Makapangyarihan ang alaala dahil ito ang sisidlan ng nakaraan, ang nakaraang huhubugin ng mga tao na magpapataw ng kanilang angking pananaw sa daigdig kompara sa pananaw ng iba, ang magpapalaganap ng kapangyarihan, at ang magpapanatili ng kakatwang kalagayan ng pag-iral ng mga bagay, paniniwala, ideolohiya, kabuhayan, at katauhan. Hindi estatiko ang nakaraan, gaya lamang na hindi estatiko ang isang pangkat ng mga tao dahil aktibo at kabahagi ito ng mismong ebolusyon ng tao at pangyayari sa paglipas ng panahon. Pawiin ang nakaraan at hindi mauunawaan ang kasalukuyan o hinaharap.
Bagaman mahirap itakda ang hanggahan ng nakaraan at kasalukuyan, maipapalagay na ang lahat ng kahapon ay kabahagi ng nakaraan kung ihahambing sa nagaganap ngayong araw o sandali. Sa gayong pagtuturing, ang nakaraan ay maikakahon sa kronika, sa pagtitipon ng mga salaysay, sa pagsasalaysay ng mga butil ng karanasan o tagpo, at sa pagsasala sa naturang mga karanasan o tagpo upang mapanaig yaong makatutulong sa ipinapalagay na pagsulong ng isang lipi o pangkat, o sabihin nang kultura o bayan.
Ang nakaraan ay maaaring panatilihin at panghimasukan, upang ang dating pangyayari’y maipagpatuloy, at maipagpatuloy alinsunod sa pintig ng kasalukuyang panahon, kung hindi man sa sariwang anggulo, at depende sa mga pangangailangan ng mga kalahok na tao. Ang panghihimasok ay maaaring sipatin ng tagaloob sa kaniyang espasyo, o kaya’y ng tagalabas na ibig palawakin ang sakop na espasyo, at dito maglalaro ang politikang pangkultura na umuurirat sa daloy ng kapangyarihan. Maihahalimbawa ang tulang “Tanawin” ni Joseph de Luna Saguid. Heto ang buong tula:
TANAWIN
ni Joseph de Luna Saguid1 Nagpumiglas muna ang paslit
2 bago niya tuluyang naihagis sa tubig.3 Mula sa bangka, nakaamba siyang
4 tumalon sakaling manganib na malunod
5 ang anak na muli’t muli’y lumutang—
6 lumubog, lumutang-lumubog, at muli,
7 siya ang paslit na inihagis sa tubig.8 Sa gayong pagtanaw, nananariwa
9 sa alaala ang hapong ilang ulit niyang
10 nainom ang alat ng dagat bago
11 natutuhang ikampay ang sariling
12 mga bisig, tulad ng anak na ngayon
13 pa lamang inaangkin ang katawan
14 ng hangad na manatili sa ibabaw.
Nakatampok sa “Tanawin” ang isang paglalarawan ng isang karanasan hinggil sa pagtuturo kung paano magpalutang sa tubig, at lumangoy nang makaiwas malunod at mamatay. Ang paglangoy at pagpapalutang sa tubig ay isang kasanayan na dapat matutuhan ninuman, lalo kung ang kaligiran ay may tubigan, ang tubigang magtatakda sa ikabubuhay at pag-iral ng tao. Hindi kinakailangan ang pag-aaral lumangoy kung nasa gitna ka ng disyerto o nasa kabundukan, bagaman may ilang pagkakataon na ang kabundukan ay maaaring magtaglay din ng mga ilog, sanaw, sapa, talon, at balon na pawang kailangang tawirin ng mga tao.
Dapat ding banggitin na ang unang saknong ng tula ay tila bangka na nakapaibabaw sa tubigan, samantalang ang ikalawang saknong ang anumang bagay na nasa pagitan ng rabaw ng tubig at pinakailalim nito. Ang ikatlong saknong ang mahihiwatigang pinakamalalim na antas ng tubigan, o anumang may kaugnayan dito. Ang masinop na paglalatag ng mga taludtod ay waring umaayon sa marahang paglalatag ng mga tagpo—mulang paghahagis sa paslit sa tubig hanggang pagbabalik sa nakaraan ng magulang na dumaan sa gayon ding karanasan.
Sa tula ni Saguid, ang tubigan ay maipapalagay na malalim dahil may banggit hinggil sa bangka, at ang persona na naghagis ng paslit sa tubigan ay maaaring bihasang manlalangoy. Susubukin ng persona ang kaniyang anak sa kakayahan nitong matutong magpalutang, at ikampay ang mga kamay at paa sa tubig. Ang paghahagis ng persona sa paslit ay may kaugnay na pag-alalay, dahil kahit ang gayong karahas na karanasan ay ipinapalagay na maghahatid ng pagkatuto ng bata na magpalutang nang mag-isa, at magtiwala sa sarili, nang malayo sa paningin ng magulang.
Masisipat din naman sa ibang anggulo na imbes na matutong lumangoy ang batang inihagis sa tubig ay lalo lamang niyang kasuklaman at kahindikan ang paglangoy. Ang trawma na maisasaloob ng bata ang isang pangyayaring hindi magiging katanggap-tanggap sa tagapagturo. Mahihinuhang ang tagapagturo ay nag-aangkin ng pambihirang gunita hinggil sa tubigan at kung paano makapaiibabaw sa alon. Ang naturang gunita ang inaasahang susupil at papawi sa naturang trawma ng bata, upang ang masaklap na karanasan ng pagkakahagis sa tubigan ay maging selebrasyon ng pagbabanyuhay bilang tao na kabahagi ng isang pamilya o lipi o bayan. Sa sandaling matutong lumangoy ang bata, matagumpay na naipasa ng magulang sa kaniyang anak ang kasanayang pinaniniwalaang kailangan nito upang makapanaig sa daigdig.
Maaaring dumudukal ang tula sa klasikong pelikulang Badjao (1957) na obra ni Lamberto V. Javellana, at tinampukan nina Tony Santos, Rosa Rosal, Leroy Salvador, at iba pang mahuhusay na aktor. Sa nasabing pelikula, ipinamalas kung paano itinaas bago inihagis ang bagong silang na sanggol sa dagat, sa saliw ng makapangyarihang tinig na “Sagipin ang bagong badyaw!” at mag-uunahan ang mga maninisid na lalaking sisirin at sagipin ang sanggol. Sakali’t mabuhay ang sanggol makaraang maiahon, pinaniniwalaang may basbas siya ng tadhana’t maykapal at karapat-dapat maging kabahagi ng lipi. Bagaman maganda ang ganitong sinematograpikong tagpo, mapagdududahan ang nasabing kaugalian kung sadyang ginagawa nga ng liping Sama Laut dahil tiyak na magkakaroon ng malubhang pinsala kung hindi man magkasakit ang sanggol kung ihahagis nga sa gitna ng malamig at maalong dagat. Ang nasabing tradisyon—na ritwal ng pagbibinyag—ay mahihinuhang may panghihimasok ng direktor sa kaugalian ng mga Sama Laut, at ang nasabing Sama Laut ang tatatak sa gunita ng taumbayang nakapanood ng nasabing pelikula. Ang karanasan, kung gayon, ay maaaring hubugin ng panlabas na pakikialam ng mga tao na may angking kapangyarihang bumuo ng hulagway ng isang lipi.
Kung uuriin pa nang malalim ang tula ni Saguid, ang magulang na naghagis ng paslit sa ilog o dagat ay bumabalik din sa proseso ng pag-aaral lumangoy. Ang anak ay masasabing ekstensiyon ng magulang, at anumang hirap o pagsubok na daranasin ng anak ay tila magbabalik nang ganap sa alaala ng magulang. Mahihiwatigan sa tula na may bigat ding tinataglay ang magulang sa pagtuturo sa kaniyang anak. Ang magulang at ang anak ay masisipat dito na nagmumula lamang sa isang ugat, at may pagpapalagay na ang estado ng kanilang kalooban, kaisipan, at katawan ay pawang magkapareho lamang noon at magpahangga ngayon. Na mapupuwing sa isang banda, dahil iba ang kalagayan ng bata sa ngayon (na kosmopolitano ang kaanyuan) kompara sa bata noon (na taal na matalik sa likas na kaligiran), at iba na ang sitwasyon ng tubigan noon kaysa ngayon, bukod sa may mga siyentipiko’t masining na tuklas kung paano mabilis na matuturuang lumangoy ang isang paslit.
Ano’t anuman, ipinahihiwatig lamang ng tulang “Tanawin” ang isang tagpong kapupulutan ng karanasan—mabuti man o masama—at ang karanasang ito ay malimit kadikit ng gunita. Ang gunitang ipinapataw ng nakaraan ang dapat sinusuri nang maigi, dahil gaya ng nabanggit kangina, ang nakaraan ay hindi estatiko bagkus patuloy na umaandar na parang pelikula at walang makatitiyak ng wakas. Makapangyarihan ang gunita dahil kahit ang mga lumang paniniwala ay maaaring maipagpatuloy sa susunod na salinlahi. At kaya ang salinlahi ay may pananagutan na laging suriin ang nagaganap noon at ngayon, upang masala ang mga karanasang makatutulong sa pag-unlad ng sangkatauhan sa hinaharap, at kalimutan o talikdan na ang mga paniniwalang magpapabansot sa paglago ng lipi o indibidwal. Kung paano sasagapin ng makabagong henerasyon ang isang tiyak na alaala, gaya sa tula ni Joseph de Luna Saguid, ay isang hámon sa lahat upang manatiling lumulutang at matagumpay sa karagatan ng mga pangyayari’t karanasan.