Malaking sakit ng ulo ng mga lokal na pabliser sa Filipinas ang pagpapalawak ng saklaw ng impluwensiya upang maipalaganap nang mabilis, matipid, at maayos ang mga aklat, lalo na ang mga tinaguriang akademikong aklat. Mayorya ng mga aklat sa mga pangunahing pamilihan ng aklat sa Filipinas ay mula sa Estados Unidos, at naglalagay sa panganib sa ekonomikong estado ng mga lokal na pabliser. Samantala, ang pagpapalaganap ng aklat ay pinagtutuunan din kahit sa labas na ng Filipinas, gaya ng paano makararating ang mga aklat natin sa buong Asya tungong Europa at Estados Unidos.
Sa artikulo ni Colin Leslie Day, na pinamagatang “Publishing in English: Resisting the Centre, Preserving Asian-ness” (2008), binanggit niya ang ilang hadlang sa daloy ng literatura sa buong mundo. Ang agos ng mga aklat, aniya, ay palaging nagmumula sa Gitna (na kumakatawan sa Estados Unidos at isama na ang United Kingdom). Ang tinagurian niyang nasa Gilid ay ang iba pang bansa. Ikinatwiran niya na ang mga akademikong akda mula sa Gilid na nakapapasok sa internasyonal na antas “ay sinasalà at binabago upang maging kaaya-aya sa mga mambabasa na nasa Gitna.” Kumbaga, makapapasok lamang ang Asyanong akda sa Amerika kung magiging katanggap-tanggap sa mga Amerikano. Sinipi pa ni Day si Chen Kun-Hsing at winikang “ang kasalukuyang sistema ay nagpapasigla lamang sa gahum ng mga diwaing Amerikano.”
Kung ano ang makapupukaw ng pansin sa mga iskolar mula sa Kanluran, aniya, ang tanging mailalathala sa Gitna. Inilista pa ni Day ang kalakaran sa sistemang dominado ng Gitna: ang pagtatakda ng pamantayan sa mga paksa, metodolohiya, at materyal na dapat pag-aralan ng mga iskolar mula sa Gilid at siyang katanggap-tanggap doon sa Gitna. Halimbawa, ang paksa ng pag-aaral ay dapat interesente para sa mga Amerikano kahit kasumpa-sumpa para sa pinagmumulang bansa ng isang iskolar na ipagpalagay nang Filipino. Kaugnay nito, ang metodolohiya at pagdulog ay umaayon dapat sa isinasagawa ng mga Amerikano na kayang unawain ang akdang mula sa Gilid. Dapat umiwas din ang sinumang iskolar mula sa Gilid sa paggamit o pagpapaliwanag ng anumang bagay na hindi pamilyar ang mga Amerikanong iskolar.
Pinuwing din ni Day ang kalakarang ipinatutupad ng mga awtoridad ng mga unibersidad: Ang pagtatasa sa tagumpay ng iskolar, kagawaran, at unibersidad alinsunod sa [dami at kalidad ng] publikasyong internasyonal ay nagpapabawa sa pag-aaral ng mga lokal na usapin at problema. Ang ganitong tindig ay unang binanggit ni Ramon Guillermo sa kaniyang akdang “Toward a Filipino-Language Philippine Studies Project” (2008). Sa Unibersidad ng Pilipinas, ani Guillermo, nasasagkaan ang anumang munting tagumpay ng wikang Filipino sa mga patakarang gaya ng International Publication Awards na nagbibigay ng pabuyang P55,000 sa sinumang iskolar na makapaglalathala sa internasyonal na publikasyong de-reperi. Nakakiling aniya ang promosyon at panunungkulan ng kawani tungo sa internasyonal na tagumpay at publikasyon kaysa sa kahalagahan ng naturang pag-aaral sa pambansang pangangailangan. Ang pagsunod sa padron ng Anglo-Amerikanong modelo, ani Guillermo, ang nagpapatindi ng Eurosentrikong bigkis sa akademikong produksiyon, gaya ng UP na naghahangad ng gayong pagkilala.
May ilang mungkahi si Day upang malutas ang mga naturang suliranin. Una, ang pagpapalaganap ng mga aklat sa mga bansang tinaguriang nasa Gilid, imbes na magtuon sa Gitna na kumakatawan sa Amerika. Ikalawa, magpakalat ng aklat nang di-sinasalà. At ikatlo, ibaba ang hadlang hangga’t maaari sa kapuwa pagsusumite at pagkuha ng manuskrito o akda, i.e., mulang awtor hanggang pabliser at mulang pabliser tungong awtor. Ang mungkahi ni Day ay nagbubukas ng posibilidad ng internasyonal na network ng mga pabliser na ang bawat lokal na pabliser ay hahayaang ilimbag ang anumang nagmumula sa labas ng bansa.
Maganda sa unang malas ang naturang mungkahi, ngunit ang sinasagot lamang niyon ay ang usapin ng pagpapakalat at pagpapalimbag ng mga aklat. Hindi sinasagot ng panukala ni Day kung paano palalakasin ang mga lokal na awtor na dapat na sinusuhayan ng mga institusyong pribado at gobyerno, at kung paano lilihis sa nakababatong sistemang padron ng Anglo-Amerikano. Mahihinuhang nakatuon ang panukala ni Day sa mga pabliser na nakaungos na nang malaki at malawak ang network sa ibang bansa, na handang magtaya sa panukalang “print on demand” [maglimbag alinsunod sa hinihingi ng merkado]. At hindi nito isinaalang-alang ang kalagayang ekonomiko at panlipunan ng gaya ng Filipinas.
Sa Filipinas, ang distribusyon ng mga aklat ay nakasentro sa malalaking pamilihan gaya ng National Bookstore na tinatayang may 300 sangay sa buong bansa. Bukod dito ang iba pang aklat-tindahan na kumakatawan sa mga partikular na larang o interes. Ang di-tradisyonal na distribusyon ng mga akademikong aklat ay masasabing direktang pagtungo ng mga aklat-representante doon sa mga paaralan at unibersidad, at ilalako doon ang listahan ng mga aklat o babasahing maaaring maging sanggunian ng mga estudyante at guro. Kung paniniwalaan ang winika ni Antonio Calipjo-Go, nagaganap ang suhulan sa antas ng administrador na magpapahintulot o sasang-ayon kung ano-ano ang mga aklat na bibilhin sa mga pabliser. Nagbibigay umano ng pabuya ang mga pabliser doon sa mga paaralan o unibersidad na tumangkilik ng mga aklat, at kabilang dito ang pagbibigay ng bentilador, erkondisyoner, muwebles, at iba pang kagamitan sa paaralan.
Ang pagbabago sa kalakaran ng paglalathala ay maimumungkahing dapat simulan sa mga institusyong pang-edukasyon, mulang CHED at DepEd hanggang unibersidad at paaralan sa iba’t ibang rehiyon. Kailangang matauhan na ang mga awtoridad sa pagbubuo ng mga pamantayang angkop para sa mga Filipino. Kung ang susunding pamantayan ng pagkilala, promosyon, at paghirang ay laging iaayon sa modelong Anglo-Amerikano, ang pambihira’t malikhaing pagdulog ng mga manunulat at iskolar na Filipino ay masasagkaan, kung hindi man ganap na mababansot.
Kaugnay ng binanggit sa itaas, ang publikasyon at pagbubuo ng mga literatura ay dapat isaalang-alang ang potensiyal na halaga nito sa pangangailangan at lunggati ng mga Filipino. Ang mga akda ay marapat sulatin sa punto de bista ng Filipino, at hangga’t maaari sa wika nito, nang hindi matiwalag ang bumabasa at manggaya lamang na parang loro sa iba. Bagaman magandang isaalang-alang ang network o merkado sa Asya, ang dapat munang ayusin sa Filipinas ay ang masinop, mabilis, matapat, at epektibong makinarya at network sa pambansa, panrehiyon, panlalawigan, panlungsod, pangmunisipalidad, at pambarangay na antas mulang paglilimbag at paglalathala hanggang pagpapalaganap at promosyon ng mga akda. Walang ganitong sistema sa buong bansa. Wala ring masasabing industriya ng aklat sa Filipinas, maliban sa industriya ng teksbuk at pahayagan. Kung makikilahok lamang ang bawat pamahalaang lokal, ang pagsusulat, paglilimbag, paglalathala, pagpapalaganap, at pagtatampok ng mga aklat o iba pang babasahin ay mapabibilis, na higit na epektibo sa paghahatid noon ng mga komiks at pahayagan. Maisasaayos din ang pagtanggap ng mga donasyon ng aklat. Sa Filipinas, inuuna palagi ang pagtatampok ng mga aklat ng Amerikano imbes na unahin ang Filipino. Ni hindi man lang iniaangal ng isang lalawigan kung maging basurahan ito ng mga patakbuhing aklat o babasahing itinatapon ng Amerika o Europa.
Kailangan ding magkasabay na gamitin ng Filipino ang teknolohiya ng internet at ang tradisyonal na paglilimbag, paglalathala, pagbibili, at paghahatid ng aklat. Kailangan ng pamahalaan na pabilisin ang pagtataguyod ng mga sistema ng telekomunikasyon at transportasyon sa buong bansa, upang ang anumang kakulangan sa palimbag na teksto ay matugunan ng tekstong elektroniko o digital. Ang kakulangan sa teknolohiya ay mababatid kapag sinarbey ang lahat ng lokal na pabliser sa buong Filipinas. Kailangan kung gayon ng tulong muli sa pamahalaan upang maiangat ang mga nagsisimulang tagapalathala at tagapaglimbag. Ang kahalagahan ng telekomunikasyon ay magagamit ng mga akademikong institusyon mulang hilaga hanggang timog ng bansa tungo sa ibayong dagat.
Panahon na upang isaayos ng Filipinas ang panloob na sistema nito hinggil sa paglalathala, pagpapalusog, at pagpapalaganap ng mga aklat. Panahon na rin upang tulungan ng kapuwa pribado at publikong sektor ang mga manunulat nang makalikha sila ng matitinong aklat na para sa ikagagaling ng mga Filipino, at marahil, para sa ikasusulong ng mundo ngayon at sa darating na siglo.