Filipino at ang Wika ng Pagtuturo

Hindi ko na sana papatusin ang usapin ng wika sa pagtuturo, ngunit nabasa ko noong 12 Setyembre 2008 ang pitak ni Maya Baltazar Herrera na pinamagatang Educating the Filipino sa Manila Standard Today at marapat sagutin. Payak lamang ang tesis ng kaniyang akda: Ingles ang dapat maging midyum ng pagtuturo sa mga paaralan, dahil ito ang wika ng negosyo. Ang Ingles umano ang magbubukas ng maraming oportunidad, at maghahain ng mga posibilidad, sa mga Filipino.

Kailangan ang Filipino sa negosyo at kalakalan.

Kailangan ang Filipino sa negosyo at kalakalan.

Ngunit makitid na puwang lamang ang ibig silipin ni Herrera sa paggamit ng Ingles bilang midyum ng pagtuturo. Hindi niya isinaalang-alang ang malaking posibilidad ng paggamit ng Filipino sa pagpapabilis ng modernisasyon ng agrikultura, siyensiya, teknolohiya, inhinyeriya, batas, kalusugan, at iba pang aspekto ng lipunan. Hindi nakita ni Herrera na higit na mahalaga ang kahusayan sa isang larang [i.e., field], at ang kahusayang iyon ay wala sa pagsasalita ng Ingles, bagkus sa pagkakaunawa at pagsasakatuparan nang malalim at malawak sa mga konsepto ng naturang larang.

Ang hinuha ko’y hindi talaga tumitingin sa estadistika at datos itong si Herrera. Inaakala pa rin niya na ang ekonomiya natin ay gaya ng ekonomiya ng Estados Unidos at Europa, kaya kahit ang wika ng mga ito ang dapat pagsumundan ng mga Filipino. Ang malaking bahagi ng Filipinas ay nakaayon sa agrikultura. Dahil dito, kinakailangan ang pagpapahusay ng teknolohiya hinggil sa agrikultura. Kailangan ang subsidyo ng pamahalaan sa mga magsasaka at mangingisda. Kailangan ang abanseng impraestruktura, patubig, transportasyon, telekomunikasyon, bukod sa epektibong pamamaraan ng edukasyon. At sa pagtuturong ito ay tinitiyak kong higit na magiging epektibo kung gagamit ng Filipino na sinusuhayan ng iba pang lalawiganing wika sa Filipinas, imbes na gagamit ng Ingles.

Ang pagpupunyagi ng mga akademiko na gamitin ang Filipino bilang wika ng pagtuturo sa lahat ng paaralan ay may batayan, at patutunayan ito kahit ng mga pagdinig sa batasan, o sa pahayag ng United Nations. Mabilis na matututo ang mga bata ng mga konseptong matalik sa kanilang puso at lugar kung gagamit ng Filipino at kaugnay na lalawiganing wika. Ito ay dahil magkabalahibo ang Filipino at ang mga lalawiganing wikang gaya ng Iluko, Bisaya, Bikol, Palawan, at iba pang wika, kompara sa Ingles. Magkasalungat ang polong pinagmumulan ng Filipino at iba pang lalawiganing wika kung ihahambing sa Ingles, ayon sa pag-aaral ng antropologong si Dr. Melba Padilla Maggay.

Ang paggamit ng Filipino ay hindi nangangahulugan ng pagpatay sa mga lalawiganing wika, bagkus pinalalakas pa nito ang lalawiganing wika dahil mailalahok ang malaking bahagi nito sa korpus ng Filipino. Isang halimbawa nito ang UP Diksiyonaryong Filipino (2001), na naglahok ng mga salitang mula sa mahigit 100 wika sa Filipinas. Habang ginagamit ang Filipino, lalong mahihikayat ang mga lalawiganing wika na linangin nang maigi at itampok ang angking ugat at kultura. Filipino ang pinakamadaling paraan upang bigkisin ang mga Filipino, na hindi kayang gawin ng Ingles, at patutunayan ito kahit sa mass media.

Lalakas ang negosyo sa paggamit ng Filipino.

Lalakas ang negosyo sa paggamit ng Filipino.

Mapasisigla din ang kalakalang panloob, dahil hindi maaasiwa ang mga Filipino na magpa-Ingles-Ingles kahit hindi naman kinakailangan. Mapagagaan ang mga transaksiyon sa bangko, telekomunikasyon, at transportasyon kung Filipino ang gagamitin. Mahihikayat ang libong kabataan na magtuon sa siyensiya at teknolohiya dahil madali nilang maisasabuhay ang mga konsepto at karunungang nasagap nila sa pamamagitan ng Filipino.

Hindi ko sinasabing huwag nang mag-aral ng Ingles. Kailangan pa ring mag-aral ng Ingles kung ibig kausapin ang mga dayo. Ngunit kapag mga Filipino na ang nag-uusap ay dapat gamitin ang wikang Filipino upang magkaunawaan ang nakararami. Dapat tandaan ni Herrera na hindi lahat ng Filipino ay ibig magtrabaho sa ibayong dagat o kaya’y pumasok na ahente sa call center. Maraming propesyonal na Filipino ang ibig magtrabaho at magsilbi sa Filipinas, at tulungan ang mga kapuwa nila Filipino na nasa alanganing kalagayan, at makipag-usap sa kanilang kababayan sa wikang matalik sa kanilang buhay.

Ang paggamit ng Ingles ay naghahain ng di-inaasahang deskriminasyon sa mayorya ng mga mag-aaral na Filipino. Nahahati ng Ingles ang isip ng mga bata, at ang batang ito, anuman ang kaniyang wikang kinamulatan, ay magtataka kung bakit iba ang wika ng paaralan at iba ang wika ng tahanan. Nakakiling ang timbangan pabor sa mga batang mayayaman, na nakapag-aaral sa mga esklusibong paaralan, at ang mga magulang ay pulos Inglesero. Ngunit ang gayong tagpo ay taliwas sa nangyayari sa iba pang panig ng kapuluan. Nauuna ang pagdidikdik ng gramatika at punto ng Ingles, imbes na pinag-aaralan nang maigi ang mga konseptong nakapaloob sa isang larang, gaya ng agham, matematika, at kasaysayan.

Isinaad ni Herrera na ang realidad daw para sa maraming Filipino ay Ingles ang pangunahing wika sa Filipinas. Ingles ang ginagamit sa kontrata, kalakalan, pahayagan, restoran, at hukuman. Totoo ito lalo sa metropolis, ngunit hindi ito nangangahulugan na higit na naging epektibo ang Ingles bilang wika ng transaksiyon. Maraming Filipino ang nagogoyo dahil hindi nila nauunawaan ang mga pinirmahang kontratang nasusulat sa Ingles. Marami ang nahihirapan sa pakikipagkalalan dahil hindi maunawaan ang Ingles pagtungo sa mga lalawigan. Maraming restoran ang nalulugi kahit sabihin pang Ingles ang nakasulat sa menu. At maraming nabibilanggo at nabibitay dahil ang wika ng hukuman ay wikang taliwas sa dapat asahan ng mga akusado.  Ang problema ng wika ay matingkad na makikita sa batasan at hukuman, at kahit gaano kahusay umingles ang mambabatas, ang abogado, at ang hukom, natitiwalag pa rin ang mayorya ng mga Filipino dahil sila-sila ring mambabatas, abogado, at hukom ang nagkakaunawaan sa kanilang diskursong Ingles.

Ang pag-aaral ng Ingles ay dapat ituring bilang isa lamang sa mga banyagang wikang maaaring pag-aralan at matutuhan ng Filipino. Bakit kailangang limitahan sa wikang Ingles ang dapat matutuhan ng mga Filipino? Bakit hindi wikang Bahasa Malay o Espanyol o Mandarin? Hindi dapat pangibabawin ang Ingles na ikababansot lalo ng Filipino at ng iba pang lalawiganing wika sa Filipinas, gaya ng nagaganap sa ngayon. Ang realidad ay malaganap na ang Filipino ngunit waring nakapikit pa rin ang negosyo, ang akademya, ang batasan, at ang pamahalaan na pawang ibig ipagpatuloy ang saliwang kolonyal na patakaran na pinairal noon ng rehimeng Amerikano. Malawak ang posibilidad sa paggamit ng Filipino, lalo sa negosyo at kalakalan, at ito ang dapat subukin at isagawa, para sa lubusang ikalalago ng bansa.

9 thoughts on “Filipino at ang Wika ng Pagtuturo

  1. ako po’y lubos na sumasang-ayon sa inyong mga pananaw. sa paggamit ng inggles ay gumagawa lamang tayo ng balakid pangwika sa loob mismo ng sarili nating bansa. kung gagamitin ang filipino bilang medium ng pakikipagtalastasan sa loob ng silid-aralan ay may malaking pag-asa na higit na maunawaan at maibigan ng mga mag-aaral ang mga konsepto na itinuturo at maaaring magbigay daan ito sa talagang pag-unlad ng ating bansa. hindi ang mga call center at pangingibang bansa ang pangmatagalang sagot sa ating mga suliranin.

    Like

  2. ako ay isang mag aaral sa graduate studies at ako ay naghahasa sa pilipino. pumapasok lagi sa aking isipan kung gaano nga ba kahusay ang pilipino sa paggamit ng wika natin. madami kasi akong napupunang mga kababayan natin na natutulo lang magsalita ng wikang banyaga ay kinalimutan na ang tagalog. tagalog ang ating wikang ginagamit dito sa ating bansa malamlam ang pinagmulan ng wikang tagalog pero bakit ang iba sa ating mga kababayan eh halos di pa ganon kadalubhasa sa pagamit ng ating pambansang wika.

    Like

    • Hindi Tagalog ang ginagamit sa Filipinas, bagkus Filipino at ito ay ayon sa Saligang Batas ng 1987. Ang pangyayaring hindi lahat ng Filipino ay bihasa o dalubhasa sa sariling wika ay marahil may kaugnayan sa saliwang patakaran ng pamahalaan, na patuloy na isinusulong ang Ingles bilang midyum ng pagtuturo.

      Like

  3. walang masama kung gagamit ng inggles… ngunit importante rin ito… dahil mga Pilipino tayo, matuto tayong maging bihasa muna sa ating vernacular bago matuto sa banyagang wika… turuan natin ang mga anak natin ng pagsasalita ng tagalog kahit saan at wag natin sanayin na sa inggles lang sila makakausap…isang paraan ito upang ipakita ang identity natin Pilipino…

    Like

    • Gamitin mo ang Filipino hangga’t maaari sa iba’t ibang larang [field]. Sumulat ka sa Filipino, magsalita ka sa Filipino, mag-isip alinsunod sa pananaw ng Filipino. Iyan lamang ang tanging paraan para makumbinsi ang maraming tao na may kakayahan ang Filipino sa iba’t ibang disiplina.

      Like

  4. ako po’y magaaral ng colihiyo at nagpapakadalubhasa sa filipino, nais ko lang pong malaman kung bakit po mas inaangkin ng ating pamahalaan ang wikang ingglis, natutulad po ba sila sa sinabi ni dr. rizal na malansang isda dahil mhindi nila tinatangkilik ang sariling atin.?

    Like

    • Ang paggamit ng Ingles ng ating pamahalaan ay may kaugnayan sa pagpapanatili ng kapangyarihan. Iba ang wika ng nasa itaas at iba ang wika ng nasa ibaba. Ginagamit lamang ng mga politiko ang wikang Filipino tuwing may halalan, ngunit pagkaraan niyon ay Ingles na ang gagamitin sa mga transaksiyon. Kung nais talaga ng pamahalaang ito na mapabuti ang paghahatid ng serbisyo sa taumbayan, ang dibdibang paggamit ng Filipino ayon sa diskurso ng Filipino ang makatutulong sa atin. Kung gagamitin ang talinghaga ng malansang isda, ang pamahalaang ito ay hindi malalayo roon.

      Like

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.