“Mga Bathalang Putik” sa paghubog ni Liwayway A. Arceo

Iba ang kuwento ng pag-ibig sa kuwento ng romansa. Ito ang paniwala ni Liwayway A. Arceo nang sulatin niya ang nobelang Mga Bathalang Putik (1970) na isinerye sa Liwayway mulang 26 Oktubre 1970 at nagwakas noong 7 Hunyo 1971, bago isinaaklat ng New Day Publishers noong 1998. Sa nasabing nobela, ipinamalas ni Arceo ang iba’t ibang uri ng pag-ibig, na ang pinakarurok ay relasyon ng mag-asawa at ang pagpapasiya hinggil sa kanilang kinabukasan.

Umiwas maglunoy sa romantikong relasyon ang Mga Bathalang Putik, at pigil na pigil kahit ang rendisyon sa erotikong tagpo. Pagtatagpuin ng tadhana sina Esmeralda at Senen sa kung saang kalye, magkakakilala, mahuhulog ang loob sa isa’t isa. Ngunit may balakid. Kapuwa sila may asawa, at may anak si Esmeralda samantalang walang anak si Senen. Titindi ang gusot dahil nagmumula sa mga maykayang pamilya ang dalawa, at tanyag na doktor si Senen. Asawa ni Senen si Macaria, na premyadong asintada sa pagbaril; at embahador naman si Nestor, ang kabiyak ni Esmeralda. Sasapit sa sukdulan ang salaysay nang maaksidente si Nestor matapos itong magpakalasing dahil sa pagkakatuklas sa namumuong relasyon nina Esmeralda at Senen. Muntik nang mapatay ni Macaria si Senen sa labis na panibugho, at nabaliw. At kailangang gampanan ni Senen ang tungkulin bilang doktor at isalba si Nestor, kahit ibig na ni Senen na mamatay ang pasyente upang makapiling niya sa wakas si Esmeralda.

Si Senen ay napilitang magpakasal sa dominanteng si Macaria, dahil pinaaral siya nito hanggang makatapos sa pagkaespesyalistang siruhano ng utak. Si Esmeralda naman ay napilitang magpakasal kay Nestor dahil sa udyok ng sariling ama. Kung mapagparaya si Senen, kabaligtaran naman ang asal ni Nestor at ng ama ni Esmeralda na pawang ibig kontrolin ang lahat ng gawain at pagpapasiya ng nasabing babae. Hindi malalayo rito ang asal ni Macaria, na bagaman liberal ang pananaw ay nagkukubli naman ng matinding pagkubkob sa katauhan ni Senen at halos pakilusin ito na parang laruan.

Sa madali’t salita’y kapuwa ibig kumawala nina Senen at Esmeralda sa kani-kaniyang kabiyak. Ipamamalas ni Arceo ang husay niya sa paghubog ng mga tauhan, mga tauhang bagaman may kani-kaniyang lakas ay nagtataglay din ng karupukan gaya ng karaniwang tao. Hindi makakamit ni Esmeralda ang sariling ambisyong maging guro sa mga batang atrasado ang pag-iisip, bagaman nasa kaniya ang layaw at rangyang dulot ng kabiyak. Mahusay na embahador si Nestor ngunit hindi niya mapaamo ang mailap na asawa. Batikang siruhano si Senen subalit hindi niya matistis ang pananamlay ng loob niya at ang paninibugho ni Macaria. At maykaya, bukod sa magaling mamaril si Macaria, datapwat takot siyang mapalayo sa buhay ni Senen.

Bagaman may batayan ang paninibugho nina Macaria at Nestor, walang magaganap na makalupang pagtatalik sa panig nina Senen at Esmeralda. Wala, at ito ay may kaugnayan sa moralidad na paniniwala ni Esmeralda na mahihinuhang kumakatawan sa “dangal” ng babae. Sapat na ang hawak ng kamay, palitan ng sulyap, at kislot ng katawan upang ipahiwatig ang nadarama ng dalawang tao na sinisikil ang pagmamahal. Gayunman, pambihira ang pagbibitin ng mga kapana-panabik na pangyayari, lalo sa yugtong lihim na nagtatagpo sina Senen at Esmeralda at nakadarama ng kung anong pagnanasa sa isa’t isa ang naturang mga tauhan. Ang tradisyonal na pananaw hinggil sa pagsasama ng mag-asawa, alinsunod sa paniniwala ng Kristiyanismo, ang mahihinuhang sinisikap isabuhay nina Esmeralda at Nestor, o kaya’y nina Senen at Macaria.

Magiging palaisipan ang wakas ng nobela dahil gumamit ng pahiwatig at ligoy si Arceo sa usapan nina Esmeralda at Senen hinggil sa kung ano ang marapat gawin matapos ang matagumpay na operasyon sa utak ni Nestor at nang mabaliw si Macaria. Pumayag si Nestor sa diborsiyo, at ang hinihintay na lamang ay ang pasiya ni Esmeralda. Umaasa naman si Senen na maaayos din ang buhay ni Macaria, kapag ito ay dinala sa Estados Unidos. Samantalang may pagbabantulot sa panig ni Esmeralda kung hihiwalayan nga si Nestor, at tutugon si Senen sa pamamagitan ng pagtango (na ang ibig sabihin ay “Oo.”) Naiiba ang pagwawakas dahil gumamit si Arceo ng “niya” at “kaniya” na pawang nakapahilis at mahihinuhang tumutukoy kina Nestor at Macaria. Ang pagluha ni Esmeralda at ang panlalabo ng paningin ni Senen sa wakas ng nobela ay maaaring sipatin sa dalawang panig. Una, ang paghihiwalay nina Esmeralda at Senen  ay maaaring magpahiwatig ng paglagot sa dating relasyon ng mag-asawa, at pagsisimula ng bagong relasyon. Ikalawa, puwede ring ipahiwatig ng tagpo ng paghihiwalay ang ganap na pagputol sa namumuong pag-iibigan nina Esmeralda at Senen upang harapin ang tadhana nila sa kani-kaniyang asawa, gaano man kalabo ang hinaharap.

Magaan at masinop ang wika ni Arceo na bumabagay sa kaniyang pinapaksa, at waring umaayon sa disenyo ng Liwayway. Maiikli ang mga talata, at mabibilis ang pukol ng mga salitaan. Tantiyado kahit ang pagpuputol-putol ng mga tagpo, at pagsasalansan nito sa mga kabanata. Ang bawat dulo ng kabanata ay iniuugnay sa umpisa ng susunod ng kabanata, at nagsisilbing tanikala para sa transisyon ng mga pangyayari. Mabisa rin ang paglalarawan ng awtor lalo kung babae ang tinutukoy, halimbawa na ang landi ni Macaria habang naninigarilyo at kausap ang esposo; o kaya’y ang pagkabalisa ni Esmeralda na ibig ilihim kay Nestor ang namumuong pagmamahalan nila ni Senen. Makatotohanan din ang pananaghili ni Nestor sa kabiyak na ibig makasiping sa gabi, o kaya’y ang pagkabalisa ni Senen na tila binatang naniningalang-pugad. Gagamitin ni Arceo ang mga panuhay na tauhan, gaya ni Garnet (na anak nina Esmeralda at Nestor) at ng ama ni Macaria, upang itampok ang katangian ng apat na pangunahing tauhan. Ibig sabihin, walang inaksayang salita si Arceo sa kaniyang akda, maging iyon ay sa paglalarawan ng resort, restoran, tahanan, o ospital.

Matalinghaga ang pamagat ni Arceo sa paggamit ng “bathalang putik.” Maaaring ipahiwatig nito na bagaman mortal ang apat na pangunahing tauhan, may mga katangian din silang lumalampas sa pagiging mortal at umaabot sa pagiging inmortal. Maaari din namang palsipikadong diyos lamang sila, at bagaman may kakayahang makapagpasiya ay nagbabantulot na isakatuparan iyon at ilalaan sa tadhana ang lahat. Ang problema’y sa kombinasyon ng “bathala” at “putik.” Kung ang “bathala” ay hinggil sa inmortalidad, na marahil ay may kaugnayan sa konsepto ng “pag-ibig,” “dibino,” at “pagpapasiya,” ang “putik” ay tumutukoy sa mortalidad, at may kaugnayan sa pinagmulan ng tao o pagkatao. Ngunit hindi kayang likhain ng bathala ang kaniyang sarili, gaya ng “putik” na isang likha. Ang “bathala” ay lumalampas sa kaniyang “laláng” dahil siya ang ultimong ugat ng lahat ng bagay. Kung papaloob ang “bathala” sa kaniyang likha, maglalaho ang pagiging inmortal niya kaya marapat lamang siyang husgahan bilang tao at hindi bilang diyos, at alinsunod sa midyum na kaniyang kinasangkapan.

Ganito kalikot mag-isip si Liwayway A. Arceo bilang nobelista at kuwentista, at siyang magtatakda ng mataas na pamantayan ng pagsulat, sa lárang ng tinaguriang “panitikang popular.”