Pag-ibig at Romansa sa mga kuwento ni Agustin C. Fabian

Sumapit sa yugto ang lingguhang magasing Liwayway sa pambihirang produksiyon ng mga kuwento ng romansa at pag-ibig noong mga huling taon ng dekada 1950 hanggang dekada 1990. Ang nasabing tema ang kakagatin ng madla, at tutugunin naman ng sari-saring pagdulog ng mga manunulat at editor na kung hindi kawani’y regular na tagapag-ambag sa Liwayway at sa mga kapatid nitong publikasyon. Karaniwang gumagamit ng sagisag-panulat ang mga batikang editor at manunulat, at maibibilang dito si Agustin C. Fabian na naging punong patnugot. Ginamit ni Fabian ang mga sagisag panulat na “M.S. Martin,” “A.Fernandez,” “Felisisimo A. Cortes,” at “F. Bani,” at sumulat ng mga tinatagurian ngayong kuwentong popular. Isa pang tanyag na manunulat, si Liwayway A. Arceo, ang nagpasikat sa mga sagisag-panulat na gaya ng “Lilia Ablaza” at “Lydia Balmori.”

Walang kamatayang pag-iibigan ng magkasintahan at mag-asawa ang pinapaksa ng maiikling kuwento ni A.C. Fabian na nagkukubli sa sagisag-panulat sa Liwayway.

Payak ang pagdulog sa mga kuwento. Karaniwang naglalaro sa dalawa o tatlong tauhan ang kuwento, at sa mga tauhang ito ay pipigain ang mga damdaming may kaugnayan sa panliligaw, pagsasama, paghihiwalay, at pagbabalikan ng dalawang tao na nahulog ang loob sa isa’t isa. Ang panliligaw ay karaniwang may bahid ng pagpaparamdam at hitik sa ligoy na pawang nakaugalian ng mga Filipino. Animo’y laging kimi ang lalaki, at ang babae’y hindi makawala sa tadhanang kailangang hintayin ang magiging pagdulog ng lalaki sa kaniya. Gayunman, nagkakaiba-iba lamang ang wakas, dahil hindi lahat ng kuwento ay nagkakabalikan ang magkasintahan o mag-asawa sa dulo ng salaysay.

Maihahalimbawa ang “Sampung Taong Nagdurusa” ni A.C. Fabian na kuwento ng mag-asawang ang babae’y mayaman at ang lalaki’y mahirap. Si Angel ay magsisikap makatapos at magtrabaho bilang doktor, at sampung taong nawalay sa asawang si Teresa upang makaipon ng sapat na salapi para sa kinabukasan ng kanilang anak. Aakalain ni Teresa na may ibang babae si Angel, ngunit ang totoo’y abala lamang ito sa trabaho sa ospital, bukod sa pribadong praktis. Magbabalik si Angel kay Teresa sa dulo ng kuwento, at mangangako sa esposang hindi na muli silang magkakahiwalay. Sa akdang ito, ang lalaki ay ipinamalas na may tapat na pagmamahal sa kabiyak, at ang pag-ibig ay pinatitimyas ng malaong pagkakawalay sa minamahal. Natutumbasan ng ginhawa ang sakripisyo, hindi lamang sa panig ng lalaki, bagkus maging sa panig ng babaeng naghihintay.

Isa pang halimbawa ng kuwento ng paghihiwalay ang “Ni Kailanman.” Sa pagkakataong ito, ibubukod ni A.C. Fabian ang mga tauhang may makaluma at makabagong pananaw sa sex. Magkasintahan sina Mamerto at Leonor, gayunman ang kanilang pagsasama’y nagkakaroon ng di-pagkakaunawaan pagsapit sa paksa ng sex. Ibig ni Mamerto na makasiping ang sinumang babaeng nais niya, ngunit ayaw naman ni Leonor pumayag hangga’t hindi pa nakakasal. Nang lumaon, kaiinisan ni Leonor ang pagiging batang-isip ni Mamerto, hihiwalayan ito, at magbabalik sa piling ng dating kasintahang si Ernesto na nanatiling maginoo at responsable sa buhay. Ang ganitong paksa ay mainit lalo sa pagsulak ng Amerikanisasyon noong dekada 1950, at mapapansin sa akda ni A.C. Fabian ang matinding pagpapahalaga sa puri at dangal kahit ipinalalaganap ng mga Amerikano ang makabagong gawi hinggil sa mga relasyong seksuwal.

Sa kuwentong “Napilay si Edeng” ni A.C. Fabian, itinampok naman ang magkaibang katangian ng dalaga: isang dalagang taganayon at isang dalagang tagalungsod. Si Abelardo, na isang abogado, ay tinamaan ng sakit sa baga at umuwi sa kaniyang lalawigan. Makikituloy siya sa isang kaanak, at aalagaan ni Edeng na iibigin ng binata. Ngunit darating si Luisita upang sunduin ang lalaki. Dahil ayaw ni Edeng na mapawalay sa binata, gumawa ito ng paraan para maaksidente, at siyang dadaluhan naman ni Abelardo. Sa wakas, hindi sasama ang lalaki kay Luisita at pipiliin ang mapagkandiling dalagang taganayon. Sa kuwentong ito, ginamit ni Fabian ang bisa ng siste, at ipinakita rito na bagaman hindi tahasang naghahayag ng saloobin si Edeng ay mahahalata ni Abelardo ang tunay nitong niloloob sa kaniya.

Maiuugnay ang kuwentong ito sa kuwentong “Baka Ka Matulad,” na ukol pa rin sa panliligaw. Nanliligaw si Pilo kay Tisya, ngunit hadlang sa kaniyang balak si Tibo na ginagamit ang lakas upang sindakin si Pilo para huwag nang manligaw pa sa babae. Ikinuwento ni Tatang kay Pilo ang kaniyang karanasan nang nanliligaw pa sa kaniyang kasintahan, at ang nakatatawang pangyayaring nahubuan si Tatang ng salawal nang gabing makikipagtunggali sa manliligaw na ibig siyang sindakin. Mabuti na lamang at sumaklolo ang babae, na magaling sa arnis, at pagkaraan ay sila ang magkakatuluyan bilang mag-asawa. Sa kuwentong ito, ginamit ni Fabian ang punto de bista ni Tatang para payuhan si Pilo, at naglalarawan ng pagmamahal ng babae sa lalaking sasaklolohan sa oras ng kagipitan. Ipinapakita rin dito na hindi nakukuha sa dahas ang babae, bagkus sa matapat na panliligaw. At taliwas sa nakagawiang pananaw, ang babae ay maaari ding maging tagapagligtas ng lalaki kahit sa gitna ng panganib o kapahamakan.

Isa pang kuwento ni A.C. Fabian, ang “Magsabi ka muna,” ay tungkol muli sa panliligaw. Si Adong, na dalawang linggong nagbakasyon sa lalawigan, ay inakala ng babae na may asawa na dahil may edad na’t palaging may kasamang bata. Ang batang iyon pala ay mga pamangkin ni Adong. Nang magbihis si Adong at puntahan sa parmasya ang dalaga’y napahanga ang dalaga ang itsura ng binata, ngunit gaya ng dapat asahan, hindi agad sasagot ng oo ang babae, bagkus kinakailangan munang humingi ng permiso si Adong sa magulang ng dalaga kung ibig manligaw. Sa kuwentong ito, pinahahalagahan ang bisa ng panliligaw, at sinumang seryosong lalaki’y dapat umaakyat ng ligaw sa tahanan ng babae at hindi dinaraan ang babae sa ligaw tingin lamang, o kaya’y sa pagteteks sa selfon o pagkikipagkudkuran (internet chatting) gaya ng nagaganap sa kasalukuyan.

Kapansin-pansin sa mga kuwento ni A.C. Fabian ang laging pagsusumikap ng lalaki upang patunayan ang sariling kayang magtagumpay sa piniling propesyon, gaya sa mga akdang “Napakalurit na Paglalaga ng Mais” na hinggil kay Talyong estudyante sa medisina at napagkamalang kuripot ng mga dalaga; “Ayos na Kami” na tungkol kay Nestor na valedictorian na tumakbong alkalde pero ibinigay ang pagkakataon sa kababatang si Melanio at isang pangunahing dahilan ang tungkol sa babae; “Bilanggo” na hinggil kay Damian Silaw na dating dukha na nilait ng magulang ng babaeng nililigawan, at pagkaraan ay yumaman at ibig maghiganti sa pamamagitan ng pag-angkin sa katawan ni Elvira na naghirap dahil sa pagkakasakit ng ama.

Ang ibang kuwento ni A.C. Fabian ay pumapaksa sa kaso ng sapilitang pagpapakasal, at ang pagtutol ng babae hinggil dito. Maihahalimbawa ang “Mula sa Pusod ng Dagat,” na isinalaysay ang pagtatangkang pagpapatiwakal ng isang binata at isang dalaga sa dagat ngunit kapuwa sila magbabago ng isip. Isasama ni Delfin sa bahay si Petring, aalagaan ngunit hindi titingkiin. Matutuklasan ng magulang ni Petring ang kinaroroonan nito, at yayayaing umuwi, ngunit tatanggi si Petring dahil ayaw magpakasal sa inireretong lalaki ng kaniyang magulang. Mababatid ni Delfin na nahulog ang loob ng dalaga sa kaniya, at sa bandang huli’y magkukusang kausapin ang mga magulang ni Petring upang pakasalan ito. Sa ganitong kuwento, pinahahalagahan ang kasal, at tinitingnan lagi ang kasal na lulutas sa problema ng babae at lalaki. Ngunit ang pagpapakasal ay dapat nagtataglay ng magkabiyak na elemento: ang kapasiyahan ng babae at ang kahandaan ng lalaki.

Hindi lahat ng kuwento ni A.C. Fabian ay masaya ang wakas. Sa kuwentong “Sa dako pa roon,” nakilala ni Augusto ang isang babaeng mananayaw sa bar, at iuuwi sa bahay, bibigyan ng luho at pangangailangan, hanggang umabot ang sandaling magkukusa ang babae na umalis sa bahay ni Augusto dahil ayaw nitong magpabigat sa buhay ng lalaki. Sa yugtong ito, lumiliit ang pananaw ng babae sa kaniyang sarili dahil sa pagiging sex worker, at si Augusto na isang propesyonal ay matatanaw na hindi bagay o kapantay ng babae. Ang paghiwalay ni Lagrimas kay Augusto ay senyales ng pagbasag sa paniniwalang hindi sa lahat ng pagkakataon ay tagapagligtas ang lalaki, at kayang magsakripisyo ng babae, bukod sa may dignidad ito kahit sa pagpapasiyang mamuhay nang mag-isa huwag lamang malagay sa alanganin si Augusto.

Kataliwas ng nasabing kuwento ang “Bagong Sapatos” ni A.C. Fabian na ukol naman sa pagsasakripisyo ni Elias upang makaipon at mabigyan ng regalo at kaaya-ayang buhay ang kaniyang pamilya. Titipirin ni Elias ang kaniyang baon, at inakala ng kaniyang asawang nambababae ito, ngunit iyon pala’y ginagawa ni Elias ang pagtitipid para maibili ng mga regalo sa Pasko ang kaniyang buong mag-anak. Matamis ang rendisyon nito, at kung uulitin ay makalilikha na ng arnibal. May iba pang kahawig na kuwento na sinulat ng ibang manunulat, gaya nina Benigno R. Juan at Benjamin P. Pascual na ukol din sa sapatos ang lalabas pagkaraan sa Liwayway, ngunit ang magiging tauhan ay magiging bata, o anak at magulang.

May ibang kuwento lamang si A.C. Fabian, gaya ng “Dula ng Buhay” na nagsalaysay ng isang tagpo sa dyip, na sakay ang isang magandang babae at natipuhan ng isang binata. Mabubunyag sa wakas na ang babae pala’y lukaret, at galing sa Mental Hospital, at maiiwan ang binatang di-makapaniwala sa pangyayaring ikinuwento ng tsuper na kakilala pala ang naturang dalaga. Sa kuwentong ito, nililinang ang pagiging muslak [i.e., naive] ng binata, na nabibiyak wari ang isip sa libog at di-maipaliwanag na pagkabighani sa babaeng misteryosa. Mababaw ang kuwentong ito, at hinuha ko’y paningit lamang sa Liwayway.

Sa kabuuan ay napakagaan ng pagdulog ni A.C. Fabian sa kaniyang mga kuwento. Mabibilis ang pihit ng mga pangyayari, at kapupulutan ng aral ang ibang piyesa, bagaman ang iba’y lumilihis sa kumbensiyonal na pananaw hinggil sa dapat maging papel ng babae at lalaki sa lipunan, o kaya’y sa loob ng tahanan.