Filipino sa dila ng Tsino

Si James T.C. Na, kaliwa, kasama ang iba pang manunulat.
Si James T.C. Na, kaliwa, kasama ang mga dakila.

Hindi ko dati pinapansin itong si James T.C. Na, na makatang nagsusulat sa wikang Tsino ngunit nagsisikap palagi na isalin sa iba’t ibang wika ang kaniyang mga tula. Nasabi ko ito dahil nahalata kong masagwa ang pagkakasalin sa Ingles ng ilan sa kaniyang mga tula, at yamang hindi ako nakababasa sa wikang Mandarin o iba pang wikang Tsino, inakala kong pangit nga ang kaniyang mga tula. Ngunit nang isalin nina Mario I. Miclat at Joaquin Sy sa Filipino ang mga akda ni Na ay naghunos ang aking pananaw.

Si Na ang awtor ng mga koleksiyong Poems by James T.C. Na; The Wild Plant and many others; at In the Light of Poetry and Photography, bukod sa iba pang koleksiyon.

Ang mga tula ni Na ay nababahiran ng paghahanap sa tinubuang bayan. Siya ay maibibilang na sa hanay ng mga “huwakyaw” (hua quiao) o “huwatsiyaw” (Hwatsiao), na taguri sa mga Tsinong naninirahan sa ibayong-dagat. Ang kalagayang ito ang nagiging sanhi rin upang maging alanganin si Na sa pagiging Tsino: na bagaman nakapagsasalita o nakapagsusulat sa wikang Tsino ay waring hindi pa rin siya matanggap nang lubos ng mga Tsino sa loob ng Tsina. Si Na, sa mga salin nina Miclat at Sy, ay walang pasubaling Filipino kahit baligtarin pa ang mundo, bagaman nagkataong may dugo at lahing Tsino. Madarama ang paghahanap ng sariling bayan sa gaya ng tahanan, at ito ang nakapaloob sa piyesang “Pagnanasa”:

Kung kailangan kong sumulat ng tula,
Aking susulati’y isang pagnanasa.
Kung nararapat pa’y di kakalimutang
Plumang gagamiti’y yari sa kawayan,
Tutubugang tinta’y pakakatingkaran.

Kung di matatapos ang nais isulat,
Ang dampi sa papel na pluma kong hawak
Ay kababasahan ng damdaming tunay.
Pagnanasang nais na mailarawa’y
Iisang kataga ang kalalabasan,
Walang dili iba’t katagang “tahanan.”

Ang nasabing tula ay maiiugnay sa isa pang tulang pinamagatang “Ligáw na Halaman”:

May dahon ma’y
Walang panalaytayan ng tubig.
May panalaytaya’y
Walang ugat.
May ugat ma’y
Walang lupang kinatatamnan.

Ito’y isang uri na ligaw na halaman
Na ang tawag ay Hwatsiao—
Tsinong namamayan sa ibayong dagat.

Ang persona na iwinangki ang kaniyang sarili sa ilahás na halaman (i.e., wild plant) ay nababagahe sa kaniyang pinagmulan. May kaugnayan ito sa pagtanggap ng lipunan sa mga tao na itinuturing na dayuhan o banyaga, at ang gayong dayuhan ay ipinapalagay na ang katapatan ay nasa lupaing kaniyang pinagmulan na masasabing Tsina. Ngunit hindi gayon ang realidad. Ang Tsino na lumisan sa Tsina at nanirahan sa ibang bansa ay nagkakaroon ng ibang identidad, at ang identidad na ito ay matalik sa lupaing kaniyang pinaninirahan. Ang Huwatsiyaw ay mabigat na terminong kung minsan ay may pahiwatig ng pagkatiwalag sa sariling bansa, at sinumang kabitan nito ay sa malaon at sa madali’y sumasanib sa ibang bansa, kaya nagiging “Tsinoy” (Tsino na Pinoy) o “Pinsinos” (Pinoy na Tsino).

Gayunman ay kakabig si Na sa pagkasangkapan ng imahen na matalik sa Tsina, at maihahalimbawa ang tulang “Baitang”:

Minsan pang naparaan doon sa lumang kabayanan
Ang gabi’y lumalim at naging mahabang-mahabang daan
Parang isang matandang umaakay sa magaspang na mga batong baitang

Bigla’y sinabi mo:
“Dapat nang tumigil, baka umapaw ang ilog
Maging tambo tayong hindi maabot ang mga pampang!”

Noo’y nakita ko
Ang luha sa mga mata mo, nagsisikap
Apulain ang pag-ibig na sumisiklab
Noo’y nakita ko ang lumbay, kahit nakangiti ka

Ang dulo ng mga baitang ay dulo ng gabi
Ang pintong binuksan ay pusong nakapinid
Marahang humalik at namaalam, wala nang dapat sabihin
Sa sansaglit, nagkahugis sa puso ko ang sanlibong batong baitang.

Mahihiwatigan sa tulang ito ang kaligiran ng kabayanang malapit sa ilog o dagat at ang matatarik na baitang na pawang kinasangkapan sa nadarama ng persona. Ang nasabing hagdanan ay isa ring napakahabang daan na kapag iniugnay sa gabi’y mahihinuhang walang hanggan bagaman may sukdulang paulit-ulit daranasin ng persona at ng kaniyang kausap. Ngunit ang nasabi ring mahabang hagdan ay nasa puso ng personang nagsasalita sa tula, at maaaring ang kaniyang kausap ay matalik na kaibigan o kasintahang kasabay sa pagtugpa sa pangarap.

Mahaba ang ugat ng Tsino sa Filipinas, at maihahalimbawa ang pakikipagkalakalan ng mga Tsino sa mga taga-Kapuluan natin noong Dinastiyang Sung (1279-960 BK) at Dinastiyang Ming (1644-1368 BK). Mabubuo ang mga parian, na pook na malayang makipagkalakalan, mag-umpukan, at manirahan ang mga Tsino, at magiging pinakatanyag ang Binondo na tinaguriang “Chinatown.” Mabibigat ang antropolohiko at arkeolohikong saliksik ng migrasyon ng mga Tsino sa Filipinas ay maibibilang ang mga pag-aaral nina Paul Benedict at Wu Ching-hong hanggang Ling Shun Sheng at Wilhem G. Solheim II, hanggang kina Kwang-chih Chang, George W. Grace, Donald F. Tugby, Teodoro A. Llamzon, H. Otley Beyer, William Henry Scott, Jared Diamond, at iba pa. Ngunit kakaunti ang nag-uukol ng pag-aaral sa mga Filipinong may dugong Tsino’t nag-aambag ngayon sa panitikang Filipinas.

Maganda kung gayon ang pagsasalin sa Filipino ng mga tula ni Na. Binubuksan ni Na ang bagong yugto sa panulaang Filipinas, at may kaugnayan ito sa pagsasalin. Sa unang malas ay mga payak ang kaniyang tula, ngunit habang tinititigan ay may mahuhugot kang hiyas, gaya ng “Dagat”:

Sa wakas ako’y naging gaya nang mahusay manghulang matandang Hitana. Noo’y kasalukuyan akong nakakulong sa maliit na maliit na kuwardradong silid, malungkot at nag-iisa, kaya’t napilitang humarap sa bintanan at tanawin ang maliit na maliit na kuwadradong dagat. Dagat. Dagat. Nakita ko ang aking sarili, ang aking mga luha’y mga along humahampas pataas, at ang hiyaw ng dagat ay sigaw kong malakas.

Biglang-bigla, ang aking dapithapon ay naging tubog sa ginto!

Nagpapabalik-balik ang gunita ng makata sa Tsina at Filipinas, gayunman ay higit na makapangyarihan si Na kapag ang itinula ay hinggil sa Chinatown. Heto ang kaniyang rendisyon sa “Kalesa”:

Kung ang sinaunang apat na paa at dalawang gulong
Ay lalapatan ng estilong-Kastilang gusali ng ikalabindalawang dantaon
Kahit pa iyo’y isang tahimik at hindi gumagalaw na kuwadro
Mauulinigan pa rin ang mahihinang
Yabag ng bakal-kabayo at masasayang usapan
Pati banayad na kuliling ng kampanilya

Sayang nga lang, ang sinaunang apat na paa at dalawang gulong
Madalas maipit sa mga Benz at Ford ng 1986
Sumasalunga sa rumaragasang dyipni at mga tao
Umuusad sa gitna ng nakasusukang malalangis na alikabok
Lalong nagmumukhang matanda, makaluma, at mahina.

Sa panahon lamang ng ulan at bagyo
At nagsasailog ang mga kalsada sa Chinatown
Saka biglang natatanto, siya na sinauna
Daig ang mabibilis at makabagong apat na gulong.

Ang parikala (i.e., irony) ay nasa dulo ng tula: Na gaano man kasinauna ang kalesa, mababatid ang silbi nito tuwing may baha o kalamidad. Na hindi agad mauunawaan ninumang hindi nakasakay sa kalesa o dumanas tumawid sa ga-baywang na baha. Ang ganitong sensibilidad ni James T.C. Na ay tataglayin niya sa iba pa niyang mga tula, na laging may pagpapahalaga sa tao at pag-iral nito. Inaasahan kong darami pa ang sisibol na gaya niya—na hindi na mababagahe sa taguring “Tsinoy” o “Pinsino”—at maaaring ang tutulaan ay hindi na ang pagbabalik sa Tsina, kundi ang pagtataguyod ng Filipinas sa punto de bista ng Filipino ng siglong ito.