Ang Panahon ni Barack Obama

Ilang araw na lamang at mababatid na kung sino ang bagong pangulo ng Estados Unidos. Pinakaaabangan sa lahat ito, dahil nakasalalay sa susunod na administrasyon ang magiging patakaran ng Amerika hindi lamang para sa mga Amerikano kundi maging sa iba’t ibang bansa. Kung pagbabatayan ang sarbey, malaki ang posibilidad na magwagi ang koponang Barack Obama-Joe Biden. At sakali mang maging pangulo si Obama, marapat na maging matalas pa rin ang sinuman sa mga inihahain nitong programa.

Sa unang malas ay progresibo ang programa ni Obama hinggil sa ugnayang panlabas. Halimbawa, naghayag si Obama na pabor siya sa diplomasya sa Iran, at kung tatalikdan umano ng Iran “ang programang nuklear at pagtangkilik sa terorismo,” ay makaaasa itong mapapabilang sa World Trade Organization, bukod sa mabibiyayaan ng dayong pamumuhunan at maayos na ugnayang diplomatiko. Ngunit may babala rin si Obama: na kapag nagmatigas ang Iran ay makalalasap ito ng ekonomikong panggigipit (i.e., embargo) at pagkakatiwalag na pampolitika.

Walang pagkakaiba si Obama sa mga naging pangulo ng Amerika. Lagi nitong nasasaisip na “malaking panganib” ang Iran, ngunit hindi nito isinasaalang-alang ang karapatan ng Iran na magsagawa ng sariling programang nuklear na maaaring magamit nito bilang alternatibong pagkukunan ng enerhiya sakali’t masaid ang suplay ng langis nito sa hinaharap. Ang tindig ni Obama na “tumatangkilik sa terorismo” ang Iran ay maaaring may katotohanan, ngunit hindi ito makatutulong dahil ipinapalagay agad dito na ang Iran ay lagi nang panig sa terorismo, at inihahanay sa lunggati ng Al Qaeda, na kung titingnan sa ibang anggulo ay pagtangkilik lamang sa mga rebolusyonaryong kilusang ibig ang kalayaan at kasarinlan, gaya ng pakikibaka ng Lebanon at Palestine. Ang pananaw ni Obama sa Iran ay mapanlagom at hitik sa prehuwisyo ng mapandigmang Amerikano, gaya ng pananaw ng konserbatibong si John McCain, at ito ang nakakatakot.

Isa pa sa mga programa ni Obama ang paglutas sa digmaang Israel at Palestine. Sisikapin umano ng administrasyon ni Obama na maisulong ang diplomasya nang maitatag ang dalawang estado: ang “nasyong Hudyo” ng Israel at ang nasyong Palestine.  Sa pagpapangalan pa lamang ay alanganin na agad si Obama. Para sa mga Palestino, matagal na silang may bansa, ngunit ang bansang ito ay patuloy na sinasakop ng Israel, kaya patuloy ang pakikidigma sa ngalan ng kasarinlan. Ang tindig ni Obama ay dapat isaalang-alang ang patas na trato, ngunit hindi ito magaganap, dahil higit na pumapanig ang Amerika sa Israel dahil sa pagkilala sa karapatan nitong “ipagtanggol ang sarili.” Mabalasik ang Israel sa pagtrato nito sa mga Palestino at iba pang liping Arabo, ngunit hindi naringgan ang Amerika na tumuligsa sa Israel ukol sa mga paglabag sa karapatang-pantao sa gaya ng mga Palestino at Lebanes. Kung nais ni Obama ang kapayapaan, kailangang iwaksi nito sa isip na laging nakahihigit ang Israel sa Palestine o Lebanon o Syria o Iran, at maaaring simulan ang lahat sa ganap na pagbabawal ng paglaganap ng armas nuklear na taglay ng Israel, at sa patas at magalang na turing sa mga nasyong Muslim.

Mahalagang pansinin din kung ano ang programa ni Obama para sa Asya. Hangad umano ng kaniyang pamunuan na lampasan ang nakasanayang kasunduang bilateral, talakayan, at iba pa. Palalakasin pa umano ang ugnayan sa Japan, South Korea, at Australia, samantalang magtatatag ng mga impraestruktura sa Silangang Asya na “magtitiyak ng katatagan at prosperidad.” Titiyakin din na ang Tsina ay hindi lalabag sa mga patakaran. Mapapansin sa ganitong tindig ni Obama na ang Amerika ay pananatilihin pa rin ang “imperyalistang lunggati” nito sa Asya, at laging pumapabor sa mayayamang bansa. Ang binanggit niyang pagtatatag ng impraestruktura sa Asya ay napakalabo, at maaaring kumatawan din ito kahit sa paglalagay ng bagong base militar ng Amerika, halimbawa, sa Mindanao. Sa dinaranas ngayong krisis pananalapi sa Amerika, kaduda-duda ang pahayag na ito kung makakaya nga ng Amerika na magsagawa ng malakawang impraestruktura sa Silangang Asya. Hindi naman kapani-paniwala na kayang supilin ng Amerika ang Tsina, dahil malalagay sa alanganin ang kalakalan sa loob mismo ng Amerika at kapit-bansa nito.

Kahit ang programa ni Obama hinggil sa pakikipag-ugnayan sa Cuba ay paimbabaw. Matagal nang pinapatay ng Amerika ang Cuba sa pagpapataw ng di-makataong ekonomikong embargo, at ang pangako nitong gagawing normal ang diplomatikong ugnayan pagkamatay ni Fidel Castro ay isang kabulaanan. Mas matindi pa ang mga paglabag sa karapatang-pantao na ginawa ng Amerika sa Vietnam, Iraq, at Afghanistan, kaysa ginawang kasalanan, kung may pagkukulang man, ang administrasyon ni Castro sa mga Cubano. Kung bakit nananatiling matatag ang Cuba sa kabila ng embargo ang dapat isipin ng Amerika. Nagtagumpay ang rebolusyong inihasik ni Pang. Castro, at ito ang dapat pagbulayan ng Amerika imbes na mapaso sa terminong “sosyalismo” gaya ng inihayag ni Sarah Palin.

Isa pang mahalagang punto na binanggit ni Obama ang paglikom ng lahat ng nawawalang sandatang nuklear. Maganda ito, ngunit dapat munang maging halimbawa ang Amerika sa mga bansang gaya ng Rusya, Pransiya, Alemanya, Tsina, India, at Israel na itigil na ang pagmamanupaktura ng armas nuklear. Ang panggigipit ng Amerika sa Iran ay isang baluktot na pagpapahalaga, at isinasaalang-alang lamang ang kalagayan ng Amerika at kakampi nito imbes na ibang bansang iba ang pananaw, kultura, at lunggati.

Ang binanggit ko rito ay katiting pa lamang sa maaaring gawin ng administrasyon ni Obama sakali’t magwagi nga ang koponang Obama-Biden. Ngayon pa lamang, nakikita kong pulos pangako itong si Obama, at gaya ng kaniyang katunggaling Republikano, ay walang magagawa kundi ipagpatuloy muli ang kagila-gilalas na patakarang imperyalista ng dakilang Estados Unidos ng Amerika.