Ayoko sanang patulan itong si Ricardo Nolasco, ang pansamantalang Punong Komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino, ngunit nagpapakalat na naman ito sa email ng kaniyang mga opinyon sa wika na marapat sagutin. Sumulat siya ng mahabang papel hinggil sa “Ilang popular pero mga maling hakahaka (sic) tungkol sa wikang pambansa at mga wika sa Pilipinas” na ang bersiyon sa Ingles ay nalathala sa Philippine Panorama noong 22 Pebrero 2008. Sa unang malas, ang nasabing sanaysay ay hinggil sa pagtutuwid sa maling opinyon ukol sa “wikang pambansa” at “mga wika ng bansa,” ngunit kung uuriin nang maigi ay pailalim na bumabanat sa Filipino bilang wikang pambansa at nagpapanukala ng multilingguwalismo para pahinain ang paglago ng Filipino. Heto ang kaniyang pambungad na kuro-kuro:
(1) Sa maraming Pilipino, ang wikang pambansa lamang ang maituturing na wika, at lahat ng iba pang salita ay mga diyalekto. Hindi tama ito.
(2) May mga paraan ang mga pantas-wika o mga linguista para malaman kung ano ang wika at kung ano ang wikain o diyalekto. Ang unang pamantayan ay kung nagkakaunawaan ang dalawang tagapagsalita kapag ginagamit nila ang sarili nilang wika. Kapag hindi sila nagkakaunawaan, nagsasalita sila ng magkaibang wika. Kapag nagkakaunawaan sila, nagsasalita sila ng parehong wika o diyalekto ng isang wika.
(3) Ang ikalawang pamantayan ay ang gramatika. Kapag magkaiba ang gramatika ng sinasalita nilang mga wika, magkaibang wika ang mga ito. Kung magkapareho ang gramatika, mas malamang na nabibilang ang mga ito sa isang wika.2
(4) Hindi mahalaga kung ang wika nila ay isang milyon o limang tagapagsalita lamang; kung mayroon itong nakasulat na panitikan o wala; o kung sinasalita ito sa isang barangay o sa buong probinsiya. Hindi mapagpasya ang alinman sa mga ito sa pagkilala sa kung ano ang wika at kung ano ang diyalekto.
(5) Sa mga batayang ito, ang Ilokano, Sebwano, Pangasinan, Hiligaynon, Bikol, Kapampangan, Butuanon at Meranao, kung magbabanggit ng ilan, ay hindi mga diyalekto kundi ganap na mga wika. Diyalekto o wikain ang tawag sa baryasyon ng isang wika, gaya ng Dumaguete-Cebuano, Davao-Cebuano at Iligan-Cebuano.
(6) Ang Komisyon sa Wikang Filipino o KWF ay nakapagtala ng may 170ng wika sa bansa.3 Maaaring umabot sa 500 ang mga diyalekto. Pangsampu tayo sa may pinakamaraming wika sa daigdig. Nangunguna ang Papua New Guinea.
Nilagyan ko ng numero ang bawat talata upang masuri nang maigi. Hindi nilinaw ni Nolasco ang batayan ng kaniyang unang pahayag: na “ang wikang pambansa lamang ang wika, at lahat ng iba pang salita ay mga diyalekto.” Sa madaling sabi, ang Filipino lamang ang wika, at ang lalawiganing wika ay diyalekto. Ang ganitong pahayag ay nagmumula kay Nolasco at hindi sa pangkalahatang publiko. Walang isinaad na estadistika o sarbey si Nolasco na may ganito ngang pahayag at pananaw ang malawakang publiko, at yamang hindi totoo, hindi ito kinakailangang sagutin.
Ang pagtatangi kung ano ang “wika” at kung ano ang “diyalekto” ang gagamitin ni Nolasco bilang lunsaran ng hambingan. Ayon sa opinyon ng mga lingguwista, ani Nolasco, na kapag nagkakaunawaan ang dalawa o higit pang tao sa usapan habang gamit ang kani-kaniyang wika ay maituturing yaong wika. At kung hindi sila nagkakaunawaan ay ipinapalagay na magkaiba ang kanilang wika. (Ang pahayag na ito ay nagmula kay Peter Trudgill sa kaniyang aklat na Sociolinguistics: An Introduction to Language and Society, [1974; 1983] at hiniram nang wala sa konteksto ni Nolasco.) Hindi nilinaw dito ni Nolasco kung ano ang wika na ginamit ng dalawang tao sa pag-uusap. Halimbawa, ipagpalagay nang gumamit sila ng Filipino sa pag-uusap, at nagkaunawaan sila, ang Filipino ay ituturing umano na wika. Ngunit ang ganitong simplistikong pahayag ng mga lingguwista ay maraming butas. Una, hindi malinaw kung ano ang antas ng diskurso ng dalawang tao na nag-uusap. Kahit batid ng dalawang tao ang mga pakahulugan ng mga salita sa loob ng usapan, hindi ibig sabihin nito na ganap na magkakaunawaan agad sila. Kailangang isaalang-alang dito ang mga pahiwatig, konteksto, senyas, dalumat, halagahan, at pakikipagkapuwa na pawang makaiimpluwensiya sa kanilang komunikasyon at siyang makaaapekto sa resulta ng kanilang usapan. Ikalawa, hindi malinaw sa pahayag ni Nolasco kung ano ang pinag-uusapan, at maihahakang ang pinag-uusapan ay mabababaw na paksa lamang. Sa ganitong lagay, ang dalawang tao—na kahit may magkaibang wika—ay maaari pa ring magkaunawaan hindi lamang dahil sa bisa ng wika kundi sa senyas ng katawan o kaya’y sa pamamagitan ng pagguhit o paglalarawan o musika o demostrasyon. Ikatlo, dapat linawin ni Nolasco kung ang dalawang tao na nag-uusap ay gumagamit lamang ng isang wika o may magkabukod na wika. Kung isang wika lamang ang ginamit nila at sila ay nagkaunawaan ay maganda. Ngunit kung isang wika lamang ang ginamit nila, at hindi pa rin sila magkaunawaan, marahil may kaugnayan ito sa dalumat na pinagmumulan ng dalawang tao, at magkaiba ang pagkakaunawa nila sa daigdig.
Sa talata 3 ni Nolasco, ang ikalawang pamantayan umano ng mga lingguwista upang ituring na wika ang isang wika imbes na diyalekto ay ang gramatika. Ang pahayag na ito ay hindi nagmumula sa publiko kundi sa loob mismo ng sirkulo ng mga lingguwista. Ang paghahambing sa gramatika ng Filipino sa gramatika ng Ilokano o Sebwano o iba pang lalawiganing wika ay hindi makatwiran dahil magkaiba ang pinagmumulan ng dalawang wika, kahit sa ilang pagkakataon ay nagkakahawig, gaya ng may salita sa Ilokano na kahawig sa mga salitang Filipino o Bisaya, bagaman iba ang pagkakabigkas.
Ang nakababagabag ay ang talata 4 ni Nolasco. Hindi umano mahalaga ang bilang ng tagapagsalita, o kung may panitikang nakasulat o wala, o kung ginagamit ang wika sa isang barangay o sa buong lalawigan. Kung hindi mapagpasiya ang mga pamantayang ito, ano kung gayon ang dapat maging pamantayan upang itangi ang “wika” sa “diyalekto”? Lumilitaw sa pahayag na ito ni Nolasco na hindi lamang niya itinatwa ang mga pag-aaral ng mga kapuwa niya lingguwista, bagkus nagtatangkang magpanukala pa ng sariling pananaw hinggil sa kung ano ang wika at kung ano ang marapat tawaging diyalekto. Ngunit walang ibinigay na panukala batay sa matalisik na pag-aaral si Nolasco. Wala. Ang tanging mababanggit ay ang “baryasyon” o baryedad ng wika, gaya halimbawa ng iba’t ibang testura ng Bisaya o Bikol. Para kay Nolasco, ang lahat ng wika ay magkakapantay, at maipapantay halimbawa ang wika ng Butuan sa wikang pambansa (Filipino). Na isang kalokohan, dahil hindi dapat ikompara ang dalawang wika dahil magkaiba ang silbi nito sa pamayanan at magkaiba ang lawak ng bisa nito sa lipunan. Ang pagtatangi samakatwid ni Nolasco sa “wika” at “diyalekto” ay subhetibo, at nakasalalay sa anumang paraan ng pagsagap ng mga tao.
Ginagawang payak ni Nolasco ang usapin sa wika. Ang Filipino bilang pambansang wika ay malayo na ang iniungos sa iba pang lalawiganing wika, mulang panitikan hanggang iba pang larang ng pag-aaral. Ang pag-ungos ng Filipino ay hindi dapat isisi sa Tagalog na naging batayan ng Filipino, o kaya’y sa masigasig na paggamit ng mga manunulat, editor, panitikero, at iba pang espesyalista. Ang paglakas ng Filipino ay may kaugnayan sa nagbabagong diskurso at kamalayan ng mga Filipino, na handang tumanggap o luminang ng isang wikang pambansa upang magkaunawaan ang mga tao sa iba’t ibang lalawigan. Filipino ang pinakamabisang tulay ng komunikasyon sa buong bansa, at may kaugnayan dito ang mass media, sangguniang aklat, panitikan, at iba pang kaugnay na bagay. Hindi rin dapat ikompara ang Filipino sa ibang lalawiganing wika, dahil higit na abanse ang paglinang ng Filipino at siyang nakaligtaan ng mga lalawiganing wika. Ang Tagalog na ginawang batayan ng Filipino ay lumampas na sa hanggahan nito sa rehiyon ng Katagalugan at nagparaya upang maangkin ng buong bansa at maging pangunahing haligi ng wikang pambansa. Ang ganitong aspekto ang hindi pa nasusubok sa gaya ng Sebwano o Ilokano o Butuanon o Kapampangan o Maranaw. Bagaman makapangyarihan ang gaya ng Sebwano at Ilokano habang ginagamit sa loob ng sirkulo ng Sebwano o Ilokano, ang gayong kapangyarihan ay nananatiling kulob at hindi kayang sumaklaw sa buong lunggati at diskurso ng Filipinas.
Ang binanggit ni Nolasco na 170 wika, bukod sa 500 diyalekto, sa Filipinas ay mahalaga. Ang mga wika at diyalektong ito ang matagal nang sinimulang ilahok sa korpus ng Filipino, at ipaloob sa mga diksiyonaryo at tesawro, hindi pa man nahihirang ng Malacañang si Nolasco na maging pansamantalang komisyoner ng KWF. Ang nakaligtaan ni Nolasco ay sa binanggit niyang 170 wika ay wala siyang tinukoy kung anong wika rito ang may kapasidad na maging wikang pambansa, at sa halip ay minamaliit ang Filipino na mula raw lamang umano sa Tagalog. Kung walang kapasipad ang anumang wika sa Filipinas na maging saligan ng isang pambansang wika, ano ngayon ang marapat maging wikang pambansa? Ingles? Posible. Kung susundan ang baluktot na lohika ni Nolasco, multilingguwalismo ang dapat manaig, ang halo-halong wika na walang tiyak na gramatika, palabaybayan, at palaugnayan na pawang ibinatay sa iba’t ibang wika at mahihinuhang ipinadron sa Ingles. Mahihinuha rito na sa pagsusulong ni Nolasco ng kaniyang kakatwang bersiyon ng multilingguwalismo, ang nakikinabang ay ang Ingles na siyang ibig gawing midyum sa pagtuturo sa buong bansa at isinusulong ni Kalihim Jesli Lapus at binasbasan ng Malacañang.
Kung Filipino ang wikang pambansa, ayon sa Saligang Batas ng 1987, ang wikang ito—anuman ang pinag-ugatang wikang taal sa Filipinas—ang dapat pinagyayaman ng KWF at hindi ibinibingit lagi sa kontrobersiya ng salungatang Filipino vs. Lalawiganing Wika at Ingles. Sa layong isulong ang diwa at sariling bersiyon ng multilingguwalismo, itinatampok ni Nolasco ang Filipino na kaantas lamang ng mga lalawiganing wika imbes na palaganapin ang Filipino bilang wikang pambansang katuwang ng mga lalawiganing wika. Ang ganitong asta ni Nolasco bilang pansamantalang punong komisyoner ng KWF ay mapanghati (i.e., divisive) sa pangarap na itaguyod at linangin ang isang pambansang wikang magagamit ng sambayanang Filipino.
Dumako pa si Nolasco sa pagtutuon sa “Tagalog,” “Pilipino,” at “Filipino.” Heto ang kaniyang pahayag:
(8) Ang “Tagalog.” “Pilipino,” at “Filipino” ba ay magkakaibang wika? Hindi. Ang isang nagta-Tagalog o nagpi-Pilipino ay nauunawaan ng sinumang nag-fi-Filipino, at vice versa. Ang mga tagapagsalita ng tatlong diumano’y magkaibang barayti ay gumagamit ng parehong gramatika. Magkapareho ang ginagamit nilang mga pantukoy (ang, ng at sa); mga panghalip-panao (siya, ako, niya, kanila, atbp.) panghalip-panturo o pamatlig (ito, iyan, doon, atbp.); pang-ugnay (na, at at ay); kataga o paningit (na, daw at pa); at panlaping makadiwa -in, -an, i- at -um-. Sa madaling sabi, walang siyentipikong batayan para klasipikahin ang “Tagalog”, “Pilipino” at “Filipino” na magkakaibang wika.
(9) May ilang taga-akademya na nagsasabing ang “Tagalog” daw ay “purista” at ang “Filipino” ay liberal at hindi purista. Para sa kanila, ang pulong at guro ay salitang Tagalog samantalang ang miting at titser ay salitang Filipino. Gayon man, ang panghihiram ng salita ay hindi mapagkakatiwalaang batayan sa pag-iiba ng wika sa diyalekto. Lansakan ang ginawang “panghihiram” ng Zamboangueño (Chavacano) sa Espanyol subalit nakabuo ito ng ibang gramatika. Hindi ito mauunawaan ng mga Espanyol, at dahil dito ay nararapat na ituring na magkaibang wika.
Inuri ni Nolasco ang “Tagalog,” “Pilipino,” at “Filipino” na magkakapareho, at iniugnay niya sa pagsusuri ang paggamit ng pantukoy, panghalip, panlapi, at kataga. Ang ganitong simplistikong pagsusuri ay hindi nagsasaalang-alang sa kasaysayan at ebolusyon ng Filipino bilang wikang pambansa na dumaan sa yugto ng pagbubuo, paggamit, pagpapalaganap, at pagtanggap ng sambayanan. Ang ginawang batayan lamang ni Nolasco ay mula lamang sa pananaw ng lingguwistika na isang malaking pagkukulang. Ang Tagalog na lumaganap noong bungad ng siglo beynte ay iba sa “Pilipino” noong dekada 1960, at lalong iba sa testura ng “Filipino” ng siglo 21. Mababatid ito kapag sinuyod nang maigi ang mga lumabas na panitikan, gaya sa nobela, kuwento, tula, at dula mula sa iba’t ibang panahon. Halimbawa, iba ang Tagalog ng Banaag at Sikat ni Lope K. Santos kung ikokompara sa Pilipino ni Amado V. Hernandez sa Mga Ibong Mandaragit at itatambis sa Filipino ng Oriental ni Rio Alma. Kung nagkakapareho man ang gamit ng pantukoy, panghalip, at kataga ay dahil sa ginawang batayan ang Tagalog na maging haligi ng pambansang wika na malaya at handang tumanggap ng mga salita mula sa ibang wika. Dagdag pa, nagbabago ang Filipino kahit sa paraan ng asimilasyon, sa gramatika at palaugnayan, sa pagpapakahulugan at pagpapahiwatig, at humahalo kahit ang “Ingles na Tinagalog” na Ingles ang padron ng pagkakabuo ng pangungusap ngunit ang ginagamit ay wikang Tagalog. Ang paggamit ng pamantayan ng paggamit ng pantukoy, panghalip, panlapi, at kataga para sabihing magkapareho lamang ang “Tagalog” at “Filipino” ay isang malaking pagkakamali; at sinasadyang ihiwalay at itago ang iba pang aspektong may kaugnayan sa wika para palabasing totoo ang gayong pahayag alinsunod sa pananaw ng lingguwistang gaya ni Nolasco.
Tumuloy pa si Nolasco sa kaniyang pagpuna na “May ilang taga-akademya na nagsasabing ang “Tagalog” daw ay “purista” at ang “Filipino” ay liberal at hindi purista.” May katotohanan ito, ngunit kulang ang pahayag ni Nolasco. Ipinapalagay sa sinabi ng butihing komisyoner na ang Tagalog ay iisa lamang ang tabas ng wika, na ang Tagalog ay Tagalog ding lumalaganap sa Bulakan, Nueva Ecija, Batangas, Laguna, Rizal, at Palawan. Ang Tagalog Rizal ay iba sa Tagalog ng Bulakan o Batangas, at maihahalimbawa ang uri ng Tagalog ni Raul Funilas na mulang Binangonang nakapaloob sa Halugaygay sa Dalampasigan, kompara sa Tagalog ng nobelistang si Jose Munsayac na taga-Bulakan. Binabanggit ang pagiging “purista” ng Tagalog alinsunod sa lugar na pinagmumulan nito at ayon sa pinagmumulang dalumat, pakahulugan, at pahiwatig ng mga taal na salita. Ang binanggit na halimbawa ni Nolasco hinggil sa Chavacano na lansakang nanghiram ng mga salitang Espanyol ngunit nakabuo ng kakaibang gramatika ng Zamboangeño ay maituturing na pag-aangkin. Hindi lamang Chavacano ang gumawa nito. Ang pag-aangkin ay matagal nang ginagawa noon ng Tagalog at siyang ipinagpapatuloy sa Filipino, kaya ang salitang “titser” at “miting” ay maituturing nang inangkin ng Filipino, gaya lamang ng “bintana” o “sibuyas” o “kudeta.”
Ang maganda kay Nolasco ay bihasa siya sa meme. Inuulit niya ang mga salita, paniniwala, at konsepto ng ibang tao nang walang kamalay-malay, at ipinapalagay niyang kaniya lamang ito. Heto ang iba pang pahayag niya:
Ang iba’t ibang kultura at wika sa Pilipinas ay nagkakaloob sa atin ng hindi matutuyuang balon ng mga katutubong konsepto at bokabularyo. Halimbawa, ang gásang ay Sebwano para sa “coral” at ang kagasángan ay lokal na termino para sa “coral reef”. Ang payew o payaw ay siyang tawag sa rice terraces o mga palayang inukit sa mga bundok sa Cordillera. Kung magpapatuloy tayo sa paggamit ng mga terminong Ingles para sa ganitong mga konsepto, o magkakasya na lamang sa ponetikong baybay (koral rif), o salin (hagdan-hagdang palayan), mamamatay ang lokal na termino. Kailangan nating itaguyod ang paggamit ng katutubong mga konsepto sapagkat kailangang irepresenta ng wikang pambansa ang karanasang pambansa. Ganitong-ganito ang itinatadhana ng ating saligang batas na paraan upang linangin ang Filipino.4 Kung ito ay isang uri ng purismo, ito ang purismo na itinataguyod ko.
Ang purismong inaayawan ko at inaayawan ng mamamayan ay iyong nagluwal ng mga salitang gaya ng salumpuwit at salipawpaw. Ang salumpuwit ay pinaikli ng “pangsalo ng puwit,” at ang salipawpaw ay nanggaling sa “sasakyang lumilipad sa himpapawid.” Inimbento ang mga salitang ito noong mga 1960 para gawing “puro” ang wikang pambansa. Sapagkat palasak na ang silya at eroplano, ang ganitong uri ng purismo ay itinakwil ng ating mamamayan.
Ang pahayag na ito ng punong komisyoner ay hindi na bago. Matagal na itong ginagawa ni Virgilio S. Almario kahit hindi pa siya itinatanghal na Pambansang Alagad ng Sining, o nina Zeus Salazar, Prospero Covar, Virgilio Enriquez, at iba pang eksperto sa kani-kaniyang larang. Ang pagkakaiba lamang, nauna sina Almario at iba pa sa mga pahayag ni Nolasco. Bukod sa “gasang” ay ginagamit na sa tula ang “tangrib” na mula sa Iluko at ipinaloob na sa Filipino. Matagal na ring ginagamit ang “payyo,” “payaw,” at “payew,” hindi lamang sa tula at kuwento kundi kahit sa ibang babasahing nasusulat sa Filipino subalit kataka-takang hindi ito binanggit ng butihing komisyoner. Kahit ang pag-ayaw ni Nolasco sa uri ng purismong Tagalog sa gaya ng “salumpuwit” ay hindi orihinal at matagal nang binanatan ni Almario. Ang masaklap ay hindi marunong lumingon si Nolasco sa nakaraan, at para bang siya ang nagpasimuno ng gayong pagpapayaman ng wika. Ang hindi naisip ni Nolasco ay ang henyo ng pagtatangka ng umimbento ng sariling katawagan para gamitin sa diskurso ng Filipino. Ang pag-imbento ng salita ay hindi dapat ikahon at patayin sa taguring “purismo.” Ang gayong pagtatangkang umimbento ng salita na hango o halaw sa malig ng Tagalog o iba pang lalawiganing wika—na bukod pa sa mga balbal na salita—ay isang rebolusyonaryong hakbang sa isang banda at paglihis sa gahum ng Ingles, samantalang pinaiigting ang sariling wika, dahil sinisikap ng gumawa niyon na lumikha ng salitang maaaring maging batayan ng diskurso ng Filipino alinsunod sa pananaw ng mga Filipino. Nagiging katawa-tawa ang “salumpuwit” o “salipawpaw” o “salungsuso” dahil ang ginagamit na batayan sa paglitis niyon ay ang pinaghiramang salita mula sa Ingles o Espanyol.
Hindi pa rito nagwawakas ang pahayag ni Nolasco. Pansinin ang mga talatang ito:
Kung gayon, bakit natin kinailangang baguhin pa ang pangalan buhat sa “Tagalog,” patungo sa “Pilipino” at pagkatapos sa “Filipino”?
Ang mga dahilan ay may kinalaman sa katwirang pang-sosyo-linguistika. Ang dati rati’y wika lamang ng Katagalugan ay lumaganap na sa buong kapuluan at naging wika na ng sambayanang Pilipino. Mas marami nang nagsasalita ng Tagalog na hindi taal na Tagalog. Batay sa sensus ng 2000, 9 sa 10ng Pilipino ang nakapagsasalita at nakauunawa ng Tagalog, magkakaiba nga lamang ang antas ng kasanayan. Sa dulong hilaga man ng Batanes hanggang sa dulong timog ng Tawi-Tawi, ay may nagsasalita ng wikang pambansa. Sa pamamagitan ng wikang pambansa ay nagkatotoo na ang komunikasyong inter-etniko. Salamat sa TV, radyo, romance novel, komiks, paglilipat-tahanan at sistemang pang-edukasyon. Hindi ang lehislasyon kundi ang aktuwal na praktika ng sambayanang Pilipino ang siyang lumutas sa isyu ng wikang pambansa.
Ngunit hindi dapat kaligtaan na karamihan sa ating mamamayan ay nagsasalita ng Tagalog o Filipino bilang pangalawang wika. Mahigit lamang sa dalawa sa limang Pilipino ang taal na Tagalog. Ang mga di-taal na tagapagsalita ng Tagalog ay naiimpluwensiyahan ng palabigkasan at gramatika ng kanilang unang wika. Halimbawa, ang salitang manî (may impit na tunog sa hulihan) ay binibigkas na maní (walang impit na tunog) ng maraming Ilokano kapag nagta-Tagalog sila. Hindi nakapagtataka at nagsulputan sa buong bansa ang mga baryedad pangrehiyon ng Tagalog. Tinatanggap at kinikilala na ang mga ito na lehitimong bahagi ng wikang pambansa.
Ang Ingles ay pangalawang wika rin ng maraming Pilipino. Sa paniwala ng iba, higit itong prestihiyoso kaysa Filipino. Ayon sa surbey noong 2008 ng Social Weather Stations, 3 sa bawat 4 na Pilipino (75%) ang nakakaunawa at nakakabasa sa Ingles. Dalawa sa bawat tatlong Pilipino (61%) ang nagsabing nakakasulat sila sa Ingles at halos kalahati (46%) ang nagsabing nakakapagsalita sila nito.
Ito ang magpapaliwanag bakit pinaghahalo ng mga Pilipino ang Ingles at Tagalog. Kilala ito ng marami sa penomenon na “Taglish.” Sa ilan, ito ay kapag sinimulan mo sa Ingles o Tagalog ang pangungusap, tapos you switch to another language sa parehong pangungusap. “Taglish” din ang tawag kapag ginagamit mo ang gramatika ng Tagalog kasabay ng bokabularyo ng Ingles.
Ang pagbabago ng “Tagalog” tungong “Filipino” ay hindi lamang may kaugnayan sa sosyolingguwistika, ayon sa paniniwala ni Nolasco. May kaugnayan din iyon sa politikang pangkultura, na umuuri sa ugnayan ng kapangyarihan sa lipunan. Hindi makausad ang “Filipino” dahil laging ipinapantay ito sa “Tagalog” na ang labas ay nagmumukhang baryedad lamang ng Tagalog ang Filipino. Hindi makausad ang “Filipino” dahil ang wika ng pamahalaan, batasan, hukuman, negosyo, at akademya ay “Ingles.” Hindi makausad ang “Filipino” dahil kulang na kulang kahit ang pabliser na magsusugal na maglathala ng mga babasahing nasusulat sa Filipino, at higit na pipiliin ang umangkat ng mga babasahing Ingles mula sa ibang bansa. Ang binabanggit kong politikang pangkultura ay makikita kahit sa pagsasagawa ng sarbey, na gagamitin ang “Tagalog” kahanay ng “Ingles,” “Sebwano,” at iba pa ngunit kakaligtaan ang “Filipino” na isang malaking pagkakamali at pagpatay sa simulaing itaguyod ang isang pambansang wika. Marahil, dapat payuhan ang gaya ng National Statistics Office o National Book Development Board o Social Weather Station o WordPress o Google na gamitin sa kanilang sarbey ang salitang “Filipino,” at ibukod ito sa mga lalawiganing wika at wikang internasyonal na Ingles, dahil buong bansa ang sangkot dito.
Kakatwa kahit ang paraan ng pahayag ni Nolasco: Ngunit hindi dapat kaligtaan na karamihan sa ating mamamayan ay nagsasalita ng Tagalog o Filipino bilang pangalawang wika. Mahigit lamang sa dalawa sa limang Pilipino ang taal na Tagalog. Ipinapantay wari niya ang Tagalog sa Filipino, at inuuri ang Filipino na parang Ingles bilang “ikalawang wika,” at sa tabas ng kaniyang pananalita’y Tagalog ang Filipino na binago lamang ang taguri. Ang binanggit niyang dalawang porsiyento lamang ang taal na Tagalog ay hindi malinaw kung ano ang ikinatangi sa gumagamit ng wikang Filipino. Malabo rin ang pakahulugan niya ng “ikalawang wika” at mahihinuhang ang ginawang batayan na naman ay pamantayang lingguwistika ng Ingles. Ang ganitong kalabuan, na nagmumula sa bibig ng pansamantalang punong komisyoner ng KWF, ay mapanganib dahil pailalim nitong minamaliit ang Filipino sa kakayahan nitong tumindig bilang pambansang wikang tulay sa pagitan ng mga lalawiganing wika.
Binanggit din ni Nolasco ang sarbey ng SWS na higit na prestihiyoso ang paggamit umano ng Ingles, ngunit hindi niya nilinaw kung itinapat ba iyon sa wikang Filipino, o baka naman sa Tagalog lamang na itinuturing na lalawiganing wika. Sa aking pagkakaalam, ang sarbey ay nakatuon sa Tagalog, at hindi sa Filipino. Hindi rin mapagtitiwalaan ang sarbey na nagsasabing 75 porsiyento ng Filipino ay nakababasa at nakauunawa ng Ingles. Ang hindi inalam sa sarbey ay kung ano ang uri ng lathalain ang binabasa ng mga tao, at kung gaano kalalim ang pagkakaunawa nila hinggil dito. Mahalaga ito upang mabatid ang antas ng diskurso ng mga Filipino sa paggamit ng Ingles, kung ihahambing sa diskurso ng mga Filipino sa paggamit ng wikang Filipino.
Sablay din ang konklusyon ni Nolasco hinggil sa pagsulpot ng “Taglish.” Ang usapin ng Taglish o paghahalo ng Tagalog at Ingles ay hindi lamang may kaugnayan sa wika at lingguwistika, kundi maging sa politikang pangkultura. Maituturing ang paglitaw ng Taglish bilang reaksiyon sa patakarang kolonyal ng Amerika na pinalaganap sa buong Filipinas, at ang Tagalog noon, na lumaban sa paglaganap ng Ingles, ay gumawa ng paraan upang angkinin ang Ingles, at gamitin para sa kapakinabangan ng Filipino. Makikita ito sa paglalaro nina Julian Cruz Balmaseda, Lope K. Santos, Jose Corazon de Jesus, at Ildefonso Santos hanggang mga blogista ng panahong ito. Bagaman hindi katanggap-tanggap ang Taglish sa mga purong Inglesero, ang Taglish na ito ay lumikha ng mga tagasunod mulang subkultura sa mga kolehiyo at klub hanggang mass media at iba pang lunan.
Wika at Nasyonalismo
Ang problema kay Nolasco ay lumilikha siya ng opinyon mula sa pira-pirasong pagsipi hinggil sa ebolusyon ng Tagalog tungong Filipino. Heto pa ang kaniyang pahayag:
Noong mga 1930, pinili ng pamahalaang Quezon ang Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa. Dahil dito, naging opisyal at de facto na wikang pambansa ang Tagalog. Magiging sagisag daw ito ng ating kabansaan, gaya ng pambansang watawat at pambansang awit. Pagyayamanin daw ito batay sa MGA wika ng Pilipinas, pero nakasaad din sa batas ang “pagpapadalisay” dito.8
Bahagya lamang ang totoo sa sinipi ni Nolasco. Una, hindi naman basta pinili lamang ng administrasyon ni Manuel L. Quezon ang Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa. Lumalabas sa pahayag ni Nolasco na diktador ang administrasyon ni Pang. Quezon at hindi na makapapalag pa ang ibang tao. Ang nakaligtaang banggitin ni Nolasco ay nagkaroon ng konsultasyon sa iba’t ibang eksperto na pawang kumakatawan sa iba’t ibang lalawigan, sa ilalim ng pangangasiwa ng Institute of National Language, at matapos ang masusing deliberasyon ay saka pinili batay sa datos at saliksik ang Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa. Mali rin ang pagbasa ni Nolasco sa pagpapayaman sa Tagalog. Binanggit na payayamanin ang Tagalog batay sa mga umiiral na wika sa bansa, ngunit lilisain ang “di kinakailangang banyagang termino, salita, at konstruksiyon.” Ano ang masama rito? Hindi isinaalang-alang ni Nolasco na iba ang lagay ng Tagalog noon na nagsisimula pa lamang. Kailangang maipon muna ang malig ng mga salita sa Tagalog upang sinupin ang mga “banyagang salita” (i.e., internasyonal na wika) na pumapasok sa korpus ng Tagalog. Lumabas ito sa serye ng mga pulong sa INL, at isa si Iñigo Ed. Regalado na nagpanukala sa pagpapalago ng kaban ng Tagalog at iba pang wika. Ang pagkokompara, samakatwid, ng Tagalog sa Filipino ngayon—na kumapal na ang korpus at naisayos na kahit paano ang pagtanggap ng mga banyagang salita—ay isang kaululan.
Ang problema sa papel ni Nolasco ay patalon-talon ang argumento, ngunit hindi ko sasabihing baliw ang paraan ng kaniyang pangangatwiran. Binuksan niya ang usapin hinggil sa kasaysayan at ebolusyon ng Filipino bilang wikang pambansa ngunit mag-iiwan naman ng mga puwang na ipinapalagay niyang tatanggapin nang buo ng mga mambabasa. Nilaktawan ni Nolasco ang talakay noong panahon ng pananakop ng Hapones at pagkaraan ay gagamiting halimbawa iyon bilang argumento sa pagiging “nasyonalista” na hindi dapat umanong ilapat o ikabit sa wikang Filipino. Isa itong kaululan. Totoong nagpakana ang Hapon na palaganapin ang wikang Nihonggo sa buong bansa, ngunit kulang ang mga titser noon at kaya kinakailangang sanayin ang mga tao na puwedeng magturo ng Nihonggo. Nabigo ang patakaran ng Hapon, at pagkaraan ay binuo ang Pambansang Lupon ng Edukasyon na kinabibilangan nina Jorge Bocobo, Francisco Benitez, at Mariano de los Santos upang gumawa ng sarbey at pag-aaral hinggil sa sistema ng publiko at pribadong edukasyon sa bansa. Lumabas sa kanilang pag-aaral ang kahalagahan ng paggamit ng isang wikang pambansa, at ang malaganap na pagtuturo nito sa lahat ng antas ng paaralan. Sa panayam ni Teodoro Agoncillo kay Pang. Jose Laurel, sinabi nitong “walang layong patayin ang mga katutubong wika” sa paggamit ng isang pambansang wika, bagkus maging tulay ng pagpapahayag sa puwang sa pagitan ng mga lalawiganing wika. Halimbawa, ani Laurel, ang Ilonggo na hindi makapagsalita ng Kapampangan ay maaaring gamitin ang pambansang wika upang maunawaan siya ng taga-Pampanga, at iba pa.
Dapat isaisip ni Nolasco na ang administrasyon ni Pang. Laurel ay nasa yugto ng digmaan, at iba ang kalagayan ng mga tao na dumanas ng lagim ng karahasan at kahirapan. Ang isang wikang pambansa ang isang makapangyarihang kasangkapan upang pagbuklurin ang lugaming bansa—at ito ang kapuri-puri sa ginawa ni Pang. Laurel—at nang maihatid nang mabilis ang mga kinakailangang impormasyon at serbisyo sa sambayanan. Ang administrasyon ni Laurel ay hindi masasabing sunod-sunurang tuta lamang ng mananakop na Hapones (at tatanga-tanga sa pagkasangkapan sa nasyonalismo) bagkus nagsikap din iyong gumawa ng mga hakbang upang maipasok ang usapin ng kalayaan at pagsasarili, kahit man lang sa panig ng edukasyon at pagpapalaganap ng wika. Kaya kung iugnay man ang “pambansang wika” sa “nasyonalismo” ay hindi dapat sipating kahinaan sa panig ng Filipino. Dapat pa ngang ipagmalaki ito, dahil ang pambansang wikang ibinatay sa Tagalog ay malaki ang naging ambag para pagkaisahin ang mga Filipino, at buhayin ang kanilang loob, saanmang lalawigan sila nagmula.
Hindi ko na papatulan ang kronika ni Nolasco hinggil sa ebolusyon ng wikang pambansa dahil pagsasayang lamang iyon ng laway. Ang nais ko lamang ipakita rito ay kung paano binabaluktot ni Nolasco ang kasaysayan at impormasyon, upang iangkop sa nais niyang maging patakaran ng KWF. Heto pa ang pahayag niya:
Paano natin pahahalagahan ang ating mga wika?
Kailangan nating baguhin ang ating saloobin tungkol dito. Ituring nating yaman sa halip na pabigat ang ating mga lokal na wika at ang dibersidad pangwika sa Pilipinas. Itakwil natin ang mga maling hakahaka gaya ng huwad na mga argumentong “nasyonalista”. Huwag nating paglabanin ang lokal na wika at ang wikang pambansa. Huwag nating paglabanin ang Ingles at Filipino. Kailangan natin ang isang wikang pambansa pero kailangan din natin ang ating mga lokal na wika at ang mga wika ng lalong malawak na talastasan (i.e. Ingles at Español). Sa pamamagitan ng mga wikang ito, nabubuo natin ang ating etnisidad at kasabay nito ay nakikilala ang ating pagka-mamamayan ng bansa at ng daigdig. Sabi nga, mag-isip nang global at kumilos nang lokal.
Ang ating mga bata ay may karapatang matuto sa wikang kanilang kinagisnan.14 Napatunayan nang sa pamamagitan ng mga wika ng tahanan at lokal na kultura ay napapadali ang pagkakatuto ng bata sa eskuwelahan. Nagsisilbi ring tulay ang mga ito upang epektibong kabisahin ang ibang wika, gaya ng ipinakita sa Lubuagan. Nagkakaroon ng paggalang sa sarili ang isang mag-aaral kung ang kanyang mga karanasan at ang wikang ginagamit niya sa pagpapahayag ng mga iyon ay tinatanggap o kinikilala. Mula sa kaalamang ito, ang bata ay natututo, nakapagdaragdag ng bagong mga konsepto at nakakabuo ng mas malalim at abstraktong ideya.
Ang katutubong mga sistema ng kaalamang nakaimbak sa mga lokal na wika ay nagkokomplemento sa ating kaalaman sa agham at teknolohiya ng Kanluran. Ang pinagsamang kaalamang ito ay tumitiyak na ano mang kaunlarang maidudulot nito ay magiging pangmatagalan at makakalikasan.
Ang tunay na nagmamalasakit sa Filipino bilang wikang pambansa ay hindi kailanman iniisip na magiging hadlang ang paggamit ng mga lalawiganing wika para sa kapakinabangan ng isang solidong pambansang wika. Ang mga tumututol lamang sa pagkakaroon ng wikang pambansa rito ay ang ilang demagogong Inglesero, Sebwano, at Bikolano, at makikita ito kahit sa patakaran ngayon ng Departamento ng Edukasyon (DepEd). Kaya ang pahayag ni Nolasco sa itaas ay bahaw na bahaw, at inulit lamang ang dating hinagpis na nagmula rin sa hanay ng mga tunay na taliba ng wika. Kaya lamang nagkakaroon ng labo-labo ngayon hinggil sa wikang pambansa ay dahil na rin sa maling priyoridad ni Nolasco bilang pansamantalang komisyoner ng KWF. Ibig niyang isulong ang multilingguwalismo ngunit pailalim na pinahihina ang Filipino bilang wikang pambansa. Ang mga pangamba ni Nolasco na maging purong Tagalog ang Filipino ay isang haka-haka lamang na walang batayan, at kathang-isip na naging halimaw na siyang kinatatakutan mismo ng butihing komisyoner.
Ang sinipi ni Nolasco mula kay Rep. Magtanggol Gunigundo na, “Ang ating mga bata ay may karapatang matuto sa wikang kanilang kinagisnan,” ay hindi na dapat pang pagtalunan. Karapatan nila iyon. Ngunit ang pagturing sa Filipino na parang Ingles ay isang mabuway na pagpapahalaga. Ang Filipino bilang wikang pambansa ay makatutulong sa anumang wikang kinagisnan ng bata upang lalo siyang matuto. Magkalayo ang polong pinagmumulan ng Ingles kompara sa Filipino, at ang Anglo-Amerikanong tradisyong taglay ng Ingles ay hindi kasinghusay ng tradisyong Filipinong mataas ang uri ng paghihiwatigan at pagpapakahulugan kung ilalapat o kakasangkapanin sa kaligiran ng Filipinas.
Mapanganib ang mga pahayag ni Ricardo Nolasco bilang pansamantalang punong komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ang mga sablay niyang pahayag ukol sa Filipino ay hindi ko iisiping naaanggihan ng Summer Institute of Linguistics na sinisipat ng ibang kritiko na pumapabor sa patakarang kolonyal ng Estados Unidos. Subalit ibang usapan na ito, na nangangailangan ng ibang talakayan at inuman. Ano’t anuman, malaya ang Malacañang na hirangin muli si Nolasco bilang punong komisyoner ng KWF, nang di-alintana ang nagbabadyang sigwa sa loob at labas sa Malacañang.
Para sa kaugnay na artikulo, basahin ang Lily Pad ni Ninotchka Rosca na may akdang pinamagatang “The Language of Ourselves.”