Pag-ibig sa Tinubuang Bayan

Ano ang katangiang taglay nina Andres Bonifacio, Osama Bin Laden, Ho Chi Minh, at Mao Zedong? Lahat sila ay marunong tumula, at ginamit ang tula bilang kasangkapan sa paghahasik ng himagsikan.  Sa kanilang mga kamay, ang tula ay hindi lamang nakalaan para kaluguran ng makata o kritiko, bagkus nakatuon para sa malawak na mambabasa na kayang umarok sa mga lantad na pahiwatig ng akda.

Ipinapalagay dito na isinasaalang-alang ng makata ang kaniyang mga mambabasa; at bilang tagapaghatid ng mensahe’y batid ang antas ng diskurso at konsepto ng kaniyang lipunan. Gayunman, hindi ibig sabihin nito na ang makata ay susunod lamang sa agos ng lipunan o isusulat ang nais marinig ng taumbayan. Ang makata ay maaaring pagsimulan ng siklab ng diwa, at ang siklab na ito ay maaaring lumaking lagablab na makagigising sa madla upang baguhin ang nakagawian nitong pananaw ukol sa buhay, kaligiran, at pakikipagkapuwa. Masasabing rebelde ang makata, at ang rebeldeng ito, na humawak man ng armas, ay higit na magiging makapangyarihan kung matalas at masinop gumamit ng salita.

Mahalaga sa makata ang pag-alam sa mga dalumat [i.e., konsepto] ng kaniyang lipunan. Ang mga dalumat na ito, gaya ng “kalayaan,” “pag-ibig,” “alipin,” at “puri,” ay maipapaloob niya sa kaniyang mga akda sa pamamagitan ng paggamit ng mga larawan, usapan, tauhan, at salaysay. Mahirap ang gayon lalo kung hindi maalam sa tula o katha ang manunulat. Ngunit sa oras na makamit niya ang kadalubhasaan sa wika, ang anumang malalalim na diwain ay mapagagaan, at maihahatid niya sa madla sa pinakapayak na paraan ang anumang mabigat na paksa. Maihahalimbawa ang tulang “Pag-ibig sa Tinubuang Bayan” ni Andres Bonifacio na mahahalatang naanggihan ng pagtula ni Francisco Balagtas Baltazar.

Pag-ibig sa Tinubuang Bayan
ni Andres Bonifacio

Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
sa pagkadalisay at pagkadakila
gaya ng pag-ibig sa sariling[*] lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.

Ulit-ulitin mang basahin ng isip
at isa-isahing talastasing pilit
ang salita’t buhay na limbag at titik
ng sangkatauhan ito’y namamasid.

Banal na pag-ibig! Pag ikaw ang nukal
sa tapat na puso ng sino’t alinman,
imbit taong gubat, maralita’t mangmang
nagiging dakila at iginagalang.

Pagpupuring lubos ang nagiging hangad
sa bayan ng taong may dangal na ingat;
umawit, tumula, kumatha’t sumulat,
kalakhan din nila’y isinisiwalat.

Walang mahalagang hindi inihandog
ng pusong mahal sa Bayang nagkupkop,
dugo, yaman, dunong, katiisa’t pagod,
buhay ma’y abuting magkalagot-lagot.

Bakit? Ano itong sakdal nang laki
na hinahandugan ng buong pagkasi?
na sa lalong mahal nakapangyayari
at ginugugulan ng buhay na iwi?

Ay! Ito’y ang Inang Bayang tinubuan,
siya’y ina’t tangi na kinamulatan
ng kawili-wiling liwanag ng araw
na nagbigay-init sa lunong[†] katawan.

Sa kanila’y utang ang unang pagtanggap
ng simoy ng hanging nagbibigay-lunas,
sa inis na puso na sisinghap-singhap,
sa balong malalim ng siphayo’t hirap.

Kalakip din nito’y pag-ibig sa Bayan
ang lahat ng lalong sa gunita’y mahal
mula sa masaya’t gasong kasanggulan.
hanggang sa katawa’y mapasa-libingan.

Ang nangakaraang panahon ng aliw,
ang inaasahang araw na darating
ng pagkatimawa ng mga alipin,
liban pa sa bayan, saan tatanghalin?

At ang balang kahoy at ang balang sanga
ng parang [at][‡] gubat na kaaya-aya
sukat ang makita’t isaalaala
ang ina’t ang giliw lumipas na saya.

Tubig [na] malinaw sa anaki’y bubog
bukal sa batisang nagkalat sa bundok
malambot na huni ng matuling agos
na nakaaaliw sa pusong may lungkot.

Sa aba ng abang mawalay sa Bayan!
Gunita ma’y laging sakbibi ng lumbay
walang alaala’t inaasam-asam
kundi ang makita’ng lupang tinubuan.

Pati ng magdusa’t sampung kamatayan
Wari ay masarap kung dahil sa Bayan
at lalong maghirap. O! himalang bagay,
lalong pag-irog pa ang sa kanya’y alay.

Kung ang bayang ito’y nasasapanganib
at siya ay dapat na ipagtangkilik
ang anak, asawa, magulang, kapatid
isang tawag niya’y tatalikdang pilit.

Dapwat kung ang bayan ng Katagaluga’y
nilalapastangan at niyuyurakan
katuwiran, puri niya’t kamahalan
ng sama ng lilong tagaibang bayan.

Di gaano kaya ang paghihinagpis
ng pusong Tagalog sa puring nalait?
Aling kalooban na lalong tahimik
ang di pupukawin sa paghihimagsik?

Saan magbubuhat ang panghihinayang[§]
sa paghihiganti’t gumugol ng buhay
kung wala ring ibang kasasadlakan
kundi ang lugami sa kaalipinan?

Kung ang pagkabaon [at] pagkabusabos
sa lusak ng daya’t tunay na pag-ayop
supil ng panghampas tanikalang gapos
at luha na lamang ang pinaaagos?

Sa kaniyang anyo’y sino ang tutunghay
na di-aakayin sa gawang magdamdam?
Pusong naglilipak sa pagkasukaban
ang hindi gumugol ng dugo at buhay.

Mangyayari kaya na ito’y malangap
ng mga Tagalog at hindi lumingap
sa naghihingalong Inang nasa yapak
ng kasuklam-suklam na Kastilang hamak?

Nasaan ang dangal ng mga Tagalog,
nasaan ang dugong dapat na ibuhos?
Baya’y inaapi, bakit di kumilos?
at natitilihang ito’y mapanood!

Hayo na nga kayo, kayong nangabuhay
sa pag-asang lubos na kaginhawahan
at walang tinamo kundi kapaitan,
kaya nga’t ibigin ang naabang bayan.

Kayong natuyan na sa kapapasakit
ng dakilang hangad sa batis ng dibdib,
muling pabalungi’t tunay na pag-ibig
kusang ibulalas sa bayang piniit.

Kayong nalagasan ng bunga’t bulaklak
kahoy yaring buhay na nilanta’t sukat
ng bala-balaki’t makapal na hirap
muling manariwa’t sa baya’y lumiyag.

Kayong mga pusong kusang [niyurakan][**]
ng daya at bagsik ng ganid na asal,
ngayon magbangon’t baya’y itangkakal
agawin sa kuko ng mga sukaban.

Kayong mga dukhang walang tanging [hikap][††]
kundi ang [matubos] sa dalita’t hirap,
ampunin ang bayan kung nasa ay lunas
pagkat ang ginhawa niya ay sa lahat.

Ipaghandog-handog ang buong pag-ibig
At hanggang may dugo’y ubusing itigis
kung sa pagtatanggol, buhay ay [mapatid]
ito’y kapalaran at tunay na langit!

Sa tulang ito ni Bonifacio, ang konsepto ng “pag-ibig” ay hindi lamang nakapokus sa magkaibigan, magkasintahan, mag-asawa, at mag-anak. Ang sukdulang pag-ibig ay nasa pagmamahal sa “Tinubuang Bayan” [i.e., bansa]. Walang kahalintulad ang pag-ibig sa bayan, dahil kaakibat nito ang pambihirang pagsasakripisyo, at humahangga sa “kabayanihan” kung hindi man “kamartiran” gaya ng isinusulong ng Al Qaeda. Ang “kabayanihan” ay hindi esklusibo sa isa o dalawang personalidad, bagkus sangkot ang lahat ng mamamayan. Ito’y dahil walang may monopolyo ng pagmamahal sa bayan, ani Bonifacio, at makakikita ng halimbawa sa iba’t ibang panig ng daigdig.

Ang “pag-ibig sa tinubuang bayan” ay nagtataglay ng mga pambihirang katangian, gaya ng “banal,” “makatarungan,” “matapat,” “dakila,” at “ginugulan ng buhay.” Ang gayong mga katangian ay mahihinuhang hinihingi sa bawat Katipunero na sasabak sa himagsikan, at handang harapin ang banyagang mananakop na Espanya. Samantala, ang “tinubuang bayan” ay hindi malamig na entidad, bagkus inihalintulad ni Bonifacio sa isang “mapagkalingang ina”  na nagbibigay ng “ginhawa” sa kaniyang mga anak mulang duyan hanggang libingan. Ang inang ito ay nagbibigay ng masasayang gunita sa kaniyang mga anak, ngunit nang sumapit ang kolonisasyon ay napalitan ng malulungkot na alaala.

Simple lamang ang nais ipahatid ni Bonifacio. Kung ang iyong Ina ay nasa panganib, nilapastangan, dinungisan ang puri at dangal  [i.e., ginahasa at hiniya], wala nang iba pang dapat gawin kundi maghimagsik. Mapanunumbalik lamang ang dating kaginhawahan sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng kaniyang mga anak. Hinihimok ng tula na muling palitawin ang tunay na pag-ibig mula sa kalooban, kahit mangahulugan iyon ng pagbubuwis ng buhay.

Ang tagumpay ng himagsikan ay pagkakamit ng “ginhawa,” at ang ginhawang ito ay mahihinuhang dating tinatamasa ng mga anak ng bayan bago pa sumapit ang kolonisasyong dulot ng “Inang Sukaban” [Espanya]. Ang ginhawa ay hindi lamang katumbas ng materyal na bagay, bagkus paghihilom ng sugat ng isip, loob, at katawan ng buong bansa. Para kay Bonifacio, ang tunay na langit ay pagtatanggol sa Inang Bayan kahit ikamatay ng maghihimagsik. At siyang nauulit lamang ngayon sa Iraq, Afghanistan, Somalia, at iba pang panig ng daigdig.

TALABABA


[*] Sa ibang teksto, ang “sarili” ay naging “tinubuan” o “tinub’an.” Kung “tinubuan” ang gagamitin, lalabis ang sukat ng tula. Kung gagamitin naman ang tinipil na “tinub’an” ay posible ngunit magiging kakatwa sa pagbigkas. Batay ang “sarili” sa teksto mula kay Julian Cruz Balmaseda.

[†] Sa teksto ni Julian Cruz Balmaseda at itinala ni Teodoro T. Agoncillo, ang “lunóng” (luno+na) ay naging “buong” (buo+na). Sinundan ko rito ang teksto na ginamit ni Virgilio S. Almario. Tumutukoy ang “lunó” sa paghuhunos ng balát, gaya ng makikita sa pagpapalit ng balát ng ahas, o kaya’y pagpapalit ng balahibo ng tandang o aso.

[‡] Sa teksto nina Julian Cruz Balmaseda at Virgilio S. Almario, ang kataga ay tinipil na “niya’ ngunit hindi tinitipil ang dalawang pantig na salita sa Tagalog, at maaaring tumutukoy lamang ito sa “at.”

[§] Sa ibang teksto, gaya ng kay Virgilio S. Almario, ang “panghihinayang” ay naging “paghinay-hinay.” Sinundan ko ang teksto ng kay Balmaseda dahil ang “panghihinayang” ay higit na malapit na salita.

[**] Sa teksto ni Teodoro A. Agoncillo, ang “niyurakan” ay naging “inuusal.” Ginamit ko ang “niyurakan” na mula sa teksto ni Virgilio S. Almario na higit na angkop na salita kaysa “inuusal” na waring pabigkas lamang. Ang “pagyurak” ay napakabigat, na parang pagtapak at pagdurog sa dangal ng tao.

[††]Batay ito sa teksto ni Julian Cruz Balmaseda, ang saknong ay “Kayong mga dukhang walang tanging hikap/ kundi ang matubos sa dalita’t hirap/ ampunin ang bayan kung nasa ay lunas/ pagka’t ang ginhawa niya ay sa lahat.// Tumutukoy ang “hikap” sa pangangapa sa dilim, at ang ganitong tayutay ay bumabagay sa pagnanais na makaahon sa hirap.

Paghahari ng Batas

Pinatunayan muli ng Kongreso na pinaghahari nito ang batas. At ang batas na ito ay batas na kilala lamang ng mayorya ng mambabatas, at salungat sa esensiya ng batas alinsunod sa panlipunang kasunduan. Ang pagboto ng mga mambabatas kung sapat ang nilalaman ng sakdal sa pagpapatalsik sa pangulo ay naninimbang sa atas ng partido, ayon sa oposisyon na may katwiran, imbes na timbangin ang buto’t laman ng mga paratang.

Dapat pa bang pagtakhan ang magiging resulta ng pagdinig sa kongreso? Ang pahayag halimbawa ni Deputy Speaker Pablo Garcia na inihahalintulad ang hinaing laban sa pangulo sa gaya ng sandwits o pagkakapako kay Hesus ay hindi lamang sablay sa lohika bagkus nagtataglay ng pahiwatig kung ano ang magaganap sa isinampang kaso ng oposisyon. Ngunit palulusutin ng mga kapuwa niya mambabatas ang gayong pahayag, at marahil may kaugnayan dito ang posisyon ni Garcia sa batasan.

Kasumpa-sumpa ang pahayag ni Garcia bilang mambabatas, at halimbawa ng sukdulang kasalatan sa bait.

Naghahanap naman ng mga pruweba si Rep. Eduardo Zialcita hinggil sa mga paratang. Nagmamadali si Zialcita, at animo’y nasa yugto na sila ng pagdinig ng mga kaso laban sa pangulo. Hindi pa ba sapat ang pagpapalabas ng mga kautusan ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo na labag sa Konstitusyon at siyang pinagpasiyahan ng Korte Suprema? Hindi ba kaduda-duda ang pagtatagpo ng mga personalidad ng pamahalaan sa Tsina, at ang kontratang naglaho kung saan hinggil sa ZTE-NBN? Hindi ba karapat-dapat imbestigahan ang panghihimasok ng pangulo sa halalan, at paghingi ng paumanhin sa taumbayan dahil sa kaniyang “pagkakamali”, at iba pang kaso?

Binanggit ni Rep. Nograles na ang pagsasampa ng kaso na patalsikin ang pangulo ay isang pampolitikang proseso at hindi lamang panghukuman. Na hindi umano napapanahon ang impeachment o pagpapatalsik sa pangulo dahil sa kinakaharap na pandaigdigang krisis ngayon ng bansa. Hindi sapat ang ganitong pahayag ni Rep. Nograles, dahil inililihis nito sa tunay na usapin ang pagdinig ng kaso, at kahit may sapat na laman at anyo ang hinaing ay nababalewala. Ang pagiging pampolitikang proseso ng impeachment ay hindi maiiwasan ngunit dapat harapin dahil mabibigat ang sakdal na makapagpapaguho sa tiwala at awtoridad ng pamahalaan.

Kailangang mabatid ng taumbayan kung tunay ngang nagkasala ang pangulo at ang kaniyang mga kasapakat na politiko o kaanak, halimbawa sa suhulan. Sa ganitong paraan, malilinis ang pangalan nila sa harap ng madla, at mabubunyag kung sino-sino ang gumagawa ng katarantaduhan. Sabihin nang magastos ang gayong proseso. Gayunman, mabuti nang gumastos kaysa panatilihin sa poder ang pangulo na walang karapatang mamuno dahil sa korupsiyon at katiwalian at maling pamamahala, alinsunod sa paratang ni Rep. Jose de Venecia. Kung ginawa ang impeachment kay Pang. Joseph Estrada ay dapat din itong subukin kay Pang. Arroyo dahil nakasalalay dito ang integridad hindi lamang ng pangulo kundi ng lahat ng tao na bumoto sa kaniya noong nakalipas na halalan. Ngunit kung hindi natapos ang kay Pang. Estrada dahil sa tantiyadong pag-aaklas, kailangan namang tapusin ang kay Pang. Arroyo upang patunayan na makaiiral pa rin sa bansa ang tunay na katarungan.

Sabihin nang bulok ding politiko itong si Rep. De Venecia. Ngunit ang kaniyang personalidad ay bukod sa taglay ng kaso, at hindi komo’t kabilang siya sa nag-endoso ng impeachment ay wala nang kabuluhan ang naturang hinaing.

Marahil ay sarado na ang impeachment. Ngunit hindi ito sapat para manatiling tahimik ang taumbayan. Kinakailangang makialam ang taumbayan sa kani-kanilang inihalal sa pamahalaan mulang pangulo hanggang mambabatas hanggang barangay kapitan at konsehal dahil ang susunod na bakbakan ay magaganap sa pagpapalit ng Konstitusyon, at sa pagtatatag ng bagong sistema ng pamahalaang lalong magpapataba sa puso ng mga mambabatas na kakampi ng kaitaasan.

Kung ang batasan ay umaabot na sa yugtong hindi na makapagsisilbi pa sa taumbayan, may karapatan ang taumbayan na ipawalang-bisa ito alinsunod sa pananaw ni John Locke. Kung may karapatan ang taumbayan na ihalal ang mga mambabatas sa pamahalaan, may karapatan din itong patalsikin sa puwesto ang nasabing mga mambabatas kung nagiging panggulo lamang sa layong manatili sa kapangyarihan imbes na maging tagapagbuklod ng sambayanan, alinsunod sa pananaw ni Thomas Hobbes. Ngunit maaaring hindi maganap ito sa pamamagitan ng pagkukusang popular (popular initiative). Ang pagpapalit ng sistema sa mapayapang paraan ay maaaring sumasapit na sa sukdulan, at marahil nag-iisip na rin ang ibang sektor ng lipunan kung ano ang higit na mabilis, makabuluhan, at makabayang hakbang, alinsunod sa pananaw nina Karl Marx at Friedrich Engels, dahil ang batasan ay lumilihis sa papel na tagapamagitan bagkus nagiging tagapagtanggol pa ng naghaharing uri sa lipunan. Kung si Jean Jacques Rousseu ay makapagmumungkahi ng karahasan sa sinumang lalabag sa panlipunang kasunduan, at siyang waring ginagawa ngayon ng mayorya sa kongreso, sino ang hihindi sa ganitong panukala?

Naniniwala akong may tinig ang karaniwang Filipino, at ang tinig na ito na kung magiging tinig ng organisadong mga mamamayan at pangkat, ay kayang lumampas sa usapin ng heograpiya, wika, relihiyon, lipi, at ideolohiya. Panahon na marahil upang magkaroon ito ng gulugod, at nang makalakad papaloob ng batasan o kahit sa Malacañang. Hinihintay ko ang unang sisigaw.

Mga Hulagway sa Kamay ni Renata Domagalska

Flamenco, guhit ni Renata Domagalska.

Flamenco, guhit ni Renata Domagalska.

Malikot, malandi, at marikit ang mga hulagway na iginuguhit ni Renata Domagalska. Sumasayaw sa kambas ang kaniyang mga binibini sa himig ng flamenco, at tatatak sa gunita ang mga mukhang animo’y namimighati ngunit nagmamahal. Marahas, mabilis, magaspang ang hagod ng mga kulay, mga kulay na bagaman mababansagan ng impresyonismo o ekspresyonismo ay ibig kumawala sa mga de-kahong taguri o kalakaran. Maglalaro ang guniguni ni Domagalska sa hubad na katawan ng babae, at dito ipakikita ng pintor ang kaniyang kadalubhasaan sa pigura at erotika, at ang dating pagtanaw sa babae ay makakargahan ng magnetikong pahiwatig dahil hinahatak ang sinuman na tumanaw sa paningin ng isa ring babae.

Passivity, guhit ni Renata Domagalska. Oleo sa kambas.

Passivity, guhit ni Renata Domagalska. Oleo sa kambas.

Una kong napansin ang mga pintura ni Domagalska sa Flcker. Napahanga ako sa kaniyang serye ng mga lastag na babae at mananayaw, at pagkaraan ay nag-usisa ng iba pang pagkakakilanlan sa pintor. Nag-email ako pagkaraan sa kaniya’t nakipaghuntahan sa himpapawid tuwing hatinggabi. At bagaman magkalayo ang aming kultura at magkaiba ang tabas ng wika, ay sinikap pa rin niyang tugunin ang aking mga tanong sa Ingles. Polish ang wika ni Domagalska ngunit gaya ng iba pang pandaigdigang tao ay mahusay din sa iba pang wikang internasyonal.

“Hindi ko iniintindi ang sasabihin ng publiko,” ani Domagalska sa Ingles. “Nais kong lumikha at magpinta ng mga positibong larawan. “Hitik ang ating daigdig sa pighati, panlulumo, ligalig, at digmaan. Makikita iyan sa maraming likhang-sining. Nais ko namang lumihis. Nais kong magbigay ng pag-asa, at magpahatid ng matitimyas na damdamin ng tao.”

Mahaba ang kasaysayan ng Poland, at ang bansang ito ay dumanas ng madudugong digmaan, at pagkakawatak-watak at pananakop ng dayuhan, at panggigigipit kahit ng mga dugong bughaw, at muling pagbubuo ng kabansaan. Malalim din ang tradisyon ng sining ng Poland, mulang sinauna hanggang makabagong panahon, at ang mga ito ang tinutuntungan ni Domagalska upang lumikha ng iba’t ibang makukulay na hulagway at kaisipan.

Relief in Closeness, guhit ni Renata Domagalska.

Relief in Closeness, guhit ni Renata Domagalska.

Edad 31 pa lamang si Domagalska ngunit waring ang kaniyang kaluluwa’y dumanas ng ilang siglong paglalakbay. “Gumuguhit at nagpipinta ako kahit noong bata pa ako,” paliwanag niya sa Ingles. “Hindi ko maipaliwag kung bakit gusto kong gumuhit. Parang may humihimok sa akin, at ang tinig ay parang nanggagaling kung saan. Nagsimula akong magpinta ng batang nagpi-figure skating. Iginuhit ko ang masasayang tagpo ng pamilya. Kasi’y hindi ko naranasan ang magkaroon ng isang masayang pamilya noong bata pa ako.”

Nagtapos si Domagalska sa Panstwowe Liceum Sztuk Plastycznych, na sekundaryang paaralan sa Poznan, noong 1998. Pagkaraan, nagtrabaho siyang computer graphic artist sa isang kompanya ngunit nagbitiw at nagpasiyang ibuhos ang buhay sa pagpipinta, pagdidisenyo, at iba pang uri ng sining. “Noon ay naaagaw ang aking oras sa pagtatrabaho sa harap ng kompiyuter. Ipinasiya kong ilaan ang 90 porsiyento ng aking panahon sa pagpipinta, at ang 10 porsiyento ay para sa iba pang gawain at paglilibang.”

Pope John Paul II, guhit ni Renata Domagalska.

Pope John Paul II, guhit ni Renata Domagalska.

Iba’t ibang anggulo ng personalidad ang pinapaksa ni Domagalska, at maibibilang ang pinakatanyag na anak ng Poland sa siglo 20: si Papa Juan Pablo II. Iguguhit din niya ang mga tagpo mulang dalampasigan hanggang bukirin at kahuyan. Ang nakagugulat ay tila napagagalaw niya ang mga larawan, na kung hindi man binubughan ng simoy ay nangangatal sa sukdulang kaligayahan.

Lumihis si Domagalska sa promosyon ng kaniyang mga akda. Bagaman napapabilang ang ilang pintura niya sa mga galeriya sa Poland, higit na makikilala siya sa pamamagitan ng online gallery na nagtatampok sa mga kabataang pintor at eskultor ng Poland. Hindi siya sumunod sa tradisyonal na pamamaraan na parang naghihintay lagi ng patron na maliligaw at papansin ng kaniyang mga akda, bagkus sinasalubong niya ang madla sa pamamagitan ng elektronikong ugnayan sa himpapawid.

Paano naman niya hinahasa ang kaniyang sarili sa piniling sining? “Palagi akong nagpipinta,” sambit ni Domagalska. Taon-taon ay sinisikap kong baguhin ang aking estilo. Dati, nakabukod wari ang aking modelo sa kaniyang kaligiran. Ngayon, sinisikap kong iangkop ang anyo at kilos ng modelo sa paligid niya.” Itinuring ni Domagalska ang kaniyang estilo ngayon na higit na panatag at malamyos, kaysa noon na pawang madidilim at ekspresyonistiko.

Nude, guhit ni Renata Domagalska. Oleo sa kambas.

Nude, guhit ni Renata Domagalska. Oleo sa kambas.

“Marami na tayong alam sa daigdig,” pahatid niya, “ngunit nakapagtatakang marami pa rin tayong dapat tuklasin sa kalooban ng tao.” Ang sari-saring emosyon ang nais hulihin ni Domagalska sa kambas, at ipahiwatig na hindi dapat laging panaigin ang isip sa lahat ng bagay. “Natitiwalag na tayo sa ating mga sarili. Ginagamit natin ang utak, at kinakaligtaan ang kibot ng damdamin. Kinakaligtaan natin ang mga likás na pagdama at pagsagap sa daigdig. Halimbawa, ang erotisismo ay bahagi ng ating likas na pagkatao ngunit itinatatwa ito ng ilan. Magkukunwari tayo sa kalibugan, subalit lilitaw at lilitaw ang totoo.”

Ano naman ang kaniyang masasabi bilang mamamayan ng Poland? “Mahal ko ang Poland. Mahal ko ang aking pinagmulang nayon at kahuyan. Gayunman, itinuturing ko rin ang sarili na anak nitong sandaigdigan, na nangangarap na mabubuwag ang hanggahan ng mga nasyon, na mag-uusap tayo sa wikang makapagbubuklod at makapagpapaunawa sa isa’t isa.”

Ikinuwento pa ni Domagalska na nakatagpo niya minsan ang isang matandang pitho [psychic]. “Sabi ng manghuhula’y dati akong taga-Espanya o Portugal. Kung totoo man na ang dating kaluluwa ko’y nagmula sa gayong lugar, hindi ako magtataka dahil parang malapit ang puso ko doon at hindi ko maunawaan.”

Renata Domagalska

Renata Domagalska

“Hindi ko alam kung ano ang magaganap sa hinaharap,” pahiwatig niya. “Problema ko ang aking kalusugan, at marahil, kung ano ang magiging lagay ng aking katawan ang magtatakda rin kung hanggang saan makararating ang aking sining.” Nais ni Renata Domagalska na huwag nang pag-usapan pa kung ano ang kaniyang dinaramdam (habang sinusulat ito’y ilang ulit siyang naospital), at gaya ng tunay na alagad ng sining, ay higit na pipiliin ang paghahatid ng masasaya, makukulay na hulagway at itampok ang gunita ng tunay na pagmamahal.

Panganib ng Panukalang Federalismo sa Filipinas

Kailangang ihayag sa wikang Filipino ang Senate Joint Resolution No. 10, na nagpapanukala ng pagtatatag ng kakatwang uri ng Federalismo sa Filipinas at nang masuri ng taumbayan ang niluluto ng mga politiko at kasapakat nila sa lipunang sibil.

Ang nasabing resolusyon ay nilagdaan nina Aquilino Q. Pimentel Jr., Edgardo Angara, Rodolfo Biazon, Pia Cayetano, Juan Ponce Enrile, Francis Escudero, Jinggoy Estrada, Gregorio Honasan, Panfilo Lacson, Francis Pangilinan, Ramon Revilla, at Manuel Villar. Nananawagan ang resolusyon na magpulong ang mga mambabatas ng kongreso “para sa layuning baguhin ang saligang batas nang maitatag ang federal na sistema ng pamahalaan.”

Ikinatwiran ng resolusyon na ang sentro ng kapangyarihan at pananalapi ay nasa Maynila, at naiwan ang malalayong lalawigan ng bansa. Puta-putaki umano ang pag-unlad, at nakikinabang lamang ang ilang malapit sa administrasyon. Ang ganitong kalagayan ay nagsilang ng malawakang kahirapan at armadong pag-aaklas sa buong bansa. Upang malutas ito, iminumungkahi ang pagtatatag ng labing-isang estado bukod sa Metro Manila. Ang ganitong uri ng lohika ay waring mula sa mga demagogong politikong Sebwano, na laging inaakusahan ang “Imperyalistang Tagalog na Maynila” sa mga kapabayaan sa kanilang rehiyong sila rin ang may kagagawan.

Binanggit din sa resolusyon na may tatlong paraan para enmiyendahan ang Saligang Batas ng 1987. Una, sa pamamagitan ng Kumbensiyong Pansaligang Batas (Consitutional Convention). Ikalawa, sa pamamagitan ng Kapulungang Pansaligang Batas (Constituent Assembly). At ikatlo, sa pamamagitan ng pagkukusang popular (popular initiative). Pinakaangkop umano ang pang-enmiyenda sa pamamagitan ng Kapulungang Pansaligang Batas, at bagaman walang binanggit na dahilan, ay mahihinuhang ito ang pinakamabilis at pinakamatipid na hakbang na papabor sa mga mambabatas imbes na sa taumbayan. Ang tangkang pabilisin ang pag-enmiyenda sa Saligang Batas ay nabanggit ni Sen. Manny Villar noong 13 Agosto 2008. Aniya:

Meron tayong proposed resolution, ibig sabihin niyan, sisimulan ang diskusyon. Nagugulat nga ako dahil iyong iba ang akala ay tapos na ang resolution sa Senado. Ang proseso dito sa Senado ay matagal pa. Itong proposal na inihain ni Sen. Pimentel na pinirmahan naman ng mahigit 12 na mga senador, ay para talakayin ang isyu ng federal system of government. Mahaba pa iyan. Nais rin nating ipakita na dito sa Senado ay talagang transparent tayo. Lahat ay iimbitahin, lahat ay pakikinggan. Kung hindi maganda ang lumabas, hindi mananalo iyan sa voting. Kaya ang resolusyon na iyan ni Sen. Nene ay matagal pa. Hindi pa nga sinisimulang talakayin sa committee kaya nagtataka ako na parang advance na advance na.

Kung totoo ang sinasabi ni Sen. Villar, ang kaniyang paglagda umano sa naturang resolusyon ay upang pag-usapan ang panukalang pag-enmiyenda ng Saligang Batas, at hindi nangangahulugan ng awtomatikong pagsang-ayon sa gayong panukala. Nais niyang maging lantad sa taumbayan ang talakayan, na taliwas sa palihim na pagmamaniobra, gaya ng naganap sa labag sa Konstitusyong Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD). Ngunit para sa ibang kasapi ng lipunang sibil, ang pagpapasa ng naturang resolusyon ay isang hakbang palapit tungo sa mithing federalismo. Ang pagpapalit ng liderato sa senado ang ikinatutuwa ng mga tagasuporta ng federalismo, na inaasahang pabibilisin ang pagsasabatas ngayong ang mga pinuno ng kapuwa senado at kongreso ay kakampi ng administrasyon.

Bibiyakin ang Filipinas sa labing-isang estado, at kabilang dito ang sumusunod: Estado ng Hilagang Luzon; Estado ng Gitnang Luzon; Estado ng Timog Katagalugan; Estado ng Bikol; Estado ng Minparom; Estado ng Silangang Visayas; Estadong ng Gitnang Visayas; Estado ng Kanlurang Visayas; Estado ng Hilagang Mindanao; Estado ng Katimugang Mindanao; at Estado ng Bangsamoro. Ikakabit naman ang Metro Manila sa Federal Administrative Region, at animo’y palamuti lamang sa nasabing grandeng lunggati. Sa ganitong kalawak na pagpaparte ng mga lalawigan, nakapagtatakang minamadali ng mga mambabatas ang pagsusulong ng federalismo. Parang ang federalismo ang mahiwagang pildoras na papawi ng sakit ng bansa, at ito ay isang kaululan kung dadaanin lamang sa pamamagitan ng Kapulungang Pansaligang Batas. Ang masaklap, nais ipadron ang uri ng federalismo sa Filipinas doon sa uri ng federalismo sa Estados Unidos ng Amerika, Afrika, at Europa, ngunit ang pagkakaiba lamang ay higit na maliit ang Filipinas na may multinasyonal na pamayanan. Kahanga-hanga ang ganitong panukala, at dapat ibitin patiwarik ang sinumang may pakana ng ganitong panggagagad.

Walang malinaw na dahilan sa pagkakabaha-bahagi ng mga lalawigan para maging nagsasariling mga estado. Ang paghahati-hati ng Filipinas ay mahihinuhang ginagabayan ng mga katwirang pangheograpiya, pampolitika, at pangwika, at kahit iginigiit ang usaping pangkultura ay malabo dahil hindi batid kung sino ang magtatakda nito. Sa panukalang susog sa Konstitusyon, ang pagtatalo sa mga sasaklawin ng mga estado ay aayusin ng Commission on Intra-State Boundary Disputes na pangunguluhan ng Kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG). Problematiko ito, dahil ang anumang pag-aaway hinggil sa teritoryo ay maaaring pagsimulan ng digmaan ng mga estado, at mauwi sa tandisang pagsasarili ng estado upang maging bukod na bansa palayo sa Filipinas.

Sa ilalim ng Seksiyon 15, Artikulo 12 ng panukalang susog sa Konstitusyon, ang mga estado ay maaaring lumikha ng mga nakapagsasariling rehiyon (autonomous region) na pawang binubuo ng mga lalawigan, lungsod, munisipalidad, at pook na saklaw na may “bukod na pangkultura’t pangkasaysayang pamana, pangkabuhayan at panlipunang estruktura, at iba pang katangiang saklaw ng Konstitusyon.” Ang ganitong tindig ay mahihinuhang rehiyonalista, kung hindi man baryotiko, dahil tinatangka nitong biyakin sa maliliit na bahagi ang Filipinas sa ngalan ng kalayaan, kasarinlan, at kaunlaran.

Ang pagbiyak sa Filipinas ay kaugnay ng isinusulong na multilingguwalismo sa Filipinas, at pakana ng gaya ng Defenders of Indigenous Languages of Archipelago (DILA) at Save Our Languages Through Federalism (SOLFED) na pawang may mga patakarang kumokontra sa diwain at wikang Filipino. Nilalayon ng DILA at SOLFED na ikabit ang usapin ng wika sa usapin ng heograpiya, politika, kasaysayan, at ekonomiya, at nang maitampok ang kaakuhan ng mga lalawigan. At upang maisakatuparan iyon, sinisikap nitong pahinain ang estado ng Filipino (na baryedad lamang umano ng Tagalog), gawing lingua franca ang Ingles sa buong kapuluan, at ikubli ang gayong pakana sa pamamagitan ng pamumulitika. Kung babalikan ang panukalang pagsusog sa Konstitusyon, ang dominanteng wika sa rehiyon (halimbawa na ang Ilokano at Bikol) ay gagamitin lamang mulang una hanggang ikatlong grado sa elementarya. Pagkaraan nito, mahihinuhang Ingles na ang gagamitin sa mga rehiyon. Ang ganitong panukala ay dapat ibasura, dahil hindi ito tumutulong para paunlarin ang mga taal na wika sa Filipinas bagkus nagpapabilis pa ng pagkalusaw nito.

Pumapabor ang federalismo sa pagpapalawak ng saklaw ng kapangyarihan ng mga politiko. Sa ilalim ng Artikulo 10, na pinamagatang Lehislatura ng Estado, ang bawat estadong lehislatura ay bubuuin ng tatlong kinatawan ng bawat lalawigan at lungsod. Ang nasabing mga kinatawan ay ihahalal ng mga kasapi ng sangguniang panlalawigan at sangguniang panlungsod. Samantala, ang mga kinatawan ng mangingisda, magsasaka, at matatanda ay hihirangin ng kani-kanilang sektor. Ang masaklap, kinakailangang rehistratrado ang mga samahan ng mangingisda, magsasaka, at matatanda sa State Social Welfare Department. Sa ganitong kalagayan, maaaring magamit lamang sa pampoitikang adyenda ang nasabing mga sektor imbes na pangalagaan ang kalagayan ng mga dukha at nangangailangan. Ito ay dahil binibigyan ng kapangyarihan ang gobernador ng estado na hirangin ang mga kinatawan sa tatlong sektor.

Magiging makapangyarihan ang gobernador ng estado, na ihahalal ng mga kalipikadong botante ng mga lalawigan, lungsod, munisipyo, at barangay na pawang nasa loob ng naturang estado. May karapatan siyang mahalal nang tatlong sunod na termino, at bawat termino ay may apat na taon ng panunungkulan. Ipatutupad ng gobernador ng estado ang mga batas na pinagtibay ng Kongreso at Lehislatura ng Estado. Binibigyan din siya ng kapangyarihang humirang ng mga kawani at opisyales ng kagawarang pang-estado, at pumili ng mga opisyal at empleado ng kaniyang estado. Ang ganitong panukala ay masasabing malikhaing debolusyon ng diktadura, at pumapabor sa mga politikong may mahigpit na kapit sa kani-kanilang lalawigan.

Ang nakapagtataka’y ang Kodigo ng Pamahalaang Lokal (1991) ay babaguhin na naman, na nakapanghihinayang dahil nagtatakda ito ng mga pamamaraan kung paano magiging epektibo at makapangyarihan ang bawat pamahalaang lokal at nang maisalin dito ng pamahalaang pambansa ang mga kinakailangang yaman at kapangyarihan. Ang anumang pagkukulang ng nasabing Kodigo ang dapat sinususugan sa Kongreso upang mapalakas ito at pumabor sa taumbayan, imbes na panghimasukan ang Saligang Batas at itaguyod ang Federalismo. Si Sen. Pimental ang nagsulong ng nasabing Kodigo, ngunit ngayon ay bumabaligtad at pumapabor sa federalismo. Kung anuman ang pagkukulang ng Kodigo sa yugto ng pagsasakatuparan ay hindi malulutas sa pamamagitan ng pagtatatag na federal na sistema ng pamahalaan. Kailangan ang matibay na pampolitikang kapasiyahan ng pamahalaan upang maipatupad ang mga programa at patakaran nito alinsunod sa itinatakda ng Saligang Batas at kaugnay na batas, kautusan, at alituntunin.

Napakahina ang mga seksiyon sa panukalang susog sa Konstituyon, lalo sa pangangalaga ng kaligiran, pagrepaso ng pamumuhunan sa likas na yaman, pangungutang sa ibang bansa, kalakalan, at iba pa. Higit na nakatuon ang mga pag-enmiyenda sa politikang aspekto at hindi sa tunay na ikaaangat ng kabuhayan at ikatitiyak ng magandang kinabukasan ng mga Filipino. Ang mungkahi ko’y pag-aralan at pagdebatehan ito nang maigi, hindi lamang ng mga politiko, kundi ng buong sambayanan. Sa kasalukuyang komposisyon ng Kongreso at Senado ngayon, malaki ang posibilidad na ang pagbabago sa Saligang Batas ay para pahabain ang termino ng pangulo at ng kaniyang mga alipuris na mambabatas na dapat nang nagpapahinga dahil sa kahinaan bilang mga mambabatas at tagapagpatupad ng batas. Ayon sa artikulo ng Center for People Empowerment in Governance (CENPEG), ang panukalang federalismong isinusulong ni Sen. Pimentel ay umaalingawngaw sa panukala ni Jose V. Abueva, at nagpapalakas sa kapangyarihan ng oligarkiya sa Filipinas imbes na bigyan ng kapangyarihan ang mga dukha at mahina.

Inilahad ni Abueva ang mga bentaha ng federalismo, at kabilang dito ang sumusunod: Una, makapagtatatag umano ito ng makatarungan at pangmatagalang balangkas para sa kapayapaan sa pamamagitan ng pagkakaisa ng iba’t ibang pangkat etniko, relihiyoso, at kultura, lalo sa panig ng mga Bangsamoro at lumad. Ang ganitong mungkahi ay ipinalalagay na ang buong bansa ay watak-watak, at nasa yugto ng digmaan, at wala nang magagawa pa kundi pagbigyan ang paghahati-hati ng teritoryo. Ang federalismo ay lalong makapagpapalakas para sa mga armadong pangkat na magsulong ng rebelyon, at tuluyang kumawala sa saklaw ng Filipinas. Ipinupunla ng federalismo ang pagkakawatak ng mga mamamayan, dahil ang sinasabing labing-isang nasyon ay nagpapahalaga sa rehiyonalismo imbes na sa kabansaan ng buong Filipino.

Ikalawa, ang desentralisasyon at debolusyon ng kapangyarihan, ani Abueva, ay hindi makauusad sa lumang sistemang unitaryo kahit pa nakasaad iyon sa Saligang Batas ng 1987 at Kodigo ng Pamahalaang Lokal ng 1991. Sa ganitong kuro-kuro, ang dapat inaalam ay kung ano ang mali sa pagsasakatuparan ng mga batas at patakaran ng pamahalaan. Ang pagsasabing sumapit na sa “wakas” ang Kodigo ng Pamahalaang Lokal dahil ang pangunahing awtor niyon na si Sen. Pimentel ay bumaligtad saka pumabor sa federalismo ay simplistikong palusot sa kabiguan ng desentralisasyon at debolusyon. Hindi makausad nang ganap ang desentralisasyon at debolusyon dahil hangga ngayon ay hindi pa nasasapol ng taumbayan ang esensiya ng mga konseptong ito.  Ang pagkakamali ay maaaring malutas kung magtutulungan ang kapuwa pambansa at pamahalaang lokal sa implementasyon ng Kodigo.

Ikatlo, mabibigyan umano ng kapangyarihan ng Republikang Federal ang mga mamamayan, at mapatataas ang estandard ng kabuhayan at pakikilahok sa pampolitikang aspekto. Ideal itong pangarap, ngunit hindi nito isinasaalang-alang na ang mga lalawigan ay kontrolado pa rin ng ilang maykayang pamilya, at ang mga pamilyang ito ang humahawak ng pampolitikang kapangyarihan. Ang korupsiyon, karahasan, at paghahari sa mga pamayanan ay nakasalalay kung sinong pangkat ang may hawak ng sandata at kayamanan, at napakahirap ipangaral ang “kahusayan sa pamamahala” sa mga liblib na nayong kulang sa oportunidad ang mga tao na makapag-aral at humawak ng kayamanan.

Ikaapat, sinabi ni Abueva na ang federalismo ay makahihimok sa mga pinuno, negosyante, at taumbayan na maging responsable at tanganan ang kanilang kapalaran. Ipinapalagay dito na makikilahok ang mga tao sa mga pagpapasiya sa pamahalaan, ngunit maituturing itong panaginip hangga’t hindi nabubuo ang mga maláy, organisadong mamamayan. Ang pag-unlad ng panukalang labing-isang nasyon ay sasalalay sa naimbak nitong yaman, mulang likas yaman hanggang impraestruktura, komunikasyon, at transportasyon. Sa sitwasyon sa Filipinas, ang paghahari ng mga maykayang pamilya at armadong pangkat ay matitiyak sa federalismo dahil tuwiran nitong mahahawakan sa leeg ang taumbayan.

Ikalima, mapabibilis umano ng federalismo, ani Abueva, ang paglinang sa kaunlarang pampolitika, pang-ekonomiya, panlipunan, at pangkultura. Magkakaroon umano ng inter-estadong kompetisyon sa pagkuha ng kapuwa domestiko at banyagang pamumuhunan, propesyonal, manggagawa, turista, at iba pa. Lalago umano ang mga lalawiganing wika, kultura, at sining. Maganda ito ngunit mananatiling pangarap lamang ito para sa ilan, dahil ang gayong kompetisyon ay hindi nagpapamalas ng kompletaryong paghahayag ng kalakasan ng bawat “nasyon,” bagkus naglalantad pa ng pagtatangi sa iba na mauuwi sa pagkakahati-hati ng mga mamamayan. Nabansot ang mga lalawiganing wika at kultura dahil na rin sa matagal na kapabayaan ng mga lokal na politiko, negosyante, at intelektuwal na pawang pumanig sa paglinang ng Ingles at banyagang kultura, at hindi ito malulutas sa kisapmatang federalismo. May itinatadhana na ang Kodigo ng Pamahalaang Lokal at ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) kung paano mapalalago ang katutubong kultura, ngunit ang nakapagtataka’y hindi ito alam ng mga lokal na opisyal kaya hindi naipatutupad nang ganap sa kani-kanilang lugar.

Pinakamahalagang aspektong binanggit ni Abueva na makapagpapalalim umano ng demokrasya ang federalismo habang lumalaon. Sa ganitong palagay, animo’y mahina ang “demokrasya” sa buong Filipinas. Kung mahina ang demokrasya sa bansa, ang dapat pinagtutuunan ng mga politiko ay kung paano “mapapalawak at mapatitibay” ang demokrasya at mauuwi ito sa dating implementasyon ng mga programa at patakaran sa mga lalawigan. Kung ang parehong mga politiko at kaanak nila ang maghahari sa iba’t ibang “nasyon” o rehiyon, ang pangarap na demokraya ay para sa lalong ikalalakas ng oligarkiya dahil nasa sirkulo nito ang kayamanan, kapangyarihan, at koneksiyon upang manatili sa poder.

Hindi malulutas ang problema ng bansa sa simpleng pagbabago ng Konstitusyon. Kung babaguhin man ang Konstitusyon, kinakailangang pagbotohan muna ito ng mga mamamayang Filipino at isailalim sa Kumbensiyong Pansaligang Batas, at hindi basta pakikialaman lamang ng mga mapagdududahang mambabatas ng Kongreso. Maraming matitinong batas ang napagtibay sa Kongreso ngunit hindi ipinatutupad dahil na rin mismo sa maruming pamumulitika. At yamang hindi ito ipinatutupad, ang dapat palitan ay ang mga namumuno sa pamahalaan at hindi ang mga batas. Marahil, napapanahon nang makialam at gumising ang taumbayan at maghimagsik sa mapayapang pamamaraan. Kailangang maging maláy ang bawat Filipino sa ipinapanukalang “federalismo” at “sistemang federal na pamahalaan” dahil ang ganitong pakana ay yumayanig sa pundasyon ng Filipinas at nagpapaalab para magkawatak-watak ang mga Filipino ngayon at sa hinaharap.

Kuwentong pambata sa lahat ng panahon

Ang Batang Humipo sa Langit, guhit ni Sergio Bumatay III, at batay sa kuwento sa Ingles ni Iris Gem Li na nagwagi ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle.

Ang Batang Humipo sa Langit, guhit ni Sergio Bumatay III, at batay sa kuwento sa Ingles ni Iris Gem Li na nagwagi ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle.

Binabati ko si Iris Gem Li, ang awtor ng The Boy Who Touched Heaven (2007), sa kaniyang pagkakapanalo ng National Book Award para sa kuwentong pambata ngayong taon. Ang akda ni Iris ay nilapatan ng makukulay na ilustrasyon ni Sergio Bumatay III, na pambihira ang guniguni sa paghubog ng mga pook at hulagway. Dapat ko ring kilalanin ang Canvas, Ang Ilustrador ng Kabataan (Ang I.N.K.) at Adarna House na nagbalikatan upang maitaguyod ang naturang proyekto. Ang Canvas ay isang institusyong nagtataya para maisulong ang sining, kultura, at kaligiran; ang Ang I.N.K ay binubuo ng mga piling ilustrador na kabataang nakatuon sa mga aklat pambata at iba pang anyo ng sining; samantalang ang Adarna House ang kinikilala ngayong pangunahing pabliser ng mga primera klaseng aklat pambata sa buong Filipinas.

Kapag binasa ang kuwento’y mahirap nang mabatid kung ano ang orihinal at pinagbatayan ng salin, kung sa Ingles ba o sa Filipino. Ito ay dahil may magkaibang datíng at testura ang dalawang wika, na makapupukaw ng loob ng sinumang makasasagap. Ano’t anuman, humuhusay ang akda dahil sa malikhaing pagsasakataga, na hubdan man ng mga larawan ay kayang makapagsarili nang buong tatag. Ang kuwento ni Iris ay halimbawa kung paano nagkakatulungan ang dalawang wika, at kung paano ipinamamalas na ang salin ay hindi larong bata bagkus isang sining din na dapat kilalanin sa pagkatha.

Umiinog ang kuwento sa batang Ifugaw na ibig makahipo sa langit, at maabot ang buwan at bituin. Namangha siya sa kalawakan, at naghangad na tuklasin kung paano maaabot ang tila imposibleng tanawin. Humanap siya ng mga paraan kung paano maaabot ang pangarap, at habang naglalakbay ay nakatagpo ang iba’t ibang nilalang na magtuturo sa kaniya ng tumpak na landas, hanggang sumapit siya sa isang kabatiran: Ang langit ay naririto sa lupa.

Ipinamamalas din ng katha na may mga bagay na malimit kinakaligtaan ng mga tao, mga bagay na naririyan sa ating tabi ngunit hindi pinapansin, at kung pinapansin man ay hindi binibigyan ng sapat na pagpapahalaga sa ating buhay at kultura. Maihahalimbawa ang mga dakilang payyo sa Kordilyera, ang tila inmortal na hagdan tungong kalangitan. Ang mga payyong ito ay unti-unti nang inaagnas ng panahon at kapabayaan ng tao. Maikakatwiran ang labis na pag-init ng klima at paghaba ng tagtuyot, samantalang ang dating mga kabataang inaasahang maglilinang at mag-aalaga ng mga palayan ay naging abala sa ibang propesyon at nagtungo kung saan upang maghanapbuhay.

Mababatid ng mambabasa mula sa muslak na paningin ng paslit ang pagtuklas sa kaligiran at ang pag-arok sa pinakamatimtimang damdamin ng tao. Ipakikilala rin dito ang pakikipagsapalaran sa piling ng nanganganib na saring banog, anuwang, at unggoy, at ang halaga ng paghahanap ng karunungan sa paligid. Ang ganitong diwain ay masining na isinatitik ni Iris, na hinuhulaan kong malayo ang mararating sa larangan ng pagkatha.

Komplementaryo sa kuwento ang maririkit na dibuho ni Sergio, at waring ibig sapawan ang teksto kung isasaalang-alang ang pagkakalatag ng mga pahina, ngunit sadyang may sariling salaysay ang mga hulagway sa mga kamay ng ilustrador. Ang kuwento (o sabihin nang teksto) ay nadaragdagan ng pagpapakahulugan kapag tinapatan ng larawan, kaya maiisip ang pagsasalikop ng dalawang anyo ng sining tungo sa paglikha ng isang makabuluhang akda. Dapat subaybayan itong si Sergio, na nakikini-kinita kong mamumukod sa piniling larang ng sining.

Inirerekomenda ko sa mga bata ang The Boy Who Touched Heaven (Ang Batang Humipo sa Langit), hindi dahil ako ang nagsalin nito sa Filipino, kundi dahil naniniwala ako sa pambihirang halagahang ibig ipaabot ng kuwento na makatutulong upang makilala natin ang ating mga sarili bilang dakilang Filipino.

Banggaan ng mga Pananaw sa nobela ni Liwayway A. Arceo

Nagbabanggaang pananaw ng mga babaeng mula sa magkaibang panahon ang pinapaksa ng nobelang Maling Pook, Maling Panahon. . . Dito Ngayon (1978) ni Liwayway A. Arceo. Unang nalathala at isinerye sa Liwayway ang naturang nobela, at pagkaraan ay inilimbag ng UP Press noong 1998.

Umiinog ang istorya sa buhay ni Katy na mula sa dukhang pamilya at lumaking rebelde sa konserbatibong inang si Taling. Si Taling ang ina nina Katy, Cara, at Rey, at naging matapat na esposa ni Munding hanggang mamatay ito sanhi ng pagkakasakit nang malubha makaraang maaksidente sa pook ng konstruksiyon. Magsisimula ang gusot nang magtrabaho si Katy bilang sekretarya ni Danilo Lizares na nagbalik sa Filipinas mula sa Amerika. Aakitin ni Danilo si Katy, hanggang maging kabit ito, ibabahay nang lingid sa kaalaman ng kaniyang asawang si Nora, hanggang matuklasan nina Don Julio at Nora ang katotohanan sa bandang huli. Si Don Julio ang ama ni Danilo, at siyang isa sa pinakamayayamang negosyanteng may malalaking bahay-kalakal sa Maynila. Samantala, si Nora na bagaman anak-mayaman ay nabigong tulutan ng kaligayahan si Danilo at halos walang kalibog-libog sa kama.

Aatakihin sa puso si Danilo nang matuklasan ni Nora ang ginagawang pambabae ng kaniyang mister. Mababatid naman ni Katy na nabuntis siya ni Danilo, kaya magsisikap siyang magbalik sa dating dukhang tahanan upang makipagbati sa inang si Taling. Magwawakas ang nobela sa pagpapahiwatig ng pagtataguyod nina Katy at Pilar ng bagong negosyo hinggil sa patahian ng mga damit pambata. Si Pilar na kabiyak ni Rey, at mula rin sa mahirap na pamilya, ang gagabay kay Katy mulang panganganak hanggang pagharap sa bagong yugto ng buhay.

Isa sa masisinop na katha ni Arceo ang nobelang ito. Makikita sa nobela kung paano lumikha ng mikrokosmo ng lipunan ang awtor sa pamamagitan ng paglalahad ng mga pangyayari sa loob ng magkakaibang pamilya. Gagamitin sa nobela ang sikolohikong gulo mula sa isip ni Taling na tumayong padre de pamilya at kailangang mangalaga sa tatlong anak, at pagkaraan ay iiwan nina Katy at Rey na pawang bumukod makaraang mailibing si Munding. Magngingitngit si Taling dahil nagpakasal si Rey kay Pilar na matagal nang kasintahan, at sumama si Katy kay Danilo. Ibabaling ni Taling ang kaniyang paghihigpit kay Cara, na bagaman masunurin sa ina’y ibig ding kumawala sa nakasasakal na pagpapalaki ng ina.

Samantala, isusumpa ni Katy ang kahirapan na dinanas niya mula sa pinagmulang pamilya. Gagamitin niya ang kaniyang kariktan upang mahulog ang loob ni Danilo, at si Danilo’y magiging parang asong alipin ng kaniyang makamundong pagnanasa sa babaeng taliwas sa katauhan ng kaniyang kabiyak na si Nora. Nang lumaon, ang paglalaro’y nauwi sa tunay na pagmamahalan nina Danilo at Katy na nagbabalak nang lumayo kay Nora na nahadlangan lamang nang atakihin sa puso si Danilo.

Pambihira ang taktikang ginamit ni Arceo hinggil sa paglalarawan ng guniguni ni Katy na nangangarap kay Danilo at sa malalamuyot nilang pagsasama sa otel, kondominyum, at apartment. Ang guniguni ni Katy ay ipapares sa guniguni ni Danilo, at sa bagabag na isip ni Nora. Maitatambis din ang guniguni ni Katy sa guniguni nina Taling at Cara, at mababatid ng mambabasa kung saang konteksto at panahon nagbubuhat ang naturang mga tauhan. Mabibilis ang pihit ng mga pangyayari, at kumbaga sa pelikula’y malilikot ang anggulo mula sa loob at labas ng isip ng mga tauhan.

Masining ding malilinang ang katauhan ni Danilo bilang esposo, ama, at boss ng kompanya. Gagamitin niya ang salapi para bigyan ng layaw ang kaniyang pamilya, at ang salapi ring iyon ang magiging panilaw niya kay Katy. Gagamitin ni Danilo ang kaniyang posisyon matugunan lamang ang kaniyang libog, at gaya ng kaniyang amang si Don Julio ay magiging sentro ng kapangyarihan sa nobela. Taliwas ito sa asal ni Rey, na magtatrabaho sa ibang bansa upang makaipon, at handang isakripisyo ang sariling kaligayahan mapag-aral lamang ang kaniyang mga kapatid at masustentuhan ang pangangailangan ni Taling. Kasalungat din ng asal ni Danilo ang asal ni Romy, na kasintahan ni Katy at nagsikap makatapos ng pag-aaral at kumayod nang husto, at handang igalang ang babae gaya noong araw.

Ang pagpapahalaga ni Taling sa dangal ang aayawan ni Katy. Para kay Katy, kailangang maging praktikal at kailangang maging tiyak sa mga kinakailangang materyal. Higit na mahalaga naman ang puri at dangal, ayon sa pananaw ni Taling, dahil ang mga halagahang ito, kapag ipinares sa pag-ibig, ay kayang makapagpabago kahit sa pag-inog ng daigdig. Kung si Taling ang tesis, at si Katy ang anti-tesis, ang anak ni Katy na si Carmen Julia ang magiging sintesis ng dalawang panahon. Subalit magaganap lamang ito sa pamamagitan ng tulong ng gaya nina Pilar at Cara, na magiging tulay upang mahimok si Taling na patawarin ang anak, at mapaghunos ang isip ni Katy palayo sa mga pagpapahalagang materyalistiko.

Ipinamamalas din ng nobela na ang konserbatismo ay hindi palaging nagmumula sa pamilyang dukha. Ang konserbatismo ay makikita kahit sa buhay ni Nora na lumaki sa karangyaaan, at kahit sa pananaw ng mag-amang Don Julio at Danilo na pawang kumakatawan sa patriyarkal na pagpapatakbo ng pamilya at negosyo. Ang pagtataglay ng liberal na pananaw ay mahihiwatigan sa mga asal nina Rey at Pilar, samantalang ang pagkaliberal sa negatibong aspekto nito ay ipakikita ni Katy. Gayunman, hindi pulos negatibo ang dapat maging sipat sa asal ni Katy. Ang pagrerebelde ni Katy ay may batayan, at ang pagrerebeldeng ito ay may kinalaman sa labis na kahigpitan ng magulang at sa nakasusuklam na kaligiran ng kahirapan. Ang kahirapan ang sukdulang kasamaan para kay Katy, dahil napupuwersa ng kahirapan ang sinumang tao na gawin ang anumang bagay mairaos lamang ang pang-araw-araw na pangangailangan. Ang pagbabago ng katauhan ni Katy ay masisilayan sa dulo ng nobela, nang tumanggi itong ipalaglag ang dinadalang sanggol alinsunod sa udyok ng inang ayaw masira ang pangalan sa komunidad.

Kahanga-hanga ang pukol ng mga diyalogo sa nobela, at pangunahin na rito ang usapan nina Katy at Taling, o nina Taling at Rey, o nina Taling at Cara, o kaya’y Katy at Cara. Kuhang-kuha ni Arceo ang paghubog sa katauhan ng babaeng nangangamba at nagdaramdam sa inaasal ng mga anak o sa pagtataksil ng esposo, o kaya’y sa erotikong tagpong naglalaro sa isipan ng magkakapatid. Ang lunan ng mga tauhan ay mas matimbang sa loob ng isipan at kalooban kaysa panlabas na kaligiran, at dito dalubhasang nakalikha si Arceo ng pambihirang daigdig na may tunggalian ng pananaw, kapangyarihan, at halagahan. Ang gayong malikhaing realidad ang kahanga-hanga sa nobela, dahil ang mga tauhan ay kailangang makipagbuno sa kani-kaniyang sarili imbes na sa ibang tao.

Maiisip din na ekstensiyon ang nobela sa maikling kuwentong “Uhaw ang Tigang na Lupa” (1943) na ang pagbanggit ni Danilo sa pangalan ng kerida ay maririnig ng asawa niyang si Nora. Ang pait na madarama ni Nora ay higit sa pagtataksil at paglagot sa tiwala, dahil doon niya mababatid na sa kabila ng kaniyang kayamanan ay nabigo siyang bigyan ng kaligayahan ang esposong naghahanap ng kalinga at katwiran ng buhay. Nakuha man ni Nora ang bangkay ng kaniyang asawa’y mahihiwatigang mananatili naman ang makukulay na alaala na iniwan ni Danilo kay Katy: ang sanggol na babae. Ito ang tagumpay ni Katy, at ang tagumpay na ito ay titindi sa pagsisimula ng bagong negosyo. Sa kabilang dako’y walang katiyakan ang kinabukasan ni Nora, dahil pagkamatay ni Danilo ay walang pahiwatig kung sino ang hahawak ng negosyo bukod kay Don Julio.

Ipinakikita lamang sa nobela na ang pag-aaral ng magkasalungat at nagbabanggaang panahon ay hindi laging matatagpuan sa malawak na lipunan. Ang pamilya ang mikrokosmo ng lipunan, kung paniniwalaan ang mga sosyologo, at ang pamilyang ito na binihisan ng malikhaing guniguni ng nobelista ay kayang makayanig sa dating de-kahong pananaw ukol sa kapangyarihan, sex, kayamanan, halagahan, at pagmamahal. Ito ang matagal nang itinuturo sa atin ni Liwayway A. Arceo—na isa sa mga dakilang manunulat na Filipino ng kaniyang panahon—ngunit hindi napapansin kahit ng bagong henerasyon ng kabataang naghahanap ng kabuluhan sa buhay.

Ang Lohika nina Jose Dacudao at Aurelio Agcaoili

Lumikha ng alingasngas ang mga artikulong sinulat ko na sagot sa mga akda nina Dr. Aurelio Agcaoili at Dr. Ricardo Nolasco. Inulan ako ng tawag, text, at email, na ang karamihan ay positibong tugon hinggil sa aking panig na nagpapaliwanag sa wikang Filipino. Ngunit may isang tao na gaya ni Dr. Jose Dacudao, na isa umanong siruhano sa utak, na sumagot sa aking akda at nanggagalaiti nang sukdulan. Ang kaniyang akdang Trolling Añonuevo ay mababasa sa dalawang blog ni Agcaoili.

Isinasaad ni Dacudao na inatake ko nang personal si Agcaoili at hinagip pa si Nolasco. Ngunit kung malinaw ang paningin nitong si Dacudao ay mahihiwatigan niya sa aking mga akda na hindi sina Agcaoili at Nolasco ang pinupunto ko kundi ang mga pagbaluktot nila sa kasaysayan at datos upang pangatwiranan ang dominasyon umano ng Tagalog sa pangkalahatang buhay ng mga Filipino. Kung binasa nang maigi ni Dacudao ang aking mga akda ay mahihiwatigan niya roon kung paanong pinahihina ng dating punong komisyoner Nolasco ang estado ng wikang Filipino upang maisulong ang multilingguwalismo (at palakasin ang paggamit ng Ingles). Mababatid din niya ang kabihasaan sa meme ni Nolasco, mulang pagkasangkapan sa lingguwistika hanggang pagkakaunawa sa kasaysayan at patakarang pangwika ng Filipinas. Ngunit higit pa rito, mauunawaan niya ang saliwang panunuri ni Agcaoili hinggil sa lalawiganing wikang Tagalog at sa ebolusyon ng Filipino bilang wikang pambansa. Masyadong nakaiwanan na ng panahon itong si Agcaoili, at ang kaniyang mga banat sa Tagalog at sa Filipino mulang pagbasa ng kasaysayan hanggang paggamit ng lente ng lingguwistika ay napakarupok. Hindi kataka-taka na ang paraan ng pagdestrungka niya sa Tagalog ay maraming sablay, dahil mabuway ang mga ginamit niyang batayan, pagpapakahulugan, at pangangatwiran.

Ang nakatatawa’y dumating itong si Dacudao at inakusahan akong “language killer,” “stupid,” “greatest linguistic idiot,” “Tagalog imperialist,” “racist,” “jingoist,” “ultra-nationalist,” at iba pang makukulay na taguri, saka iminungkahing magtungo na lamang ako sa India o Australia para doon mangaral. Nakisawsaw pa ang kaniyang alipuris na Bikolano, Kapampangan, at Ilokano na pawang nagkukubli sa mga sagisag panulat at kasapi ng DILA (Defenders of the Indigenous Languages of the Archipelago), at binansagan akong “apathetic, selfish person,” “oppressor,” “coward,” at “ethnic racist” [Tagalog Nazi] na ang tanging hangad lamang umano ay panaigin ang Tagalog. Aba’y napakahamak ko para sagutin ang ganitong mga paratang at pang-aasar. Ang paratang ni Dacudao (at ng kaniyang mga kasapakat) na binanatan ko nang personal (at binayagan) sina Agacaoili at Nolasco ay bumabalik na mariing sampal sa kaniya bilang patotoo sa uri ng kaniyang pangangatwirang ad hominem. Sumasalamin din sa uri ng kasapian ng DILA ang maruming propaganda at pamumulitika nito sa ngalan ng pagtatanggol ng mga wikang lalawiganin.

Walang direksiyon ang lohika ng tuligsa ni Dacudao sa aking mga akda. Inakusahan niya ako na ibig ko raw palitan ng Tagalog ang lahat ng mamamayan sa Filipinas. Na para daw maging mahusay na “Filipino” ay dapat maging “nasyonalistang Tagalog.” Ang ganitong haka-haka ay hindi nagmula sa akin. Ito ang propaganda ni Dacudao na ibig niyang ipakalat sa daigdig, at maaaring sinesegundahan ng gaya ni Agcaoili.

Nangangamba si Dacudao na ang wikang Sebwano ay maaaring mamatay sa loob ng tatlong siglo kapag hindi nagbago ang trend batay sa sarbey ng National Statistics Office. Sinabi ko raw na ang preserbasyon ng gayong wika ay mapanganib. Ha? Ano uli? Hindi lamang duling bumasa itong si Dacudao. Binabaluktot pa niya ang aking akda upang ipamalas ang kaniyang intoleransiya sa Tagalog bilang panrehiyong wika, at sa Filipino bilang pambansang wika. Kahit bali-baligtarin ang aking mga artikulo ay wala siyang makikita ni katiting na pahiwatig na ibig kong patayin ang Sebwano o iba pang wikang lalawiganin. Mamamatay ang Sebwano dahil ang mga manunulat, intelektuwal, politiko, at negosyanteng dapat sanang nagbubuhos ng talino at yaman para palawigin ang wikang Sebwano ay nawawala, at karamihan sa kanila ay lumipat na sa paggamit at pagtataguyod ng Ingles. Namamatay ang Sebwano dahil malaganap na ang penomenon ng migrasyon at urbanisasyon, at kung nagbabasa si Dacudao ay mababatid niyang hindi estatiko ang Sebwano na maikakahon at madidiktahan sa pamamagitan ng pamumulitika. Namamatay ang Sebwano, hindi dahil sa paglaganap ng Filipino, kundi sa mismong kapabayaan ng mga Sebwano—mapa-gobyerno man o mapa-pribado—na gamitin sa iba’t ibang larang ang wikang Sebwano. Hindi malulutas ng pagsasabatas na gawing pambansang wika ang Sebwano at ang mahigit 100 wika sa Filipinas para maiahon sa panganib ang mga wika. Kailangang aktibong gamitin iyon ng mga tao araw-araw, may bagyo ma’t may rilim, imbes na palaganapin ang Ingles. Ang pagkilala sa Ingles na ito lamang ang may kakayahang makapag-ugnay sa mga tao sa iba’t ibang lalawigan at diasporang Filipino, at magpapantay sa estado ng mga taal na wika, ay isang mitong alinsunod sa kolonyalistang pananaw.

Ang paggamit ng Filipino ay hindi nangangahulugang pagpatay sa Sebwano, Iluko, Kapampangan, at iba pang taal na wika sa Filipinas. Walang patakaran at programa, hayag man o lihim, ang magpapatunay na pinapatay ng Filipino ang Sebwano at iba pang taal na wika. Ang paggamit ng Filipino ay pagbubuo ng tulay sa mga lalawigan, upang magkaunawaan ang mga Filipino anumang taal na wika ang kanilang ginagamit at pinagmumulan. Ang kakatwa’y ibig ni Dacudao at ng mga kasapakat niya sa DILA na gamitin ang Ingles, na wikang banyaga at wika ng kolonisasyon, upang maging wika at diskurso ng mga Filipinong iba ang kultura, kaligiran, at kontekstong pinag-uugatan kaysa mga Amerikano. Titigan ang sumusunod at namnamin ang winika ni Dacudao:

We certainly can communicate with other Philippine ethnic groups in English and we did so during the American colonial period with no trouble at all, the way Indians until today use English to communicate with each other amidst the diversity of their languages. English functions as a socially leveling tongue in the Philippines, the use of which renders all ethnic groups socially equal for there is no ethnic group that claims an identity defined by English, the same way that French is used as a socially leveling tongue in parts of Africa, thus protecting small ethnolinguistic groups from extinction. English is also a necessary language for our overseas workers, and in science and commerce. The imposition of Tagalog among us has resulted only in a feeling of social inferiority among non-Tagalogs, a degradation of our education since our youth now find it harder to comprehend English Science and other educational books, and has also degraded our English language skills, so that our overseas workers find it harder to communicate abroad. These are the very same workers that keep our economy from collapsing. Without our workers’ knowledge of English, our economy would collapse.

Apparently what Anonievo [sic] wants is to idiotize and pauperize us, in his campaign to turn us all into Tagalogs.

Nagmamadali ang lohika ni Dacudao. Para bang ang lahat ng Filipino ay napakagaan umingles, at maipahahayag nila ang kanilang iniisip at niloloob sa pamamagitan ng Ingles. Maaaring ang tinutukoy ni Dacudao ay ang mga Filipinong sinuwerteng makapag-aral at natutong umingles, at sinadya niyang ipinid ang paningin sa kapalaran ng milyon-milyong Filipino na hindi makaunawa sa Ingles. Paano magiging “levelling tongue” ang Ingles sa Filipinas? Ito ang kakatwang panukala ng gaya nina Agcaoili at Nolasco na pawang sinisipat ang Filipino na kalaban ng mga taal na wika sa Filipinas upang mailigtas sa tuligsa ang Ingles. Ang totoo’y ginagamit sa bansa ang Ingles upang patuloy na hamakin, lupigin, at paikutin ang mga Filipino upang mawalan sila ng tiwala sa sariling wika, at sumamba sa ipinangangakong langit ng banyagang wika. Mulang paaralan hanggang hukuman, mulang kalakalan hanggang pamahalaan, ginagamit ang Ingles na lalong nagpapatiwalag sa mga Filipino sa kani-kaniyang sarili at bansa. Ang paghahambing ni Dacudao sa karanasan ng mga katutubong Indian sa Amerika at sa mga mamamayan ng Africa sa karanasan ng mga Filipino ay sablay dahil magkasalungat ang pinagmumulang polo ng mga tinukoy na tao. Hindi binanggit ni Dacudao na kaya nalusaw ang kultura at wikang Indian ay dahil sa Ingles. Hindi rin binanggit niya na kaya nangangamatay ang mga wika sa Afrika ay dahil ipinipilit ipagamit ang Ingles, Pranses, at iba pang banyagang wika, kahit malagay sa alanganin ang mga Afrikano at manatiling nakapailalim sa mga mananakop. Hinggil naman sa mga migranteng manggagawang Filipino, nagkakaroon sila ng trabaho dahil sa taglay nilang kasanayan, talino, at sigasig sa piniling lárang at propesyon, at hindi dahil sa kahusayan sa pagsasalita ng Ingles. Samantala, nababalam ang paglago ng agham at teknolohiya sa bansa dahil ang wika ng pagtuturo ay Ingles, imbes na gamitin ang Filipino at iba pang taal na wika sa Filipinas.

Ang nakapagtataka’y isinisisi ni Dacudao sa Tagalog ang paghina sa Ingles ng mga Filipino. Isinisisi rin ni Dacudao at ng mga kasapakat niya sa DILA na pinahihina ng pambansang wikang Filipino ang paggamit ng Ingles sa mga Filipino. Ito ang mito ng mga tagapamansag ng Ingles na dapat basagin nang ganap. Humihina sa Ingles ang mga Filipino dahil nabigo ang Ingles na hulihin ang guniguni ng mga Filipino. Humihina ang Ingles dahil sadyang mahina ang edukasyong laan sa Ingles para sa mga Filipino. Humihina ang Ingles dahil iba ang uri ng komunikasyon ng mga Filipino kaysa mga Amerikano, at hindi papabor kailanman ang mga Filipino sa banyagang wika maliban sa ilang pagkakataon na pinalad makapag-aral ng Ingles ang isang tao. At lumalakas ang paggamit ng Filipino hindi dahil nagmula ito sa Tagalog, bagkus sa kolektibong paggamit nito at pagtanggap ng mga Filipino para sa kani-kanilang pang-araw-araw na komunikasyon at transaksiyon sa loob at labas ng Filipinas.

Nais ko bang maging Tagalog ang lahat ng Filipino, ayon sa kuro-kuro ni Dacudao? Hindi. Ang hangad ko’y maitaguyod ang solidong pambansang wikang kayang makapagbuklod sa lahat ng Filipino, anuman ang kanilang wika, lalawigan, lipi, relihiyon, at uring pinagmulan. At magagawa ito sa pamamagitan ng Filipino, na sinusuhayan nang matibay ng lahat ng taal na wika sa Filipinas, at masinop na tumatanggap ng mga salita mula sa mga internasyonal na wika. Maraming matututuhan ang mga lalawiganing wika sa Filipinas kung paano palalaguin ang mga ito kung pag-aaralan ang ebolusyon ng Filipino. Ngunit minamasama ng gaya ng DILA ang Filipino—na tumatangging kilalaning pambansang wika ang Filipino at umano’y baryedad lamang ito ng Tagalog—saka igigiit na gawing pambansang wika ang lahat ng taal na wika sa Filipinas, samantalang Ingles ang magiging lingua franca ng mga lalawigan.

Galit na galit si Dacudao sa aking tindig hinggil sa Ingles. Aniya,

Anonuevo glorifies Tagalog and rants against English. He should seriously try unlearning all of whatever English he knows, and see whether or not people will understand him in the internet. The trouble is that he wants all of us to unlearn English too. That would not be advisable. If Anonuevo wants to make an idiot out of himself by unlearning all the English he knows, fine. Hopefully all other Tagalistas would follow suit. We should not.

Ang problema kay Dacudao ay nagpaparatang siya nang wala sa lugar. Nais ko bang hikayatin ang lahat ng Filipino na ibasura kundi man talikuran nang ganap ang Ingles? Hindi. Saliwang opinyon ito ni Dacudao, at alinsunod sa pagsagap niya sa aking akda. Kailangang tanggalin muna ni Dacudao ang lahat ng kaniyang prehuwisyo laban sa Filipino, at ituwid ang kaniyang baluktot na edukasyong batay sa Ingles, para maunawaan niya ang pambihirang pahiwatig ng aking tugon sa mga akda nina Agcaoili at Nolasco. Kailangan nating mag-aral ng Ingles, ngunit hindi dapat limitado ang ating daigdig sa Ingles bagkus maging bukás sa iba pang internasyonal na wika.

Ipinagtatanggol ni Dacudao si Nolasco, at sino ba ako para pigilin ang gayong nais ni Dacudao? Malaya si Dacudao na ipagtanggol si Nolasco—ang dating pansamantalang punong komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino—na nais patakbuhin ang KWF kahit labag sa batas, at kahit ilegal ang kaniyang panunungkulan. At ang mabigat, isinusulong ni Nolasco ang kaniyang uri ng patakarang multilingguwal nang labag sa Konstitusyon, at pailalim na pinahihina ang estado ng wikang Filipino sa kabuuan. Bakit hindi magtanong si Dacudao sa mga kawani ng KWF? Kailangang mabatid ng taumbayan ang mga ginawang katarantaduhan ni Nolasco sa loob at labas ng KWF, at dapat magsaliksik si Dacudao upang maipagtanggol ang kaniyang manok. Hinahamon ko rin ang mga interesadong mamamahayag sa pahayagan, radyo, at telebisyon na imbestigahan si Nolasco upang mabatid ang katotohanan.

Gaya ng nabanggit ko, napakahina ng sagot ni Dacudao sa aking tugon sa mga akda nina Agcaoili at Nolasco. Parang loro itong si Dacudao na inulit lamang ang opinyon ng kung sinong lingguwista, at naniwala sa baluktot na pagbasa sa kasaysayan, kaya hindi ko na papatulan. Ang kaniyang pagtatanggol sa Ingles ay pambihira—at sintomas ng edukasyong kolonyal—at mahihinuhang nais niyang pangibabawin ang Ingles sa hanay ng mga taal na wika sa Filipinas. Ang masaklap, ginagawa niyang dahilan ang multilingguwalismo at ang paggamit ng Ingles sa Filipinas kaugnay ng pag-enmiyenda sa Konstitusyon at pagtataguyod ng Federalismo.

Ang Federalismo ang mahihinuhang adyenda ng ilang Sebwanong politiko at kasapakat nila sa Batasan upang manatili sa poder at patuloy na maghari sa pamahalaan kahit isinusuka na ng taumbayan. Ito ang dapat mabatid ng mga Filipino. Pangunahing tagagpasulong nito ang SOLFED (Save Our Languages Through Federalism, Inc.) at DILA na ang higit na layon ay ibunsod ang Federalismo sa Filipinas, samantalang ginagamit na kasangkapan ang usapin ng multilingguwalismo para panghimasukan ang Saligang Batas ng 1987. Dapat mag-isip-isip kahit ang mga Sebwano at Butuanon sa pakanang ito ni Dacudao, na kasalukuyang pangulo ng SOLFED, kung karapat-dapat ngang tangkilikin ang kaniyang uri ng bulok na pamumulitika.

Ikinalulungkot ko kung nadawit sa balitaktakan si Rep. Magtanggol Gunigundo na nagsusulong ng kaniyang panukalang batas hinggil sa multilingguwalismo. Ayokong sabihin na nagagamit lamang siya ng gaya ng SOLFED at DILA para sa pampolitikang adyenda nito, dahil naniniwala ako sa angkin niyang talino at bait para timbangin ang lahat, at magpasiya para sa ikakagaling ng bansa.

Magwawakas ang usapan kung patuloy na igigiit ng SOLFED at DILA na hindi pambansang wika ang Filipino, gaya ng kolektibong tindig nina Agcaoili, Nolasco, at Dacudao at kasapakat nila. Ano pa ang dapat pag-usapan kahit ituring yaon na paglapastangan sa Saligang Batas at tandisang pagtataksil sa simulain ng sambayanang Filipino? Ang pag-enmiyenda ng Saligang Batas at gawing multinasyonal na pamayanan ang Filipinas at ipadron sa multinasyonal na pamayanan sa Europa at Afrika? Sa ganitong pangyayari, lumalakas ang Ingles samantalang ang mga lalawiganing wika ay nagagamit na kasangkapan lamang sa pampolitikang adyenda ng ilang pangkat, at malikhaing palusot para sa lalong ikalalakas ng wikang Ingles.

Nakatatawa na ginamit pa ni Agcaoili ang kaniyang dalawang blog para patulan ang gaya ng akda ng kagalang-galang na si Dr. Jose Dacudao. Kakatwa rin ang nagliliyab na forum ng DILA at SOLFED para banatan ako at hanapan ng kung ano-anong taghiyawat. Nagdududa tuloy ako sa husay nitong si Agcaoili na animo’y tagapayo ng SOLFED at DILA—na imbes na makipagtagisan sa pangangatwiran at patunayan ang kaniyang tuligsa sa  “Tagalogization, Tagalism, at Tagalogism” —ay nagiging kasangkapan pa sa pagpapakalat ng kagila-gilalas na basura. Ngunit sino ba ako para pumigil at magbawal? Namumuhay tayo sa demokrasya, at karapatan ng sinumang tao kahit ang pagtataglay ng intoleransiya, prehuwisyo, at katangahan.

Ama Namin at ang Idyoma ng Pananakop

Hamakin at maliitin ang kakayahan ng Tagalog ang isang paraan ng pananakop na ginawa ng mga paring Kastila noong siglo 1600. Kailangang ipabatid ng mananakop na taglay ng sinisipat niyang “katutubo” ang sukdulang katangahan, kabaliwan, at kasamaan, samantalang ang nangangaral ang bukál ng dunong, ginhawa, at luwalhati. Mahalaga ang ganitong pagbubukod upang mabilog ang ulo ng sinasakop, mawalan siya ng tiwala sa sarili, at maniwala na ang katotohanan ay sadyang nagmumula lamang sa banyagang may pambihirang talino at sibilisasyon.

PanalanginNgunit mahirap ang nasabing pangangaral. Iba ang diskurso ng relihiyon at wikang Espanyol, at hindi iyon mauunawaan ng mga Tagalog na iba ang kaligiran, kultura, panahon, at pananaw sa daigdig. Upang magtagumpay sa pangangaral, kinakailangang mag-aral at magpakadalubhasa ang mga pari sa mga wikang taal sa kapuluan, gaya ng Tagalog, Bisaya, at Bikol. Kailangan din nilang magpakahusay sa pagkasangkapan sa mga katutubong idyoma at talinghaga, upang ang anumang banyagang konsepto ay mabihisan ng katutubong anyo habang kipkip ang makamandag na pangangaral. Ang ganitong taktika ay ginawa noon ni Juan de Oliver, OFM, nang sulatin niya ang Declaracion de la Doctrina Christiana en Idioma Tagalog (1582–1591). Maihahalimbawa ang mga paliwanag niya sa pag-aantanda ng krus at sa dasal na “Ama Namin.”

Sa “Declaracion del per signum cruzis” (Yaring Tanda ng Santa Krus), ginamit ni Oliver ang larawan ng tao na nagpapamook (nakikipaglaban nang patayan) o naglalakbay para makidigma na dapat umanong nagsusuot ng baluti at nagbabaon ng sandata upang mapangalagaang ligtas ang katawan sa anumang panganib o kapahamakang maidudulot ng kaaway. Itatambis ni Oliver ang gayon sa kaluluwa ng tao, na dapat umanong mag-antanda muna ng krus bago magtungo kung saan, upang maging ligtas sa kapahamakang dulot ng demonyo. Ang “baluti at sandata” ay tumutukoy sa “pag-aantanda ng krus;” ang “kaaway” ay ang “demonyo;” at ang “katawan” ay kaparis ng “kaluluwa.”

Hiniram ni Oliver ang konsepto ng “katawan,” “baluti,” “sandata,” “búsog,” “gayáng” (sibat), “kaaway,” “kalay” (kalasag) at “kaluluwa” at nilapatan iyon ng pambihirang pahiwatig para sa pagpapaliwanag ng doktrinang Kristiyano. Ang “kaaway” na maaaring mandirigmang tagaibang pook o tribu ay nagkahugis ng “demonyo” na ang resulta’y posibleng makapagpabilis ng pagtanggap ng katutubo sa gayong hambingan. Sa pagbanggit din ng “kaaway,” inililihis ni Oliver ang konsepto ng pagiging “kaaway” mula sa panig ng mga Kastila tungo sa panig ng iba pang tribu o dayo. Maiuugnay din ang kasamaan sa kaaway, at ang katunggali nito ang mahihinuhang nasa panig ng kabutihan.

Ang demonyo bilang kaaway ay gumagamit ng “masamang tukso” at ang tuksong ito ay pinawawalan sa pamamagitan ng larawan ng palaso, na ipinapana sa “noo” (alaala), “bibig” (wika), at “dibdib” (kalooban) ng katutubo. Sa ganitong paglalarawan, mahihinuhang ang katutubo ay bihasa sa paghawak ng busog at palaso, at pataksil kung lumaban, at ang “noo, bibig, at dibdib” ang tatlong sentro na mahalaga sa katauhan ng tao, at dapat sapulin upang magtagumpay ang pangangaral. Kapag naangkin ng demonyo ang alaala ng tao’y mabubulid ito sa kasamaan at kahalayan (i.e., pagyurak sa puri ng tao at paglapastangan sa pinaniniwalaang anito). Kapag naangkin ang wika ay malayang makapagsasabi ang alipin at bihag ng labag sa kaugalian at kabutihang-asal ng kanilang pinagmulang tribu. Kapag nabihag ang kalooban ay magagapi ang pinakapuno o lakas ng katawan. Ang kaligtasan ng tao ay nasa pag-aantada ng krus, ani Oliver, at siyang magsisilbing epektibong pananggalang sa demonyo.

Ang tocsong ypinapana nang Demonio sa noo, ay ang dilan alaala nang tauo, ybig niyang magalaala ang tauo nang masamat, mahalay na alaala, nang magcasala sa Dios, sa masamang panimdim, ay quino Cruzan ang noo, paran taquip yaon, at nang di tomimo yaong tocso.

Ang ytinotocso nang Demonio sa bibig ay ang uica, ybig niya bagang maguica ang tauo nang masasamang uica, sa capuao niya tauo, caya quino Cruzan nang tauo ang caniyang bibig, yñgat na totoo yaon nang di matocso nang Demonioang caniyang uica. Ang dibdib nama, ang siyang tapat yaon nang loob nang tauo, pinapanang tocsohin nang Demonio ang loob (at siyang pono ngayon nang tanang Cataoan). Samacatoir niya, cun matocso niya ang loob, cun papagloobin nang di magaling, cun pagaoin nang masamang gaua, para natocso ang tanang Catauan, at natalo na yaong tauo; Caya naman quino Cruzan ang dibdib, taquip na matibay yaon sa loob di maano nang Demonio, panain man niya.

Yamang mahalaga sa katutubo ang kaligtasan, ang pag-aantada ay maaaring ikabit din sa konsepto ng “pag-aanito,” “bulong,” at “agimat.” Ang kahusayan nito ay nasa tao na nagsasagawa ng gayong ritwal o kaugalian, at mahihinuhang batay sa tindi ng kaniyang pananampalataya sa mga puwersang sobrenatural. Sa paliwanag ni Oliver, epektibo rin ang pag-aantanda dahil ito ang kinatatakutan umano ng demonyo. Ang pag-aantanda ng krus ay may taglay na “kabagsikan,” na kayang magtaboy sa demonyo, at makapagliligtas umano kahit sa mga di-binyagan. Ang konsepto ng “kabagsikan” ay maiuugnay sa katapangan at husay sa pakikihamok, at sa sining ng digmaan at paghawak ng sandata, na mahihinuhang madaling maarok noon ng mga katutubo.

Maiuugnay ang naturang konsepto sa pagpapaliwanag ni Oliver sa “Ama Namin” (Exposicion del Pater Noster en Lengua Tagala). Bawat linya ng naturang dasal ay tinumbasan ni Oliver ng mahabang paliwanag. Heto ang salin ni Oliver:

Ama Namin
Sungmasalañgit ca
Sambahin ang ñgalan mo
Mapasaamin ang caharian mo.
Sundin ang loob mo.
Dito sa lupa, paran sa lañgit.
Bigyan mo cami ñgaion nang aming canin sa arao arao.
At patauarin mo cami nang aming mañga otang,
para nang pagpapatauar namin, sa nagcacaotang sa amin.
Houag mo caming ypahintulot sa tocso.
At yadya mo cami sa dilan masama.

Hiniram muli niya sa Tagalog ang dalumat ng “ama,” “alipin,”  “maykapal,” “anak,” at “inaanak” upang maipaliwanag ang konsepto ng dasal.  Halimbawa, ang “ama” na maaaring tumutukoy sa “datu” o “pinuno” ang tagapangalaga ng mga “anak” (ginoo) na kasama sa tribu. Ang amang ito ang nagtataglay ng “ginto,” “palay,” “kanin,” “kakanin,” “damit,” “alahas,” “mana”, “alipin,” at iba pang bagay na ipinamamahagi rin niya sa mga nasasakupang anak. Ngunit kung matalik sa kapuwa ang pakahulugan ng “ama,” mababago ito sa konsepto ni Oliver. Para kay Oliver, ang makalupang Ama ay ganap na masama, mahigpit, palautos, at nagtataglay ng mga alahas na makapagpapabigat lamang sa kaluluwa para marating nito ang langit. Ibig sabihin, materyalistiko at sakim bukod sa diktador ang ama na katutubo kung ikokompara sa mapagbigay na “ama” na sumasagisag kay Yahweh. Ang “ama” ng katutubo ay kinapopootan ng mga tao, alinsunod sa pananaw ni Oliver, samantalang ang “ama” ng Kristiyano ay mabuti at mapagbigay.

Mabigat na tungkulin ang ginagampanan ng mga alipin na saklaw ng ama o datu, at maituturing na mas mahalaga pa sa ginto, ayon kay William Henry Scott, ngunit babaliwalain ito ni Oliver. Ang pagmamaliit sa posisyon ng ama, alinsunod sa konsepto ng katutubo, ay pagyanig sa hawak nitong poder at awtoridad sa pamilya; habang pinalalakas naman ang posisyon ng alipin—na katuwang ng ama o datu mulang tahanan hanggang bukirin upang mapanatili ang kaayusan ng tahanan o pamayanan—nang mahimok itong magbalikwas sa kaniyang panginoon. Hindi lamang nanghiram ng konsepto si Oliver sa katutubo. Binago pa niya iyon upang iayon sa kaniyang pakana na sakupin ang isip at kalooban ng mga katutubo, samantalang tinatangkang guluhin ang nakagawiang kaayusan at ugnayan sa loob ng pamilya o pamayanan.

Kaugnay ng konsepto ng “ama” ang “bayan.” Binanggit ni Oliver na “kataksilan” ang pangingibang-bayan ng sinumang ginoo o anak, lalo kung kalilimutan nito ang mga magulang, kamag-anak, kapatid, at anak, at mawili sa paglalakbay o paninirahan sa ibang bayan o tribu. Makapangyarihan ang ganitong idyoma, dahil ang “pangingibang-bayan” ay itinumbas ni Oliver sa pamumuhay sa “lupa” o impiyerno, at ang tunay na bayan ay ang “kalangitan.” Para sa mga katutubo, ang paninirahan sa sariling bayan ang sukdol na kaluwalhatian, kaliwanagan, at kaginhawahan. Ito ang nais ni Oliver na isipin ng katutubo hinggil sa ipinangangakong langit ng Kristiyanismo.

Ngunit paano naman sisipatin ang pangingibang-bayan ng mga Kastila? Ang pangangaral umano ng mga pari o prayle ay hindi para sa layuning mangamkam ng ginto o makipagkalakalan. Ito ang pambobola ni Oliver upang ikubli ang tunay na intensiyon ng kolonisasyon:

Anong panao naming mga Padre dito sa inyo? Ang inyong guinto caya? Nagbabaliuas cami dito? Nagcacalacal caya? Hindi yaon ang aming panaog, sacsi namin ang Dios na Panginoon at cayo naman; caya pala nililibot namin ang sangcalibotan, nang maypahayag namin sa inyo ang aming Amang Dios.

Mapapansin sa pangangatwiran ni Oliver na ang pangingibang-bayan ng mga Kastila ay hindi pansarili kundi panlahat, at kaugnay ng pagpapalaganap ng kabutihan ng diyos. Kailangang sabihin ito ni Oliver dahil taliwas ang pangingibang-bayan sa konsepto ng pagmamahal o katapatan sa lupang tinubuan, alinsunod sa pananaw ng mga katutubo, at maituturing na pagtataksil sa pinag-ugatang lipi o bayan. Kailangang linawin ni Oliver ang intensiyon ng pangangaral dahil kung hindi’y maghihimagsik tiyak ang mga katutubo at mapupugutan ng ulo ang gaya ni Oliver.

Ang pagsuway umano sa kalooban ng diyos ay maituturing na katangian ng “hunghang,” “kaaway,” “baliw,” ulol,” “dukha,” at “salanta” na pawang mabibihag ng demonyo. Ang naturang mga katangian ay ikakabit din sa mga di-binyagan, at nagsisilbing panakot ng mga pari. Hindi dapat isipin, ani Oliver, na walang kamatayan ang tao. Kailangan nitong ipamahagi ang mga palay sa dukha at salanta. Dahil kung hindi pinababayaan ng diyos ang mga ibon, isda, at hayop (usa) ay lalong hindi pababayaan ng diyos ang tao sa mga pang-araw-araw na pangangailangan nito. Ginamit na simbolo ni Oliver ang “kanin” na hindi lamang para sa pisikal na katawan, bagkus maging sa “kaluluwa” na makapagpapalusog sa tao.

Higit pa rito, minaliit na Oliver ang pag-aanito ng mga katutubo. Walang silbi umano ang paggawa ng sariling anito upang sambahin pagkaraan, ngunit hindi niya ipaliliwanag na gumagawa rin ng mga rebulto at retablo ang mga Kristiyano upang gamitin sa pananalangin. Tinuligsa rin niya ang araw-araw na pag-aanito ng mga katutubo ngunit pagkaraan ay lulupigin ang kapuwa tao, mangangalunya, at magpapakalango sa alak. Ibig ipamukha ni Oliver na ang mga katutubo ay sadyang marahas, ilahás (wild), malibog, at lasenggo na salungat sa ipinangangaral ng Kristiyanismo. Nagagawa umano ito ng mga tao dahil malakas manukso ang demonyo. At makaliligtas lamang sa demonyo kung laging kasiping ng tao ang diyos, gaya ng mandirigmang may kasamang mga kawal sa larangan ng pakikidigma.

Malinaw kay Oliver ang ikinasasama ng katawan ng tao. Kabilang dito ang gutom, hirap, uhaw, “kaning nakahihilo” (nganga?), buwaya, ahas, at tunay na kaaway.  Ang ganitong mga konsepto ang ikakabit niya sa mga gawang masasama, at sa hulagway ng demonyo at impiyerno. Gumagaan ang paliwanag ni Oliver hinggil sa buhay nina Tobias at San Rafael dahil naiuugnay niya ang konsepto ng kasamaang ayon sa pananaw ng banyaga doon sa mga konsepto ng kasamaang alinsunod sa pananaw ng mga katutubo. May ipinangangakong langit ang diyos ng mga Kristiyano, ito ang buod ng paliwanag ni Oliver. At ang diyos na ito ang magiging taliba ng tao hanggang sa kabilang buhay.

Lilipas ang mahabang panahon at lilitaw si Marcelo H. del Pilar, na gagawing katatawanan sa kaniyang “Dasalan at Tocsohan” ang pag-aantanda at ang mga dasal na gaya ng “Ama Namin,” at siyang yayanig naman sa poder at awtoridad ng mananakop na Kastila.

Marami pang masisilip na anggulo sa pagbabalik sa mga lumang tekstong sinulat ng mga Kastila. Bagaman masasabing nababahiran iyon ng adelantadong pananaw at prehuwisyo ng banyaga, may mapipiga pa rin doon na mga hiyas na makapagpapaliwanag hinggil sa kalagayan ng mga Filipino ngayon. Ang hamon sa mga Filipino ay kung paaano lilikha ng sariling lente at pagdulog sa pagsusuri ng mga teksto, dalumat, at pangyayari, at hindi aasa na lamang palagi sa mga teoryang banyaga na ginawa para sa konteksto at kapakinabangan ng mga banyaga.

Sanggunian
Hinango ang siniping teksto sa Declaracion de la Doctrina Christiana en Idioma Tagalog ni Juan de Oliver OFM (+1599), inedit ni Jose M. Cruz, at inilathala ng Pulong: Sources for Philippine Studies, Ateneo de Manila University, 1995.

Tula, Wika, at Nasyonalismo

Wika ang isa sa mga paksang pinagbuhusan ng pansin ng mga makatang Tagalog noong bungad ng siglo 20. Ito ay dahil tanging Ingles at Espanyol lamang ang mga opisyal na wika sa Filipinas, na isang paraan ng pagsasabing “mga wikang pambansa,” na pawang ginagamit upang paikutin ang pamahalaan, edukasyon, negosyo, hukuman, militar, simbahan, at iba pang kaugnay na sangay, kahit matiwalag ang mga karaniwang mamamayan sa kani-kanilang sarili. Hindi rin totoo na pinangibabawan ng Tagalog ang mga taal na wika sa Filipinas upang pagkaraan ay patayin. Ang totoo, Tagalog ang lantarang lumaban sa kapuwa Ingles at Espanyol—na mga wika ng kolonisasyon—at naging halimbawa ng iba pang taal na wika sa Filipinas hinggil sa produksiyon ng panitikan at iba pang lathalain.

Nililingon ng mga makatang Tagalog ang kanilang pakikihamok sa ginawang halimbawa ng wika, diwain, bisyon, anyo, at kabaguhan ng ginawa ni Francisco Balagtas na ibang-iba ang testura ng wika kung ihahambing sa iba pa niyang kapanahon. Bukod kay Balagtas, kinikilala rin nila ang mga ambag na akda ng gaya nina Andres Bonifacio, Marcelo H. Del Pilar, Emilio Jacinto at iba pang kababayan. Halos lahat yata ng makata ay tumula ukol sa kanilang wika o kaya’y kay Balagtas, at marahil may kaugnayan ito sa iba’t ibang samahang pampanitikan, gaya ng Aklatang Bayan at Ilaw at Panitik. Sa mga nobelang Tagalog, maibibilang sa pangunang hanay ang Banaag at Sikat (1906) ni Lope K. Santos na naglantad ng Thomasite na nagtuturo sa mga Tagalog at kung paano ibig palitan ng Ingles ang Espanyol bilang wika ng hukuman. Gumamit din ng mga tauhan si Santos upang lokohin ang usapan sa Ingles, na ngayon ay tatawaging “Taglish.” Ang ganitong taktika ni Santos ay mababasa rin sa kaniyang  tulang gaya ng “Let us go, Teacher” na tungkol sa personang estudyanteng tinuturuan ng gurong Amerikano na pangit ang itsura, ngunit makikilala pagkaraan ang Filipina na maganda na yayaing magtanan sa pamamagitan ng balu-baluktot na Ingles.

Sa tulang “Ang Wikang Tagalog” ni Ruperto S. Cristobal na nalathala noong 2 Abril 1919 sa Ang Mithi, inilahad ng persona ang pangyayaring “parang sinusubok kung aling wika” ng sandaigdigan ang “lalong matamis” at “napakainam.” Nagmayabang ang Kastila, sumunod ang Ingles, humirit ang Pranses, at nakisali pa ang Intsik (Tsino) kung aling wika ang dapat mangibabaw sa Dulong Silangang Asya sa kabuuan, at sa Filipinas sa partikular. Sa ikatlong saknong, inilarawan ang Maynila bilang lunan ng mga wikang dayuhan na ibig akitin ang mga walang kibong mamamayan:

Dito sa Maynilang pook na tagpuan ng lahat ng bayan
mga wikang ito’y siyang laging bigkas ng mga dayuhan,
ibig na akitin ng buong paggiliw
itong walang kibong mamamayan natin;
ang unang tinungo’y ang lalong malaking bahay ng kalakal
na may akala pang ipasok na pati ng mga dayuhan,
pinapamayani ang kanilang diwa sa lahat ng bagay
hanggang mapilitang pati kabataa’y mangagsipag-aral
pagka’t siyang tanging kinakailangan
sa maraming yari ditong pagawaan;
nguni’t ngayon pa ma’y di rin nalilimot ang lalong mainam
na wikang Tagalog na sa ganda’t ganda’y di na uunahan.

Ang kakatwa’y kahit anong pang-aakit ng mga banyagang wika ay hindi pa rin malimot ang Tagalog. Inilahad sa sumunod na saknong kung bakit matamis ang Tagalog na puno ng pag-ibig at pangarap na pawang ipinamamana ng mga magulang sa kanilang mga anak. Sa pangwakas ng saknong, isasaad naman kung bakit nabigo ang pagpapalago ng wikang dayuhan:

Hindi nanagumpay ang pagpapalago ng wikang dayuhan
ang lahat ng wikang dayo sa bayan ko’y hindi kailangan
dito’y may wika ring kabigha-bighani,
dito’y may diwa ring pagkatangi-tangi. . .
Kaya’t nang tangkaing ang wikang Tagalog ay ipagbaunan
sa hukay ng limot, ay nangagsibangon tanang kabataan,
pinigil ang mga masasamang nais at di-wastong pakay
at pinanatiling maglaro sa dila ang wika ng bayan
hanggang kilalanin itong wika natin
na wikang dalisay at lubhang butihin,
kaya ngayon dito’y maraming totoo ang nag-aawita’t
pinupunong lagi ang himpapawirin ng kaligayahan.

Sa naturang saknong, ang wikang Tagalog ay hindi lamang nais patayin bagkus ipagbaunan pa sa limot, at ginagawa ito lalo na ng mga tagapamansag ng Ingles at Espanyol. Ngunit hindi pumayag ang mga kabataan, at sumalungat at lumaban sa nais o patakaran ng mga wikang dayuhan.

Noong 6 Enero 1923, nalathala sa Taliba ang tulang pinamagatang “Imperyalismo” ni Jose Corazon de Jesus. May epigrape ang tula hinggil sa ulat na maraming pahayagan sa Estados Unidos ang nagsasabing hindi dapat palayain ang mga Filipino dahil hindi pa edukado at walang katiyakan ang independensiya hangga’t hindi marunong umingles ang lahat ng Filipino. Heto ang ilang saknong ng tula, at ispesimen kung ano-anong deskriminasyon at pang-aaglahi ang ginawa noon sa mga Filipino upang kaligtaan ang sariling wika:

Ingles naman ngayon itong salitaan,
lalo pang lumayo yaong Kasarinlan;
matuto ng Ingles itong Kapuluan,
mawalan ng Wikang katutubo’t mahal;
mag-Amerikano sa kaugalian,
mag-Amerikano pati kabastusan,
mag-Amerikano gayong hindi naman,
isang utos itong napakahalimaw!

Piliting ang bayan, nang upang lumaya’y
papagsalitain ng di niya wika:
Imulat ang mata sa kilos masagwa,
edukasyon tayong parang gagong bata.
Ito’y gawa lamang noong mga bansa
na lubhang salbahe, makamkam, masiba!
Walang katuwiran ang may ganyang diwang
ululin ang bayan sa pangakong pawa.

At hindi ba Ingles itong aming bayan?
Tingnan at kay buti na naming magnakaw,
tingnan at kay buting umestapa diyan,
tingnan at kay galing sa panunulisan.
Noong araw baga, kami’y mayro’n niyan,
noong araw baga’y may sistemang ganyan?
Iya’y edukasyong aming natutuhan
sa iingles-ingles na dito’y dumatal!

Maraming hinaing ang persona ng tula. Ngunit nahuhulaan na niya noon pa man na kaya ipinatutupad ng Amerika ang gayong patakaran sa Filipinas ay upang panatilihin ang imperyalistang interes nito sa larangan ng kalakalan. Iniugnay ng persona ang usapin ng wika sa pagsakop sa kamalayan ng mga mamamayan. Magwawakas ang tula sa pagsasabing walang katwiran ang Amerika na sakupin ang Filipinas, at umaasa ang Filipinas na hindi bansang sakim ang Amerika. Ngunit kabulaanan ito, dahil ang Amerika ay nananatiling sakim at patuloy nitong igigiit ang pamamayani ng Ingles sa buong kapuluan.

Wala akong nabasang tula sa Ilokano, Bisaya, Bikol, Kapampangan, at iba pang taal na wika sa Filipinas na may lakas ng loob na pumaksa sa imperyalismo at tuligsain ang patakarang panaigin ang banyagang wikang Ingles sa Filipinas bago pa man lumitaw ang tula ni De Jesus. Ang ginawa ni De Jesus ay nakayayanig sa mambabasa, at gumigising sa taumbayan na tuklasin muli nila ang kanilang “Inang Wika.” Noong 29 Marso 1921, inilathala ang tulang “Inang Wika” ni De Jesus. Pumapaksa iyon sa isang inang naghahanap sa nawawalang anak, at ang inang ito ay hindi tumugon sa Espanyol at Ingles na pawang nakasalubong patungong gubat bagkus tumugon lamang sa kaniyang anak na Tagalog. Sa naturang tula, maláy na maláy ang makata sa halaga ng wika na maiuugnay kahit sa pagkamamamayan, at ang pagkamamamayang iyon ay lumalampas sa legalidad at umaabot sa lahi at personal na ugnayan.

Marami pang maihahalimbawa na tula at ibang akda na pumapaksa sa wikang Tagalog, at ang wikang ito ay ilalaban nang patayan ng mga manunulat na Tagalog kahit sa harap ng Ingles, Espanyol, at Nihonggo. Magiging halimbawa noon ang Tagalog sa iba pang wika, dahil pambihira ang sigasig ng mga manunulat na itampok itong maging pambansang wika, may digmaan man o pananakop, at ang paligid ay nababalot ng lagim, ligalig, at tagsalat. Isang masaklap na parikala sa panahong ito na pinararatangan ang Tagalog na pinangingibabawan ang iba pang taal na wika sa Filipinas, at nagpapasimuno ng termino at diwaing “Tagalogization,” Tagalogism,” at “Tagalism” na pawang ibig pausuhin nina Aurelio Agcaoili, Ricardo Nolasco, at Jose Dacudao.  Ang Tagalog na magiging batayan ng pambansang wikang Filipino ay hindi na masisilayan pa ng mga manunulat na Tagalog na isa-isang namatay at nilimot ng panahon. Gayunman, naniniwala akong mananatili ang kanilang pambihirang pamana para sa bagong henerasyon ng mga Filipino ipilit mang ibaon sila sa limot, at limutin ng sambayanang Filipino.

Timpi at Timpal sa Tula ni Jennelyn M. Tabora

Makalilikha ng parisukat na pintura kahit ang tipík-tipík na hulagway (i.e., imahen). Ang hulagway, kapag idinikit sa isa o mahigit pang bilang na hulagway, ay hindi lamang makapagbibigay ng isang ultimong sagot, gaya sa matematika. Bagkus ang kadena ng mga hulagway ay posibleng magkaroon ng mala-reaksiyong nuklear at ng sanga-sangang alamís, alinsunod sa timpál na paraan ng pagpapahayag at sa bigat ng mga pahiwatig o pakahulugang tinataglay ng bawat hulagway. Kung ituturing ang gayon, ang kolektibong hulagway ay makapagluluwal ng isa pang sariwang hulagway bukod sa anino na katambal nito at siyang lingid sa paningin ng sinumang nagmamasid. Maihahalimbawa ang tulang “Isang Hapon sa Tag-araw” ni Jennelyn M. Tabora.

Isang Hapon sa Tag-araw
ni Jennelyn M. Tabora

1 Pinilit niyang makalapit sa tubig
2 kahit marami na ang maliliit na paang
3 nakakapit sa bunganga ng banga.

4 Maya-maya,
5 pinagmasdan ko na ang kaniyang paglipad.
6 Mula sa itaas, unti-unti siyang umikot paibaba.

7 Patuloy pa rin ang iba sa pag-inom,
8 abala sa pagtuka ng kanilang sariling mga repleksiyon.
9 Hindi siya huminto.

10 Asul na asul ang kulay ng ulap
11 na dinapuan ng lumubog.

Binubuo ng labing-isang taludtod ang nasabing tula na hinati-hati sa apat na saknong. Ang tatlong magkakasunod na saknong ay tigatlo ang taludtod, samantalang ang pangwakas na saknong ay dalawa ang taludtod. Naglalaro mulang lima hanggang walong salita ang taglay ng bawat isa sa walong taludtod, kung ihahambing sa tatlong taludtod na ang bawat isa’y may isa hanggang apat na salita. Walang tugma’t sukat na ginamit sa tula. Masasabing pinakamahina ang taludtod 4 dahil ang salitang “maya-maya,” na bagaman nagtatangkang magbitin ng isang magaganap na tagpo, ay walang iniiwang malakas na hulagway. Ang salitang “pinagmasdan” sa taludtod 5 ay puwedeng paikliin at gawing “minasdan,” at nang matanggal ang pang-abay na “na”. O kaya’y maaaring tanggalin ang mismong salitang “pinagmasdan” dahil ang saknong 1 ay nagpapahiwatig na nakatuon na mismo ang paningin ng persona sa partikular na ibong ibig sumingit sa hanay ng mga ibong umiinom sa bangâ. Sa taludtod 10, ang mga katagang “kulay ng” ay maaaring tanggalin dahil nagiging maulit (i.e, redundant) ang “asul.” Pinakamatindi at pinakamarikit ang taludtod 8 na masasabing pinakaubod ng tula dahil doon iluluwal ang susunod na pahiwatig na makapagsasanga ng iba pang kabatiran. Gayunman ay maitatanong kung saan nakalugar ang persona, at nakita niya ang malinaw na tubig na nagiging salamin ng mga ibong umiinom.

Inilarawan sa tula ang nangagsisisiksikang ibong umiinom nang nakapaikot sa bangang punô ng tubig. May isang ibong nagpilit sumingit makainom lamang ngunit nabigo, kaya nagpilit itong pumaimbulog upang pagkaraan ay magbalik na bumubulusok tungo sa sentro ng banga.

Ang persona-na siyang nagsasalaysay ng tagpo sa isang di-tiyak na kausap at siyang nakakita sa pangyayari-ay maaaring nasa pook na malayo sa kalungsuran at naroon sa pook na katatagpuan ng marami-raming ibon. Isang susing hulagway ang bangâ. Noon ang banga’y imbakan ng tubig, alak, pagkain, suka, o anumang binurong prutas, karne, o isda. Bukod pa roon ang natatanging gamit nito na imbakan ng inagnas na bangkay o kalansay. Kung ihahambing sa sinaunang abram, ang banga’y hamak na maliit; at ang halaga’y nakaayon sa uri, testura, at kulay ng luad, buhangin at sa masining na pagkakahubog nito. Huwag nang banggitin pa ang dibuho o ukit sa rabaw ng banga. Naghunos ang estetikang silbi ng kapuwa banga at abram at naging palamuti na lamang na itinatanghal sa bakuran o sa loob ng bahay ng mayayaman ng makabagong panahon. Sa tula ni Tabora, ang sinauna’t orihinal na silbi ng banga ang pinaiiral, subalit sa pagkakataong ito’y ibon ang nakikinabang imbes na tao.

Walang tiyak na uri ng ibon ang binanggit sa tula. Posibleng mga maya o kaya’y kalapati o iba pang sari ang tinutukoy. Ano’t anuman, ang “ibon” ay ipinaloob sa panghalip na “siya” imbes na “ito” at ang epekto’y nakargahan ng pambihirang pahiwatig ang kataga. Sa balarila ng Tagalog, hindi ginagamitan ng “siya” ang ibon, hayop, isda, at bagay; bagkus ay angkop na panghalip ang “ito,” “nito,” “iyon,” o “yaon.” Ang karaniwang pakahulugan sa “ibon,” sa isang banda, ay nabahiran ng pagsasataong katangian, bagaman nananatili pa rin ang naturang salita sa larang ng biyolohiya. Sa kabilang dako’y ang “ibon” ay masisipat hindi lamang sa antas na literal, bagkus sa patalinghagang pamamaraan. 

Walang pasubaling uháw na uháw ang mga ibon, at marahil dulot na rin ng init ng tag-araw-kundi man tagtuyot-na isinasaad ng pamagat. Ang pag-uunahan ng mga ibong makainom ay likás na ugali ng ibon o hayop upang mabuhay sa daigdig na umiiral ang tagisan araw-araw, at ang kalakarang humihingi ng tatag at tiyaga sa bawat nilalang. Ngunit ang sukdulang gawi na ibingit ang buhay upang makamit ang pansamantalang hanap ng katawan ay nababahiran ng kulimlim, dahil kahit ang mga ibong mandaragit ay hindi basta-basta bubulusok at mandaragit kung batid nito na mapanganib ang gayong paraan. Kahit ang mga karyon, gaya ng buwitre, ay naghihintay ng tamang pagkakaon sakali’t napakahigpit ng kompetisyon sa bangkay na nais lurayin at kainin. Maaaring totoo o maaaring hindi totoo ang tagpong pagbulusok ng ibon paloob sa banga sa tula ni Tabora. Subalit hindi mahalaga yaon. Ang higit na mahalaga’y ang inaasahang magiging bunga ng pagbulusok, at ang dramatikong pag-imbulog upang magbalik lamang sa lupa: na alingawngaw wari ng sinaunang kawikaan. “An minalayog na halangkaw/ Minahigpa lagapak.”

Pigíl na pigíl ang damdamin, kundi man napakalamig, ang paglalarawan ng personang nagsasalita sa tula hinggil sa maituturing na nakahihindik kundi man nakagugulantang na tagpo: ang pagbulusok ng ibon. Mahahalata yaon sa mga taludtod 10-11, na masasabing mapagmalabis kundi man halos imposible dahil hindi naman makadarapo sa ulap ang karaniwang ibon maliban na lamang kung malaki-laki yaon gaya ng banúg, bánoy, o uwák. Sa kabila ng lahat, ang pagbulusok ng ibon ay mahihinuhang nagpapahiwatig ng napipintong kamatayan o kisapmatang tagumpay, yamang mababaw ang banga kung ihahambing sa abram o ilog o batis. Kung hihigitin pa ang mga pahiwatig, ang pagbulusok ang sukdulan ng pagkakamit ng pansariling nais na makainom at nang matighaw ang uhaw. Ang timpi sa mga taludtod ay nakapagbubukas ng timpál hinggil sa maaaring negatibo o positibong wakas ng ibon. Walang pangangaral sa tula. Sa halip, ang mambabasa’y hinahatak na punuan ng pahiwatig o pakahulugan ang kahihinatnan ng ibong bumulusok sa banga.

Ang “Isang Hapon sa Tag-araw” ay maaaring kathang-isip na nagsisikap tumulay sa higit na mataas na paghihiwatigan. Ang “ibon” na ginamitan ng panghalip panao ay maitutumbas sa tunay na “tao” sa payak na tumbasan o hambingan; at maikakatwirang bagaman may isip ang tao’y nananatili pa rin paminsan-minsan ang pagkahayop nito lalo sa panahong kailangang kumapit sa patalim at makipagsapalaran. Kung ibabatay sa teorya ni Sigmund Freud, ang tadhana ng ibon ay nakabatay sa kalikasan ng kaniyang angking sarî (species) o hinsarî (subspecies). Kung ibabatay naman sa teorya ni Karl Marx, ang produksiyon at distribusyon ng tubig bilang mahalagang salik ng pag-iral ang magtatakda ng kapalaran o pananaig ng mga ibong nauuhaw. At kung sisilipin sa teorya ni Erich Fromm, ang ibon-bilang-tao ay makaiigpaw sa mga itinatakda ng mga teorya nina Freud at Marx dahil may kalayaan itong magpasiya at lumaya mula sa abang kalagayan alinsunod sa antas na pakikipagkapuwa.

Mababago ang paghihiwatigan sa loob ng tula kung iba marahil ang pamagat at hindi “Isang Hapon sa Tag-araw” na pinaliit ang lunan ng paghihiwatigan. Marahil naisip iyon ni Tabora ngunit ibig pa rin niyang ipamalay ang pambihirang timpi at timpal sa gitna ng kahila-hilakbot na pagkasawi sa pamamagitan ng minimalistang pagdulog. Ano’t anuman ay ibang usapan na iyon na nangangailangan ng panibagong kritika, at ilang bote ng serbesa. Magkasiya muna tayong namnamin sa ngayon ang tula ng kabataang Jennelyn M. Tabora.