May ilang mito na marapat ituwid sa Aklasang Bayan sa EDSA (EDSA People Power). At kabilang dito ang paniniwalang hanggang pag-aaklas ng mga armadong kawal lamang ng pamahalaan ang magpapakiling ng timbangan sa panig ng nag-aaklas. Noong 1986, makikita sa mga mata ni Kalihim ng Tanggulang Pambansa Juan Ponce Enrile ang sindak at pagkabalisa habang katabi ang armadong si Col. Gringo Honasan, samantalang magaling magkubli sa pamamagitan ng tabako at propaganda si Hen. Fidel Ramos. Marahil batid ng dalawang lider na mapupulbos sila sakali’t sumalakay sa magkabilang kampo sa EDSA ang tropa ng pamahalaan, at kung hindi dahil sa maagap na panawagan sa radyo ni Jaime Cardinal Sin, at pagpipigil ni Pang. Ferdinand Marcos kay Hen. Fabian Ver, ay magwawakas sa madugong bakbakan ang lahat.
Pambihira ang sindak ni Enrile, at mahahalata iyon kahit sa mga alalay at kaway ni Corazon Aquino. Si Cory ay alanganing tagapagbuklod ng oposisyon, hilaw kumbaga sa sinaing, na higit na deboto kaysa pinunong aakay sa kaniyang tagasunod, at hindi siya makatatakas sa kaniyang uring panlipunang pinagmulan na muling magpapasigla sa oligarkiya. Ang pakikialam ng Estados Unidos ang isa pang nagpabilis ng pagbaba ni Marcos sa poder, at sapilitang itatakas siya at ang kaniyang pamilya upang idestiyero sa Hawai’i.
Maraming nasayang sa kauna-unahang Aklasang Bayan sa EDSA, at ang manipestasyon ay mababanaagan kahit sa administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo. Ang tunay na suporta ng taumbayan sa pamahalaan ay napabawa ng pagbabawal na magkatipon-tipon at magprotesta sa mga inaakalang maling patakaran ng pamahalaan. Ang pag-aaklas ay makukulayan ng mga bayarang tagasigaw at hakot. Nahigop ng pamahalaan ang halina ng mga dating organisadong pangkat na nakikipaglaban alinsunod sa prinsipyo, ideolohiya, at lunggati para sa makabagong Filipinas. Nabibili kahit ang pabor, tangkilik, o promosyon sa sandatahang lakas at iba pang sangay ng pamahalaan. Matutumbasan ng halaga kahit ang opinyon ng mga komentarista at mamamahayag. Magagamit ang puwersa ng negosyo upang ibagsak ang kalaban. At sa kawalan ng pag-asa ay nanaisin ng iba na mangibang-bayan upang doon magtrabaho at mamuhay nang malayo sa alaala ng pagtataksil.
Ang aklasang bayan ay dapat gunitain nang may pagtutuwid sa mali, at pagpapanumbalik sa ginhawang marapat matamo ng lahat.
Ang pagdiriwang ng Aklasang Bayan sa EDSA ay dapat wakasan ang pagbubunyi sa mga personalidad, mulang Enrile at Ramos hanggang Aquino at Sin hanggang kawal at madreng pamposter. Ang aklasan ay hindi magaganap kung wala ang sakripisyo ng taumbayan, na nagmula sa kung saan-saang uri o pook at nagsikap na magtungo sa EDSA upang pigilin ang madugong digmaang sibil. Ang aklasan ay may kaugnayan sa sama-samang bayanihan, na handang magtindig ng bagong pamunuan at palitan ang bulok na pamahalaan. Umiinog ito sa matapat at bukas-loob na pakikipagkapuwa, na idaraan ang lahat sa pakikipag-usap na magiging alternatibo sa dahas at pagpatay. Ang aklasang bayan ay pagbubuo ng lunggati para sa bayan, at upang maisakatuparan ang gayong lunggati ay kakailanganin ang bagong sibol na pamunuan na may bisyon at handang sumangguni at pumailalim sa taumbayan para sa ikagagaling ng Filipinas nating mahal.