Ano ang katangiang taglay nina Andres Bonifacio, Osama Bin Laden, Ho Chi Minh, at Mao Zedong? Lahat sila ay marunong tumula, at ginamit ang tula bilang kasangkapan sa paghahasik ng himagsikan. Sa kanilang mga kamay, ang tula ay hindi lamang nakalaan para kaluguran ng makata o kritiko, bagkus nakatuon para sa malawak na mambabasa na kayang umarok sa mga lantad na pahiwatig ng akda.
Ipinapalagay dito na isinasaalang-alang ng makata ang kaniyang mga mambabasa; at bilang tagapaghatid ng mensahe’y batid ang antas ng diskurso at konsepto ng kaniyang lipunan. Gayunman, hindi ibig sabihin nito na ang makata ay susunod lamang sa agos ng lipunan o isusulat ang nais marinig ng taumbayan. Ang makata ay maaaring pagsimulan ng siklab ng diwa, at ang siklab na ito ay maaaring lumaking lagablab na makagigising sa madla upang baguhin ang nakagawian nitong pananaw ukol sa buhay, kaligiran, at pakikipagkapuwa. Masasabing rebelde ang makata, at ang rebeldeng ito, na humawak man ng armas, ay higit na magiging makapangyarihan kung matalas at masinop gumamit ng salita.
Mahalaga sa makata ang pag-alam sa mga dalumat [i.e., konsepto] ng kaniyang lipunan. Ang mga dalumat na ito, gaya ng “kalayaan,” “pag-ibig,” “alipin,” at “puri,” ay maipapaloob niya sa kaniyang mga akda sa pamamagitan ng paggamit ng mga larawan, usapan, tauhan, at salaysay. Mahirap ang gayon lalo kung hindi maalam sa tula o katha ang manunulat. Ngunit sa oras na makamit niya ang kadalubhasaan sa wika, ang anumang malalalim na diwain ay mapagagaan, at maihahatid niya sa madla sa pinakapayak na paraan ang anumang mabigat na paksa. Maihahalimbawa ang tulang “Pag-ibig sa Tinubuang Bayan” ni Andres Bonifacio na mahahalatang naanggihan ng pagtula ni Francisco Balagtas Baltazar.
Pag-ibig sa Tinubuang Bayan
ni Andres BonifacioAling pag-ibig pa ang hihigit kaya
sa pagkadalisay at pagkadakila
gaya ng pag-ibig sa sariling[*] lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.Ulit-ulitin mang basahin ng isip
at isa-isahing talastasing pilit
ang salita’t buhay na limbag at titik
ng sangkatauhan ito’y namamasid.Banal na pag-ibig! Pag ikaw ang nukal
sa tapat na puso ng sino’t alinman,
imbit taong gubat, maralita’t mangmang
nagiging dakila at iginagalang.Pagpupuring lubos ang nagiging hangad
sa bayan ng taong may dangal na ingat;
umawit, tumula, kumatha’t sumulat,
kalakhan din nila’y isinisiwalat.Walang mahalagang hindi inihandog
ng pusong mahal sa Bayang nagkupkop,
dugo, yaman, dunong, katiisa’t pagod,
buhay ma’y abuting magkalagot-lagot.Bakit? Ano itong sakdal nang laki
na hinahandugan ng buong pagkasi?
na sa lalong mahal nakapangyayari
at ginugugulan ng buhay na iwi?Ay! Ito’y ang Inang Bayang tinubuan,
siya’y ina’t tangi na kinamulatan
ng kawili-wiling liwanag ng araw
na nagbigay-init sa lunong[†] katawan.Sa kanila’y utang ang unang pagtanggap
ng simoy ng hanging nagbibigay-lunas,
sa inis na puso na sisinghap-singhap,
sa balong malalim ng siphayo’t hirap.Kalakip din nito’y pag-ibig sa Bayan
ang lahat ng lalong sa gunita’y mahal
mula sa masaya’t gasong kasanggulan.
hanggang sa katawa’y mapasa-libingan.Ang nangakaraang panahon ng aliw,
ang inaasahang araw na darating
ng pagkatimawa ng mga alipin,
liban pa sa bayan, saan tatanghalin?At ang balang kahoy at ang balang sanga
ng parang [at][‡] gubat na kaaya-aya
sukat ang makita’t isaalaala
ang ina’t ang giliw lumipas na saya.Tubig [na] malinaw sa anaki’y bubog
bukal sa batisang nagkalat sa bundok
malambot na huni ng matuling agos
na nakaaaliw sa pusong may lungkot.Sa aba ng abang mawalay sa Bayan!
Gunita ma’y laging sakbibi ng lumbay
walang alaala’t inaasam-asam
kundi ang makita’ng lupang tinubuan.Pati ng magdusa’t sampung kamatayan
Wari ay masarap kung dahil sa Bayan
at lalong maghirap. O! himalang bagay,
lalong pag-irog pa ang sa kanya’y alay.Kung ang bayang ito’y nasasapanganib
at siya ay dapat na ipagtangkilik
ang anak, asawa, magulang, kapatid
isang tawag niya’y tatalikdang pilit.Dapwat kung ang bayan ng Katagaluga’y
nilalapastangan at niyuyurakan
katuwiran, puri niya’t kamahalan
ng sama ng lilong tagaibang bayan.Di gaano kaya ang paghihinagpis
ng pusong Tagalog sa puring nalait?
Aling kalooban na lalong tahimik
ang di pupukawin sa paghihimagsik?Saan magbubuhat ang panghihinayang[§]
sa paghihiganti’t gumugol ng buhay
kung wala ring ibang kasasadlakan
kundi ang lugami sa kaalipinan?Kung ang pagkabaon [at] pagkabusabos
sa lusak ng daya’t tunay na pag-ayop
supil ng panghampas tanikalang gapos
at luha na lamang ang pinaaagos?Sa kaniyang anyo’y sino ang tutunghay
na di-aakayin sa gawang magdamdam?
Pusong naglilipak sa pagkasukaban
ang hindi gumugol ng dugo at buhay.Mangyayari kaya na ito’y malangap
ng mga Tagalog at hindi lumingap
sa naghihingalong Inang nasa yapak
ng kasuklam-suklam na Kastilang hamak?Nasaan ang dangal ng mga Tagalog,
nasaan ang dugong dapat na ibuhos?
Baya’y inaapi, bakit di kumilos?
at natitilihang ito’y mapanood!Hayo na nga kayo, kayong nangabuhay
sa pag-asang lubos na kaginhawahan
at walang tinamo kundi kapaitan,
kaya nga’t ibigin ang naabang bayan.Kayong natuyan na sa kapapasakit
ng dakilang hangad sa batis ng dibdib,
muling pabalungi’t tunay na pag-ibig
kusang ibulalas sa bayang piniit.Kayong nalagasan ng bunga’t bulaklak
kahoy yaring buhay na nilanta’t sukat
ng bala-balaki’t makapal na hirap
muling manariwa’t sa baya’y lumiyag.Kayong mga pusong kusang [niyurakan][**]
ng daya at bagsik ng ganid na asal,
ngayon magbangon’t baya’y itangkakal
agawin sa kuko ng mga sukaban.Kayong mga dukhang walang tanging [hikap][††]
kundi ang [matubos] sa dalita’t hirap,
ampunin ang bayan kung nasa ay lunas
pagkat ang ginhawa niya ay sa lahat.Ipaghandog-handog ang buong pag-ibig
At hanggang may dugo’y ubusing itigis
kung sa pagtatanggol, buhay ay [mapatid]
ito’y kapalaran at tunay na langit!
Sa tulang ito ni Bonifacio, ang konsepto ng “pag-ibig” ay hindi lamang nakapokus sa magkaibigan, magkasintahan, mag-asawa, at mag-anak. Ang sukdulang pag-ibig ay nasa pagmamahal sa “Tinubuang Bayan” [i.e., bansa]. Walang kahalintulad ang pag-ibig sa bayan, dahil kaakibat nito ang pambihirang pagsasakripisyo, at humahangga sa “kabayanihan” kung hindi man “kamartiran” gaya ng isinusulong ng Al Qaeda. Ang “kabayanihan” ay hindi esklusibo sa isa o dalawang personalidad, bagkus sangkot ang lahat ng mamamayan. Ito’y dahil walang may monopolyo ng pagmamahal sa bayan, ani Bonifacio, at makakikita ng halimbawa sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Ang “pag-ibig sa tinubuang bayan” ay nagtataglay ng mga pambihirang katangian, gaya ng “banal,” “makatarungan,” “matapat,” “dakila,” at “ginugulan ng buhay.” Ang gayong mga katangian ay mahihinuhang hinihingi sa bawat Katipunero na sasabak sa himagsikan, at handang harapin ang banyagang mananakop na Espanya. Samantala, ang “tinubuang bayan” ay hindi malamig na entidad, bagkus inihalintulad ni Bonifacio sa isang “mapagkalingang ina” na nagbibigay ng “ginhawa” sa kaniyang mga anak mulang duyan hanggang libingan. Ang inang ito ay nagbibigay ng masasayang gunita sa kaniyang mga anak, ngunit nang sumapit ang kolonisasyon ay napalitan ng malulungkot na alaala.
Simple lamang ang nais ipahatid ni Bonifacio. Kung ang iyong Ina ay nasa panganib, nilapastangan, dinungisan ang puri at dangal [i.e., ginahasa at hiniya], wala nang iba pang dapat gawin kundi maghimagsik. Mapanunumbalik lamang ang dating kaginhawahan sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng kaniyang mga anak. Hinihimok ng tula na muling palitawin ang tunay na pag-ibig mula sa kalooban, kahit mangahulugan iyon ng pagbubuwis ng buhay.
Ang tagumpay ng himagsikan ay pagkakamit ng “ginhawa,” at ang ginhawang ito ay mahihinuhang dating tinatamasa ng mga anak ng bayan bago pa sumapit ang kolonisasyong dulot ng “Inang Sukaban” [Espanya]. Ang ginhawa ay hindi lamang katumbas ng materyal na bagay, bagkus paghihilom ng sugat ng isip, loob, at katawan ng buong bansa. Para kay Bonifacio, ang tunay na langit ay pagtatanggol sa Inang Bayan kahit ikamatay ng maghihimagsik. At siyang nauulit lamang ngayon sa Iraq, Afghanistan, Somalia, at iba pang panig ng daigdig.
TALABABA
[*] Sa ibang teksto, ang “sarili” ay naging “tinubuan” o “tinub’an.” Kung “tinubuan” ang gagamitin, lalabis ang sukat ng tula. Kung gagamitin naman ang tinipil na “tinub’an” ay posible ngunit magiging kakatwa sa pagbigkas. Batay ang “sarili” sa teksto mula kay Julian Cruz Balmaseda.
[†] Sa teksto ni Julian Cruz Balmaseda at itinala ni Teodoro T. Agoncillo, ang “lunóng” (luno+na) ay naging “buong” (buo+na). Sinundan ko rito ang teksto na ginamit ni Virgilio S. Almario. Tumutukoy ang “lunó” sa paghuhunos ng balát, gaya ng makikita sa pagpapalit ng balát ng ahas, o kaya’y pagpapalit ng balahibo ng tandang o aso.
[‡] Sa teksto nina Julian Cruz Balmaseda at Virgilio S. Almario, ang kataga ay tinipil na “niya’ ngunit hindi tinitipil ang dalawang pantig na salita sa Tagalog, at maaaring tumutukoy lamang ito sa “at.”
[§] Sa ibang teksto, gaya ng kay Virgilio S. Almario, ang “panghihinayang” ay naging “paghinay-hinay.” Sinundan ko ang teksto ng kay Balmaseda dahil ang “panghihinayang” ay higit na malapit na salita.
[**] Sa teksto ni Teodoro A. Agoncillo, ang “niyurakan” ay naging “inuusal.” Ginamit ko ang “niyurakan” na mula sa teksto ni Virgilio S. Almario na higit na angkop na salita kaysa “inuusal” na waring pabigkas lamang. Ang “pagyurak” ay napakabigat, na parang pagtapak at pagdurog sa dangal ng tao.
[††]Batay ito sa teksto ni Julian Cruz Balmaseda, ang saknong ay “Kayong mga dukhang walang tanging hikap/ kundi ang matubos sa dalita’t hirap/ ampunin ang bayan kung nasa ay lunas/ pagka’t ang ginhawa niya ay sa lahat.// Tumutukoy ang “hikap” sa pangangapa sa dilim, at ang ganitong tayutay ay bumabagay sa pagnanais na makaahon sa hirap.
Saan ang pangungusap na halimbawa ng paglilipat wika at pagmamalumanay?
LikeLike
Hindi ko alam kung ang tinutukoy mong “paglilipat-wika” ay may kaugnayan sa pagsasalin [translation] o paghahalaw [adaptation] ng akda; o kung termino na ginagamit sa lingguwistika na tumutukoy sa “language shift” na ang isang pamayanang may taal na wika ay lumipat sa paggamit ng ibang wika. Samantala, ang “pagmamalumanay” ay mahihinuhang hango sa “malumay” na paraan ng pagbigkas na hindi mabilis at walang impit. Kung ang “pagmamalumanay” ay ipapalagay na paraan ng komunikasyon, ito ay maaaring may kaugnayan sa kalmanteng paraan ng pakikipag-usap.
LikeLike
ang taas naman ng tula!
LikeLike