Ang salitang “Filipino” ay malimit nasa bingit ng tunggalian, mulang pagpapakahulugan hanggang pagsasabuhay. Tumutukoy ang “Filipino” rito bilang kapuwa tao at wika, at sa lahat ng kaugnay na katangian nito. Ipaliliwanag ng gaya ni Renato Constantino na ang “Filipino” ay isang elitistang konseptong hitik sa pagpapakahulugang mapag-aglahi. Ito ang dating tawag sa mga Espanyol na ipinanganak sa Filipinas, samantalang ang mga katutubo ay tinaguriang “Indio.” Ang mga Filipino ay walang kapantay na karapatan gaya ng Espanyol na nasa Espanya. Nang lumaon, ani Constantino, ang Filipino ay sumaklaw na rin sa mga ilustrado na ibig pumailalim sa Madre Espanya, at naging pambansang konseptong tumutukoy sa lahat ng mamamayang naninirahan sa Filipinas.
Tanging sina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ang tatanggi sa gayong taguri, at ipaliliwanag nang malalim ng istoryador at teorikong gaya ni Zeus Salazar. Hindi nila tatawagin ang sarili na “Filipino” bagkus “Tagalog,” at ang inang bayan nila ay “Katagalugan” imbes na “Filipinas.” Mahalaga ang pagkilala nina Bonifacio at Jacinto sa kanilang kabansaan at pagkamamamayan, dahil ang “Tagalog” at “Katagalugan” noon ay hindi lamang sumasaklaw sa rehiyon ng Tagalog, bagkus sa buong bansa, alinsunod na rin sa pakahulugan ng Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar. Gayunman, hindi magwawagi sina Bonifacio at Jacinto bagaman ang Tagalog ay mananatili sa larangan ng internet, lalo sa WordPress.
Masasabing ang taguring “Filipino” ay lunan ng tunggalian magpahangga ngayon. Patunay ang mga mapag-aglahing palabas mula sa Europa, Estados Unidos, at Asya kung paano sinisipat ng dayuhan ang mga Filipino, at ang pinakabago ay ang palabas ng BBC Corporation. Bukod pa rito ang komodipikasyon ng salitang “Filipino,” halimbawa na ang maitim na tsokolate na gawa sa Espanya, Portugal, at Netherlands; sa promosyon ng boksing ni Manny Pacquiao at sa iba pang isports na gaya ng basketbol at bilyar; at sa pagtatanghal ng mga artista ng GMA 7 at ABS-CBN sa Amerika at iba pang panig ng daigdig. Ang komodipikasyon ng Filipino ay makikita sa pagtatampok ng timpalak pangkagandahan ng babae, o kaya’y sa taguri sa mga babaeng nagbibili ng aliw sa mga dayuhan, kung hindi man inilalako na mail order bride. Mababanggit din ang pagpapakahulugan sa Filipino, gaya sa diksiyonaryong Larousse Gran Diccionario Español-Ingles (1984) ni Ramon Garcia-Pelayo y Gross, na ang lahok sa “Filipino” ay may pabalbal na pakahulugang katumbas ng “hangal,” “busabos,” at “palaboy,” at sa iba pang diksiyonaryong ipinanunumbas ang Filipina bilang katulong. Ang sukdulang panlilibak sa Filipino ay matatagpuan sa ipinapakalat na katatawanan ukol sa katulong, kaya ang “katulong” o “alipin” ay pailalim na naitutumbas sa “pagkamamamayan” o “kabansaan” kahit sablay ang gayong lohika.
Sa naturang pangyayari, ang “Filipino” ay hindi neutral o kaya’y walang tinag na salita. Ang “Filipino” ay lumalampas sa heograpiya ng Filipinas, at hinuhubog ng mga tao. Ang “Filipino” ay hindi kathang-isip lamang na konsepto bagkus may katumbas na realidad. Ang relasyon ng “Filipino” sa daigdig o ipagpalagay nang mayayamang bansa, gaya ng Amerika, Australia, at United Kingdom, ay kaugnay ng paglalaro ng kapangyarihan. Ang “Filipino” ay gagamiting pang-uri sa diksiyonaryo, ngunit kakabitan ng “cook” (kusinero) imbes na “chef.” Gagamitin ang “Filipino” bilang pakahulugan sa pinakamagandang puta sa balat ng lupa, at panumbas sa pinakamasipag na migranteng manggagawa na maibabangga sa mga manggagawa ng ibang lahi. Ilalantad ang Filipino sa mga pahayagan na “bandido,” “hampaslupa,” “kaliwete,” “katulong,” “magnanakaw,” “pirata,” “puta,””sugarol,” o kung ano-ano pang makukulay na taguri alinsunod sa pagkakakilala at prehuwisyo ng bansang tumatanggap sa mga nandarayuhang Filipino.
Kaya hindi natin dapat ipagpalagay na ang “Filipino” ay balangkas lamang ng mga mito o kathang-isip. Ang “Filipino” habang lumalaon ay nagiging lawas ng teorya at praktika, at ang naturang pananaw at pagsasabuhay ay nahuhubog nang malaki ng mga dayuhan at maykapangyarihan. Marapat tingnan ang “Filipino” bilang isang uri ng kapangyarihan, ngunit ang kapangyarihang ito ay nakapaloob sa gahum (i.e., hegemoniya) ng mayayamang bansa, kaya madaling malusaw kung hindi man pumisan sa dapat sandigan. Masalimuot ang bakbakan ng mga kapangyarihan—sa cyberspace man o sa merkado o sa sandaigdigan—kaya hindi dapat ipagtaka kung napakabagal pumiyok ng Filipinas tuwing nahaharap sa pakikipagtalo sa higit na makapangyarihang bansa o lawas ng mga dominanteng institusyon.
Ang “Filipino” ay hindi basta isang malamig na paksang mahuhugot sa akademya o kung saang pook. Ito ay isang pumipintig na kamalayan, isang kalipunan ng interes, isang pagpapakahulugan ng lunggating nilalapirot ng mas makapangyarihang puwersa. Ang “Filipino” ay hindi estatiko dahil araw-araw itong nililitis sa banggaan ng mga kultura at politika at midya. Makabubuti na mabatid kung paano natin inilalantad, kinakatawan, at ipinapakahulugan ang konsepto ng Filipino. Sa gayong paraan, maiiwasan natin ang mga de-kahong pananaw na patuloy na dumudungis at nagpapabansot sa ating pagkatao at kabansaan.
Napapanahon na para sipatin ang Filipino sa pananaw, wika, at diskurso ng mga Filipino at hindi ng kung sino-sinong dayo. At maaaring simulan ito kahit sa munting blog, na gaya nito.