Manny Pacquiao at Filipino

Pinakaaabangan sa lahat ang laban ni Manny Pacquiao kontra Oscar de la Hoya at malaki ang kaugnayan dito ng promosyon ng boksing para kagatin ng madla. Si Pacquiao ay hindi na ang dating probinsiyanong nagbaka-sakali sa Maynila, at isinugal ang buhay sa ring para mairaos sa hirap ang pamilya, bagkus isa nang kosmopolitanong artista at negosyante at mandirigma. Ipinapalagay ng ibang komentarista na kumakatawan din si Pacquiao bilang Filipino sa loob at labas ng Filipinas, at sa estado ng propesyonal na boksing sa buong mundo. Ngunit si Pacquiao, gaya ni De la Hoya, ay isa ring kalakal na dapat itanghal upang pagkakitaan ng gaya ng malalaking network ng telebisyon, radyo, at pahayagan.

Maituturing na tatak-pangkalakal ang pangalang Manny “Pacman” Pacquiao, at bilang tatak ay dapat protektahan sa merkado. Mapapansin ito sa mga hirit ni Freddie Roach, na bukod sa matalinong gabay ni Pacquiao ay tumatayong taliba sa magiging katauhan ng kaniyang manok sa harap ng madla. Ang imahen ni Pacquiao ay iingatan din ng mga anunsiyante, mulang sapatos at medyas hanggang shorts at glab hanggang bitamina at gamot. Bibigat lalo ang imahen ni Pacquiao sakali’t manalo, at marahil kahit ang pangulo at iba pang politiko ay nakahanda na ang pahayag ng pagbati at pagsakay sa nakatutulirong kasikatan.

Dinalaw kamakailan ni Mike Tyson si Pacquiao, at marahil nadama ni Tyson ang dating silakbo at sinaunang lunggati na panaigin ang mga kamao sa magagaling na katunggali. Taglay ni Tyson noon ang ilahas na tapang at tibay ng katawan, ngunit gaya ng iba’y maaakit ng makamandag na layaw na kakabit ng tagumpay. Nasa palad ni Pacquiao ang lahat ng pagkakataon, at gaya ni Tyson, ay uukit ng sariling pangalan sa listahan ng mga dakila sa pamamagitan ng matutulis na suntok at kadyot. Ngunit taliwas kay Tyson, higit na mautak si Pacquiao sa paghawak ng kayamanan at puhunan, at hindi ako magtataka kung pumalaot din siya bilang promotor ng boksing at iba pang negosyo.

Ibigay ang karapat-dapat kay Pacquiao, at maging simbolo man siya ng Filipino ay mabuting pakasuriin pa rin. Ang boksing ay agham at sining ng bakbakan, at bilang bakbakan ay posibleng mahaluan ng pustahan, dayaan, at iba pang kabalbalan. Ang pagiging Filipino ay higit sa maitatakda ng tigas ng kamao at tibay ng panga at tatag ng sikmura. Ang pagiging Filipino ay hindi maiaasa sa magiging pasiya ng mga hurado at ipinahihiwatig ng hula o bituin. Maaaring nakikipagsapalaran ang Filipino sa kung saan-saang pook, ngunit hindi nangangahulugan iyon na para manaig ay kailangang manapak at patulugin ang kalaban, o kaya’y umasa sa magiging pasiya ng inampalan at suwerteng dulot ng sugal o pustahan. Napakaliit ni Pacquiao para lagumin ang gunita, simulain, at pangarap ng sambayanang Filipino.

Subalit malaya pa rin tayong maniwala, at paniwalaan si Manny Pacquiao na itataas ang mga kamay bilang hudyat ng bagong tagumpay.