Ilang Pagbubulay sa Buhay

Nakaiinip ang kaibigan, kung ang iyong kaibigan ay pamamaalam, at ikaw ay nakatakdang mabuhay nang mahaba sa dapat asahan.

∞ ∞ ∞

Sumasayaw sa iyong paningin ang mga alaala ng sakate at sampagita, ang pagpapakain ng mga baboy sa kural, at ilang baryang iuuwi upang ipambili ng bigas at gulay.

Iindak ka sa parang. At ikaw ang pinakamarikit na nilalang.

∞ ∞ ∞

Yayakapin mo ang iyong mga anghel. Idadampi sa noo nila ang kalinga at pag-aalala. At sa iyong pagtanda, yayakapin ka ng mga anghel, at idadampi sa iyong noo ang pinakamatimyas na pagmamahal.

∞ ∞ ∞

Ilang payyo ang katumbas ng pagsisikap ng magulang para sa anak? Itatanong mo ito sa iyong sarili, na tila ang iyong magulang ay may tungkuling magpanday ng mga dambuhalang tulay tungong kalangitan para sa iyo at sa iyo lamang.

∞ ∞ ∞

Makalalakad ang magulang nang laksa-laksang milya para sa anak, ngunit ang anak ay hindi mailalakad ang magulang nang kahit isang dipa.

Mauunawaan mo ito habang nakatitig sa iyong ina, at ang iyong ina ay lumuluha nang hindi mo maunawaan.

∞ ∞ ∞

Isisilang ka sa banig, at magsisilang ka sa banig. Mararatay ka sa banig, at ang banig ay ibibilot ka bago ihulog sa hukay.

Iginagalang mo ang banig, at maglalala ka ng maraming banig sa aming mga isip at kalooban.

∞ ∞ ∞

Kumain ka na ba? Dumating na ba ang iyong kapatid? Matamlay ka yata? Mahaba ang litanya ng pag-aalala ng ina, at ang mga anak ay mauumid sa kahihiyan dahil hindi ka nila ganap na magagantihan.

∞ ∞ ∞

Madaling-araw pa’y magsasaing ka’t maghahanda ng mga ulam. Magtataka ang iyong mga anak kung bakit pinakamasarap ang prito mong itlog o tuyo, na hindi maipaparis sa pinakamasaganang piging. Anu’t napakatamis ng tsokolate kapag ikaw ang nagtimpla!

Marahil, sadyang may mahika ang mga palad ng magulang. At ito ang tutuklasin ng mga anak, hanggang sila’y maging magulang din pagdating ng araw.

∞ ∞ ∞

Maglalaba ka at lalabhan ang aming kasuotan o susuotan. Magpaplantsa ka at aayusin ang gusot ng aming kalooban. Ihahanger mo ang palda o pantalon, hanggang di-alintana ninuman ang iyong pagdaramdam.

Winika ito ng anak, habang tinatanaw ang kaniyang pawisang magulang.

∞ ∞ ∞

Tatanda rin ako. At tatanda rin ang aking kabiyak. Ang nakapagtataka’y lalong sumisigla ang aming pagtitinginan habang kami’y nagkakauban.

∞ ∞ ∞

Makintab ang sahig. Makislap ang bintana. Mabango ang banyo. Malinis ang hapag. Maaliwalas ang mga silid at sala. Kung magagawa ito ng isang ina para sa kaniyang mga supling at kabiyak, ang tahanan ay langit na ibig kong marating.

∞ ∞ ∞

Yayaman ang aking mga anak, sabi ng magulang, ngunit ang kanilang yaman ay hindi mababayaran magpakailanman ang aking pinaghirapan.

Titingalain ng mga anak ang magulang. At kailangan ang kagitingan kahit sa gayong kapayak na paraan.

Alamat ni Tungkung Langit

Hindi makapaniwala ang mga tao noon na wala naman talagang langit at lupa. Ako, si Alunsina, at ang asawa kong si Tungkung Langit ang pinagmulan ng lahat ng bagay. Kaming dalawa lamang ang pinag-ugatan ng buhay. Mula sa kaibuturan ng kawalan, itinakda ng aming kasaysayan ang paglitaw ng daigdig ng mga tao.

Nabighani si Tungkung Langit nang una niya akong makita. Katunayan, niligawan niya ako nang napakatagal, sintagal ng pagkakabuo ng tila walang katapusang kalawakan na inyong tinitingala tuwing gabi. At paanong hindi mapaiibig si Tungkung Langit sa akin? Mahahaba’t mala-sutla ang buhok kong itim. Malantik ang aking balakang at balingkinitan ang mahalimuyak na katawan. Higit sa lahat, matalas ang aking isip na tumutugma lamang sa gaya ng isip ni Tungkung Langit.

Kaya sinikap ng aking matipuno’t makapangyarihang kabiyak na dalhin ako doon sa pook na walang humpay ang pag-agos ng dalisay, maligamgam na tubigan. Malimit kong marinig ang saluysoy ng tubig, na siya ko namang sinasabayan sa paghimig ng maririkit na awit. Napapatigalgal si Tungkung Langit tuwing maririnig ang aking tinig. “Alunsina,” aniya, “ikaw ang iibigin ko saan man ako sumapit!” Pinaniwalaan ko ang kaniyang sinambit. At ang malamig na simoy sa paligid ang lalo yatang nagpapainit ng aming dibdib kapag kami’y nagniniig.

Napakasipag ng aking kabiyak. Umaapaw ang pag-ibig niya; at iyon ang aking nadama, nang sikapin niyang itakda ang kaayusan sa daloy ng mga bagay at buhay sa buong kalawakan.

Iniatang niya sa kaniyang balikat ang karaniwang daloy ng hangin, apoy, lupa, at tubig. Samantala’y malimit akong maiwan sa aming tahanan, na siya ko namang kinayamutan. Bagaman inaaliw ko ang sarili sa paghabi ng mga karunungang ipamamana sa aming magiging anak, hindi mawala sa aking kalooban ang pagkainip. Wari ko, napakahaba ang buong maghapon kung naroroon lamang ako’t namimintana sa napakalaki naming bahay.

Madalas akong gumawi sa aming pasigan, at manalamin sa malinaw na tubig habang sinusuklay ang mababangong buhok. Ngunit tuwing tititig ako sa tubig, ang nakikita ko’y hindi ang sarili kundi ang minamahal na si Tungkung Langit.

Sabihin nang natutuhan ko kung paano mabagabag. Ibig kong tulungan ang aking kabiyak sa kaniyang mabibigat na gawain. Halimbawa, kung paano itatakda ang hihip ng hangin. O kung paano mapasisiklab ang apoy sa napakabilis na paraan. O kung paano gagawing malusog ang mga lupain upang mapasupling nang mabilis ang mga pananim. Ngunit ano man ang aking naisin ay hindi ko maisakatuparan. Tumatanggi ang aking mahal. “Dito ka na lamang sa ating tahanan, Alunsina, di ko nais na makita kang nagpapakapagod!”

Tuwing naririnig ko ang gayong payo ni Tungkung Langit, hindi ko mapigil ang maghinanakit. Kaparis ko rin naman siyang bathala, bathala na may angkin ding kapangyarihan at dunong. Tila nagtutukop siya ng mga tainga upang hindi na marinig ang aking pagpupumilit. Nagdulot iyon ng aming pagtatalo. Ibig kong maging makabuluhan ang pag-iral. At ang pag-iral na yaon ang sinasagkaan ng aking pinakamamahal.

Araw-araw, lalong nagiging abala si Tungkung Langit sa kaniyang paggawa ng kung ano-anong bagay. Makikita ko na lamang siyang umaalis sa aming tahanan nang napakaaga, kunot ang noo, at tila laging malayo ang iniisip. Aaluin ko siya at pipisilin naman niya ang aking mga palad . “Mahal kong Alunsina, kapag natapos ko na ang lahat ay wala ka nang hahanapin pa!” At malimit nagbabalik lamang siya kapag malalim na ang gabi.

Sa mga sandaling yaon, hindi ko mapigil ang aking mga luha na pumatak; napapakagat-labi na lamang ako habang may pumipitlag sa aking kalooban.

Dumating ang yugtong nagpaalam ang aking kabiyak. “Alunsina, may mahalaga akong gawaing kailangang matapos,” ani Tungkung Langit. “Huwag mo na akong hintayin ngayong gabi’t maaga kang matulog. Magpahinga ka. Magbabalik din agad ako. . . .” May bahid ng pagmamadali ang tinig ng aking minamahal. Lingid sa kaniya, nagsisimula nang mamuo sa aking kalooban ang matinding paninibugho sa kaniyang ginagawa. Umalis nga si Tungkung Langit at nagtungo kung saan. Subalit pinatititikan ko siya sa dayaray upang mabatid ang kaniyang paroroonan. Ibig ko siyang sundan.

Natunugan ni Tungkung Langit ang aking ginawa. Nagalit siya sa dayaray at ang dayaray ay isinumpa niyang paulit-ulit na hihihip sa dalampasigan upang ipagunita ang pagsunod niya sa nasabing bathala. Samantala, nagdulot din yaon ng mainit na pagtatalo sa panig naming dalawa.

“Ano ba naman ang dapat mong ipanibugho, Alunsina?” asik ni Tungkung Langit sa akin. “Ang ginagawa ko’y para mapabuti ang daloy ng aking mga nilikha sa daigdig ng mga tao!” Napoot ang aking kabiyak sa akin. Nakita ko sa kaniyang mga mata ang paglalagablab, at lumalabas sa kaniyang bibig ang usok ng pagkapoot. Dahil sa nangyari, inagaw niya sa akin ang kapangyarihan ko. Ipinagtabuyan niya ako palabas sa aming tahanan.

Oo, nilisan ko ang aming bahay nang walang taglay na anumang mahalagang bagay. Nang lumabas ako sa pintuan, hindi na muli akong lumingon nang hindi ko makita ang bathalang inibig ko noong una pa man. Hubad ako nang una niyang makita. Hubad di ako nang kami’y maghiwalay.

Alam kong nagkamali ng pasiya si Tungkung Langit na hiwalayan ako. Mula noon, nabalitaan ko na lamang na pinananabikan niya ang paghihintay ko sa kaniya kahit sa gitna ng magdamag; hinahanap niya ang aking maiinit na halik at yakap; pinapangarap niyang muling marinig ang aking matarling na tinig; inaasam-asam niya na muli akong magbabalik sa kaniyang piling sa paniniwalang ibig kong makamit muli ang kapangyarihang inagaw niya sa akin. Ngunit hindi.

Hindi ko kailangan ang aking kapangyarihan kung ang kapangyarihan ay hindi mo rin naman magagamit. Hindi ko kailangan ang kapangyarihan kung magiging katumbas iyon ng pagkabilanggo sa loob ng bahay at paglimot sa sariling pag-iral.

Ipinaabot sa akin ng dayaray ang naganap sa dati naming tahanan ni Tungkung Langit. Sinlamig ng bato ang buong paligid. Pumusyaw ang dating matitingkad na palamuti sa aming bahay. Lumungkot nang lumungkot si Tungkung Langit at laging mainit ang ulo. “Mabuti naman,” sabi ko sa dayaray. “Ngayon, matututo rin si Tungkung Langit na magpahalaga sa kahit na munting bagay.”

Umaalingawngaw ang tinig ni Tungkung Langit at inaamo ako dito sa aking bagong pinaghihimpilan upang ako’y magbalik sa kaniya. Ayoko. Ayoko nang magbalik pa sa kaniya. Kahit malawak ang puwang sa aming pagitan, nadarama ko ang kaniyang paghikbi. Oo, nadarama ko ang kaniyang pighati. Lumipas ang panahon at patuloy niya akong hinanap. Ngunit nanatili siyang bigo.

Ang kaniyang pagkabigo na mapanumbalik ang aking pagmamahal ay higit niyang dinamdam. Nagdulot din yaon sa kaniya upang lalong maging malikhain sa paghahanap. Akala niya’y maaakit ako sa kaniyang gawi. Habang nakasakay sa ulap, naisip niyang lumikha ng malalawak na karagatan upang maging salamin ko. Hindi ba, aniya, mahilig si Alunsina na manalamin sa gilid ng aming sapa? Nababaliw si Tungkung Langit. Hind gayon kababaw ang aking katauhang mabilis maaakit sa karagatan.

Pumaloob din si Tungkung Langit sa daigdig na nilikha niya na laan lamang sa mga tao. Naghasik siya ng mga buto at nagpasupling ng napakaraming halaman, damo, palumpong, baging, at punongkahoy. “Marahil, maiibigan ito ni Alunsina,” ang tila narinig kong sinabi niya. Gayunman, muli siyang nabigo dahil hindi ako nagbalik sa kaniyang piling.

Humanap pa ng mga paraan ang dati kong kabiyak upang paamuin ako. Halimbawa, kinuha niya sa dati naming silid ang mga nilikha kong alahas. Ipinukol niya lahat ang mga alahas sa kalawakan upang masilayan ko. Naging buwan ang dati kong ginintuang suklay; naghunos na mga bituin ang mga hiyas ko’t mutya; at naging araw ang ginawa kong pamutong sa ulo. Kahit ano pa ang gawin ni Tungkung Langit, hindi na muli akong nagbalik sa kaniyang piling.

Namighati siya. At nadama niya kung paanong mamuhay nang mag-isa, gaya lamang ng naganap sa akin dati doon sa aming tirahan. Lumuha nang lumuha si Tungkung Langit, at ang kaniyang pagluha ay nagdulot sa unang pagkakataon ng pag-ulan. Kapag siya’y humahagulgol, nagbubunga yaon ng malalakas na pagkulog at pagkidlat. May panahong tumitindi ang kaniyang pighati, kaya huwag kayong magtaka kung bakit umuulan. Ang mga luha ni Tungkung Langit ang huhugas sa akin, at sa aking kumakawag na supling.

[Hango sa mito ng Hiligaynon at Waray,  at muling isinalaysay ni Roberto T. Añonuevo]

Alamat ng Karagatan

Nainip sa ilalim ng karagatan si Amansinaya, ang bathala ng tubigan, noong musmos pa ang daigdig. Wala siyang makitang kaaya-aya, kundi ang malalamig na bato sa pusod ng dagat; o ang mapuputing buhangin sa gilid ng pasigan. Wala siyang makausap, at nayamot siya sa paglipas ng mga araw. Umulan man at umaraw, ang kaniyang kapangyarihan ay nanatiling nakapaloob sa tubigan. Tubig, tubig, tubig ang kaniyang kapangyarihan at ang malimit niyang bukambibig.

Ngunit ano ang silbi ng kapangyarihan kung siya lamang—si Amansinaya—ang nakababatid? Kailangang subukin niya ang hanggahan ng kaniyang lakas, talino, at loob. Kailangan niyang ilabas ang kapangyarihan sa loob ng kaniyang katauhan. Nag-isip siya ng mga paraan, at nilibot niya ang kaniyang nasasakupan: ilog, lawa, tangway, dagat, at iba pang malalalim na guwang ng lupang nagsilbing imbakan ng tubig-ulan.

Napansin siya ni Araw at nagwikang, “Kay-lungkot mo naman, kaibigan, nag-iisa ka riyan at tila walang kabuluhan!”

Nagpanting ang tainga ni Amansinaya. Walang sinuman ang nakauuyam sa kaniya noong una pa man. “Ipakikita ko sa iyo ang aking kapangyarihan,” mabilis na sambit ni Amansinaya kay Araw. Sumigaw nang malakas si Amansinaya at ang kaniyang sigaw na umalingawngaw ay nagpaalimbukay ng mga alon. Lumitaw ang matitinding daluyong na nagpabaha sa mga baybayin at nagpalubog ng ilang pulo. Paulit-ulit na sumigaw si Amansinaya at nagdulot iyon ng dambuhalang ipuipo sa laot. Pagdaka’y umahon sa tubigan ang marahas na buhawi na pumuwing sa mabibilog na mata ni Araw.

Nagulantang si Araw. Humingi siya ng paumanhin kay Amansinaya. Mula noon, ang kinaugaliang-anyo ni Araw ay tila umaahon siya sa silangang dagat tuwing umaga, at lumulubog naman sa malalim na kanlurang dagat tuwing dapithapon. Paulit-ulit ginagawa yaon ni Araw ayon sa takdang panahon upang ipagunita sa sinumang makasasaksi ang anyo ng nagkakasundong tubig at liwanag.  Hindi na muling biniro ni Araw si Amansinaya. At hindi na rin kinayamutan ni Amansinaya si Araw.

Gayon man ay hindi pa rin nasiyahan si Amansinaya. Sa ibabaw ng kaniyang mga palad, nilikha niya ang dalawang saray ng tubig sa karagatan. Ang kaliwang kamay niya ang nagpabukal ng ibabang saray: malamig, mabigat, at hindi kayang arukin ng liwanag. Samantalang ang kanang kamay ay nagpabukal ng itaas na saray: mainit-init, magaan, at yaon lamang ang hanggahan na kayang abutin ng sinag ng araw. Hindi kailanman naghahalo ang dalawang uri ng tubig. Isang paalala rin iyon na hindi kailanman mababatid o maaarok ng sinag ng araw ang hiwaga ng tubigan. Kung ibig ni Amansinaya na matulog ay darako siya sa ibabang saray. At kung ibig magpaaraw ay tutungo sa itaas na saray. Gayon ang paulit-ulit niyang ginagawa sa paglipas ng panahon.

Napansin ni Ulap ang gawi ni Amansinaya. Si Ulap, na nag-iingat ng maraming abram at bangang puno ng asin, ay biniro ang bathala ng tubigan. “Kaya kong sakupin ang pook mo!” pahaging ni Ulap. Maya-maya’y nagdilim ang paligid. Mabilis na bumaba si Ulap at nagkunwaring sasakupin nga ang lunan ni Amansinaya. Bumalikwas si Amansinaya na naniwalang tototohanin ni Ulap ang banta. Biglang pumalakpak si Amansinaya nang napakalakas at nagdulot iyon upang umalimbukay ang mga alon. Sinalpok ng mga alon ang katawan ni Ulap; at nayanig at nagbagsakan ang mga abram at bangang nakapatong sa kaniyang ulo. Nabigla si Ulap; at hindi niya napigilan ang  pagtapon ng napakaraming asin sa karagatan, at yaon ang simula kung bakit umalat ang mga dagat sa daigdig. Natakot na rin si Ulap na muling biruin si Amansinaya.

Pagkaraan niyon, lumikha ng sariling pamantayan si Amansinaya sa loob ng kaniyang sarili: ang pamantayan na kakaiba sa pamantayan ng iba pang bathala ng kalawakan. Binunot niya ang ilang hibla ng kaniyang buhok at ipinukol sa karagatan. Ang mga buhok ay kahanga-hangang naghunos na makukulay na damong-dagat, pagang, at halamang-tubig. Bumunot ng balahibo si Amansinaya sa kaniyang bisig at dibdib; at ang mga balahibo-nang ihagis niya sa dalampasigan-ay naghunos na matitigas na bakawan. Dumami nang dumami ang kaniyang likha, at naibigan niya ang nasaksihan.

Patuloy na nag-isip si Amansinaya hinggil sa susunod na hakbang. Nakapangalumbaba siya habang nagbubulay; at nakatitig man siya sa malayo’y ni walang ibang nakikita kundi ang kawalan. Magdamag niyang binalangkas ang susunod na hakbang. Ngunit walang pumasok sa kaniyang noo. Sa labis na kaiisip ay kumalam ang kaniyang sikmura. Kumalam nang kumalam ang sikmura ng bathala. Di-kawasa’y naramdaman niyang tila lalong tumindi ang kaniyang kapangyarihan at sasabog ang kaniyang tiyan. Iniluwa ni Amansinaya ang laman ng kaniyang tiyan; at ang anumang bagay na lumabas sa kaniyang bibig ay naging isda, balilan, at page. Nabuo ang pating, buwaya, at pagong. Kumislot ang alimango, hipon, at salabay. Sumuka nang sumuka si Amansinaya at nabuhay ang kabibe, palos, at dugong. Dumami nang dumami ang lamandagat, at walang ano-ano’y naglaho ang paghilab ng tiyan niya. Natuwa si Amansinaya sa naganap. Bagaman waring nagasgas ang kaniyang lalamunan, ilong, gilagid, at dila ay hindi niya inalintana ang gayong karanasan. Gumaan ang pakiramdam ni Amansinaya sa unang pagkakataon, at iyon ang kaniyang higit na kinalugdan.

Nilibot ni Amansinaya ang kaniyang nasasakupan. Sumakay siya sa mga alon, at nakita niya mula sa malayo ang ilang tao doon sa gilid ng dalampasigan. Tinitigan niya ang kanilang hulagway, ang hulagway na tila nag-iisip nang malalim doon sa hiwaga ng karagatan. May pumitlag na pagmamahal sa dibdib ng bathala. Walang ano-ano’y pinaahon niya sa dalampasigan ang mga pusit at natuwa ang mga tao. Pinalapit ng bathala sa mga baybayin ang mga isda at lalong natuwa ang mga tao. Natutuhan ng mga tao na iluto at kainin ang bigay ng mapagpalang mga agos. Hindi na sila nagutom nang panahong iyon. Mula noon, kinilala nila ang angking kapangyarihan ni Amansinaya at ang lahat ng kaniyang likhang nananahan sa tubigan.

Ngunit dumating ang panahong naging tamad ang mga tao. Hindi nila pinahalagahan ang mga ilog, lawa, at dagat. Binalewala rin nila ang maylikha ng mga lamandagat. Hindi nagtagal, nagalit si Amansinaya sa mga tao at tiniyak na kailangan munang magpawis ang sinumang mangingisda at magdaragat bago makatikim ng kaniyang mga likha. Dumanas ng taggutom ang mga tao nang dumating ang di-inaasahang mga bagyo at mahahabang tag-araw. At ang mga tao, natauhan sila sa kanilang maling asal at nagbalik-loob sa bathala ng tubigan.

Mula noon, nagsikap at natuto ang mga mangingisda at magdaragat na sumakay sa mga alon samantalang ginagamit ang palatandaan ng mga bituin, simoy, at agos  sa paglalayag; nagpakadalubhasa sa paglutang, paglangoy, o pagsisid sa tubigan gaya ng ibang lamandagat. Tinangka rin nilang bumuo ng kani-kanilang bangka, balangay, at benawa; tinuklas ang paghahayuma ng lambat at ang bisa ng kawil o pana; at pinag-aralan ang paggawa ng gaya ng salakab, baklad, at palaisdaan. Nakabuo ang mga tao ng mga pananalig habang pinagpupugayan si Amansinaya. Lumikha ng mga tula o awit ang mga magdaragat at mangingisda; at pinarangalan ang nagbibigay sa kanila ng ginhawa habang nabubuhay. Iginalang nila at pinangalagaan ang tubigan; at itinuturing na ang kanilang mga buhay ay kaugnay ng buhay ng tubigan.

Umapaw nang umapaw ang kaligayahan sa puso ni Amansinaya sa nasaksihan. At itinakda niya nang sandaling yaon ang pantay-dagat sa buong daigdig upang maging batayan sa pag-iral ng sangkatauhan.

Isang Taon ng Alimbukad

Nakatataba ng puso ang pagsusulat sa Alimbukad, at hindi ko inaasahang makaaabot ito ng isang taon. Aaminin kong napilitan lamang ako noon na magsimula, dahil sa udyok ng mga kaibigang gaya nina Anwar at Christopher na pawang batikan sa kompiyuter. “Bakit di mo subukin?” untag nila sa akin. “Baka yumaman ka, at sumikat. . . .”

Siguro’y nakilala ako nang kaunti dahil sa blog ko, ngunit hindi naman ako yumaman dito. Ang tanging yaman na naibigay ng Alimbukad sa akin ay bagong kakilala, kaibigan, at kapanalig—na naniniwala pa rin na may maibubunga ng mabuti sa kapuwa at paligid ang pagsusulat at pakikipagtalastasan sa Filipino.

Sabihin nang mapanganib na gawain ang pagsusulat. Kayayamutan ka at isusumpa dahil sa iyong mga banat, at kulang na lamang ay sirain ang iyong blog at bagsakan ka ng bomba atomika. Ngunit gaya ng iyong minamahal na kasintahan, babalikan mo ang iyong blog upang makipaghuntahan, makipagharutan, makipagbuno, makipagniig, at magluwal ng mga diwaing maaaring magpabago ng iyong sarili.

Naibigan ko rin ang blog dahil naging alternatibo ko itong kolum, imbes na makipagsiksikan ako sa diyaryo. Maraming magaling sumingit sa diyaryo kaysa mahusay magsulat, at naisumpa ko na ang pagkokolum sa diyaryo maliban na lamang kung babayaran ako nang malaki-laki. Naniniwala ako sa malimit sabihin ni Adrian Cristobal noon, na mas mahirap magsulat sa Filipino kaysa Ingles, kaya dapat mas malaki rin ang bayad sa Filipino kompara sa Ingles. Pero siyempre, Inglesero si Adrian, na kung sumulat sa Filipino ay pinong-pino ang satira kompara sa Ingles.

Natuklasan ko na sa pagsusulat ng blog ay hindi kinakailangang magpasirko-sirko, at maglantad ng bituka para mapansin. Hinahanap pa rin ng mga tao ang matitinong artikulo na hindi karaniwang mababasa sa mga pahayagan, magasin, at aklat. Ang kinakailangan lamang ay matagpuan mo ang iyong tumpak na puwang, at kung paano ka magtutuon doon na parang iyon ang pinakamagandang pangyayari sa mundo.

Sinasabi ng iba na kailangang maikli lamang daw ang artikulong dapat ilabas sa blog para basahin. Hindi ako naniniwala rito. Sa aking karanasan, ang mahahabang artikulo ko na pawang may malalalim na talakay sa isang paksa ang malimit binabasa ng kung sino-sinong tao mulang Filipinas hanggang iba’t ibang bansa. Bukod dito’y binabalik-balikan ang naturang mga akda, at ito ang nakatutuwa.

Hindi rin laging totoo na ang pagsikat ng blog ay nakasalalay sa grapiks, disenyo, retrato, video, at iba pang imahen. May ibang blog na ang husay ay nakasentro sa pagdidisenyo. Ngunit ang ibang blog ay naglalako ng kaisipan, kuro-kuro, saliksik, at tuklas, at hindi nito kailangan ang magpaganda sa panlabas na anyo dahil ang ganda ng blog ay nasa panloob na pagdulog. Ang pagtatasa, kung gayon, sa dalawang uri ng blog ay dapat magkaroon ng bukod na batayan, lalo sa pagrerepaso at pagbibigay ng gawad o parangal.

Bawat blog ay may tinutugong pangangailangan. Kung mahusay kang kusinera, magblog ka tungkol sa iyong resipi at huwag mangopya sa iba. Kung karpintero ka, magtuon ka sa pagbubuo at pagkukumpuni ng bahay. Kung modelo ka, magbigay ka ng tips sa pagpapaganda. Kung estudyante ka, magsaliksik ka ng mga gimikan at ibang alternatibo ng pag-aaral. Kung tambay ka, isalaysay mo sa pambihirang pagmamasid ang mga bagay-bagay na hindi napapansin ng mga tao na abala sa trabaho at pagpapayaman. Ano man ang iyong pinanggagalingan ay bukal ng karanasan na maaaring makapukaw ng interes ng ibang tao. Ang problema’y kung nais mong magmadali kahit padaskol-daskol ang pagsulat, at sa iyong pagmamadali ay mangongopya ka lamang ng ibang akda kahit labag iyon sa karapatang-isip ng iba.

Nakabubuti ang pagkawing sa ibang blog. Ngunit ang pagkakawing ay dapat aktibo, dahil hindi lamang dapat ikaw ang binabasa kundi nagbabasa ka rin ng ibang blog upang mapag-aralan mo ang kahinaan at kalakasan ng iyong mga kasabayan. Tanggalin ang hiya, at magbigay din ng puna sa ibang blog. Subukin mo ang ginagawa ng iba. At gawin ang hindi pa nila nagagawa.

Mahusay na makinarya ng propaganda ang blog, at ito ang mapapansing ginagamit ng mga network ng telebisyon, pahayagan, at publikasyon. Ngunit magagamit din ang blog sa maláy na diskurso, at paghahatid ng mga edukadong opinyon. Naniniwala ako na ang gayong tungkulin ay hindi lamang mailalapat sa larang ng politika, edukasyon, at kultura. Magagamit din iyon sa pagsusuri ng anime, sa paglilinaw ng pananaw ng mga artista, sa pagbubuklod ng mga migranteng manggagawa, sa pagpapalaki ng mga anak, sa pagtuturo ng sining ng tato at ambigram, sa pagtangkilik ng mga produkto at serbisyo, sa paggabay sa mga turista at konsumidor, sa pagpapakilala ng mga nobelang di-kumbensiyonal, sa pagpapalawig ng pananampalataya, sa pagpapalalim ng relasyon sa kapuwa, at iba pa.

Higit sa lahat, naniniwala pa rin ako sa kakayahan ng Filipino sa wikang Filipino. Inaakala ng iba na limitado ang iyong mambabasa kapag nagsulat ka sa Filipino. Hindi ito totoo. Mahahanggahan lamang ang blog mo sa abot ng iyong katangahan, at ang wika ay hindi kailanman magiging sagka upang ikaw ay matuklasan ng iba. Maraming blog ang nasusulat sa Ingles ngunit kapag tiningnan mo ang bilang ng mga bumabasa ay kakaunti lamang, at dinadaig pa ng nasusulat sa Filipino. May kaugnayan marahil dito ang pagdulog, paksa, at nilalaman, at hindi basta karaniwang pagdulog, paksa, at nilalamang alam na ng lahat.

Nais kong magpasalamat sa pamayanan ng WordPress na kinabibilangan ng mga kapuwa ko blogista. Ang pagsusulat ay isa nang kolektibong gawain ngayon, at hindi na lamang maikakahon sa indibidwalistang pagdulog.

Pinapangarap kong dumami sa lalong madaling panahon ang magsusulat ng matitinong blog sa wikang Filipino para sa mga Filipino at hindi para kausapin lamang ang mga dayo. Marahil, darating ang araw na ang blog ay magiging asignatura sa mga paaralan, at magiging lunsaran ng diskusyon ng mga estudyante at guro, at ito ang magpapabago ng timbangan sa loob ng paaralan. Mapipilitan ang mga guro na sumabay sa pagbabago, at hihingi ng tulong sa kanilang administrasyon, na sasangguni o sasandig sa Departamento ng Edukasyon, hanggang ang DepEd ay mapilitang humingi ng tulong sa Kongreso at Punong Ehekutibo. Kailangang maging tinig ng Filipino ang blog, at dapat iwaksi na ang paniniwalang ang blog ay para lamang sa kung ano-anong tsismis, kalibugan, at kabalbalan.

Maaaring matagal pa iyon, kaya samahan muna ninyo akong ipagdiwang nang tahimik ang unang kaarawan ng aking minamahal na Alimbukad.

Wakas ng Kapayapaan

Inilalantad ng digmaan sa Gaza ang maraming pananaw. At kabilang sa pananaw na ito ay ang pangyayaring ang digmaan ay hindi bakbakan ng dalawang panig lamang. Marami ang karamay at nadadamay, at kung minsan, nakikisawsaw, na parang ang digmaan ay tadhanang hindi maiiwasan. O kaya’y laro ng mga paslit, kung hindi man kulang sa bait.

♦ ♦ ♦

Walang masama kung marami ang pananaw. Ang tama sa isang panig ay maaaring mali sa kabilang panig. Kung susundin ang ganitong relatibong pananaw, dapat pag-usapan din ang parehas na salalayan ng pangangatwiran, at kung saan maaaring magsalubong ang dalawang panig. Subalit maaaring hindi ito matagpuan, dahil ano pa ang silbi ng kapangyarihan kung mabibigong gamitin?

♦ ♦ ♦

Tuwing sumasahimpapawid ang Al Jazeera English ay napapatikhim marahil ang Israel. Kahit ipinagbawal ang mga peryodista sa Gaza ay nakapagtatakang nakapuwesto nang maagap ang nasabing telebisyon network. Maituturing na ang Al Jazeera English na kalahok sa digmaan, at puwedeng patamaan ng misil ng Israel upang maipinid ang bibig, ang mata, at ang tainga nito sa lagim na nalalasap ng mga Palestino.

♦ ♦ ♦

Animo’y loro lamang ang mga telebisyon network dito sa Filipinas kapag pinag-usapan ang digmaan sa Gaza. At ang ibinabalita nito’y kaantas ng kasalatan ng impormasyon ng gaya ng BBC, CNN, Fox News, at ibang balita sa kable.

Magigiba na ang mga gobyerno sa iba’t ibang bansa dahil sa mga demostrasyon para sa Gaza, ngunit ang Filipinas ay nahuhuli sa kangkungan.

♦ ♦ ♦

Walang sinasanto ang digmaan, at bakit iisipin ang patas na bakbakan, wika nga, kung ang isang panig ay bato at salita ang ipinupukol samantalang ang kabilang panig ay tone-toneladang bomba’t lason? Madaling palusot ang pagtatanggol sa sarili, kahit ang digmaan ay sinimulan ng isang panig, at pumapalag ang kabilang panig dahil sa nawawari nitong pananakop.

Ngunit paniniwalaan pa rin natin ito.

Mananalig tayo sa panuntunan ng klasikong digmaan, na waring ang digmaan ngayon ay kawangis ng digmaan noon, at ang nabago lamang ay mga pangalan, paniniwala, at pamunuan.

♦ ♦ ♦

Ituring man ang digmaan na isang makapangyarihang diyos, ang diyos na ito ay palalayasin at itataboy ng mga bayan. At ang diyos ay mahuhubdan ng katangiang dibino’t mistikal para magpalaboy-laboy sa iba’t ibang lupaing naghahanap ng kanilang bagong panginoon.

♦ ♦ ♦

Sa Filipinas, karaniwan ang tubig, at tila bukal ito na walang pagkasaid. Tuwing ibinabalita ang Gaza na walang suplay ng tubig, koryente, pagkain, at gamot ay saka pa lamang pahahalagahan ng iba ang pagmumumog o paghuhugas ng puwit, ang pagtitipid ng uling at gaas, ang pagtitipon ng mumo at paghigop ng sabaw, at ang pananalig sa halamang-ugat at himala ng Maykapal.

♦ ♦ ♦

Minamadali kahit ang kapayapaan. Ang nakapagtataka’y nakikita ng malalayong bansa ang nagaganap sa Gaza, samantalang ang mga nasyong Arabe ay nagtatalo kahit sa pook na pagpupulungan. Ito marahil ang uri ng pagkakaisa na sinusungitan ng mga Nasrallah, Chavez, at Bin Laden bagaman hindi sila maikakahon sa isang kaurian lamang.

♦ ♦ ♦

Maaaring unahan ng Israel ang pakana ng Egypt hinggil sa tigil-putukan. Maaaring ihinto nang pansamantala ng Israel ang pambobomba at pananalakay nito sa sibilyang populasyon ng Gaza. Parang bulang naglaho ang Hamas, at ang bakbakan ay higit na maingay sa himpapawid kaysa sa nasasagap ng tainga ng lupa.

At malapit na ang halalan sa Israel o ang inagurasyon ng pagkapangulo ni Barack Obama. Hindi kaya senyales ang mga ito ng bagong digmaan sa politika?

♦ ♦ ♦

Marahil dapat nang palitan ang daglat na UN (United Nations). Ang UN ay dapat maging DN, para sa Disunited Nations, dahil ang mga nasyong ito ay kayang libakin ng Israel at Estados Unidos. At ang Security Council ay dapat maging Insecurity Council, dahil walang katiyakan ang mga bansa maliban sa mga bansang may hawak ng mga sandatang pamuksa.

♦ ♦ ♦

Tula bilang Asignatura at Protesta

Isang natutuhan ko sa tula bilang asignatura sa elementarya ay kailangan mo itong isaulo at bigkasin nang malakas, at lapatan ang tula ng angkop na kumpas, anyo, at arte na parang nag-aawdisyon ka sa pelikula kahit hindi mo ganap nauunawaan ang tula. Ipinagagawa sa amin ito ng aming guro sa elementarya, dangan lamang at pulos Ingles na tula ang pinipiling bigkasin, gaya ng mga tula nina Walt Whitman at William Shakespeare.

Magbabago lamang ang ihip kapag Linggo ng Wika (na ngayon ay Buwan ng Wika), at ang mga estudyante ay magpapaligsahan sa pagbigkas o pagsasadula ng tula sa Filipino [“Pilipino” pa noon ang baybay], na kung hindi ginagaya ang tono ng Jose Corazon de Jesus ay sumusunod wari sa nakabubuwisit na tono ni Marc Logan.

Magandang ehersisyo ang pagsasaulo ng tula. Sa gayong paraan, ang sinumang bata ay mapipilitang unawain kung ano ang nilalaman ng tula, at kung paano bibigkasin ang mga salita mulang marahan at mabilis hanggang malumi at maragsa, o kaya’y kung paano ang tamang putol ng mga parirala at pangungusap. Nahuhutok din ang bata na gamitin ang kaniyang memorya at guniguni, na pawang mahalaga upang maisapuso ang mga halagahang nais itampok ng tula.

May panganib din sa pagkakabesa ng tula, lalo kung ang tula ay pangit at kulang sa sining ang pagkakasulat. Ito ay dahil maisasaloob ng bata kahit ang mabababang uri ng sensibilidad ng pagkatha, at maaaring gayahin din niya ang maling ehemplo na kaniyang kinabesa. Sa kabilang dako, ang mga tulang pumasa sa mataas na uri ng sining ng pagkatha ay makatutulong nang malaki sa bata hindi lamang sa halagahang nais itampok ng tula bagkus kahit sa paghubog ng matalas na pag-iisip, masinop na pagkatha, at maselang panlasa sa panitikan.

Nag-iiba na ang panahon ngayon. Ang tula ay hindi na lamang binibigkas nang malakas sa entablado, at sinasaliwan kung minsan ng gitara o piyano. Ang tula ngayon ay sinusubok ng ilang kabataan na saliwan ng banda—na kayang maglaro mulang rock at jazz hanggang pop at reggae. Ang tula ay naglalaro sa musika, at kung minsan, natatabunan ng musika ang tula habang walang pakundangang ibinubulalas ng kabataan ang kaniyang hinagpis, gaya ng emo, sa daigdig.

Kaya nakaaaliw na ang pakikinig sa tula, lalo sa Filipino. Sa ibang pagkakataon, ang tula ay itinatanghal nang nakarekord sa CD, samantalang ang makata ay nasa panig ng manonood na humahagikgik. May ibang nagtatanghal ng tula na kung hindi naghuhubad ay lumulundag sa entablado, at malas ang mga manonood na kailangang saluhin ang nagwawalang makata. May iba namang lumilikha ng mala-MTV video na kaugnay ng tula, at kung mahaba-haba ang iyong pasensiya ay makapapanood ka ng kisapmatang pelikulang eksperimental na kung hindi madugo at humahangga sa kalibugan o kabaliwan.

Kung sa ibang makata’y ang tula ay walang silbi kundi ang mismong pag-iral nito (na waring gumagagad sa pahayag sa sining ni Jose Garcia Villa), o kaya’y naggigiit ng indibidwalistang identidad (gaya ng tindig ng kaakuhan ni Alejandro G. Abadilla), ang tula ay nagbabalik ngayon na instrumento ng layuning pampolitika upang maisulong ang simulain ng isang pangkat, gaya ng ginawa noon ng mga Katipunero. Ang tula ng protesta noong dekada 1960–1970 na aabot sa sukdol noong 1980–1990 ay lumiliwayway muli ngayon sa gitna ng mga digmaan at paghihimagsik na may kaugnayan sa kabansaan, kasarinlan, kalayaan, at katarungan ng mga mamamayang binubusabos sa iba’t ibang panig ng daigdig.

Ngunit huwag isiping noong dekada 1960 lamang nagsimula ang tula ng protesta sa Filipinas. Ang tula ng paghihimagsik ay kinasangkapan ng mga Filipino sa pagtuligsa sa pananakop ng Espanya, Estados Unidos, at Hapón sa Filipinas, at naging epektibong tagapag-ugnay sa mga tao ng kapuluan.

Malaki ang hamon sa kasalukuyang henerasyon kung paano palalaganapin ang tula. Maaaring ang mga estudyante ngayon ay nagkukusa nang gumawa ng maikling video na tinatampukan ng tula, gaya ng ginagawa ng mga Palestino, at ito ang pangkatang proyektong ipinalalabas sa kanilang paaralan. Maaaring ang iba’y magsasadula ng sabayang pagbigkas, ngunit ang pagbigkas ay lumalampas kung hindi man lumilibak sa sinaunang paraan ng pagbigkas na patuloy na kinababaliwan ni Marc Logan. Maaaring ang ibang mag-aaral ay hindi na lamang makukuntento sa pagkabesa ng tula ng ibang makata, bagkus nagsisikap ding sumulat nang matino at higit sa kayang isulat ng kanilang guro o administrador ng paaralan.

Ang tula bilang asignatura ay hindi kinakailangang nakababato o linyado, gaya noong sinaunang panahon. Ngunit upang magawa ito, kinakailangan ang malalim na pagkaunawa sa simula at kasaysayan ng panitikang pambansa, gaya ng malimit ihayag ni Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario. Ang hamon ay umaalingawngaw hindi lamang sa hanay ng mga akademiko bagkus maging sa madla, kritiko, at manunulat. Hindi kinakailangang maging loro ang mga bata, at ipagmalaking alter-ego ng mga makatang Amerikano at Ingles. Makabubuti kung magagabayan ang mga bata na matuklasan ang henyo ng sariling panitikan at wika nila, at maaaring simulan ang lahat sa pagbubuklat ng aklat na may kaugnayan sa ating panitikan.

Tampok na Tula at Video
Mapapansin sa videong ito kung paano inilalangkap ang tula sa musika at hulagway ng pag-aaklas. Ang ganitong video ay nangangailangan ng sapat na plano, paglalapat, at pagsisinop [editing]. Hindi ko sinasabing gayahin ang videong ito, ngunit may mga aral na mapupulot hinggil sa pagbubuo nito na makatutulong sa mga estudyanteng Filipino. Pinili ko ito dahil sa napapanahon ang paksa, at kung paanong ang tula ay higit na nagiging epektibo kung bibigkasin nang tumpak alinsunod sa bilis at putol ng mga linya, at alinsunod sa agos ng mga larawan at tagpo.

Talasalitaan ng Digmaan sa Gaza

Makabubuo ng mahabang talasalitaan hinggil sa nagaganap na digmaan sa Gaza at ang mga lahok dito ay malimit mababasa sa mga pahayagang palimbag at elektroniko. Ang mga lahok ay maaaring nakukulayan ng propaganda sa isang panig, na ang layunin ay kumbinsihin ang malaking populasyon na maniwala sa madugong operasyon ng Israel laban sa mga Palestino. Heto ang ilan sa mga salitang maaaring maging Salita ng Taon ngayong 2009, na inilatag sa bisa ng lakas ng alpabeto ng karahasan:

airstrikes [Ing] png: asintadong pambobomba at pagpapatumba sa kapuwa kawal at sibilyang populasyon ng Palestino sa Gaza, alinsunod sa pahayag ng Israel.

all out war [Ing]: walang pakundangang digmaan para turuan ng maluwalhating kapayapaan ang mga Palestino, at singkahulugan ng “Bakbakan na!”

Apache Helicopter [Mil] 1: hango mula sa tribung Indian sa Estados Unidos, ito ay taguri sa helikopter na kayang magtaglay ng misil, bomba, at masinggan para lipulin ang malaking populasyon ng sibilyan 2: metalikong ibong mandaragit na tinitirador o pinupukol ng bato ng mga batang Palestino ngunit hindi kayang patamaan.

calculated risk [Ing]: masining na pagsasabi ng pinsala at pagpatay sa mga sibilyang Palestino na pawang nadamay sa digmaan ng Israel at Hamas.

carnage [Ing]: tahimik at siyentipikong pagpaslang sa mga bata, babae, at matandang Palestino, alinsunod sa mabuting halimbawa ng pagsalakay ng IDF.

cease-fire [Ing]: pangarap na paghinto sa anumang pakikidigma, at reserbado para sa Israel at Estados Unidos lamang.

cluster bombs [Ing]: malaking itlog na metal na nagtataglay ng maliliit na itlog, at ginagamit sa kahanga-hangang pagbalda sa mga sibilyan, terorista, at sinumang kamukha ng mga kawal ng Hamas.

disproportionate attacks [Ing]: tayutay sa pamamaslang at pagwasak ng Israel sa buong Gaza at Lebanon, at naglalayong ikubli ang malawakang henosidyo ng Israel sa mga lupaing sinakop nito sa ngalan ng pambansang seguridad.

economic blockade [Ing]: matimping pagsasabi ng “Bawal pumasok dito!” o “Hanggang diyan ka lang, gago!” at nagsasaad ng banayad na pagkakait ng pagkain, yaman, gamot, at iba pang mahahalagang bagay na kailangan sa pang-araw-araw na buhay ng mga Palestino, alinsunod sa dikta ng Israel at Estados Unidos.

F-16 [Mil]: sasakyang panghihimpapawid na idinisenyo ng Estados Unidos para gamitin ng Israel na masigasig na lumilipol sa populasyong Palestino, at nagsisilbing taliba sa kapayapaan ng Israel.

Gaza, Gaza Strip [Heo]: pahabang lupain na ginawang malaking bilangguan ng Israel para sa mga itinuturing nitong hayop na Palestino, at kanugnog ng Egypt at Lebanon.

Gaza Forum [Png]: pook ng tsismisan sa cyberspace hinggil sa digmaan sa Gaza, at sentro ng balita, propaganda, at opinyon ng kapuwa Israel at Hamas.

genocide [henosidyo sa Fil.] png: masinop at pinagplanuhang paglipol sa malaking populasyon ng mga Palestino sa Gaza upang ipagtanggol ang seguridad ng Israel.

Hamas [Ara] 1: pangkat ng mga pesteng terorista, alinsunod sa pananaw ng Israel, ngunit makabayang pangkat na Palestino na naglalayong palayain ang mga Palestino sa pananakop ng Israel, alinsunod sa pananaw ng maghihimagsik 2: kalabang mortal ng Israel at hukbong sandatahan nito.

IDF png 1: daglat ng Israeli Defense Forces, na malimit akalaing International Death Forces, ito ang propesyonal na sandatahang lakas ng Israel na handang durugin o digmain ang alinmang nasyon o estadong tutol sa pag-iral ng Hudyong estado ng Israel 2: mapanakop na tropang Israeli sa Gaza, at kalabang mortal ng Hamas.

Israel’s insanity [Ing] 1: kabaliwan ng Israel, ayon kay Megan G. Kennedy, na tumutukoy sa labis na pagkasangkapan sa mga sandatang pandigma upang makamit ang pansariling kapayapaan 2: pagkasira ng bait dahil sa pagkabigong malupig ang Hamas sa kabila ng pagtataglay ng sopistikadong kasangkapang pandigma.

massacre [masaker sa Fil.] png: masining na paglipol sa malaking populasyon ng mga Palestino sa Gaza sa pamamagitan ng sopistikadong sandata, gaya ng bomba, artilyeriya, baril, tangke, helikopter, eroplano, at iba pang kaugnay na uri.

Operation Cast Lead [Ing]: matalinghagang taguri sa pananakop at digmaang inihasik ng Israel sa Gaza, na ang layon ay tirisin ang mga mala-kutong kawal ng Hamas, at ibinunsod noong 27 Disyembre 2008, para sa kapakanan umano ng madlang Palestino at sa ganap na seguridad ng Israel.

self-defense [Ing]: pagpatay sa kalaban bago ito makauna sa iyo, at siyang katwiran ng Israel at Estados Unidos upang mapangalagaan ang seguridad. Ang karapatan o obligasyon ng pagtatanggol sa sarili ay reserbado lamang sa naturang mga bansa.

Tactical missile [Mil]: masining na taguri sa misil na pinasisirit mula sa lupa, himpapawid, o tubigan, at may kakayahang lumipol ng malaking populasyon at wasakin ang mga gusali, tulay, kuweba, at iba pang katulad para pangalagaan ang interes ng Israel at Estados Unidos sa rehiyong Arabe.

terrorist [terorista sa Fil.]1: mga Palestinong nagpapaulan ng raket tungo sa Israel, bukod sa mga tao na handang magpakamatay makamit lamang ng mga Palestino ang kalayaan at kasarinlan sa lupang sinilangan 2: mamamayang Palestino at lahat ng kaugnay ng pagkamamamayan nito.

war crimes [Ing] png: kathang-isip na krimen na paglabag sa mga patakaran ng pakikidigma, alinsunod sa itinatakda ng United Nations, at siyang malimit sinusunod ng Israel upang ikubli ang malikhaing panunupil nito sa Gaza.

white phosphorous munitions [Ing] png: bulaklak ng dila sa pulbos na pampaputi sa kutis ng mga Palestino, bukod sa panunog, pambulag at pampahika, at ginagamit upang lapnusin ang kanilang layong lumaban sa hukbong Israeli.

Marami pang salita ang mag-aagawan para maging Salita ng Taon 2009, at hintayin natin ang iba pang darating. Ilan lamang ang binanggit dito na malimit sambitin sa digmaan sa Gaza, at kataka-takang hindi napagbubulayan nang maigi ng mga tao. Kung huhubaran ng mga tayutay, talinghaga, at pahiwatig ang mga salita’y payak lamang naman ang ibig sabihin ng lahat: Ang digmaan ay nakamamatay, at kailangang iwaksi nang ganap sa ating isip at buhay.

Tampok na Tula at Video
Heto ang isang tula na nilapatan ng video, na bagaman walang tiyak na pangalan ay maaaring pagbulayan.

Pasig sa Pananaw ni Lope K. Santos

Naisipan kong maghalungkat ng mga lumang papeles at natagpuan ko itong si Lope K. Santos (1879–1963). Si Santos, na isa sa mga dakilang tao na maipagmamalaki ng Pasig, ay mahusay na makata, nobelista, kritiko, sanaysayista, editor, dalubwika, organisador, at peryodista. Bukod dito’y naging gobernador din siya ng lalawigang Rizal (1910–1913) noong ang Pasig ay hindi pa kabilang sa Metro Manila. Pagkaraan, nahirang siyang senador ng ikalabindalawang distrito, at umakda ng mga batas na nagpapahusay sa kalagayan ng mga manggagawa.

Masinop si Santos sa wika at sa pagkasangkapan ng mga talinghaga. Kahit ang simpleng tula hinggil sa kaniyang bayan ay nalalangkapan ng pagbabalik sa kasaysayang mahirap matagpuan sa kanonigong kasaysayang malaganap sa bansa. Heto ang isang halimbawang tulang pinamagatang “Pasig” (1930) na naglalangkap ng alamat, kasaysayan, pag-iral, at pangarap upang ang kinabukasan ay maging maaliwalas para sa lahat ng Pasigenyo:

PASIG

1 Aywan ko kung ikaw’y sa bundok na anak,
o kung bumukal ka sa tiyan ng dagat;
pagka’t sa lagay mong mababang-mataas
atubili ako kung saan ka buhat;
marahil bunga ka nang mag-isang-palad
ang Dagat na tabang at Bundok ng ulap
kaya’t sa kanila’y namana mo’t sukat
ang yaman ng laot at yaman ng gubat.

9 Tila Diwata kang galing Pamitina’y
nanaog at nupo sa may Kapasigan;
liwayway ang buhok, ang ulo’y Santulan,
ang mahabang Ugong ay bisig na kana’t
bisig na kaliwa ang Pinagbuhatan.
Malapad-na-Bato ang isang paanan,
saka ang isa pa ay Wawang-Napindan:
magtatampisaw ka sa Buting at Bambang.

17 Ang kasaysayan mo’y pangalan mo na ri’t
nasa pamagat mo ang iyng tungkulin;
habang panahon kang bantay ay baybayin
sa gaslaw ng tubig at sumpong ng hangin;
may bisig kang bato’t may paang buhangin,
may mukha’t katawang langit ng pananim;
hinga mo’y amihan, ulan ang inumin,
at gatas ng lupa ang iyong pagkain.

25 Nguni, tumindig ka, matandang Diwata’t
magmalikmata kang bumalik sa bata;
sa pagkalupagi’y lalo kang hihina’t
laging sa Panahong mapagsasagasa;
Sa Silanga’y muling iharap ang mukha’t
sumahod sa Araw ng diwang sariwa;
ikaw’y marami pang tungkuling dakilang
sukat kapiktan mo nang di-nagagawa.

33 Dalawampu’t anim ang bayan mong anak,
tatlong daan nayon ang apo mong ingat;
sinasagutan mo ang kanilang palad,
pagka’t ikaw’y siyang magulang ng lahat;
kung ikaw ang unang hihina-hinamad
at sa pagkaupo’y bahagyang titinag. . .
ang nasasakop mong kabunduka’t dagat
balang araw’y siyang sa iyo’y lilimas.

41 Hindi na panahon ng pag-aantabay
sa dating ng mga kusang kapalaran;
ang mga himala’y huwag mong asaha’t
dina nakukuha ang buhay sa dasal;
ang awa ng Poo’y wala sa simbahan,
kundi nasa bukid, ilog, pamilihan,
sa tulo ng pawis at ulong may ilaw. . .
Sawa na ang Diyos sa mga batugan!

Isinulat ni Santos ang tula noong kapanganakan ni Francisco Balagtas, Abril 2. Binubuo ng anim na saknong ang tula, at bawat saknong ay may walong taludtod na lalabindalawahin ang pantig at isahan ang tugma. Ang unang saknong ay hinggil sa maalamat na pagtatalik ng lawa ng Laguna at kabundukan ng Rizal, na ang supling ay Pasig. Lumulusog umano noon ang Pasig sa tubig-tabang na mulang ilog hanggang lawa (na pawang tumutulong sa pagsasaka) at sa karatig nitong mga bundok na mapagkukunan ng mga aning pananim, prutas, at halamang-ugat.

Ang ikalawang saknong naman ay paghahalintulad sa isang diwata, na ang katangian ay hango sa taglay ng iba’t ibang lugar, gaya ng Bambang, Buting, Malapad na Bato, Pinagbuhatan, Santulan, Ugong, at Wawang-Napindan. Ang nasabing diwata ay tila nagmula sa Pamitinan (Montalban, Rizal) na naging makasaysayan noong himagsikan laban sa mga Kastila nang ihayag ng Katipunan ang paghihimagsik at pagsasandugo ng mga Katipunero. Susuhayahan ng ikatlong saknong ang ikalawa, na ang bawat pangalan ng pook ay isa nang kasaysayan at pinagpapala ng magandang klima, lupain, at tubigan.

Kaugnay nito, humihimok ang personang nagsasalita sa tula na huwag pumanatag sa gayong kalagayan. Marami pa umanong dapat gawin at asikasuhin. Hindi dapat maging kampante at tatamad-tamad. Kaya sa pangwakas na saknong, humihimok ang tulang iwaksi sa isip ang laging paghihintay. Huwag umano umasa sa dasal. Ang poon ay wala sa simbahan kundi nasa bukid, ilog, at pamilihan na pawang kumukupkop sa mga tao na nagsisikap at nagpapagal upang makaraos sa paghihirap. Ang ganitong linya ng panghihimok ay mahihinuhang hango sa mga aral ng Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, na nananawagan sa mga kapuwa Tagalog na umasa sa sariling sikap at hindi sa ipinangangakong langit na walang katiyakan kung kailan matutupad.

Nagkatotoo na ang tulang ito ni Santos. Ang Lungsod Pasig, na pinangangasiwaan ngayon ni Alkalde Bobby Eusebio, ay malaki na ang ipinagbago kaysa noong nakaraang panahon. Maayos ang mga pagawaing-bayan sa lungsod, mabilis ang serbisyo ng pamahalaang lokal, malilinis ang kalye, naisaayos ang palengke at iba pang impraestruktura, at sumisigla ang samot-saring negosyo, bagaman mapupuwing ang tumitinding trapiko ng mga sasakyan dahil binuksan sa apat na panig ang Pasig. Maaaring simula ito ng bagong mukha ng Pasig. Ang Pasig na lunggati ni Santos ay maaaring nagkakabuto’t laman sa ilalim ng pamamahala ni Eusebio, at tanging ang taumbayan ang makapagsasabi kung nagtagumpay o nagkulang ang nasabing alkalde.

Samantala, nagtataka lamang ako kung bakit hangga ngayon ay walang pagpapahalaga kay Santos lalo sa mga paaralang nakapaloob sa Pasig. Panahon na para muling pahalagahan si Lope K. Santos at angkinin ng mga taga-Pasig, at maaaring simulan ito kahit sa pagtataguyod ng mga silid-aklatang nakatatak ang kaniyang maningning na pangalan.

Henosidyo sa Gaza at Pananahimik ng Daigdig

Nililipol ng Israel ang mga Palestino sa ngalan ng pagsupil sa Hamas, ngunit nananatiling tahimik ang gobyernong Filipinas, gaya ng nakatutulig na pananahimik ni Pang. Barack Obama. Nang atakihin ang Mumbai, halos magkoro ang pahayag ng mga pinuno at pangulo ng iba’t ibang nasyon o bansang pumapanig sa India. Ngayon, dinudurog ng Israel ang Gaza subalit parang mga duwag na aso ang mga pinuno ng sandaigdigan sa pagtuligsa sa mabalasik na patakaran ng Israel laban sa mga Palestino.

Bumabaha ng dugo sa Gaza at nakatutuliro ang pagbabantulot ng United Nations na kondenahin ang Israel. Kinukubkob, kinukulong, at kinakatay na tila hayop ang mga Palestino at mabibilang sa kamay ang pumapalag sa gayong karima-rimarim na patakaran ng Israel. Hinahanggahan ng Israel ang tubigan, lupain, at himpapawid ng Gaza, at sino ang hindi papalag sa ganitong kalagayan? Bawat gusali, masjid, bahayan, paaralan, ospital, at palengke ay pinaghihinalaang kuta ng mga rebelde, at mahaba ang litanya ng palusot para gibain, paputukan, at bombahin ang lahat ng ito. Ang pagpapahirap ng Israel laban sa mga Palestino ay maituturing na pandaigdigang krimen sa sukdulang antas, mulang pagputol sa suplay ng tubig, koryente, at pagkain hanggang pagpigil sa paglalakbay, pagpapahayag, at paglago ng mga mamamayang Palestino.

Bakit nagbubulag-bulagan ang daigdig, kasama na ang gobyerno ng Filipinas, sa kahayupan ng Israel? Kasuklam-suklam ang patakarang pampolitika ng administrasyon ni Pang. George W. Bush na tagapag-aruga ng Israel, at kung ito ang ipagpapatuloy ni Pang. Obama ay isang masaklap na tadhana. Si Bush ay dapat ding ibilang na kasapakat sa krimeng pandigmaan ng Israel, at hindi ako magtataka kung balang araw ay sasampahan din siya ng kaso ng paglipol sa laksa-laksang Palestino, Afghan, Iraqi, Lebanes at ibang mamamayan ng daigdig na pinatay ng mababalasik na sandata at bomba na gawa ng mga Amerikano.

Maaaring ang digmaan sa Gaza ang simula ng bagong Digmaang Pandaigdig. At ang digmaang ito ay maaaring magsimula kapag kumilos ang mga mandirigma ng daigdig at bumanat sa Israel. Ngayon pa lamang, ang digmaan ay nagaganap sa cyberspace, mulang network panlipunan hanggang network ng pamamahayag. Maaaring udyok ng politika ang paglusob ng Israel sa Gaza, dahil malapit na ang halalan sa Israel. Ano’t anuman, hindi palusot ang Hamas sa kabuktutan ng Israel. Kailangang managot ang Israel sa malawakang pinsala at henosidyo sa Gaza. Kung paniniwalaan ang pahayag ni Khalid Mish’al, mawawasak ng Israel ang lahat sa Gaza ngunit hindi madudurog ang loob ng pakikihamok at hindi susuko ang mga Palestino sa paglipol at pananakop na pawang isinasagawa ng Israel.

Tampok na tula ng batang Palestino
Heto ang isang tula na binigkas ng batang babaeng Palestino, at kapag hindi nadurog ang inyong puso sa video na ito, ay wala na akong magagawa sa inyong abang kalagayan.

Wika ng Kabagsikan

Ngayong sumisiklab ang digmaan sa Gaza, makabubuting pagbulayan ng mga Filipino ang wika ng kabagsikan. Wika ang humuhubog sa kamalayan ng tao, at ang wikang ito ay maaaring magtaglay ng mga ewfemismo, tayutay, at pakahulugang nagkukubli sa tunay na pinsala, paglipol, at pagwasak sa malaking populasyon at pamayanan. Sa panig ng hukbong Israeli, ang ginagawa nila’y “precise, surgical bombing” na para bang tumitistis ng kanser ngunit ang resulta’y pagkawasak ng mga bahayan at pamayanang Palestino at pagkalipol ng daan-daang tao. May balitang ginagamit ng Israel ang “cluster bombs” o “bomblets” na kung pakikinggan ay tila di-nakapipinsala ngunit kabaligtaran ang epekto sa mga Palestino. Mapanganib ang mga cluster bomb dahil bagaman hindi ito nakawawasak ng malalaking gusali, nag-iiwan naman ito ng panganib at pinsala sa malaking populasyon ng tao at hayop dahil ang sinumang makatapak niyon ay tiyak na malalagasan ng paa, ang makapulot ay mapuputulan ng kamay o mababalian ng tadyang. Sa ibang pagkakataon, ang mga batang makatisod niyon ay maaaring mamatay sa matinding pagsabog.

Sa aklat ni Glenn D. Paige na pinamagatang Nonkilling Global Political Science (2002), idinetalye niya ang lumalaganap na kabagsikan sa wikang Ingles. Ang mga salitang karaniwang ginagamit sa isports ay nasasalin sa digmaan, at ang mga terminong pandigma ay inilalangkap sa palakasan. Mulang negosyo hanggang pamamahayag, ang wika ng kabagsikan ay matatagpuan sa Ingles na taliwas na taliwas sa wikang Filipino.

Sumasalamin at nagpapatingkad ng kabagsikan ang wika, habang nag-aambag ng diwa ng pagkalikás at di-maiiwasan. Ang ekonomiyang Amerikano ay batay sa malayang kalakalan ng kapitalismo. Sinasambit ng mga Amerikano ang “making a killing on the stock market” [pagtabo sa merkado ng sapi]. May kasabihan sa Wall Street na, “You buy when there’s blood in the streets” [Bumili ka ng sapi kapag mainit ang merkado]. At nakikipagtagisan ang mga negosyo sa “price wars” [pababaan ng presyo]. Nakabatay ang politikang Amerikano sa malaya, demokratikong halalan. Ang mga tagapagkampanya ay tinatawag na “troops” [tropa] o “foot soldiers” [kawal]. Ang mga panukalang batas ay “pinapatay”[pinawawalang-saysay] sa batasan. At ang bansa ay “naghahasik ng digmaan” laban sa kahirapan, krimen, droga, at iba pang problema. Pambansang isports ng Amerika ang beysbol. Kapag nayamot, ang mga galít na tagahanga ay nakagawiang sumigaw na, “Kill the umpire!” [Patayin ang reperi!]. Ang mga komentarista ay tinatawag ang mga tigasing koponan sa futbol na “killers” [mamamatay-tao]. Ang mga manlalaro ay tinatawag na “weapons” [armas]. Tinaguriang “long bombs” [pangmalayuang bomba] ang humahaginit na pasa. At ang mga natalong koponan ay tinatawag na walang “killer instinct” [pamatáy na bigwas]. Ipinagmamalaki ang kalayaan sa relihiyon, habang sinasamba ang Prinsipe ng Kapayapaan, ang mga Amerikano ay umaawit ng “Onward, Christian Soldiers” [Sulong, Mga Kawal na Kristiyano!] at nagbubulay sa diwa ng mga Kristiyanong Krusada at Repormasyong ang koro ay umakyat sa “hagdan ni Jacob” bilang mga kawal ng Krus.” Habang lumilipas ang panahon, ang mga libreng oras ay tinataguriang “killing time” [paglustay o pagpatay sa oras].

Bagaman nagiging maláy sa masamang epekto ng wikang mapang-aglahi at makalalaki, ang mga Amerikano ay patuloy na nagsasalita sa wika ng kabagsikan nang walang pakundangan. Ang lingguwistikong “armory” [imbakan] ng Amerikanong Ingles ay nagtataglay ng mga salitang nagpapahiwatig ng mga sandata na batid ng kasaysayan, ng mga paraan kung paano gamitin iyon, at ang mga bunga nito. Ang pagtataksil ay
”a stab in the back” [pagsakyod sa likod]; ang mga badyet ay “axed” [pinalakol; tinanggal]; ang pagtatangka ay “take a shot at it” [sumubok tumira]; ang mga diwain ay “torpedoed” [tinorpedo; winasak]; ang “oposisyon” ay tinaguriang “flak” [sandatang panlaban sa sasakyang panghimpapawid]; at ang mga bunga ng pagkilos ay tinawag na “fall-out” [radyoaktibong partikulo na mula sa bombang nuklear]. Ang mga abogado ay tinatawag na “hired guns” [asesino]. At ang magandang bituin sa pelikula ay tinaguriang “blonde bombshell” [bomba; nakagugulantang].

Samantala, ang mga bulaklak ng dila ay ikinukubli ang tunay na pagpatay. “Little Boy” ang kauna-unahang bomba atomika na inihulog ng eroplanong B–29 sa Hiroshima. Ang taguri sa eroplano ay “Enola Gay” na hango sa pangalan ng ina ng piloto. Ang bombang plutonium na “Fat Man” ay ibinagsak ng “Bock’s car” sa Nagasaki. Ang mga interkontinental na nuklear na misil na kayang lumipol ng mga populasyon sa kalungsuran ay tinawag na “Peacemakers” [Tagapamayapa]. Binaligtad ang wika ng digmaan na inilalapat sa isports, ang mga pagsasanay-militar para sa paghahandang pumatay ay tinawag na “games” [mga laro]. Ang pagpatay sa mga sibilyan o sa ating tropa habang nakikidigma ay tinatawag na “collateral damage” [pinsalang di-sinasadya]. Gaya ng ipinahayag ni dating Pangulong Ronald Reagan, “Ang Amerika ang pinakamalayong maging mapandigma, ang pinakamapayapang bansa sa modernong kasaysayan” [PBS: 1993].

Sinipi ko ito dahil ang wika ng kabagsikan ay muling nauulit mulang Wall Street hanggang Gaza. Hindi na dapat pang pag-usapan ang una, ngunit ang ikalawa ay dapat pansinin. Ipinahahayag ng Israel na “wala itong hangad na saktan ang mga Palestino, bagkus tanging Hamas lamang” subalit binobomba nito nang labis-labis ang Gaza. Biniyak nito sa dalawang panig ang Gaza, at pinasalakay ang libo-libong sundalong Israeli na tumutugis sa Hamas samantalang kinukubkob ang buong Gaza na tila dambuhalang bilangguan ng mga hayop. Kung ang pagsalakay ng Israel ay hindi henosidyo at holocaust, maaaring tawagin ito ng mga propagandista na pagsupil sa kasamaan at terorismo, na parang ang mga Palestino lamang ang may karapatang magtaglay.

May alternatibo sa wika ng kabagsikan, ani Paige, at ito ang dapat nating tuklasin. Ang wika ng kapayapaan at kawalang-dahas ay maaaring subukin, at siyang maisasaalang-alang ng mga mamamahayag at kasalukuyang henerasyon. Hindi tayo kinakailangang sumunod palagi sa wika ng Amerikano at Israeli—na malimit nakasandig sa sandata at angas—dahil ang wikang alternatibo sa wika ng kabagsikan ay maaaring makapagbuklod sa milyon-milyong tao, anuman ang lahi, kasarian, paniniwala, at kulturang pinag-uugatan nila.

Tampok na tula at video
Tula ni Um Salah Din, at kung bakit dapat pahalagahan ang mga Palestino.