Malapit na ang Pasko, at nahihilig muli ang mga manunulat sa inuman at kantahan. Kamakailan, ipinadala sa akin ni Charlson Ong ang kaniyang mga bagong piyesa ng salin-awit. Ang salin-awit ay halaw sa Filipino ng mga awiting Ingles at siyang pinauso ng gaya nina Jose F. Lacaba, Rene O. Villanueva, Marne L. Kilates, at Mike L. Bigornia. Habang tumatagal, pahusay nang pahusay ang mga salin-awit sa Filipinas, at marahil, hindi na ito dapat tawaging salin, bagkus malikhaing halaw, dahil makatatayo na ang Filipinong liriks nang mag-isa at puwedeng saliwan ng natatanging himig at tunog. Heto ang salin-awit ni Charlson, na pinamagatang “Hindi ang Puting Buwan” na mula sa “The Nearness of You” na kinatha nina Ned Washington and Hoagy Carmichael, at inawit ni Barbara Streisand.
HINDI ANG PUTING BUWAN
(Matapos ang “The Nearness of You”)
Hindi puting buwan
Ang may dulot
Tibok niyaring puso
Mahal, kundi ang
Paglapit mo.
Di lamang himig
Ng iyong tinig
Nagpintig sa ‘king isip
Mahal, kundi ang
Paglapit mo.
Refrain:
Kung kita’y hagkan
Panaginip walang hadlang
Ang mundo’y baliw
Sa aliw.
Di ko kailangan
Ang liwanag ng buwan
Sa karimlan
Mahal, basta’t lumapit ka lang
Sa dilim ng gabi
Ikaw ang ilaw.
Heto naman ang rendisyon ni Charlson Ong sa “Two for the Road” na kinatha nina Henry Mancini at Leslie Bricusse, at inawit ni Vic Damone. Pinamagatang “Dalawa sa Paglakbay,” ang salin-awit ay nababagay sa laglag ang puso at mahilig maglagalag.
DALAWA SA PAGLAKBAY
(Matapos ang “Two for the Road”)
Kung ika’y nalulumbay
Sa buhay mong walang saysay
Samahan mo ako liyag
Sa aking paglayag
Dalawang puso
Sabay lalakbayin
Mundong walang pinagkait
Tanging ala-ala aanihin
Bawat daan
Refrain:
Pagsapit nga ng tag-araw
Lulusong tayo sa ulan
Sa taglamig ang pag-ibig
Ang siyang magsasaling
Basta’t ngiti mo’y matanaw
Batid ko na ang landas natin
Ay laging may hiwaga
Refrain 2
Pagsapit nga ng tag-init
Lulusong tayo sa dagat
Sa tag-ulan magtampisaw
Sa ilog ng galak
Basta’t ngiti mo’y matanaw
Batid ko na ang landas natin
Ay laging may hiwaga.
Isa pa sa mga paborito kong salin-awit ni Charlson Ong ang pinamagatang “Kung Iibig pa” na halaw sa “When I fall in love” na inawit ni Rick Astley, at kinatha nina Edward Hayman at Victor Young. Pansinin ang bagsak ng mga salita at tunog sa salin-awit, na kahanga-hanga kapag pinakinggan. Sinong babae ang hindi mapapaibig kapag narinig ito?
KUNG IIBIG PA
(Matapos ang “When I fall in Love”)
Kung iibig pa
Ay panghabang-buhay
O, hindi na lang, kaya.
Sa mundong walang
tahimik
Ang pag-ibig walang
silungan
At maraming halik
Nasasayang pagkalipas
Ng hating-gabi
Kung magmamahal
Ay lubus-lubusan
O, hindi na lang, kaya
At kung hanap mo’y
Katulad din ng hanap
Ko sinta, ako’y iyo
Buong-buo.
Patikim pa lamang ang mga ito sa mga salin-awit ni Charlson Ong. Iminumungkahi kong isaplaka na ang mga ito, at kumuha ng bagong tagatimpla ng musika. Panahon na para kilalanin ng daigdig ang mga tomador na manunulat, at pakinggan ang inihahain nilang salin-awit para sa lahat.