi magiging pribilehiyo ng manunulat na mas mababa ang kalibre.
Palagay ko, hindi rin naman naghangad ang nobela na magukol ng kahit anong ispesipiko tungkol sa komersyalismo sa larangan nga pagsusulat. Dawit lang ito ng estilong realismo-naturalismo ni Reyes. Hindi ka naman makakapagsulat ng nobela tungkol sa mga manunulat nang hindi nasasama sa usapan ang tungkol sa kalakaran na sumasaklaw sa pagkamanunulat. Masyadong napipiga ang nobela kung ididiin nating ang detalyeng ito samantalang mas mahalagang makita ang kalakhan ng siyudad na lumalamon kay Ned.
Kung walang latoy at komersiyal man, dapat isipin na hindi naman ito ang nais ihatid ni Reyes. Makikita ito sa pagbabalanse ng tauhan ni Reggie Yumang. Kung panay kasi Sa mga kuko ng liwanag ang nakikita natin kay Reyes, nakakaligtaan natin na siya rin ang nagsulat ng PS I love you na pinagbidahan ni Sharon Cuneta. Maging ang pagiging manunulat ay ginawan niya ng mga complex na ikinukuwento sa isang simpleng paraan. Hindi ba’t kahit na magkaiba si Dick at Reggie, nagiging hit ang mga play nila dahil sa kombinasyon ng kanilang talento. Dito sa parteng ito tunay na inalis ni Reyes ang mga hangganan.
Ang sa gender naman ay wala talagang inalis na hangganan. Kaya may Boy, Girl, Bakla, Tomboy dahil sa siyudad naman ay may Boy, Girl, Bakla, Tomboy din. Ganoon din sa Sodom at Gomora bago gunawin ng Diyos. Kailangang ding unawain kung bakit hindi ginawa ni Reyes ang mga inaasahan nating gagawin niya sa nobela tungkol sa unang pakikipagtalik ni Ned. In poor taste kung pipilitin ang erotica kung hindi naman ito mahalaga. baka mawala lang sa focus.
Sa mga ganitong ehemplo lalong lumilitaw na kapuri-puri ang kawalan ng insecurity ni Reyes pagdating sa pagiging manunulat. Si Edgardo Reyes ang ehemplo ng husay na hindi nagmamagaling. Na siya namang puna ko sa ibang writer na panay mala-epikong paksain ang nais punteryahin samantalang napakaraming bagay na maaring isulat at gawing maganda.
Kung hindi man nito napantayan ang husay at kahalagahan ng Sa mga kuko ng liwanag, talagang ganoon. Mahirap higitan ang sarili lalo na kung ikaw si Edgardo Reyes.
Sana’y linawin din ninyo kung ang sinabing, walang “dating”, ay sinabi ni Lumbera tungkol sa nobela o isang salitang madalas niya lamang gamitin. Medyo misleading kung sakali. Hindi ito tama lalo na kung idadawit ang pangalan ng isang batikang kritiko. Ang ‘dating’ naman ay hindi monopolyo ni orihinal na gamit ni Bienvinido Lumbera. Kung sakaling ito’y isang termino na sikat dahil kanyang sinabi, dapat sigurong banggitin kung tungkol saan at para kanino dahil natural na iisiping sinabi ito tungkol kay Edgardo Reyes at sa nobela.
Paunlakan sana ninyo Mr. Añonuevo . Maraming Salamat at hiling ko na sana’y ma-review pa ninyo ang iba pang mga librong nasa mga bookstore ngayon.
Gumagalang,
Geronimo Cristobal, Jr.
LikeLike
Ginamit ko lamang ang konsepto ng “datíng” ni Bienvenido Lumbera, at kumbaga sa palaso ay lihis ang tama ng akda ni Edgardo Reyes. Kung nagandahan ka sa nobela ni Reyes ay salamat, at iginagalang ko ang iyong opinyon, ngunit sa aking palagay ay sadyang mababaw ang gayong nobela.
LikeLike
ang akda ni mr. reyes na “ang mundong ito ay lupa” ay tumutukoy sa realidad ng buhay………..ipinapakita lang rito ang tunay na kulay ng mundong ating ginagalawan……….
LikeLike
Sa bagong mambabasa, nakababato ang nobela ngunit mapapahanga sa huli. Ngunit para sa mga mahuhusay at hasa na, maaari ngang batuhin ang naturang aklat. Subalit kahit gayon, saludo ako sa’yo EMR.
LikeLike
May kanya-kanyang hagod sa pagsulat ang mga manunulat depende sa paksang nais sulatin. Gayundin naman ang mga mambabasa. Sa tagal na panahong sinusubaybayan ko ang mga likha ni Reyes ay masasabi kong isang banyuhay ang kanyang paraan ng pagsulat. hindi siya mahilig maglagi sa kinaugaliang kultura sa halip ay humahahanap siya ng paraan kung paanong ang kanyang mga akda ay magkakaroon ng iba’t ibang larawan.
Yan ang hindi batid ng nakararami. Na si EMR ay isang manunulat na kayang maglaro sa sa iba’t-ibang anggulo at paraan ng pagsusulat.
Marahil, sapat nang sabihin na ang mga pumupula sa kanya, bagamat nakauunawa ng wikang Filipino ay hindi kayang abutin ng isip ang kanyang mga katha.
LikeLike
isa sa mga premyadong obra maestra ni edgardo m. reyes ang nobelang ang mundong ito ay lupa na tiyak na kapupulutan ng aral. wari’y isinabuhay ang mga pangyayari na sadya namang nagaganap sa totoong buhay..
LikeLike
Ang masasabi ko lang, parang bitin ang wakas ng nobela. Mukhang minadali na lang at tinapos ng basta-basta na lamang.
pero sa kabuuan, masasabi kong tama ang komentaryo sa itaas, nakababato nga at malaswa kahit tingnan saanmang anggulo.
LikeLike
maganda ang nobela, ngunit marami itong paliguy ligoy kaya napakahirap igawa ng buod. pero napakaganda nitong nobela.
LikeLike
Sa mga mambabasa na hindi nakakaunawa ng sining ng nobela at maikling kwento ay talagang lalabas na “mababaw ” o nakababato ang nobelang Ang Mundong ito ay Lupa ni emr.
Ang paggamit ng mga “pahiwatig” sa pagsulat ng akda ay nangangahulugan lamang na hindi na kailangang banggitin sa mga mababasa ang kalalabasan ng mangyayari sa kwento. Kalokohang sabihin pa ang kinalabasan ng nangyari sa isang trahedyang tumalon sa ikawalong palapag ang isang tao. Alam na natin kung ano ang kinalabasan ng kanyang pagpapatiwakal.
Makikita sa mga akda ni EMR na likas sa kanyang istilo ang paggamit ng “pahiwatig”. Gaya ng nasusulat sa katapusan ng kanyang mga nobelang Sa mga KUko ng Liwanag at Laro sa Baga. Sa una, hindi naman nabanggit na namatay si Julio, sapat nang gamitin ang mga katagang “nagliparan sa hangin ang mga sandata at sa lupa ay nagsipagsayaw ang mga anino”. Sa nobelang Laro sa Baga, mababasang ang mga huling linya ay ganito: “nagmamadali siya gayong walang tiyak ang kanyang pupuntahan”.
Tapos na ang panahon ng matanda ang kinaugaliang istilo ng pagsulat na kung saan ay sa pamagat pa lamang at sa iilang hagod ng salita ay malalaman mo na ang magiging wakas ng kwento. Parang teleseryeng hindi pa man nagsasalita ang tauhan ay alam na ng manonood ang kanyang katagang bibitiwan.
I[agpaumanhin ninyo, ginoong Galletas, este Galletes na sa pagkakaalam ko ay hindi minadali ang pagkakatapos sa nobelang. Marahil ay kailangan lamang ng malalim na pag-unawa sa nilalaman ng nobela.
LikeLike
Mainam at nabasa ko ang mga [komentaryo] sa nobela ni EMR dito sa Alimbukad. Nagkaroon ako ng dahilan para magbasa ng kanyang obra. Huli kong nabasa ay ang ETSA-PUWERA ni EMR na mahaba rin ngunit nakaaaliw basahin.
Plano kong bumili ng nobela at saka ko babalikan ang mga pagpuna dito.
LikeLike
Ang kwentong ito ay napaka ganda kung ito iyong uunawain at isasa isip mabuti. Ang kwentong ito ay maraming papupulot na aral. lalo na sa panahon ngayun maraming kabataan ang napupunta sa maling daan
LikeLike
anong teorya ang pinaka akmang ilapat sa nobelang “ang mundong ito’y lupa”?
LikeLike
Kahit anong teorya ay magagamit na lente sa pagsusuri ng nobela ni Edgardo Reyes. Kung ang nobela, halimbawa ay may pagdulog na realista, maaaring gumamit ng teoryang sumusuhay dito. Maaaring gamitin din ang pananaw na Marxista na may kiling sa feministang pagdulog, kung ipagpapalagay na ang lipunan ay napaiikot ng mga puwersang may kontrol sa produksiyon, sex, at paggawa.
Sa madali’t salita, ang teorya ay isang kasangkapan lamang ng pagtanaw upang maunawaan ang salimuot ng nobela.
LikeLike
.. anu-ano pong mga tayutay ang ginamit sa nobelang ” sa mga kuko ng liwanag ?
LikeLike
Magbasa ka, iha, at ang mismong pamagat ng binanggit mong nobela ay maituturing na isang tayutay.
LikeLike
saang library po kaya ako makakahiram ng libro ni mr. edgardo m. reyes?nabasa ko po ang kwento nyo minsan sa liwayway magasin.napakaganda po kaya gusto ko pong mabasa pa iba nyang akda.
LikeLike
May mahihiram ka sa National Library (Maynila), Ateneo Library (QC) at UP Main Library (QC), o sa iba pang lokal na aklatan. Baka kahit sa eskuwelahan ninyo ay mayroon niyan.
LikeLike
sa mga d nkauunawa at di nkakappreciate sa nobela. hindi open-minded. ano bang silbi ng panitikan? kabuhol ito ng kasaysayan o mga pangyayari sa paligid. tsaka, si EMR, bilang isang makata, may ba’t ibang istilo ‘yan sa pagsusulat. Walang bitin, walang mababaw, walang nakakabato sa nobela, ganyan lng talaga.
LikeLike
Crush q c Ned…anu ky # nia? (*_^)
LikeLike