Tula, Wika, at Nasyonalismo

Wika ang isa sa mga paksang pinagbuhusan ng pansin ng mga makatang Tagalog noong bungad ng siglo 20. Ito ay dahil tanging Ingles at Espanyol lamang ang mga opisyal na wika sa Filipinas, na isang paraan ng pagsasabing “mga wikang pambansa,” na pawang ginagamit upang paikutin ang pamahalaan, edukasyon, negosyo, hukuman, militar, simbahan, at iba pang kaugnay na sangay, kahit matiwalag ang mga karaniwang mamamayan sa kani-kanilang sarili. Hindi rin totoo na pinangibabawan ng Tagalog ang mga taal na wika sa Filipinas upang pagkaraan ay patayin. Ang totoo, Tagalog ang lantarang lumaban sa kapuwa Ingles at Espanyol—na mga wika ng kolonisasyon—at naging halimbawa ng iba pang taal na wika sa Filipinas hinggil sa produksiyon ng panitikan at iba pang lathalain.

Nililingon ng mga makatang Tagalog ang kanilang pakikihamok sa ginawang halimbawa ng wika, diwain, bisyon, anyo, at kabaguhan ng ginawa ni Francisco Balagtas na ibang-iba ang testura ng wika kung ihahambing sa iba pa niyang kapanahon. Bukod kay Balagtas, kinikilala rin nila ang mga ambag na akda ng gaya nina Andres Bonifacio, Marcelo H. Del Pilar, Emilio Jacinto at iba pang kababayan. Halos lahat yata ng makata ay tumula ukol sa kanilang wika o kaya’y kay Balagtas, at marahil may kaugnayan ito sa iba’t ibang samahang pampanitikan, gaya ng Aklatang Bayan at Ilaw at Panitik. Sa mga nobelang Tagalog, maibibilang sa pangunang hanay ang Banaag at Sikat (1906) ni Lope K. Santos na naglantad ng Thomasite na nagtuturo sa mga Tagalog at kung paano ibig palitan ng Ingles ang Espanyol bilang wika ng hukuman. Gumamit din ng mga tauhan si Santos upang lokohin ang usapan sa Ingles, na ngayon ay tatawaging “Taglish.” Ang ganitong taktika ni Santos ay mababasa rin sa kaniyang  tulang gaya ng “Let us go, Teacher” na tungkol sa personang estudyanteng tinuturuan ng gurong Amerikano na pangit ang itsura, ngunit makikilala pagkaraan ang Filipina na maganda na yayaing magtanan sa pamamagitan ng balu-baluktot na Ingles.

Sa tulang “Ang Wikang Tagalog” ni Ruperto S. Cristobal na nalathala noong 2 Abril 1919 sa Ang Mithi, inilahad ng persona ang pangyayaring “parang sinusubok kung aling wika” ng sandaigdigan ang “lalong matamis” at “napakainam.” Nagmayabang ang Kastila, sumunod ang Ingles, humirit ang Pranses, at nakisali pa ang Intsik (Tsino) kung aling wika ang dapat mangibabaw sa Dulong Silangang Asya sa kabuuan, at sa Filipinas sa partikular. Sa ikatlong saknong, inilarawan ang Maynila bilang lunan ng mga wikang dayuhan na ibig akitin ang mga walang kibong mamamayan:

Dito sa Maynilang pook na tagpuan ng lahat ng bayan
mga wikang ito’y siyang laging bigkas ng mga dayuhan,
ibig na akitin ng buong paggiliw
itong walang kibong mamamayan natin;
ang unang tinungo’y ang lalong malaking bahay ng kalakal
na may akala pang ipasok na pati ng mga dayuhan,
pinapamayani ang kanilang diwa sa lahat ng bagay
hanggang mapilitang pati kabataa’y mangagsipag-aral
pagka’t siyang tanging kinakailangan
sa maraming yari ditong pagawaan;
nguni’t ngayon pa ma’y di rin nalilimot ang lalong mainam
na wikang Tagalog na sa ganda’t ganda’y di na uunahan.

Ang kakatwa’y kahit anong pang-aakit ng mga banyagang wika ay hindi pa rin malimot ang Tagalog. Inilahad sa sumunod na saknong kung bakit matamis ang Tagalog na puno ng pag-ibig at pangarap na pawang ipinamamana ng mga magulang sa kanilang mga anak. Sa pangwakas ng saknong, isasaad naman kung bakit nabigo ang pagpapalago ng wikang dayuhan:

Hindi nanagumpay ang pagpapalago ng wikang dayuhan
ang lahat ng wikang dayo sa bayan ko’y hindi kailangan
dito’y may wika ring kabigha-bighani,
dito’y may diwa ring pagkatangi-tangi. . .
Kaya’t nang tangkaing ang wikang Tagalog ay ipagbaunan
sa hukay ng limot, ay nangagsibangon tanang kabataan,
pinigil ang mga masasamang nais at di-wastong pakay
at pinanatiling maglaro sa dila ang wika ng bayan
hanggang kilalanin itong wika natin
na wikang dalisay at lubhang butihin,
kaya ngayon dito’y maraming totoo ang nag-aawita’t
pinupunong lagi ang himpapawirin ng kaligayahan.

Sa naturang saknong, ang wikang Tagalog ay hindi lamang nais patayin bagkus ipagbaunan pa sa limot, at ginagawa ito lalo na ng mga tagapamansag ng Ingles at Espanyol. Ngunit hindi pumayag ang mga kabataan, at sumalungat at lumaban sa nais o patakaran ng mga wikang dayuhan.

Noong 6 Enero 1923, nalathala sa Taliba ang tulang pinamagatang “Imperyalismo” ni Jose Corazon de Jesus. May epigrape ang tula hinggil sa ulat na maraming pahayagan sa Estados Unidos ang nagsasabing hindi dapat palayain ang mga Filipino dahil hindi pa edukado at walang katiyakan ang independensiya hangga’t hindi marunong umingles ang lahat ng Filipino. Heto ang ilang saknong ng tula, at ispesimen kung ano-anong deskriminasyon at pang-aaglahi ang ginawa noon sa mga Filipino upang kaligtaan ang sariling wika:

Ingles naman ngayon itong salitaan,
lalo pang lumayo yaong Kasarinlan;
matuto ng Ingles itong Kapuluan,
mawalan ng Wikang katutubo’t mahal;
mag-Amerikano sa kaugalian,
mag-Amerikano pati kabastusan,
mag-Amerikano gayong hindi naman,
isang utos itong napakahalimaw!

Piliting ang bayan, nang upang lumaya’y
papagsalitain ng di niya wika:
Imulat ang mata sa kilos masagwa,
edukasyon tayong parang gagong bata.
Ito’y gawa lamang noong mga bansa
na lubhang salbahe, makamkam, masiba!
Walang katuwiran ang may ganyang diwang
ululin ang bayan sa pangakong pawa.

At hindi ba Ingles itong aming bayan?
Tingnan at kay buti na naming magnakaw,
tingnan at kay buting umestapa diyan,
tingnan at kay galing sa panunulisan.
Noong araw baga, kami’y mayro’n niyan,
noong araw baga’y may sistemang ganyan?
Iya’y edukasyong aming natutuhan
sa iingles-ingles na dito’y dumatal!

Maraming hinaing ang persona ng tula. Ngunit nahuhulaan na niya noon pa man na kaya ipinatutupad ng Amerika ang gayong patakaran sa Filipinas ay upang panatilihin ang imperyalistang interes nito sa larangan ng kalakalan. Iniugnay ng persona ang usapin ng wika sa pagsakop sa kamalayan ng mga mamamayan. Magwawakas ang tula sa pagsasabing walang katwiran ang Amerika na sakupin ang Filipinas, at umaasa ang Filipinas na hindi bansang sakim ang Amerika. Ngunit kabulaanan ito, dahil ang Amerika ay nananatiling sakim at patuloy nitong igigiit ang pamamayani ng Ingles sa buong kapuluan.

Wala akong nabasang tula sa Ilokano, Bisaya, Bikol, Kapampangan, at iba pang taal na wika sa Filipinas na may lakas ng loob na pumaksa sa imperyalismo at tuligsain ang patakarang panaigin ang banyagang wikang Ingles sa Filipinas bago pa man lumitaw ang tula ni De Jesus. Ang ginawa ni De Jesus ay nakayayanig sa mambabasa, at gumigising sa taumbayan na tuklasin muli nila ang kanilang “Inang Wika.” Noong 29 Marso 1921, inilathala ang tulang “Inang Wika” ni De Jesus. Pumapaksa iyon sa isang inang naghahanap sa nawawalang anak, at ang inang ito ay hindi tumugon sa Espanyol at Ingles na pawang nakasalubong patungong gubat bagkus tumugon lamang sa kaniyang anak na Tagalog. Sa naturang tula, maláy na maláy ang makata sa halaga ng wika na maiuugnay kahit sa pagkamamamayan, at ang pagkamamamayang iyon ay lumalampas sa legalidad at umaabot sa lahi at personal na ugnayan.

Marami pang maihahalimbawa na tula at ibang akda na pumapaksa sa wikang Tagalog, at ang wikang ito ay ilalaban nang patayan ng mga manunulat na Tagalog kahit sa harap ng Ingles, Espanyol, at Nihonggo. Magiging halimbawa noon ang Tagalog sa iba pang wika, dahil pambihira ang sigasig ng mga manunulat na itampok itong maging pambansang wika, may digmaan man o pananakop, at ang paligid ay nababalot ng lagim, ligalig, at tagsalat. Isang masaklap na parikala sa panahong ito na pinararatangan ang Tagalog na pinangingibabawan ang iba pang taal na wika sa Filipinas, at nagpapasimuno ng termino at diwaing “Tagalogization,” Tagalogism,” at “Tagalism” na pawang ibig pausuhin nina Aurelio Agcaoili, Ricardo Nolasco, at Jose Dacudao.  Ang Tagalog na magiging batayan ng pambansang wikang Filipino ay hindi na masisilayan pa ng mga manunulat na Tagalog na isa-isang namatay at nilimot ng panahon. Gayunman, naniniwala akong mananatili ang kanilang pambihirang pamana para sa bagong henerasyon ng mga Filipino ipilit mang ibaon sila sa limot, at limutin ng sambayanang Filipino.

30 thoughts on “Tula, Wika, at Nasyonalismo

  1. Sir. Bobby

    Hingi lang po ako ng paliwanag hinggil sa letrang F at P.
    Kadalasan sa pagsusulat ko ng balita hindi ko maiwasan na gamitin ang pangalan ng ating bansa. Batay sa inyong mga sulatin, Filipinas ang pagkakasulat ninyo sa pangalan ng ating bansa at ito na rin ang aking sinunod na pamamaraan ng pagsusulat.

    Ano po ba ang magandang paliwanag kung bakit mas mainam na gamitin ang F kaysa sa P sa pagsusulat ng bansang Filipinas?

    Salamat po.
    Rey

    Like

  2. Nakabatay ang “Filipinas” sa kasaysayan, at sa pagbubuo ng kabansaan, at ipinaliwanag na ito ni Virgilio Almario sa kaniyang aklat na Filipino para sa mga Filipino at nakasaad din sa dating panukalang batas ni Sen. Francisco Tatad. Ang “Pilipinas” ay nito lamang siglo 20 lumabas, at may kaugnayan dito ang paggamit ng mga manunulat na Tagalog sa kani-kaniyang akda. Ginagamit ko ang “Filipinas” upang maging konsistent sa tawag sa ating bansa, at nang maiayon din sa “Filipino” na taguri sa kapuwa “wika” at “mamamayan” na pawang sa titik “F” nagsisimula.

    Nakakaasiwa naman na tinatawag ang bansa natin na “Philippines” na iginiit ng Amerika, at para bang walang kakayahan tayong mag-isip kung ano ang itatawag sa ating bansa. Ayoko namang gamitin ang “Pilipinas” na ipapares sa “Filipino” o “Pilipino” maliban sa ilang pagkakataon na kinakailangan ayon sa konteksto ng pagkakagamit. Ginagamit ko rin ang “Pilipinas” kapag ikinabit sa pangngalang pantangi, gaya ng “Unibersidad ng Pilipinas” at “Binibining Pilipinas Foundation,” dahil iyon na ang nakagawiang itawag sa naturang mga institusyon.

    Ang “Filipinas” ang mungkahing maging opisyal na tawag sa ating bansa hanggang doon sa antas ng United Nations, nang hindi paiba-iba ang ispeling ng ating bansa. Kumakalat na ang “Filipinas” sa maraming publikasyon, at naniniwala ang marami na dapat na ngang isaayos kahit ang simpleng ispeling ng ating lupang tinubuan.

    Like

  3. Waring eureka talaga pakiramdam ko ang pagkatuklas ko sa iyong Alimbukad. Ako’y isang Bisaya, buhat Samar, na narito ipinadpad ng kapalaran sa Lungsod ng Lucena, lalawigan ng Quezon. Okey talaga mga paghahanay mo sa wika kaya lang ay may mga termino kang ginagamit na di ko masakyan gaya ng rabaw, larang, timpal, lawas, alamis, abram at iba pang di ko ngayon mahagip habang sinusulat ko ito. Sa Waray – wika namin sa Samar- pag sinabing larang ay ibig sabihin ay plano; at pag sinabing lawas ay ibig sabihin ay katawan. Kung ganun na ang ating pambansang wika na Filipino, at di na Tagalog, ay tumatanggap ng mga ambag galing sa iba’t ibang lalawiganing wika ay napakaganda upang maging tunay na pambansa ito, lumusog at umalimbukad (tama kaya ang gamit ko dito?) sa pagpasok ng mga salita galing ibang wika. Ako’y nahirati sa pagbabasa at pagsusulat ng wikang Inglis: ako’y isang provincial news correspondent ng Business Mirror at pasulat-sulat ng tula sa diyaryong PM at noong mga nakalipas na taon ay nakapagpalathala na rin ng 3 maikling kuwento sa Liwayway. Hanggang ngayon ay nasa balag pa rin ako ng alanganin kung tuluyan nang tatawid sa ating sariling wika at di na magtatampisaw sa Inglis. Turing ko sa iyo’y isa nang pantas sa wika at tunay na naipapahayag ang saloobin sa wikang sarili. Mabuhay ka! (Pasensiya na at napahaba ang komento kong ito sa iyo.) Maraming salamat.

    Like

  4. Nagbabago na talaga ang wikang Filipino. Ang “larang” (Kapampangan, Tagalog) na ginamit ko ay katumbas ng “field” sa Ingles. Ang “lawas” (Bikol, Hiligaynon, Maranaw, Sebwano) ay katumbas ng “katawan” [body]. Ang “rabaw” na mula sa Iluko ay “surface.” Ang “timpal” ay singkahulugan ng “pahiwatig” o maligoy na pahayag. Ang “alamís” ay pahiwatig sa pagitan ng mga salita, at singkahulugan ng tayutay bagaman may partikular na gamit sa kritika. At ang “abram” ay mula sa sinaunang Tagalog, na tumutukoy sa uri ng malaking tapayan (bagaman masasabing kapamilya ng matataguriang henerikong “banga”).

    Malayo na ang narating ng wikang Filipino ngayon.

    Huwag kang magbantulot na sumulat sa Filipino. Kailangan ang tulad mo upang higit nating malinang ang pambansang wika kaalinsabay ng paglilinang ng mga lalawiganing wika.

    At tama ka sa pagsasabing umaalimbukad na ang Filipino—ngayon at sa darating pang panahon.

    Isang tagay sa iyo.

    Like

  5. Sir,

    Saan po kaya ako makakakuha ng kopya ng mga tulang ginamit ninyo sa inyong blog sa itaas? Gagamitin ko po sana sa aking pagtuturo sa Ikaapat na taon sa mataas na paaralan para maging isang intertextuality ng mga kabanata sa El Filibusterismo?

    Malaking tulong po ito para sa pagkatuto ko gayun din ng aking mga estudyante.

    Maraming salamat po.

    Gng. Fradejas

    Like

    • Mababasa mo ang sinipi kong mga tula sa antolohiya ng mga tulang Tagalog na binuo ni Teodoro A. Agoncillo, bukod pa ang koleksiyon ng mga tula ni Jose Corazón de Jesus na inilathala ng Aklat Balagtasyana, na ang ilang sipi ay mabibili kay Virgilio S. Almario, c/o ng Adarna Publishing House. Hindi pa nailalathala ang koleksiyon ni Agoncillo at maaaring ilabas ito ng Ateneo de Manila University Press.

      Like

    • Tinalakay ko na sa Alimbukad ang paraan ng mga pagsulat ng tula, at maihahalimbawa ang pinaksa ko hinggil sa rebisyon ng tula. Samantala, ang tinutukoy mo ay isang anyo ng tulang tinatawag noong “awit” na lalabindalawahin ang taludtod at karaniwang isahan ang tugma (aaaa, bbbb, etc), may hati o caesura na 6/6 o kaya’y 4/4/4. Kung apat na saknong ang pinagagawa sa iyo, may suma total na 16 taludtod iyan.

      Huwag mo na akong pagawain ng asignatura mo; at hindi laging libre ang aking mga payo o serbisyo.

      Like

Mag-iwan ng tugon sa shannen bebida Pindutin ito para bawiin ang tugon.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.