Mani, Pag-ibig, at Kapalaran sa nobela ni Teofilo E. Sauco

HALAMANAN, kuha ni Bobby Añonuevo

HALAMANAN, kuha ni Bobby Añonuevo

Tampok sa nobelang Ang Magmamani (1924) ni Teofilo E. Sauco ang pakikipagsapalaran ng mag-inang pinaghiwalay ng tadhana ngunit pagbubuklurin muli dahil sa pag-ibig sa isang lalaki. Si Tentay (Vicenta Gomez) na mula sa alta sosyedad ay nabuntis ng kaniyang kasintahang si Ventura Villaroman, ngunit napilitang ipaampon ang kaniyang sanggol sa solterong si Ingkong Pinong na taga-Baliwag, Bulakan. Sisikaping palakihin ni Ingkong Pinong ang bata, na sa paglipas ng panahon ay magiging marikit na dalagang tatawaging si Ninay.

Pagtatanim at pagtitinda ng mani at iba pang gulay ang ikinabubuhay ni Ingkong Pinong, at balang araw ay kakatuwangin niya si Ninay sa pagtitinda ng mani. Hahangaan naman si Ninay sa sipag nito’t bait, at pagnanasahan ng mga binata. Ngunit walang makapangahas makapanligaw sa kaniya dahil sa pangingilag kay Pinong, hanggang makilala ni Ninay ang binatang si Luis na taga-Maynila. Pinakyaw ni Luis ang tindang mani ni Ninay, hahabulin ang dalaga, at pagkaraan ay yayayaing pakasal. Subalit may isang balakid. May isang babaeng kinakasama si Luis, at iyon ay si Tentay na dating mananayaw sa kabaret sa Santa Ana. Matutuklasan ni Tentay ang retratong kuha ni Luis kay Ninay, at maghihinuha si Tentay na anak niya ang dalaga dahil kahawig na kahawig niya ito.

Hahanapin ni Tentay ang kinababaliwan ni Luis, at nang matiyak kay Ingkong Pinong na si Ninay ay anak nga niya, kukumbinsihin ni Tentay ang matanda na pumayag na sa pagpapakasal ng magkasintahan. Lalayo si Tentay at papasok sa kumbento upang mapalayo kay Luis. Samantala, hihimukin at paaaralin naman ni Luis si Ninay na pumasok sa kolehiyo at nang makatapos makapag-aral. Makikilala ni Ninay si Tentay sa loob ng kumbento, at magtuturingang mag-ina, subalit mananatili ang lihim hangga’t hindi nakakasal si Ninay kay Luis.

Sa dakong huli’y magkakasakit nang malubha si Tentay na nagtatago sa ngalang Madre Victoria Fuentes. Mangungumpisal siya sa pari, ngunit pinagtiyap naman ng pagkakataong ang nasabing pari ay siya pala niyang dating kasintahang si Villaroman. Matutuklasan din ni Padre Villaroman na anak niya si Ninay na ipinaampon sa matandang Pinong, at ang babaeng pakakasalan ni Luis. Ang pangungumpisal ni Tentay ang sukdulan ng kuwento, dahil doon mabubunyag ang lahat ng lihim na kipkip ni Tentay mulang pagdadalaga hanggang pagiging baylarina tungong pagiging kabit ni Luis hanggang pagsisikap maging madre para ituwid ang mga pagkakamali.  

Makakasal sina Luis at Ninay, samantalang magkakapatawaran sina Padre Villaroman at Tentay. Mamamatay si Tentay dulot ng karamdaman, at pagkaraan niyon ay lalasapin naman ng mag-asawang Luis at Ninay ang bagong buhay at saganang pagsasama.  Aalagaan nila si Ingkong Pinong, at ipasasaka sa iba ang lupain nitong laan sa pagtatanim ng mani. At magbabalik sina Ninay at Luis sa Tiaong, Baliwag, Bulakan upang magbigay-galang sa amang si Padre Villaroman, at sariwain ang nakaraang “hindi na babalik sa kanila kailan man.”

Pambihira ang nobelang ito dahil sa pagtatagni-tagni ng mga pangyayaring halos imposible, ngunit dahil nasa lunan ng guniguni ay maaaring tanggapin at paniwalaan. Gayunman, dapat suriin ang naturang akda sa husay ng imahinasyon nito, at hindi bilang tuwirang salamin ng realidad sa lipunan, bagaman kayang lumundag papaloob sa realidad ng lipunan ang akda.

Pag-ibig ang ubod ng kuwento, at ipinakita sa nobela ang iba’t ibang antas nito. Halimbawa, ang pag-ibig nina Tentay at Ventura na paghihiwalayin dahil ang mga angkan nila’y mortal na magkaaway sa politika. Ang pag-ibig ni Ingkong Pinong kay Ninay na itinuring na sariling anak bagaman hindi naman kaano-ano. Ang makalupang pag-ibig ni Luis sa mag-inang sina Tentay at Ninay, at pagtuhog sa dalawang magkabukod na kapalaran ng babae. At ang dalisay na pag-ibig ni Ninay mula sa kaniyang amaing si Ingkong Pinong hanggang sa mga tunay na magulang na sina Tentay at Padre Villaroman, tungong pag-ibig kay Luis na kasintahan. Pag-ibig din sa diyos ang maglalapit kina Tentay at Padre Villaroman, at siyang maghahatid sa kapatawaran. Ngunit pinakamatindi sa lahat ang pag-ibig ni Tentay sa lahat ng lalaking naging matalik sa kaniyang puso, mula kay Villaroman hanggang mga lalaki sa kabaret, hanggang kay Luis at pagkilala kay Ingkong Pinong, tungong sukdulang pag-ibig sa anak na nawalay at minamahal.

Paraan ng paglalahad
Mabilis ang pihit ng mga pangyayari sa nobela, o sabihin nang nobeleta, ni Sauco. Ang problema’y isinasangkot minsan ng tagapaglahad ng nobela ang kaniyang sarili, at kakausapin wari ang mga bumabasa hinggil sa maaaring maganap na tagpo (halimbawa, tingnan ang una at pangwakas na kabanata). Ang ikatlong panauhang paglalarawan ay hindi naiiwasang lumihis sa unang panauhan, at maiisip dito na nakikialam ang awtor sa dapat sanang pambihirang paglalarawan mula sa paningin ng isang saksi. Mapalulusot ang gayong taktika dahil sa pagsasaalang-alang marahil ng awtor sa kaniyang mga tagasubaybay ng magasing Liwayway, at pawang nangangapa sa bagong uri ng panitikang Tagalog.

Kinasangkapan ni Sauco ang ilang piling tauhan, gaya nina Tentay, Ninay, Ingkong Pinong, Luis, at Padre Villaroman. Ang limang tauhang ito ay sapat na upang paikutin ang tadhana, at gaya sa mga telenobela ngayon, ay magkakasala-salabid ang buhay na parang sila lamang ang tao sa daigdig. Mapapansin din ang ilang pagpapaikli ni Sauco sa mga tagpo, halimbawa na’y biglang mapapaibig si Luis kay Ninay gayong isang beses pa lamang sila nagkikita. O kaya’y nilutas ang mga lihim ni Tentay nang mangumpisal ito kay Padre Villaroman. Pinatitindi ni Sauco ang kapanabikan sa mga susunod na tagpo sa pamamagitan ng pagbitin sa dapat sanang pagbubunyag, halimbawa na ang paghaharap nina Tentay at Ninay sa loob ng kumbento, o kaya’y ang pananahimik ni Luis sa harap ng dalawang babaeng tinuhog ng kaniyang bato-balani.

Ang dalumat ng “mani” ay isa pang dapat pag-ukulan ng pansin. Tumutubo ang mani saanmang may malusog na lupa o kahit na sa maasidong lupa, at nagbibigay ng bagong sustansiya rito. Ang maning ito na hindi pinapansin noon ay kaya palang bumuhay sa isang sanggol at dating pag-ibig na inunsiyami ng pagkakataon. Matalinghaga rin ang mani dahil sa seksuwal nitong pagpapahiwatig sa clitoris ng babae, kaya maiisip ang bighani ni Ninay na nasa kasibulan at ni Tentay na nasa ganap na pagkatigulang na pawang naangkin ni Luis. Ang dalumat ng mani ni Ninay ang paiikutin sa nobela, at pailalim na ihahayag ni Sauco.

Maiikli ang pangungusap at usapan sa Ang Magmamani kompara sa iba pang nobelang Tagalog, bagaman nalalahukan kung minsan ng patalinghagang pananalita. Ang patalinghagang pananalitang ito ay mamumutawi sa bibig ni Tentay o ni Ingkong Pinong, at ikapagtataka ng taga-Maynilang Luis na hindi sanay sa gayong matalik na komunikasyon. Mauunawaan lamang ni Luis ang lahat habang lumalapit ang kaniyang loob kina Tentay, Ninay, at Ingkong Pinong. Ang nasabing uri ng paghihiwatigan ay karaniwan na sa Tagalog, dahil sa pagturing na kabahagi ng tao ang kaniyang kausap o minamahal.

Itinuturo ni Sauco nang di-sinasadya ang pormula kung paano maging kapana-panabik ang mga tagpo sa bawat kabanata. Ang mga tauhang sina Tentay at Ninay ang magiging haligi ng istorya, at susuhayan sila ng mga katauhan ng lalaking sina Luis, Ingkong Pinong, at Padre Villaroman. Si Tentay ang mag-uugnay sa dalawang uring panlipunan: una, ang maykaya na kaniyang pinagmulan; at ikalawa, ang dukha na kaniyang daranasin nang itakwil siya ng sariling angkan dahil sa pagbubuntis nang hindi pa kasal. Samantala, si Luis ang ultimong babaero na ibig mamangka dalawang ilog, at makaliligtas lamang siya hindi dahil sa sariling pagpapasiya kundi sa kusang paglayo ng kaniyang kabit na si Tentay. Mapapansin naman ang kahinaan ng gulugod ni Padre Villaroman, na marupok harapin ang responsabilidad sa kasintahan at gagamitin ang relihiyon upang talikdan ang dapat sanang maaliwalas na pagsasama nila ni Tentay. Pinakamalakas ang paglalarawan kay Ingkong Pinong, na kahit dukha’t matanda na’y aalagaan ang sanggol upang ipamalas ang pagmamahal na hindi kayang tumbasan ng salapi.

Inuurirat sa nobela ang pagpapahalaga sa dalisay na pag-ibig. Maiuugnay iyon sa sex, anak sa labas, pag-aampon, at relihiyon na pawang kikilatisin din sa mga tauhan. Ang mga usaping ito ay maseselang paksa sa panahon ng Amerikanisasyon, at kulturang Tagalog na may matayog na pagtingin sa “dangal,” “puri,” at “pagkatao.” Kahit sa unang malas ay mababaw ang kuwento, mababatid naman sa wakas ang kasalimuotan ng mga pangyayari dahil magkakatali ang mga kapalaran ng limang tauhan. Ang naturang kapalaran ay hindi tadhana ng diyos, bagkus ginagawa at supling ng mga gawa ng mga tao.

Marami pang dapat tuklasin sa nobelang Tagalog. Ang nobelang Ang Magmamani ni Teofilo E. Sauco ay isang halimbawa lamang kung paano naghuhunos ang nobelang Tagalog, ang nobelang susubaybayan ng daan-daang mambabasa noong dekada 1920, at magtatampok sa usapin ng masalimuot na pag-iibigan ng magkasintahan, anumang uri ang kanilang pinag-ugatan.

32 thoughts on “Mani, Pag-ibig, at Kapalaran sa nobela ni Teofilo E. Sauco

    • Tumutukoy ang nobela sa kathang-isip na akdang pasalaysay, mahaba kung ihahambing sa maikling kuwento o nobeleta, masalimuot ang banghay at kung minsan ay maraming tauhan, at itinatanghal sa pamamagitan ng paglalahad ng mga serye ng konektadong pangyayari. Ganito ang halos pakahulugan sa UP Diksiyonaryong Filipino, ngunit nagbabago alinsunod sa eksperimentasyon ng may-akda.

      Malayo ang nobela sa dula-dulaan, at nagtataka lamang ako kung bakit nababasa mo ang Alimbukad nang banyaga ang gayong termino sa iyong hinagap. Wala kang magagawa kundi magbasa nang magbasa ng mga aklat na pampanitikan.

      Like

  1. nabasa ko na po ang kabuuan ng akda at talaga namang naantig ang aking damdamin sa mga pangyayaring nakapaloob sa nobela.

    ngunit kailangan ko po sana ang talambuhay ng may- akda at ang pagsusuri sa nobela gamit ang sosyolohikal o historikal na pagdulog

    Like

  2. ang ganda ng storya!!! love story na may twist!! ako kasi ayw naayw ko ang love stories. ito lg talaga ang love stories na nagustuhan ko!!1

    Like

  3. leche ka wala namang talambuhay ng may akda itong nobela . useless din kasi hindi naman namin malalaman kung anu talambuhay ni SAUCO, TEOFILO sana man lang kahit kaunting talambuhay niya ay maipahayag sa mga mambabasa . madami tuloy ang hindi nakakakilala sa may akdang nobelang ito . haysssss .

    Like

    • maganda ang kwento dahil nabasa ko siya. kasi kailangan ko ng project ito lang ang pinakamaikling nobela na nabasa ko. thank you sa sumulat nitong akda

      Like

  4. napakaganda nga ng nobelang ito…
    natuwa ako sa mga nangyari sa loob ng kwento..
    mabuti nalang naiiba ang mga twist na lalong nagpasidhi sa aking damdamin na tapusin ito kahit mahaba..

    Like

Mag-iwan ng puna

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.