Nakahinga nang maluwag ang mga empleado ng Komisyon sa Wikang Filipino nang suspindihin ng Commission on Audit si Ricardo Ma. Duran Nolasco bilang pansamantalang punong komisyoner ng KWF noong 27 Oktubre 2008. Si Nolasco ang kontrobersiyal na puno ng KWF na nagsusulong ng patakarang multilingguwal ng pamahalaan, kahit labag sa Konstitusyon, at tandisang minamaliit ang Filipino bilang wikang pambansa.
Paso na ang secondment ni Nolasco simula noong 1 Abril 2008, ayon sa ulat ng COA, ngunit patuloy pa rin itong nanunungkulan nang ilegal sa KWF. Sa gayong kahabang panahon, ang lahat ng kaniyang pinirmahang tseke, kasunduan, at iba pang papeles ay walang bisa, at nahaharap ngayon si Nolasco sa kasong misrepresentasyon at korupsiyon bilang opisyal ng pamahalaan.
Ang secondment ay pahintulot na hinihingi ng isang ahensiya sa iba pang ahensiya o sangay ng pamahalaan upang hiramin ang empleado nito sa isang takdang panahon. Si Nolasco ay propesor sa lingguwistika sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, at ipinahiram lamang sa KWF. Hanggang sa sinusulat ito, wala pa umanong aksiyon ang mga full-time komisyoner ng KWF na bigyan ng secondment si Nolasco.
Sa liham ni Nolasco sa AOM Bilang 2008-013, lumiban siya nang walang bayad sa UP Diliman sa kaniyang secondment sa KWF. Ngunit wala umanong maipakitang papeles si Nolasco ukol sa naturang pagliban. Nang pumaso ang kaniyang secondment, patuloy pa rin siyang nanungkulan nang lingid sa kaalaman ng mga empleado ng KWF. Nang magtanong ang Alimbukad sa mga taga-UP Diliman, napag-alamang si Nolasco ay nagturo pa nang overload sa UP at ito ay malinaw na paglabag sa itinatakda ng batas dahil kabilang ito sa tinataguriang dobleng pasuweldo ng pamahalaan.
Ayon sa CSC Memorandum Circular No. 15, s. 1999, at siyang sinipi ng COA, “Ang ipinahiram (seconded) na empleado ay liliban nang walang bayad mula sa kaniyang pinagmulang ahensiya sa loob ng panahon ng kaniyang pagpapahiram. . . .” Sinipi rin ng COA ang CSC MC No. 15, se. 1999 na nagsasaad na “Ang ipinahiram na empleado ay hindi dapat hayaang pumasok sa tatanggap na ahensiya nang mas maaga sa petsa ng paglagda ng Memorandum ng Kasunduan.” Idinagdag ng naturang kautusan na anumang paglabag sa mga probisyon ng Memorandum ng Kasunduan ay “magiging dahilan upang ihinto ito nang walang prehuwisyo sa pagsasampa ng kasong pandisiplina sa sinumang tao na responsable sa gayong paglabag.”
Lahat ng suweldo at alawans na natanggap ni Nolasco bilang pansamantalang punong komisyoner ng KWF ay suspendido mulang 1 Abril 2008 hanggang kasalukuyan hangga’t hindi siya nakapagsusumite ng bagong papeles ukol sa secondment sa Tanggapan ng Auditor. Ibig sabihin, kailangang ibalik ni Nolasco ang lahat ng kaniyang kinita mula sa KWF sa loob ng siniping panahon.
Hindi lamang ito ang sakit ng ulo ni Nolasco. Ayon sa mga impormante ng Alimbukad na nasa loob ng KWF, si Nolasco ay maraming papeles na hindi pa niya nali-liquidate, at may kaugnayan umano ito sa kaniyang mga proyekto at paglalakbay na hindi pa nakukumpirma kung naganap nga o hindi.
Ipinagbabawal nang pumasok sa KWF si Nolasco, at napabalitang nagsasaayos siya ng kaniyang papeles sa UP Diliman. Ibig umanong ipamigay na lamang ng Kagawaran ng Lingguwistika si Nolasco sa alinmang ahensiyang ibig siyang tanggapin, huwag lamang makabalik pa sa naturang kagawaran.
Ang ulat ng COA ay nilagdaan ni Columba L. Arnoco, ang puno ng pangkat audit; at ni Samuel C. Sison, State Auditor V mula sa Opisina ng Pangulo, Pangkat Audit.
Si Joe Lad Santos, na dating peryodista, pabliser, at manunulat sa komiks at pelikula, ang itinalaga ng Malacañang na maging Officer in Charge ng KWF.
Nakasisindak sa unang tingin ang epikong Candon (2000) ni Reynaldo A. Duque na nagwagi ng unang gantimpala sa timpalak ng Philippine Centennial Commission. Ngunit kapag binasa ang buong akda’y madaling sundan, gaya ng pagsubaybay sa isang nobelang patula. Nakapanghihinayang at hindi pinansin ng mga kritiko ang epiko ni Duque; at kahit sa hanay ng mga Ilokanong manunulat ay walang gumawa ng masusing kritika ukol doon na maituturing na pagkaligta sa pinakamasigasig, at marahil pinakatanyag, na manunulat na Ilokano sa panahong ito.
Binubuo ang Candon ng 8,816 saknong, at bawat saknong ay may tigwawaluhing taludtod na isahan ang dulong tugma. Bawat saknong ay may sukat na 14,14,7,14,14,7,7,14 na magandang pagtatangka dahil lumilihis ito sa nakagawiang lalabindalawahing pantig na awit ni Balagtas at sa mapag-eksperimentong padron ng Ang Pangginggerani Lope K. Santos na may sukat na 12,12,6,12,6,12 ang bawat saknong. May limang aklat ang epiko, ito ang taguri ni Duque, at bawat aklat ay hinati sa tatlong bahagi, na ang bawat bahagi ay binubuo ng tatlumpung saknong. Ang Candon ay tumatalakay sa buhay at pakikipagsapalaran ni Isabelo Abaya; at ang maalamat niyang kabayanihan mulang Kailukohan hanggang pakikipag-alyansa sa Katipunan ni Bonifacio ang ilan lamang sa papaksain ng salaysay.
Ilalarawan sa epiko sa pamamagitan ng isang mahihinuhang Ilokanong tagapagsalaysay ang Kailukohan, partikular ang Candon, bilang ideal na pook mulang pagbanggit sa mito nina Angalo at Aran hanggang makasaysayang pakikihamok ng mga bayaning gaya ng mga Abaya, Guirnalda, at Ricarte. Ang pagiging ideal ng pook ay mahihiwatigan sa pagbanggit sa likas na kaligiran—na may magandang klima, mayamang lupain, at mapagpalang tubigan—at itatanghal na “bayan ng mga magbubukid.” Palabis din ang pagpuri sa katangian ng pangkalahatang Ilokano, gaya ng “masikhay,” “relihiyoso,” “matapang,” “marunong makipagkapuwa,” “liping Saluyot,” “marangal,” “sintigas ng batong buháy,” “mapagkumbaba,” at mataas ang pagpapahalaga sa “puri.” Ngunit ang lahat ng ito’y magbabago pagsapit ng mananakop na Espanyol, at ang dating malayang Ilokano ay maghuhunos na busabos, alipin, at masamang loob, alinsunod sa pananaw ng kolonisador.
Kung positibo ang tingin sa Ilokano, kabaligtaran naman ang mga kontrabidang Fray Rafael Redondo at ang mag-amang Nilo at Alvaro de Gracia, na pawang inilarawang mabalasik, malayaw, gahaman, at malibog na ibig kandiin ang sinumang makitang dalaga. Ang paglalarawan ay de-kahon, gaya ng “ulupong” lagi ang kaaway kung hindi man “duwag” na kawangis ni Lusiper, at parang pelikula noong panahon ng kopong-kopong na ang mga kontrabida ang sukdulan ng kasamaan, ang anti-tesis sa katauhan ng mga bidang gaya nina Isabelo Abaya at Salacnib Arquero na pawang may makalangit na kabutihan. Kahit ang deskripsiyon sa mga babaeng sina Imnas at Saniata ay palabís at animo’y pawang diwata o diyosa, reyna ng uniberso, at pinakamagandang hayop, bukod sa nagtataglay ng mga katangiang mayumi, masunurin, matatag, at mapagmahal. Inulit lamang ni Duque ang mga sakit sa pagkatha ng mga Balagtasista noon.
Ilulugar ng tagapagsalaysay ang himagsikan sa Candon sa mahabang kasaysayan ng himagsikan sa Kailukohan, at kabilang dito ang Cagayan, Gran Cordillera, Kalinga, Pangasinan, at Zambales, at babanggitin ang mga pakikibaka ng gaya nina Magalat, Andres Malong, Juan Caragay, at Juan de la Cruz Palaris. Ngunit higit pa rito, pahahalagahan ang himagsikan sa Candon na kaugnay ng pakikibaka ng Katipunan (Kataas-taasan, Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan) ni Andres Bonifacio at lalampas sa maalingasngas na Kasunduan sa Biyak na Bato. Ang tagpo sa labas ng Candon ay pagsasadula sa mga posibleng nasaksihan, nadama, at naisip ni Isabelo Abaya bilang kalahok sa pakikibaka laban sa mananakop hanggang pagsasalong ng sandata makaraan ang Kasunduan sa Biyak na Bato. Mababanggit din sa epiko ang maikling ng lagom ng himagsikan sa gaya ng Bulakan, Maynila, at Cavite, at kung paano napasok sa eksena si Isabelo Abaya at ang Sigaw sa Candon.
Bagaman ang pamagat ng epiko ay “Candon,” hindi naman talaga Candon ang pangunahing tuon ng epiko bagkus si Isabelo Abaya. Animo’y talambuhay ni Belong, ang palayaw ni Abaya, ang isinapelikula, at babanggitin sa salaysay ang ugat niya mula sa katutubo’t maalamat na bayaning Abay-a hanggang sa angkang maykaya sa Candon. Gayunman, hindi naman nalinang nang husto kung paano yumaman ang angkan ng Abaya sa Candon, at kung bakit napabilang agad ito sa uring ilustrado-prinsipal. Ipakikita rin ang pagkamulat ni Belong sa pang-aapi ng mga Espanyol, na pangungunahan ni Fray Rafael Redondo, ng mag-amang Nilo at Alvaro de Gracia, kasama ang mga boluntaryong kawal at guwardiya sibil. Mamumundok si Isabelo makaraang ibilanggo ang kaniyang mga kaanak dahil sa pekeng paratang ni Fray Redondo; magpapakadalubhasa sa paghawak ng armas at sa sining ng pakikihamok, gaya ni Rambo, doon sa liblib na pook; at mangangalap ng mga tauhan sa hanay ng mga pangkat etniko ng Ilokos upang bumuo ng hukbong panlaban sa mananakop. Magbabalik siya sa bayan ng Candon na parang koboy na sakay ng puting kabayo, maghihiganti kina Fray Redondo at Alvaro de Gracia na gumahasa at pumatay sa kasintahang si Imnas. Makikipag-alyansa siya kay Bonifacio, at magwawakas ang nobela sa pagputok ng himagsikan at pagtataguyod ng bagong gobyerno.
Estetika ng Epiko
Ang totoo’y hindi masinop sa tugma at sukat si Duque bilang makata. Sablay ang tugmaan ng awtor lalo sa paggamit ng pandulong tugmang nagwawakas sa patinig, at kahit ang may impit na malumi at maragsa ay itinutugma niya sa pulos malumay o mabilis na bigkas. Maaaring may kinalaman dito na ang bigkas ng mga salita sa Ilokano ay walang malumi o maragsa; gayunman, hindi ito dapat maging dahilan yamang ang ginamit ni Duque ay hindi wikang Iluko bagkus Filipino. Maihahalimbawa ang mga saknong 6-7, Kanto X:
6
Bilang unang hakbang, kinausap ni Don Nilo
Si Don Guillermo Alviar, ang capitan del pueblo.
Isinnunod din dito
Si Abel Aparici, tenyenteng maginoo
Ng mga guwardia civil, at nayag naman ito.
Tatlo silang bumuo
Sa pangkat bilang sugo
Sa pamilya Abaya at makipagkasundo.
7
Kaya nang hapong iyon, sa maluwag na sala
Ng malaking casa ni Don Proceso Abaya,
Umagong nang sagana
Ang mamahaling vino, galing pa sa Espanya.
Noroon sina Don Proceso’t Donya Severa
At gayundi’y kasama
Si Fernando Abaya,
Ang anak ng pari, ngunit si Belong ay wala!
Mapapansin sa saknong 6 na ang may impit na mga salitang “bumuô,” “sugò,” at “makipagkasundò” ay itinugma sa walang impit na “Nilo,” “pueblo,” “dito,” “maginoo,” at “ito.” Sa saknong 7, mauulit ang mali at itutugma ang maragsang “walâ” at maluming “saganà” sa malulumay na “sala,” “Abaya,” “Espanya,” “Severa,” at “kasama.” Hindi gumawa ng ganito si Francisco Balagtas, at kahit ang mga balagtasistang sumunod sa kaniya sa kaniyang bakas.
Bukod sa maraming sablay sa tugmaan, maipupuwing din sa akda ni Duque ang kawalan ng disiplina sa hati (caesura), yamang ang kaniyang mga taludtod ay naglalaro sa lalabing-apating taludtod na napakaluwag, at maaaring hatiin sa 7/7. Sumasablay din siya sa sukat ng mga taludtod, at maihahalimbawa ang mga saknong 20 at 22, Kanto 2, Ikalawang Bahagi. Bagaman mga panlabas na aspekto lamang ito ng tula, ang paglitaw ng nasabing pagkakamali sa sukat at tugma ay makapagpapagaralgal kapag binasa nang malakas ang kaniyang tula, at makapagpapahina sa panloob na aspektong tumutukoy sa nilalaman ng epiko.
Ang totoo’y mahilig maglustay ng salita si Duque sa kaniyang epiko. Maihahalimbawa ang seksiyong “Mutya ng Bagani Ubbog” (Kanto 4, Ikalawang Bahagi), na tumalakay sa katauhan ni Imnas. Paulit-ulit ngunit hindi umaandar ang papuri sa kagandahan ni Imnas, at kahit ako ang kasintahan niya ay mabubuwisit ako sa gayong pasukdol na paglalarawan:
4
Sa Bagani Ubbog, mayroon ngang isang hiyas
Na ang kumandili ay lipaking mga palad
Sa hardin, siya’y rosas
Tampok na mutya’t bighaning wala pang katumbas
Ipinaglihi sa kariktan ng maiilap
Na bulaklak sa gubat
Aliw siyang matimyas
Na dinidilig ng mga hamog ng pagliyag.
5
Sumipot siyang sagpaga sa sakbibi ng gabi
Marahil, upang maitago sa kuko ng imbi
Mabulas siyang binhi
Ng lahi ni Ilokano sna sakdal lunggati
Kutis ay ipinagmamalaking kayumanggi
Patubo ng pagkasi
Isang batubalani
Na ang angking gayuma ay walang maiwawangki.
6
Sa isang maralitang kubong pugad ng tuwa
Isinilang si Imnans, lamina ng pagsinta
Anak man ng dalita
Na sa kanayuna’y lagi nang sumasalanta
Dumating siyang aliw na ang kakambal ay tala
Sa umaga, diwata
Ng bukid at tumana
Sa sakbibi ng nayong kadluan ng ligaya.
Sa ganitong paglalarawan, si Imnas ay waring isinilang na ngunit magbabalik uli sa sinapupunan upang iluwal muli sa iba’t ibang pagkakataon. Hindi lamang dito nagtatapos ang gayong paglalarawan, at sa mga susunod na saknong ay mababanggit ang kaniyang pagdadalaga na iuugnay pa rin sa talulot at sa de-kahong pananaw sa dalagang tagabukid.
Mabuway sa kabuuan ang balangkas ng epiko. Mapaiikli ang epiko sa sangkatlong bahagi nito, at ang ibang salaysay hinggil sa digmaan ay walang nadagdag na kakaiba, na magpapalutang sa malikhaing guniguni na pupuno sa mga puwang sa kasaysayan. Ang transisyon ng mga tagpo, halimbawa sa Kanto I hanggang Kanto 2, ay hindi madulas na naipakita ang pangkalahatang paglalarawan ng Ilokano na tumungo sa tiyak na paglalarawan kay Belong. Sumasablay din si Duque sa paggamit ng paghahambing at pagtatambis sa mga katangian ng tao sa katangian ng insekto, hayop, ibon, halaman, at iba pang bagay, at pangunahin na rito ang paggamit ng hulagway ng alakdan bilang manghihimagsik. Mapupuwing din ang paraan ng pagsasalaysay, na kung minsan ay pabarok at kung minsan ay melodramatikong humahangga sa kakornihan. Ang deksripsiyon halimbawa kay Belong na may kabayong puting tinawag na “Bannawag” (i.e., Liwayway) ay tila hiniram na tagpo sa pelikulang Zorro na kulang na lamang ay magsisirko si Belong at magsuot ng maskara’t kapa ng kabalyero. Biglaan din ang pagsulpot nina Belong at Salacnib tuwing may pagtatangkang lapastanganin ang mga babae, na nakayayamot dahil kumita na ang gayong paraan sa mga pelikula.
Ang pinakamabigat na maipupuna sa epikong Candon ay nabigong linangin kung ano ang gumagabay na ideolohiya kina Isabelo, Salacnib at ng magkapatid na Guirnalda sa kanilang ipinundar na kilusang umanib sa Katipunan. Dito puwedeng maglaro si Duque ngunit nakaligtaan niya habang abala sa pagsasalaysay sa mga sekundaryong tagpo ukol sa pag-iibigan ng magkasintahan o pag-aalala ng magulang sa kinabukasan ng anak. Malabo ang rekonstruksiyon ng ideolohiya at lunggati sa salaysay ni Duque, at mahihinuhang kaya lamang naghimagsik sina Isabelo, Salacnib, at magkapatid na Guirnalda ay dahil inagrabyado ang kani-kaniyang pamilya (at ang kani-kaniyang ekonomikong poder) nina Fray Redondo at mag-amang De Gracia, bukod sa nilaspatangan sina Saniata at Imnas na kasintahan nina Salacnib at Isabelo. Sa ganitong pangyayari, maiisip na ang pag-aaklas ni Isabelo ay higit na pansarili kaysa pambansang pagdulog. Ang papel ng mga pangkat etniko ng Ilokos ay pawang palamuti lamang, at hindi naipakita ang aktibo nilang ambag sa diwain at pangarap na kabansaan. Pasibo ang mga pangkat etniko, at napakadali nilang nahimok ni Belong kahit sabihin pang si Belong ay may dugo umanong katutubo. Mababaw din ang pagkamulat ni Isabelo hinggil sa kaalipnan at kalayaan at kabansaan, at reaksiyonaryo ang kaniyang tugon sa kolonisasyon, at maraming maipipintas dito ang mga kritiko. Kahit ang konsepto niya ng “Katagalugan” ay limitado at panrehiyon, na taliwas sa konsepto nina Bonifacio at Jacinto na tumutukoy sa “Katagalugan” bilang buong bansa (basahin halimbawa, ang saknong 4, Kanto 5, Ikalawang Bahagi). Maingat din sina Bonifacio at Jacinto sa paggamit ng salita, at hindi nila gagamitin ang taguring “Filipino” o “Republika Filipina” at pipiliin ang “Tagalog” at “Haring Bayang Katagalugan” na magagamit ng lahat ng taal na mamamayan sa kapuluan. Mahalagang linawin din ni Duque ang konsepto ng kabayanihan sa epiko. Sa Katipunan nina Bonifacio at Jacinto, ang “bayani” ay tumutukoy sa buong bayan, ngunit pagsapit sa epiko ay matatampok ang kabayanihan sa ilang personalidad, at pangunahin na si Belong at ang kaniyang angkan.
Ngunit babawi sa bandang dulo ang epiko. Ang usapan nina Lakay Quired at Salacnib, o nina Apong Simon at mag-anak na Arquero ay kahanga-hanga ang pukol ng mga pahiwatig. Ang paggamit ng mga katutubong tayutay, dalumat, at hulagway kahit sa usapan ng iba’t ibang tauhan ay isang bukal ng yamang muling binuhay ni Duque. Pinayaman din ni Duque ang talasalitaan ng Filipino sa paglalahok ng mga salitang Ilokano na ikakabit hindi lamang sa Tagalog bagkus maging sa ibang wikang lalawiganin. Ang gayong salita, pahiwatig, at dalumat, na batid ng mga tauhang Ilokano, at siyang nalilingid sa mga Espanyol, ang magtatangi sa pambihirang komunikasyon ng mga Ilokanong hawig sa uri ng komunikasyon ng Tagalog , Bikol, Bisaya, at iba pang lalawiganing wika.
Mapalulusot pa rin ang epikong Candon ni Duque kahit maraming kahinaan, ngunit maimumungkahing isalin sa prosa, gaya ng sa nobela. Sa gayon, hindi siya masisiki sa paglalarawan ng kung ano-anong bagay, at mapawawalan niya nang husto ang mga makapigil-hiningang tagpo. Ang maganda kay Duque ay tinangka niyang itanghal ang buong Ilokos sa pananaw ng Ilokano, at lumampas na siya sa hanggahan ng Ilokandiya. Nilampasan na ni Duque nang milya-milya ang mga makatang Ilokano, at waring ayaw magpakahon sa napakatradisyonal na pagkatha at paggamit ng purong Ilokanong salita lamang. Ang akda niya ay nagpapanukala ng muling pagtuklas sa iba pang bayani ng himagsikang hindi binabanggit sa mga aklat ng kasaysayan. Nagbibigay din siya ng halimbawa kung paano gagamitin ang kasaysayan upang lumikha ng kathang isip na pook, tauhan, at panahon na pawang may bukod na realidad na makapagsasarili palayo sa itinala’t kanonigong kasaysayan, at siyang maipagmamalaki, hindi lamang ng mga Ilokano, bagkus ng lahat ng Filipino.
Ayoko sanang patulan itong si Ricardo Nolasco, ang pansamantalang Punong Komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino, ngunit nagpapakalat na naman ito sa email ng kaniyang mga opinyon sa wika na marapat sagutin. Sumulat siya ng mahabang papel hinggil sa “Ilang popular pero mga maling hakahaka (sic) tungkol sa wikang pambansa at mga wika sa Pilipinas” na ang bersiyon sa Ingles ay nalathala sa Philippine Panorama noong 22 Pebrero 2008. Sa unang malas, ang nasabing sanaysay ay hinggil sa pagtutuwid sa maling opinyon ukol sa “wikang pambansa” at “mga wika ng bansa,” ngunit kung uuriin nang maigi ay pailalim na bumabanat sa Filipino bilang wikang pambansa at nagpapanukala ng multilingguwalismo para pahinain ang paglago ng Filipino. Heto ang kaniyang pambungad na kuro-kuro:
(1) Sa maraming Pilipino, ang wikang pambansa lamang ang maituturing na wika, at lahat ng iba pang salita ay mga diyalekto. Hindi tama ito.
(2) May mga paraan ang mga pantas-wika o mga linguista para malaman kung ano ang wika at kung ano ang wikain o diyalekto. Ang unang pamantayan ay kung nagkakaunawaan ang dalawang tagapagsalita kapag ginagamit nila ang sarili nilang wika. Kapag hindi sila nagkakaunawaan, nagsasalita sila ng magkaibang wika. Kapag nagkakaunawaan sila, nagsasalita sila ng parehong wika o diyalekto ng isang wika.
(3) Ang ikalawang pamantayan ay ang gramatika. Kapag magkaiba ang gramatika ng sinasalita nilang mga wika, magkaibang wika ang mga ito. Kung magkapareho ang gramatika, mas malamang na nabibilang ang mga ito sa isang wika.2
(4) Hindi mahalaga kung ang wika nila ay isang milyon o limang tagapagsalita lamang; kung mayroon itong nakasulat na panitikan o wala; o kung sinasalita ito sa isang barangay o sa buong probinsiya. Hindi mapagpasya ang alinman sa mga ito sa pagkilala sa kung ano ang wika at kung ano ang diyalekto.
(5) Sa mga batayang ito, ang Ilokano, Sebwano, Pangasinan, Hiligaynon, Bikol, Kapampangan, Butuanon at Meranao, kung magbabanggit ng ilan, ay hindi mga diyalekto kundi ganap na mga wika. Diyalekto o wikain ang tawag sa baryasyon ng isang wika, gaya ng Dumaguete-Cebuano, Davao-Cebuano at Iligan-Cebuano.
(6) Ang Komisyon sa Wikang Filipino o KWF ay nakapagtala ng may 170ng wika sa bansa.3 Maaaring umabot sa 500 ang mga diyalekto. Pangsampu tayo sa may pinakamaraming wika sa daigdig. Nangunguna ang Papua New Guinea.
Nilagyan ko ng numero ang bawat talata upang masuri nang maigi. Hindi nilinaw ni Nolasco ang batayan ng kaniyang unang pahayag: na “ang wikang pambansa lamang ang wika, at lahat ng iba pang salita ay mga diyalekto.” Sa madaling sabi, ang Filipino lamang ang wika, at ang lalawiganing wika ay diyalekto. Ang ganitong pahayag ay nagmumula kay Nolasco at hindi sa pangkalahatang publiko. Walang isinaad na estadistika o sarbey si Nolasco na may ganito ngang pahayag at pananaw ang malawakang publiko, at yamang hindi totoo, hindi ito kinakailangang sagutin.
Ang pagtatangi kung ano ang “wika” at kung ano ang “diyalekto” ang gagamitin ni Nolasco bilang lunsaran ng hambingan. Ayon sa opinyon ng mga lingguwista, ani Nolasco, na kapag nagkakaunawaan ang dalawa o higit pang tao sa usapan habang gamit ang kani-kaniyang wika ay maituturing yaong wika. At kung hindi sila nagkakaunawaan ay ipinapalagay na magkaiba ang kanilang wika. (Ang pahayag na ito ay nagmula kay Peter Trudgill sa kaniyang aklat na Sociolinguistics: An Introduction to Language and Society, [1974; 1983] at hiniram nang wala sa konteksto ni Nolasco.) Hindi nilinaw dito ni Nolasco kung ano ang wika na ginamit ng dalawang tao sa pag-uusap. Halimbawa, ipagpalagay nang gumamit sila ng Filipino sa pag-uusap, at nagkaunawaan sila, ang Filipino ay ituturing umano na wika. Ngunit ang ganitong simplistikong pahayag ng mga lingguwista ay maraming butas. Una, hindi malinaw kung ano ang antas ng diskurso ng dalawang tao na nag-uusap. Kahit batid ng dalawang tao ang mga pakahulugan ng mga salita sa loob ng usapan, hindi ibig sabihin nito na ganap na magkakaunawaan agad sila. Kailangang isaalang-alang dito ang mga pahiwatig, konteksto, senyas, dalumat, halagahan, at pakikipagkapuwa na pawang makaiimpluwensiya sa kanilang komunikasyon at siyang makaaapekto sa resulta ng kanilang usapan. Ikalawa, hindi malinaw sa pahayag ni Nolasco kung ano ang pinag-uusapan, at maihahakang ang pinag-uusapan ay mabababaw na paksa lamang. Sa ganitong lagay, ang dalawang tao—na kahit may magkaibang wika—ay maaari pa ring magkaunawaan hindi lamang dahil sa bisa ng wika kundi sa senyas ng katawan o kaya’y sa pamamagitan ng pagguhit o paglalarawan o musika o demostrasyon. Ikatlo, dapat linawin ni Nolasco kung ang dalawang tao na nag-uusap ay gumagamit lamang ng isang wika o may magkabukod na wika. Kung isang wika lamang ang ginamit nila at sila ay nagkaunawaan ay maganda. Ngunit kung isang wika lamang ang ginamit nila, at hindi pa rin sila magkaunawaan, marahil may kaugnayan ito sa dalumat na pinagmumulan ng dalawang tao, at magkaiba ang pagkakaunawa nila sa daigdig.
Sa talata 3 ni Nolasco, ang ikalawang pamantayan umano ng mga lingguwista upang ituring na wika ang isang wika imbes na diyalekto ay ang gramatika. Ang pahayag na ito ay hindi nagmumula sa publiko kundi sa loob mismo ng sirkulo ng mga lingguwista. Ang paghahambing sa gramatika ng Filipino sa gramatika ng Ilokano o Sebwano o iba pang lalawiganing wika ay hindi makatwiran dahil magkaiba ang pinagmumulan ng dalawang wika, kahit sa ilang pagkakataon ay nagkakahawig, gaya ng may salita sa Ilokano na kahawig sa mga salitang Filipino o Bisaya, bagaman iba ang pagkakabigkas.
Ang nakababagabag ay ang talata 4 ni Nolasco. Hindi umano mahalaga ang bilang ng tagapagsalita, o kung may panitikang nakasulat o wala, o kung ginagamit ang wika sa isang barangay o sa buong lalawigan. Kung hindi mapagpasiya ang mga pamantayang ito, ano kung gayon ang dapat maging pamantayan upang itangi ang “wika” sa “diyalekto”? Lumilitaw sa pahayag na ito ni Nolasco na hindi lamang niya itinatwa ang mga pag-aaral ng mga kapuwa niya lingguwista, bagkus nagtatangkang magpanukala pa ng sariling pananaw hinggil sa kung ano ang wika at kung ano ang marapat tawaging diyalekto. Ngunit walang ibinigay na panukala batay sa matalisik na pag-aaral si Nolasco. Wala. Ang tanging mababanggit ay ang “baryasyon” o baryedad ng wika, gaya halimbawa ng iba’t ibang testura ng Bisaya o Bikol. Para kay Nolasco, ang lahat ng wika ay magkakapantay, at maipapantay halimbawa ang wika ng Butuan sa wikang pambansa (Filipino). Na isang kalokohan, dahil hindi dapat ikompara ang dalawang wika dahil magkaiba ang silbi nito sa pamayanan at magkaiba ang lawak ng bisa nito sa lipunan. Ang pagtatangi samakatwid ni Nolasco sa “wika” at “diyalekto” ay subhetibo, at nakasalalay sa anumang paraan ng pagsagap ng mga tao.
Ginagawang payak ni Nolasco ang usapin sa wika. Ang Filipino bilang pambansang wika ay malayo na ang iniungos sa iba pang lalawiganing wika, mulang panitikan hanggang iba pang larang ng pag-aaral. Ang pag-ungos ng Filipino ay hindi dapat isisi sa Tagalog na naging batayan ng Filipino, o kaya’y sa masigasig na paggamit ng mga manunulat, editor, panitikero, at iba pang espesyalista. Ang paglakas ng Filipino ay may kaugnayan sa nagbabagong diskurso at kamalayan ng mga Filipino, na handang tumanggap o luminang ng isang wikang pambansa upang magkaunawaan ang mga tao sa iba’t ibang lalawigan. Filipino ang pinakamabisang tulay ng komunikasyon sa buong bansa, at may kaugnayan dito ang mass media, sangguniang aklat, panitikan, at iba pang kaugnay na bagay. Hindi rin dapat ikompara ang Filipino sa ibang lalawiganing wika, dahil higit na abanse ang paglinang ng Filipino at siyang nakaligtaan ng mga lalawiganing wika. Ang Tagalog na ginawang batayan ng Filipino ay lumampas na sa hanggahan nito sa rehiyon ng Katagalugan at nagparaya upang maangkin ng buong bansa at maging pangunahing haligi ng wikang pambansa. Ang ganitong aspekto ang hindi pa nasusubok sa gaya ng Sebwano o Ilokano o Butuanon o Kapampangan o Maranaw. Bagaman makapangyarihan ang gaya ng Sebwano at Ilokano habang ginagamit sa loob ng sirkulo ng Sebwano o Ilokano, ang gayong kapangyarihan ay nananatiling kulob at hindi kayang sumaklaw sa buong lunggati at diskurso ng Filipinas.
Ang binanggit ni Nolasco na 170 wika, bukod sa 500 diyalekto, sa Filipinas ay mahalaga. Ang mga wika at diyalektong ito ang matagal nang sinimulang ilahok sa korpus ng Filipino, at ipaloob sa mga diksiyonaryo at tesawro, hindi pa man nahihirang ng Malacañang si Nolasco na maging pansamantalang komisyoner ng KWF. Ang nakaligtaan ni Nolasco ay sa binanggit niyang 170 wika ay wala siyang tinukoy kung anong wika rito ang may kapasidad na maging wikang pambansa, at sa halip ay minamaliit ang Filipino na mula raw lamang umano sa Tagalog. Kung walang kapasipad ang anumang wika sa Filipinas na maging saligan ng isang pambansang wika, ano ngayon ang marapat maging wikang pambansa? Ingles? Posible. Kung susundan ang baluktot na lohika ni Nolasco, multilingguwalismo ang dapat manaig, ang halo-halong wika na walang tiyak na gramatika, palabaybayan, at palaugnayan na pawang ibinatay sa iba’t ibang wika at mahihinuhang ipinadron sa Ingles. Mahihinuha rito na sa pagsusulong ni Nolasco ng kaniyang kakatwang bersiyon ng multilingguwalismo, ang nakikinabang ay ang Ingles na siyang ibig gawing midyum sa pagtuturo sa buong bansa at isinusulong ni Kalihim Jesli Lapus at binasbasan ng Malacañang.
Kung Filipino ang wikang pambansa, ayon sa Saligang Batas ng 1987, ang wikang ito—anuman ang pinag-ugatang wikang taal sa Filipinas—ang dapat pinagyayaman ng KWF at hindi ibinibingit lagi sa kontrobersiya ng salungatang Filipino vs. Lalawiganing Wika at Ingles. Sa layong isulong ang diwa at sariling bersiyon ng multilingguwalismo, itinatampok ni Nolasco ang Filipino na kaantas lamang ng mga lalawiganing wika imbes na palaganapin ang Filipino bilang wikang pambansang katuwang ng mga lalawiganing wika. Ang ganitong asta ni Nolasco bilang pansamantalang punong komisyoner ng KWF ay mapanghati (i.e., divisive) sa pangarap na itaguyod at linangin ang isang pambansang wikang magagamit ng sambayanang Filipino.
Dumako pa si Nolasco sa pagtutuon sa “Tagalog,” “Pilipino,” at “Filipino.” Heto ang kaniyang pahayag:
(8) Ang “Tagalog.” “Pilipino,” at “Filipino” ba ay magkakaibang wika? Hindi. Ang isang nagta-Tagalog o nagpi-Pilipino ay nauunawaan ng sinumang nag-fi-Filipino, at vice versa. Ang mga tagapagsalita ng tatlong diumano’y magkaibang barayti ay gumagamit ng parehong gramatika. Magkapareho ang ginagamit nilang mga pantukoy (ang, ng at sa); mga panghalip-panao (siya, ako, niya, kanila, atbp.) panghalip-panturo o pamatlig (ito, iyan, doon, atbp.); pang-ugnay (na, at at ay); kataga o paningit (na, daw at pa); at panlaping makadiwa -in, -an, i- at -um-. Sa madaling sabi, walang siyentipikong batayan para klasipikahin ang “Tagalog”, “Pilipino” at “Filipino” na magkakaibang wika.
(9) May ilang taga-akademya na nagsasabing ang “Tagalog” daw ay “purista” at ang “Filipino” ay liberal at hindi purista. Para sa kanila, ang pulong at guro ay salitang Tagalog samantalang ang miting at titser ay salitang Filipino. Gayon man, ang panghihiram ng salita ay hindi mapagkakatiwalaang batayan sa pag-iiba ng wika sa diyalekto. Lansakan ang ginawang “panghihiram” ng Zamboangueño (Chavacano) sa Espanyol subalit nakabuo ito ng ibang gramatika. Hindi ito mauunawaan ng mga Espanyol, at dahil dito ay nararapat na ituring na magkaibang wika.
Inuri ni Nolasco ang “Tagalog,” “Pilipino,” at “Filipino” na magkakapareho, at iniugnay niya sa pagsusuri ang paggamit ng pantukoy, panghalip, panlapi, at kataga. Ang ganitong simplistikong pagsusuri ay hindi nagsasaalang-alang sa kasaysayan at ebolusyon ng Filipino bilang wikang pambansa na dumaan sa yugto ng pagbubuo, paggamit, pagpapalaganap, at pagtanggap ng sambayanan. Ang ginawang batayan lamang ni Nolasco ay mula lamang sa pananaw ng lingguwistika na isang malaking pagkukulang. Ang Tagalog na lumaganap noong bungad ng siglo beynte ay iba sa “Pilipino” noong dekada 1960, at lalong iba sa testura ng “Filipino” ng siglo 21. Mababatid ito kapag sinuyod nang maigi ang mga lumabas na panitikan, gaya sa nobela, kuwento, tula, at dula mula sa iba’t ibang panahon. Halimbawa, iba ang Tagalog ng Banaag at Sikat ni Lope K. Santos kung ikokompara sa Pilipino ni Amado V. Hernandez sa Mga Ibong Mandaragit at itatambis sa Filipino ng Oriental ni Rio Alma. Kung nagkakapareho man ang gamit ng pantukoy, panghalip, at kataga ay dahil sa ginawang batayan ang Tagalog na maging haligi ng pambansang wika na malaya at handang tumanggap ng mga salita mula sa ibang wika. Dagdag pa, nagbabago ang Filipino kahit sa paraan ng asimilasyon, sa gramatika at palaugnayan, sa pagpapakahulugan at pagpapahiwatig, at humahalo kahit ang “Ingles na Tinagalog” na Ingles ang padron ng pagkakabuo ng pangungusap ngunit ang ginagamit ay wikang Tagalog. Ang paggamit ng pamantayan ng paggamit ng pantukoy, panghalip, panlapi, at kataga para sabihing magkapareho lamang ang “Tagalog” at “Filipino” ay isang malaking pagkakamali; at sinasadyang ihiwalay at itago ang iba pang aspektong may kaugnayan sa wika para palabasing totoo ang gayong pahayag alinsunod sa pananaw ng lingguwistang gaya ni Nolasco.
Tumuloy pa si Nolasco sa kaniyang pagpuna na “May ilang taga-akademya na nagsasabing ang “Tagalog” daw ay “purista” at ang “Filipino” ay liberal at hindi purista.” May katotohanan ito, ngunit kulang ang pahayag ni Nolasco. Ipinapalagay sa sinabi ng butihing komisyoner na ang Tagalog ay iisa lamang ang tabas ng wika, na ang Tagalog ay Tagalog ding lumalaganap sa Bulakan, Nueva Ecija, Batangas, Laguna, Rizal, at Palawan. Ang Tagalog Rizal ay iba sa Tagalog ng Bulakan o Batangas, at maihahalimbawa ang uri ng Tagalog ni Raul Funilas na mulang Binangonang nakapaloob sa Halugaygay sa Dalampasigan, kompara sa Tagalog ng nobelistang si Jose Munsayac na taga-Bulakan. Binabanggit ang pagiging “purista” ng Tagalog alinsunod sa lugar na pinagmumulan nito at ayon sa pinagmumulang dalumat, pakahulugan, at pahiwatig ng mga taal na salita. Ang binanggit na halimbawa ni Nolasco hinggil sa Chavacano na lansakang nanghiram ng mga salitang Espanyol ngunit nakabuo ng kakaibang gramatika ng Zamboangeño ay maituturing na pag-aangkin. Hindi lamang Chavacano ang gumawa nito. Ang pag-aangkin ay matagal nang ginagawa noon ng Tagalog at siyang ipinagpapatuloy sa Filipino, kaya ang salitang “titser” at “miting” ay maituturing nang inangkin ng Filipino, gaya lamang ng “bintana” o “sibuyas” o “kudeta.”
Ang maganda kay Nolasco ay bihasa siya sa meme. Inuulit niya ang mga salita, paniniwala, at konsepto ng ibang tao nang walang kamalay-malay, at ipinapalagay niyang kaniya lamang ito. Heto ang iba pang pahayag niya:
Ang iba’t ibang kultura at wika sa Pilipinas ay nagkakaloob sa atin ng hindi matutuyuang balon ng mga katutubong konsepto at bokabularyo. Halimbawa, ang gásang ay Sebwano para sa “coral” at ang kagasángan ay lokal na termino para sa “coral reef”. Ang payew o payaw ay siyang tawag sa rice terraces o mga palayang inukit sa mga bundok sa Cordillera. Kung magpapatuloy tayo sa paggamit ng mga terminong Ingles para sa ganitong mga konsepto, o magkakasya na lamang sa ponetikong baybay (koral rif), o salin (hagdan-hagdang palayan), mamamatay ang lokal na termino. Kailangan nating itaguyod ang paggamit ng katutubong mga konsepto sapagkat kailangang irepresenta ng wikang pambansa ang karanasang pambansa. Ganitong-ganito ang itinatadhana ng ating saligang batas na paraan upang linangin ang Filipino.4 Kung ito ay isang uri ng purismo, ito ang purismo na itinataguyod ko.
Ang purismong inaayawan ko at inaayawan ng mamamayan ay iyong nagluwal ng mga salitang gaya ng salumpuwit at salipawpaw. Ang salumpuwit ay pinaikli ng “pangsalo ng puwit,” at ang salipawpaw ay nanggaling sa “sasakyang lumilipad sa himpapawid.” Inimbento ang mga salitang ito noong mga 1960 para gawing “puro” ang wikang pambansa. Sapagkat palasak na ang silya at eroplano, ang ganitong uri ng purismo ay itinakwil ng ating mamamayan.
Ang pahayag na ito ng punong komisyoner ay hindi na bago. Matagal na itong ginagawa ni Virgilio S. Almario kahit hindi pa siya itinatanghal na Pambansang Alagad ng Sining, o nina Zeus Salazar, Prospero Covar,Virgilio Enriquez, at iba pang eksperto sa kani-kaniyang larang. Ang pagkakaiba lamang, nauna sina Almario at iba pa sa mga pahayag ni Nolasco. Bukod sa “gasang” ay ginagamit na sa tula ang “tangrib” na mula sa Iluko at ipinaloob na sa Filipino. Matagal na ring ginagamit ang “payyo,” “payaw,” at “payew,” hindi lamang sa tula at kuwento kundi kahit sa ibang babasahing nasusulat sa Filipino subalit kataka-takang hindi ito binanggit ng butihing komisyoner. Kahit ang pag-ayaw ni Nolasco sa uri ng purismong Tagalog sa gaya ng “salumpuwit” ay hindi orihinal at matagal nang binanatan ni Almario. Ang masaklap ay hindi marunong lumingon si Nolasco sa nakaraan, at para bang siya ang nagpasimuno ng gayong pagpapayaman ng wika. Ang hindi naisip ni Nolasco ay ang henyo ng pagtatangka ng umimbento ng sariling katawagan para gamitin sa diskurso ng Filipino. Ang pag-imbento ng salita ay hindi dapat ikahon at patayin sa taguring “purismo.” Ang gayong pagtatangkang umimbento ng salita na hango o halaw sa malig ng Tagalog o iba pang lalawiganing wika—na bukod pa sa mga balbal na salita—ay isang rebolusyonaryong hakbang sa isang banda at paglihis sa gahum ng Ingles, samantalang pinaiigting ang sariling wika, dahil sinisikap ng gumawa niyon na lumikha ng salitang maaaring maging batayan ng diskurso ng Filipino alinsunod sa pananaw ng mga Filipino. Nagiging katawa-tawa ang “salumpuwit” o “salipawpaw” o “salungsuso” dahil ang ginagamit na batayan sa paglitis niyon ay ang pinaghiramang salita mula sa Ingles o Espanyol.
Hindi pa rito nagwawakas ang pahayag ni Nolasco. Pansinin ang mga talatang ito:
Kung gayon, bakit natin kinailangang baguhin pa ang pangalan buhat sa “Tagalog,” patungo sa “Pilipino” at pagkatapos sa “Filipino”?
Ang mga dahilan ay may kinalaman sa katwirang pang-sosyo-linguistika. Ang dati rati’y wika lamang ng Katagalugan ay lumaganap na sa buong kapuluan at naging wika na ng sambayanang Pilipino. Mas marami nang nagsasalita ng Tagalog na hindi taal na Tagalog. Batay sa sensus ng 2000, 9 sa 10ng Pilipino ang nakapagsasalita at nakauunawa ng Tagalog, magkakaiba nga lamang ang antas ng kasanayan. Sa dulong hilaga man ng Batanes hanggang sa dulong timog ng Tawi-Tawi, ay may nagsasalita ng wikang pambansa. Sa pamamagitan ng wikang pambansa ay nagkatotoo na ang komunikasyong inter-etniko. Salamat sa TV, radyo, romance novel, komiks, paglilipat-tahanan at sistemang pang-edukasyon. Hindi ang lehislasyon kundi ang aktuwal na praktika ng sambayanang Pilipino ang siyang lumutas sa isyu ng wikang pambansa.
Ngunit hindi dapat kaligtaan na karamihan sa ating mamamayan ay nagsasalita ng Tagalog o Filipino bilang pangalawang wika. Mahigit lamang sa dalawa sa limang Pilipino ang taal na Tagalog. Ang mga di-taal na tagapagsalita ng Tagalog ay naiimpluwensiyahan ng palabigkasan at gramatika ng kanilang unang wika. Halimbawa, ang salitang manî (may impit na tunog sa hulihan) ay binibigkas na maní (walang impit na tunog) ng maraming Ilokano kapag nagta-Tagalog sila. Hindi nakapagtataka at nagsulputan sa buong bansa ang mga baryedad pangrehiyon ng Tagalog. Tinatanggap at kinikilala na ang mga ito na lehitimong bahagi ng wikang pambansa.
Ang Ingles ay pangalawang wika rin ng maraming Pilipino. Sa paniwala ng iba, higit itong prestihiyoso kaysa Filipino. Ayon sa surbey noong 2008 ng Social Weather Stations, 3 sa bawat 4 na Pilipino (75%) ang nakakaunawa at nakakabasa sa Ingles. Dalawa sa bawat tatlong Pilipino (61%) ang nagsabing nakakasulat sila sa Ingles at halos kalahati (46%) ang nagsabing nakakapagsalita sila nito.
Ito ang magpapaliwanag bakit pinaghahalo ng mga Pilipino ang Ingles at Tagalog. Kilala ito ng marami sa penomenon na “Taglish.” Sa ilan, ito ay kapag sinimulan mo sa Ingles o Tagalog ang pangungusap, tapos you switch to another language sa parehong pangungusap. “Taglish” din ang tawag kapag ginagamit mo ang gramatika ng Tagalog kasabay ng bokabularyo ng Ingles.
Ang pagbabago ng “Tagalog” tungong “Filipino” ay hindi lamang may kaugnayan sa sosyolingguwistika, ayon sa paniniwala ni Nolasco. May kaugnayan din iyon sa politikang pangkultura, na umuuri sa ugnayan ng kapangyarihan sa lipunan. Hindi makausad ang “Filipino” dahil laging ipinapantay ito sa “Tagalog” na ang labas ay nagmumukhang baryedad lamang ng Tagalog ang Filipino. Hindi makausad ang “Filipino” dahil ang wika ng pamahalaan, batasan, hukuman, negosyo, at akademya ay “Ingles.” Hindi makausad ang “Filipino” dahil kulang na kulang kahit ang pabliser na magsusugal na maglathala ng mga babasahing nasusulat sa Filipino, at higit na pipiliin ang umangkat ng mga babasahing Ingles mula sa ibang bansa. Ang binabanggit kong politikang pangkultura ay makikita kahit sa pagsasagawa ng sarbey, na gagamitin ang “Tagalog” kahanay ng “Ingles,” “Sebwano,” at iba pa ngunit kakaligtaan ang “Filipino” na isang malaking pagkakamali at pagpatay sa simulaing itaguyod ang isang pambansang wika. Marahil, dapat payuhan ang gaya ng National Statistics Office o National Book Development Board o Social Weather Station o WordPress o Google na gamitin sa kanilang sarbey ang salitang “Filipino,” at ibukod ito sa mga lalawiganing wika at wikang internasyonal na Ingles, dahil buong bansa ang sangkot dito.
Kakatwa kahit ang paraan ng pahayag ni Nolasco: Ngunit hindi dapat kaligtaan na karamihan sa ating mamamayan ay nagsasalita ng Tagalog o Filipino bilang pangalawang wika. Mahigit lamang sa dalawa sa limang Pilipino ang taal na Tagalog. Ipinapantay wari niya ang Tagalog sa Filipino, at inuuri ang Filipino na parang Ingles bilang “ikalawang wika,” at sa tabas ng kaniyang pananalita’y Tagalog ang Filipino na binago lamang ang taguri. Ang binanggit niyang dalawang porsiyento lamang ang taal na Tagalog ay hindi malinaw kung ano ang ikinatangi sa gumagamit ng wikang Filipino. Malabo rin ang pakahulugan niya ng “ikalawang wika” at mahihinuhang ang ginawang batayan na naman ay pamantayang lingguwistika ng Ingles. Ang ganitong kalabuan, na nagmumula sa bibig ng pansamantalang punong komisyoner ng KWF, ay mapanganib dahil pailalim nitong minamaliit ang Filipino sa kakayahan nitong tumindig bilang pambansang wikang tulay sa pagitan ng mga lalawiganing wika.
Binanggit din ni Nolasco ang sarbey ng SWS na higit na prestihiyoso ang paggamit umano ng Ingles, ngunit hindi niya nilinaw kung itinapat ba iyon sa wikang Filipino, o baka naman sa Tagalog lamang na itinuturing na lalawiganing wika. Sa aking pagkakaalam, ang sarbey ay nakatuon sa Tagalog, at hindi sa Filipino. Hindi rin mapagtitiwalaan ang sarbey na nagsasabing 75 porsiyento ng Filipino ay nakababasa at nakauunawa ng Ingles. Ang hindi inalam sa sarbey ay kung ano ang uri ng lathalain ang binabasa ng mga tao, at kung gaano kalalim ang pagkakaunawa nila hinggil dito. Mahalaga ito upang mabatid ang antas ng diskurso ng mga Filipino sa paggamit ng Ingles, kung ihahambing sa diskurso ng mga Filipino sa paggamit ng wikang Filipino.
Sablay din ang konklusyon ni Nolasco hinggil sa pagsulpot ng “Taglish.” Ang usapin ng Taglish o paghahalo ng Tagalog at Ingles ay hindi lamang may kaugnayan sa wika at lingguwistika, kundi maging sa politikang pangkultura. Maituturing ang paglitaw ng Taglish bilang reaksiyon sa patakarang kolonyal ng Amerika na pinalaganap sa buong Filipinas, at ang Tagalog noon, na lumaban sa paglaganap ng Ingles, ay gumawa ng paraan upang angkinin ang Ingles, at gamitin para sa kapakinabangan ng Filipino. Makikita ito sa paglalaro nina Julian Cruz Balmaseda, Lope K. Santos, Jose Corazon de Jesus, at Ildefonso Santos hanggang mga blogista ng panahong ito. Bagaman hindi katanggap-tanggap ang Taglish sa mga purong Inglesero, ang Taglish na ito ay lumikha ng mga tagasunod mulang subkultura sa mga kolehiyo at klub hanggang mass media at iba pang lunan.
Wika at Nasyonalismo
Ang problema kay Nolasco ay lumilikha siya ng opinyon mula sa pira-pirasong pagsipi hinggil sa ebolusyon ng Tagalog tungong Filipino. Heto pa ang kaniyang pahayag:
Noong mga 1930, pinili ng pamahalaang Quezon ang Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa. Dahil dito, naging opisyal at de facto na wikang pambansa ang Tagalog. Magiging sagisag daw ito ng ating kabansaan, gaya ng pambansang watawat at pambansang awit. Pagyayamanin daw ito batay sa MGA wika ng Pilipinas, pero nakasaad din sa batas ang “pagpapadalisay” dito.8
Bahagya lamang ang totoo sa sinipi ni Nolasco. Una, hindi naman basta pinili lamang ng administrasyon ni Manuel L. Quezon ang Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa. Lumalabas sa pahayag ni Nolasco na diktador ang administrasyon ni Pang. Quezon at hindi na makapapalag pa ang ibang tao. Ang nakaligtaang banggitin ni Nolasco ay nagkaroon ng konsultasyon sa iba’t ibang eksperto na pawang kumakatawan sa iba’t ibang lalawigan, sa ilalim ng pangangasiwa ng Institute of National Language, at matapos ang masusing deliberasyon ay saka pinili batay sa datos at saliksik ang Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa. Mali rin ang pagbasa ni Nolasco sa pagpapayaman sa Tagalog. Binanggit na payayamanin ang Tagalog batay sa mga umiiral na wika sa bansa, ngunit lilisain ang “di kinakailangang banyagang termino, salita, at konstruksiyon.” Ano ang masama rito? Hindi isinaalang-alang ni Nolasco na iba ang lagay ng Tagalog noon na nagsisimula pa lamang. Kailangang maipon muna ang malig ng mga salita sa Tagalog upang sinupin ang mga “banyagang salita” (i.e., internasyonal na wika) na pumapasok sa korpus ng Tagalog. Lumabas ito sa serye ng mga pulong sa INL, at isa si Iñigo Ed. Regalado na nagpanukala sa pagpapalago ng kaban ng Tagalog at iba pang wika. Ang pagkokompara, samakatwid, ng Tagalog sa Filipino ngayon—na kumapal na ang korpus at naisayos na kahit paano ang pagtanggap ng mga banyagang salita—ay isang kaululan.
Ang problema sa papel ni Nolasco ay patalon-talon ang argumento, ngunit hindi ko sasabihing baliw ang paraan ng kaniyang pangangatwiran. Binuksan niya ang usapin hinggil sa kasaysayan at ebolusyon ng Filipino bilang wikang pambansa ngunit mag-iiwan naman ng mga puwang na ipinapalagay niyang tatanggapin nang buo ng mga mambabasa. Nilaktawan ni Nolasco ang talakay noong panahon ng pananakop ng Hapones at pagkaraan ay gagamiting halimbawa iyon bilang argumento sa pagiging “nasyonalista” na hindi dapat umanong ilapat o ikabit sa wikang Filipino. Isa itong kaululan. Totoong nagpakana ang Hapon na palaganapin ang wikang Nihonggo sa buong bansa, ngunit kulang ang mga titser noon at kaya kinakailangang sanayin ang mga tao na puwedeng magturo ng Nihonggo. Nabigo ang patakaran ng Hapon, at pagkaraan ay binuo ang Pambansang Lupon ng Edukasyon na kinabibilangan nina Jorge Bocobo, Francisco Benitez, at Mariano de los Santos upang gumawa ng sarbey at pag-aaral hinggil sa sistema ng publiko at pribadong edukasyon sa bansa. Lumabas sa kanilang pag-aaral ang kahalagahan ng paggamit ng isang wikang pambansa, at ang malaganap na pagtuturo nito sa lahat ng antas ng paaralan. Sa panayam ni Teodoro Agoncillo kay Pang. Jose Laurel, sinabi nitong “walang layong patayin ang mga katutubong wika” sa paggamit ng isang pambansang wika, bagkus maging tulay ng pagpapahayag sa puwang sa pagitan ng mga lalawiganing wika. Halimbawa, ani Laurel, ang Ilonggo na hindi makapagsalita ng Kapampangan ay maaaring gamitin ang pambansang wika upang maunawaan siya ng taga-Pampanga, at iba pa.
Dapat isaisip ni Nolasco na ang administrasyon ni Pang. Laurel ay nasa yugto ng digmaan, at iba ang kalagayan ng mga tao na dumanas ng lagim ng karahasan at kahirapan. Ang isang wikang pambansa ang isang makapangyarihang kasangkapan upang pagbuklurin ang lugaming bansa—at ito ang kapuri-puri sa ginawa ni Pang. Laurel—at nang maihatid nang mabilis ang mga kinakailangang impormasyon at serbisyo sa sambayanan. Ang administrasyon ni Laurel ay hindi masasabing sunod-sunurang tuta lamang ng mananakop na Hapones (at tatanga-tanga sa pagkasangkapan sa nasyonalismo) bagkus nagsikap din iyong gumawa ng mga hakbang upang maipasok ang usapin ng kalayaan at pagsasarili, kahit man lang sa panig ng edukasyon at pagpapalaganap ng wika. Kaya kung iugnay man ang “pambansang wika” sa “nasyonalismo” ay hindi dapat sipating kahinaan sa panig ng Filipino. Dapat pa ngang ipagmalaki ito, dahil ang pambansang wikang ibinatay sa Tagalog ay malaki ang naging ambag para pagkaisahin ang mga Filipino, at buhayin ang kanilang loob, saanmang lalawigan sila nagmula.
Hindi ko na papatulan ang kronika ni Nolasco hinggil sa ebolusyon ng wikang pambansa dahil pagsasayang lamang iyon ng laway. Ang nais ko lamang ipakita rito ay kung paano binabaluktot ni Nolasco ang kasaysayan at impormasyon, upang iangkop sa nais niyang maging patakaran ng KWF. Heto pa ang pahayag niya:
Paano natin pahahalagahan ang ating mga wika?
Kailangan nating baguhin ang ating saloobin tungkol dito. Ituring nating yaman sa halip na pabigat ang ating mga lokal na wika at ang dibersidad pangwika sa Pilipinas. Itakwil natin ang mga maling hakahaka gaya ng huwad na mga argumentong “nasyonalista”. Huwag nating paglabanin ang lokal na wika at ang wikang pambansa. Huwag nating paglabanin ang Ingles at Filipino. Kailangan natin ang isang wikang pambansa pero kailangan din natin ang ating mga lokal na wika at ang mga wika ng lalong malawak na talastasan (i.e. Ingles at Español). Sa pamamagitan ng mga wikang ito, nabubuo natin ang ating etnisidad at kasabay nito ay nakikilala ang ating pagka-mamamayan ng bansa at ng daigdig. Sabi nga, mag-isip nang global at kumilos nang lokal.
Ang ating mga bata ay may karapatang matuto sa wikang kanilang kinagisnan.14 Napatunayan nang sa pamamagitan ng mga wika ng tahanan at lokal na kultura ay napapadali ang pagkakatuto ng bata sa eskuwelahan. Nagsisilbi ring tulay ang mga ito upang epektibong kabisahin ang ibang wika, gaya ng ipinakita sa Lubuagan. Nagkakaroon ng paggalang sa sarili ang isang mag-aaral kung ang kanyang mga karanasan at ang wikang ginagamit niya sa pagpapahayag ng mga iyon ay tinatanggap o kinikilala. Mula sa kaalamang ito, ang bata ay natututo, nakapagdaragdag ng bagong mga konsepto at nakakabuo ng mas malalim at abstraktong ideya.
Ang katutubong mga sistema ng kaalamang nakaimbak sa mga lokal na wika ay nagkokomplemento sa ating kaalaman sa agham at teknolohiya ng Kanluran. Ang pinagsamang kaalamang ito ay tumitiyak na ano mang kaunlarang maidudulot nito ay magiging pangmatagalan at makakalikasan.
Ang tunay na nagmamalasakit sa Filipino bilang wikang pambansa ay hindi kailanman iniisip na magiging hadlang ang paggamit ng mga lalawiganing wika para sa kapakinabangan ng isang solidong pambansang wika. Ang mga tumututol lamang sa pagkakaroon ng wikang pambansa rito ay ang ilang demagogong Inglesero, Sebwano, at Bikolano, at makikita ito kahit sa patakaran ngayon ng Departamento ng Edukasyon (DepEd). Kaya ang pahayag ni Nolasco sa itaas ay bahaw na bahaw, at inulit lamang ang dating hinagpis na nagmula rin sa hanay ng mga tunay na taliba ng wika. Kaya lamang nagkakaroon ng labo-labo ngayon hinggil sa wikang pambansa ay dahil na rin sa maling priyoridad ni Nolasco bilang pansamantalang komisyoner ng KWF. Ibig niyang isulong ang multilingguwalismo ngunit pailalim na pinahihina ang Filipino bilang wikang pambansa. Ang mga pangamba ni Nolasco na maging purong Tagalog ang Filipino ay isang haka-haka lamang na walang batayan, at kathang-isip na naging halimaw na siyang kinatatakutan mismo ng butihing komisyoner.
Ang sinipi ni Nolasco mula kay Rep. Magtanggol Gunigundo na, “Ang ating mga bata ay may karapatang matuto sa wikang kanilang kinagisnan,” ay hindi na dapat pang pagtalunan. Karapatan nila iyon. Ngunit ang pagturing sa Filipino na parang Ingles ay isang mabuway na pagpapahalaga. Ang Filipino bilang wikang pambansa ay makatutulong sa anumang wikang kinagisnan ng bata upang lalo siyang matuto. Magkalayo ang polong pinagmumulan ng Ingles kompara sa Filipino, at ang Anglo-Amerikanong tradisyong taglay ng Ingles ay hindi kasinghusay ng tradisyong Filipinong mataas ang uri ng paghihiwatigan at pagpapakahulugan kung ilalapat o kakasangkapanin sa kaligiran ng Filipinas.
Mapanganib ang mga pahayag ni Ricardo Nolasco bilang pansamantalang punong komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ang mga sablay niyang pahayag ukol sa Filipino ay hindi ko iisiping naaanggihan ng Summer Institute of Linguistics na sinisipat ng ibang kritiko na pumapabor sa patakarang kolonyal ng Estados Unidos. Subalit ibang usapan na ito, na nangangailangan ng ibang talakayan at inuman. Ano’t anuman, malaya ang Malacañang na hirangin muli si Nolasco bilang punong komisyoner ng KWF, nang di-alintana ang nagbabadyang sigwa sa loob at labas sa Malacañang.
Para sa kaugnay na artikulo, basahin ang Lily Pad ni Ninotchka Rosca na may akdang pinamagatang “The Language of Ourselves.”
Maraming matututuhan sa Amerika ang Filipinas mulang kampanya hanggang halalan sa pagkapangulo ng bansa. At ilan lamang ang sumusunod:
1. Kailangan ang bagong mukha ng politika. Ang asta ni Barack Obama ang inaasahan kong gagayahin ng ating mga politiko. Ang isang bagitong senador na tumakbong pangulo ng Estados Unidos, ang politikong naghahain ng bagong pananaw mula sa niresiklong programa ng Demokrata. Ang politikong makapagpapamalas ng katiyakan sa pananalumpati, at makapagpapaalab ng damdamin ng taumbayan, at iiwas pumukol ng putik sa kaniyang kalaban, ang inaasahan kong magwawagi.
2. Tapos na ang panahon ng matandang panahon, at kabilang dito ang sungayang administrasyong naghahasik ng digmaan. Naghahanap ang mga tao ng alternatibo sa digmaan, at ng pamalit sa walang habas na pagpatay. Ang walang dahas na patakaran ng diplomasya ang hindi pa nasusubok nang ganap, at siyang dapat isaalang-alang ng sinumang sasabak sa halalan. Magiging pangunahing adyenda ang usapang pangkapayapaan sa Mindanao, at ang pagtatakda sa Mindanao, Sulu Arkipelago, at Palawan bilang mga pook ng kapayapaan at kaunlaran.
3. Pangunahing aspekto ng kampanya ang pagtitiyak sa ekonomiya ng bansa. Sa Filipinas, ang kandidato ay dapat maghanda sa plano ng muling pagsasabalangkas ng mga priyoridad, at mangunguna na rito ang pagtutuon sa agrikultura, siyensiya at teknolohiya, agham-dagat, turismo, transportasyon, at iba pang kaugnay na larang. Hindi makaaasa ang Filipinas sa pagpaparami ng call center, dahil panandalian lamang ito at nakasalalay sa ekonomiya ng Amerika na ngayon ay lugami sa krisis.
4. Kailangang isaayos ng susunod na administrasyon ang priyoridad sa edukasyon. Ang edukasyong dapat lumaganap sa Filipinas ay yaong magagamit sa loob ng Filipinas, gaya sa agrikultura, agham-dagat, paggugubat, heolohiya, at klima, kaya kinakailangan ang panibagong kampanya upang pasiglahin ang naturang mga kurso. Habang nagtutuon dito, makapagsisimula rin ng pagbubukas ng ugnayan at bagong merkado sa mga nasyong di-karaniwang pinapansin ng Filipinas pagsapit sa kalakalan. Kailangang makapagbukas ng bagong merkado at ugnayan ang bansa na bukod sa Amerika.
5. Seguridad ang isang sigaw sa kampanya sa Amerika. At ang seguridad na ito ay hindi lamang sa paglaganap ng dahas na inihahasik mulang dulong kanan hanggang dulong kaliwa, bagkus sa seguridad maging sa iniimpok na salapi sa bangko. Ang sinumang kandidato ay dapat isaalang-alang ito, at maidaragdag dito ang isa pang alternatibo sa mga tradisyonal na bangko: ang mga tinaguriang micro-credit finance na lumalaganap ngayon sa mga pook-maralita, mulang kalungsuran hanggang kanayunan.
6. Isang batik sa halalan nooong 2000 sa Amerika ang kaduda-dudang resulta ng halalan sa Florida, at siyang nagpanalo kay George W. Bush. Sa atin, mababansagan itong “dagdag-bawas,” na taguring dapat bantayan ng taumbayan. Sawa na ang mga mamamayan sa mga pandaraya sa halalan, at sakali’t maganap ito sa 2010 kahit elektroniko na ang pagboto, ay isang masaklap na pangyayaring hinuhulaan kong magwawakas sa madugong pag-aaklas.
7. Hindi na puwedeng gamitin ng sinumang politiko o partido ang musikang may karapatang-intelektuwal ng mga kompositor at mang-aawit. Labis ang paglabag dito ng partidong Republikano, bagaman nakagawa rin ng paglabag ang kampo ng Demokrata. Sa Filipinas, protektado ang karapatan ng mga kompositor at mang-aawit, at siyang isinusulong ng FILSCAP (Filipino Society of Composers, Authors, and Publishers, Inc.).
8. Huwag makipag-away sa artista, at huwag maliitin ang sinumang dalaga, gaya ni Paris Hilton. Masyadong macho itong si John McCain, at hindi niya inaakalang ang maling hambingang ipinukol niya kay Obama at paggamit kay Hilton ay babalikwas sa kaniyang mukha pagsapit sa YouTube.
9. Laos na ang magandang mukha. Hindi na puwede ang gaya ni Palin na maganda nga’y hanggang ganda lamang ang maipagmamalaki at ikahihiya ninuman ang dumi ng bibig sa pagbibitaw ng paninirang-puri sa kalaban. Hindi puwede ang ganito sa Filipinas, dahil aakalain ang gaya ni Palin na isang palengkera, bagaman higit na may dangal ang karaniwang palengkerang kaya dumadada ay upang kumita at hindi magpasikat sa halalan.
10. Kailangan ng kandidato ang di-tradisyonal na pangangampanya. At ang pangangampanyang ito ay magaganap sa cyberspace, sa loob ng mga pook ng networking, at sa mga opinyon ng mga blogistang walang espasyo sa mga palimbag na magasin, pahayagan, at tabloyd, o kaya’y walang tinig sa radyo at telebisyon. Malalaglag sa kangkungan ang mga kandidatong hanggang pahayagan lamang ang anunsiyo, na paminsan-minsan ang labas na gaya ng praise release.
11. Makabubuting maghanda na ng malinaw na plataporma de gobyerno. Maganda ang disenyo at pagkakabalangkas ng plataporma nina Obama at Biden, at ito ang dapat pinagsusumundan ng mga politiko sa Filipinas. Sa atin, ginagawa lamang ang plataporma ilang buwan bago maganap ang halalan, at ito ay isang kaululan. Maraming politiko ang nais tumakbo sa pagkapangulo, ngunit hangga ngayon ay wala pa akong nakikitang malinaw na plataporma, kahit ng kaniyang partido, hinggil sa kinabukasan ng Filipinas. Ang sinumang maunang magpaskil ng plataporma de gobyerno sa internet ang inaasahan kong makapupukaw ng pansin ng publiko.
12. Kailangan ng kandidato na magsimula nang sumuyod sa iba’t ibang sektor, at makipag-ugnayan. Ang pakikipag-ugnayan ay dapat nakabatay sa bawat isyu, at hindi sa kung magkano ang makakayang ibigay ng politiko sa programa ng isang sektor. At kung makikipag-ugnayan din lamang ang politiko, sumangguni na siya sa malalaking pangkat na may mga base sa pamayanan, at hindi gaya ng ilang pangkat na sikat lamang dahil kayang magpalabas ng anunsiyo at mag-ingay sa mga pahayagan.
13. Mahalaga sa sinumang kandidato ang mga mapa at database ng mga botante. Ngayon pa lamang ay dapat sinusuyod na ito upang mabatid kung sino-sino ang mga kontak, kung gaano kalawak ang lupain at gaano karami ang botante, at iba pa. Nakapagtataka na sa tinagal-tagal ng halalan sa Filipinas, hindi gaanong napagtutuunan ito ng bawat partido. Totoong magastos ang paglalatag ng mapa, at paglalaman ng database, ngunit ang anumang impormasyong makalap dito ay dapat gamitin sa pagsasakatuparan ng mga programa ng partidong magwawagi, at hindi itatago lamang sa baul upang pagkaraan ay gagamitin muli sa susunod na halalan.
14. Hindi makaaasa ang politiko na magpasiklab sa telebisyon. Tapos na ang panahong ito, at humina ang halina ng mga artista dahil sa pagbagsak ng produksiyon ng malalaking pelikula. Ang susunod na bakbakan ay maaaring kampanya at propaganda sa teksting, video streaming, at iba pa.
15. Kailangan ng kandidato ang tangkilik ng mga tao. At makukuha ito hindi sa pagbubunyag ng kung ano-anong baho, dahil laos na ito at siyang kinabalahuan ng gaya ni Sen. Panfilo Lacson. Magiging matagumpay lamang ang pagbubunyag kung suportado ng mga ebidensiya, at kung hindi’y daranasin ng gaya ni Lacson ang kapalaran ni Palin.
16. Pinakamahalaga sa lahat ang pondo. Makapangyarihan si Obama dahil nakalilikom siya ng pondo para sa pangangampanya nang mabilis, at kahit mula sa ibang bansa. Kung kulang din lamang ang pondo ng kandidato, gaya ni Bayani Fernando na malakas ang loob tumakbo sa halalan, ay dapat huminto na siya sa pangangarap maging pangulo ng bansa.
Ilan lamang ang mga ito sa aking obserbasyon sa halalan. Bagaman matagal-tagal pa ang halalan sa Filipinas, makabubuting maghanda na ang sinumang kakandidato. Hindi kinakailangang gayahin ng mga Filipinong kandidato ang mga kandidato sa Amerika. Iba ang kaligiran doon at iba ang kaligiran dito. Ang pinakamahalaga sa lahat ay pagsasaalang-alang sa kinabukasan ng Filipino dahil ang mga Filipino ay yamot na yamot na sa politikang sinauna, marumi, mababaw, at kaduda-duda.
Ilang araw na lamang at mababatid na kung sino ang bagong pangulo ng Estados Unidos. Pinakaaabangan sa lahat ito, dahil nakasalalay sa susunod na administrasyon ang magiging patakaran ng Amerika hindi lamang para sa mga Amerikano kundi maging sa iba’t ibang bansa. Kung pagbabatayan ang sarbey, malaki ang posibilidad na magwagi ang koponang Barack Obama-Joe Biden. At sakali mang maging pangulo si Obama, marapat na maging matalas pa rin ang sinuman sa mga inihahain nitong programa.
Sa unang malas ay progresibo ang programa ni Obama hinggil sa ugnayang panlabas. Halimbawa, naghayag si Obama na pabor siya sa diplomasya sa Iran, at kung tatalikdan umano ng Iran “ang programang nuklear at pagtangkilik sa terorismo,” ay makaaasa itong mapapabilang sa World Trade Organization, bukod sa mabibiyayaan ng dayong pamumuhunan at maayos na ugnayang diplomatiko. Ngunit may babala rin si Obama: na kapag nagmatigas ang Iran ay makalalasap ito ng ekonomikong panggigipit (i.e., embargo) at pagkakatiwalag na pampolitika.
Walang pagkakaiba si Obama sa mga naging pangulo ng Amerika. Lagi nitong nasasaisip na “malaking panganib” ang Iran, ngunit hindi nito isinasaalang-alang ang karapatan ng Iran na magsagawa ng sariling programang nuklear na maaaring magamit nito bilang alternatibong pagkukunan ng enerhiya sakali’t masaid ang suplay ng langis nito sa hinaharap. Ang tindig ni Obama na “tumatangkilik sa terorismo” ang Iran ay maaaring may katotohanan, ngunit hindi ito makatutulong dahil ipinapalagay agad dito na ang Iran ay lagi nang panig sa terorismo, at inihahanay sa lunggati ng Al Qaeda, na kung titingnan sa ibang anggulo ay pagtangkilik lamang sa mga rebolusyonaryong kilusang ibig ang kalayaan at kasarinlan, gaya ng pakikibaka ng Lebanon at Palestine. Ang pananaw ni Obama sa Iran ay mapanlagom at hitik sa prehuwisyo ng mapandigmang Amerikano, gaya ng pananaw ng konserbatibong si John McCain, at ito ang nakakatakot.
Isa pa sa mga programa ni Obama ang paglutas sa digmaang Israel at Palestine. Sisikapin umano ng administrasyon ni Obama na maisulong ang diplomasya nang maitatag ang dalawang estado: ang “nasyong Hudyo” ng Israel at ang nasyong Palestine. Sa pagpapangalan pa lamang ay alanganin na agad si Obama. Para sa mga Palestino, matagal na silang may bansa, ngunit ang bansang ito ay patuloy na sinasakop ng Israel, kaya patuloy ang pakikidigma sa ngalan ng kasarinlan. Ang tindig ni Obama ay dapat isaalang-alang ang patas na trato, ngunit hindi ito magaganap, dahil higit na pumapanig ang Amerika sa Israel dahil sa pagkilala sa karapatan nitong “ipagtanggol ang sarili.” Mabalasik ang Israel sa pagtrato nito sa mga Palestino at iba pang liping Arabo, ngunit hindi naringgan ang Amerika na tumuligsa sa Israel ukol sa mga paglabag sa karapatang-pantao sa gaya ng mga Palestino at Lebanes. Kung nais ni Obama ang kapayapaan, kailangang iwaksi nito sa isip na laging nakahihigit ang Israel sa Palestine o Lebanon o Syria o Iran, at maaaring simulan ang lahat sa ganap na pagbabawal ng paglaganap ng armas nuklear na taglay ng Israel, at sa patas at magalang na turing sa mga nasyong Muslim.
Mahalagang pansinin din kung ano ang programa ni Obama para sa Asya. Hangad umano ng kaniyang pamunuan na lampasan ang nakasanayang kasunduang bilateral, talakayan, at iba pa. Palalakasin pa umano ang ugnayan sa Japan, South Korea, at Australia, samantalang magtatatag ng mga impraestruktura sa Silangang Asya na “magtitiyak ng katatagan at prosperidad.” Titiyakin din na ang Tsina ay hindi lalabag sa mga patakaran. Mapapansin sa ganitong tindig ni Obama na ang Amerika ay pananatilihin pa rin ang “imperyalistang lunggati” nito sa Asya, at laging pumapabor sa mayayamang bansa. Ang binanggit niyang pagtatatag ng impraestruktura sa Asya ay napakalabo, at maaaring kumatawan din ito kahit sa paglalagay ng bagong base militar ng Amerika, halimbawa, sa Mindanao. Sa dinaranas ngayong krisis pananalapi sa Amerika, kaduda-duda ang pahayag na ito kung makakaya nga ng Amerika na magsagawa ng malakawang impraestruktura sa Silangang Asya. Hindi naman kapani-paniwala na kayang supilin ng Amerika ang Tsina, dahil malalagay sa alanganin ang kalakalan sa loob mismo ng Amerika at kapit-bansa nito.
Kahit ang programa ni Obama hinggil sa pakikipag-ugnayan sa Cuba ay paimbabaw. Matagal nang pinapatay ng Amerika ang Cuba sa pagpapataw ng di-makataong ekonomikong embargo, at ang pangako nitong gagawing normal ang diplomatikong ugnayan pagkamatay ni Fidel Castro ay isang kabulaanan. Mas matindi pa ang mga paglabag sa karapatang-pantao na ginawa ng Amerika sa Vietnam, Iraq, at Afghanistan, kaysa ginawang kasalanan, kung may pagkukulang man, ang administrasyon ni Castro sa mga Cubano. Kung bakit nananatiling matatag ang Cuba sa kabila ng embargo ang dapat isipin ng Amerika. Nagtagumpay ang rebolusyong inihasik ni Pang. Castro, at ito ang dapat pagbulayan ng Amerika imbes na mapaso sa terminong “sosyalismo” gaya ng inihayag ni Sarah Palin.
Isa pang mahalagang punto na binanggit ni Obama ang paglikom ng lahat ng nawawalang sandatang nuklear. Maganda ito, ngunit dapat munang maging halimbawa ang Amerika sa mga bansang gaya ng Rusya, Pransiya, Alemanya, Tsina, India, at Israel na itigil na ang pagmamanupaktura ng armas nuklear. Ang panggigipit ng Amerika sa Iran ay isang baluktot na pagpapahalaga, at isinasaalang-alang lamang ang kalagayan ng Amerika at kakampi nito imbes na ibang bansang iba ang pananaw, kultura, at lunggati.
Ang binanggit ko rito ay katiting pa lamang sa maaaring gawin ng administrasyon ni Obama sakali’t magwagi nga ang koponang Obama-Biden. Ngayon pa lamang, nakikita kong pulos pangako itong si Obama, at gaya ng kaniyang katunggaling Republikano, ay walang magagawa kundi ipagpatuloy muli ang kagila-gilalas na patakarang imperyalista ng dakilang Estados Unidos ng Amerika.
Hindi ko dati pinapansin itong si James T.C. Na, na makatang nagsusulat sa wikang Tsino ngunit nagsisikap palagi na isalin sa iba’t ibang wika ang kaniyang mga tula. Nasabi ko ito dahil nahalata kong masagwa ang pagkakasalin sa Ingles ng ilan sa kaniyang mga tula, at yamang hindi ako nakababasa sa wikang Mandarin o iba pang wikang Tsino, inakala kong pangit nga ang kaniyang mga tula. Ngunit nang isalin nina Mario I. Miclat at Joaquin Sy sa Filipino ang mga akda ni Na ay naghunos ang aking pananaw.
Si Na ang awtor ng mga koleksiyong Poems by James T.C. Na; The Wild Plant and many others; at In the Light of Poetry and Photography, bukod sa iba pang koleksiyon.
Ang mga tula ni Na ay nababahiran ng paghahanap sa tinubuang bayan. Siya ay maibibilang na sa hanay ng mga “huwakyaw” (hua quiao) o “huwatsiyaw” (Hwatsiao), na taguri sa mga Tsinong naninirahan sa ibayong-dagat. Ang kalagayang ito ang nagiging sanhi rin upang maging alanganin si Na sa pagiging Tsino: na bagaman nakapagsasalita o nakapagsusulat sa wikang Tsino ay waring hindi pa rin siya matanggap nang lubos ng mga Tsino sa loob ng Tsina. Si Na, sa mga salin nina Miclat at Sy, ay walang pasubaling Filipino kahit baligtarin pa ang mundo, bagaman nagkataong may dugo at lahing Tsino. Madarama ang paghahanap ng sariling bayan sa gaya ng tahanan, at ito ang nakapaloob sa piyesang “Pagnanasa”:
Kung kailangan kong sumulat ng tula,
Aking susulati’y isang pagnanasa.
Kung nararapat pa’y di kakalimutang
Plumang gagamiti’y yari sa kawayan,
Tutubugang tinta’y pakakatingkaran.
Kung di matatapos ang nais isulat,
Ang dampi sa papel na pluma kong hawak
Ay kababasahan ng damdaming tunay.
Pagnanasang nais na mailarawa’y
Iisang kataga ang kalalabasan,
Walang dili iba’t katagang “tahanan.”
Ang nasabing tula ay maiiugnay sa isa pang tulang pinamagatang “Ligáw na Halaman”:
May dahon ma’y
Walang panalaytayan ng tubig.
May panalaytaya’y
Walang ugat.
May ugat ma’y
Walang lupang kinatatamnan.
Ito’y isang uri na ligaw na halaman
Na ang tawag ay Hwatsiao—
Tsinong namamayan sa ibayong dagat.
Ang persona na iwinangki ang kaniyang sarili sa ilahás na halaman (i.e., wild plant) ay nababagahe sa kaniyang pinagmulan. May kaugnayan ito sa pagtanggap ng lipunan sa mga tao na itinuturing na dayuhan o banyaga, at ang gayong dayuhan ay ipinapalagay na ang katapatan ay nasa lupaing kaniyang pinagmulan na masasabing Tsina. Ngunit hindi gayon ang realidad. Ang Tsino na lumisan sa Tsina at nanirahan sa ibang bansa ay nagkakaroon ng ibang identidad, at ang identidad na ito ay matalik sa lupaing kaniyang pinaninirahan. Ang Huwatsiyaw ay mabigat na terminong kung minsan ay may pahiwatig ng pagkatiwalag sa sariling bansa, at sinumang kabitan nito ay sa malaon at sa madali’y sumasanib sa ibang bansa, kaya nagiging “Tsinoy” (Tsino na Pinoy) o “Pinsinos” (Pinoy na Tsino).
Gayunman ay kakabig si Na sa pagkasangkapan ng imahen na matalik sa Tsina, at maihahalimbawa ang tulang “Baitang”:
Minsan pang naparaan doon sa lumang kabayanan
Ang gabi’y lumalim at naging mahabang-mahabang daan
Parang isang matandang umaakay sa magaspang na mga batong baitang
Bigla’y sinabi mo:
“Dapat nang tumigil, baka umapaw ang ilog
Maging tambo tayong hindi maabot ang mga pampang!”
Noo’y nakita ko
Ang luha sa mga mata mo, nagsisikap
Apulain ang pag-ibig na sumisiklab
Noo’y nakita ko ang lumbay, kahit nakangiti ka
Ang dulo ng mga baitang ay dulo ng gabi
Ang pintong binuksan ay pusong nakapinid
Marahang humalik at namaalam, wala nang dapat sabihin
Sa sansaglit, nagkahugis sa puso ko ang sanlibong batong baitang.
Mahihiwatigan sa tulang ito ang kaligiran ng kabayanang malapit sa ilog o dagat at ang matatarik na baitang na pawang kinasangkapan sa nadarama ng persona. Ang nasabing hagdanan ay isa ring napakahabang daan na kapag iniugnay sa gabi’y mahihinuhang walang hanggan bagaman may sukdulang paulit-ulit daranasin ng persona at ng kaniyang kausap. Ngunit ang nasabi ring mahabang hagdan ay nasa puso ng personang nagsasalita sa tula, at maaaring ang kaniyang kausap ay matalik na kaibigan o kasintahang kasabay sa pagtugpa sa pangarap.
Mahaba ang ugat ng Tsino sa Filipinas, at maihahalimbawa ang pakikipagkalakalan ng mga Tsino sa mga taga-Kapuluan natin noong Dinastiyang Sung (1279-960 BK) at Dinastiyang Ming (1644-1368 BK). Mabubuo ang mga parian, na pook na malayang makipagkalakalan, mag-umpukan, at manirahan ang mga Tsino, at magiging pinakatanyag ang Binondo na tinaguriang “Chinatown.” Mabibigat ang antropolohiko at arkeolohikong saliksik ng migrasyon ng mga Tsino sa Filipinas ay maibibilang ang mga pag-aaral nina Paul Benedict at Wu Ching-hong hanggang Ling Shun Sheng at Wilhem G. Solheim II, hanggang kina Kwang-chih Chang, George W. Grace, Donald F. Tugby, Teodoro A. Llamzon, H. Otley Beyer, William Henry Scott, Jared Diamond, at iba pa. Ngunit kakaunti ang nag-uukol ng pag-aaral sa mga Filipinong may dugong Tsino’t nag-aambag ngayon sa panitikang Filipinas.
Maganda kung gayon ang pagsasalin sa Filipino ng mga tula ni Na. Binubuksan ni Na ang bagong yugto sa panulaang Filipinas, at may kaugnayan ito sa pagsasalin. Sa unang malas ay mga payak ang kaniyang tula, ngunit habang tinititigan ay may mahuhugot kang hiyas, gaya ng “Dagat”:
Sa wakas ako’y naging gaya nang mahusay manghulang matandang Hitana. Noo’y kasalukuyan akong nakakulong sa maliit na maliit na kuwardradong silid, malungkot at nag-iisa, kaya’t napilitang humarap sa bintanan at tanawin ang maliit na maliit na kuwadradong dagat. Dagat. Dagat. Nakita ko ang aking sarili, ang aking mga luha’y mga along humahampas pataas, at ang hiyaw ng dagat ay sigaw kong malakas.
Biglang-bigla, ang aking dapithapon ay naging tubog sa ginto!
Nagpapabalik-balik ang gunita ng makata sa Tsina at Filipinas, gayunman ay higit na makapangyarihan si Na kapag ang itinula ay hinggil sa Chinatown. Heto ang kaniyang rendisyon sa “Kalesa”:
Kung ang sinaunang apat na paa at dalawang gulong
Ay lalapatan ng estilong-Kastilang gusali ng ikalabindalawang dantaon
Kahit pa iyo’y isang tahimik at hindi gumagalaw na kuwadro
Mauulinigan pa rin ang mahihinang
Yabag ng bakal-kabayo at masasayang usapan
Pati banayad na kuliling ng kampanilya
Sayang nga lang, ang sinaunang apat na paa at dalawang gulong
Madalas maipit sa mga Benz at Ford ng 1986
Sumasalunga sa rumaragasang dyipni at mga tao
Umuusad sa gitna ng nakasusukang malalangis na alikabok
Lalong nagmumukhang matanda, makaluma, at mahina.
Sa panahon lamang ng ulan at bagyo
At nagsasailog ang mga kalsada sa Chinatown
Saka biglang natatanto, siya na sinauna
Daig ang mabibilis at makabagong apat na gulong.
Ang parikala (i.e., irony) ay nasa dulo ng tula: Na gaano man kasinauna ang kalesa, mababatid ang silbi nito tuwing may baha o kalamidad. Na hindi agad mauunawaan ninumang hindi nakasakay sa kalesa o dumanas tumawid sa ga-baywang na baha. Ang ganitong sensibilidad ni James T.C. Na ay tataglayin niya sa iba pa niyang mga tula, na laging may pagpapahalaga sa tao at pag-iral nito. Inaasahan kong darami pa ang sisibol na gaya niya—na hindi na mababagahe sa taguring “Tsinoy” o “Pinsino”—at maaaring ang tutulaan ay hindi na ang pagbabalik sa Tsina, kundi ang pagtataguyod ng Filipinas sa punto de bista ng Filipino ng siglong ito.
Hinuhulaan kong pagkaraan ng 22–23 Oktubre 2008, magbabago ang pagtingin ng Korte Suprema sa paggamit ng wikang Filipino sa mga hukuman. Idaraos sa naturang petsa ang palihan at seminar sa Bulacan State University ukol sa paggamit ng Filipino sa mga paglilitis at pagdinig ng mga kaso, upang mapabilis ang pagbibigay ng katarungan sa mga Filipino. Inaasahang magpupukol ng matatalim na mungkahi ang mga eksperto sa wikang Filipino, nang magabayan ang mga kalahok kung paano gagamitin nang epektibo ang naturang wika.
Kasalukuyang binubuo ngayon ng mga dalubhasa sa batas na kabilang sa Philippine Judicial Academy (PhilJA) ang kurikulum para sanayin ang mga hukom, piskal, abogado, at kawani ng korte sa paggamit ng Filipino. Ang nasabing kurikulum, kung maipatutupad, ay inaasahang makatutulong sa hukuman para mapabilis ang kapuwa paglilitis at paghahatol sa mga kaso, sa kapakinabangan ng mga akusado at tagapagsakdal.
Matagal nang isyu sa Filipinas ang wika sa hukuman. Dati, ginagamit ang Espanyol para sa kapakinabangan ng mga Espanyol, alinsunod sa patakaran ng Royal Audiencia. Nang dumating ang mga Amerikano’y ginamit ang Ingles at iniluklok ang mga mahistradong Amerikano, kasama ang Punong Mahistradong Filipino, para isulong at mapanatili ng Estados Unidos ang kolonyal na patakaran sa Filipinas. Ang ating Korte Suprema, na itinatag noong 1901, ay malinaw na may ugat sa pananakop at patakarang pampolitika ng Amerika na nakapag-ambag upang matiwalag ang taumbayan sa mga hukuman nito. Nakapagtatakang ngayong siglo 21 pa lamang nagsisimula sa ating bayan ang seryosong pag-aaral sa paggamit ng sariling wika at diskurso ng mga Filipino doon sa mga hukuman, at lumilingon sa uri ng paghahatid ng katarungang alinsunod sa sinaunang sistemang pampolitikang gaya ng barangay, bayan, ili, at banwa.
Sa unang malas ay maliit na bagay lamang ang wika sa hukuman. Ngunit kung susuriin nang maigi’y ang wika ang kasangkapan upang makapag-isip nang matalim ang mga Filipino, at magagamit nila iyon upang maihayag ang niloloob nang di-alintana ang gramatika at palaugnayan ng dayuhang wika. Kailangang mailapit ng hukuman ang wika sa taumbayan, dahil ang taumbayan ang pinagsisilbihan dapat ng hukuman. Ang hukumang iba ang wika sa wika ng taumbayan ay di-maglalaon at papabor lamang sa mga hukom, piskal, abogado, at kawani ng hukuman na pawang nakaiintindi sa wika ng pangkat na ito. Na hindi dapat magkagayon. Hindi dapat ikubli ng hukuman sa makukulay na jargon ang mga paglilitis at pasiya nito, dahil nakasalalay ang buhay at kinabukasan ng mga tao sa anumang magiging hatol ng hukuman.
Malaking tipid din ang paggamit ng Filipino sa hukuman dahil hindi na kinakailangang isalin pa sa Ingles ang mga salitaan, at diretso na ang pagtatala. Mababatid din ng mga tao kung paano magtanggol ang mga abogado, kung paano humatol ang hukom, at kung paano humawak ng kaso ang piskal. Ang mga halimbawang ginawa nina Hukom Jose de la Rama at Cezar Peralejo (ret.) sa paggamit ng Filipino sa mga pagdinig at pagsulat ng hatol ang dapat kilalanin ng sambayanan. Nagbigay ng mabuting halimbawa ang dalawang hukom kung paano mapalalapit sa puso ng madla ang hukuman, at kung paano ipauunawa ang batas sa diskurso ng karaniwang mamamayan.
Si retiradong hukom Peralejo—ang lolo ng artistang si Rica Peralejo—ay marami nang batas at kautusan ng hukumang isinalin sa Filipino mula sa Ingles. Ang kaniyang mga aklat ay ginagawang sanggunian ngayon hindi lamang ng mga nag-aaral ng batas bagkus ng karaniwang Filipino. Kung hindi ako nagkakamali’y nagsalin din si Hukom De la Rama ng mahahalagang kapasiyahan ng Korte Suprema at isinaaklat din kamakailan, bago nagbitiw sa tungkulin si Punong Mahistrado Artemio Panganiban. Mababanggit din ang Mga Teorya ng Batas: Ang Pananaw ng Klasikong Etika at Agham Panlipunan (2002) ni Emmanuel Q. Fernando, at siyang ginagawang sangguniang aklat ngayon sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Kung matutuloy ang pagsasa-Filipino ng hukuman, ang administrasyon ni Punong Mahistrado Reynato Puno ang nakikita kong magiging isa sa mga makasaysayang administrasyon ng mga hukuman sa buong Filipinas.
Nais kong balikan ang sinulat na Ulat-Memorandum (1955) ni Ambrosio Padilla—ang Prokurador Heneral noon—para kay Pang. Ramon Magsaysay ukol sa Asyenda San Pedro Tunasan. Pulido ang wika ni Padilla, at napakalinaw ng mga paghahayag hinggil sa kaso ng Asyenda Tunasan. Ang nasabing kaso ay may kaugnayan sa ipinagbiling 850 ektaryang lupain ng Colegio de San Jose sa pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng Pangasiwaang Pambansa sa Pagpapatao at Pagbabagong-tatag (NARRA). Maaapektuhan sa naturang bentahan ang mga residenteng kaanib sa kapisanang “Oras Na!” (na tinawag ding “Yapak” o “Anak ng Bayan”) na pinamumunuan ni Ciriaco Almansor, na nagsampa ng kaso sa hukuman upang linawin kung sino ang nagmamay-ari ng lupain. Ang ulat ni Padilla ay nilagom ang mga paglilitis at hatol ng iba’t ibang antas ng hukuman, at nilinaw na tunay na pagmamay-ari ng Colegio de San Jose ang Asyenda San Pedro Tunasan.
Binanggit ko ang Ulat-Memorandum ni Prokurador Heneral Padilla dahil magandang halimbawa iyon na mapagsusumundan ng iba pang opisyales ng pamahalaan. Ipinakita ni Padilla na ang ulat ay dapat hindi lamang nauuwaan ng pangulo, bagkus nauunawaan din ng mga taong sangkot sa kaso sa wikang matalik sa kanilang puso. Sa naturang lagay, ang wika ng pangulo ay dapat umaayon din sa wika ng mga Filipino, at ang wikang iyon ay hindi kailanman magiging Ingles. Ang halimbawa ni Padilla ang dapat masundan at muling pag-igtingin sa panahong ito.
Nakalulugod at muling inilimbag ngayong taon ng Anvil Publishing ang nobelang Banaag at Sikat (1906; 1959) ni Lope K. Santos. Inuurirat ng nasabing nobela ang bisa ng kayamanan at kapangyarihan sa relasyon ng mga tao, at kung bakit nananatiling dukha ang marami. Ngunit higit pa rito, nagpapanukala ang nobela ng mga pagbabago sa pananaw, pagsusuri sa lipunan at kasaysayan, at pagsasanib ng mga dukha upang baligtarin ang namamayaning baluktot na kalakaran. Kakaunti lamang, sa aking palagay, ang tunay na nakabasa ng nobela ni Santos; at marahil may kaugnayan ito sa prehuwisyo, katamaran, o pagkatiwalag sa wika at panitikang Tagalog. Ano’t anuman, ang muling pagbasa sa nasabing nobela ay isang paraan ng pagkilala, kung hindi man pagbabayad, sa malaking pagkaligta sa dakilang manunulat na Tagalog.
Banaag at Sikat, kuha ni Beth Añonuevo
Umiinog ang nobela sa buhay nina Delfin at Felipe, na kapuwa nagtataglay ng sungayang ideolohiyang may kaugnayan sa sosyalismo. Si Delfin ay mula sa angkan ng mayayaman, ngunit naghirap nang yumao ang kaniyang mga magulang, at ampunin ng ibang tao. Madaranas niya ang hirap sa pagpasok sa iba’t ibang trabaho, at ang hirap na ito ang magiging kabiyak na praktika ng mga teoryang nasagap niya sa pagbabasa ng mga aklat na sumusuysoy sa sosyalismo sa Europa. Samantala, si Felipe ay anak-mayaman din, ngunit itatakwil ng kaniyang sariling ama dahil iba ang nais pag-aralan at lumilihis sa itinatakdang landas ng pagpapanatili ng kayamanan ng angkang maylupa. Ang karanasan ni Felipe bilang manlilimbag sa imprenta, bilang manggagawang bukid sa lupain ng kaniyang ama, at bilang kasintahan ni Tentay ang magbubukas sa kaniya ng paningin hinggil sa malaganap na kahirapang bumubusabos sa maraming tao. Ang naturang karanasan din ang kapilas ng pilosopiya ng anarkismong ibig niyang yakapin at palaganapin sa bansa.
Mapapaibig si Delfin kay Meni, na anak ni Don Ramon Miranda, at mabubuntis ang dalaga makalipas ang mga lihim na pagtatagpo. Ngunit hahadlang si Don Ramon, at tatangkaing paghiwalayin ang dalawa. Bugbugin man ng ama si Meni ay hindi magbabawa ang pasiya nitong samahan si Delfin. Hanggang mapilitang pumayag si Don Ramon sa pagpaparaya sa anak, at maglalagalag sa Amerika kasama ang aliping si Tikong, at ipagkakait ang mana kay Meni. Pagnanasahan naman ni Honorio Madlang-Layon ang kayamanan ni Don Ramon, at gagamitin ang katusuhan bilang abogado upang mapasakamay niya at ng kaniyang asawang si Talia ang lahat ng salapi, sapi, yaman, at lupain ng matanda. Si Talia, na isa pang anak ni Don Ramon, ay pipiliting kumbinsihin si Meni na iwan ang esposo nito at balikan ang layaw na tinalikdan. Matatauhan si Meni, at mananaig sa kaniya ang puri ng taong ayaw sumandig sa kayamanan ng magulang, at tapat na nagmamahal sa asawa.
Sa kabilang dako’y mahuhulog ang loob ni Felipe kay Tentay, na mula sa dukhang pamilya. Ito ang ikangingitngit ni Kapitang Loloy, ang ama ni Felipe, sa paniwalang walang mabuting kinabukasan ang mangyayari kung magkakatuluyang magsama ang magkasintahan. Sapilitang iuuwi ni Kapitang Loloy si Felipe sa lalawigan, subalit magsasagawa naman ng indoktrinasyon si Felipe sa mga magsasaka hinggil sa pinaniniwalaang rebolusyong panlipunan, at magiging sanhi ito upang isuplong siya ng katiwala sa ama. Mapopoot si Kapitang Loloy, at itatakwil ang anak. Pagkaraan, magbabalik si Felipe kay Tentay, at makikipamuhay dito nang parang mag-asawa, matapos ipagtanggol ang mag-anak nito laban kay Juan Karugdog na isang manyakis, bagaman ayaw magpakasal noong una si Felipe dahil sa pananalig na sukdulang kalayaan ng indibidwal.
Sa dulo ng nobela, magbabalik na bangkay si Don Ramon sa Filipinas, makaraang paslangin ni Tikong dahil sa labis na pagmamalupit ng amo. Ipakikilala si Doroteo Miranda, ang pamangkin ni Don Ramon, na maghahatid ng bangkay, kasama si Ruperto na siya palang kapatid ni Tentay. Si Ruperto, na bartender sa Nuweba York, ay ilalahad ang kaniyang pakikipagsapalaran sa iba’t ibang bansa sa pananaw ng migranteng manggagawang Filipino, at mapapaibig kay Marcela na siyang kapatid naman ni Felipe. Magtatagisan ng paniniwala sina Delfin at Felipe doon sa sementeryo hinggil sa sosyalismo at anarkismo, hanggang dumako sila sa yugtong hindi pa napapanahon ang rebolusyon ng mga anakpawis dahil hindi umaabot sa kalagayang malaganap na ang kaisipang sosyalismo sa kapuluan. Ang tagisan ng mga paniniwala ng magkaibigan ay waring karugtong ng balitaktakang ikinapoot nina Don Ramon at Don Filemon sa batis ng Antipulo na binanggit sa ikalawang kabanata ng nobela, at sa pagtatalo nina Delfin at Madlang-Layon sa Kabanata XIV.
Magwawakas ang nobela sa tagpong may salo-salo sa tahanan ng mga Miranda, at sa ganap na paghihiwalay nina Meni at Talia bilang magkapatid, dahil tumanggi si Meni na hiwalayan si Delfin kapalit ng rangya, layaw, at yamang pangako ng kapatid. Lilisanin nina Delfin, Meni, Felipe, at Ruperto ang tahanan ng pamilyang Miranda, bago magkabasagan ng bungo sina Delfin at Madlang-Layon, at masasaisip ni Ruperto ang kabatirang “may mga bayani ng bagong Buhay!”
Kayamanan at Kapangyarihan Masalimuot ang banghay dahil ipinakita ni Santos ang iba’t ibang madilim na pangyayari sa buhay ng mahahalagang tauhan, gaya nina Don Ramon, Don Filemon, Kapitang Loloy, Ñora Loleng, Meni, Talia, Julita, at Tentay, o nina Marcela, Martin Morales, Isiang, Ruperto, Juan Karugdog, at iba pang panuhay na tauhan, na pawang may kaugnayan sa buhay nina Delfin at Felipe. Halimbawa, titindi ang galit nina Don Ramon, Don Filemon, at Kapitang Loloy kay Delfin dahil siya umano ang pasimuno ng kaisipang sosyalismo mulang pahayagang El Progreso hanggang pagbilog sa ulo ni Felipe. Sina Don Ramon at Don Filemon ay kapuwa nagmamay-ari ng palimbagan at pahayagan, at ibig kontrolin kahit ang opinyon ng taumbayan, samantalang sinusupil ang mga karapatan ng obrero. Natatakot din ang tatlong matanda na mawala sa kanilang kamay ang yaman at kapangyarihan, at kumalat ito sa mahihirap. Samantala, ang pagiging matapobre ni Ñora Loleng—na asawa ni Don Filemon—ay kaugnay sa pagpapanatili ng yaman at lihim na relasyon kay Don Ramon.
Ang manipestasyon ng yaman, rangya, at kapangyarihan ni Don Ramon ay aabot kahit kahit sa pakikipagtalik kay Julita na bayarang babae, sa pakikiulayaw kay Ñora Loleng, at sa pakikisama sa iba’t ibang babae sa Amerika. Ang patriyarkal na pananaw ni Don Ramon ay ilalapat niya kahit sa pagpapalaki ng kaniyang dalawang anak na babae, na ang isa’y tradisyonal at gahaman (Talia), samantalang ang isa’y makabago at mapagbigay (Meni). Hindi malalayo rito ang patriyarkal na pamamalakad ni Kapitang Loloy, na ibig diktahan kung paano dapat mamuhay ang mga anak na sina Felipe at Marcela. Ang iba’t ibang libog ay makikita naman sa asal ni Juan Karugdog, alyas “Kantanod,” na sinaunang stalker at ibig gahasain si Tentay. Maihahalimbawa rin ang libog ni Ñora Loleng na kahit matanda na’y ibig pa ring makatalik si Don Ramon; o ang kalikutan ni Isiang na dinaraan sa pagpipiyano ang lihim na ugnayang seksuwal kay Morales. Sukdulang halimbawa ng kalibugan sina Meni at Delfin, na nagtitipan kung gabi sa hardin upang doon iraos ang silakbo ng hormone, ngunit ginagawa lamang nila ito dahil sinisikil ni Don Ramon ang kanilang kalayaang mag-usap bilang magkasintahan.
Ang bisa ng yaman at kapangyarihan ay mababanaagan kahit sa palimbagan, sa bukirin, sa tahanan, at sa malalayong lupain na pinaghaharian nina Don Ramon, Don Filemon, at Kapitang Loloy. Kapani-paniwala rin ang nakalulunos na paglalarawan sa tahanan ng mag-anak na Tentay, o kaya’y ng naghihikahos na mag-asawang Delfin at Meni, na maitatambis sa marangyang kasal nina Honorio at Talia o sa paglulustay ng oras nina Morales at Isiang sa ngalan ng aliwan. Ang kasal nina Honorio at Talia ay halimbawa ng pagsasanib ng dalawang maykayang pamilya, at si Honorio ang abogadong tagapagtanggol ng ekonomikong interes ng pamilyang Miranda. Iisa lamang ang ibig sabihin nito: Nasa yaman ang kapangyarihan, at ang kapangyarihang ito ay kayang dumungis ng dangal ng tao o sambayanan.
Gayunman, ipinamamalas din ng nobela na hindi lahat ay kayang bilhin at paikutin ng salapi. Ang pagtalikod nina Meni, Delfin, at Felipe sa ipinangangakong yaman ng kanilang magulang ay pahiwatig na pananalig sa sariling pagsisikap, sa mataas na pagpapahalaga sa “puri” o “dangal,” at ang anumang yaman ng pamilya ay hindi dapat manatili sa pamilyang iyon lamang bagkus marapat matamasa rin ng iba pang mahihirap na tao. Ang paniniwala ni Delfin, na kung minsan ay sususugan ni Felipe, ay ang tao ay tagapangasiwa lamang ng yaman, at ang yamang ito ay dapat pag-aari ng sambayanan upang magamit sa higit na patas at abanseng pamamaraan.
Pagbasa sa Agos ng Kasaysayan
Natatangi ang pagbasa ni Delfin ukol sa agos ng kasaysayan, at kung bakit aniya hindi pa napapanahon nang oras na iyon ang ipinapanukalang rebolusyong sosyal ni Felipe. Para kay Delfin, ang buhay ng mga lahi at bayan ay dumaraan sa tatlong yugto: una, ang panahong iniaasa at iniuukol ang lahat sa Diyos; ikalawa, ang panahong ipinipintuho at kinikilalang utang ang lahat sa mga bayani; at ikatlo, ang panahong ang lahat ay kinikilala ang galing at mapauwi sa lahat. Ang Filipinas ay nasa ikalawang yugto na umano nang panahong iyon, at naghihintay ng ganap na pagkahinog. Ang bisyon ng kabayanihan ni Delfin ay sumasaklaw sa sangkatauhan, at hindi lamang sa iilang tao. Upang mapasimulan ang gayong bisyon ay kailangan ang mabubuting halimbawa.
Iniugnay ni Delfin ang kaniyang paniniwala sa ideolohiya ng Katipunan (Kataas-taasan, Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan) nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto. Ano-ano ito? Na dapat magkakapantay ang uring panlipunan ng mga tao; Na ang kayamanang hawak ng iilang tao o insitusyon ay dapat maipamahagi at pakinabangan ng lahat ng tao; Na ang mga pinuno’y dapat tagaganap lamang ng lunggati at nais ng taumbayan imbes na diktahan ang taumbayan; Na ang mga manggagawa’y dapat magtamo ng pakinabang sa lahat ng kanilang pinagpagalan. Ang banggit hinggil sa uring manggagawa ay ikayayamot ng mga maykayang sina Don Ramon, Don Filemon, at Kapitang Loloy dahil manganganib ang kanilang ari-arian at malalagay sa alanganin ang seguridad ng kanilang buong angkan.
Pambihira ang ginawang taktika ni Santos sa kaniyang nobela upang mailahad ang kaisipang sosyalista. Masinop niyang ginamit ang usapan nina Delfin at Felipe, bukod kina Don Ramon, Don Filemon, Ruperto, at Madlang-Layon, upang maitampok ang mga hiyas na diwain. Ang nasabing kaisipang sosyalista ay hindi purong sosyalismong inangkat lamang nang buo sa Europa, bagkus hinugisan ng bagong anyo upang iangkop sa mga pangyayari sa Filipinas at nang maangkin ng mga Filipino. Mapapansin kung gayon na ang presentasyon ng karukhaan, inhustisya, at kalagayan ng uring manggagawa sa nobela ay malayo sa sitwasyong industriyal ng Europa, ngunit iniangkop sa piyudal na sistema sa Filipinas. Ang problema lamang ay lumalabis kung minsan ang salitaan, at animo’y nagtatalumpati ang mga tauhan na siyang maipupuwing sa punto de bista ng sining sa pagkatha. Ang pananaw na sosyalista ay tutumbasan sa nobela ng mapapait na karanasan ng mga dukha, mulang panlalait at pag-aaglahi hanggang tandisang pananakit at pangigigipit mula sa anak at alila hanggang obrero at magsasaka. Dito bumabawi ang nobela, dahil ang mga tauhan ay nagkakaroon ng gulugod, at ang kanilang paghihimagsik sa dustang kalagayan ay hindi lamang basta hinugot sa aklat bagkus sa tunay na buhay.
Estetika ng Nobela
Ginamit sa Banaag at Sikat ang bisa ng ligoy at paghihiwatigan ng mga Tagalog noon kaya mapapansin ang mabubulaklak na usapan. Ang nasabing paraan ng komunikasyon ay nagpapamalas ng mataas na konteksto ng usapan at ugnayan, na nagpapatunay na ang mga Tagalog ay malaki ang pagpapahalaga sa kausap na maaaring matalik sa kaniyang puso kung hindi man “ibang tao.” Naiiba ang naturang komunikasyon sa gaya ng komunikasyon ng mga Amerikano, na ang ibig palagi ay tahas ang usapan, at walang pakialam sa niloloob ng kausap.
Ang mga usapan ay nabubudburan ng mga siste, at ang kabastusan ngayon ay binibihisan noon ng mga talinghaga upang maikubli ang kalibugan, kalaswaan, at kasaliwaan ng mga pangyayari. Maihahalimbawa ang usapan nina Meni at Delfin sa bakuran o sa Antipolo, o nina Felipe at Tentay sa isang dampa, o kahit ang landi ng mga tagpo sa panig ng tatsulok na relasyong Ñora Tentay, Don Ramon, at Julita, hanggang sa pahabol na pagliligawan nina Ruperto at Marcela sa dulo ng nobela.
Kahanga-hanga ang lawak ng bisyon ni Santos sa pagkatalogo ng mga pangyayari, at sa mga paglalarawan ng mga tauhan, tagpo, at tunggalian. Mulang sinaunang pamahiin sa pagbubuntis ni Meni hanggang lumang paniniwala sa paglilibing kay Don Ramon, nahuli ng awtor ang kislot ng guniguni ng karaniwang Tagalog at ito ang mahirap pantayan ng mga kapanahong akda ng Banaag at Sikat. Maihahalimbawa ang detalyadong paglalarawan sa Antipolo, na maihahambing noon sa Baguio at iba pang tanyag na resort ngayon, at kung paanong ang pook na ito ay kapuwa nagtataglay ng kabanalan at kalaswaan. Pambihira rin ang deskripsiyon mula sa limbagan, at maiisip kung gaano kabigat ang ginagawa noon ng mga trabahador sa imprenta; o kaya’y ang paglalahad sa hirap na dinaranas ng mga Filipino na napipilitang sumakay ng barko upang makipagsapalaran sa iba’t ibang bansa. Sa paglalangkap ng diyalohikong agos ng mga pangyayari at diyalohikong usapan ng mga tauhan, nakalikha si Santos ng kahanga-hangang kaisipang nakapaghahayag ng panukalang sosyalismong Tagalog para sa Katagalugang kumakatawan sa buong bansa, ayon sa sipat ng Katipunan.
Ang tinutukoy na “Banaag at Sikat” sa nobela ay ang posibilidad ng malawakang pagbabago sa lipunan, at ang pagbabagong ito ay may kaugnayan sa distribusyon ng kayamanan, oportunidad, at kapangyarihan. Maaaring munting sinag mula sa malayo ang nakikita ni Santos noon, at siyang ipinaloob niya sa diwa nina Delfin at Felipe na inaasahang magpapasa rin ng gayong diwain sa kani-kaniyang anak. Ang ipinunlang kaisipan ng awtor ay masasabing napapanahon na, at sumisikat na sa kaisipan ng bagong henerasyong nasa alaala na lamang ang gaya ng Colorum at HUKBALAHAP sa harap ng Bagong Hukbong Bayan at Bangsamoro. Gayunman, makabubuting magbasa muna ng aklat, at basahing muli ang Banaag at Sikat, nang matiyak nga kung anong silakbo ang iniwan ni Lope K. Santos sa kaniyang mga kapanahong manunulat at siyang umaalingawngaw pa rin magpahangga ngayon sa ating piling.
Isa sa mga katangian ng sinaunang salawikain ay ang masinop at balanseng distribusyon ng mga salita sa isang saknong. Ang salawikain bilang tula ay hindi lamang ginagabayan ng katutubong sukat at tugma, bagkus kaugnay ang mga ito sa bilang ng mga salita sa bawat taludtod. Maihahalimbawa ang sinaunang kawikaang mahuhugot sa Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar:
1 Ang katakatayak, sukat (a)
2 makapagkati ng dagat. (a)
Ang nasabing salawikain ay binubuo lamang ng dalawang taludtod. Ang unang taludtod ay may sukat na walong pantig, at tumitimbang sa walong pantig ng ikalawang taludtod. Nilangkapan naman ng tugmang malakas ang dulong taludtod (“súkat” at “dágat”) na pawang may malumay na bigkas. Ang maganda sa tula’y balanseng-balanse kahit ang bilang ng salita sa dalawang taludtod, na may tigtatatlong salita. Kung bababasahin kung gayon ang naturang tula’y maiaangkop para himigin nang paawit. Hindi gaanong napapansin sa pag-aaral ang naturang pagtitimbang ng mga salita, at inaakala ng iba na pulos pandulong tugma lamang ang alam ng sinaunang Tagalog.
Madali lamang unawain kung ano ang ibig sabihin ng salawikain kapag inurirat kung ano ang mga pakahulugan ng mga salita. Tumutukoy ang “katakatayak” sa “isang patak na alak”; ang “makapagkáti” ay nagsasaad ng kakayahang “makapagtaboy ng alon palayo sa laot” o “magdulot ng pagbaba ng antas-dagat” (i.e., low tide); at ang “súkat” ay idyomatikong pahayag na katumbas ng “sapat na.” Sa unang malas ay magaan ang pahayag ng salawikain, ngunit kung uuriin nang maigi’y malalim. Mapapansin ito kapag pinagdugtong ng guhit ang mga salitang “katakatayak” (na napakaliit) at “dagat” (na napakalaki). May anomalya rin kapag pinagdugtong ng guhit ang “sukat” at “makapagkati” dahil paanong sasapat ang isang patak ng alak para hawiin ang dagat? Magugunita ang Biblikong alusyon ng paghawi ni Moses sa dagat nang patawirin ang kaniyang lipi para takasan ang mga humahabol na kawal Ehipsiyo. Ngunit walang kaugnayan ang naturang salawikain sa Biblikong pangyayari dahil may sariling diskurso ang Tagalog hinggil sa mga katawagan sa alak at dagat bago pa man dumating ang mga mananakop na Espanyol.
Ang susi ng salawikain ay sa paghahanap ng pahiwatig hinggil sa “katakatayak.” Ang “katakatayak” ay maaaring isang munting bagay na makapaghahasik ng pagkatuyot, at ang pagkatuyot na ito ay maaaring umaabot sa hanggahan ng himala at di-kapani-paniwala ngunit may posibilidad na maganap. Halimbawa, ang “katakatayak” ay maaaring isang maliit na kasalanan na kaugnay ng bisyo, at ang munting kasalanang ito ay makabibiyak ng masayang pagsasama ng pamilya o pamayanan o bansa. Sa kabilang dako, maaaring sipatin din ang “katakatayak” sa positibong paraan, na ang isang munting mabuting gawa at di-kumbensiyonal ay makalilikha ng daluyong na pagbabago sa hanay ng malaganap at kumbensiyonal na kasamaan. Lalawak pa ang mga pakahulugan ng salawikain kung ilalapat dito ang mga pakahulugan ng bawat komunidad na gumagamit ng nasabing salawikain at iangkop sa silbi nitong pagbuklurin ang mga tao sa antas man ng moral, politika, ekonomiya, ideolohiya, at iba pang bagay.
Ang taktika ng pagtitimbang ng mga salita sa saknong ay hindi lamang magwawakas sa sinaunang salawikain. Maihahalimbawa ang tulang “Pasubali” ni Manuel Principe Bautista, na kisangkapan ang tayutay ng sinaunang Tagalog, at nilangkapan ng siste, upang sumariwa at tumalim sa higit na mabisang paraan:
Pasubali
ni Manuel Principe Bautista
Mamangka man ako sa dalawang ilog,
ako ay dadaong
Sa dalampasigan ng dibdib mo, Irog.
Binubuo ang nasabing tula ng tatlong taludtod: Ang una’t ikatlong taludtod ay may tiglalabindalawahing pantig at pawang may tugmang malakas at malumay (“ilog” at “irog”); samantalang ang ikalawang taludtod ay may anim na pantig, at maipapalagay na walang tugma. Gumaganda ang tula dahil sa biswal nitong hugis na bangka, na ang una’t ikatlong taludtod ay nagsisilbing katig at ang ikalawang saknong ang pinakalawas ng bangka. Ngunit higit pa rito, pansinin na balanse kahit ang distribusyon ng mga salita: Ang unang taludtod ay may anim na salita, at titimbangin ng anim na salita sa ikatlong taludtod. Ang ikalawang taludtod naman ay tatlong salita na kalahati ng una’t ikatlong taludtod.
Ang paglalaro ni Bautista ay makikita kahit sa estratehikong posisyon ng “mamangka” at “dalampasigan”; “dalawa” at “dibdib”; “mo” at “ako”; at “ilog” at “irog.” Ang tula ay humuhugot ng alusyon sa kasabihang “Huwag kang mamangka sa dalawang ilog,” na tumutukoy sa paglalaro ng lalaki sa magkabukod na relasyon nito sa dalawang babae (na maaaring kasintahan o kalaguyo). Gayunman, hindi inuulit lamang ng tula ang de-kahong pagtingin sa gayong relasyon. Ipinahihiwatig ng tula na kahit pa may dalawang babae ang lalaki, uuwi pa rin ang naturang lalaki sa kaniyang orihinal na asawa o tunay na minamahal na kasintahan. Ang susi sa paghihiwatigan ay mahihinuhang nasa “ilog” (babae) na siyang tatawirin ng “bangka” (lalaki). Hindi ganito kadali ang tumbasan dahil may iba pang espesyal na pampang o dalampasigan ang uuwian ng bangkero. Ang “pampang” o “dalampasigan” na ito ay ang matalinghagang “dibdib” na tumutukoy sa “pag-ibig” o kaya’y sa literal na pakahulugang “suso” ng sinisinta. Ipinahihiwatig lamang ng tula ni Bautista na kahit magloko ang lalaki, yaon ay panandalian lamang, at siya ay mananatiling tapat sa kung sino man ang minamahal na asawa o kasintahan. Bolero kung gayon ang persona sa tula. Gayunman, may katapatan ang himig niyon at nagsasaad lamang na sadyang dumaraan ang lalaki sa yugto ng paglalaro, subalit ang wakas ay laging sa piling ng pinakamamahal na asawa.
Ang balanse sa pananaludtod ay hindi tsambahan, gaya ng ipinamalas na mga halimbawa sa itaas. Maláy ang mga batikang makata sa paghahanay ng mga salita, at ang pagtula’y hindi basta pagbubuo ng mga linyang may sukat at tugma, lalo sa daigdig ng Tagalog. Ang kalikutan ng guniguni ng mga makata ay hindi lamang sa pag-uulit ng mga nakikita sa paligid, bagkus sa muling pagpapakahulugan at interpretasyon ng paligid upang lumikha ng sariwang realidad.
Ang salitang “Filipino” ay malimit nasa bingit ng tunggalian, mulang pagpapakahulugan hanggang pagsasabuhay. Tumutukoy ang “Filipino” rito bilang kapuwa tao at wika, at sa lahat ng kaugnay na katangian nito. Ipaliliwanag ng gaya ni Renato Constantino na ang “Filipino” ay isang elitistang konseptong hitik sa pagpapakahulugang mapag-aglahi. Ito ang dating tawag sa mga Espanyol na ipinanganak sa Filipinas, samantalang ang mga katutubo ay tinaguriang “Indio.” Ang mga Filipino ay walang kapantay na karapatan gaya ng Espanyol na nasa Espanya. Nang lumaon, ani Constantino, ang Filipino ay sumaklaw na rin sa mga ilustrado na ibig pumailalim sa Madre Espanya, at naging pambansang konseptong tumutukoy sa lahat ng mamamayang naninirahan sa Filipinas.
Tanging sina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ang tatanggi sa gayong taguri, at ipaliliwanag nang malalim ng istoryador at teorikong gaya ni Zeus Salazar. Hindi nila tatawagin ang sarili na “Filipino” bagkus “Tagalog,” at ang inang bayan nila ay “Katagalugan” imbes na “Filipinas.” Mahalaga ang pagkilala nina Bonifacio at Jacinto sa kanilang kabansaan at pagkamamamayan, dahil ang “Tagalog” at “Katagalugan” noon ay hindi lamang sumasaklaw sa rehiyon ng Tagalog, bagkus sa buong bansa, alinsunod na rin sa pakahulugan ng Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar. Gayunman, hindi magwawagi sina Bonifacio at Jacinto bagaman ang Tagalog ay mananatili sa larangan ng internet, lalo sa WordPress.
Masasabing ang taguring “Filipino” ay lunan ng tunggalian magpahangga ngayon. Patunay ang mga mapag-aglahing palabas mula sa Europa, Estados Unidos, at Asya kung paano sinisipat ng dayuhan ang mga Filipino, at ang pinakabago ay ang palabas ng BBC Corporation. Bukod pa rito ang komodipikasyon ng salitang “Filipino,” halimbawa na ang maitim na tsokolate na gawa sa Espanya, Portugal, at Netherlands; sa promosyon ng boksing ni Manny Pacquiao at sa iba pang isports na gaya ng basketbol at bilyar; at sa pagtatanghal ng mga artista ng GMA 7 at ABS-CBN sa Amerika at iba pang panig ng daigdig. Ang komodipikasyon ng Filipino ay makikita sa pagtatampok ng timpalak pangkagandahan ng babae, o kaya’y sa taguri sa mga babaeng nagbibili ng aliw sa mga dayuhan, kung hindi man inilalako na mail order bride. Mababanggit din ang pagpapakahulugan sa Filipino, gaya sa diksiyonaryong Larousse Gran Diccionario Español-Ingles (1984) ni Ramon Garcia-Pelayo y Gross, na ang lahok sa “Filipino” ay may pabalbal na pakahulugang katumbas ng “hangal,” “busabos,” at “palaboy,” at sa iba pang diksiyonaryong ipinanunumbas ang Filipina bilang katulong. Ang sukdulang panlilibak sa Filipino ay matatagpuan sa ipinapakalat na katatawanan ukol sa katulong, kaya ang “katulong” o “alipin” ay pailalim na naitutumbas sa “pagkamamamayan” o “kabansaan” kahit sablay ang gayong lohika.
Sa naturang pangyayari, ang “Filipino” ay hindi neutral o kaya’y walang tinag na salita. Ang “Filipino” ay lumalampas sa heograpiya ng Filipinas, at hinuhubog ng mga tao. Ang “Filipino” ay hindi kathang-isip lamang na konsepto bagkus may katumbas na realidad. Ang relasyon ng “Filipino” sa daigdig o ipagpalagay nang mayayamang bansa, gaya ng Amerika, Australia, at United Kingdom, ay kaugnay ng paglalaro ng kapangyarihan. Ang “Filipino” ay gagamiting pang-uri sa diksiyonaryo, ngunit kakabitan ng “cook” (kusinero) imbes na “chef.” Gagamitin ang “Filipino” bilang pakahulugan sa pinakamagandang puta sa balat ng lupa, at panumbas sa pinakamasipag na migranteng manggagawa na maibabangga sa mga manggagawa ng ibang lahi. Ilalantad ang Filipino sa mga pahayagan na “bandido,” “hampaslupa,” “kaliwete,” “katulong,” “magnanakaw,” “pirata,” “puta,””sugarol,” o kung ano-ano pang makukulay na taguri alinsunod sa pagkakakilala at prehuwisyo ng bansang tumatanggap sa mga nandarayuhang Filipino.
Kaya hindi natin dapat ipagpalagay na ang “Filipino” ay balangkas lamang ng mga mito o kathang-isip. Ang “Filipino” habang lumalaon ay nagiging lawas ng teorya at praktika, at ang naturang pananaw at pagsasabuhay ay nahuhubog nang malaki ng mga dayuhan at maykapangyarihan. Marapat tingnan ang “Filipino” bilang isang uri ng kapangyarihan, ngunit ang kapangyarihang ito ay nakapaloob sa gahum (i.e., hegemoniya) ng mayayamang bansa, kaya madaling malusaw kung hindi man pumisan sa dapat sandigan. Masalimuot ang bakbakan ng mga kapangyarihan—sa cyberspace man o sa merkado o sa sandaigdigan—kaya hindi dapat ipagtaka kung napakabagal pumiyok ng Filipinas tuwing nahaharap sa pakikipagtalo sa higit na makapangyarihang bansa o lawas ng mga dominanteng institusyon.
Ang “Filipino” ay hindi basta isang malamig na paksang mahuhugot sa akademya o kung saang pook. Ito ay isang pumipintig na kamalayan, isang kalipunan ng interes, isang pagpapakahulugan ng lunggating nilalapirot ng mas makapangyarihang puwersa. Ang “Filipino” ay hindi estatiko dahil araw-araw itong nililitis sa banggaan ng mga kultura at politika at midya. Makabubuti na mabatid kung paano natin inilalantad, kinakatawan, at ipinapakahulugan ang konsepto ng Filipino. Sa gayong paraan, maiiwasan natin ang mga de-kahong pananaw na patuloy na dumudungis at nagpapabansot sa ating pagkatao at kabansaan.
Napapanahon na para sipatin ang Filipino sa pananaw, wika, at diskurso ng mga Filipino at hindi ng kung sino-sinong dayo. At maaaring simulan ito kahit sa munting blog, na gaya nito.