Isang Taon ng Alimbukad

Nakatataba ng puso ang pagsusulat sa Alimbukad, at hindi ko inaasahang makaaabot ito ng isang taon. Aaminin kong napilitan lamang ako noon na magsimula, dahil sa udyok ng mga kaibigang gaya nina Anwar at Christopher na pawang batikan sa kompiyuter. “Bakit di mo subukin?” untag nila sa akin. “Baka yumaman ka, at sumikat. . . .”

Siguro’y nakilala ako nang kaunti dahil sa blog ko, ngunit hindi naman ako yumaman dito. Ang tanging yaman na naibigay ng Alimbukad sa akin ay bagong kakilala, kaibigan, at kapanalig—na naniniwala pa rin na may maibubunga ng mabuti sa kapuwa at paligid ang pagsusulat at pakikipagtalastasan sa Filipino.

Sabihin nang mapanganib na gawain ang pagsusulat. Kayayamutan ka at isusumpa dahil sa iyong mga banat, at kulang na lamang ay sirain ang iyong blog at bagsakan ka ng bomba atomika. Ngunit gaya ng iyong minamahal na kasintahan, babalikan mo ang iyong blog upang makipaghuntahan, makipagharutan, makipagbuno, makipagniig, at magluwal ng mga diwaing maaaring magpabago ng iyong sarili.

Naibigan ko rin ang blog dahil naging alternatibo ko itong kolum, imbes na makipagsiksikan ako sa diyaryo. Maraming magaling sumingit sa diyaryo kaysa mahusay magsulat, at naisumpa ko na ang pagkokolum sa diyaryo maliban na lamang kung babayaran ako nang malaki-laki. Naniniwala ako sa malimit sabihin ni Adrian Cristobal noon, na mas mahirap magsulat sa Filipino kaysa Ingles, kaya dapat mas malaki rin ang bayad sa Filipino kompara sa Ingles. Pero siyempre, Inglesero si Adrian, na kung sumulat sa Filipino ay pinong-pino ang satira kompara sa Ingles.

Natuklasan ko na sa pagsusulat ng blog ay hindi kinakailangang magpasirko-sirko, at maglantad ng bituka para mapansin. Hinahanap pa rin ng mga tao ang matitinong artikulo na hindi karaniwang mababasa sa mga pahayagan, magasin, at aklat. Ang kinakailangan lamang ay matagpuan mo ang iyong tumpak na puwang, at kung paano ka magtutuon doon na parang iyon ang pinakamagandang pangyayari sa mundo.

Sinasabi ng iba na kailangang maikli lamang daw ang artikulong dapat ilabas sa blog para basahin. Hindi ako naniniwala rito. Sa aking karanasan, ang mahahabang artikulo ko na pawang may malalalim na talakay sa isang paksa ang malimit binabasa ng kung sino-sinong tao mulang Filipinas hanggang iba’t ibang bansa. Bukod dito’y binabalik-balikan ang naturang mga akda, at ito ang nakatutuwa.

Hindi rin laging totoo na ang pagsikat ng blog ay nakasalalay sa grapiks, disenyo, retrato, video, at iba pang imahen. May ibang blog na ang husay ay nakasentro sa pagdidisenyo. Ngunit ang ibang blog ay naglalako ng kaisipan, kuro-kuro, saliksik, at tuklas, at hindi nito kailangan ang magpaganda sa panlabas na anyo dahil ang ganda ng blog ay nasa panloob na pagdulog. Ang pagtatasa, kung gayon, sa dalawang uri ng blog ay dapat magkaroon ng bukod na batayan, lalo sa pagrerepaso at pagbibigay ng gawad o parangal.

Bawat blog ay may tinutugong pangangailangan. Kung mahusay kang kusinera, magblog ka tungkol sa iyong resipi at huwag mangopya sa iba. Kung karpintero ka, magtuon ka sa pagbubuo at pagkukumpuni ng bahay. Kung modelo ka, magbigay ka ng tips sa pagpapaganda. Kung estudyante ka, magsaliksik ka ng mga gimikan at ibang alternatibo ng pag-aaral. Kung tambay ka, isalaysay mo sa pambihirang pagmamasid ang mga bagay-bagay na hindi napapansin ng mga tao na abala sa trabaho at pagpapayaman. Ano man ang iyong pinanggagalingan ay bukal ng karanasan na maaaring makapukaw ng interes ng ibang tao. Ang problema’y kung nais mong magmadali kahit padaskol-daskol ang pagsulat, at sa iyong pagmamadali ay mangongopya ka lamang ng ibang akda kahit labag iyon sa karapatang-isip ng iba.

Nakabubuti ang pagkawing sa ibang blog. Ngunit ang pagkakawing ay dapat aktibo, dahil hindi lamang dapat ikaw ang binabasa kundi nagbabasa ka rin ng ibang blog upang mapag-aralan mo ang kahinaan at kalakasan ng iyong mga kasabayan. Tanggalin ang hiya, at magbigay din ng puna sa ibang blog. Subukin mo ang ginagawa ng iba. At gawin ang hindi pa nila nagagawa.

Mahusay na makinarya ng propaganda ang blog, at ito ang mapapansing ginagamit ng mga network ng telebisyon, pahayagan, at publikasyon. Ngunit magagamit din ang blog sa maláy na diskurso, at paghahatid ng mga edukadong opinyon. Naniniwala ako na ang gayong tungkulin ay hindi lamang mailalapat sa larang ng politika, edukasyon, at kultura. Magagamit din iyon sa pagsusuri ng anime, sa paglilinaw ng pananaw ng mga artista, sa pagbubuklod ng mga migranteng manggagawa, sa pagpapalaki ng mga anak, sa pagtuturo ng sining ng tato at ambigram, sa pagtangkilik ng mga produkto at serbisyo, sa paggabay sa mga turista at konsumidor, sa pagpapakilala ng mga nobelang di-kumbensiyonal, sa pagpapalawig ng pananampalataya, sa pagpapalalim ng relasyon sa kapuwa, at iba pa.

Higit sa lahat, naniniwala pa rin ako sa kakayahan ng Filipino sa wikang Filipino. Inaakala ng iba na limitado ang iyong mambabasa kapag nagsulat ka sa Filipino. Hindi ito totoo. Mahahanggahan lamang ang blog mo sa abot ng iyong katangahan, at ang wika ay hindi kailanman magiging sagka upang ikaw ay matuklasan ng iba. Maraming blog ang nasusulat sa Ingles ngunit kapag tiningnan mo ang bilang ng mga bumabasa ay kakaunti lamang, at dinadaig pa ng nasusulat sa Filipino. May kaugnayan marahil dito ang pagdulog, paksa, at nilalaman, at hindi basta karaniwang pagdulog, paksa, at nilalamang alam na ng lahat.

Nais kong magpasalamat sa pamayanan ng WordPress na kinabibilangan ng mga kapuwa ko blogista. Ang pagsusulat ay isa nang kolektibong gawain ngayon, at hindi na lamang maikakahon sa indibidwalistang pagdulog.

Pinapangarap kong dumami sa lalong madaling panahon ang magsusulat ng matitinong blog sa wikang Filipino para sa mga Filipino at hindi para kausapin lamang ang mga dayo. Marahil, darating ang araw na ang blog ay magiging asignatura sa mga paaralan, at magiging lunsaran ng diskusyon ng mga estudyante at guro, at ito ang magpapabago ng timbangan sa loob ng paaralan. Mapipilitan ang mga guro na sumabay sa pagbabago, at hihingi ng tulong sa kanilang administrasyon, na sasangguni o sasandig sa Departamento ng Edukasyon, hanggang ang DepEd ay mapilitang humingi ng tulong sa Kongreso at Punong Ehekutibo. Kailangang maging tinig ng Filipino ang blog, at dapat iwaksi na ang paniniwalang ang blog ay para lamang sa kung ano-anong tsismis, kalibugan, at kabalbalan.

Maaaring matagal pa iyon, kaya samahan muna ninyo akong ipagdiwang nang tahimik ang unang kaarawan ng aking minamahal na Alimbukad.

Advertisements