Ang Serbesa ng mga Manunulat

Alkohol ang bumubuhay sa maraming manunulat, ngunit walang kaugnayan ito sa husay nila sa pagsusulat. Pipiliin ni Nick Joaquin ang serbesa, na parang tropeo o bahagi ng kaniyang panlabas na porma sa publiko, at uuyaming para sa malalambot lamang ang red wine. Paborito naman ni Krip Yuson ang wiski, at sinasabayan ng hithit ng Camel. Malalakas tumoma noon sa IBP (Ihaw-Balot Plaza) sina S.V. Epistola, Rio Alma, Lamberto Antonio, Rogelio Mangahas, Teo Antonio, Mike Bigornia, Marne Kilates, Fidel Rillo, Mario Miclat, kasama ang mga binatilyong sina Ariel Borlongan at Vim Nadera, na pawang pipiliing sumamba kay San Miguel tuwing Biyernes na parang iyon ang pangwakas na pagkikita. Ngayon naman ay magpapaligsahan sa salin-awit ang gaya nina Charlson Ong at Pete Lacaba, habang tangan ang kani-kaniyang serbesa,  na lalong magpapagaan ng tama sa mga tomador na tagapakinig.

Ngunit ang nakapagtataka’y nakasusulat pa rin ang mga hunghang.

Walang kaugnayan ang alak sa kanilang husay sa piniling sining, ngunit nakikinabang pa rin ang mga korporasyon ng alak sa kani-kaniyang katauhang ipinamamalas sa madla. Hindi kinakailangan ng Palanca halimbawa na magpalabas ng kilometrikong anunsiyo, dahil sapat na ang taunang timpalak upang maalaala ng madla ang sari-saring produkto nito. Samantala, inaakala pa rin ng ibang kabataan na habang dumarami ang iyong nalalagok na alak, lalong humuhusay kang manunulat. Na hindi ko alam kung anong lohika ang pinagbatayan, ngunit palulusutin ng iba para pagbigyan ang gayong kaululan. Kaya sinumang bagitong sumabay sa mga tarikan ay nalalasing o nasisiraan ng bait, dahil kahit ang diskusyon sa ibabaw ng hapag ay umiikot sa panitikan at kritika, at buwenas ka na kung hindi ka mabulyawang tatanga-tanga kapag hindi nabasa si ganoon o si ganire, o kaya’y wala kang naisusulat kundi isang linya ng taludtod na mula noon pang panahon ng Kopong-kopong.

Bago pa man kunin si Nick Joaquin, kasama si Fernando Poe Jr, na mag-endoso ng San Miguel sa telebisyon ay matagal nang ginawa iyon ng mga makatang Tagalog. Ngunit wala pa noong telebisyon, at nagkakasiya na lamang silang tumula-tula sa entablado. Kung minsan, ang nasabing tula’y nilalapatan ng musika, at nagiging sikat na jingle sa radyo. Noong 21 Disyembre 1940, binigkas ni Florentino T. Collantes ang tulang “Mabuhay at Magtagumpay” sa Santa Ana Turf Club, kaugnay ng pagdiriwang ng ikalimampung taong pagkakatatag ng pabrika ng San Miguel. Inuungkat ng naturang tula ang paglago ng San Miguel bilang negosyo, ang mainit na pagtangkilik ng publiko, ang paglaganap ng pangalan sa kapuluan, ang maayos na ugnayan ng puhunan at lakas-paggawa, ang pagkakawanggawa sa mga dukha, at ang pagtataguyod sa Pambansang Tangkilikan na ekonomikong patakarang binalangkas ng kabataang Adrian E. Cristobal. Heto ang tula ni Collantes—na isinaayos ko sa makabagong ortograpiya para madaling mabasa—na marahil ay hindi na alam ng kasalukuyang pamunuan ng San Miguel Corporation na abala sa Octoberfest ngayong taon:

Mabuhay at Magtagumpay: Singkuwentenaryo ng San Miguel Brewery
ni Florentino T. Collantes

Sa pampang ng ilog Pasig sa tabi ng Malakanyang
na ang daan ng Aviles ang lansangan sa harapan,
sa distrito na binanggit ko’y mga ilang hakbang na lang,
may gusaling nakatayo, na ang ganda at kariktan
ay limampung taong hustong pinagpala ng Maykapal;
sa bandilang sakdal gandang sa langit nakawagayway
isinulat ng panahon ang pangalang nagtagumpay,
nang basahin ng Maynila at ng buong kapuluan
ay ang San Miguel Brewery ang pangalang natunghayan.

Limampu nang taon ngayon, kalahating siglong ganap
ang Pabrika ng San Miguel ay nabantog at natanyag,
ang alin mang pagawaan pag nagtagal at nagluwat
kahulugan, kung maglingkod ay matapat na matapat;
iyang habang nagtatagal ay lalo pang lumalakas
at ang mga ginagawa ay lalo pang sumasarap;
sa dibdib ng buong baya’y parang gintong nakalimbag
at hindi pagsasawaan na tangkilikin ng lahat.
Kaya kahit ilang siglo ay payapang mababagtas
ang pagsinta sa San Miguel ay hindi na makakatkat.

Simulan mo sa Aparri, isagad sa Mindanaw
at ang tatak ng San Miguel ay iyong matatagpuan;
sa púlong ng mga dukha’t sa lipunang mararangal
makikitang bumubula ang serbesang malinamnam;
sa simbahan, sa istadyum, sa karera’t paaralan,
sa alin mang paglalaro, sa alin mang pagsasayaw,
sa alin mang pagpipista, pagdarasal o lamayan
iyang tatak ng San Miguel ay naroo’t nakatanghal.
Kaya ang limampung tao’y di natin dapat pagtakhan
buong bayang Filipino’y San Miguel ang minamahal.

Itong kanyang kabantuga’t tagumpay na darakila
ang sa ngayon ang siya kong lilinawing talinghaga;
ang San Miguel ay natanyag, nabantog, at nabalita
dahilan sa katapatan ng lahat ng manggagawa;
kung baga sa isang hukbo’y matatapang, pambihira
na dahilan sa tagumpay, sa baga ma’y sasagasa.
Datapuwa’t merong isa na may hawak ng bandila
isang Punong sinusunod na kay galing manalasa
itong Punong binanggit kong may magandang panukala
ay si Don Andres Soriano, na kay-buting mamahala.

Itong buong kapuluan ay inyong mang halughugin
walang paris ang pasunod ang Pabrika ng San Miguel;
mayroong bonipikasyong buwan-buwa’t tatanggapin
malaki ang sinasahod kung talagang tutuusin;
kung may isang manggagawang inabot ng dusa’t lagim
ay mayroong indonasyong karamay hanggang sa libing;
at kung Paskong maligayang taon-tao’y dumarating
pati anak at asawa’y may ligayang sapin-sapin,
at kung singkuwentenaryo, sa pagkai’t sa inumin
ay si Don Andres Soriano’y kasama mong tumitikim.

Ang Pabrika ng San Miguel ay dapat mong ikarangal
ang Puhuna’t ang Paggawa’y di nagbangay kailan pa man;
kaya naman nang pumili niyong Patronong uliran’t
ng ulirang manggagawa’y San Miguel ang inihalal;
sa mga unibersidad, sa maraming paaralan,
sa samahang kawanggawa ay parating nagbibigay,
kulang-kulang isang milyon, buwis sa pamahalaan,
taon-tao’y may abuloy sa Pambansang Tangkilikan,
kaya’t sa singkuwenteraryong tangi niyang kaarawan
ay isigaw natin ngayong “Mabuhay at Magtagumpay!”

Maikli ang gunita ng San Miguel sa mga manunulat, at paminsan-minsan na lamang ito nagbibigay ng tangkilik kung may kumbensiyon o pagtitipon ang mga manunulat sa Filipinas. Ngunit walang pakialam ang mga manunulat kung magbago man ang ihip ng simoy, dahil sa kabila ng lahat, ang kani-kaniyang akda pa rin ang hihigit sa iniwang espiritu ng makalupang San Miguel.