Bagong Taon ni Alejandro G. Abadilla

Pinakamaringal ang pagdiriwang ng Bagong Taon dahil nagpapagunita ito ng nakaraan at naghahatid ng pag-asa tungo sa hinaharap. Sumasangguni ang ilan sa mga manghuhula at pitho nang mabatid ang maaaring maganap sa mga susunod na buwan, at nang makapaghanda sa mga kamalasan o kaya’y malubos ang magandang kapalaran. May sumasandig naman sa pamahiin at agimat, at nagiging makatotohanan iyon sa tindi ng pag-iisip at pagdamang iniuukol ng sinumang mapaniwalain. Samantala’y may kumakagat pa rin sa gaya ng Kalendaryo ni Honorio Lopez, o sa elektronikong astrolohiyang makakalap sa cyberspace, bukod sa nagpapaputok o nag-iingay o naglulundag na parang itinataboy ang dambuhalang bakunawa pagsapit ng alas-dose ng hatinggabi ng Disyembre 31.

Isang tula na sinulat ni Alejandro G. Abadilla na pinamagatang “Bagong Taon” (1932) ang nagpapamalas ng sariwang pagtanaw hinggil sa pagbabago ng panahon. Nakapupukaw ito ng pansin dahil sa eksperimento ni Abadilla sa pagpuputol ng mga taludtod, bukod sa repetisyon ng mga salitang nakalilikha ng naiibang musika sa dating tugmaang ginagamit ni Francisco Balagtas Baltazar.

I.
Bagong sigla,
Bagong sigla ng pag-asang
Kung sa daho’y lantang dahon at tuyo na.
Bagong Taon,
Sa pagdatal mong mukha ay masaya,
Sumariwa itong pita
Pagkaraka!

II.
Bagong diwa,
Bagong diwa ng makatang
Kung sa bati ay batisang walang tula.
Bagong Taon,
Pag ngiti mo, ang batisa’y nagkamutya’t
Nang kumanta’y walang sawa—
Bakit kaya?. . .

III.
Bagong balak,
Bagong balak ng pangarap
Ay musmos pa’t walang kayang makalakad,
Bagong Taon,
Nang ang bata’y mahagkan mo ay lumakas,
At sa gayon, ang hinanap,
Kanyang palad!

IV.
Bagong aliw,
Bagong aliw ng mithiing
Kung sa puso’y kuyom-kuyom ng hilahil.
Bagong Taon,
Nang lumapit ka sa kanyang may paggiliw,
Nahango mo sa tiising
Maglilibing!

V.
Bagong taon,
Bagong taong muli ngayon
At ng bawat tao’y tila mayr’ong layon,
Bagong Taon,
Ikaw baga’y magbabalik kay Kahapon
Natigmak na sa linggatong?
Huwag gayon!

Binubuo ng limang bahagi ang tula. (Nakapasok ang mga linya 1, 4, at 7, ngunit hindi ko magawa rito dahil hindi ko alam ang HTML kodigo ng WordPress.) Ginamit ni Abadilla ang sukat na 4,8,12,4,12,8,4 sa bawat saknong na may tugmang isahan. Mapapansin sa tula na sinubok ang hati na 4/4 o kaya’y 4/4/4 na ang tanging sablay ay sa seksiyon IV, taludtod 5, “Nang lumapit/ ka sa kanyang/ may paggiliw/. . .” dahil ang pagsisimula sa panghalip “ka” ay magiging sintunado at alanganin ang parirala. Kinasangkapan sa tula ang repetisyon ng mga salita, diwa, at talinghaga, upang makalikha ng pambihirang musika. Halimbawa, ang pag-uulit ng salitang “bago” sa tuwing ikauna, ikalawa, at ikaapat na linya ay nagtatampok ng kombinasyon ng anapora at epistrope. Ang repetisyon ay hindi lamang sa panlabas na aspekto, bagkus panloob din, dahil sa inihahain nitong diwain na ang taon ay inihalintulad wari sa tao.

Sa tula, ang bagong taon ay nagbabadya ng “bagong sigla,” “bagong diwa,” “bagong balak,” “bagong aliw,” at “bagong taon.” Mahahalata na tantiyado ng makata ang pagkatalogo o paghahanay ng mga katangiang maaaring taglayin ng sinumang tao. Sa pagbabago ng panahon, nababago rin ang pananaw, kalooban, at lunggati ng mga tao na parang nagpapaalingawngaw sa matandang kasabihan ng Maranaw: “Mia-alin so mosim na kaonton so tao” (Nagbago ang taon, tao ay nagbago). Sa mga Ilokano, ang pagbabago ng taon ay pagbabago rin ng ugali (Iti baro nga tawen/ Bago nga ugali).

Ipinakikita rin sa tula ni Abadilla na ang panahon ay hindi estatiko, bagkus ito’y umaandar at sa ayaw man o sa gusto ng tao ay mapipilitan siyang tangayin ng agos ng pagbabago. Ang transpormasyon ng mga pangyayari ay hindi lamang matatagpuan sa bawat seksiyon ng tula. Nalalagas ang mga tuyot na dahon at mapapalitan ng sariwang dahon, na pagsasadula ng siklo ng buhay at resureksiyon. Nagpapabukal ang bagong panahon ng sariwang diwaing walang pagkasaid. Nagkakaroon ng gulugod ang mga balak at natutupad ang pangarap sa tumpak na panahon. Napapalitan ang lungkot at humahalili ang kasiyahan. Ngunit ipinagugunita rin ng tula na huwag nawang magbalik pa sa nakalipas na “tigmak sa linggatong” (i.e., hilahil at ligalig) na animo’y walang kalutasan kapag inisip. Kapag pinag-ugnay ang bawat seksiyon, makabubuo ng isang buo’t pambihirang katangian ng Bagong Taon, at ito ang dapat pahalagahan ng lahat.

Sa pangwakas na yugto ay ibig wakasan din ang pagkabansot, at humahatak sa mambabasa na humarap sa maaliwalas na bukas. Ngunit magagawa lamang ito kung mababatid ang madidilim na yugto ng nakaraan, at maitutuwid ang mga pagkakamali noon, nang maiwasang maulit ngayon at sa darating na araw. Bagaman ang panahon ay nagpapagunita ng kamatayan, gaya sa kawikaan ng Waray (Lakat han panuigon,/ Lanat han kamatayan), ang panahon din ang magbubunsod ng progreso, gaya sa isinasaad ng kasabihang “Sa lakad ng panahon,/ lahat ay sumusulong.”

Magandang bigkasin ang tulang ito ni Abadilla. Maaaring bigkasin ito ng isa o limang tao na waring nagsasagutan, at bawat bumibigkas ay may kani-kaniyang himig. Maaari ding lapatan ng musika ang tula, dahil ang repetisyon ng mga salita at diwain ay madaling masasagap ng makaririnig. Ano’t anuman, ipinakikita lamang ni Alejandro G. Abadilla na kahit noon ay sinimulan na ang paghahanap ng bago hindi lamang sa tula, kundi maging sa ating pagsagap ng mga bagay-bagay na malimit kinakaligtaan, kung hindi man pinahahalagahan, sa ating paligid o daigdig.

Tahanan

Iiwan mo ang pook na ito gaya ng bagáng na kusang napigtal sa gilagid; o dili kaya’y dahil sa pagmamahal na paulit-ulit sinusuklian ng batong tampalasan. Ipagugunita sa iyo ng mga lumang retrato ang sinaunang banggerahang naging kusina’t tanggapan; ang kural ng mga baboy na naging sála; at ang dalawang kuwartong pinaghihiwalay ng kurtina. Matapat na nagsilbi sa iyo ang mga taga sa panahong kahoy na sahig, pinto, at hagdan. Nagpaaliwalas sa loob at isip mo ang malalaking bintana. At bilang pagkilala, lilinisin mo ang mga iyon bago ka magpaalam. Ramdam mong nalulungkot din—at makulimlim—kahit ang bahay na inalagaan mo nang matagal. Ngayong aalis ka na’y tila ang lahat ng kaluluwang nakapaloob doon ay lumisang kasama mo tungo sa bago’t higit na matibay na bahay. Napakabigat iwan ang bahay na iyong kinalakhan; ngunit higit na mabigat sa loob kung hindi mo iiwan ang kapatid o bayaw na sa iyo’y nagtataboy sanhi ng kung anong kasakiman o lihim na dahilan. Alam mong may sariling amo ang bahay. Hindi lahat ng pumapasok sa matandang bahay ay nakalalabas nang buháy, dahil ang bahay ay isa ring ataul—para sa sinumang walang pagkilala sa kahapon o sa iyo o sa sinapupunang pinagmulan.

(11 Setyembre 2004)

Ang Panunuluyan

Tubong Bulakan, Bulakan si Emilio A. Bunag na isinilang noong 5 Pebrero 1902 at sumikat na makata noong dekada 1920-1930 sa paghalaw ng mga tula ni William Shakespeare at iba pang banyagang makata. Mapaglaro ang mga taludturan ni Bunag, na pinaghahalo ang maiikli at mahahabang taludtod bukod sa sumubok kahit sa tigdadalawampung pantig bawat taludtod na napakahirap gawin sa Tagalog at mahirap malathala dahil sa kahingian ng mga publikasyon noon. Kabilang si Bunag sa mga sumunod kina Iñigo Ed. Regalado, Pedro Gatmaitan, at Benigno Ramos na nag-eksperimento sa sukat ng mga saknong, bagaman masasabing naanggihan ng banyagang impluwensiya ang kaniyang pananalinghaga at paraan ng paglalatag ng hulagway at dalumat. Nalathala ang mga tula ni Bunag sa gaya ng Alitaptap, Ningning, at Pagkakaisa at pagkaraan ay ibinilang sa antolohiya ni Teodoro A. Agoncillo. Nangingibabaw sa kaniyang mga tula, ani Agoncillo, “ang yaman ng diwa sa rikit ng pagkatula.”

Maihahalimbawa ang tulang “Ang Panunuluyan” ni Bunag, na nalathala noong 19 Disyembre 1929 sa Alitaptap.

Ang Panunuluyan

1 Akay-akay ng asawa, gabing-gabi’y naglalakad
nanlalamig, nalulungkot, nagdarasal, umiiyak;
tumatawag sa balana’y walang pintong nagbubukas,
dumaraing sa lahat na’y walang pusong nahahabag,
gayong ito ang babaing pinili sa madlang dilag
upang siya maging ina ng mananakop ng lahat.

7 Samantalang sa tahanan ng mayama’t malalaki,
madlang mga panauhin sa ligaya’y wiling-wili,
munting silid na hiningi, sa kahit na isang tabi,
sa abang nanunuluya’y walang awang itinanggi;
hindi nila nalalamang ang kanilang inaapi
ay babaing may himala na sa puso’y nakukubli.

13 Dulo tuloy, ang babaing kinakasihan ng Diyos
at dakila sa lahat na ng sumikat na alindog,
sa labangang nanrurumi’t sa dayaming gusot-gusot,
ay doon na napanganak at doon na napalugmok;
samantala’y buong langit ang naluluha sa gulod,
at ang tanang mga anghel, sa pitaga’y naluluhod.

19 Ayan ngayon ang larawan ng masungit na daigdig
na sa abang pagkatao ay palaging umiismid;
walang laging tinitingnan kundi tanghal at marikit,
at ni hindi tumutunghay sa palad ng maliliit;
dulo tuloy, kahit kanyang guro’t Diyos sa matuwid,
hindi niya nalalama’y minamata’t tinitiis.

25 Ang sa kanya’y nagsasakit magbigay ng pagkaligtas,
ang lagi pang ayaw bigyan ng tulong at pagkahabag;
patuloy sa paglalasing sa lumalasing na galak,
at ang aral na mabuti’y nilulunod sa halakhak;
Diyos na ang lumalapit ay hindi pa tinatanggap,
at patuloy sa ligayang sa hinagpis nagwawakas.

31 Mano nawang ang nangyari sa palad ng birheng mahal,
magbawas na nang bahagya sa atin ding kataasan;
magunita sana nating sa banig ng karukhaan,
ang Diyos ng sandaigdig ay minsan ding mapaluwal;
matutuhan sana nating sa gitna ng paglilibang,
ang palad ng mga dukha’y magunitang minsan-minsan.

37 Araw-gabi’y naririnig ang malungkot na pagdaing
ng maraming mga dukha na di natin pinapansin;
nar’yan ang batang limahid na sa Paskong dumarating,
wala man lang ni laruang sa dalita’y ipang-aliw;
hindi natin malalamang baka diyan magsusupling
ang isa pang bagong Kristo upang tayo ay tubusin.

43 Nar’yan ang maraming isip na sa dilim nakakulong,
na hindi man inaabot ng ilaw ng isang tinghoy;
mga sawing kaluluwang tumaghoy man nang tumaghoy,
ay lalo pang nilulusak sa dalitang suson-suson;
gayong iya’y mga taong pag ginising ng panahon,
batong uling, na kung minsa’y may ningas na nag-aapoy.

49 Naririyan ang pag-ibig na animo’y isang mutya,
singlinis ng isang birhe’t simputi ng isang bula;
sumasamo sa daigdig na ang buong sangnilikha
ay maanong pabigkis na sa magandang tanikala;
ngunit itong mga tao’y patuloy na nagbabangga
at sa tambol ng digmaan ay lasing na natutuwa.

55 Mga bagong birhen itong sa sangkatauhang haling,
ang tulong na hinihingi ay ating ikagagaling:
hinihinging ang dalita ay tanglawan at kupkupin,
saka ang kapayapaa’y paglingkuran at mahalin;
hanggang hindi’y may birhen pang lating aapihin,
at isa pang bagong Kristong hindi kusa’y makikitil.

Ginamit ni Bunag sa tula ang lalabing-animing pantig bawat talutod na sukat, na nilapatan ng hati [caesura] na 8/8. Bagaman may pagtatangka na gawing 4/4/4/4 ang putol ng mga salita ay hindi naging matagumpay, at maihahalimbawa ang mga taludtod 6, 8, 10, 13, 31, 43, 50, 56, at 58 na pawang sablay. Isahan ang tugmaang ginamit sa mga saknong, gaya ng tugma na ginamit ni Francisco Baltazar Balagtas.

May tatlong yugto ang nasabing tula. Una, isinalaysay ang naging kapalaran nina Maria at Jose na naghahanap noon ng tahanang maaaring maging panandaliang himpilan dahil kagampan si Maria at malapit nang manganak. Ngunit tinanggihan ang mag-asawa, kahit sa mga tahanan ng mayayamang may kakayahang tumulong. Napilitang sumilong sa sabsaban ang mag-asawa, at doon isinilang si Hesus habang naluluha sa tuwa ang mga anghel. Ikalawa, ibinunyag sa sumunod na tagpo na ang tagapagligtas [Hesus na magiging Kristo balang araw] ay handang magpakababa para sa mga tao, subalit ang mga tao na ito ay nabubulag sa panandaliang layaw at pagsasaya. Isinermon ng tula ang pangangailangang maging mapagkumbaba, at alalahanin ang mga dukha. Ikatlo, inilahad ang malulungkot na kapalaran ng mga dukha: ang mga batang palaboy, ang mga mangmang, ang mga nagdurusa, at ang mga biktima ng digmaan. Ang naturang problema ang dapat umanong lutasin. At kung hindi magaganap ito, mauulit muli gaya ng karma ang tadhana ni Maria at mamamatay nang wala sa panahon ang inaasahang tagapagligtas ng sangkatauhan.

Ang tradisyon ng panunuluyan ng banal na mag-anak, ayon sa paniniwala ng Kristiyanismo, ay binihisan ni Bunag ng bagong damit at hiniyasan pa ng pampolitikang kulay. Ang panunuluyan ay hindi lamang pagsasadula ng masaklap na karanasan nina Maria, Jose, at Hesus doon sa sabsaban, at panimulang yugto ng pagliligtas sa sangkatauhang may bahid ng orihinal na kasalanan. Ang panunuluyan ay pagpapagunita sa atin na kahit sa dukhang kalagayan ay naroon ang kaligtasan at pag-asa. Sa gayong pananaw, ang kaligtasan ay hindi lamang ekonomikong produkto at puwersang magmumula sa hanay ng mayayaman, bagkus kaligtasan sa ngalan ng katwiran at kabutihang-asal ng lahat ng tao. Ang pagdamay sa kapuwa tao ang dapat umanong pahalagahan, dahil ang pamilyang dukha ngayon ay maaaring maging tagapagsalba ng daigdig—hindi lamang sa lárang ng relihiyon, kundi sa iba pang lárang na gaya ng edukasyon, kalusugan, politika, sining, at ugnayang-panlabas.

May iba pang paraan kung paano susuriin ang tula. Halimbawa, maaaring timbangin ang konsepto ng “kaligtasan” at “tagapagligtas” sa punto de bista ng mga karaniwang tao at hindi bilang diyos na nagkatawang-tao. Sa gayong paraan, mababago kahit ang pagpapahalaga sa “kaligtasan” dahil imposibleng magawa iyon ng isa o dalawang tao lamang. Kailangan ang sama-samang pagkilos ng mga tao, gaya ng isinasaad sa Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto. Ang “bayani” ay mahihinuhang hindi lamang si Hesus, kundi ang lahat ng tao na nagkakaisa ng pananaw na lumikha ng kabutihan upang ituwid ang pagkakamali ng nakaraang panahon o henerasyon. Mahalagang matuklasan ng mga tao na may kakayahan din silang maging tagapagligtas, gaya ng pangangahas ni Hesus na tatawaging “Kristo” balang araw.

Ang pagsilang ng tagapagligtas ay maaaring hindi na matagpuan sa materyal na sabsaban balang araw. Matatagpuan marahil ito sa matalinghagang sabsaban ng ating mga kalooban, at ang tanging maiiwan na lamang ay hulagway ng gaya nina Hesus, Maria, at Jose na mag-anak na kumakatawan sa kapayapaan, liwanag, at kaginhawahan.

Pasko at Pasasalamat

Dumarating ang Pasko, at malimit regalo ang inaabangan ng mga tao. Ngunit ngayon, nais ko namang magpasalamat sa lahat ng biyaya na tinanggap at tatanggapin pa. Kaya bago ako mamatay, salamat sa umagang ito.

Salamat sa simoy.
Salamat sa sinag.
Salamat sa tubig.
Salamat sa lupa.
Salamat sa mga kaibigan.
Salamat sa mga kaanak.
Salamat sa mga kaaway.
Salamat sa mga kakilala.
Salamat sa pagkain.
Salamat sa inumin.
Salamat sa kalusugan.
Salamat sa musika.
Salamat sa mga aklat.
Salamat sa mga retrato.
Salamat sa mga trabaho.
Salamat sa kompiyuter.
Salamat sa internet.
Salamat sa firewall.
Salamat sa scanner.
Salamat sa kamera.
Salamat sa mesa.
Salamat sa upuan.
Salamat sa dyip.
Salamat sa taksi.
Salamat sa traysikel.
Salamat sa traysikad.
Salamat sa pulis.
Salamat sa barangay.
Salamat sa alkalde.
Salamat sa aktibista.
Salamat sa weytres.
Salamat sa sisig.
Salamat sa tokwa’t baboy.
Salamat sa serbesa.
Salamat sa wiski.
Salamat sa brandi.
Salamat sa lahat ng alak.
Salamat sa simbahan.
Salamat sa pananalangin.
Salamat sa pari at layko.
Salamat sa Boracay.
Salamat sa Palawan.
Salamat sa Ilokandiya.
Salamat sa Bicolandiya.
Salamat sa Romblon.
Salamat sa Baguio.
Salamat sa dagat.
Salamat sa parola.
Salamat sa bus.
Salamat sa mga bata.
Salamat sa gabay.
Salamat sa mga makata.
Salamat sa unibersidad.
Salamat sa publikasyon.
Salamat sa imprenta.
Salamat sa mga raket.
Salamat sa mga laro.
Salamat sa kama.
Salamat sa upuan.
Salamat sa intelektuwal.
Salamat sa mangmang.
Salamat sa masipag.
Salamat sa tamad.
Salamat sa tindera.
Salamat sa biyahero.
Salamat sa tsuper.
Salamat sa GRO.
Salamat sa pagbati.
Salamat sa sermon.
Salamat sa eskultura.
Salamat sa pintura.
Salamat sa wika.
Salamat sa kapisanan.
Salamat sa sombrero.
Salamat sa poster.
Salamat sa diyaryo.
Salamat sa radyo.
Salamat sa telebisyon.
Salamat sa kartero.
Salamat sa mensahero.
Salamat sa doktor.
Salamat sa masahista.
Salamat sa hardinero.
Salamat sa magsasaka.
Salamat sa mangingisda.
Salamat sa saklolo.
Salamat sa mga anak.
Salamat sa kabiyak.
Salamat sa alaala.
Salamat sa lahat ng minamahal.
Salamat sa mga Anito’t Maykapal.
Salamat sa lahat ng hindi ko nabanggit.
At salamat din sa sarili
para masabi ang lahat ng pasasalamat na ito.

Maligayang Pasko sa inyo, at manigong Bagong Taon!

Pag-ibig at Romansa sa mga kuwento ni Agustin C. Fabian

Sumapit sa yugto ang lingguhang magasing Liwayway sa pambihirang produksiyon ng mga kuwento ng romansa at pag-ibig noong mga huling taon ng dekada 1950 hanggang dekada 1990. Ang nasabing tema ang kakagatin ng madla, at tutugunin naman ng sari-saring pagdulog ng mga manunulat at editor na kung hindi kawani’y regular na tagapag-ambag sa Liwayway at sa mga kapatid nitong publikasyon. Karaniwang gumagamit ng sagisag-panulat ang mga batikang editor at manunulat, at maibibilang dito si Agustin C. Fabian na naging punong patnugot. Ginamit ni Fabian ang mga sagisag panulat na “M.S. Martin,” “A.Fernandez,” “Felisisimo A. Cortes,” at “F. Bani,” at sumulat ng mga tinatagurian ngayong kuwentong popular. Isa pang tanyag na manunulat, si Liwayway A. Arceo, ang nagpasikat sa mga sagisag-panulat na gaya ng “Lilia Ablaza” at “Lydia Balmori.”

Walang kamatayang pag-iibigan ng magkasintahan at mag-asawa ang pinapaksa ng maiikling kuwento ni A.C. Fabian na nagkukubli sa sagisag-panulat sa Liwayway.

Payak ang pagdulog sa mga kuwento. Karaniwang naglalaro sa dalawa o tatlong tauhan ang kuwento, at sa mga tauhang ito ay pipigain ang mga damdaming may kaugnayan sa panliligaw, pagsasama, paghihiwalay, at pagbabalikan ng dalawang tao na nahulog ang loob sa isa’t isa. Ang panliligaw ay karaniwang may bahid ng pagpaparamdam at hitik sa ligoy na pawang nakaugalian ng mga Filipino. Animo’y laging kimi ang lalaki, at ang babae’y hindi makawala sa tadhanang kailangang hintayin ang magiging pagdulog ng lalaki sa kaniya. Gayunman, nagkakaiba-iba lamang ang wakas, dahil hindi lahat ng kuwento ay nagkakabalikan ang magkasintahan o mag-asawa sa dulo ng salaysay.

Maihahalimbawa ang “Sampung Taong Nagdurusa” ni A.C. Fabian na kuwento ng mag-asawang ang babae’y mayaman at ang lalaki’y mahirap. Si Angel ay magsisikap makatapos at magtrabaho bilang doktor, at sampung taong nawalay sa asawang si Teresa upang makaipon ng sapat na salapi para sa kinabukasan ng kanilang anak. Aakalain ni Teresa na may ibang babae si Angel, ngunit ang totoo’y abala lamang ito sa trabaho sa ospital, bukod sa pribadong praktis. Magbabalik si Angel kay Teresa sa dulo ng kuwento, at mangangako sa esposang hindi na muli silang magkakahiwalay. Sa akdang ito, ang lalaki ay ipinamalas na may tapat na pagmamahal sa kabiyak, at ang pag-ibig ay pinatitimyas ng malaong pagkakawalay sa minamahal. Natutumbasan ng ginhawa ang sakripisyo, hindi lamang sa panig ng lalaki, bagkus maging sa panig ng babaeng naghihintay.

Isa pang halimbawa ng kuwento ng paghihiwalay ang “Ni Kailanman.” Sa pagkakataong ito, ibubukod ni A.C. Fabian ang mga tauhang may makaluma at makabagong pananaw sa sex. Magkasintahan sina Mamerto at Leonor, gayunman ang kanilang pagsasama’y nagkakaroon ng di-pagkakaunawaan pagsapit sa paksa ng sex. Ibig ni Mamerto na makasiping ang sinumang babaeng nais niya, ngunit ayaw naman ni Leonor pumayag hangga’t hindi pa nakakasal. Nang lumaon, kaiinisan ni Leonor ang pagiging batang-isip ni Mamerto, hihiwalayan ito, at magbabalik sa piling ng dating kasintahang si Ernesto na nanatiling maginoo at responsable sa buhay. Ang ganitong paksa ay mainit lalo sa pagsulak ng Amerikanisasyon noong dekada 1950, at mapapansin sa akda ni A.C. Fabian ang matinding pagpapahalaga sa puri at dangal kahit ipinalalaganap ng mga Amerikano ang makabagong gawi hinggil sa mga relasyong seksuwal.

Sa kuwentong “Napilay si Edeng” ni A.C. Fabian, itinampok naman ang magkaibang katangian ng dalaga: isang dalagang taganayon at isang dalagang tagalungsod. Si Abelardo, na isang abogado, ay tinamaan ng sakit sa baga at umuwi sa kaniyang lalawigan. Makikituloy siya sa isang kaanak, at aalagaan ni Edeng na iibigin ng binata. Ngunit darating si Luisita upang sunduin ang lalaki. Dahil ayaw ni Edeng na mapawalay sa binata, gumawa ito ng paraan para maaksidente, at siyang dadaluhan naman ni Abelardo. Sa wakas, hindi sasama ang lalaki kay Luisita at pipiliin ang mapagkandiling dalagang taganayon. Sa kuwentong ito, ginamit ni Fabian ang bisa ng siste, at ipinakita rito na bagaman hindi tahasang naghahayag ng saloobin si Edeng ay mahahalata ni Abelardo ang tunay nitong niloloob sa kaniya.

Maiuugnay ang kuwentong ito sa kuwentong “Baka Ka Matulad,” na ukol pa rin sa panliligaw. Nanliligaw si Pilo kay Tisya, ngunit hadlang sa kaniyang balak si Tibo na ginagamit ang lakas upang sindakin si Pilo para huwag nang manligaw pa sa babae. Ikinuwento ni Tatang kay Pilo ang kaniyang karanasan nang nanliligaw pa sa kaniyang kasintahan, at ang nakatatawang pangyayaring nahubuan si Tatang ng salawal nang gabing makikipagtunggali sa manliligaw na ibig siyang sindakin. Mabuti na lamang at sumaklolo ang babae, na magaling sa arnis, at pagkaraan ay sila ang magkakatuluyan bilang mag-asawa. Sa kuwentong ito, ginamit ni Fabian ang punto de bista ni Tatang para payuhan si Pilo, at naglalarawan ng pagmamahal ng babae sa lalaking sasaklolohan sa oras ng kagipitan. Ipinapakita rin dito na hindi nakukuha sa dahas ang babae, bagkus sa matapat na panliligaw. At taliwas sa nakagawiang pananaw, ang babae ay maaari ding maging tagapagligtas ng lalaki kahit sa gitna ng panganib o kapahamakan.

Isa pang kuwento ni A.C. Fabian, ang “Magsabi ka muna,” ay tungkol muli sa panliligaw. Si Adong, na dalawang linggong nagbakasyon sa lalawigan, ay inakala ng babae na may asawa na dahil may edad na’t palaging may kasamang bata. Ang batang iyon pala ay mga pamangkin ni Adong. Nang magbihis si Adong at puntahan sa parmasya ang dalaga’y napahanga ang dalaga ang itsura ng binata, ngunit gaya ng dapat asahan, hindi agad sasagot ng oo ang babae, bagkus kinakailangan munang humingi ng permiso si Adong sa magulang ng dalaga kung ibig manligaw. Sa kuwentong ito, pinahahalagahan ang bisa ng panliligaw, at sinumang seryosong lalaki’y dapat umaakyat ng ligaw sa tahanan ng babae at hindi dinaraan ang babae sa ligaw tingin lamang, o kaya’y sa pagteteks sa selfon o pagkikipagkudkuran (internet chatting) gaya ng nagaganap sa kasalukuyan.

Kapansin-pansin sa mga kuwento ni A.C. Fabian ang laging pagsusumikap ng lalaki upang patunayan ang sariling kayang magtagumpay sa piniling propesyon, gaya sa mga akdang “Napakalurit na Paglalaga ng Mais” na hinggil kay Talyong estudyante sa medisina at napagkamalang kuripot ng mga dalaga; “Ayos na Kami” na tungkol kay Nestor na valedictorian na tumakbong alkalde pero ibinigay ang pagkakataon sa kababatang si Melanio at isang pangunahing dahilan ang tungkol sa babae; “Bilanggo” na hinggil kay Damian Silaw na dating dukha na nilait ng magulang ng babaeng nililigawan, at pagkaraan ay yumaman at ibig maghiganti sa pamamagitan ng pag-angkin sa katawan ni Elvira na naghirap dahil sa pagkakasakit ng ama.

Ang ibang kuwento ni A.C. Fabian ay pumapaksa sa kaso ng sapilitang pagpapakasal, at ang pagtutol ng babae hinggil dito. Maihahalimbawa ang “Mula sa Pusod ng Dagat,” na isinalaysay ang pagtatangkang pagpapatiwakal ng isang binata at isang dalaga sa dagat ngunit kapuwa sila magbabago ng isip. Isasama ni Delfin sa bahay si Petring, aalagaan ngunit hindi titingkiin. Matutuklasan ng magulang ni Petring ang kinaroroonan nito, at yayayaing umuwi, ngunit tatanggi si Petring dahil ayaw magpakasal sa inireretong lalaki ng kaniyang magulang. Mababatid ni Delfin na nahulog ang loob ng dalaga sa kaniya, at sa bandang huli’y magkukusang kausapin ang mga magulang ni Petring upang pakasalan ito. Sa ganitong kuwento, pinahahalagahan ang kasal, at tinitingnan lagi ang kasal na lulutas sa problema ng babae at lalaki. Ngunit ang pagpapakasal ay dapat nagtataglay ng magkabiyak na elemento: ang kapasiyahan ng babae at ang kahandaan ng lalaki.

Hindi lahat ng kuwento ni A.C. Fabian ay masaya ang wakas. Sa kuwentong “Sa dako pa roon,” nakilala ni Augusto ang isang babaeng mananayaw sa bar, at iuuwi sa bahay, bibigyan ng luho at pangangailangan, hanggang umabot ang sandaling magkukusa ang babae na umalis sa bahay ni Augusto dahil ayaw nitong magpabigat sa buhay ng lalaki. Sa yugtong ito, lumiliit ang pananaw ng babae sa kaniyang sarili dahil sa pagiging sex worker, at si Augusto na isang propesyonal ay matatanaw na hindi bagay o kapantay ng babae. Ang paghiwalay ni Lagrimas kay Augusto ay senyales ng pagbasag sa paniniwalang hindi sa lahat ng pagkakataon ay tagapagligtas ang lalaki, at kayang magsakripisyo ng babae, bukod sa may dignidad ito kahit sa pagpapasiyang mamuhay nang mag-isa huwag lamang malagay sa alanganin si Augusto.

Kataliwas ng nasabing kuwento ang “Bagong Sapatos” ni A.C. Fabian na ukol naman sa pagsasakripisyo ni Elias upang makaipon at mabigyan ng regalo at kaaya-ayang buhay ang kaniyang pamilya. Titipirin ni Elias ang kaniyang baon, at inakala ng kaniyang asawang nambababae ito, ngunit iyon pala’y ginagawa ni Elias ang pagtitipid para maibili ng mga regalo sa Pasko ang kaniyang buong mag-anak. Matamis ang rendisyon nito, at kung uulitin ay makalilikha na ng arnibal. May iba pang kahawig na kuwento na sinulat ng ibang manunulat, gaya nina Benigno R. Juan at Benjamin P. Pascual na ukol din sa sapatos ang lalabas pagkaraan sa Liwayway, ngunit ang magiging tauhan ay magiging bata, o anak at magulang.

May ibang kuwento lamang si A.C. Fabian, gaya ng “Dula ng Buhay” na nagsalaysay ng isang tagpo sa dyip, na sakay ang isang magandang babae at natipuhan ng isang binata. Mabubunyag sa wakas na ang babae pala’y lukaret, at galing sa Mental Hospital, at maiiwan ang binatang di-makapaniwala sa pangyayaring ikinuwento ng tsuper na kakilala pala ang naturang dalaga. Sa kuwentong ito, nililinang ang pagiging muslak [i.e., naive] ng binata, na nabibiyak wari ang isip sa libog at di-maipaliwanag na pagkabighani sa babaeng misteryosa. Mababaw ang kuwentong ito, at hinuha ko’y paningit lamang sa Liwayway.

Sa kabuuan ay napakagaan ng pagdulog ni A.C. Fabian sa kaniyang mga kuwento. Mabibilis ang pihit ng mga pangyayari, at kapupulutan ng aral ang ibang piyesa, bagaman ang iba’y lumilihis sa kumbensiyonal na pananaw hinggil sa dapat maging papel ng babae at lalaki sa lipunan, o kaya’y sa loob ng tahanan.

Disenchanted Kingdom

Malaya kang pumasok sa kahariang ito, makaraang pumila at makapagbayad ng limandaang piso at makatanggap ng tiket tungo sa aliwang bayan. Tiyakin lamang na huwag magbibitbit ng pagkain, dahil ano pa ang silbi ng mga tindahan at kainan sa loob kung lalangawin lamang sa taas ng presyo? Magsuot ng tumpak na damit at sapin sa paa, at bagayan ng magagalang na pananalita at kilos, dahil hinihingi ng mga dugong-bughaw ang paggalang mula sa kanilang mapapalad na panauhin.

Ang paghakbang papasok ay pagkaligta, kahit sandali, sa iyong kinamulatang bayan. Papasok ka rito hindi bilang Filipino, bagkus bilang mamamayang nasa kapangyarihan ng hari at reyna. Ito ang lunan ng salamangka at pista, na pawang tumitighaw sa layaw at pagmamalabis. Ipinaloob dito ang bonsai na kagutaban, ang robotikong galaktika, ang sinaunang Brooklyn, at iba pang pook na banyaga sa iyong hinagap.

Ipalalasap sa iyo ng palsipikadong sanaw, talón, at dagat ang mga ilahás na tubigang nakapaikot sa iyong kapuluan at hindi mo tatangkaing puntahan. Mahihindik ka sa mahika ni Harry Houdini, at ang mga mangkukulam at babaylan ay maitataboy palayo sa iyong isip. Makikiliti ka sa panandaliang tato, at kahit itakwil mo ang pagiging katutubo ay magiging isa ka nang kosmopolitanong pintado.

Mauunawaan mo ang pag-iral ng dinosawro at panahon ng yelo sa panahon ng pagbabagong-klima. Sa kabila ng lahat, maaakit ka pa ring bumili ng sorbetes at magpalamig sa haluhalo habang tumitindi ang sikat ng araw. Sisipatin mo ang mga eroplanong yari sa kahoy at dambuhalang ferris wheel, at susubuking sumakay mamaya, subalit magdaraan muna sa tulay na niyari noong sinaunang panahon.

Maglakad nang maglakad at malulustay ang oras nang hindi mo inaasahan.

Sasapit ka sa mga kabayong mekanikal at lumilipad, o sa mga kotseng nagbubungguan, o sa mga sisneng paikot-ikot sa lawa-lawaan. Maaaring sumilip sa mga tindahang naghahain ng kung ano-anong eksotikong alahas o imported na tisert mulang Afrika at Brazil, at makapipili pa ng samot-saring pasalubong para sa iyong anak, kasintahan, asawa, at kaibigan. Ipagpatuloy mo ang paglalakad at maiinggit ka sa mga magkasintahan at mag-anak na magkakahawak-kamay, at kung maghalikan o magyakapan ay parang kanila ang buong daigdig.

Mauunawaan mo ang apat na dimensiyong teatro at ang dalawahang panig na barilan. Luluwa ang iyong mata sa ikinukubling kayamanan ng Rio Grande. Magugutom ka at tatanghod sa mga tindahan para makabili ng nilagang mais at sopdrink, ngunit dahil kulang na ang iyong badyet ay iisipin na lamang ang mga pagkaing iyong iniwan sa bahay o kung hindi’y sasamyuin ang iniluluto sa Hotdog Kiosk. Mahihilo ka sa gutom at laro, iinom nang sapat sa gripo, at ang laro ang magpapagaan sa iyong kumakalam na loob.

Saka ka matatauhan na gumagabi na pala. Malayo ang landas pauwi, at naririnig mo na ang pagtatalumpati ng iyong bituka. Paglabas mo ng tarangkahan, ang kaharian na iyong ginalugad ay parang maglalaho ang mga kutitap kasabay ng pagbati ng bantay. Lumalamig ang ihip ng simoy, at ilang araw na lamang ay Pasko na. Ngunit ano ba ang Pasko kahit napanood mo ang munting dula hinggil sa buhay nina Hesus, Maria, at Jose?

Tatanawin mo muli ang kaharian. Pagkaraan ay ipagpapatuloy ang paglalakad habang naiinggit sa dami ng mga kotse, van, at bus na tiyak na maghahatid sa mga turista.  At marahil, makikiangkas ka sa kung anong sasakyan palabas sakali’t may magpaangkas, o kung hindi’y magtatanong sa sinumang makakasalubong sa daan kung paano makararating patungo sa iyong tinitirhan. Halos sumayad ang iyong dila sa lupa, ngunit wala sa iyong maaawa. Komersiyal at mabilis, ang lilisanin mo ay ano’t hinding-hindi na muling magiging kagila-gilalas, kakatwa, at mistikal.

Parol at Aginaldo mula sa Dalawang Dakila

Mahigpit na magkaribal sa balagtasan at koronasyon ngunit matalik na magkaibigan sa tunay na buhay sina Jose Corazon de Jesus at Florentino T. Collantes. Sila ang pinakatanyag na pares sa buong panahon ng balagtasan—at hinangaan ng mga kapuwa makata at hinabol ng mga babae—dahil kapuwa sila nagtataglay ng mataginting na tinig sa bigkasan at husay sa matulaing pangangatwiran. Higit pa rito, sina De Jesus at Collantes ay mga lantay na makata, at bihasa sa pagkatha ng mga tulang pasalaysay. Maihahalimbawa ang dalawa nilang piyesa na pumapaksa sa kapaskuhan. Ang tula ni De Jesus ay tungkol sa parol, samantalang ang tula ni Collantes ay hinggil sa batang dukhang namamasko.

Ang Magandang Parol
ni Jose Corazon de Jesus

Isang papel itong ginawa ng lolo
may pula, may asul, may buntot sa dulo;
sa tuwing darating ang masayang Pasko
ang parol na ito’y makikita ninyo.

Sa aming bintana doon nakasabit
kung hipan ng hangi’y tatagi-tagilid,
at parang tao ring bago na ang bihis
at sinasalubong ang Paskong malamig.

Kung kami’y tutungo doon sa simbahan
ang parol ang aming siyang tagatanglaw,
at kung gabi namang malabo ang buwan
sa tapat ng parol doon ang laruan.

Kung aking hudyatin tanang kalaguyo,
mga kapwa bata ng pahat kong kuro,
ang aming hudyatan ay mapaghuhulo:
“Sa tapat ng lolo tayo maglalaro.”

Kaya nang mamatay ang lolo kong yaon,
sa bawat paghihip ng amihang simoy,
iyang nakasabit na naiwang parol
nariyan ang diwa noong aming ingkong.

Nasa kanyang kulay ang magandang nasa,
nasa kanyang ilaw ang dakilang diwa,
parang sinasabi ng isang matanda:
“Kung wala man ako’y tanglawan ang bata.”

Inilalahad ng “Ang Magandang Parol” (1928) ang kuwento ng lolo na nakaugaliang gumawa ng parol tuwing kapaskuhan. Ang naglalahad na persona ay isang apo, na inilarawan ang silbi ng parol mulang palamuti at tagatanglaw hanggang sagisag ng mga batang naglalaro tuwing gabi. Mahihinuhang ang parol ay hindi na lamang sagisag ng tala na tumanglaw sa sabsaban nang isilang ni Maria si Hesus. Ang parol, sa pananaw ng personang bata, ay tagapagpagunita ng diwain at katauhan ng lolo sa kaniyang apo. Pumanaw man ang lolo, magbabalik ang kaniyang alaala tuwing kapaskuhan dahil sa magagandang karanasang idinulot niya sa kaniyang apo, at kabilang na dito ang paglikha ng marikit na parol tuwing kapaskuhan. Ang parol, gaya ng sinaunang bituin, ay inaasahang magniningning at tatanglaw sa isip at kalooban ng bata kahit sabihing naulila na ang bata.

Sa tula ni De Jesus, ang parol ay lumalampas sa silbi nitong maging palamuti lamang sa bahay o simbahan. Ang simbolo ng parol ang higit na mahalaga, at kaugnay ng simbolikong liwanag na inaasahang gagabay sa paglaki ng bata at hahalili sa paggabay ng lolo sa kaniyang apo. Nadaragdagan ang kargang pahiwatig ng parol dahil iyon ay hindi karaniwang parol na mabibili sa merkado. Ang parol ay nilikha ng lolo, kaya nagkakaroon ng halagahang sentimental sa panig ng bata. Nagsisilbi ring tagapamagitan ang parol sa lolo at bata, at sa parol na ito isinasalin ng bata ang kaniyang pagpapahalaga sa lolo niyang minamahal.

Naiiba naman ang rendisyon ni Collantes sa kaniyang tulang “Dahilan sa Pasko” (1929). Heto ang teksto ng buong tula.

Dahilan sa Pasko
ni Florentino T. Collantes

Nagsabit ang parol, at ang mga ilaw
sa lahat ng dako’y iba’t ibang kulay.
May tugtugan dine, doon, may awitan
sa kabi-kabila’y naghahalakhakan.
Inuman ng alak, kalansing ng pinggan
binata’t dalaga’y nangagsasayawan. . .
Noche Buena noon, ipinagdiriwang
ang Banal na Bata sa Kanyang pagsilang.

Ngunit itong mundo’y katulad ng saga
“Ang kabila’y itim, pula ang kabila.”
Hanggang nagsasaya ang maririwasa
ay naghihimutok ang mararalita.
Sa gabi ring yaon ng awit at tuwa
ay may isang Inang kalong ng pagluha.
Ibig mang magsaya ay walang magawa;
ibig mang kumain, ang makai’y wala.

Papa’no’y ang kanyang asawa’y may sakit
may ilang linggo nang nahiga sa sakit.
Ang inaasahang matipunong bisig
noon pa ba naman mahapo’t mangawit.
Ngunit hindi ito ang lalong hinagpis
kundi ang kawawang anak nilang ibig.
O! Pasko na búkas! Ngunit walang damit
itong anak nilang sukat na magamit.

O! Pasko na búkas! Sa mga lansangan
ang maraming bata’y magsisipamasyal.
Magsisipamaskong may bagong bihisan
at magsisikain sa mga handaan.
Ngunit tangi kayang anak niya lamang
ang di makikita sa gayong lakaran?
Ang anak ng iba’y nagkakatuwaan
itong kanyang anak ay tatanaw-tanaw.

Ang kinabukasa’y parang nakikita’t
naguguniguni ng kawawang Ina:
Ang maraming batang nakapamasko na
may dalang laruan at kay-saya-saya;
ngunit itong bunsong bunga ng pagsinta
ay titingin-tingin at mamata-mata.
Ito palang Pasko’y lalo pang mapakla
kung dumating itong nagdaralita ka!

Ngunit ang naisip ng Inang may lumbay
dulutan ang anak ng kaligayahan.
Kung kaya’t noon di’y binuksan ang kaban
hinugot ang saya na ipinangkasal;
tinahi noon din at pinaglamayan
at ginawang baro ng anak na hirang.
Saka nang dumating ang kinabukasan
halos naluluhang bunso’y binihisan.

At pinapamaskong katulad ng lahat
na maraming bata na tigib ng galak.
Ngunit itong batang walang kamag-anak
parang sinusundan ng masamang palad.
Ang iba’y mayroong perang tinatanggap
dapuwat sa kanya ay walang lumingap.
Pati pala Pasko’y meron ding mahirap
at ang aginaldo’y hindi rin laganap.

Ang kawawang bata, tuwing mananaog
ang napagpaskuha’y luha at himutok.
Yaong ibang bata ay tigib ng lugod
at sa aginaldo’y nagkakampuputot.
Malata man siya at nadadayukdok
sa mga handaa’y walang nagpatulog.
Hanggang sa marating ang bayang kanugnog
walang nagkamaling kamay na nagkupkop.

Nang papauwi na sa kinahapunan
maputi sa gutom, malambot sa pagal.
Sa maraming bata ay napahiwalay
nadaan sa isang magarang tahanan.
“Magandang Pasko po!” ang bating magalang
ngunit nabulagta ang lunong katawan.
Dalawang matandang kapwa namamanglaw
ang siyang naawang ang bata’y tulungan.

Nang mahimasmasan ang kulang ng palad,
tanong ng matanda: “Kangino ka anak?”
Ang kawawang bata sa pagpapahayag
sa matang malamlam nanalong ang perlas.
Itong mag-asawa sa pakikimatyag
ang dibdib ay halos magiba’t mawalat.
At di pa man tapos ang pagsisiwalat
niyakap ang batang luha’y nalalaglag.

Ito palang batang palaboy lansangan
ay anak ng bunso nilang minamahal;
ng mutyang dalagang nang minsang magtana’y
di na pinapanhik sa mahabang araw.
Ito palang batang lipos kagutuman
ay kanilang apo’t dugo nilang tunay.
Samantalang sila’y nasa kayamanan
ama’t ina nito’y nasa kahirapan.

At ang nagkalayong puso sa pag-ibig
dahilan sa Pasko’y muling nagkalapit.
Ang namaskong bata nag muling magbalik
kasama ang ingkong at ang impong ibig.
Masaya na ngayon at wala nang galit,
nakatkat sa diwa ang mga hinagpis.
Kung kaya’t ang dating nagkalayong dibdib
dahilan sa Pasko’y muling magkadikit.

May apat na bahagi ang tulang sinipi kay Collantes. Una, ang pananabik at pagsasaya ng buong bayan dahil sa pagdating ng araw ng pasko. Ikalawa, ang lungkot ng isang dukhang mag-anak, at pagnanais ng ina na bigyan ng damit ang kaniyang anak at pagalingin ang sakit ng bana. Ikatlo, ang pamamasko ng bata at kabiguan nitong makapamasko. At ikaapat, ang pagkakatuklas ng bata sa lolo’t lola niyang maykaya—na dating nagtampo at itinakwil ang anak nilang babaeng nakipagtanan sa kaniyang kasintahan—at nang bandang huli’y nakipagbati sa kanilang anak.

Ang tula ni Collantes ay maituturing na kuwento bagaman nasa anyong patula. Inilalahad sa tula ang dalawang panig ng mga uring panlipunan (i.e., mayaman at mahirap), at depende sa uring pinagmulan ng isang mag-anak ay nakasalalay doon ang kanilang kaginhawahan. Ang pasko ay mahihinuhang umabot na sa yugto ng pagiging materyalistiko ng mga tao, na ang kaligayahan ay laging ipinapantay sa dami ng handa, regalo, panauhin, at pagsasaya. Sa kabila nito, ipinakita rin sa tula na ang kapaskuhan ay pagsasabuhay ng tunay na pagmamahal ng magulang sa kaniyang anak, gaya ng pagsasakripisyo ng inang tahiin ang damit na anak kahit ang tela ng damit ay mula sa kaniyang kasuotang pangkasal.

Ang pamamasko ng mga bata sa bahay-bahay ay matagumpay ding nailahad sa tula. Ngunit ang gayong pamamasko ay depende sa bata, at malimit nakararanas ng deskriminasyon ang mga batang dukha dahil ni kusing ay hindi sila nagkakapalad na abutan sa mga pinamamaskuhang tahanan. Kung ang mayayamang bata ay hindi kinakailangang mamasko (dahil maaaring ipinadadala na lamang sa kanila ang regalo at aginaldo), ang mga dukhang bata ay kailangang maglakad at magbahay-bahay nang buong maghapon at magbaka-sakali sa mabuting kalooban ng mga tao.

Ang kabiguan ng batang makapamasko ay magbabago sa dakong huli. Hindi man nakapamasko ang bata ay tinanggap niya ang pinakamahalagang regalo: ang pagkakatuklas sa kaniyang lolo at lola. Ang lolo at lola na pawang nabagbag ang loob sa bata ay natuklasan din na iyon ang kanilang apo. Ang bata ang nagsilbing tagapamagitan sa ina ng bata at sa mga magulang nito. Ang pagbabagong-loob ng lolo at lola tungo sa kanilang anak na babae ay pagwawakas din ng pangungulila sanhi ng pagkakawalay ng anak sa magulang.

Higit pa rito, ang ipinangangakong magandang bukas para sa bata ay mahihinuha sa posibilidad ng pagtulong ng maykayang magulang sa kanilang anak na naghihirap sa kasalukuyan. Ang bata ay masasabing nagtamo ng ibayong ginhawa kaysa kaniyang mga kalaro at kaibigan, dahil hindi lamang mabubuo ang pamilya kundi makapagsisimula rin ng bagong relasyon sa panig ng mga magulang at anak. Ang bata ang mahihinuha ring tagapagligtas sa materyal na kahirapan ng kaniyang mga magulang, at tagapagligtas din sa kalungkutan o pangungulila ng kaniyang lolo at lola. Sa tula ni Collantes, ang esensiya ng pasko ay nasa bata na inaasahang magiging pag-asa ng bagong henerasyon.

Ang tula ni Jose Corazon de Jesus at ni Florentino T. Collantes ay rumirikit dahil iniangkop iyon upang bigkasin at pagnilayan ng madla ang mga konseptong gaya ng pagmamahal, pagpapamilya, kapaskuhan, pagreregalo, at palamuti. Ang mga salita ay madaling mauunawaan ng babasa o makaririnig, at magaan ang taktika ng pagsasalaysay dahil ang mga dalumat ay matalik sa puso ng taumbayan. Gayunman, ikinukubli ng gayong gaan ang bigat ng diwaing ipinahahatid ng tula: Na ang pagtuklas sa kapaskuhan ay higit sa kayang ibigay ng materyal na bagay. Ang parol ni De Jesus at ang aginaldo ni Collantes ay lumalampas sa mga orihinal nitong silbi at pagpapakahulugan, kaya ang dating pagkakaunawa sa mga panlabas na katangian ng kapaskuhan ay napapalitan ng matiim na pagpapahalaga sa pakikipagkapuwa, paggunita, at pagmamahal.

Manny Pacquiao at Filipino

Pinakaaabangan sa lahat ang laban ni Manny Pacquiao kontra Oscar de la Hoya at malaki ang kaugnayan dito ng promosyon ng boksing para kagatin ng madla. Si Pacquiao ay hindi na ang dating probinsiyanong nagbaka-sakali sa Maynila, at isinugal ang buhay sa ring para mairaos sa hirap ang pamilya, bagkus isa nang kosmopolitanong artista at negosyante at mandirigma. Ipinapalagay ng ibang komentarista na kumakatawan din si Pacquiao bilang Filipino sa loob at labas ng Filipinas, at sa estado ng propesyonal na boksing sa buong mundo. Ngunit si Pacquiao, gaya ni De la Hoya, ay isa ring kalakal na dapat itanghal upang pagkakitaan ng gaya ng malalaking network ng telebisyon, radyo, at pahayagan.

Maituturing na tatak-pangkalakal ang pangalang Manny “Pacman” Pacquiao, at bilang tatak ay dapat protektahan sa merkado. Mapapansin ito sa mga hirit ni Freddie Roach, na bukod sa matalinong gabay ni Pacquiao ay tumatayong taliba sa magiging katauhan ng kaniyang manok sa harap ng madla. Ang imahen ni Pacquiao ay iingatan din ng mga anunsiyante, mulang sapatos at medyas hanggang shorts at glab hanggang bitamina at gamot. Bibigat lalo ang imahen ni Pacquiao sakali’t manalo, at marahil kahit ang pangulo at iba pang politiko ay nakahanda na ang pahayag ng pagbati at pagsakay sa nakatutulirong kasikatan.

Dinalaw kamakailan ni Mike Tyson si Pacquiao, at marahil nadama ni Tyson ang dating silakbo at sinaunang lunggati na panaigin ang mga kamao sa magagaling na katunggali. Taglay ni Tyson noon ang ilahas na tapang at tibay ng katawan, ngunit gaya ng iba’y maaakit ng makamandag na layaw na kakabit ng tagumpay. Nasa palad ni Pacquiao ang lahat ng pagkakataon, at gaya ni Tyson, ay uukit ng sariling pangalan sa listahan ng mga dakila sa pamamagitan ng matutulis na suntok at kadyot. Ngunit taliwas kay Tyson, higit na mautak si Pacquiao sa paghawak ng kayamanan at puhunan, at hindi ako magtataka kung pumalaot din siya bilang promotor ng boksing at iba pang negosyo.

Ibigay ang karapat-dapat kay Pacquiao, at maging simbolo man siya ng Filipino ay mabuting pakasuriin pa rin. Ang boksing ay agham at sining ng bakbakan, at bilang bakbakan ay posibleng mahaluan ng pustahan, dayaan, at iba pang kabalbalan. Ang pagiging Filipino ay higit sa maitatakda ng tigas ng kamao at tibay ng panga at tatag ng sikmura. Ang pagiging Filipino ay hindi maiaasa sa magiging pasiya ng mga hurado at ipinahihiwatig ng hula o bituin. Maaaring nakikipagsapalaran ang Filipino sa kung saan-saang pook, ngunit hindi nangangahulugan iyon na para manaig ay kailangang manapak at patulugin ang kalaban, o kaya’y umasa sa magiging pasiya ng inampalan at suwerteng dulot ng sugal o pustahan. Napakaliit ni Pacquiao para lagumin ang gunita, simulain, at pangarap ng sambayanang Filipino.

Subalit malaya pa rin tayong maniwala, at paniwalaan si Manny Pacquiao na itataas ang mga kamay bilang hudyat ng bagong tagumpay.

Salin-awit ni Charlson Ong

Charlson Ong

Charlson Ong

Malapit na ang Pasko, at nahihilig muli ang mga manunulat sa inuman at kantahan. Kamakailan, ipinadala sa akin ni Charlson Ong ang kaniyang mga bagong piyesa ng salin-awit. Ang salin-awit ay halaw sa Filipino ng mga awiting Ingles at siyang pinauso ng gaya nina Jose F. Lacaba, Rene O. Villanueva, Marne L. Kilates, at Mike L. Bigornia. Habang tumatagal, pahusay nang pahusay ang mga salin-awit sa Filipinas, at marahil, hindi na ito dapat tawaging salin, bagkus malikhaing halaw, dahil makatatayo na ang Filipinong liriks nang mag-isa at puwedeng saliwan ng natatanging himig at tunog. Heto ang salin-awit ni Charlson, na pinamagatang “Hindi ang Puting Buwan” na mula sa “The Nearness of You” na kinatha nina Ned Washington and Hoagy Carmichael, at inawit ni Barbara Streisand.

HINDI ANG PUTING BUWAN
(Matapos ang “The Nearness of You”)

Hindi puting buwan
Ang may dulot
Tibok niyaring puso
Mahal, kundi ang
Paglapit mo.

Di lamang himig
Ng iyong tinig
Nagpintig sa ‘king isip
Mahal, kundi ang
Paglapit mo.

Refrain:
Kung kita’y hagkan
Panaginip walang hadlang
Ang mundo’y baliw
Sa aliw.

Di ko kailangan
Ang liwanag ng buwan
Sa karimlan
Mahal, basta’t lumapit ka lang
Sa dilim ng gabi
Ikaw ang ilaw.

Heto naman ang rendisyon ni Charlson Ong sa “Two for the Road” na kinatha nina Henry Mancini at Leslie Bricusse, at inawit ni Vic Damone. Pinamagatang “Dalawa sa Paglakbay,” ang salin-awit ay nababagay sa laglag ang puso at mahilig maglagalag.

DALAWA SA PAGLAKBAY
(Matapos ang “Two for the Road”)

Kung ika’y nalulumbay
Sa buhay mong walang saysay
Samahan mo ako liyag
Sa aking paglayag
Dalawang puso
Sabay lalakbayin
Mundong walang pinagkait
Tanging ala-ala aanihin
Bawat daan

Refrain:
Pagsapit nga ng tag-araw
Lulusong tayo sa ulan
Sa taglamig ang pag-ibig
Ang siyang magsasaling

Basta’t ngiti mo’y matanaw
Batid ko na ang landas natin
Ay laging may hiwaga

Refrain 2
Pagsapit nga ng tag-init
Lulusong tayo sa dagat
Sa tag-ulan magtampisaw
Sa ilog ng galak

Basta’t ngiti mo’y matanaw
Batid ko na ang landas natin
Ay laging may hiwaga.

Isa pa sa mga paborito kong salin-awit ni Charlson Ong ang pinamagatang “Kung Iibig pa” na halaw sa “When I fall in love” na inawit ni Rick Astley, at kinatha nina Edward Hayman at Victor Young. Pansinin ang bagsak ng mga salita at tunog sa salin-awit, na kahanga-hanga kapag pinakinggan. Sinong babae ang hindi mapapaibig kapag narinig ito?

KUNG IIBIG PA
(Matapos ang “When I fall in Love”)

Kung iibig pa
Ay panghabang-buhay
O, hindi na lang, kaya.

Sa mundong walang
tahimik
Ang pag-ibig walang
silungan
At maraming halik
Nasasayang pagkalipas
Ng hating-gabi

Kung magmamahal
Ay lubus-lubusan
O, hindi na lang, kaya

At kung hanap mo’y
Katulad din ng hanap
Ko sinta, ako’y iyo
Buong-buo.

Patikim pa lamang ang mga ito sa mga salin-awit ni Charlson Ong. Iminumungkahi kong isaplaka na ang mga ito, at kumuha ng bagong tagatimpla ng musika. Panahon na para kilalanin ng daigdig ang mga tomador na manunulat, at pakinggan ang inihahain nilang salin-awit para sa lahat.

Malikhaing Industriya at Kabuhayan

Pagkakakitaan ang sining at kultura, ito ang malinaw na lumabas sa nakaraang talakayang pinamagatang Global Prospectus for the Arts in the Philippines: Artists for the Creative Industries na ginanap noong nakaraang linggo sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Tinipon sa naturang kumperensiya ang mga alagad ng sining, at pinag-usapan ang dalawang mahalagang bagay: una, ang pagkilala sa komersiyal na kakayahan ng malikhaing gawaing makatutulong sa pambansang ekonomiya; at ikalawa, ang pangangalaga sa karapatang-isip ng indibidwal at pamayanan.

Sumasaklaw ang malikhaing industriya sa palitan ng mga bagay at serbisyo sa merkado, at ayon sa UNCTAD, ay inuuri sa sumusunod na kategorya: sining pagtatanghal; sining biswal; paglalathala, paglilimbag at panitikan; disenyo; awdyo-biswal at bagong midya; malikhaing serbisyo; at pook pangkultura. Ayon kay Nestor Jardin, Pangulo ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP), ang malikhaing industriya ang isa sa mga dinamikong sektor ng pandaigdigang ekonomiya. Mulang 2000 hanggang 2005, tumaas aniya ng 8.7 porsiyento kada taon ang pandaigdigang kalakalan sa larang ng Malikhaing Industriya. Ang mga iniluluwas na produkto ay umangat mulang $227 bilyon noong 1996 hanggang $424 bilyon noong 2005. Gayunman, nawawala ang Filipinas na dapat sanang makapag-aambag sa gayong industriya.

Hindi pa malay ang mga maykapangyarihan sa potensiyal ng malikhaing industriya bilang sektor ng ekonomiya ng Filipinas, sambit ni Jardin. At ito ang dapat lutasin sa ngayon ng kapuwa pribado at publikong sektor. Hinimok niya ang lahat ng Filipinong kabilang sa malikhaing industriya na panatilihin ang likas na katangian nitong makapagpahayag ng sining at kultura. Ngunit ipinaalala rin niya na napakanipis umano ng hanggahan ng komersiyalisasyon at ng malikhaing layong makaaapekto sa halaga ng pangkulturang produkto at serbisyo. Para naman kay Gilda Cordero Fernando, kailangang maging awtentiko ang mga alagad ng sining, at ibuhos ang “talento sa paglikha ng buhay na hinubog sa katapatan.”

Idinagdag ni Jardin na dapat maging malay ang mga artista at  pangkulturang tauhan sa kanilang karapatang-isip at kung paano makahuhugot ng ekonomikong benepisyo roon. Kailangan din aniyang ipatupad nang mahigpit ang mga batas ukol sa karapatang-isip, kabilang na yaong pamimirata sa mga malikhaing akda. Higit sa lahat, dapat umanong maitatag ang sistema ng pagkilala sa mga artistikong karapatan ng mga pangkulturang pamayanan at maisulong ang mekanismo para mabayaran ang karapatang-isip ng mga pangkat etniko.

Ang pagbabalikatan ng kapuwa gobyerno at pribadong sektor ang pinakamahalaga, ani Jardin. Kailangang mailatag ng gobyerno ang pundasyon sa paglago, sa pamamagitan ng mga reporma sa patakaran, tangkilik na impraestruktura, at programang pangkaunlaran. Samantala, hinamon din niya ang pribadong sektor na ipagpatuloy ang malikhaing gawain, kahusayan, at kabaguhan upang maitaguyod ang pangkulturang kapital at malikhaing nilalamang tunay na Filipino.

Ipinaliwanag ni Fr. Valentino Pinlac, Pinuno ng Dauis Heritage Renaissance Program ng Bohol, kung paano magagamit ang sining at kultura sa pagpapalago ng ekonomiya ng Bohol. Ikinuwento ni Pinlac ang ginawang rehabilitasyon ng mga lumang bahay na bato at simbahan, at ginamit iyon upang mapasigla ang turismo sa Bohol. Bukod dito, pinahusay din ng Bohol ang sining pagtatanghal nito, gaya sa musika at sayaw. Nakatuwang ng Dauis ang gaya ng Ayala Foundation para mapangalagaan ang mga pangkulturang pamana nito, at nalikom ang aktibong pakikilahok ng buong pamayanan ng Boholanon para maisulong ang malikhaing industriya at turismo.

Taliwas sa karanasan ng Bohol, mainit na tinatangkilik ng pamahalaang lokal sa Bulakan ang kultura at sining upang mapaunlad ang lalawigan, ani Armand Sta. Ana, na kasalukuyang Artistikong Direktor ng Barasoain Kalinangan Theater Group. Ikinuwento ni Sta. Ana na ang pamahalaang panlalawigan ng Bulakan ay nagbibigay ng tulong pananalapi sa mga pangkat pangkultura upang makapagtanghal ng mga dula, sayaw, at iba pang bagay na pawang makapagpapakilala sa ugat ng Bulakan. Bagaman hindi pa matibay na naiuugnay ang turismo sa mga programang pansining at pangkultura ng Bulakan, unti-unti na itong isinasagawa mula sa pagsasaayos ng plano ng pagtatayo ng mga impraestruktura sa antas ng barangay.

Samantala, isinalaysay ni Alfonso “Coke” Bolipata, na Executive Director ng Miriam College Center for Applied Music, ang karanasan niya sa pagtataguyod ng sentro ng sining sa kaniyang bayan ng Zambales. Itinaguyod ng pamilya Bolipata ang programa ukol sa pagtuturo ng klasikong musika sa mga dukhang kabataan, upang makatulong sa pag-unawa ng sining at sa pagpapalaganap ng musikang maaaring pagkakitaan balang araw.

Napili naman ng British Council ang Cebu na maging malikhaing sentro sa Filipinas. Bibigyan ng British Council ng pondo ang Cebu upang maitaguyod nito ang malikhaing industriya mulang sining biswal hanggang sining pagtatanghal, hanggang pagpapalago ng mga likhang-kamay na gaya ng muwebles, alahas, at iba pang disenyo sa internet.