Napukaw minsan ang pansin ko sa mga araling panteksbuk na nagtuturo kung paano sumulat ng balita. Maganda itong ehersisyo, ngunit sa aking palagay ay dapat ding tinuturuan ang mga estudyante kung paano sasalain ang impormasyon, at kung paano ibubukod ang propaganda na hitik sa lihis na lohika.
Maihahalimbawa ang nagaganap na sikolohikong digmaan at pambobomba ng Israel sa Gaza, na mula sa nasyong Palestine. Heto ang karaniwang linya ng pangangatwiran kung bakit pinupulbos ng Hudyong estado ng Israel ang Gaza:
(1) Terorista ang Hamas.
(2) Ang Hamas ay mga Palestino.
(3) Samakatwid, terorista ang Palestino.
Ang ganitong linya ng pangangatwiran ay maituturing na mapanlagom at baluktot. Bagaman ang Hamas ay binubuo ng mga mamamayang Palestino, hindi naman lahat ng Palestino ay kabilang sa Hamas. Maaaring sinusuportahan ng masang Palestino ang Hamas dahil posibleng kumakatawan ang nasabing organisasyon sa lunggating kasarinlan ng estadong Palestino. Ngunit ang pagturing na terorista ang lahat ng Palestino at dapat ubusin ang lahi o pawiin sa lupaing ibig angkinin ng Israel ay isang kabulaanan.
Heto ang isa pang aspekto ng digmaang Palestine at Israel:
(1) Binobomba ng Hamas ang Israel.
(2) Kailangang ipagtanggol ng Israel ang mga mamamayan nito.
(2) Samakatwid, dapat pulbusin ang Gaza nang mapigil ang Hamas.
Ang katwiran ng “pagtatanggol sa sarili” ay dapat sinisipat sa higit na malawak na pakahulugan, ayon sa itinatadhana ng saligang batas ng United Nations ngunit tahasang nilalabag iyon ng Israel na suportado ng United States at United Kingdom. Kakatwa ang “pagtatanggol sa sarili” ng Israel, yamang ang Israel ang sinisipat ng mga Palestino na mananakop at mangangamkam ng lupain. Ang paniniwalang ang Hamas ay mistulang uod na umuuk-ok sa hanay ng mga Palestino at siyang dapat tanggalin ay isang malaking pagkakamali. Bago pa man sumilang ang Hamas pagkaraan ng PLO ay nilulupig na ng Israel ang mga Palestino. Hindi rin isinasaalang-alang sa gayong pangangatwiran ang mahalagang papel na ginagampanan ng Hamas upang maging tinig, tagapagbuklod, at tagapagsulong ng lunggating Palestino. Iba ang kalagayan ng publikong Palestino sa publikong Hudyo. Nakalalamang ang mga Hudyo dahil higit silang armado at kompleto sa pondo at impraestruktura upang pangalagaan ang sarili. Samantala, mga dukha ang Palestino na marahil ang maigaganti lamang ay pagpukol ng bato at pagbibitiw ng pinakamabagsik na mura at hindi totoong pulos raket ang iniimbak nila para paliparin tungong puso ng Israel.
Ang pagdurog sa Gaza, at sa pangkalahatang Palestino, ay hindi lamang nagaganap sa pamamagitan ng dahas ng militar at pananakop. Pinipiga ang buhay ng mga Palestino sa pamamagitan ng mabalasik na ekonomikong embargo; nakamamatay na pagkubkob sa buong baybayin at lupain; pagpigil sa mga mamamayan na malayang makapaglakbay at humingi ng tulong medikal; pagdakip, pagpaslang, at pagpapatalsik kahit sa mga halal na pinuno; pag-angkin ng mga Israeli sa lupaing dating saklaw ng mga Palestino; pagpapahinto ng mga transaksiyon sa pananalapi at pondo; pagwasak sa mga paaralan at pagbilog sa kamalayan at isip sa pamamagitan ng propagandang militar ng Israel; at malawakang paninindak na titirahin ng misil o huhulugan ng bomba ang mga bahayan at komunidad na Palestino, at iba pa.
Paano pinangangatwiranan ang ekonomikong embargo laban sa mga Palestino?
(1) Tumatangkilik sa terorismo ang pamahalaang Palestino.
(2) Kailangang ipataw sa mga Palestino ang ekonomikong embargo.
(3) Mangmang kasi sa pamumuno ang mga Palestino.
Sa ganitong linya ng pangangatwiran, ipinamumukha ng Israel na nasa panig ito ng “kabutihan” samantalang ang Palestine ay nasa panig ng “kasamaan.” Mapanganib ang ganitong tindig, dahil nagagamit ang salita at pagpapakahulugan alinsunod sa mayhawak ng kapangyarihan na sa pagkakataong ito ay pabor sa Israel. (Hindi patas ang turing sa Palestino at Hudyo, na ang Hudyo ang waring may karapatan lamang maghari.) Ang ekonomikong embargo ay maituturing na isang tugong pandigma, at humahangga sa henosidyo, na pumupuksa hindi lamang sa pamunuang Palestino kundi maging sa karaniwang masa. Ipinapalagay dito na kapag pinuksa ang pangkalahatang Palestino, mapupuksa rin sa bandang huli ang mga armadong organisasyong gaya ng Hamas, Fatah, at PLO (Palestinian Liberation Organization). Na isang kaululan.
Mabalasik ang propaganda ng Israel laban sa mga Palestino, at maraming aral ang matututuhan ng mga Filipino kahit sa pagmamasid o pagbabasa. Ngunit hindi rito dapat magwakas ang lahat. Kailangang makilahok kahit ang mga makabayang Filipino nang maihinto ang madugong pananakop at henosidyong ipinakakalat ng Israel sa Gaza. Makabubuti ring magpahayag ang gobyernong Filipinas laban sa kolonyalistang patakaran ng Israel na labis ang balasik laban sa mga Palestino. Habang tumatagal ay naiipit nang naiipit ang karaniwang mga Palestino, at maaaring ang susunod na intifada ay hindi na lamang magwawakas sa loob ng Israel kundi maging sa mga lungsod ng mayayamang bansang pumapabor sa marahas na patakaran ng pananakop at digmaan.
PAHABOL:
Magaling na propagandista ang gaya ni Condoleezza Rice, at bilang tagapagsalita ni Pang. George W. Bush, ay mababatid natin kung bakit dapat isumpa sa sukdulang pakahulugan ang makahayop na trato sa mahihirap, mahihinang tao at nasyon. Halatang kampi si Rice sa Israel, ngunit waring hindi siya pinakikinggan ng mga Palestino na “hostage” umano ng Hamas. Ang maiitim na propaganda—na mahihinuhang nakatuon sa internasyonal na komunidad—ang dapat ibunyag sa madla, at pagbulayan din ng madla, nang maibukas ang paningin nito sa anumang baluktot na patakarang dapat ibasura ng sinumang pinuno sa pandaigdigang antas.