Balanse ng Salita sa Salawikain bilang Tula

Isa sa mga katangian ng sinaunang salawikain ay ang masinop at balanseng distribusyon ng mga salita sa isang saknong. Ang salawikain bilang tula ay hindi lamang ginagabayan ng katutubong sukat at tugma, bagkus kaugnay ang mga ito sa bilang ng mga salita sa bawat taludtod. Maihahalimbawa ang sinaunang kawikaang mahuhugot sa Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar:

1      Ang katakatayak, sukat             (a)
2      makapagkati ng dagat.              (a)

Ang nasabing salawikain ay binubuo lamang ng dalawang taludtod. Ang unang taludtod ay may sukat na walong pantig, at tumitimbang sa walong pantig ng ikalawang taludtod. Nilangkapan naman ng tugmang malakas ang dulong taludtod (“súkat” at “dágat”) na pawang may malumay na bigkas. Ang maganda sa tula’y balanseng-balanse kahit ang bilang ng salita sa dalawang taludtod, na may tigtatatlong salita. Kung bababasahin kung gayon ang naturang tula’y maiaangkop para himigin nang paawit. Hindi gaanong napapansin sa pag-aaral ang naturang pagtitimbang ng mga salita, at inaakala ng iba na pulos pandulong tugma lamang ang alam ng sinaunang Tagalog.

Madali lamang unawain kung ano ang ibig sabihin ng salawikain kapag inurirat kung ano ang mga pakahulugan ng mga salita. Tumutukoy ang “katakatayak” sa “isang patak na alak”; ang “makapagkáti” ay nagsasaad ng kakayahang “makapagtaboy ng alon palayo sa laot” o “magdulot ng pagbaba ng antas-dagat” (i.e., low tide); at ang “súkat” ay idyomatikong pahayag na katumbas ng “sapat na.” Sa unang malas ay magaan ang pahayag ng salawikain, ngunit kung uuriin nang maigi’y malalim. Mapapansin ito kapag pinagdugtong ng guhit ang mga salitang “katakatayak” (na napakaliit) at “dagat” (na napakalaki). May anomalya rin kapag pinagdugtong ng guhit ang “sukat” at “makapagkati” dahil paanong sasapat ang isang patak ng alak para hawiin ang dagat? Magugunita ang Biblikong alusyon ng paghawi ni Moses sa dagat nang patawirin ang kaniyang lipi para takasan ang mga humahabol na kawal Ehipsiyo. Ngunit walang kaugnayan ang naturang salawikain sa Biblikong pangyayari dahil may sariling diskurso ang Tagalog hinggil sa mga katawagan sa alak at dagat bago pa man dumating ang mga mananakop na Espanyol.

Ang susi ng salawikain ay sa paghahanap ng pahiwatig hinggil sa “katakatayak.” Ang “katakatayak” ay maaaring isang munting bagay na makapaghahasik ng pagkatuyot, at ang pagkatuyot na ito ay maaaring umaabot sa hanggahan ng himala at di-kapani-paniwala ngunit may posibilidad na maganap. Halimbawa, ang “katakatayak” ay maaaring isang maliit na kasalanan na kaugnay ng bisyo, at ang munting kasalanang ito ay makabibiyak ng masayang pagsasama ng pamilya o pamayanan o bansa. Sa kabilang dako, maaaring sipatin din ang “katakatayak” sa positibong paraan, na ang isang munting mabuting gawa at di-kumbensiyonal ay makalilikha ng daluyong na pagbabago sa hanay ng malaganap at kumbensiyonal na kasamaan. Lalawak pa ang mga pakahulugan ng salawikain kung ilalapat dito ang mga pakahulugan ng bawat komunidad na gumagamit ng nasabing salawikain at iangkop sa silbi nitong pagbuklurin ang mga tao sa antas man ng moral, politika, ekonomiya, ideolohiya, at iba pang bagay.

Ang taktika ng pagtitimbang ng mga salita sa saknong ay hindi lamang magwawakas sa sinaunang salawikain. Maihahalimbawa ang tulang “Pasubali” ni Manuel Principe Bautista, na kisangkapan ang tayutay ng sinaunang Tagalog, at nilangkapan ng siste, upang sumariwa at tumalim sa higit na mabisang paraan:

Pasubali
ni Manuel Principe Bautista

Mamangka man ako sa dalawang ilog,   
              ako ay dadaong                  
Sa dalampasigan ng dibdib mo, Irog.      

Binubuo ang nasabing tula ng tatlong taludtod: Ang una’t ikatlong taludtod ay may tiglalabindalawahing pantig at pawang may tugmang malakas at malumay (“ilog” at “irog”); samantalang ang ikalawang taludtod ay may anim na pantig, at maipapalagay na walang tugma. Gumaganda ang tula dahil sa biswal nitong hugis na bangka, na ang una’t ikatlong taludtod ay nagsisilbing katig at ang ikalawang saknong ang pinakalawas ng bangka.  Ngunit higit pa rito, pansinin na balanse kahit ang distribusyon ng mga salita: Ang unang taludtod ay may anim na salita, at titimbangin ng anim na salita sa ikatlong taludtod. Ang ikalawang taludtod naman ay tatlong salita na kalahati ng una’t ikatlong taludtod.

Ang paglalaro ni Bautista ay makikita kahit sa estratehikong posisyon ng “mamangka” at “dalampasigan”; “dalawa” at “dibdib”; “mo” at “ako”; at “ilog” at “irog.” Ang tula ay humuhugot ng alusyon sa kasabihang “Huwag kang mamangka sa dalawang ilog,” na tumutukoy sa paglalaro ng lalaki sa magkabukod na relasyon nito sa dalawang babae (na maaaring kasintahan o kalaguyo). Gayunman, hindi inuulit lamang ng tula ang de-kahong pagtingin sa gayong relasyon. Ipinahihiwatig ng tula na kahit pa may dalawang babae ang lalaki, uuwi pa rin ang naturang lalaki sa kaniyang orihinal na asawa o tunay na minamahal na kasintahan. Ang susi sa paghihiwatigan ay mahihinuhang nasa “ilog” (babae) na siyang tatawirin ng “bangka” (lalaki). Hindi ganito kadali ang tumbasan dahil may iba pang espesyal na pampang o dalampasigan ang uuwian ng bangkero. Ang “pampang” o “dalampasigan” na ito ay ang matalinghagang “dibdib” na tumutukoy sa “pag-ibig” o kaya’y sa literal na pakahulugang “suso” ng sinisinta. Ipinahihiwatig lamang ng tula ni Bautista na kahit magloko ang lalaki, yaon ay panandalian lamang, at siya ay mananatiling tapat sa kung sino man ang minamahal na asawa o kasintahan. Bolero kung gayon ang persona sa tula. Gayunman, may katapatan ang himig niyon at nagsasaad lamang na sadyang dumaraan ang lalaki sa yugto ng paglalaro, subalit ang wakas ay laging sa piling ng pinakamamahal na asawa.

Ang balanse sa pananaludtod ay hindi tsambahan, gaya ng ipinamalas na mga halimbawa sa itaas. Maláy ang mga batikang makata sa paghahanay ng mga salita, at ang pagtula’y hindi basta pagbubuo ng mga linyang may sukat at tugma, lalo sa daigdig ng Tagalog. Ang kalikutan ng guniguni ng mga makata ay hindi lamang sa pag-uulit ng mga nakikita sa paligid, bagkus sa muling pagpapakahulugan at interpretasyon ng paligid upang lumikha ng sariwang realidad.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.