Pag-ibig

1.
Tagak sa gitna ng putikan ang maglalaro sa iyong guniguni. Lilipad ang ibon at darapo sa iyong balikat. Mapuputikan ang iyong balikat, at ang iyong balikat ay waring likod ng matandang kalabaw na nalulungkot dahil nawawala ang kaibigang kalakian.

Maghahanap ng paraan ang iyong utak upang itumbas ang tagak na umaalo sa kalabaw na sumusuwag naman sa mga pesteng lamok at langaw. At tatawagin mo itong pangungulila.

2.
Mapapailing ka. Kukusutin mo ang paningin, at animo’y nalipat ka sa mahaharot na silid at malalanding himig. Darating ang serbidor at maghahatid ng mamahaling alak. Lulunurin mo ang sarili sa pambihirang espiritu, ngunit habang tumatagal, ang nalalasing ay ang mga tao sa silid at hindi ikaw. Mawawala sa tono ang musika, at mapapahalakhak ka.

At lalabas ka ng silid na hinahanap ang pag-ibig na nagkatawang tao na handang magsabi ng totoo at totoo lamang, baligtarin man ang mundo.

3.
Minsan, sumakay ka ng eroplano. Nang buksan mo ang bintana upang tanawin ang mga ulap, nakita mo ang samot-saring mukha. Ito si A, ito si B, ito si C, at magwawakas ang alpabeto ng mga pangalan nang hindi mo matatagpuan ang tao na inaasam.

Malupit ang gunita, at kahit ang mga payak na bagay ay nagkakahubog ng makukulay na hulagway upang halinhan ang naglaho at hindi na, hindi na muling magbabalik.