Parol at Aginaldo mula sa Dalawang Dakila

Mahigpit na magkaribal sa balagtasan at koronasyon ngunit matalik na magkaibigan sa tunay na buhay sina Jose Corazon de Jesus at Florentino T. Collantes. Sila ang pinakatanyag na pares sa buong panahon ng balagtasan—at hinangaan ng mga kapuwa makata at hinabol ng mga babae—dahil kapuwa sila nagtataglay ng mataginting na tinig sa bigkasan at husay sa matulaing pangangatwiran. Higit pa rito, sina De Jesus at Collantes ay mga lantay na makata, at bihasa sa pagkatha ng mga tulang pasalaysay. Maihahalimbawa ang dalawa nilang piyesa na pumapaksa sa kapaskuhan. Ang tula ni De Jesus ay tungkol sa parol, samantalang ang tula ni Collantes ay hinggil sa batang dukhang namamasko.

Ang Magandang Parol
ni Jose Corazon de Jesus

Isang papel itong ginawa ng lolo
may pula, may asul, may buntot sa dulo;
sa tuwing darating ang masayang Pasko
ang parol na ito’y makikita ninyo.

Sa aming bintana doon nakasabit
kung hipan ng hangi’y tatagi-tagilid,
at parang tao ring bago na ang bihis
at sinasalubong ang Paskong malamig.

Kung kami’y tutungo doon sa simbahan
ang parol ang aming siyang tagatanglaw,
at kung gabi namang malabo ang buwan
sa tapat ng parol doon ang laruan.

Kung aking hudyatin tanang kalaguyo,
mga kapwa bata ng pahat kong kuro,
ang aming hudyatan ay mapaghuhulo:
“Sa tapat ng lolo tayo maglalaro.”

Kaya nang mamatay ang lolo kong yaon,
sa bawat paghihip ng amihang simoy,
iyang nakasabit na naiwang parol
nariyan ang diwa noong aming ingkong.

Nasa kanyang kulay ang magandang nasa,
nasa kanyang ilaw ang dakilang diwa,
parang sinasabi ng isang matanda:
“Kung wala man ako’y tanglawan ang bata.”

Inilalahad ng “Ang Magandang Parol” (1928) ang kuwento ng lolo na nakaugaliang gumawa ng parol tuwing kapaskuhan. Ang naglalahad na persona ay isang apo, na inilarawan ang silbi ng parol mulang palamuti at tagatanglaw hanggang sagisag ng mga batang naglalaro tuwing gabi. Mahihinuhang ang parol ay hindi na lamang sagisag ng tala na tumanglaw sa sabsaban nang isilang ni Maria si Hesus. Ang parol, sa pananaw ng personang bata, ay tagapagpagunita ng diwain at katauhan ng lolo sa kaniyang apo. Pumanaw man ang lolo, magbabalik ang kaniyang alaala tuwing kapaskuhan dahil sa magagandang karanasang idinulot niya sa kaniyang apo, at kabilang na dito ang paglikha ng marikit na parol tuwing kapaskuhan. Ang parol, gaya ng sinaunang bituin, ay inaasahang magniningning at tatanglaw sa isip at kalooban ng bata kahit sabihing naulila na ang bata.

Sa tula ni De Jesus, ang parol ay lumalampas sa silbi nitong maging palamuti lamang sa bahay o simbahan. Ang simbolo ng parol ang higit na mahalaga, at kaugnay ng simbolikong liwanag na inaasahang gagabay sa paglaki ng bata at hahalili sa paggabay ng lolo sa kaniyang apo. Nadaragdagan ang kargang pahiwatig ng parol dahil iyon ay hindi karaniwang parol na mabibili sa merkado. Ang parol ay nilikha ng lolo, kaya nagkakaroon ng halagahang sentimental sa panig ng bata. Nagsisilbi ring tagapamagitan ang parol sa lolo at bata, at sa parol na ito isinasalin ng bata ang kaniyang pagpapahalaga sa lolo niyang minamahal.

Naiiba naman ang rendisyon ni Collantes sa kaniyang tulang “Dahilan sa Pasko” (1929). Heto ang teksto ng buong tula.

Dahilan sa Pasko
ni Florentino T. Collantes

Nagsabit ang parol, at ang mga ilaw
sa lahat ng dako’y iba’t ibang kulay.
May tugtugan dine, doon, may awitan
sa kabi-kabila’y naghahalakhakan.
Inuman ng alak, kalansing ng pinggan
binata’t dalaga’y nangagsasayawan. . .
Noche Buena noon, ipinagdiriwang
ang Banal na Bata sa Kanyang pagsilang.

Ngunit itong mundo’y katulad ng saga
“Ang kabila’y itim, pula ang kabila.”
Hanggang nagsasaya ang maririwasa
ay naghihimutok ang mararalita.
Sa gabi ring yaon ng awit at tuwa
ay may isang Inang kalong ng pagluha.
Ibig mang magsaya ay walang magawa;
ibig mang kumain, ang makai’y wala.

Papa’no’y ang kanyang asawa’y may sakit
may ilang linggo nang nahiga sa sakit.
Ang inaasahang matipunong bisig
noon pa ba naman mahapo’t mangawit.
Ngunit hindi ito ang lalong hinagpis
kundi ang kawawang anak nilang ibig.
O! Pasko na búkas! Ngunit walang damit
itong anak nilang sukat na magamit.

O! Pasko na búkas! Sa mga lansangan
ang maraming bata’y magsisipamasyal.
Magsisipamaskong may bagong bihisan
at magsisikain sa mga handaan.
Ngunit tangi kayang anak niya lamang
ang di makikita sa gayong lakaran?
Ang anak ng iba’y nagkakatuwaan
itong kanyang anak ay tatanaw-tanaw.

Ang kinabukasa’y parang nakikita’t
naguguniguni ng kawawang Ina:
Ang maraming batang nakapamasko na
may dalang laruan at kay-saya-saya;
ngunit itong bunsong bunga ng pagsinta
ay titingin-tingin at mamata-mata.
Ito palang Pasko’y lalo pang mapakla
kung dumating itong nagdaralita ka!

Ngunit ang naisip ng Inang may lumbay
dulutan ang anak ng kaligayahan.
Kung kaya’t noon di’y binuksan ang kaban
hinugot ang saya na ipinangkasal;
tinahi noon din at pinaglamayan
at ginawang baro ng anak na hirang.
Saka nang dumating ang kinabukasan
halos naluluhang bunso’y binihisan.

At pinapamaskong katulad ng lahat
na maraming bata na tigib ng galak.
Ngunit itong batang walang kamag-anak
parang sinusundan ng masamang palad.
Ang iba’y mayroong perang tinatanggap
dapuwat sa kanya ay walang lumingap.
Pati pala Pasko’y meron ding mahirap
at ang aginaldo’y hindi rin laganap.

Ang kawawang bata, tuwing mananaog
ang napagpaskuha’y luha at himutok.
Yaong ibang bata ay tigib ng lugod
at sa aginaldo’y nagkakampuputot.
Malata man siya at nadadayukdok
sa mga handaa’y walang nagpatulog.
Hanggang sa marating ang bayang kanugnog
walang nagkamaling kamay na nagkupkop.

Nang papauwi na sa kinahapunan
maputi sa gutom, malambot sa pagal.
Sa maraming bata ay napahiwalay
nadaan sa isang magarang tahanan.
“Magandang Pasko po!” ang bating magalang
ngunit nabulagta ang lunong katawan.
Dalawang matandang kapwa namamanglaw
ang siyang naawang ang bata’y tulungan.

Nang mahimasmasan ang kulang ng palad,
tanong ng matanda: “Kangino ka anak?”
Ang kawawang bata sa pagpapahayag
sa matang malamlam nanalong ang perlas.
Itong mag-asawa sa pakikimatyag
ang dibdib ay halos magiba’t mawalat.
At di pa man tapos ang pagsisiwalat
niyakap ang batang luha’y nalalaglag.

Ito palang batang palaboy lansangan
ay anak ng bunso nilang minamahal;
ng mutyang dalagang nang minsang magtana’y
di na pinapanhik sa mahabang araw.
Ito palang batang lipos kagutuman
ay kanilang apo’t dugo nilang tunay.
Samantalang sila’y nasa kayamanan
ama’t ina nito’y nasa kahirapan.

At ang nagkalayong puso sa pag-ibig
dahilan sa Pasko’y muling nagkalapit.
Ang namaskong bata nag muling magbalik
kasama ang ingkong at ang impong ibig.
Masaya na ngayon at wala nang galit,
nakatkat sa diwa ang mga hinagpis.
Kung kaya’t ang dating nagkalayong dibdib
dahilan sa Pasko’y muling magkadikit.

May apat na bahagi ang tulang sinipi kay Collantes. Una, ang pananabik at pagsasaya ng buong bayan dahil sa pagdating ng araw ng pasko. Ikalawa, ang lungkot ng isang dukhang mag-anak, at pagnanais ng ina na bigyan ng damit ang kaniyang anak at pagalingin ang sakit ng bana. Ikatlo, ang pamamasko ng bata at kabiguan nitong makapamasko. At ikaapat, ang pagkakatuklas ng bata sa lolo’t lola niyang maykaya—na dating nagtampo at itinakwil ang anak nilang babaeng nakipagtanan sa kaniyang kasintahan—at nang bandang huli’y nakipagbati sa kanilang anak.

Ang tula ni Collantes ay maituturing na kuwento bagaman nasa anyong patula. Inilalahad sa tula ang dalawang panig ng mga uring panlipunan (i.e., mayaman at mahirap), at depende sa uring pinagmulan ng isang mag-anak ay nakasalalay doon ang kanilang kaginhawahan. Ang pasko ay mahihinuhang umabot na sa yugto ng pagiging materyalistiko ng mga tao, na ang kaligayahan ay laging ipinapantay sa dami ng handa, regalo, panauhin, at pagsasaya. Sa kabila nito, ipinakita rin sa tula na ang kapaskuhan ay pagsasabuhay ng tunay na pagmamahal ng magulang sa kaniyang anak, gaya ng pagsasakripisyo ng inang tahiin ang damit na anak kahit ang tela ng damit ay mula sa kaniyang kasuotang pangkasal.

Ang pamamasko ng mga bata sa bahay-bahay ay matagumpay ding nailahad sa tula. Ngunit ang gayong pamamasko ay depende sa bata, at malimit nakararanas ng deskriminasyon ang mga batang dukha dahil ni kusing ay hindi sila nagkakapalad na abutan sa mga pinamamaskuhang tahanan. Kung ang mayayamang bata ay hindi kinakailangang mamasko (dahil maaaring ipinadadala na lamang sa kanila ang regalo at aginaldo), ang mga dukhang bata ay kailangang maglakad at magbahay-bahay nang buong maghapon at magbaka-sakali sa mabuting kalooban ng mga tao.

Ang kabiguan ng batang makapamasko ay magbabago sa dakong huli. Hindi man nakapamasko ang bata ay tinanggap niya ang pinakamahalagang regalo: ang pagkakatuklas sa kaniyang lolo at lola. Ang lolo at lola na pawang nabagbag ang loob sa bata ay natuklasan din na iyon ang kanilang apo. Ang bata ang nagsilbing tagapamagitan sa ina ng bata at sa mga magulang nito. Ang pagbabagong-loob ng lolo at lola tungo sa kanilang anak na babae ay pagwawakas din ng pangungulila sanhi ng pagkakawalay ng anak sa magulang.

Higit pa rito, ang ipinangangakong magandang bukas para sa bata ay mahihinuha sa posibilidad ng pagtulong ng maykayang magulang sa kanilang anak na naghihirap sa kasalukuyan. Ang bata ay masasabing nagtamo ng ibayong ginhawa kaysa kaniyang mga kalaro at kaibigan, dahil hindi lamang mabubuo ang pamilya kundi makapagsisimula rin ng bagong relasyon sa panig ng mga magulang at anak. Ang bata ang mahihinuha ring tagapagligtas sa materyal na kahirapan ng kaniyang mga magulang, at tagapagligtas din sa kalungkutan o pangungulila ng kaniyang lolo at lola. Sa tula ni Collantes, ang esensiya ng pasko ay nasa bata na inaasahang magiging pag-asa ng bagong henerasyon.

Ang tula ni Jose Corazon de Jesus at ni Florentino T. Collantes ay rumirikit dahil iniangkop iyon upang bigkasin at pagnilayan ng madla ang mga konseptong gaya ng pagmamahal, pagpapamilya, kapaskuhan, pagreregalo, at palamuti. Ang mga salita ay madaling mauunawaan ng babasa o makaririnig, at magaan ang taktika ng pagsasalaysay dahil ang mga dalumat ay matalik sa puso ng taumbayan. Gayunman, ikinukubli ng gayong gaan ang bigat ng diwaing ipinahahatid ng tula: Na ang pagtuklas sa kapaskuhan ay higit sa kayang ibigay ng materyal na bagay. Ang parol ni De Jesus at ang aginaldo ni Collantes ay lumalampas sa mga orihinal nitong silbi at pagpapakahulugan, kaya ang dating pagkakaunawa sa mga panlabas na katangian ng kapaskuhan ay napapalitan ng matiim na pagpapahalaga sa pakikipagkapuwa, paggunita, at pagmamahal.