Maaaring ang larawan sa salamin ang larawan ko na gumagalaw gaya ng aking paggalaw. Gumagalaw ang larawan alinsunod sa bilis ng liwanag na pumapasok sa aking balintataw, at maglalagos ang mensahe tungo sa salaan ng pagtanaw, hanggang lumapag sa utak at kolektibong tau-tauhan.
Kakaway, sisigaw, at maglalakad ang larawan sa salamin. At ang salamin ay magpapabalik ng anyo sa tulad kong nananalamin. Mamamalikmata ang tumitingin, at wari bang ang salamin ay magkakaroon ng sariling katauhan. Kikislot ito gaya ng karaniwang tao, at magtatalumpati sa harap ko. Matutuklasan ko ang salamin na kumakawala sa aking de-kahong pananaw, at iiwan ako mula sa aking kinatatayuan.
Ang larawan sa salamin ay magiging salamin ng larawan ng aking pananaw. Ngunit darating ang sandali na mabubuhay ang salamin nang hiwalay sa akin, nang tiwalag sa daigdig, nang bukod sa uniberso ng liwanag at dilim.
Magiging palaisipan ang pagitan ng salamin at nananalaming larawan.
Ang salamin ay magwawakas sa pagiging salamin lamang, alinsunod sa aking pagkakasagap. Ang salamin ay tititig sa akin, at makikita sa aking mga mata ang kaniyang hulagway, na animo’y kagila-gilalas at umaatungal na halimaw, na ikasisindak ko. Hanggang magsisigaw ako’t lumayo, at isumpa ang araw ng aking pagkamangha at pagkabaliw mula sa makasariling pagkahumaling.