Karapatang Mabuhay, Karapatang Mamatay

Nakasaad sa Universal Declaration on Human Rights [Pandaigdigang Pahayag sa Karapatang Pantao] ang “karapatan ng sinumang tao na magtamo ng buhay, kalayaan, at seguridad” (Artikulo 3). Ngunit paano kung nais ng tao na mamatay sanhi ng karamdaman at iba pang pinsala, at nais lumaya mula sa matinding sakit na hindi lamang madarama ng maysakit bagkus pati ng kaniyang kaanak, kaibigan, at kasama?

Totoong napakahirap magsilang ng anak, at ang pagsisilang ay laging kaugnay ang sakit ng kalamnan, bukod sa kirot na gumagapang sa isip at puso. Ngunit pagkaraan niyon ay may katumbas na ginhawa, ang ginhawang masilayan ang sanggol, at palakahin ang sanggol tungo sa ganap na pagkatigulang.

Sa kabilang dako, napakahirap ding mamatay. Mahirap mamatay kung ang isang tao ay dumaraan sa yugto ng unti-unting pagkaupos, na maaaring magsimula sa pagkakasakit, pagkakaratay, pagkainutil, at pagkagulay. Ang sakit na madarama ng pasyente ay hindi lamang pisikal, bagkus kaugnay din ng mga aspektong pandamdamin o pangkaisipan. Ang gayong pangyayari ay maaaring tumulay kahit sa kaniyang mga kaanak o kaibigan, na makalalasap ng matinding pamimighati, kung hindi man pagkadurog ng puso.

Ang kamatayan, kung gayon, ang susi ng pagpapanumbalik ng ginhawa.

Isang kaso si Eluana Englaro, 38, na naging paksa ng mainitang pagtatalo sa Italy. Naaksidente si Englaro may 17 taon na ang nakararaan, at pagkaraan niyon ay naging gulay ang kaniyang katawan na ang tanging bumubuhay ay tubong pinaglalagusan ng pagkain. Nais ni Englaro na tanggalin na ang tubo na nakakabit sa kaniyang katawan at hayaan siyang mamatay. Ngunit tutol ang mga moralista, politiko, at alagad ng simbahan, dahil ang gayong hakbang ay isa umanong krimen ng pagpatay.

Kung ang sanggol ay walang opsiyon kung sino ang kaniyang magiging mga magulang, maisisilang siya alinsunod sa itinatakda ng tadhana, at kung papalarin ay mabubuhay sa tulong ng panghihimasok na pangmedisina. Ngunit ang tao na dumaranas ng matinding karamdaman ay maaaring may opsiyon, at ito ay ang piliing yumao nang magaan at mabilis upang maibsan ang matinding paghihirap na nadarama niya at ng kaniyang kaanak, kaibigan, o kakilala.

Ang pagpili na mamatay sanhi ng mabibigat na kaso ay usaping moral na magtatagal sa ating piling. Ang uri ng kamatayan ay dapat may pagsangguni sa tao na dumaranas ng karamdaman o pinsala o labis na katandaan, at ito sa aking palagay ay dapat hinahayaan sa panig ng tao o pamilyang sangkot. Totoong mabigat ang kamatayan. Tuwing may mamamatay na kakilala mo, may isang bahagi rin ng pagkatao mo ang nalalagas at namamatay, dahil ang tao na yumao ay naging bahagi ng buhay mo.

Ngunit kailangang tanggapin ang lahat. Kung ang pagsilang ay simula ng buhay, ang pagkamatay ay maituturing na wakas, samantalang nananalig ng resureksiyon sa ibang yugto o pagkakataon. Ang pagpigil sa pagdatal ng kamatayan, sa pamamagitan ng interbensiyong medikal, ay maituturing na pagsagka sa daloy o siklo ng buhay, at lumilihis sa itinatakda ng kalikasan.

Ang pagpili na mamatay, ayon sa kagustuhan ng tao, ay dapat nang isaalang-alang ngayon. Huwag isiping isang uri ito ng baliw na pagpapatiwakal, bagkus maláy na pagpapasiya upang pasukin ang bagong dimensiyon—na ipagpalagay mang langit o impiyerno—ay tiyak kong maghahatid ng paglisang may dangal, dahil mapipili mo ang wakas bilang kawangis ng Maykapal.